Hindi mo maririnig ang pagkalam ng sikmura
kung ang sa iyo’y puno at umaapaw pa
o kung di mo susubuking pakinggan ang himig sa tiyan ng iba.
Hindi mo mararamdaman ang pangamba
kung patuloy kang nananagana
sa trabaho,
sa pera,
sa pagkain sa mesa.
Habang sa iba,
wala nang natira.
Hindi ka gagambalain ng takot at pag-aalala
kung hindi ka nawalan ng pang-amoy o panlasa.
Pipiliting tanggapin ang bawat subo ng kutsara
Kakalmahin ang sarili para lamang maipikit mga matang nangangalumata
Uusal ng di mabilang na dalangin kay Bathala
“Kayo na po ang bahala?”
“Kayo na po ang bahala.”
“Kayo na po ang bahala!”
Hindi mo makikita ang paghihirap at dusa
kung di mo daranasin ang kanilang penitensiya.
Ibabalot ang sarili sa kasuotang pamprotekta,
Maglalakad nang ilang milya,
Bubuksan ang palad para sa ilang pirasong barya,
Lalagyan ng tubo para lamang makahinga.
Kung sa kabila nito’y wala kang nakita, narinig, o nadama,
marahil dapat ka nang magtanong at magtaka.
Marahil wala ka na dito sa mundo,
o nasa iba kang lupalop na planeta,
Sa planetang ikaw at ang sarili mo lamang ang tanging mahalaga.
