Tau-tauhan: Ang Kuwento Ng Bayan, Ang Kuwentong Bayan, at Kuwentong Sarili

Kung ang sarili, ang ikaw, ay isang tauhan, paano mo susumahin ang iyong ugali? Ang mga hilig? Ang mga bagay na nagpapasaya sa ‘yo? Ang mga desisyon mo sa buhay? Ano ka noon, ano ka ngayon? Nasaan ka? Saan ka papunta?

Ang pagtingin sa sarili bilang isang tauhan sa kuwento ay pag-intindi kung ano nga ba ang sarili. Tinatanong rin nito kung ano ba ako sa mata ng iba? Sino nga ba ako para sa sarili?

Ang character development ng sarili: Kapag tinatangka nating buuin ang sarili bilang tauhan, dapat nating tingnan ang mga pagbabago sa atin sa mga dumaang taon. Maaari itong ugali, maaring pananamit, pupwede ring marka sa katawan. Kung noon ay mahilig kang magsuot ng mga bestida, ngayon ay pinupuno mo na ng tato ang mga braso mo. Ano ang nagtulak sa ‘yo na baguhin ang sarili? Ano ang mga salik na bumubuo dito? Ano ang mga susunod pang mangyayari sa ‘yo? Ang pagtingin sa sarili noon, ngayon, at sa hinaharap ay ang pagbibigay ng kaunting katiyakan sa sarili kung ano nga ba ang mga pupwedeng gawin. Dahil ang bawat hakbang, kahit pasulong, ay nagbibigay rin ng restriksyon. Ang isang taong naaksidente at naputulan ng kamay ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Kutsara na lang ang mahahawakan niya sa pagkain, mas mahihirapan siyang maghanap ng trabaho, at malilibre siya sa sinehan. Kung walang character development, walang pag-unlad.

May sinusubukan akong eksperimento sa opisina, tinitingnan ko ang lahat bilang tauhan ng kani-kanilang mga kuwento: ang bawat isa ay may kasaysayan na nakakaapekto kung paano nila harapin ang buhay. Maaaring ito ay malagim na pagkabata, masayang buhay elementarya, o hitik sa tagos pusong kuwento ng mga pagkabigo. Ang lahat ng karanasan natin bilang mga tao ay umaambag sa pagharap natin sa lipunan, sa ating komunidad, at sa iba pang mga tauhan.

Mahalaga rin ang lugar kung saan nangyayari ang kuwento, ano ang kanilang ginagawa sa lugar na ito, sino-sino ang nagtatagpo sa lugar na iyon?

Halimbawa: ang setting ng kuwento ay isang simbahan. Sa simbahan na ito, may mga tauhang pari, madre, mga tumutulong sa simbahan. Ang bawat tauhan ay may ugali, maaaring banal ang pronta ng pari, habang tahimik naman ang madre. Ang mga tumutulong sa simbahan ay mahilig sa tsismis tungkol sa ibang tao na nakatira sa pamayanan. Maaaring pinagkukuwentuhan rin nila ang pari, kesyo tinatago nito na mahilig siya sa bata. O may iniibig ang madre sa kabilang bayan. Ang mga ito ang pinagmumulan ng conflict, ang mga kuwentong bayan na kahit hindi tayo tiyak kung totoo ba ang kuwento ay panghahawakan na natin bilang totoo.

Pero kahit kuwentong bayan lang ang mga ito, kahit na sa kaliit-liitang tsismis, hindi ba’t nagbabago rin ang pagtingin ng mga tao sa taong ikinukuwento? Nakakaapekto ang kuwentong bayan sa kung paano tingnan ang isang tao. May kuwentong bayan, halimbawa, na ang nakatira sa bakanteng lote ay pamilya ng mga aswang. Ang pamilyang ito ay madalas na nakikitang gumagala sa gabi, hindi rin sila nakikipagkuwentuhan. Karaniwan na marami sa mga tao sa pamayanan ang iiwas sa lugar kung saan nakatira ang pamilya, at may ilang mga bata na magtatangkang maglaro sa paligid nito. Kapag nakita ng mga bata ang isang miyembro ng pamilya, magsisi-takbo sila’t sisigaw ng ‘Aswang, aswang, may aswang na lumabas!’.

Ngayon, tingnan naman natin ang ang perspektiba ng pamilya: Hindi talaga sila nakatira doon, napadpad lang sila doon dahil may umangkin ng lupa nila. Ang totoo’y nangutang ng pambinhi ang padre de pamilya, hindi nabayad kaya isinanla ang lupa. Dahil hindi nababayaran ang inutang, nagpatong-patong na ang interes hanggang sa napilitan na lang silang ibigay ang lupa sa kanilang inutangan. Nagdesisyon ang pamilya na makipagsapalaran sa Metro Manila, lahat sila ay hindi marunong magsalita ng Filipino pero marunong silang maka-intindi. Suwerte naman na pinagamit sa kanila ng isang malayong kamag-anak ang bakanteng lote. Dahil hindi sila matatas mag-Filipino, hindi rin sila nakikipagkuwentuhan sa iba. Naririnig na rin nila ang kuwento-kuwento tungkol sa kanilang pamilya. Nakakaranas pa nga pang-aabuso ang kanilang mga anak kapag umaga, kinukutya ang mga ito na mga tiyanak. Kaya nagdesisyon sila na sa gabi na lang sila lalabas.

Ngayon, mula sa halimbawa na ito, ano ang mapapansin natin? Maliban sa pagiging mapanghusga ng pamayanan, hindi rin nila tinatangkang makipag-usap sa pamilya. Ang nangyari ay walang nangyari. Nabuhay ang pamilya sa gitna ng mga kuwento-kuwento, natuto silang sumabay. Pero ang pamayanan, nanatili lang sa mga kuwentong bayan, patalon-talon sa iba’t ibang mga tao.

Ginagamit ko ang pagtingin sa isang tao bilang tauhan para maintindihan ko ang kaniyang mga ginagawa, ang kaniyang mga desisyon, at ang kaniyang mga trip sa buhay. Kung namuhay ka sa isang pamilya na ang bukang-bibig ng mga nakakatanda ay paninira sa iba, hindi ba’t malaki ang tiyansa na magiging ganoon ka rin? Nagsisimula sa pamilya ang pagbubuo ng ugali. Kung ano ang magiging pagtingin mo sa ibang tao, sa pamayanan, sa lipunan. Kung nabuhay ka sa isang relihiyosong pamilya na ang pagbabago ay sa piling ng Panginoon kapag dumating ang paghuhukom, iyon na ang pagbabagong hihintayin mo. Hindi mo na aasaming makagawa ng pagbabago sa mundo dahil ang lahat naman ng ito ay pansamantala lang. Ito rin ang dahilan kung bakit mas nagiging komplikado ang mundo, dumadami ang bahagdan ng mga pupwedeng tingnan na dahilan sa mga bagay-bagay.

Pero bilang manunulat, magandang mahasa ang sarili na kilalanin ang mga taong nakakasalamuha sa araw-araw bilang mga tauhan. Dahil sa likod ng bawat mapanghusgang salita ay mga trahedya sa buhay na hindi natin alam.

Ang pinakamahalaga siguro sa lahat ng ito ay ang paghahangad ng pagbabago sa sarili at sa mga tauhan na nakakasalamuha natin. Maaaring nagiging anti-hero sila dahil sa sistemang umiiral sa loob ng setting. Kung ganoon, hindi ang anti-hero ang kalaban, ang dapat baguhin ay ang sistema. Dahil sa huli, ang sumasaklaw pa rin sa mga tauhan ay ang lohika ng mundo kung saan sila nabubuhay. Kung ito ang way of life, mahirap kumontra sa daloy ng buhay. Ang susunod na hakbang ay makabuo ng iisang bangka kung saan pupwedeng maghanap ng mas payapa at malayang dagat na puwedeng paglayagan.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol Sa Pagiging Manunulat

Pag-uwi ng bahay, naghuhubad ako ng sapatos bago pumasok sa bahay. Hindi lang sa suwelas ng sapatos nakadikit ang alikabok, nakadikit ito sa kabuuan, mula sa harap, likod, at magkabilang gilid.

Dadamhin ko ang pamimintig ng mga paa, humigit-kumulang walong oras na nakaipit sa makapal na medyas at may kasikipang sapatos, sumasabay ang pintog ng mga daliri sa tibok ng puso. Parang may kamay na nakadakot sa puso, hinihila ito pababa, kaya parang ayaw ko nang tumayo. Pero kailangan, hindi natatapos ang araw sa pag-uwi galing sa trabaho, dahil may trabaho pang kailangang gawin sa bahay: magluto, magturo sa anak, mag-asikaso ng magulang, at kung may oras pa’y makapagsulat at makapagbasa.

Sinisisi ko noon kung bakit ba ako naging manunulat, kung bakit ba ako nagbabasa. Naniniwala akong binabago tayo ng mga librong binabasa natin. Binago ako ng Notes from Underground ni Fyodor Dostoevsky, kung paanong ang iniharap sa aking mundo ng mga magulang ko ay balat sibuyas na tinalupan ng mga pangungusap ni Monk Photius. Binago rin ako ng dalawang nobela ni Rizal, kung paanong tinatalikuran natin ang himagsikan dahil hindi natin matanggal ang tatak ng pagiging Indio. Binago ako ng mga isinulat ni Ursula K. Le Guin, kung paanong puwede palang magsulat tungkol sa ibang mundo, sa loob ng ating mundo.

Pero, siguro, ang pinaka-pinagsisisihan ko sa pagiging isang manunulat ay ang pagpapahalaga sa mga salita. Mas matalas ang pandinig ng isang manunulat kapag nagsasalita ang ibang tao, mas natatahi ng isang manunulat ang gustong iparating ng iba. Kaya kapag lumalabas ang barubal na ugali ng tsismis, ng pagiging buhay na talangka, at ng kuwentuhang may makuwento lang, hinuhukay ng mga salitang ito ang sikmura ng manunulat. Dahil ang bawat salita, para sa kanila, ay martilyong nagpapabagsak kahit sa pinaka-mataas na gusali sa loob ng pinaka-malakas na imperyo.

Malungkot ang maging isang manunulat. Dahil naiintindihan mo ang ibang tao, pero karaniwan na hindi ka nila naiintindihan. Pinipili rin ng manunulat na ilayo ang sarili sa karaniwang pag-uusap tungkol sa mga bagay na pinag-uusapan lang dahil walang masabi, mga pangungusap na walang ambag sa pagpapaunlad ng sarili, ng ibang tao, ng isang organisasyon, o kahit na lipunan.

Kaya minsa’y sinasabihan ang mga manunulat na masusungit, dahil palaging nakasimangot sa harap ng mga walang kuwentang huntahan. Kaya ang pagtahimik ng isang manunulat ay tinitingnan bilang pagmamaldita, o hindi pakikisama. Kaya sa huli, pinaparusahan ng manunulat ang sarili. Siguro, nagiging bawal na ang pag-iisip ng mga epekto ng salita sa ibang tao. O maaari rin na naging sandata na ang salita, pero ang nakagamit nito ay hindi ang mga manunulat. Ang humawak ng kapangyarihan ng salita ay ang mga humahawak ng kapangyarihan,

Dinadama ko ang bawat balita na naririnig ko sa telebisyon at radyo. Ang kunwaring pag-asa mula sa dumarating na mga bakuna at ang pagtuturok nito sa mga frontliner. At ang totoo’y ang mga dumarating na bakuna ay matatanggap ng iilang mayroong koneksyon, pera, at posisyon. Ang mga taong katulad ko, na hindi ikinayaman at ikakayaman ang pagsusulat, ay maghihintay na lang sa tira-tirang mga patak ng bakuna na maiiwan sa mga itinapong botelya. Sanay na sanay naman tayo na maghirap, ang maghintay ng blessing, at kumain ng panis na kanin.

Hinihiling ko nga minsan na sana ay hindi na lang ako naging manunulat, o hindi ko nabasa ang mga librong nabasa ko. Sana naging normal na lang akong nakikipagtsismisan, nakikipag-asaran, at humihirit sa walang kuwentang mga bagay. Baka doon, mahanap ko ang kasiyahan. Sana hindi ko natutunan na pahalagahan ang kahulugan ng salita, o ang magkaroon ng kakayahang pagdikit-dikitin ang mga pangungusap. Kung iyon ang nangyari, siguro ay hindi ako ganoong nagpapaapekto sa mga salita mula sa iba.

Mayroon rin namang kagandahan ang pagiging manunulat, dahil may espasyo para intindihin ang iba kahit na parang hindi ka nila naiintindihan. Mas nagiging maintindihin ang manunulat, at mas pinipiling gumanti gamit ang papel. Sa huli, magsusulat pa rin ako. Dahil ang pagiging manunulat ay ang dumidikit na alikabok sa sapatos. Kahit na anong gawing pagtanggal, ay ang paglapit rin. Kahit anong paglayo sa pagsusulat, ay ang hindi maiwasang paglapit dito.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Trabaho

Naniniwala akong walang tao sa mundo ang walang pangarap. Maaaring ito ay makapagpatayo ng bahay para sa magulang, o masustentuhan ang pag-aaral ng kapatid, at puwede rin ang paghahangad na makabili ng gamit na magbibigay saya sa sarili. Kahit na gaano man kalaki o kaliit ang isang pangarap, pangarap pa rin iyon.

Pero hindi lahat ng pangarap ay natutupad. Ito ang batas ng mundo: libre ang mangarap, ngunit binabayaran ang lahat para maabot ito. Kung wala kang pera, baka hindi mo makuha ang pangarap. Kung madiskarte ka, baka may maibuga ka pa.

Habang tinatapos ang mga kailangang dokumento para sa trabaho, sumagi sa isip ko ang mga paninindigan ko sa buhay noon nag-aaral pa ako sa UNC, naalala ko na pinapangarap kong maging manunulat, ang makapaglathala ng mga kuwento na babasahin ng maraming tao. At parang nakapanghihina ng loob na mapansin na ang nagbabasa ng mga sinusulat ko ay ang mga tao sa opisina, mga written report tungkol sa mga nangyari: mga detalye sa kaso ng bata, mga aktibidad sa LGU, budget request para sa kung ano-anong bagay. Ito ba ang pangarap ko noon? Hanggang dito na lang ba ang maaabot ng panulat ko?

Nasa panahon na siguro ako kung saan napapansin ko na ulit ang mga masasamang tingin, ang mga pag-iwas, at ang hindi pag-imbita dahil alam nila kung ano ang posisyon, ginagawa, at kalikasan ng trabaho ko. Sa madaling sabi, killjoy ako para sa kanila dahil iyon ang trabaho ng isa sa middleman na dinadaanan ng lahat ng dokumento bago dumating sa mas nakakataas. Burukrasya, ika-nga. Hindi ko naman sila masisisi, dahil para magawa nila ang kahingian ng trabaho nila, kinakailangan nilang mapunan ang mga kahingian ko. Hindi naman ako strikto, hindi rin ako naningil. Pero palaging may masamang tingin. Hindi ako palakuwento sa opisina, dahil hindi nagtutugma ang interes ko sa interes nila. Siguro nasa akin ang problema, siguro ako ang hindi marunong makibagay. O baka, sa tinagal-tagal ng panahon, mali pala ang trabahong napili ko.

Siguro isa ito sa mga dahilan kung bakit itinutulak ko ang sarili kong magsulat. Dahil sa pagsusulat, kahit wala akong nakaka-usap ng harapan, mayroon pa ring nakapagbabasa at nakadadama ng mga karanasan at opinyon ko sa mga bagay-bagay.

Sinasabi nila na mayroon namang laman ang mga sinusulat ko, mayroon naman akong sinasabi. Kahit ganoon, nakakaramdam pa rin ako na parang wala akong sinasabi at walang makikinig. Isa sa mga bagay na nagtutulak sa akin na patuloy na magsulat at umasa na mayroong nakahandang magbasa ng mga sinusulat ko.

Kung maaari lang maging trabaho ang pagsusulat, kung masusustentuhan ng pagsusulat ang pang-araw-araw, bakit hindi ko iyon kukunin? Ngayon ko lang napagtanto na ang nakapagsasaya a akin ay ang pagbabasa at ang pagsusulat, dahil nandoon ang kalayaan malayo sa kalayaan kapag naglalakad sa labas ng bahay, sa mga eskenita, o ang hiraya kapag nakasakay sa jeep.

Napakaraming proyekto ang bubuuin para ngayong taon kaya siguro ko siguro hinahanap ang oras, o hinihintay na dumating ang pagkakataon kung kailan handa na ang mga salita para mailagay ko sa papel, o matipa sa keyboard, o maimprenta sa isip.

Sa pagsasagawa ko ng mga responsibilidad ko sa trabaho, hindi nawawala ang mga isipin tungkol sa mga gusto kong isulat: ano ang susunod na mangyayari sa Pinapagindapat, ano pa kaya ang puwede kong gawin para sa Kaaway, o ano pa ba ang puwede kong isulat sa Tungkol sa. Hindi sapat ang ilang oras na pahinga pag-uwi para makapag-isip sa pagsusulat. Ipinapalaman ko sa mga minuto ng pagtigil ang mga hinuha sa isusulat.

Kaya habang dinadamdam ko ang mga nangyayari sa opisina, iniisip ko rin kung kailan kaya ako magiging malaya para makapagsulat. Oras ang kalaban ng bawat manunulat sa Pilipinas, dahil kadalasang naihihiwalay ang trabaho sa paglikha. Hindi nagsasama ang dalawang ito maliban kung nagtuturo ka ng malikhaing pagsulat at mga akda na isinusulat mo ang maging paksa sa klase (na  hindi naman nangyayari dahil formula based naman ang mga klase sa malikhaing pagsulat at may hiya pa rin ang mga nagtuturo ng MP na huwag ituro sa klase ang sariling akda pero puwede ang akda ng mga kaibigan.)

Siguro, kailangan ko pa ng oras para pag-isipan ang mga dapat kong gawin. May ilang buwan pa ako para makapagdesiyon. Sa ngayon, papakiramdam ko muna kung ano ang pinakamakapagsasaya sa akin. Maliban kasi sa pagsusulat, ang pagtulong sa mga tao dahil sa mga ginagawa ko ang nakapagpapasaya sa akin, lalo at totoo na bumabagal ang oras kapag tumatanda.

Kung oras ang kalaban ko, siguro kailangan kong pag-isipan ang kahalagahan ng bawat oras at kung ano ang dapat kong gawin para magamit ang bawat segundo sa mga bagay na may pinakamalaking ambag sa prinsipyo, sa panulat, at sa pagtupad sa mga nakapilang pangarap na naghihintay lang na magawa ang unang hakbang.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Umalis ka pala, bakit hindi ka nagpaalam?

Para kay AV.

Nang maging roommate ko si Billy, palagi niyang ikinukuwento sa akin ang dalawang suicide attempt niya at kung paano nito nabago ang kaniyang pananaw sa buhay. “Gusto kong maging inspirasyon sa mga taong nakakaranas ng depression. Gusto kong makita nila na kinaya ko.” Mayroong pagkukumbinsi sa sarili ang tono niya, pero hindi ko agad iyon napansin. Nakikinig lang ako sa mga kuwento niya dahil alam kong iyon ang paraan niya para makakawala sa insomnia. Kaya kapag bumibiyahe kami para bumisita sa iba’t ibang mga Bahay Kanlungan sa Camarines Sur, kung hindi siya tulog ay tumatango-tango siya sa biyahe. Nagtatrabaho ako noon sa isang NGO na nagbibigay tulong sa mga child in conflict with the law at child at risk. Ako ang program officer para na nangunguna sa on-site na operasyon ng isa sa mga proyekto namin. Hindi taga-Bicol si Billy, naka-destino siya sa main office namin sa Maynila. Bahagi ng kaniyang trabaho ang bumisita sa mga provincial office ng organisasyon. Hindi kami close ni Billy noon, dahil masungit ang pagharap niya sa mga tao, tipikal na supervisor. Pero matapos ang ilang pagbisita naming sa mga Bahay Kanlungan, nagkuwento siya bigla sa akin tungkol sa mga karanasan niya sa Maynila.

“Masuwerte na kayo dito,” ang panimula niya. “Sa Maynila, nagsisiksikan ang mga bata sa mga Bahay Kanlungan. Mababait ang mga in-house parents dito, mukha namang hindi kayo nagkakaroon ng problema sa kanila. Sakit ng ulo ko ang mga in-house parents sa Maynila, mas matigas pa ang ulo kaysa sa mga bata.”

“Funding ang mahirap makuha dito,” ang sabi ko. “Pero mababa rin naman ang gastos dahil karamihan sa mga Bahay Kanlungan, may garden.”

Hindi na ako nahiyang yayain si Billy para mag-ikot sa Naga. “Sa daan na tayo magkuwentuhan,” ang sabi ko sa kaniya. “Maraming puwedeng puntahan dito. Malapit lang dito ang Cathedral, doon muna?”

Tumango siya. “Tara,” ang sabi niya. “Nakalimutan ko pala ‘yung mga gamot ko sa Tondo, kailangan ko ring bumili.”

Papalabas pa lang kami ng AdNU, tatawagan daw muna ni Billy ang nanay niya. Hindi ako karaniwang nakikinig sa pag-uusap ng ibang tao sa telepono pero napansin ko na nagpapaliwanag si Billy na naiwan niya ang gamot sa bahay at kulang ang dala niyang pera pambili ng gamot. Kahit hindi naka-speaker ang cellphone ni Billy, naririnig kong sinisigawan siya ng kaniyang nanay. Bagsak ang mukha ni Billy pagkababa niya ng telepono, “Puwede kitang pahiramin ng pera,” ang bungad ko sa kaniya, “mahalaga ang gamot.”

Nagpasalamat siya at nangakong babayaran ako bago siya bumalik ng Maynila. Nang dumating kami sa Cathedral, napansin ni Billy ang mga nagtitinda ng kandila at rosaryo sa bungad ng simbahan. “Alam mo, gumagawa kami ng mga kapatid ko noon ng kandila.” Ang sabi niya sa akin, “tapos naglalako kami kapag simbang gabi.” Hawak ni Billy ang ilang novena, “magkano po ito?” ang tanong niya, “mayroon pa po ba kayong iba? Bibilhin ko po ito.”

Marami siyang binili na novena, ang sabi niya sa akin ay naalala niya ang kaniyang lola. Palagi raw itong nagno-novena tuwing alas singko ng hapon. Sapat na iyong dahilan para hindi ko tanungin kung aanhin niya ang novena na nakasulat sa Bicol.

“Ang Cecilio Publication ang isa sa pinakamatandang publikasyon dito. Sila ang naglalabas ng mga booklet ng novena pero marami rin silang ibang nilalathala.” ang sabi ko kay Billy, “Bata pa ako mayroon na n’yan, baka nga hindi pa ako buhay meron na n’yan.”

Lumabas kami ng Cathedral pagkatapos niyang lumuhod at manalangin. Kinapa niya ang bulsa niya sa likod ng kaniyang pantalon, hinugot niya ang isang kaha ng fliptop na Marlboro. Tinanong niya kung mayroon akong lighter, umiling ako. Lumapit siya sa isang kandila at inilapit ang dulo ng sigarilyo sa yumayakap na apoy.

“Hoy, makita ka ng iba,” ang sabi ko, “Baka mabugbog ka.”

Tumawa-tawa lang si Billy, tumalikod lang siya na parang walang nangyari. “Saan ang sunod natin?” ang tanong niya, sinabi ko na puwede naman kaming pumunta sa Booksale sa may SM. Naglalakad kami nang mapansin kong hindi tumitigil sa pagsindi ng sigarilyo si Billy. Napansin niyang tinitingnan ko ang bawat pagbukas niya sa kaha ng sigarilyo, “Alam ko na ang sasabihin mo, itigil ko na itong paninigarilyo.”

“Hindi, katawan mo naman iyan at desisyon mo ang magsindi nang magsindi.” ang sagot ko sa kaniya. Papasok na kami noon sa SM kaya siguro hindi siya sumagot sa sinabi ko, o siguro ay iniisip niya kung paano niya bibigyang tugon ang sinabi ko.

“Sinong paborito mong writer?” ang tanong niya sa akin, “Siguro naman mayroon kasi hinila mo ako sa Booksale.”

“Napakaraming writer na puwedeng banggitin, pero siguro, ang may pinaka-impluwensya siguro sa akin ay si Harper Lee, lalo na iyong “To Kill A Mocking Bird” niya. Iyon ang dahilan kung bakit Political Science ang undergrad ko.” ang sagot ko sa kaniya. Mukha siyang masaya sa naging sagot ko, nang tanungin ko si Billy kung sino naman ang sa kaniya, sinabi niya na wala siyang paboritong libro at madalang siyang magbasa. Pero mahilig siya sa mga series, “Gusto ko ‘yung pakiramdam na may susunod pa.”

Nakaisang oras rin siguro kami sa loob ng booksale, ako talaga ang pinaka-matagal kung tumingin sa estante, sinusuri ko ang bawat pamagat na madaanan ng mata ko. Pati ang publisher ng libro ay tinitingnan ko, baka kasi may hindi ako kilalang manunulat mula sa isang kilalang publisher. Marami akong nakikitang magandang libro sa BookSale dahil napansin ko ang logo ng Penguin, Europa Editions, Grove Press, at HarperCollins.

“Hindi pa siguro sila nagre-restock,” ang banggit ko kay Billy. “Nandito lang ako nung isang araw, parang walang nagbago sa mga libro.” Naglakad na kami papunta sa National Bookstore, baka dumating na ang mga bagong pamagat na inilabas sa Maynila. “Kung wala pa dito, o kung may gusto kang ipabili sa Maynila, puwede naman na ako na ang bumili para sa ‘yo tapos dadalhin ko na lang dito kapag bumalik ako.” Natuwa ako sa sinabi ni Billy, medyo matagal ring dumating sa Bicol ang mga bagong lathalang libro sa Maynila. “Sige,” ang sagot ko, “maglilista ako para sa susunod pagbalik mo may dala ka na.”

Sandali lang kami sa National, sa libro lang ako umikot pero inikot ni Billy mula sa libro hanggang sa office supplies. Ang sabi niya sa akin, mahilig talaga siyang magtingin-tingin ng mga gamit sa opisina. Naging buhay niya na rin ang trabaho, at doon niya nabanggit na kumukuha pala siyang maging doktor. Iniimagine na niya ang magiging table niya kung sakaling maging doktor siya.

Habang naglalakad kami papunta sa Plaza, tinanong ko kung bakit siya tumigil sa pag-aaral. “Mahabang kuwento.” ang sagot niya sa akin, mayroong bigat ang pagbigkas niya ng salitang kuwento, parang may dinadala pa rin siyang bagahe sa mga nangyari noon. “Mahaba rin ang kalsadang nilalakaran natin.” Pahapyaw kong sagot.

“Actually,” pagsisimula ni Billy, “malapit na akong matapos sa pag-aaral. Ilang units na lang ang kailangan ko, wala naman akong problema sa service hours ko, nagproblema lang nung bumagsak ako sa isang klase. Pakiramdam ko noon, napaka-walang kuwenta kong estudyante. Iyong pangarap kong maging isang doktor, palayo nang palayo sa kamay ko. Abot kamay ko na iyon, V.” bumagsak ang tono ni Billy pero hindi siya tumigil sa pagsasalita. “Nangyari ang unang attempt ko pagkatapos kong malaman na bumagsak ako sa isang klase.”

“Kung masyadong personal itong kuwentuhan natin, okay lang naman sa akin na hanggang dito na lang muna.” ang sabi ko, nakakaramdam na ako ng kaunting takot na baka ma-trigger si Billy sa pagkukuwento niya.

“Hindi, okay lang. Nakakatulong rin sa akin na mag-open up sa iba. Mayroon pa ring frustation hanggang ngayon, pero pina-plano ko nang bumalik sa susunod na taon. Sayang rin kasi, natigil ako ng dalawang taon ngayon at dumaragdag pa sa iniisip ko kung matatandaan ko pa ba ang mga pinag-aralan ko noon.”

Nang dumating kami sa Plaza ni Billy, hinahawakan ko ang kamay niya. “Bakla ako,” ang sabi niya sa akin, parang nandiri siya bigla sa kamay ko pero hindi ako nagulat sa naging reaksyon niya. Walang kahulugan ang paghawak ko ng kamay maliban sa gusto kong maramdaman ang init ng kaniyang palad. “May boyfriend ka?” ang tanong ko sa kaniya, tumango si Billy, “Mag-iisang taon na kami. Hindi mo ba napapansin na lumalabas ako ng kuwarto kapag gabi, siya yung kausap ko. Pakilala kita mamaya.”

Hindi binitawan ni Billy ang kamay ko, naramdaman niya siguro na pagkakaibigan ang bungad ng paghawak ko sa kamay niya. “Ngayon lang may biglang humawak sa kamay ko na babae, palagi kasi na ako ang nauuna.” ang sabi niya sa akin, “V, salamat ha? Hindi mo ako pinagalitan sa paninigarilyo.”

“Bakit mo naman nasabi?” agad kong sagot.

“Lahat ng kilala ko, pinagsasabihan ako. Lahat ng bagay, dapat sinusunod ko sila. Nakakasawa ring makinig, V.”

Niyakap ako ni Billy, mahigpit na mahigpit. Ramdam na ramdam ng maliit kong katawan ang buo niyang yakap. “Minsan, nakakatakot magkuwento, pero ngayon lang nabigyan ng respeto ang mga desisyon ko sa buhay. Nakakasawang makinig at sumunod, V. Humihiwalay ang isip ko sa katawan ko kapag may ginagawa ako dahil utos ni papa o mama. Ako palagi ang anak na pasaway. Pero sinusunod ko lang naman ang tingin kong magpapasaya sa akin. Masama ba iyon, V?”

Hindi ako sumagot sa kaniya. Nararamdaman ko ang tensyon sa bawat salita na sinasabi sa akin ni Billy. Nabasag ang ma-posturang Billy na nakilala ko noong una siyang dumating sa Naga. Hindi umiyak si Billy at doon ko natutunan na totoong bumibigat ang salita kapag may dinadalang bigat ang pusong pinangagalingan nito.

“Tumigil ka na nga’t pinagtitinginan tayo ng mga tao, baka akalain nila nakikipag-break ako sa ‘yo.” ang biro ko sa kaniya. Nahimasmasan si Billy, nagyaya na siyang bumalik sa Menresa, inaantok na daw siya at baka daw mawala pa sa paghikab-hikab niya. Isa raw ang gabing ito sa pinaka-masayang paglalakad niya, nangako siya sa akin na babalik siya dito sa Naga para magbakasyon. “Marami pa pala tayong hind napupuntahan dito, siguro marami pang puwedeng puntahan. Diba malapit lang ang Caramoan dito?”

Pagdating namin sa Manresa, humilata agad sa kama si Billy. Iba sa hilik niya noong mga nagdaang araw, maganda siguro ang napapanaginipan niya. Ilang araw rin bago niya kinakailangang bumalik ng Maynila. Tapos na ang pagbisita namin sa mga Bahay Kanlungan, mayroon na siyang maibabalik sa main office namin sa Maynila. “Kapag nawawalan ako ng pag-asa,” ang sabi sa akin ni Billy habang naghihintay kami na dumating ang bus na gusto niyang sakyan, “iniisip ko ang mga natutulungan natin sa mga Bahay Kanlungan. Iyong makipag-usap sa kanila, pangungumusta at pagbibigay ng suporta sa kanila, sapat nang rason iyon para sa akin para magpatuloy.”

Nakatingin kami sa mga bus na napupuno at umaalis, gusto ni Billy na bago ang bus na sasakyan niya. Gusto niyang sumakay sa Cagsawa dahil komportable sa loob at mas maluwag. “May mga bus kasi na sobrang sikip, walang pag-uunatan ng ngalay na binti.”

Sa mga huling oras na magkausap kami ni Billy, alam kong ayaw niya pang umalis ng Naga. Siguro, may mga problema pa siya sa Maynila na hindi na niya naikuwento sa akin, o ayaw na niyang ikuwento. “Gusto kong bumalik dito,” ang banggit niya nang sabay namin makita ang paparating na bus ng Cagsawa, “mas nakakahinga ako dito kaysa sa Maynila. Mas kaunti ang ingay at parang magkakilala ang lahat. Sa Maynila, pakiramdam ko mag-isa lang ako kahit kasama ko ang pamilya ko.”

Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na puwede naman siyang mag-extend dito sa Naga, sasabihin na lang namin na dumagsa ang nagsisibalik sa Maynila at mahirap ang makahanap ng bus na masasakyan. Pero tumayo agad si Billy bago ko pa iyon nasabi, “Nandito na pala yung bus,” ang mahina niyang sabi, “paalam na muna.” Niyakap ko siya, para siyang kamag-anak na mangingibang bayan at taon ang bibilangin bago siya ulit bumalik. Kinakawayan ko si Billy, kumakaway rin siya pag-akyat niya sa bus. Siya ang huling pasaherong sumakay, ilang minuto lang ay bumiyahe na ang bus.

Nang mga sunod na mga buwan, tuloy-tuloy lang ang pag-uusap namin ni Billy. Palagi niyang kinukumusta ang mga Bahay Kanlungan na binisita namin, kung kumusta na ang mga in-house parent. Palagi niyang binabanggit sa akin na naghahanap siya ng funding para sa mga Bahay Kanlungan sa Bicol, “Nagpasa na ako ng proposal sa isang possible funder. Wala pa silang reply, pero mukhang okay sa kanila. Sama ka minsan sa meeting kung sakali, punta ka dito sa Maynila.”

Iyon na rin ang huli niyang mensahe sa akin, hindi na siya nagreply ng mga sumunod na mga buwan. Nalaman ko na lang na naging matagumpay ang pangatlo niyang pagtatangka. Dalawan nang mawala siya, doon ko lang nalaman ang balita nang may pumunta mula sa opisina namin sa Maynila papunta sa Bicol. Nagtaka ako noon kung bakit hindi si Billy ang pumunta, at nabanggit nga ang nangyari sa kaniya. Hindi ko na inungkat pa ang mga nangyari, nagluksa ako agad nang malaman ko ang nangyari kay Billy. Siguro, nasa huling kabanata na siya sa huling libro sa maikling series ng kaniyang buhay. Kaya sinasabi ko sa sarili ko na kinakailangang respetuhin ang naging desisyon ng ibang tao, dahil iba’t iba tayo ng karanasan. Sa kasamaang palad, hindi na siguro kinaya ni Billy at sa tingin ko ay matapang siya para tangkain na alisin ang balanse sa kaniyang pagkakatayo. Sa pangatlo niyang pagsubok, natupad rin ang kaniyang plano.

Ibinibulong ko na lang habang nilalakaran ulit ang dinaanan namin ni Billy sa Naga.

Kasiyahan lang ang hiling ko para sa ‘yo, Billy. Salamat sa maikling panahon na nagkasama tayo. Matapang ka, at marami kaming magpapatuloy sa pagseserbisyo sa mga taong gusto mong tulungan. Hanggang sa muli.”

Nang dumating ako sa Plaza, naramdaman kong katabi ko si Billy at nabanggit ko kahit na mag-isa akong nakatayo malapit sa monumento ng Quince Martires.

Umalis ka pala, bakit hindi ka nagpaalam?


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Isang Buntong Hininga

Paano mo kukuhanin ang kapangyarihang naka-ugat na sa bawat salik ng lipunan? Ano ang mga hakbang para muling maibalik sa taong bayan ang kakayahang magdesisyon para sa kani-kanilang mga komunidad? Paano natin bibigyang espasyo ang sarili na pag-isipan ang bawat kapalit ng mga desisyon ng mga taong nasa kapangyarihan, gaano kalaki ang tingga na tatama sa ating katawan? Wala naman tayong pananggalang sa bawat saksak ng matatalas nilang mga dila, ang ginagawa lang naman natin ay damhin ang bawat laway na tumatalsik sa ating mga mukha.

Kailangan kaya tayo mababastusan sa kanilang laway? Kailan kaya natin masasabi na ang magaspang nilang mga dila ay dapat nang putilin? Kailangan kaya maglalabas ng loob ang mga Pilipino na magsalita bilang isang armada, at hindi magsalita para sa mga humahawak ng pedestal?

Isang malalim na buntong hininga lang naman ang bawat pangyayari sa ating bayan. Ang mga bagong naratibo na inihaharap sa atin ay palagi naman nating nilulunok. Hindi natin kayang idura ang bawat letrang ipinapasubo nila sa atin. Kung sakali lang namang kaya nating hawakan ang sundang at isaksak sa kanilang mga leeg, baka sakaling makita natin na ang bigat ng lahat ng pangyayari ay mula sa kanilang malapot na dura?

Maliban sa pagtatangka ng ilan na salagin ang bawat salita, nasa pagsalag ba ang solusyon, o kinakailangan nating makita ang dambuha na naghihintay lang na gisingin siya mula sa pagkakatulog?

Kung mayroong isang usapin, mula ito sa mas malaking usapin, at palagi itong nanggagaling sa mga humahawak ng kunwaring solusyon sa mga balakid sa pag-unlad. Ang solusyon ay aksyon, hindi ang pagtugon sa bawat salita.

Kung gusto natin ng tunay na pagbabago, sino ang dapat nating tanggalin? Ano ang dapat nating tanggalin? Palagi dapat nating tanungin kung ano ang puno’t dulo ng lahat ng mga nangyayari. Mayroong tunggalian, pero palaging nanggagaling ang suliranin sa mga taong humahawak sa galamay ng pumupusturang realidad.

Manonood na muna ako sa telebisyon ng gobyerno. Ang bawat balitang bumabaluktot sa pangkalahatang naratibo ang epektibong pumupukaw sa isip ng taong bayan. At kahit na mayroong nagpapatay ng kani-kanilang mga telebisyon, hindi pa rin natin kayang singilin ang gumagawa ng mga programa.

Isang malaking laro na maraming kuwedas, pinipitik-pitik at nilalaro-laro. Kaya’t parang sumasabay na lang ang marami sa sayaw ng pandanggo. Kahit hindi marunong sumayaw, sa huli’y mukhang gago at nagago.

Matulis ang kasaysayan, pero mas matulis ang isip ng mga taong halang ang sikmurang baluktutin ang mga pangyayari. At sa huli’y kahit na paulit-ulit nating itama ang kanilang mga sinasabi, sila pa rin ang may hawak ng huling salita. Dahil sila ang pinanggalingan ng naratibo ng may posisyon. Ang posisyon siguro ang dapat nating kuwestyunin, ano ang kapangyarihang ibinibigay ng bawat boto natin sa kanila? Sila ba ang hari ng Pilipinas, o ang hari ay ikaw bilang indibiduwal? Anong lakas ng armas, kung sa isip pa lang ay parang marami sa atin ang minamanas?

Kung ang takot nati’y madakip, ang taong bayan nama’y matagal nang naipit. Parang isang batibat na nakadagan sa ating mga dibdib, kahit ang katotohanan ay hindi na masilip.

Isang buntong hininga sa bawat pagsakay natin sa naratibo. Tayo’y mga tangang tumatawa kapag natibo. Akala natin siguro’y lumalakas tayo sa bawat bubog sa paa, at sa huli’y naghalo na ang bubog sa laman. Kaya ngayo’y hindi na makalakad, at baka hindi na rin makatayo.

Kung gayo’y isang malalim na bugtong hininga. Wala nang maisusukli pa kung hindi magsimula ulit sa wala.

May isang matandang tibak ang dumating, pinaalalahanan niya ang mga kasama namin na kailangan nilang ibalik ang mga libro sa main library dahil pagmamay-ari ng mga estudyante ng hinaharap ang mga libro doon. At natulog kami, kasama ng mga sikretong hindi ko masabi sa kanila, kasama ng mga huni ng kuliglig.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Si Lito

Down with imperialism, feudalism, fascism! Makibaka! Huwag Matakot!

Nagmamadaling isara ang mga tindahan sa paligid ng Embahada ng Amerika, nagsimula nang maglakad ang mga raliyista, dala nila ang kanilang mga bandila at malalaking trapal: Imperyalismo, Ibagsak!

Nagmamartsa kami habang lumalabas sa aming ngalangala:

Marcos, Marcos, Magnanakaw!

Marcos, Marcos, Magnanakaw!

Nakaabang na ang Constabulary sa paligid ng embahada, bumulong ang katabi ko, sana hindi 5th o Metrocom ang mga ito. Naintindihan ko ang gusto niyang sabihin, kilalang-kilala ang mga ito bilang malulupit sa mga aktibista. Wala naman akong dapat ikatakot, dahil kilala ako ng mga taga-5th at ilan sa mga metrocom.

Hindi natakot ang mahabang pila ng mga raliyista, sanay na rin naman ang mga ito sa banggan ng mga pulis. Binubuo ang mga demonstrasyon katulad nito ng iba’t ibang ideolohiya, karamihan sa mga ito ay nasa kaliwa ang paniniwala: Mga naniniwala sa turo ni Marx, kay Marx at Lenin, kay Kropotkin, Bakunin, at Emma Goldman. Mayroong hindi binabanggit na pagkakaisa at pagkahati: nakikita nilang dapat na panagutin ang estado sa lahat ng inhustisyang idinulot nito sa sambayanan, pero sa dulo, kung magtagumpay ang pinagkakaisahan nila, mayroong panahon ng pagkawatakwak at alam iyon ng mga ito, dahil bumalikwas ang mga Anarkista kay Lenin matapos nitong magtayo ng awtoritaryadong gobyerno. Pero nagka-isa sila nang pabagsakin ang monarkiya at ang gobyerno ni Alexander Kerensky.

Nang magsimulang magbanggan ang mga pulis at mga raliyista, palihim akong umalis sa hanay. Nanigarilyo lang muna ako sa gilid at pinanood na maghanpasan ang magkabilang panig. Mga tarantadong raliyista, ang sabi ko sa sarili, anong panama ng mga patpatin nilang braso sa baton ng mga pulis.

Nang mapagod ang magkabilang panig, nang mahimasmasan sila ng mga dumudugo nilang mga ulo, nagsi-atras na sila’t senyas na ito na kailangan ko nang bumalik sa hanay. Habang naka-taas ang kamao, sabay-sabay kaming sumisigaw, “Marcos, Hitler, Diktator, Tuta!” hanggang sa kainin ng dilim ang mga nagliliyab na mga mata ng mga kasama kong aktibista.

Dumiretso na agad akong Mendiola pagkatapos, ganito lang ang trabaho ko, sumama sa mga rally at magbalita sa unang ginang ng mga nangyari. Maliban dito, kailangan ko ring maghanap ng espiya ng kano sa mga rally, alam mo naman, ayaw na ayaw ng unang ginang sa CIA. Mga kupal daw ang mga hinayupak na iyon ang sabi niya sa amin, manggagamit daw ang mga hindot. Minsan daw itong bumisita sa palasyo, pinakitaan daw si Makoy ng sangkaterbang dolyar, pero magaling daw si Makoy dahil naamoy na agad niya ang gustong mangyari ng mga kano, alam niya rin ang nangyari sa Indonesia, kaya hindi niya tinanggap ang dolyar. Sinipa daw sila palabas ng palasyo. Kaya sumisipsip na lang sila sa kung saan-saan para makibalita at para may maireport sa Amerika.

Pagpasok ko sa palasyo, umakyat agad ako sa kuwarto ng unang ginang, medyo nasabik ako dahil alam kong magkukuwento na naman iyon tungkol sa mga karanasan nila ni Makoy habang eleksyon noong 1969. Magkatabi lang ang kuwarto ng unang ginang at ang opisina ng Presidente. Palaging nakasarado ang malaking pinto sa opisina ni Makoy, pero palagi kong nakikita na may naglalabas-pasok na mga opisyal mula sa militar.

Binati kami ng unang ginang, nagsipasukan na ang mga katulong, pasan-pasan nila ang malalaking plato. Inilapag nila ito sa mahabang mesang gawa sa makinis na kahoy. “African Blackwood ‘yan, ang pinakamahal na kahoy sa mundo.” Pagmamalaki ng unang ginang. Isa-isa niya kaming pinagsalita kung kumusta ang pinanggalingan naming demonstrasyon. Matagal ang presentasyon ng bawat isa, humigit-kumulang trenta kaming magbibigay ulat sa kaniya. “Mahalaga ang tungkulin ninyo sa bayan,” ang sabi ng unang ginang, “pinagsisilbihan ninyo ang bayan sa paglabas ninyo sa kalsada.”

Walang job opening para sa trabahong ito, nakatanggap na lang ako ng tawag dahil mayroon daw trabahong ibinibigay ang palasyo. Malaki daw ang suweldo at maraming benepisyo. Dahil dating militar si erpats, hindi ko na pinalagpas ang pagkakataong makapaglingkod sa palasyo. Kakaunti lang ang may pangarap na magtrabaho sa gobyerno, marami sa mga kaklase ko noon sa kolehiyo ang pulis na ngayon. Pagkatapos ko sa pag-aaral, hindi ko na itinuloy sa pagiging pulis. Mas malaki ang suweldo sa mga pribadong kompanya, private bodyguard ng kung sinu-sinong personalidad. Pero binitawan ko ito nang ipatawag ako sa palasyo, kailangan daw nila ng mga taong pupunta sa mga aktibidad ng mga maka-kaliwang grupo para magtulak sa mga ito na manggulo. Kailangan na kailangan na daw ni Makoy ng rason para manatili sa puwesto. Sa isip-isip ko, kailangan na kailangan ng Pilipinas si Makoy, siya na ata ang pinaka-matalinong presidente sa buong Pilipinas. Makikita naman iyon sa nangyaring pagbabago sa Maynila nang maupo siya, kasabay ng pagdami ng mga gusali ay ang pagdami ng trabaho. Mas dumami ang sasakyan, mas naging marumi, oo, pero kasama iyon sa pag-unlad.

Ang unang ginang agad ang humarap sa amin noong araw ng oryentasyon. “Mabilis lang ito, mga iho at iha. Ang trabaho niyo lang ay lumabas at makipag-usap sa mga tao sa labas. Alamin ninyo ang nararamdaman nila tungkol kay Makoy, tungkol sa akin, at tungkol sa gobyerno. Kailangan niyo ring pumunta sa mga rally kapag mayroon, babalik kayo dito sa palasyo tuwing biyernes ng hapon.”

Doon nagsimula ang lahat, nakaka-tatlong taon na ako sa trabaho. Marami sa mga kasamahan ko ang umalis, dahil naimpluwensyahan ng mga aktibistang nakasama nila. Masasabi kong naging tapat ako sa unang ginang. Hindi ko hinayaang mabahiran ako ng ideolohiya ng kaliwa, kahit na sabihin na nating palagi akong sumasama sa kanila.

May takot kasi ang unang ginang na isang araw, lusubin na lang ng mga nagrarally ang palasyo. Palagi niyang binabanggit sa amin na binabangungot siya, sakay daw sila ng helicopter papuntang Pawai, pero sa Hawaii sila napunta. Sinira daw ng mga raliyista ang palasyo, binasag ang kanilang mga mukha sa mga painting at sinunog ang koleksyon niya ng mga sapatos.

Kaya naisip niyang gumawa ng grupo na magbabalita sa kaniya ng mga nangyayari sa labas. Mataas, anya, ang pader ng palasyo. Kahit na umungaw siya sa pinakamataas na bintana, langit at pader lang ang nakikita niya. Ipinagpaalam na niya kay Makoy ang plano niya, sinabi ng kaniyang asawa na hindi siya mangingi-alam sa gusto ng unang ginang, basta’t mabibigyan siya ng kopya ng mga report na ipapadala ng grupo. Mayroon rin kasing sariling grupong binuo si Makoy noong 1969, madalas na binubuo ng mga sundalo na may mataas na ranggo.

“Ikaw, iho, halika nga.” Sabi ng unang ginang habang nakaturo sa akin, “Oo, ikaw. Ilang taon ka na?”

“Bente siyete po.”

“Mukha ka lang dise-otso.”

Napangiti ako, “Gusto mong bumalik sa pag-aaral? Kahit anong kursong gusto mo. Ipapasok ka agad, walang entrance-entrance exam. Ang kailangan mo lang gawin ay pumasok sa klase at makibalita. Mas maganda rin kung kaya mong sumali sa mga organisasyon.”

Iyon ang una kong assignment. Pumasok ako sa UP, unang semestre ng 1970. Ibinigay sa akin sa palasyo ang pangalan at student number na gagamitin ko: Rogelio Malabanan, 71 – 16291. Buong semestre kaming hindi bumalik sa palasyo dahil nasa London ang unang ginang, misyon na niyang makipag-usap sa mga lider ng iba’t ibang bansa at hindi na bago ang pag-alis-alis niya. Pilosopiya ang pinakuha nilang kurso sa akin, ang paliwanag sa palasyo, mas madaling makapasok sa inner circle ng mga aktibista kung may koneksyon sa pilosopiya ang kurso.

Hindi naman ako naiba sa kanila, pare-parehas kaming naka-sapatos, pantalon, at kamiseta. Sa canteen sa may Arts and Sciences ako madalas na nakatambay. Maraming grupo doon na nagdedebate tungkol sa bagong librong nabasa nila. Ang napansin ko, madaling nababara ng mga nakapagbasa kay Marx ang mga nagbabasa kay Adam Smith. Pero hindi sila natatapos sa debate, hindi rin nagpapatalo ang mga maka-Adam Smith, palagi silang may tirada sa mga Marxist.  Dito ko rin narinig ang kuwento tungkol kay Makoy, na kahit ako ay hindi ko alam. Nagpipigil na lang ako ng tawa kapag naririnig ko na may sakit daw si Makoy at malapit nang mamatay, na matagal na daw silang hiwalay ng unang ginang kaya madalas itong nasa ibang bansa. Pero ang pinaka-walang kuwenta sa mga narinig ko, malapit na daw ang rebolusyon at makapagtatatag na ng mas magandang lipunan.

Ano namang lipunan ang gusto nilang itayo, sa tuktok ng isip ko. Hindi perpekto ang Pilipinas, hindi rin perpekto si Makoy bilang presidente. Pero ginagawa nila ang lahat para gawan ng paraan ang lahat ng problema ng bansa. Palagi akong nasa palasyo at mas paniniwalaan ko ang mga naririnig ko doon kaysa sa mga estudyanteng ito.

Pero hindi ko itatanggi na minsan, naisip kong baka tama sila. Magaling ang mga estudyanteng ito na magpaliwanag. Marami rin ang nagbibigay ng simpatya sa kanila. Pero hindi nila makita na ang pagsunod at ang pagtulong sa gobyerno ang pinakamagandang gawin nila kaysa mag-organisa.

Para mas mapalawig pa ang kaalam ko tungkol sa aktibismo, sinubukan kong sumali sa mga organisasyon. Nakakuha na rin ako ng sapat na kaalam para magamit sa mga tanong nila tungkol sa lipunan. Mayaman ang Pilipinas, ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino. Kapag binanggit mo ito sa mga aktibista, ituturing ka na nila bilang kasama. Naramdaman kong nagdududa sila sa akin noong simula, lalo na at kumakalat sa unibersidad ang balita na nagkalat na ang mga intel sa loob, pero nawala ang pagdududa nila sa akin nang sunod-sunod ang pagdalo ko sa mga aktibidad ng organisasyon. Sa final rights, tinanong nila ako nang harap-harap, habang nakapiring ang mata, kung isa ba akong intel ng gobyerno. Hindi ako kinabahan sa pagsagot na isa lang akong estudyante. Pabiro pa nila akong tinanong kung bakit ang ganda ng bigote ko at hindi ako mukhang bagong graduate sa highschool. Ipinaliwanag ko naman sa kanila na ilang beses akong tumigil noon sa probinsya. Tinanong nila kung saan ang probinsya ko, ang sabi ko sa Bicol. Hindi na ako nagsinungaling dahil alam kong patibong iyon. May nagsalita ng Bikol sa mga nag-interbyu sa akin. Sinagot ko rin siya sa Bicol.

Pagkatapos ng final rights, miyembro na nila ako. Natapos ang gabi sa inuman. Kailangan lang magkaroon ng tiwala, iyon ang pinakamahalaga para makuha mo ang gusto mo sa kanila. Kapag may tiwala, kapag alam nila na nasa iisang pahina kayo. Madaling magbigay ng detalye, mas mabilis dumulas ang dila.

Nang bumalik ang unang ginang mula sa London, kami ang una niyang pinatawag. Mayroon daw siyang ibabahagi sa amin. Pagdating namin sa palasyo, malaking piging ang sumambulat sas amin. Tuwang-tuwa daw ang unang ginang sa mga natutunan niya sa London at gusto niyang ikuwento sa lahat ang kaniyang nalaman. Tumigil sa trabaho ang lahat ng mga opisyal sa palasyo, pati ang mga nagtatrabaho sa kongreso ay inimbitahan. Hindi dumalo si Makoy, mayroon daw itong importanteng lakad sa embahada ng Amerika.

Sinimulan ng unang ginang ang kaniyang talumpati sa pagpapakilala ng panibago niyang proyekto. Dahil na-inspire siya ng moon landing ng Amerika, gusto niyang magkaroon ng programa ang Pilipinas na magdadala sa mga Pilipino sa kalawakan. Ito ay isasagawa kasama ng gobyerno ng Amerika. Naibahagi rin ng unang ginang ang mga bagay na hindi nakikita, mga malilit na particles sa kalawakan na nakaapekto sa lahat ng tao sa mundo. Maipapaliwanag nito ang mga galaw ng tao, mga taong kumokontra sa gobyerno, mga kriminal, mga taong inihihiwalay ang sarili nila sa lipunan. Konektado ito, ayon sa unang ginang, sa Mercury Retrograde. Kapag nakarating ang mga Pilipino sa kalawakan, maaaring simulan ang pag-aaral sa mga particles na ito, magiging kilala ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-unang bansa na magbibigay daan sa pag-aaral ng mga hindi pa napapangalanang particles. Mababago nito ang pagtingin natin sa lipunan, maraming teorya sa siyensya at humanidades ang maluluma, dahil sa huli ay kinokontrol tayo ng mga bagay na hindi natin kayang kontrolin, o hindi pa natin alam kung paano kontrolin.

Mauungusan ng Pilipinas ang Amerika at ang Rusya, ang sabi ng unang ginang, at sa wakas ay maipapakita natin kung ano ang tunay na anyo ng demokrasya na hindi alam ng dalawang bansang ito.

Dumagundong ang palakpakan, may ilan sa mga kasamahan ko ang tumayo para ipakita ang kanilang suporta sa unang ginang. Nagngingitian kami, nagkakamayan. Tinipon ulit kami ng unang ginang pagkatapos, interesado akong malaman kung ano ang maibabahagi ninyo sa akin, ng sabi nito, hawak niya ang kaniyang abaniko na pamaypay. Kumusta ang mga aktibista sa UP, ano na ang nangyari sa KM, ano na ang mga proyekto ng SK?

Nasa Nang malaman ng unang ginang na napakaraming ideya ang nanggagaling sa mga kabataan, nabanggit niya ang Fahrenheit 451 ng isang Ray Bradbury. Paano kaya, ang sabi ng unang ginang, na imbes na ipagbawal ang libro, suportahan natin ang mga nagsusulat sa Pilipinas. Palaguin natin ang kanilang ideya, ipalaganap sa mga aklatan ang mga sinulat nila. Wala tayong pipiliin, maka-kaliwa man o maka-kanan, basta’t may ideya, suportahan. Sa ganitong paraan, mas maraming pag-uusapan at pag-aaralan. Tatalino ang mga tao, pero hindi makakaramdam. Naiintindihan ba ako?

Walang gumalaw sa amin, ang punto ko, pagtutuloy ng unang ginang, kung ito ang totoo, habang hawak niya ang abaniko, ano pa ang totoo tungkol dito?

Kung ang pamaypay ko ay isang gawang sining, hindi na ito pamaypay, isasabit na lang ito sa dingding at titingnan ng mga tao. Pero pag-uusapan pa rin nila kung ano nga ba itong hawak ko, palamuti o pamaypay. Pag-uusapan nila ang gumawa ng pamaypay pero matagal nila bago pag-usapan ang may hawak nito. Kailangan nating ilayo ang mga tao sa iisang ideya.

Sa sobrang tuwa ng unang ginang sa kaniyang bagong ideya, pina-uwi niya agad kami. Namumula ang kaniyang pisngi na parang makopa. Tumatalon-talon siyang parang bata papunta sa opisina ni Makoy. Bago siya pumasok, pinasalamatan niya kami, pinaalalahanan na kasaysayan ang ginagawa namin at napakalaking pasasalamat ang ibinibigay ng palasyo sa mga serbisyo namin.

Pagkatapos ng ilang buwan, napansin kong mas dumami ang mga estudyante sa UP ang umaalis para mag-aral sa ibang bansa. Ang ilan sa kanila, mga aktibistang nasasakal na sa paranoia ng napaka-tagal na psych-warfare na ginagawa ng estado. Mayroon na kasing maingay na kuwento-kuwento na magpapatupad ng Martial Law si Makoy para palawigin ang kaniyang termino. Ayon sa bagong konstitusyon, pupwedeng magbaba ng Martial Law ang presidente nang hindi humihingi ng permiso sa kahit anong sangay ng gobyerno. Magkaroon lang ng panganib sa pundasyon ng gobyerno, pupwede itong ipatulad. Habang patuloy ang pagpaslang sa mga akbitistang lumalagpas sa hangganan ng kanilang kalayaan, kapag naamoy naming lumalapit na sila sa paghimok sa mga kapwa estudyante na mag-aklas, kapag umingay na ang pangalan nila pati sa labas ng unibersidad, kailangan silang iligpit. Hindi kami ang gumagawa noon, nagbibigay lang kami ng report tungkol sa estudyante, kung anong oras madalas na umuuwi sa dorm, kung saan nagpupunta, kung saan madalas naka-tambay.

Naglabas rin ang unibersidad ng mga grants sa mga mananaliksik at manunulat. Marami ang mga manunulat na nagpasa ng aplikasyon, maraming akda ang nailabas sa taong 1974 hanggang 1982. Pati si Makoy ay naglabas ng kaniyang mga libro na tumatalakay sa kaniyang pilosopiya sa pagpapalakad ng gobyerno. Ito ang rebolusyon, sabi niya sa kaniyang libro, bilang patama sa mga rebolusyonaro’t miyembro ng mga tinatawag niyang teroristang grupo.

Hindi nagtagal, may ilang estudyante ang nagbigay ng suporta kay Makoy. Ang ilan ay naimpluwensyahan ng mga propesor sa College of Law na kabarkada ni Makoy noong nag-aaral pa ito ng pag-aabugasya. Nagtayo sila ng organisasyon para mas mapalawak pa ang kanilang paniniwalang ang rebolusyon na kailangan ng Pilipinas ay pagsuporta sa mga repormang ginagawa ni Makoy.

Nang magsimula ang first quarter storm, isa ako sa mga nanatili sa tuktok ng Engg nang magkaroon ng Diliman Commune para magsindi ng kuwitis at takutin ang mga dumadaang helicopter. Nagtawanan ang mga kasama kong aktibista pagkatapos ng ginawa naming pagpapalipad ng mga kuwitis, kapag tiningnan kasi sa malayo, mukha itong mga bala ng bazooka. Hindi na bumalik ang mga helicopter pero mas naging mainit ang mga nangyayari sa mga entry-points ng unibersidad. Nabalitaan rin namin na mayroong mga estudyanteng nabaril sa University Avenue. Tumutugtug naman ang pagkanta ni Makoy sa kirida niyang si Ms. Beams.

Sa unang pagkakataon, naramdaman ko na kabilang ako sa kanila. Naaliw ako sa paraan ng pagkukuwentuhan ng mga nakasama ko habang sama-sama kaming kumakain. Ito ba ang hindi ko nakikita, ang tanong ko sa sarili, hindi ganito sa palasyo. Hindi ko nakakakuwentuhan ang unang ginang ng mga bagay na labas sa kaniyang interes. Napukaw ang atensyon ko ng mga nagkukuwento tungkol sa mga libro na nakuha nila sa Main Library. Mga libro daw itong hindi pa nailalabas para magamit ng mga estudyante. Ipinapakita nila ang mga nakuha nilang libro, mga libro ni Lenin at ng mga rusong manunulat. Tayo ang magsisimula ng Bolshevik ng Diliman, ang  matikas na sabi ng isa, tayo ang Red Army ng ating panahon!

Pagkatapos magpalitan ng mga pinapangarap nilang maging, nagbago ang takbo ng usapan nang mapunta ang usapan sa kung ano ang dapat na maging. Hindi naman malayo sa akin ang mga ganitong tanong dahil sa mga napasukan kong klase sa pilosipiya. Paano na lang ang kuryente kapag nagkaroon ng rebolusyon, paano ang tubig, paano na lang ang pagkain. Natatapos ang ganitong usapan sa pagbalik sa masa, ang masa ang magbibigay. Sila ang may hawak ng lakas paggawa at sila ang makapagbibigay ng mga iniisip nating unang suliranin. Sa ngayon, mga kasama, gawin natin ang lahat para mabago ang lipunan. Malayo pa ang laban pero hindi ito malabo.

May isang matandang tibak ang dumating, pinaalalahanan niya ang mga kasama namin na kailangan nilang ibalik ang mga libro sa main library dahil pagmamay-ari ng mga estudyante ng hinaharap ang mga libro doon. At natulog kami, kasama ng mga sikretong hindi ko masabi sa kanila, kasama ng mga huni ng kuliglig.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Paniningil ng Pagsusulat

Ilang buwan na akong binabangungot. Mga imahe ng mga mahal sa buhay na mamamatay sa tabi ko, rumaragasang tubig na bumabasa sa manuskrito ng isinusulat kong nobela, at ang pinaka-kinatatakutan ko ay ang mahulog sa hindi natatapos na bangin. Isinusulat ko ito, hindi para magpaalam sa pagsusulat. Hindi na ito matatanggal sa akin, hindi na rin mawawala ang mga isinulat ko. Pero pakiramdam ko ay sinisingil na ako ng sarili ko sa mga oras na sinayang ko sa pagharap sa papel na ang laman lang ay pangalan ko. Ang maliksing sulatin na ito ay para sa panimula ng taon.

Sa ilang linggo nang hindi pagpaparamdam sa kahit kanino, kahit sa mga pinakamalalapit kong kaibigan, ko naalala ang kahalagahan ng pagsusulat para sa akin noon at ang kahalagahan nito ngayon. Bilang nagsisimulang manunulat, isang tuwid na direksyon ang kinakailangan para maging isang manunulat: malathala at manalo sa mga patimpalak. Ito ang sinasabi ng mga nobelista, rerespetuhin lang ang nobela mo kapag nanalo iyan ng Palanca. Para itong middleman ng bigas na kailangang daanan ng bigas para makarating sa mamimili. Sakit sa ulo lang ang dulot sa akin ng kontradiksyon ng kahalagahan sa pagsali sa mga contest sa pagsusulat. Bakit ko isasalang ang isinulat ko sa isang patimpalak na hindi naman mambabasa ang mamimili ng mananalo? Anong kasiguraduhan ko na maiintindihan ng karaniwang mambabasa ang isusulat ko para sa mga kritiko ng panitikan?

Ilang taon rin akong tumigil sa pagsusulat bago ko ulit nahanap ang bahagi ng pagsusulat sa sarili ko. Marami sa mga hindi kilalang nobelista ngayon, ang ilan sa kanila ay nakaka-usap ko paminsan-minsan, ay hindi kilala ng akademya o kinalimutan na ng akademya dahil matagal na silang hiwalay sa mga haligi ng unibersidad. Sila ang mga manunulat na palagi kong sinasabihan na kailangan naming magsulat. Ang tunay na patimpalak ay ang pagsusulat ng mga karanasan natin kasama ang simpleng tao. Dahil sila rin ang dapat na nagbabasa ng kanilang mga kuwento. Doon magsisimula ang pagninilay sa sarili, ang pagpapahalaga sa kahalagahan ng sarili, at ang nagpapatalas sa dila ng isip na tikman o iwasan ang kahit anong salitang inihahain ng mga taong nasa posisyon.

Kaya malaki ang bahagi ng mga umuusbong na palimbagan, lalo iyong mga independent para bigyan ng pagkakataon ang kahit sinong naglalayon na malathala. Kung ako ang tatanungin, mananatili ako sa labas ng karaniwan at mananatiling nasa loob ng iba. Ang magiging malaking balakid siguro ng mga palimbagan ay ang pagpapalawig ng naaabot ng libro. Kung sakali lang magkaroon ng network sa pagitan ng mga independent publishers at independent booksellers sa Pilipinas para mabigyan ng pagkakataong maitampok ang akda ng mga umuusbong na manunulat, mas magiging madali para sa lahat na maabot ang panibagong malikhaing akda.

Ito siguro ang pinag-iisipan ko nitong mga nagdaang mga araw, sinisingil na tayo ng ating mga panulat na ilabas ang mga isinulat natin. Pero nasaan ang mga makinarya para maabot ng mga akda ng mga manunulat ang mga taong hindi naman sumusubaybay sa mga Univerisity Press, o pumapasok sa mga bookstore. Paano magkakaroon ng koneksyon ang komunidad sa mga akdang pampanitikan?

Maliban sa dapat na magkaroon ng relatability ang mga isinusulat ng mga manunulat, kailangan ring mayroong pisikal na manipestasyon ang mga naglalathala para maipadala sa komunidad ang mga malikhaing akda. Malaki rin sana ang pagkakataon kung mayroong pampublikong aklatan ang bawat siyudad at municipality sa bansa.

Mayroon na tayong mapa, natuwa nga ako nitong 2020 dahil napakarami nang lumabas na mga publishing house na ang humahawak ay hindi mga matatanda sa akademya, kung hindi mga batang manunulat na gustong baklasin ang middleman sa paggawa ng malikhaing akda. Napakarami pang bahagi kung saan tayo pupwedeng umunlad. Kaya palagi kong pinapaalala sa sarili ko na kinakailangang alamin kung ano ang karaniwan at palaging tumalon nang isang daang hakbang na mas malayo para makita kung ano pa ang dapat na gawin. Dahil ang pananatili sa nakasanayan, ang pagsanay sa sarili na gawin ang isang bagay nang paulit-ulit ay hindi nagbubunga ng pangkalahatang pag-unlad, nagbubunga lang ito ng pagpapalakas sa isang bahagi ng pagiging indibiduwal nang hindi nakikita na ang bawat pagpapalakas sa mga salik na bumubuo sa sarili ay pagdaragdag ng maaaring iambag sa komunidad.

Ang mga hinuhang ito, kasabay ng pagdating ng panibagong taon, ay isang bahagi ng gusto kong maabot sa 2021. Kung sakali na mabigyan ng oras para maipagpatuloy ang pagsusulat ng nakaparada kong nobela, inaasahan kong mailalabas na ito ngayong taon. Kung sakaling hindi naman, nawa’y maging panahon ito para sa lahat ng nangangarap na umunlad ang paglalathala sa Pilipinas na magtaguyod ng mga kone-koneksyon. Dahil wala rin naman tayong aasahan kung hindi ang isa’t isa, magsisimula ito sa isang pangarap at alam kong nakahanda tayong ilatag ang daang bakal para makarating tayo sa isang taon kung saan masasabi natin na umunlad tayo, ang ating komunidad, at ang ating lipunan.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Kalamidad

Pinapanood kong mag-unahan sa pamamangka ang mga bata sa amin. Magsisimula sila sa dulo ng isla at magtatapos sa pantalan ng Guijalo. Ginagawa ko rin iyon noon, naglalagay kami ng bato sa loob ng bangka para pampabigat at pambalanse. Tatlong tao ang kasya sa isang maliit na bangka, dalawang nagsasagwan sa harap at likod, at may naka-upo sa gitna. Kapag halos walang alon sa dagat, makikita mo ang mga isda sa ilalim ng tubig. Sumisisid ang mga kaibigan ko pero hindi ko magawang bumaba sa tubig. Kaya kong magsagwan pero hindi ko magawang sumisid. May takot ako sa pagkalunod, siguro dahil sa napakaraming karanasan ko sa bagyo. Humahagupit ang alon sa Guijalo kapag may bagyo, naalala ko pa noon na nakikita pa naming paparating ang bagyo mula sa malayo. Kumikislap-kislap ang ulap at bumubuhos sa malayo ang ulan na parang makinis na kurtina. Pumapanhik ang lahat ng tao sa pinaka-mataas na simbahan ng Buenviaje. Hindi lang sumisipol ang hangin sa amin, humihishis ito na parang libo-libong mga tiktik sa bubungan. Kapag natapos ang ulan, bababa kami para tingnan ang naging pinsala sa mga bahay. Sa Guijalo, palaging nagsisimula ang mga tao, dapat handa kami sa tag-araw dahil dito dumarating ang mga turistang manggagaling sa San Jose. Sa mga panahon rin na ito kami nakakabawi sa mga nawala nung tag-ulan.

Kapag binibisita kami ng bagyo, masuwerte nang maambunan ng kaunting tulong. Walang malalaking tao ang nakatira sa amin, wala ring malalaking bahay. May ilan-ilang mga magagandang bahay, pero nananatiling payak ang pamumuhay sa amin. Ang sakit lang ng ulo ng marami sa mga taga-Guijalo ay mga kabataang pasaway, pero ano nga namang aasahan mo sa mga taong namumulat sa kakulangan ng kalayaan at kakulangan sa kakayahang makaabot ng pangarap. Sa amin, suwerte na ang mga taong makalabas sa Guijalo, nabubuhay ang mga tao sa araw-araw. Iyon na siguro ang pinaka-kakaiba sa amin, mas inuuna ang pangangailangan ngayon kaysa sa pangangailangan sa susunod na mga tao. Kapag masyadong malayo ang pinaghahandaan, maraming mga pangyayari sa araw-araw ang hindi mabibigyan ng tugon.

Nag-aalala ako ngayon sa mga taga-Guijalo, ilang taon na rin akong nakatira sa Naga at itong nagdaang mga bagyo ang pinaka-malalang naranasan ko. Kumusta na kaya ang mga bahay malapit sa dagat? Kumusta na kaya ang mga kaibigan ko doon? Siguro’y wala pa rin silang kuryente, wala pa ring signal. Baka nga nasira rin pati ang kaisa-isang barkong dumadaong sa Guijalo, kaya wala pa ring makapagbigay ng balita sa akin.

Kapag hinanap ko ang gobyerno pagkatapos ng mga kalamidad, hindi ba’t parang huli na ang lahat para bigyan ng aksyon ang mga nasalanta ng baha, ang mga buhay na nawala, at ang mga bahay na nasira? Palagi kong naririnig ang paghahanap ng mga tao sa gobyerno, nand’yan lang sila, ang palagi kong tugon. Palagi naman silang nand’yan. Mas matitibay ang mga bagay nila kaysa sa atin, dagdag ko pa.

Pero bakit sa tuwing may kalamidad, hindi tayo nagiging handa. Hindi tayo nagtatanda sa dinami-dami ng bagyo, lindol, at kung anu-anong pagsubok na dumadaan sa Pilipinas?

Sa tingin ko, hindi ito usapin ng presensya ng estado. Nabubuhay ang taong hindi nakakatanggap ng kahit anong tulong sa gobyerno. Pero tungkulin ng gobyernong ipaabot sa tao ang serbisyo dahil lahat tayo ay nagbabayad ng buwis. Napakalaki ng pera ng estado, araw-araw silang nakakatanggap ng buwis mula sa mga binibili ng tao sa palengke hanggang sa mga luho katulad ng casino. Hindi mauubos ang pera ng estado hangga’t mayroong mga gumagastos ng kanilang pera, hangga’t mayroong mga negosyo at hangga’t mayroong trabaho.

Sa ilang taon kong paglilingkod sa ilalim ng gobyerno, masasabi kong baliko ang tingin nila sa paggastos. Maliban sa pagtitipid ng pondo, kinakailangan rin nilang gastusin ang pera ayon sa mga pamantayan na ibinigay ng mga nasa itaas. Kaya kahit na nakikita ng ilan na kinakailangan ng pagpapatayo ng mga evacuation centers, hindi iyon agad puwedeng gawin dahil kinakailangan pa nitong dumaan sa burukrasya, sa mahabang debate tungkol sa paggastos, at kung saan makakatipid ang gobyerno.

Masalimuot ang nangyayari sa Pilipinas, napakaraming sakuna ang matagal na dapat nating napaghandaan, ilang ulit na rin namang binabanggit na palaging dinadaanan ng bagyo ang Pilipinas, na nasa bahagi tayo ng mundo na palaging nililindol. Kaya habang nakikinig sa radyo tungkol sa paghahanap ng mga tao sa presidente ngayon na kakadaan lang ng mga bagyo sa Pilipinas, hindi iyon ang pinaka-tumpak na pagharap sa mga nangyayari. Ang dapat nating pagsingil ay ang paggastos sa pera ng taong bayan na naka-tuon sa mga pangnagailangan natin ngayon at sa mga susunod pang mga tao. Hindi mauubos ang bagyo, pero pupwedeng gumawa ang gobyerno ng mga lugar kung saan magiging ligtas ang mga tao, pupwedeng makipag-usap ang gobyerno sa mga siyentista kung paano maaagapan ang baha. Pupwedeng bumuo ang gobyerno ng mas mabilis na pag-uusap sa pagitan ng mga institusyon, ng mga bayan, ng mga ahensya ng gobyerno para mabilis na makatugon sa kalamidad.

Ang pinaka-kailangan natin ngayon ay hatakin ang gobyerno na bigyan ng kakayahan ang bawat lugar na tumugon sa mga kalamidad. Dapat ngayon pa lang, alam na natin ang kahalagahan ng buhay at kung ano ang mga bagay na makapagliligtas sa atin sa mga darating na sakuna. Sa pagpapahalaga natin sa isa’t isa natin masisimulan na maitama ang pagsingil sa gobyerno, hangga’t hindi natin sila nasisingil sa kung ano ang dapat nilang gawin sa pera, mananatili silang hiwalay sa mga hinaing natin at patuloy sila bibili ng mga gamit pandigma na hindi naman natin nagagamit sa mga oras na pinaka-kailangan natin. Ang delusyon ng estado ay delusyon rin ng taong-bayan sa kanilang sarili.

Hinihiling ko na lang na sana, nakapagsasagwan na ulit ang mga nasa Guijalo. Sana sa hinaharap, hindi na nila kailangang magsimula ulit, dahil ang gagawin na lang nila ay magpatuloy. Dahil naingatan nila ang isa’t isa, at dahil ibinigay ng estado ang pangangailangan ng bawat lugar, batay sa mga karanasan nito sa kalamidad. Totoo na magsisimula ang pagbabago sa sarili, magsisimula ito sa pananaw o kung paano natin titingnan ang mga nangyayari, kung ano ang dapat nating gawin at kung ano ang dapat nating singilin sa gobyerno.

Kapag alam na natin kung ano ang halaga natin bilang mga indibiduwal na kinukuhaan ng buwis, doon natin malalaman na araw-araw na gumagawa ng paglabag ang gobyerno sa mga dapat nitong pinaglilingkuran.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Lipunan

Walang ganap na rebolusyon. Walang perpektong rebolusyon. Wala ring katotohanan ang rebolusyong matagumpay na babasag sa inhustisya ng isang bansa, at ng mundo. Kapag pinagninilayan ko ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka, mula sa Katipunan hanggang sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan, ang pangunahing balangkas ng mga ganitong uri ng rebolusyon ay kunin ang kapangyarihan ng sentro. Ang sentro na kapangyarihan ay nabubuhay sa iisang balangkas ng kaayusan. Mapanganib ang sentral na kapangyarihan, mapanganib ang kapangyarihan. Ang pagbibigay-lakas sa iilan  ang patuloy na suliranin ng lahat ng bansa sa mundo.

Noong kabataan ko sa unibersidad, kapag tinatanong ko sa mga kasamahan kong aktibista kung ano ang Pilipinas pagkatapos ng rebolusyon, hindi rin malinaw sa kanila ang hulma ng lipunan na inaaral namin sa mga educational discussion. Ano ang Pilipinas sa ilalim ng sosyalismo, ng komunismo. Magkakaiba ang kanilang sagot, kani-kaniya sila ng pagtatayo ng imahe sa inaakala naming malapit na hinaharap.

Kung hindi malinaw ang lipunan pagkatapos ng rebolusyon, anong kasiguraduhan kong hindi maghihirap ang sambayanan, ano ang katiyakan ko na hindi ito matutulad sa nangyari sa Tsina at Russia. Sisisihin ko ba ang rebisyonismong tendensiya ng mga namumuno sa isang bansa na mayroong iba’t-ibang konteksto?

Mapanganib ang ideya, pumapatay ang mga konsepto. Nakatatakot ang salita at makapangyarihan ang mga pangungusap. Ilang buhay na ba ang nawala dahil sa mga malalaking rebolusyon, ilang trilyon na ba ang ninakaw sa taong bayan para may ilagay na bala sa baril ng nagtutugaliang panig?

Kapag lumalabas ang ganitong tanong sa isip ko, pinapaalala ko sa sarili na batayang masa ang mapagpasya. Pero nasaan ang linya ng pagiging tiyak dahil nag-iisip para sa sarili at pagiging tiyak dahil sinasabi ng iba. Kailan ang tamang panahon para magrebolusyon? Anong uri ba ng rebolusyon ang dapat na mangyari?

Kakaiba ang digmaan ng bagong panahon, hindi ito katulad ng mga digmaang gamit ang armadong puwersa. Hindi ito paramihan ng lupain. Ang digmaan ngayon ay labanan ng ideya, nakawan ng isip, at malawakang pagtutuloy ng hipnotismong iniwan ng kolonisasyon. Nasa punto tayo kung saan mayroong kapasidad ang mga bansa na punan ang pangangailangan nito gamit ang patuloy na umuunlad na teknolohiya. Pero hindi nila ito ginagamit, at wala sa plano ng mga nasa itaas na gamitin ito.

Yumayaman ang iilan sa pagiging atras ng lipunan, nagkakaroon ng kasigurahan ang mga mayayaman sa katangahan ng bayan. Ang pagpaparamdam ng kaunting ginhawa ang susi para masabi nilang umunlad na ang bansa.

Hindi na armadong pakikibaka ang solusyon. Pinapanatili lang nito ang sakit ng lipunan at papapatatagin lang nito ang hirarkiyang pinag-uugatan ng lahat. Walang tiwala ang rebolusyon sa sambayanan, na pangunahing miyembro rin ng rebolusyong ito. Masakit na katotohanan ang paranoyang bumabangon sa isang rebolusyonaryong gobyerno, mas matalas ang kanilang mga tenga sa kaunting indikasyon ng pag-aaklas, ng mga kontra-ideya. Kaya palaging may paghihigpit pagkatapos ng rebolusyon, kaya nagkakaroon ng hindi balanseng pagtutunggali ng mga nagnanais pumalit sa kapangyarihan.

Pero paano kung mawala sa usapin ang kapangyarihan? Paano kung ang babalikan natin ay ang komunidad at hindi ang pagpapalit ng sistema. Ang paglaban sa loob ng sistema ay paglaban sa imahe ng salamin. Ang rebolusyong pinaghahandaan ng lahat ng estado sa mundo ay kabisado na nila, at nailatag na nila ang pundasyon para hindi matuloy ang kahit na anong uri ng rebolusyon. Alam ng imperyo kung paano nito ikakahon ang sarili, at hangga’t mayroong mga panig na nagsasagupaan para sa kapangyarihan, hindi magkakaroon ng kahulugan ang kalayaan.

Bata pa ang Pilipinas at isip-bata pa ang mga Pilipino. Matagal pang panahon ang pagdaraanan ng gusgusin nating republika bago natin mapagtanto na ang rebolusyong magbabago sa lahat ay ang pagbasag sa lipunan, ang pag-alpas sa usapin ng dalawang panig, at ang pagninilay tungkol sa konsepto ng espasyo, pagpapahalaga sa sarili, at ang pagbibigay halaga sa pagbubuo ng panibagong kahulugan ng komunidad na nakaangkla sa pagbasag sa ideya na dapat mayroong namumuno at may pinamumunuan.

Kinakailangan nating maging malikhain kung paano natin titingan ang hinaharap. Maging pundasyon nawa natin ang bawat balita ng inhustisyang kinakaharap ng bansa ngayong panahon ng pandemya. Napakalayo pa natin, at pagkakataon ito para alamin kung ano ang Pilipinas sa hinaharap.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Proseso

Kapag tinitingnan ko ang mga nangyayari sa LGU, hindi ko magawang hindi makaramdam ng dismaya. Binibigyang kapangyarihan ng gobyerno ang mga local government units ng awtonomiya, hindi nila pupwedeng utusan ang mga barangay kung paano nila gagawin ang kanilang trabaho. Dahil dito, marami sa mga barangay ay hindi alam ang gagawin sa pang-araw-araw na pangunguna sa barangay. Wala akong kilalang opisyal sa barangay na pumasok bilang kagawad o kapitan na alam ang gagawin sa barangay. Maliban sa pagbibigay ng pangangailangan ng mga nasasakupan nila batay sa konteksto ng kanilang lugar, kailangan rin nilang ipatupad ang mga guideline na ibinibigay ng DILG at gobyerno. Pero sa maraming pagkakataon, hindi direktang ginagabayan ng DILG at gobyerno ang mga barangay, maliban sa napakaraming barangay sa Pilipinas, kinakailangan rin nilang pangalagaan ang awtonomiya ng mga ito.

Isa sa mga pinakamalapit sa akin na opisina ng barangay ay ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) dahil ito ang opisina na nangangalaga sa karapatan ng mga bata at humahawak sa mga kaso ng Child At Risk (CAR) at Child In Conflict with the Law (CICL). Mahalaga ang opisina na ito para mabigyan ng interbensyon ang mga batang nangangailangan. Sa mga barangay na nabisita ko, sa Maynila at sa Bikol, ang isa sa mga nagiging hamon sa mga barangay ay ang kakulangan ng mga social worker na kinakailangan para tumanggap ng tawag at umasikaso sa mga dudulog sa mga kaso ng bata na matatanggap ng barangay. Kahit sa Maynila, mayroong kakulangan ng mga social worker na nagtatrabaho para sa DSWD. Kaya madalas, part-time lang na mga social worker ang nakakaagapay ng barangay. Ang nangyayari, napakaraming kaso ang hindi nabibigyan ng kaukulang atensyon.

Mahirap iyon ipaintindi lalo na sa mga opisyal sa barangay na nakatira sa probinsya. Ang proseso ng pagdidisiplinang kinalakihan nila noong sila ay bata pa ay inihahambing nila kung paanong naging maayos naman sila ngayon at naging kapakipakinabang sa lipunan.

—Victoria Garcia

Kapag hindi nasasaayos ang mga proseso ng BCPC, mayroon itong malaking epekto sa mga CAR at CICL sa isang lugar. Kung hindi marunong humawak ng kaso ng mga bata ang mga opisyal na kabilang sa BCPC, imbes na pangalagaan ang karapatan ng bata ay baka malabag pa nila ito. May mga pagkakataon na pinapatigil na sa pag-aaral ang bata dahil kailangan daw itong ipasok sa Bahay Pag-asa para ma-rehabilitate. Pero dumaragdag lang ito sa problema ng bata, lalo lang itong nakapagbibigay sa kanila ng stress lalo’t titigil sila sa pag-aaral. Ika-nga, dapat palaging “Best Interest of the Child”. Ang kinakailangan ng mga CAR at CICL ay tamang interbensyon para magabayan sila at malaman ng barangay ang mga dahilan kung bakit nila ginagawa ang mga bagay na nakakagambala sa pamayanan.

Sa tuwing nakakabalita ako na mayroong bagong kaso ng CAR at CICL sa amin, maliban sa kagustuhan kong malaman kung kumusta ang bata, ay gusto ko ring alamin ang mga prosesong dinadaanan niya sa kamay ng barangay. Hindi sa pagbibigay ng masamang imahe sa mga opisyal sa barangay, pero mayroon talagang kakulangan sa kaalaman at training ang mga opisyal natin. Ang mga pinanghahawakan nilang mga paniniwala ay nakaayon pa rin sa nosyon natin kung paano dapat disiplinahin ang mga bata. Pero hindi na lang pagpalo o pagpaparusa ang mga pupwedeng gawin na pagdidisiplina, kaya mayroong tinatawag na positive discipline. Ito ay alternatibong paraan para maiwasan ang mga paglabag sa karapata ng bata. Mahirap iyon ipaintindi lalo na sa mga opisyal sa barangay na nakatira sa probinsya. Ang proseso ng pagdidisiplinang kinalakihan nila noong sila ay bata pa ay inihahambing nila kung paanong naging maayos naman sila ngayon at naging kapakipakinabang sa lipunan. Pero paano iyong mga bata na nagkaroon ng trauma, iyong mga bata na nawalan ng tiwala sa sarili dahil sa mga taktika sa pagdidisiplina na umaatake sa personal na kakayahan ng bata? Nasabi ko na ito dati, hindi nagiging disiplina ang pananakit. Pang-aabuso ang disiplina na gumagamit ng dahas.

Dito rin pumapasok ang mga Non-Government Organization na nagpupunan sa mga kakulangan ng gobyerno na bigyan ng kaukulang kakayahan ang mga kawani ng LGU. Malaki ang pasasalamat ko sa mga organisasyon na nag-aabot ng tulong ay bukas loob na nagbibigay sa amin ng training tungkol sa iba’t ibang mga paksa. Kung ihahambing ko ang kaalaman namin ngayon sa LGU tungkol halimbawa sa mga operasyon ng mga pulis lalo na kapag tungkol sa droga. Dapat inaabisuhan ng mga pulis ang barangay kung saan sila magsasagawa ng operasyon, dapat mayroon silang kasamang kawani ng barangay sa araw o gabi ng operasyon. Kukundinahin ng LGU ang kahit anong operasyong hindi ipinaabot sa mga barangay. Ito ay isang hakbang para mabawasan ang abuso katulad ng nangyari noong 2016. Ang kapangyarihan ng bibig na magbitaw ng utos ay tinatanggap na totoo ng karaniwang tao nang hindi iniisip ang mga implikasyon ng mga aksyong magbubunga dito. Hindi isang diyos ang nasa mataas na gobyerno at hindi obligadong manatiling tapat ang kahit sino sa estado. Kung ang estado ay hindi pinapangalagaan ang kapakanan ng lahat ng mamamayan, mula sa tinitingnan bilang mababa at sa iniilusyong nasa taas, bakit ko ibibigay ang katapatan ko sa kanila?

Ito ang nagiging pansariling suliranin ko lalo na noong mainit ang balita tungkol sa mga bangkay na nakikita na lang sa mga bangketa ng Maynila. Mayroong takot noon na paano kung umabot sa amin ang salot na pinakawalan, paano kung isang araw may makita akong bangkay habang naglalakad papunta sa simbahan ng Penafrancia?

Kami ang nasa labas, at mas makapangyarihan kami sa aming balwarte kaysa sa mga naninirahan sa kalayuan. Hindi ko sinasabing wala kaming mga demonyong umaaligid, marami rin dito, mga pami-pamilya. Pero kahit sila ay mahina ang hawak sa mamamayan.

—Victoria Garcia

Pinaglalaruan ng takot ang isip at bumabangon ang alinlangan sa araw-araw na pagpasok sa munisipyo. Pero sino nga ba sila, ano nga ba ang posisyon ng mga nasa sentro sa usapin ng mga nasa labas. Kami ang nasa labas, at mas makapangyarihan kami sa aming balwarte kaysa sa mga naninirahan sa kalayuan. Hindi ko sinasabing wala kaming mga demonyong umaaligid, marami rin dito, mga pami-pamilya. Pero kahit sila ay mahina ang hawak sa mamamayan. Sumasagana lang sila dahil nakakabit ang kadena nila sa puwerta ng kapangyarihan. Nakahanda lang sila na dilaan ang tae ng taga-sentro, dahil naniniwala silang ginto ang tae ng mga ito. Kaya hayok na hayok kung humimod ang mga ito, lalo na iyong nabibigyan ng pagkakataong makaapak sa palasyo ng sentro.

Sa huli, kami na gumagawa ng paraan para maging maayos ang nagiging serbisyong umaabot sa kasama namin sa pamayanan ang pinakamahalaga. Hindi ang mga malalaking pangalan na nakakalat sa bawat poste at bawat pader ng probinsya. Hindi naman sila bumababa para tingnan ang mga ginagawa namin, inaangkin lang nila ang mga nagagawa namin bilang sa kanila. Kunwari’y sila ang nagpapasuweldo sa amin, pero ang totoo’y ang taong bayan.

Kami ang gumagawa ng proseso, kami ang nagsasagawa ng mga hakbang sa loob ng proseso. Kaya masama ang loob ko tuwing eleksyon, lumalabas sa bibig ng mga nasa posisyon ang mga bagay na hindi nila sinubaybayan, hindi nila pinaglaanan ng oras, at hindi nila sinuportahan. Pero ganoon na nga siguro ang sistema, silang maliliit na gumagawa sa likod ng kurtina ang tunay na mga bayan, pero hindi natin iyon alam. Dahil ang naririnig lang naman natin ay ang mga malalaking pangalan na nabibigyan ng pagkakataong magsalita sa harap ng entablado, sa itaas ng pulpito, sa harap ng mikropono.

Kailangan kaya tayo matututong magtanong: Kami ang kumakayod pero bakit kayo ang nakikinabang?

Sa tuwing dumadaan ang mga araw, mas tumataas ang respesto ko sa mga katulad kong kawani. Hindi gagana ang kahit anong makina kung wala ang mga maliliit na mga piyesa. Sana, isang araw, malaman natin kung anong uri ng serbisyo ang dapat nating asahan mula sa mga taong sapilitang kumukuha ng bahagi ng kinikita natin sa araw-araw.

Matagal pa siguro bago natin makita ang kahalagahan ng pagtatanong sa sarili, sa mga taong nasa posisyon, at sa mga taong nakakasalamuha natin. Hindi pa tayo handang harapin ang mga tanong tungkol sa proseso, mga tanong kung bakit ganito ang sistema.

Sa ngayon, babalik ulit ako sa trabaho para gampanan ang tungkulin ko. Ang mahalaga sa akin ay makapagbigay ng serbisyo, kahit sa maliliit na mga paraan. Hahayaan ko na silang magsirko sa harap ng entablado.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.