Bitaw

Palayain mo sila.
Hindi ikaw ang rehas na bibilanggo sa kanila.
Hindi ka kandado na magsasara sa mga pintong malaya mong binuksan.
Hinayaan mo silang dumaan.
Hayaan mo din silang lumisan.

Palayain mo sila.
Wala kang magagawa kung ang dating sapat ay kulang na,
kung ang mga biro mo ay bangungot na lamang na ayaw nilang marinig ni makita.
Ikaw at sila ang problema pero bakit parang ikaw lang ang may sala?

Palayain mo na sila.
Higit sa lahat, palayain mo ang sarili mo.
Wag mong isiping ikaw ang mundo,
na ang lahat ay patungkol lamang sayo.
Malawak ang daigdig para makulong ka pa
sa mga paglisan at pagkawala.


Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa San Sebastian College – Recoletos, Manila. Hilig nya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.

Senses

Hindi mo maririnig ang pagkalam ng sikmura
kung ang sa iyo’y puno at umaapaw pa
o kung di mo susubuking pakinggan ang himig sa tiyan ng iba.
Hindi mo mararamdaman ang pangamba
kung patuloy kang nananagana
sa trabaho,
sa pera,
sa pagkain sa mesa.
Habang sa iba,
wala nang natira.

Hindi ka gagambalain ng takot at pag-aalala
kung hindi ka nawalan ng pang-amoy o panlasa.
Pipiliting tanggapin ang bawat subo ng kutsara
Kakalmahin ang sarili para lamang maipikit mga matang nangangalumata
Uusal ng di mabilang na dalangin kay Bathala
“Kayo na po ang bahala?”
“Kayo na po ang bahala.”
“Kayo na po ang bahala!”

Hindi mo makikita ang paghihirap at dusa
kung di mo daranasin ang kanilang penitensiya.
Ibabalot ang sarili sa kasuotang pamprotekta,
Maglalakad nang ilang milya,
Bubuksan ang palad para sa ilang pirasong barya,
Lalagyan ng tubo para lamang makahinga.

Kung sa kabila nito’y wala kang nakita, narinig, o nadama,
marahil dapat ka nang magtanong at magtaka.
Marahil wala ka na dito sa mundo,
o nasa iba kang lupalop na planeta,
Sa planetang ikaw at ang sarili mo lamang ang tanging mahalaga.


Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa San Sebastian College – Recoletos, Manila. Hilig nya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.

Hawlang Papel

Sa rehas na papel kami’y ikinulong.
Ilang Ama Namin na’t Aba Birheng Maria na rin ang aming ibinulong.
Tanging dalangin ay makalaya
Sa mga papel na animo’y tanikala
Sa propesyong pedestal kung ilathala
Mga preso kaming di makawala-wala.

Ang umaga’y gabi. Ang gabi ay umaga.
Minsan ang oras ay pare-pareho na
Subsob ang mga mata sa makinilya
Mga kamay na waring iginapos na,
Hindi humihinto sa pagbuo ng ideya.
Sana ang pagal na utak,
patuloy pa ring gumana.
Pagkat nasa unang araw pa lamang ng aralin.
May apat na araw pang bubunuin.

O sadyang ganito sa aming hawla
Mga bundok na papel ang krus naming dinadala.
Ang araw-araw naming pinitensya
Minamarkahan ng tintang pula
Kasing kulay ng dugong dumadaloy sa mga pagal naming katawan.
Mga tinta sa papel na sa gabi’y pinaglalamayan.

Kailan kaya lalaya sa papel na rehas?
Kung lugmok na ang kaluluwa’t ubos na ang lakas?
Hinahabol ang bawat paghinga
Sa silid-aralang bartolina
Tanging dalangin ay makalaya
Sa mga papel na tanikala
Sa propesyong tila isinumpa,
Mga preso kaming nais makawala.


Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa San Sebastian College – Recoletos, Manila. Hilig nya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.