OVERLOAD AQ

Halos tanghaliin na ako ng gising nang maalala ko ang oryentasyon ngayon sa eskuwela. Bakas ang antok sa palubog kong mga mata, kinumbinsi ko ang sarili na huwag nang mag-atubiling kumilos upang daluhan ang nasabing programa. Hindi naman kasi para sa akin ang oryentasyon. Para sa mga kapatid ko. Sa katunayan, medyo naninibago nga ako sa pagpupulong sa umagang ito. Sa pagkakaalam ko kasi, mula nang ianunsiyo ang community quarantine anim na buwan na ang nakararaan, ang binibigyang-permiso lang na magsagawa ng malawakang pagtitipon ay relief centers.

Pagkarating ko sa gate ng paaralan, pumila ako kasama ng mga nanay na nakaabang sa pagpapapasok ng guwardiya. May ilang nagkukuwentuhan, may ibang busy kate-text. Tahimik kong pinuno ang health checklist form na ibinigay sa akin. Pagkaabot ng papel sa guwardiya, mabilis kong tinungo ang covered court sa loob.

Tulad ng inaasahan, may kalakihan na ang bilang ng mga taong nakaupo. Sa harapan napansin kong nag-aayos ng Personal Protective Equipment (PPE) ang isang babae. Siya siguro ang gurong inatasang magbukas ng programang ito. Binalot siya ng asul na equipment mula ulo hanggang paa bagaman tirik na tirik ang araw at umaalingasaw ang init sa labas. Kinalaunan, nang hindi makatiis sa lumalagos na sinag sa suot niyang face shield, isinapo ni Ma’am ang kaliwa niyang palad sa noo. Hawak ang mikropono sa kabila niyang kamay, kinumusta niya ang lahat sa pagtitipon.


“He. . . lo. . . elo. . . HELLO?”

“Yes po,” sagot ko sa selpon.

Kaunting static.

“Nakikinig po ‘ko, Ma’am.”

Static ulit.

“Hello, ma’am?”

May ilang busina akong narinig sa tawag.

Kahol ng aso.

Busina ulit.

At naputol na naman ang kabilang linya.

Ikatlong beses na namin itong pag-uusap ni Ma’am sa selpon simula nang napag-trip-an akong gawing lider ng mga kasamahan ko sa kurso. Noong una, hindi ako sang-ayon sa ganang ito. Matanda na kasi si Ma’am; napakahirap kausapin. Dagdag abalahin pa kunsakali dahil ayon sa mga kakilalang ate at kuya sa kolehiyo, marami raw paglilinaw na kailangan sa asignaturang Fil 20. At totoo naman, dahil ‘yun ang naging unang paksain namin ni Ma’am nang tawagan niya ako, isang maulang Linggo ng Setyembre, nang walang abiso.

Minsan, nagbabalik ng malinaw na paliwanag si Ma’am sa mga ibinabato kong tanong. Kadalasan masyadong magaspang ang binibitiwan niyang mga salita. Garalgal. Para akong nagka-crack ng password; nagde-decode ng kung anomang alien language ‘pag pinakikinggan ko siya.

Sa ikalawang pag-uusap namin, tinungo ko ang bakuran ng bahay. Full bar dito ang signal ng Smart. Isinalpak ko ang earphones sa magkabilang tainga. Nang dumating ang tawag, tinodo ko ang volume at inunahang magsalita si Ma’am.

“Hello, nasa labas na po ‘ko.”

May kung ano na namang umalingawngaw sa tainga.

Matinis. Wangwang.

“Ma’am?”

Ilang sandal pa at naputol ang kabilang linya.


Mahigit sampung minuto na ang nakalipas nang mapansin kong pinagpapawisan na pala ako sa kinatatayuan kong puwesto. Sa dulong kanan ng covered court, pinili kong humimpil nang hindi makulob sa mga bagong dating sa pagpupulong. Medyo inip na ako sa usad ng programa. Madalas kasing pinauulit-ulit lang ng mga magulang ang anunsiyo dahil hindi gaanong maintindihan. Pagkaraan ng trenta minutos, nagloko pa ang gamit na mic sa harapan. Tinangka ni Ma’am paganahin ang mic sa pagpalo rito. Walang himalang naganap. Nang subukan naman niyang ilakas ang kanyang boses, napipi lang ng ilang layer ng takip ng kanyang mukha ang ibinulalas niyang tunog. Napakamot ako ng ulo. Wala pala silang backup na nakahanda.

Naalala ko ang matanda kong propesor sa FEU, sa kursong Rizal, na ni minsan ay hindi pa nakapaghanda ng PowerPoint presentation para sa kanyang asignatura. Bagaman minsan may dalang laptop at nagpapatulong sa pagse-setup para sa panunuod ng dokumentaryo, naging sistema na ata ni Ser ang mala-Socratic na pagtatanong imbes umangkla sa makabagong teknolohiya. Siguro hanggang doon lang ang sakop ng kaalaman niya. Maski ako, hirap sa pagmamaneobra ng gadget. Mahirap gamayin, lalo sa pag-aaral. Kaya nang hindi inusog ng CHED ang pagbubukas ng klase sa bansa sa kabila ng pangamba pandemya, isa si Ser sa mga nagpaskil ng reklamo sa espasyo ng social media.

Sa nakaraang pag-scroll ko sa FB, samu’t-saring daing na rin ang nabasa ko mula sa di-kilala at kaibigang guro. May nakapagsabi na kinailangan niya ng donations para sa tinta’t papel. May nakapagsabi na tinanggal siya sa trabaho nang hindi nakasali sa emergency Zoom meeting ng faculty. Salitan ang angry at sad reactions sa mga paskil. Hindi ko alam kung alin sa dalawa ang pipindutin ko. Hindi makatarungang gobyerno! Inaalipin niyo ang mga guro! Basa ko sa isang shared post ni Ser. Sumama ang loob ko. Kung kilala kaming kabataan bilang pag-asa ng bayan, bakit hindi bayani ang turing sa mga gurong humuhubog sa aming kinabukasan?


Gud PM nak kaw b yan? Sent 8:43 PM

Gandang gabi rin po maam! Opo sa Fil 20 po naputol po tawag nio kanina. Sent 8:45 PM

OK bka TOM k pa mkita concerns ng class kc nasa labas aq. Sent 8:51 PM

Naku ingat po maam. Pero ask ko lang po yung readings po ba mapapadala na po tom? Sent 8:51 PM

Sinend q n CLASS TIME AND DAY of grp work need ASAP. Sent 8:54 PM

Opo maam nabasa na po namin pero wala pa po kasi yung course pack. Sent 8:55 PM

BSTA chapt 1 to 5 text A to E.. GINAGAMIT LAPTOP KC. Sent 9:01 PM

Noted maam. Tanong ko lang po sana kung makakatanggap kami ng course pack bukas kahit di buo? Andun po kasi ang reading para sa Thurs. Nagemail na po ako sa inyo tungkol dito. Sent 9:01 PM

Hello po maam? Sent 9:07 PM

Maam nagemail po ko sa inyo. Gusto nio po tawagan ko po kau now? Sent 9:10 PM

Hello po maam sori po kung nakakaabala pero pede ko po ba kau tawagan? Ok lang po kung hindi. Ingat po pauwi. Sent 9:24 PM

Nak SIRA printer sa bhay.. di mpadala course pack tom OVERLOAD AQ. Sent 11:12 PM


Hinubad ng guro ang kanyang face shield at isinantabi ang sirang mikropono sa tabi. Kalagitnaan ng programa, at walang ibang napagpilian ang mga nasa dulong hilera ng mga dumalo kundi ang lumapit sa sentro—habang nagpupursige si Ma’am na ilakas ang kanyang boses sa ilalim ng disposable face mask.

Pinanuod ko ang pag-aalangan ng ilan na lumapit sa harapan. May iba na hindi na gumalaw sa kinauupuan nila. Hindi ko sila masisisi. Sino ba naman ang nais magdikit-dikit ngayong may banta ang COVID-19? Lagpas tatlong daang libo na ang nabiktima ng virus, limampung libo ang namatay. Hindi pa kumpleto ang tala lalo at mahirap tumbukin ang mga posibleng asymptomatic carrier. Papaano kung nilalagnat na pala ang katabi mo?

Tinitigan ko muli si Ma’am. Tagaktak na ang pawis sa noo. Punas nang punas. Kamot nang kamot sa leeg. Mas lalong humina ang kanyang mga pangungusap. Nang bahagya siyang naubo dulot ng hindi maiwasang pamamaos, lumayo ang kalipunan ng mga tao sa kanya. Gusto kong isipin na hindi ito napansin ni Ma’am. O pinansin. Tuloy lang ang salaysay. Marahan. May bahaging pasigaw. Araw-araw, ganito ang normal na gawing nararanasan ko sa apat na sulok ng silid-aralan. Ang uri ng pagtuturong inaabot ang huling linya ng mga upuan—ang mga estudyanteng tulad ko. Bagot. Gustong umuwi. Siguro, gusto na rin umuwi ni Ma’am sa sarili niyang kuwarto. Ipahinga ang boses. Tipirin ang laway. Ibaluktot ang mga binti at iunat ang likod habang inaangkin ang listahan ng mga marka. Marahil katangian nga talaga ng guro ang mag-ampon. Mag-ampon ng mga papeles. Mag-ampon ng tingi-tinging chalk at pambura mula sa kabilang seksyon. Mag-ampon ng migraine. Mag-ampon ng sama ng loob mula sa mga batang gaya ko. Bagot. Gustong umuwi. Pero hindi ko naman kaedaran ang mga kaharap ngayon ni Ma’am habang pinalalawak ang diskusyon tungkol sa kasalukuyang akademikong taon. Mga magulang. Mga matatandang kaanak. At sa susunod pang mga buwan, panigurado, ang blangkong screen ng selpon at/o laptop.

Isinara ang oryentasyon matapos ng humigit-kumulang isa at kalahating oras na talakayan. Maliit ang bilang ng mga nagpalakpakan. Agad na nagsilisan ang malaking porsiyento ng mga nagsipuntahan. Nanatili ako panandali sa kinatatayuan ko. Alas onse na. Maya-maya ay kailangan ko nang asikasuhin ang Google Meeting sa aking mga asignatura.

Muli akong sumulyap kay Ma’am. Pinalilibutan na siya ng mga nanay na may dalang mga envelope at folder. Hula ko na ito ay naglalaman ng xerox ng birth certificate ng kani-kanilang mga anak na ngayon palang ipapasa. Isa-isa niya itong inabot, sinuri, at inilagay sa lamesang malapit sa kanya. At sa kada pagtanggap ng papel, pagtango nang walang pakundangan, halatang bumibigat pa lalo ang kanyang mga balikat. Gaano karami kaya ang kanyang load sa pagbabago ng moda ng edukasyon? Ilan kaya ang mga mag-aaral sa kada seksyon na hahawakan niya ngayong taon? Mapipilitan ba siyang magbawas dahil sa mahigpit na kahingian sa course pack, o dagdagan niya ba ito ng mga alternatibong pagkakakitaan sa pagkaladkad ng quarantine? Hindi na ako nabigyan ng pagkakataong sukulin ang mga agam-agam na naglaro sa isip ko. Lagpas alas onse na, at kailangan ko nang umalis bitbit aking agam-agam.

Marahil, mamayang gabi, pagkapasobra ng load sa tindahan, tatangkain ko muling kontakin si Ma’am upang tanungin naman siya kung nakauwi na ba siya sa kanyang tahanan.


Si Arthur David San Juan ay kasalukuyang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Ganap siyang kasapi ng Angono Tres-Siete Poetry Society at Hulagway Writers Group. Inilimbag ang kanyang mga akda sa Bulatlat, Bulgar Tabloid, Manila Today, Novice Magazine, Kasingkasing Press Magazine, Katitikan Journal, Abandoned Library Press International Journal, at iba pa. Siya ang may-akda ng librong “Sikreto sa Loob ng Kwarto” (8Letters, 2019).

Si Kayla Nicole Togonon ay isang manunulat, campus journalist, bookworm, at isang entrepreneur. Siya rin ang kasalukuyang ulong patnugot ng Vox Populi PH, isang lokal na plaform para sa mga batang manunulat at kritiko. Inilalaan ni Kayla ang kaniyang oras sa pagsusuri at pagluluto. Ang kaniyang column na The Wallflower ay magtatalakay ng mga opinyon at kritisimo tungkol sa pop literature at kultura. Makipagkuwentuhan kay Kayla sa Minds at MeWe.

Kwento ko lang sa Pagbuhos ng Ulan

Ala-una ng hapon ang online class namin kanina sa Philo 1. Ikalawang meeting. Bandang tanghali nag-email ang propesor na tuloy ang klase. Bagaman bahagyang humahampas ang bugso ng hangin at ambon, walang problema. Nai-setup na naman nang kaunti ang bagong biling laptop. Nalampasan na rin ang trapik pababa ng Antipolo kasama si Papa. Ready to connect na sa Wi-Fi nina Tito Erning, kamag-anak namin sa Cainta, kung saan pansamantala akong iiwan ni Papa.

Sa katunayan, malaking tulong ang pagsang-ayon ni Tito Erning na magpahiram ng internet para makasabay ako sa diskurso ng aking kurso. Hindi na kasi kaya ng basta-basta GIGA VIDEO 99 ang linggo-linggong synchronous meeting sa unibersidad. Siguro, maximum nang itinatagal ng isandaang load ang dalawang araw. Minsan nga, pitong oras lang kahit ngarag pa ang signal. At least ngayon, may pagkakataon na akong maging aktibo.

Yun nga lang, napurnada ang inaasahang pagkakataon.


Tatlong platforms ang gamit namin sa Philo 1: Google Classroom (para sa announcement at discussion), Mentimeter (para sa class poll), at YouTube (para sa lecture ng aming propesor). Walang Zoom; hindi fan si ser ng aplikasyong ito. Aniya, likhang Tsina. Hindi na ako kumibo.

Noong una, medyo hindi ako kampante sa dami ng kinakailangang websites sa nasabing asignatura. Bukod sa napakabigat na konsumo nito sa data, hindi ko rin gamay kung papaano pagsasabay-sabayin ang gamit ng mga nabanggit na platforms. At bagaman sinabi ng aming propesor na magbigay-abiso lang kung hindi kakayanin para magawan ng lusot, masyado akong mahiyain para makisuyo. Ayoko kasing nakakaabala. Alam ko namang hindi lang ako ang nahihirapan sa ganitong setup. Pangalawa, gusto kong sumali sa livestream ni ser—mabagal pa naman ako sa pickup, marami pang tanong sa course pack. May dalawa nga lang hadlang. Laptop at internet.


Nang tuluyang bumigay ang luma kong Lenovo dalawang araw na ang nakakalipas, halos hindi ko lubos maisip kung papaano magtimpi sa biro ng tadhana. Noong nakaraang linggo lang, ipinagawa ko na ang nagloloko nitong hard disk at ipinabaklas ang mababa nitong RAM. Nagbayad pa nga ako sa installation ng tingi-tinging softwares pagkatapos magpa-reformat. Tuloy, humigit-kumulang anim na libo ang naging pangkalahatan kong gastos, pakiusapan pa ang tawaran, bagaman may ilang turnilyong nawala sa laptop nang ibalik sa akin ng shop.

Tumakbo naman nang matiwasay ang gadget sa loob ng ilang oras. Sa kabila ng presensiya ng lag, nagawa kong pagtiisan ang bagal ng program. Subalit sa muli’t muling pagbagsak ng laptop dulot ng virus na himalang namugad sa desktop, ginapang ako ng pagod, galit at inis. Sa halos araw-araw na pagpapabalik-balik ko para ipaayos ang gadget, wala pa rin palang mababago ang mga di umanong technician sa bangketa ng mall.

“Kaya wala tayong choice,” paliwanag ni Papa. “Maghanap na ng bago.”

“E di nga kaya ng budget,” sagot ko.

“Hindi bale. ‘Wag kang matakot sa tagtuyot.”


Pagkarating kina Tito Erning, agad kong tinungo ang bakanteng sala at naupo sa sofa upang basahin ang notification sa selpon. Reminder sa link ng public livestream ni ser. Magsisimula in ten minutes.

Hinalughog ko ang bituka ng dala kong bag. Sa pagitan ng mga notebook, nakaipit ang balot na balot na laptop, earphones at charger. Kulang-kulang kwarenta mil din ang nagasta namin sa pagbili nito. Base sa napagkunan namin, tanging specs lang daw ng computer ang basehan ng takdang halaga. Pero sino ba naman ang hindi makakahalata na mas malaki ang naging bahagi ng pagkauso ng remote learning sa pagdoble, kundi pagtriple, ng mga bentahan ngayong quarantine? At dahil ubusan, ito lamang ang pinakamurang nakuha namin ni Papa.

Marahan kong inilabas ang laptop at ipinatong ito sa aking hita. Maingat kong binuklat ang screen at tinitigan ang sariling repleksiyon sa blangkong mukha ng gadget. Power On. Lumabas ang tatak ng HP sa gitna ng itim na screen. Ilang segundo pa at binati na ng liwanag ang aking mga mata. Bahagya akong nasilaw sa tingkad ng wallpaper. Pumpon ng iba-ibang kulay ng payong ang display.

Iginalaw ko ang hintuturo sa touchpad. Walang pag-aatubiling pinindot ang Networks. Sa listahan, bumalandra ang samut-saring pangalan ng router. Ang dami na palang nagpakabit ng linya simula nang quarantine. Scan. Sumulpot ang pamilyar na pangalan ng koneksiyon. Dahan-dahan kong itinipa ang kinabisang password dito….

Click. Mali. Ulit. Connecting…

Gusto ko sanang itanong kay Papa kung anong ibinalita niya kay Tito Erning bago siya umalis kanina. Dinig ko, may kaugnayan daw ang kwento sa amin.

Connecting…

Tungkol daw ito sa paglago ng cases sa Cainta. Partikular sa baryo, pero hindi nabanggit ni Papa kung sino. Natigilan ako. Papaano pala kung kakilala ko ang nabiktima?

Connected.

No Internet.


“Nabalitaan mo na ba, ‘Ning? Ipina-cremate na ‘yung kaklase ni Taluga!”

“O, e di ba bang bata pa nu’n? COVID?”

“Oo. Nitong nakaraan nga, nadali si Jason. Imagine, ilang taon lang ‘yung pamangkin natin.”

“Papaano mangyayari yun e ‘apakalakas ng pangangatawan nu’n? Kausap ko pa nga noong Martes!”

“I-text mo sina Carol, ‘tanong mo. Me lamay pa nga raw pero ‘alang pumunta. Siyempre, nag-iingat mga tao. Ang hirap du’n, me laman nu’ng huli mong nakita ang anak mo. Ta’s sa sumunod na linggo, abo. Di ba pati dito sa hilera n’yo ‘apakarami ring na-infect?”


Lumabas ako ng bahay ni Tito Erning pagpatak ng 12:56 PM. Suot ang face mask, salpak ang earphones at hawak ang aking selpon, itinuring ko nang permiso ang paglingon ni Tito Erning nang magpaalam akong umalis. Kailangan kong makasagap ng signal, mabilis.

Hindi ko na binilang kung ilang kanto ang nadaanan ko. Nakatuon lang ang atensiyon ko sa lakas ng mobile data, hinahagilap ang 4G. Pagkaraan ng ilang minuto, bumuhos ang mga patak na kanina pa kinikimkim ng kulimlim. Sa ilalim ng pinakamalapit na puno sumilong ako katabi ng mga kumukulubot na alupihan at nagkukumpulang kolonya ng langgam. Umalingasaw ang lupa. Tila kahingian ang mamaluktot sa pagdating ng hamog. Parang sinasabing yakapin ang sarili, bagaman hindi ko magawa dahil sinasalag ng kaliwang braso ko ang anggi. Nangangalay na nga ang kanang kamay ko sa paghahawak ng selpon nang sumulpot ang may katandaang itsura ng lalaki sa livestream, masigasig na bumabati: “INTRODUCTION TO PHILOSOPHY,” ani ser sa tainga. “Good afternoon, everyone. Attendance muna sa Classroom!”

Dinagsa ng mga komento ang live chat ng klase. Karamihan ay bumati pabalik, nagpakilala. ‘Yung iba nagpasalamat pa. Bilang ayokong magpahuli, sinubukan ko ring mag-type ng mensahe alinsabay sa tilamsik ng tubig sa screen ng aking selpon. Pahid dito, pahid doon. Hindi na mapahid ang ngiti sa mga labi ko. “Excited na po sa kurso, prop!” ang usad-pagong kong tipa sa keyboard. Subalit bago ko pa ito maipadala sa comment section, agad din akong hinarang ng text message mula sa Smart: Your data subscription has expired.

Mabilis akong inakyat ng daga sa dibdib at nagsimula akong manginig sa pagkapit ng lamig. Luminga-linga ako sa paligid.  Walang bukas na tindaha ang makikita sa lugar na ito. Anomang oras ngayon, aandar na ang klase.

Sinubukan kong bisitahin ang website ng Mentimeter subalit nanatiling puti ang pahina ng Google Chrome. Pagkabalik sa YouTube, bumalandra ang loading circle sa gitna ng video hanggang sa naglaho na rin ang mga bahagi ng application. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin o uunahin. Masyado nang mabigat ang luha ng kaulapan.

At naisip ko, habang kinukutkot ng ulan ang uluhan ko ngayong hapon: ilan kaya kaming nakikipagbuno sa kakulangan ng pribilehiyo para matuto? Hindi ko na alam kung nag-aaral pa ba ako o natatakot na lang mapag-iwanan. Ayoko nang ganito. Ayoko nang ganito.

Gusto ko nang matapos ang ulan.


Si Arthur David San Juan ay kasalukuyang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Ganap siyang kasapi ng Angono Tres-Siete Poetry Society at Hulagway Writers Group. Inilimbag ang kanyang mga akda sa Bulatlat, Bulgar Tabloid, Manila Today, Novice Magazine, Kasingkasing Press Magazine, Katitikan Journal, Abandoned Library Press International Journal, at iba pa. Siya ang may-akda ng librong “Sikreto sa Loob ng Kwarto” (8Letters, 2019).