Kulay Lila Ang Mundo Sa Hinaharap

Kulay lila ang mundo sa hinaharap
walang mga puno, mga hayop
sa mabatong kanayunan.
Nakakalason na ang hangin
sa malawak at daantaong minahan

Mahirap maging guro ng biyolohiya
sa panahong bawal magtanim,
ang klase ay pagpapaunawa na
ang mga halaman sa pisara
ay hindi kathang-isip
sa mga estudyanteng sabik na mang ibang planeta.

Bago matulog ang kanyang anak,
humiling ito na sana makakita
ng totoong singkamas, lampas pa
sa dibuho ng kanyang lolo.
Humiling din ito na sana makita
ang kanyang ama, sampung
taon nang hindi tumatanda.

Kinailangan niyang lumabas ng Maynila,
lungsod na lalo lang dumilim at sumikip,
para mapatunayan ang mito
ng mga rebeldeng namumuhay sa lupa.
Pagtapos ng maglakad bitbit ang baril
na hindi naman magamit,
nakilala niya ang kanyang kapatid
dahan-dahang lumilikha ng bagong mundo.

Lahat ng kuwento ng nakaraan
ay tungkol sa kasalukuyan.
Lahat ng kuwento ng hinaharap
ay tungkol sa kasalukuyan.

Eric Abalajon is currently a humanities lecturer at UP Visayas – Iloilo. He has previously worked as an ESL instructor in various private language schools in Iloilo City and Ontario, Canada. His zine of short fiction in Filipino, Mga Migranteng Sandali, is distributed by Kasingkasing Press. His writings, both critical and creative, are found at jacoblaneria.wordpress.com.

Mga Berso Sa Dilim

May lohika ang kahirapan
sa likod ng dahas ng demolisyon,
merong taktika ang mga maralita
gaano man nakakalunos –
sandata ang tae at ihi,
kahit na ang sigaw at mura.

May lengwahe ang droga,
merong kumpas ang mga kamay
at talinghaga ang mga titig.
Mga salitang hindi binibitawan
ang nagpapadulas ng oras
sa maiinit na eskinita.

Hindi naaawa ang mga tauhan
sa kanilang mga sarili,
dangal at angas ang
pampaningas sa mga berso
sa bawal na balagtasan
na may indayog ng ilaw at hiyaw
nakatago sa inangking sulok sa gabi.

Sa gitna ng makinis na kaguluhan
merong isang aklatan,
sa bahay ng isang makata na
hindi nabubuhay sa sandali.
At kung kailan sinubukan niyang lumabas
agad na pinaalala ng siyudad
na hindi mababasa ang mga pahina sa dilim.

Sa siklo ng karahasan at kasaysayan
ang mga tula ay parehong inutil at dakila.

Eric Abalajon is currently a humanities lecturer at UP Visayas – Iloilo. He has previously worked as an ESL instructor in various private language schools in Iloilo City and Ontario, Canada. His zine of short fiction in Filipino, Mga Migranteng Sandali, is distributed by Kasingkasing Press. His writings, both critical and creative, are found at jacoblaneria.wordpress.com.

Pamana ng Imperyo

Tinapos ang pelikula noong
nakaalis a siya sa mga isla,
pinagtagpi-tagpi para
mainam na pagtatapos
sa kanyang mga lektura
para pigilin ang pagbigay
ng kasarinlan. dagdag pa ito sa
sandamakmak na litrato
na pinagpiyestahan ng
mga sinaunang magasin.
Marahil nga kinumbinsi nito ang
mga botanteng Amerikano
na wag munang pakawalan ang
mga kumakain ng aso,
pero kahit hindi naman sila nagayuma
si Worcester, buo na ang loob ng batang imperyo.

Walang tunog ang palabas,
kailangan mong ipalagay ang mga hiyaw
ng mga manonood pagkakita
sa mga suso ng mga babaeng
nagdudurog ng kanin, o di kaya
nagsasalita si Worcester habang tuloy
ang palakasan sa kanyang likuran,
ngunit ang mga nakapalibot sa
dalawang mandirigma ay hindi gumagalaw,
hindi mo makita ang pagbuka ng
kanila mga bibig para sumigaw.
Isang kasal din ang nangyari
sa harap ng kamera, ang kumpas
ng mga gangsa siguro ang nagsagip,
nagpanatag sa mga balisang puso.

Noong lumabas ito, pinag-initan ng mga
ilustrado, sabik na sanang masalo ang estado,
pero noong napanood ito ng mga Igorot
sa unang pagkakataon pagkatapos ng sandaang taon,
mga alaala ang kanilang nasaksihan
hindi propaganda,
ekolohiya at mga ninuno
tila napakalalo na sa kanilang sarili.
Hindi dapat nagawa ang mga rolyong ito,
pero mabuti na kesa paratangang
walang kasaysayan – ito ang pamana ng imperyo.

Eric Abalajon is currently a humanities lecturer at UP Visayas – Iloilo. He has previously worked as an ESL instructor in various private language schools in Iloilo City and Ontario, Canada. His zine of short fiction in Filipino, Mga Migranteng Sandali, is distributed by Kasingkasing Press. His writings, both critical and creative, are found at jacoblaneria.wordpress.com.

Rush Hour sa Diversion Road

Tinabi ko ang sasakyan, naka-hazard
kahit hindi kailangan,
lumabas din siya agad mula sa berde
at malapad na gate,
tinatago ang pabrika sa likod.

Pumasok siya,
alas-singko bente, hinubad ang
face-mask at tinanong kung anong
oras ang labas sa hospital ng frontliner
namin sa bahay. Sabi ko, “Mamaya pa,

marami tayong oras. Ano daw ang sabi?”
Saka siya nagkwento, malumbay pero mabilis,
halatang nag-ensayo para sa mga magtatanong,
at dahan-dahan akong
lumabas sa service road.

“Work from home na lang
hanggang matapos ang Agosto,
may shuttle para sa mga may kailangan balikan,
ang health insurance isang taon pa ang itatagal,
salamat sa Diyos,
ganun din ang mga agency sa production,
naka-tatlong taon din ako doon.”

Nagbigay din ako ng mga maiikling tanong
kahit hindi kailangan.
Ang pagtigil sa katahimakan
na ang naging ayuda ko sa kanya.

Sa pambihirang pagkakataon,
kahit rush hour
hayag ang lawak ng Diversion Road
sa hapong iyon,
binilisan ko ang takbo,
kahit hindi kailangan.
Munting biyaya ng lockdown.

Eric Abalajon is currently a humanities lecturer at UP Visayas – Iloilo. He has previously worked as an ESL instructor in various private language schools in Iloilo City and Ontario, Canada. His zine of short fiction in Filipino, Mga Migranteng Sandali, is distributed by Kasingkasing Press. His writings, both critical and creative, are found at jacoblaneria.wordpress.com.

Pangitain

Kailangan lang isara
ang mga mall,
para matikman ang
pagkabalisa ng masa,

ng mga naghahabol sa
gitnang uring pantasya—

ngayong nakasuspende sila
sa loob ng bahay, at napilitan
magmasid,
agad na idineklara ang pagkansela ng taon

o ‘di kaya ang katapusan ng mundo.