May lohika ang kahirapan
sa likod ng dahas ng demolisyon,
merong taktika ang mga maralita
gaano man nakakalunos –
sandata ang tae at ihi,
kahit na ang sigaw at mura.
May lengwahe ang droga,
merong kumpas ang mga kamay
at talinghaga ang mga titig.
Mga salitang hindi binibitawan
ang nagpapadulas ng oras
sa maiinit na eskinita.
Hindi naaawa ang mga tauhan
sa kanilang mga sarili,
dangal at angas ang
pampaningas sa mga berso
sa bawal na balagtasan
na may indayog ng ilaw at hiyaw
nakatago sa inangking sulok sa gabi.
Sa gitna ng makinis na kaguluhan
merong isang aklatan,
sa bahay ng isang makata na
hindi nabubuhay sa sandali.
At kung kailan sinubukan niyang lumabas
agad na pinaalala ng siyudad
na hindi mababasa ang mga pahina sa dilim.
Sa siklo ng karahasan at kasaysayan
ang mga tula ay parehong inutil at dakila.
