Sarming

Kangina pa mabigat ang kumpol ng itim na ulap sa ibabaw ng San Jose, Llanera, at Talavera. Hindi nga nagtagal ay inugoy nang malakas na hangin ang mga payat na sanga ng sampalok at lumagitik ang mga ito, at hindi pa man nagtatakipsilim ay nagsitupi na ang mga dahon ng akasya.

Dahil sa pangyayari’y napabalikwas si Ando sa kanyang pagkakasandal sa nakakamadang sako ng palay. Agad humiwa sa kanyang isipan ang bilad na palay sa tapat ng lumang kamalig. Animo’y naisungalngal sa kanyang lalamunan ang pusong mas malaki pa sa kanyang kamao, paano ba naman kasi’y sa binilad na ito nakasalalay ang sunod na semestre ng kanyang panganay na anak.

Habang sa kanilang kubo’y natanaw na ni Kristi ang dagiming himpapawid at batid niyang hindi magtatagal ay magpapakawala ito ng sanga-sangang kidlat. Dagli niyang inutusan ang bunso niyang anak na takpan ng basahan o anumang tela ang salamin na nakasabit sa dingding nilang yari sa sawali. Naghanap ito nang pwedeng maipantatakip at nang walang makita’y dinampot na lamang nito ang itim na kamisatsino ng ama niyang si Ando. At sinunod nga niya ang utos ng ina, kinuha-hinila niya ang bangkito, pumatong dito, at ipinantakip sa salamin ang damit na hawak-hawak.

Pagkababa’y ay sinaksak ng langit ang kanilang paningin. Isang matalim na kidlat ang pinakawalan nito na sinundan nang malakas na dagundong at pagyanig. Halos maalog ang bubong ng kanilang dampa. Si Kristi’ y napakurus sa dibdib at sa hindi maipaliwanag na dahila’y sumagi sa kanyang isipan ang kabiyak na si Ando.

Makapal pa rin ang dagim at mayroon pa ring dagitab na nagsasalpukan. Tuluyan na ngang umulan. Basang-basa ang katawan ni Ando. Nakadapa ito sa bilaran ng mais at palay. Umuusok-nangitim-nasusunog ang kanyang katawan.

Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.

Ctrl + Alt + Del

Habang mahimbing sa pagkakatulog ang mundo at ang mga homong nananahan dito’y gising ako, habang kayo’y magiliw na nakikipaghabulan-nakikipaglandian sa mga persona na madalas niyong pagpantasyahan.

At habang kayo’y idinuduyan ng inyong buong araw na pagpapagal sa sanghaya ng usok na mula sa nasunog na langis at krudo ng mga sasakyang madalas maghabulan sa EDSA, ako’y gising na nangangausap sa mga dayong hindi ko naman kilala-kalahi, at matiyaga kong inaalok sa kanila ang kung anu-anong kalakal ng aking amo na ‘di ko rin kilala-kalahi.

At habang kayo nga’y nakabulagta sa kama, ako’y gising na daig pa ang makina.

At nang kayo nga’y magising isang araw na pumutok ang mga mainit-nag-aalab na gintong silahis sa Silangan, nagising-bumangon kayo sa bilang isang buong tao subalit siya namang aking ganap na paglaho sa ibabaw ng mundo.

At sa sandali ngang kayo’y gising, dama kong parang hindi na ako gaya niyo, na tao, sapagkat nawala na sentro ng naratibo at sa mga batas na itinakda ng mga kosmos at ng uniberso ng Diyos at mga Diyos.

At sa sandali ngang ako’y babalik sa pagiging ako bilang tao, nangangahulugan din ba na kailangan kong paghimagsikan ang aking ‘di nakikitang amo at sahod na nagpapaalala sa aking ako’y isang alipin tuwing kinsenas-katapusan?

Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.

Huling Hapunan

Sa may Aduas na nagkakilala sina Lilibeth at Egay. Tagahugas noon si Lilibeth sa isang klab habang si Egay nama’y serbidor sa isang karinderya. Sa tinatawag na Looban nila naumpisahang mangarap. Sa tinatawag na Looban nila natutunang abutin ang bituin. At sa bawat gabing pinagsasaluhan nila ang alay ng isa’t isa, unti-unti’y nagkakaroon ng malalim na kahulugan ang kanilang kaluluwa. At habang nalalasahan-nadarama nila ang bunga ng karnal na pag-aalay, unti-unti ring nagiging isa ang kahulugan ng pait, hirap, sarap, at ligaya sa kanila. At isang gabi nga’y narating nila ang tugatog ng sukdulan, nang masukol nila ang hanggganan ng lakas-tibay-tikas ng bawat isa, isang malalim-malakas-nakakalibog na ungol at buntong-hininga ang nagsilbing tuldok ng lahat. At pagkatapos, sabay silang nagpatianod sa uyayi ng antok sa dibdib ng mundong tila hindi napapagod sa paghele. At sa gabi ngang yao’y sino pa nga ba ang mga saksi kundi ang manipis nilang kisameng yari sa playwud, ang nakalatag na banig na nagsilbi nilang teatro, ang elektripan, ang upuang plastik, ang ilang piraso ng platito, pinggan, kutsara, at baso sa tabi ng baldeng ipunan ng tubig sa ibabaw ng hugasang kahoy, ang diploma ni Egay sa elementarya, ang larawan nila ni Lilibeth nang minsang namasyal sila sa SM, ang kalendaryong pinamumugaran ng imahen ni Ara Mina habang hawak-hawak ang isang bote ng cuatro cantos, ang lumang tokador na nahingi ni Lilibeth sa among lalaki, ang larawan ni Maria, ang larawan ng Tatlong Persona, at ang Batang Kristong nakangiti habang hawak ang isang maliit na gintong bilog. Marami nga sila, subalit sa gabi nga ng pag-aalay na iyon, lahat sila’y naging bulag, pipi, at bingi. Salamat sa lalamunan ng dilim at kahit papaano’y naaari ni Lilibeth at Egay ang mundong sa salapi at kapangyarihan umaandar.

Tahimik nang gabing yaon ang Aduas. Hanggang sa punitin nang nakakagulantang na palahaw ang kanilang gabi. Hindi pa pumuputok ang mga silahis sa silanga’y nagkukulay bukang-liwayway na sa dilim ang Looban, ang buong Aduas. Nilalamon na ito ng apoy!

Naglaho sina Lilibeth at Egay at sampung iba pang anak ng burak kasabay ng mga gumuhong kastilyong yari sa tagni-tagning kahoy, playwud, yero, ilusyon, at pangarap.

Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.

15 ng Mayo

Uhaw nang matagal
Ang banos1 na binungkal
Ng mga palad na pagal
Na waring putik-tingkal2.
Kaya’t si San Isidro Labrador3 na banal,
Kaniyang tinungo ang bukal
At tahimik niyang inusal,
“Alangaang dinggin yaring dasal
Binyagan ng luha ang bayang sakmal
Sa leeg ng Haring limbas-hangal.”
Pagputok nga ng liwanag kanyang ibinakal4
Ang harabas5 na hanging umunat sa pilay
Nang paniniwala ni Ingkong Polay:
Na ‘di na mababago pa ang taglay
Nilang kapalaran gaya ng niyang buhay
Ngunit laya’y patay
At maya-mayang hinahandungan sa kanyang balay6
Ng mga panal7 ng tagulaylay
Na para bang sa isang suhay
Ng nabubulok na mga butil ng palay.

1. Isang bloke o pitak ng lupa.
2. Tumigas na tipak ng lupa.
3. Pintakasi ng mga magbubukid.
4. Ibato o ibalibag.
5. Panabas ng palay.
6. Ilokano ng bahay.
7. Ibong-bukid na kumakain ng dumi ng kalabaw.

Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.

Bagyo

Ang pagdating ni Ambo
Sa lupain ng mga labuyo
Na Waray at Bikolano,
At habang hinihintay ko
Siya sa bayan ni Sáro1,
Mainit-matapang na barako
Ang ibinuhos ko sa aking apdo,
At habang ako’y nakaupo,
‘Di maiwasang bilangin ng aking ulo
Kung ilan pa ang mamamatay na tao
Sabay sa lawiswis ng hanging San Leonardo2
At pahina ni Zhivago3.

1. Tumutukoy sa tapayan na yari sa luwad, at mabilis at maliksi. Palayaw ito ng Pambansang Alagad Ng Sining Para Sa Literatura na si Lázaro Francisco.
2.
Isang bayan sa Timog na bahagi ng Cabanatuan, Nueva Ecija. Malapit ito sa bayan ng Gapan, Nueva Ecija.
3.
Doctor Zhivago. Nobela ni Boris Pasternak na nagwagi ng Nobel Prize For Literature noong 1959.

Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.

2020 Literature

Tugon sa mga Facebook post ni Abet Umil.

Lumakas ang zine1
Dinaig ang Original Sin2
At para bang asin
Na ayaw noon ni Sin3
Ipahid sa noo ng yayamanin
Na sa kanya’y nagpakain.

1. Isang uri ng independyenteng publikasyong-iglap.
2.
Pelikula nina Antonio Banderas at Angelina Jolie.
3.
Jaime Cardinal Sin