I.
Hindi kasama sa panuto ang pagkukubli. Subalit palagiang hahabulin ng mga mata ko
kahit na ang anino mong ipinagkait ng gabi.
II.
Ang iyong lapit ay karagatan ang layo.
III.
Kahit ang nakakubling mga bato ay isinasakdal ang sidhi ng araw at pagtangis ng langit.
Dahil sa huli, kahit ang kanilang kabuuan ay masasaksihan ng mundo ang kanilang karupukan.
IV.
Naghahabulan ang ating mga mata sa kawalan hanggang sa bumalik sila sa piling ng himbing.
V.
Tinatahi ng iyong mga mata ang aking bibig sa katahimikang bago sa aking puso.
[Nangungusap ang iyong mga mata.]
Huwag ka lang pipikit sa muli nating pagkikita.
VI.
Palaging naghahabulan ang ating salita. Subalit sa tugma ng iyong pangngalan, palaging nagtatago
ang puso mo sa mga saknong.
VII.
Hinihiling kong masaling mo ako sa sa aking pagtalikod, sa hindi ko pagbaling.
VIII.
Nagsasalubong ang ating mga kamay. Umiiwas ang iyong paningin. Nagkukubli ang damdamin.
IX.
Bibilang ako hanggang kailanman.
X.
Dahil sa larong taguan ng puso, palaging ako ang taya.

My Tagalog isn’t good but I understood this. This one hurts. The last line particularly.
All pieces here are good. You have good stuff here and good writers.
LikeLike
Thank you so much, Andre!
LikeLike