Nakapiring ang mga mata sa likod ng maskara—
Ganito mo nais ikubli ang iyong pangamba.
At sa bawat yapak ng mga paroo’t paritong presensiya,
Dinig mo ang mga ibinubulong na sapantaha.
Wala kang nais bigkasin o iusal na panalangin.
Ititindig ka lamang ng nangungusap na hangarin—nang walang imik.
Bagkus, tanging ang paskil sa iyong dibdib ang siyang sasambit:
“Ako’y may pagsubok na nilalabanan. Handa mo ba akong yakapin?”
Sa saglit na pagtigil ng ilang nangagsidaan,
Nadama mo ang pagdampi ng init sa katawan.
Samantala, habang ang mundo’y abala sa pag-iral,
Batid mong ilang ulit ka ring tinalikuran.
