Tungkol sa Bagong Normal

Gusto kong magpahinga mula sa pagsusulat nitong nagdaang mga linggo. Siguro dahil gusto ko munang bumalik sa pagninilay at huwag itulak ang sarili na magsulat dahil kailangan kong magsulat. Palagi kong pinapaalala sa sarili na nagsusulat ako dahil gusto kong magsulat, dahil gusto kong magkuwento at gusto kong magsalita. Nagpaabot ako ng abiso sa Revolt Magazine na magpapahinga muna ako at alam kong tinanggap nila ang naging pabatid ko.

Ngayon, pagkatapos ng ilang araw na pagninilay at pagtuon ng atensyon sa nakatambak na gawain sa opisina, napagtuunan ko ng pansin ang mga personal kong panulat: Parker Pen, Pilot Vball, at Jinhao X450 na naglalaman ng Oxblood ng Diamine.

Magkakaiba ang nagiging gamit ko sa mga ito. Ang madalas kong ginagamit kapag gumagawa ako ng outline ng mga dokumento ay ang Parker pen, dahil mas madulas sa kamay. Ang Pilot V-ball naman ay ginagamit ko sa pagpirma ng mga dokumento. Ang Jinhao X450, personal kong ginagamit sa mga journal entry ko at sa pagtatala ng mga bagay-bagay para sa sinusulat kong nobela.

Dahil sa kasalukuyan nating kalagayan, sa malaking bahagi ng araw-araw, lumilipat na ang halos lahat sa espasyong digital. Dahil kumakalat ang sakit sa isang lugar kung saan mayroong nagsasama-samang populasyon ng tao, isa sa mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng sakit ay ang pagsasagawa ng mga aktibidad online.

—Victoria Garcia

Ngayon na mas mahaba na ang oras na inilalagi ko sa bahay, mas naiintindihan ko ang gamit sa mga panulat na ginagamit ko. Ang Jinhao X450, para sa mga may kaalaman sa mga fountain pen, ay wet. Dahil ang ginagamit ko ay medium nib, mas maraming tinta ang ginagamit ng fountain pen na ito na nag-iiwan ng mas basang sulat sa papel. Hindi lahat ng papel ay pupuwedeng sulatan ng mga fountain pen, mayroong mga papel na kapag ginamit ng fountain pen ay dumudugo o nagbe-bleed, ibig sabihin ay tumatagos sa papel ang tinta. Hindi maganda tingnan ang sulat ng mga fountain pen sa mumurahing papel. May ilan-ilang papel na pupwedeng pagsulatan, pero ang pinaka-kilala sa mga ito ay Tomoe River at Midori na parehong gawa sa Japan. Hindi pa ako nakakagamit ng Tomoe River at Midori pero may ilan akong ginagamit na bond paper na inilalagay ko sa clip board para pagsulatan.

Napansin ko rin na hindi gaanong maitim ang tinda ng ginagamit kong parker pen, hindi siya kasing tapang ng itim na tinta sa ginagamit kong Pilot V-ball. Pero pareho ko silang gusto dahil mayroong ipinagkasundong gamit para sa kanila.

Bakit ko ikinukuwento ang aking mga ginagamit sa pagsusulat, bakit ko ito binabahagi sa inyo? Dahil sa kasalukuyan nating kalagayan, sa malaking bahagi ng araw-araw, lumilipat na ang halos lahat sa espasyong digital. Dahil kumakalat ang sakit sa isang lugar kung saan mayroong nagsasama-samang populasyon ng tao, isa sa mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng sakit ay ang pagsasagawa ng mga aktibidad online. Noong nagsimula ang opisina na magkaroon ng mga pulong online, marami sa mga kasamahan ko ang naglalagay ng tala sa harap ng kanilang computer. Sinubukan ko rin ito, maglagay ng mga hinuha sa Microsoft Word. Pero hindi ito epektibo para sa akin, hindi ko naalala ang mga bagay na inilalagay ko sa Word Processor. Sa panahon na bumibilis ang lahat ng mga bagay, kinakailangan kong maghanap ng kabagalan. Kinakailangan ko ng panahon para magnilay at pag-isipang mabuti ang mga nangyayari.

Ang buhay ko ngayon ay sinusubukan kong huwag gawing instant. Ayaw kong magdesisyon sa isang click. Gusto kong isipin ang mga epekto, depekto, tulong, at suliranin ng mga nais gawing aktibidad ng LGU. Pero sa akin lang iyon, sa bahagi ko lang.

Napansin ko, kapag ikinukulong natin ang sarili sa mga bagay na digital, dahil sa mabilis na pagpapalit ng tab at paglilipat ng mga window, maraming mga detalye ang hindi natin naalala. Ang bumabalik lang sa akin ay ang mga malalaking detalye, mga pangunahing aktibidad sa araw-araw. Hindi natin naalala ang mga maliliit na mga bagay, na kapag pinagsasama-sama ay mas malaki pa sa mga pinagtuunan ng pansin.

Matapos kong magpaalam sa Revolt na kailangan ko na munang magpahinga, sinabihan ko ang sarili ko na kailangan kong bumalik sa pagsusulat sa notebook. Kailangan kong damhin ang tinta sa pisikal na papel. Ang bawat kurbang ginagawa ng aking Jinhao, Pilot, at Parker. Ang ligaya sa pagsusulat gamit ang tinta ay ang mabagal na pagbubuo ng mga pangungusap. Ang pag-iisip sa mga salitang binibitawan, na sa maraming pagkakataon ay hindi nangyayari online. Mas natatandaan ng isip ang isinulat gamit ang tinta, at mas dumudulas sa isip ang mga bagay na itinitipa sa keyboard. Nagsusulat ako hindi para masabi na nakapagsulat. Magkaiba ang nagsusulat dahil kinakailangan, sa nagsusulat dahil gustong magsulat.

Ang ligaya sa pagsusulat gamit ang tinta ay ang mabagal na pagbubuo ng mga pangungusap. Ang pag-iisip sa mga salitang binibitawan, na sa maraming pagkakataon ay hindi nangyayari online.

—Victoria Garcia

Sa pagbuo natin ngayon ng bagong normal, huwag sana nating kalimutan na ang lahat ng bagay ay hindi dapat gawing online. Marami pa rin sa mga bagay na kinalakihan natin o iniwan dahil itinutulak ng panahon, kapag ibinalik, ay makakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan ng isip. Marami akong kinakaharap na suliranin sa online pero idinidikit ng tinta ang sarili ko sa realidad. Kasama sa pagsusulat ang pagod ng kamay, at ang pagod ng isip. Ito ang nagbibigay ng kakayahan sa panulat na mas yumabong, dahil mas naipapahinga ng sarili ang katawan kapag napagod ang isa sa dalawa.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Pagbabasa

Walang silid-aklatan sa amin, mayroon lang sa Partido State University, pero wala sa mga barangay. May ilan-ilang libro sa mga elementary school pero hindi matatawag na silid-aklatan ang estante ng mga lumang textbook. Hindi ako lumaki na nagbabasa ng mga kuwento, pero palagi akong nakikinig sa radyo ng mga drama. Pinapakinggan ko ang bawat tunog ng pag-akyat sa hagdan, pagsara ng pinto, ang dramatikong pagsigaw. Kapag nakakatulog ako sa gitna ng pagpikit at pagtutulak sa imahinasyon na buuin ang mga eksena sa dramang radyo, sumasama ang loob ko kinabukasan. Kaya nang madiskubre ko ang kapangyarihan ng pagbabasa, nang masira ang luma naming radyo sa bahay, umaasa ako na kakanlungin ako ng mga salita.

Tinitingnan ko pa rin ang pagbabasa bilang isang proseso ng pagtuklas, paghahanap ng bagong babasahin, at pagpapa-unlad sa panlasa sa mga akdang babasahin. Nagsimula ako sa pagbabasa ng Pilipino komiks, kay Kenkoy, at mga komiks ni Jess Abrera sa Inquirer.

Mula sa akdang pampanitikan ng komiks, ang pagsanay sa utak na magbasa ng mga punchline at pagbabasa sa konteksto ng bawat panel, mayroon pa palang kasing laking mundo sa labas ng komiks, nandyan ang mga kuwento, nobela, tula, at mga akdang pampanitikan na nag-aabang lang na bigyan ko ng pansin.

Nang makapag-aral ako sa University of Nueva Caceres at manirahan sa Naga nang mag-isa, doon ko nadiskubre ang lawak ng mga librong pupwede kong basahin. Nakilala ko, mula sa estante ng maliliit na bookstore ang mga pangalan ni Gabriel Garcia Marquez, Orhan Pamuk, Margaret Atwood, at Doris Lessing.

Kani-kaniya tayo ng gustong basahin, may mga bagay tayo na gustong malaman.

Mahalaga para sa akin ang apat na manunulat na ito dahil nahikayat nila akong magbasa, hinikayat nila akong hanapin ang mundo labas sa mga kuwentong pag-ibig na pinapakinggan ko sa mga dramang radyo. Kahit na umiibig si Ka sa nobelang Snow ni Orhan, hindi pa rin ito naihihiwalay sa pag-alab ng rebolusyon sa Kars.

Kani-kaniya tayo ng gustong basahin, may mga bagay tayo na gustong malaman. Kaya mapili tayo sa dapat basahin, hindi niyo ako mapapabasa ng mga kuwentong pag-ibig dahil interesado ako sa sistema. Pero ang sistema, hindi nabubuo nang walang mga indibiduwal na handang umibig sa loob ng kuwento. Pero may mga kuwentong tungkol sa pag-ibig pero hiwalay sa lipunan, hiwalay sa mga sakit ng mundo, na parang binura na ng kuwento ng pag-ibig ang lahat ng pangit sa mundo.

Pero hindi nawawala ang pangit sa mundo, nananatili ito dahil pinipili nating hindi alamin ang mga dahi-dahilan sa mga ito. Tinatanong ko palagi ang sarili ko, habang tumitingin-tingin sa Booksale sa SM Naga, kung ano ang gustong sabihin ng librong hawak-hawak ko. Itutulak ba ako ng akda na ito para umalpas sa pansarili kong normal? Yayanigin ba nito ang paniniwala ko, maduduwal ba ako o mahihilo dahil kontra-sarili ang akda?

Binabaliw tayo ng pagbabasa, sinusundan natin ang kuwento ng mga tauhan sa isang nobela, at iniintindi natin ang mga ginagawa nilang desisyon. Mayroon silang ipinapasa sa atin na anyo ng pag-iisip. Halimbawa, kung binasa natin ang No Exit ni Jean-Paul Sartre, itinutulak tayo ng akda na pagnilayan ang sarili at ang pagkakaroon/kawalan ng saysay ng mga pangyayari at kung bakit ang karanasan minsan ay isang kasinungalingan. Masalimuot ang mahuli sa sapot ng existentialism. Pero matatapang ang nakakalagas sa usapin ng sarili, ng isip, at ng mga bagay na dinadakma ng mata. Bahagi ng pagbabasa ang malay at hindi malay na pagtanggap ng paniniwalang inihahandog ng akda.

Binabaliw tayo ng pagbabasa, sinusundan natin ang kuwento ng mga tauhan sa isang nobela, at iniintindi natin ang mga ginagawa nilang desisyon.

Sa mga librong pangkasaysayan, ganito rin ang nakikita kong karaniwan na kaso. Ang isinulat na History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo, The Philippines: A Past Revisited ni Renato Constantino, ang Tadhana ni Ferdinand Marcos at Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero ay tumatalakay sa nagtutugmang mga panahon. Pero nagkakaiba sila ng pagbibigay kahulugan sa mga nangyari sa kasaysayan.

Ganito rin ang debate tungkol sa Communist Party of the Philippines, Jose Maria Sison, Ninoy Aquino, at Jesus Lava. Sa tingin ko, kapag hindi tayo nanginig dahil sa mga binasa natin, madali tayong maisasabay ng agos kung ano ba ang CPP, kung bayani ba si Marcos, o kung bakit nagkaroon ng internal purge sa loob ng partido dahil pinasok ng mga deep penetration agents.

Binibigyan tayo ng mga akdang binabasa natin ng sapat na kakayahan na bigyang hatol ang kasaysayan. Sa pagsunod natin sa mga aksyon ng isang tauhan, pinapangunahan natin kung ano ang mangyayari at minsan ay nagugulat tayo dahil iba ang ginawa ng tauhan sa inisip nating gagawin niya. Sa huli, mas lumawak ang pagtingin natin sa paggalaw ng tao, mas lumawak ang mga posibilidad na nakikita natin.

Kapag natutunan natin kung paano humatol sa kasaysayan, mabibigyan rin tayo ng kakayahan na hatulan ang kasalukuyang sistema. Ito ang pinaka-mahalaga, dahil dito nagsisimula ang paghahangad ng pagbabago. Hindi natin puwedeng baguhin ang ating mundo nang hindi natin alam kung ano ang ugat ng paghihikahos.

Isang patibong rin ang pagbabasa, mayroon ring negatibong bahagi ang pagpili ng mga babasahin.

Pagkatapos ng ilang nobela na nabasa ko, umalpas na rin ako sa mga akdang tumatalakay sa mga teoryang panlipunan. Kapag nagbabasa tayo ng isang teorya, binibigyan tayo ng bala para tukuyin kung tungkol saan ba ang binabasa natin, kung saan konektado ang nangyayari sa lipunan, kung bakit mayroon pa ring mahirap.

Isang patibong rin ang pagbabasa, mayroon ring negatibong bahagi ang pagpili ng mga babasahin. May mga pagkakataon rin na lumalawak ang pananaw natin, pero lumalawak lang sa isang bahagi. Para itong isang mahabang highway, humahaba nang humahaba pero walang ibang daan kung hindi pasulong. Sa huli, aaabot ang kalsadang ito sa dalampasigan, at wala nang puwedeng gawan ng kalsada. Paglingon natin sa mahabang kalsadang ito, wala tayong ginawang ibang daan, tsaka tayo aatras at dadaan sa mga pupuwedeng daanan. Kapag nakita natin ang mga daanan na ito, tsaka natin makikilala ang lipunan sa kabuuan nito.

Napakarami ngayon ang nagbabasa dahil sa pag-unlad ng teknolohiya. Natutunan ko ito nang mahuli kong nagbabasa ang anak ko sa kaniyang cellphone. Tinanong ko siya kung anong binabasa niya, ang sabi niya sa akin ay artikulo tungkol sa nilalaro niyang online game. Noon, kapag mayroon akong gustong malaman tungkol sa panibagong teknolohiya, naghihintay ako ng paglabas ng mga magasin. Pero ngayon, mabilis na ang pagkuha ng mga babasahin. Ngayon-ngayon ko lang rin nadiskubre ang mga ebook reader na puwedeng ilagay sa cellphone para makapagbasa ng mga librong nasa kategoryang public domain.

Hindi katulad noon, mas malaki ngayon ang pagkakataon na makapagbasa, pero mas maikling sa tingin ko ang oras natin na magbasa. Dahil na rin sa dami ng inihahain ng internet, nakakalimutan natin na sa likod ng mga bawat social media post, kailangan pa rin natin ng sandata sa pagbibigay kahulugan sa mga ito.

Magsimula muna tayo sa pagbabasa, sa pagpili ng babasahin, at ang paghahangad na intindihin ang mundo.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Social Media

“[T]he major effect of the Panopticon: to induce in the inmate a state of conscious and permanent visibility that assures the automatic functioning of power.”

—Michel Foucault, 1975, 201

Umiikot ang mundo sa pagpapalitan. Nabuhay ang mga sinaunang Bikolano sa pakikipagkalakal. Pinagninilayan ko ang wikang Bikol na sinasalita sa amin sa Caramoan at ang sinasalita sa Legazpi. Pinaghihiwalay ng dagat ang Guijalo at Tabaco. Pero pinag-iisa sila ng wika, mayroong pagkakatulad ang wikang Bikol sa dalawang lugar na ito kaysa sa wikang Buhinon at wikang Rinconada sa gitnang bahagi ng Camarines Sur.

Naitala na sa mga librong pangkasaysayan at sa mga pananaliksik ang pagkakaroon ng pagpapalitan ng mga taga-Caramoan at Albay. Mayroon ring datos tungkol sa mga pirata na nagnanakaw sa mga bangka.

Noong wala pang social media, ang pagpapalitan ng mga kagamitan at materyales ang nagtulak sa wika para umunlad. Naghiraman ang mga taga-Caramoan at Albay ng mga salita para magkaintindihan sila sa pagpapalitan.

Nagbabagong hubog ang pagpapalitan nang maipakilala ang kapangyarihan ng pilak at ginto, na kalaunan ay naging pera. Ngayon, dahil sa mga pagbabago ng panahon, mayroon nang mga crypo currency na mas matibay na alternatibo sa pisikal na pera.

Nabuhay ang sistema sa pagpapalitan ng pera. Ang palagay ng mga eksperto, magiging tamad ang mga tao kapag hindi ipapasok ang konsepto pera bilang kapalit sa pagbibigay serbisyo. Pero hindi na lang simpleng palitan ng pera ang nangyayari ngayon. Umuunlad ang mga demensyon ng mga posibilidad. Ang isang estado halimbawa ay pupwedeng hindi umasa sa kaniyang mamamayan sa pamamagitan ng tax, pupwede itong umasa sa aid mula sa ibang bansa at donasyon mula sa mga pinoprotektahan nitong mga pribadong institusyon.

Dahil sa pagsikat ng social media katulad ng Facebook, Instagram at Twitter, bahagi ng paglawak ng demensyon na tinutukoy ko ay ang mga posibilidad na pupwedeng gamitin ang social media. Sa konsepto ni Foucault na Panopticon, palagi tayong kinikilatis ng mga nasa gitna. Tinitingnan nila ang mga ginagawa natin sa mga pribado nating espasyo at nagmimina sila ng datos mula sa mga aktibidad na ginagawa natin.

Hindi libre ang paggamit ng mga social media na ito, hindi lang sila kumikita dahil sa mga advertisement. Matagal ko nang itinakwil ang paggamit ng Facebook simula nang lumabas ang isyu ng Cambridge Analytica at ang paggamit sa Facebook bilang makinarya sa eleksyon sa iba’t ibang bansa.

Napakadali lang na magkaroon ng datos ang mga social media sa mga susing salita na lumalabas sa isang bansa, kaya mayroong trending na salita sa twitter. Sa pinagsama-samang mga salita pa lang, magkakaroon na agad ng pangunang palagay ang mga nasa likod ng mga social media kung ano ang pulsa ng mga tao sa isang espisipikong lugar. Isang malaking psychological experiment, ang sabi ng ilang nakakaintindi, ang ginagawa ng mga social media na advertisement targetting batay sa mga binibisitang website ng isang user. Pero hindi ito mahalaga para sa iba, dahil ang pangunahin namang gamit ng social media ay makipag-socialize. Gumagana at nagagamit natin ang social media para makipag-usap, hindi na natin inaalam kung ano ang ginagawa ng mga tao sa likod ng mga server ng social media sa datos na nakukuha nila sa atin, sa isang siyudad, sa isang probinsya, sa isang bansa.

Malinaw pa sa akin ang mundo ng social media noong 2016. Nagsabay ang naratibo ng mass media at social media sa pagbibigay imahe sa kasalukuyang pangulo ng Pilipinas. Ang pinakatumatak sa aking balita ay ang pagmamaneho ng taxi ng Mayor para makita ng personal ang mga nangyayari sa kaniyang bayan. Parehas ang ibinalita ng mga network sa TV at mga post sa Facebook. Ang sumunod dito ay nang pakainin ng upos ng sigarilyo ang isang foreigner dahil hindi nito itinapon sa tamang tapunan ang upos.

Nagsilabasan rin ang mga page na nagbibigay suporta sa kandidatong ito, mayroon ring lumabas na mga pseudo-journalist na nagbibigay ng pseudo-komentaryo sa mga nangyayari sa buhay ng butihing Mayor. Hindi naging handa ang mga tao sa pagbaha ng mga detalye tungkol sa mayor na ito, natabunan ng mga malalaking detalye ang maliliit at importanteng mga detalye tungkol sa politiko na ito. Sa huli, nandito na tayo. Ilang tao na ang pinaslang ng war-on-drugs at ilang mamamahayag na ang pinaslang.

Hindi na lang isang simpleng araw ang bawat araw. Nakatanikala tayo sa mga impormasyong lumalabas sa balita, sa ating social media feed, at sa kani-kaniya nating mga espasyo.

May mga pagkakataon pa nga noong nagsimula ang mga pagpaslang, lumabas ang hati sa pagitan ng mga sumusuporta at hindi sumusuporta. Umabot pa ito sa punto kung saan nagbabanta na ang magkabilang panig na tatanggalin sa kanilang friend list ang kontra sa kanilang paninindigan. Isa ito sa pinaka-mahalagang katangahan ng mga gumagamit ng social media. Oo, marami ang mga hindi totoong tao sa social media, mga binabayaran ng estado para bumuga ng komento. Pero marami rin sa mga ito ang nahamig lang ng mga troll at totoong tao rin. Nawalan ng oportunidad na imulat ang mga taong ito dahil sinara ng kalakhan ng mga tao ang kanilang social media sa kaparehas nila ng politika.

Tuwang-tuwa naman ngayon ang estado dahil nakakulong na ang mamamayan sa bulyawan sa social media. Walang mangyayaring aklasan dahil pag-aaklas na birtuwal ang kaya ng marami. Nahihiya na ang mga aktibistang humawak ng placard dahil mailalathala ang kanilang litrato sa social media. Ito na ang panibagong normal natin. Karaniwan na lang ang magdusa dahil ano nga bang magagawa ng mga taong komportable nang nagbibigay ng komento at nagbabahagi ng mga artikulo.

Pinapahina at hinahati tayo nang hindi natin napapansin. Ang kaakuhan sa realidad at kaakuhan sa social media ay naghahalo na. Pero ang mahalaga, sa tingin ko, ay malaman natin na ito ang nagiging epekto sa atin ng social media. At ito rin ang ginagamit ng mga nasa itaas para manatili tayong nasa gitna ng purgatoryo.

Mahalaga ang pag-iingat sa panahon ngayon. Mahalaga na ingatan ang personal na espasyo sa social media dahil walang bakod ang makapagtatago ng mga bakas na iniwan natin sa internet. Ang internet naman ay isang bahagi lang ng realidad, ang totoo ay nasa labas, at ang mahalaga palagi ay bumabalik tayo sa ugat ng lahat ng mga sulirang kinakaharap ng bayan natin. Hindi mauubos ang balita, pero mananatili ang korapsyon. Hindi mauubos ang mga isyu, pero mananatili na marami pa rin sa ating mga kababayan ang nahihirapan sa pang-araw-araw. Hindi mauubos ang mga anomalya, pero mananatiling mayroong nagugutom.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Rebolusyon

Palagi akong nagsisimba noon sa simbahan ng San Miguel Arkanghel. Sa bukana ng simbahan, pagpasok na pagpasok sa pinto, mayroong mga lapida ng mga taong hindi ko kilala pero parang kilala ko na rin. Sila ang mga pangalang unang bumabati sa akin sa pagpasok, nangungusap sa akin at nagpapasalamat na dumadalaw ako sa kanila.

Matandang simbahan na ang Arkanghel, isa sa pinakamatandang simbahan sa Camarines Sur. Napanatili ng simbahan ang integridad nito sa labas at loob, may ilang pagbabago ang ginawa sa loob ng simbahan, pero maliban sa pagbabago sa altar, ang kalumaan pa rin ang nagtatangi sa Arkanghel bilang isa sa pinaka-magandang simbahan sa paningin ko.

Habang pinapakinggan ang aral na itinuturo ng pari, sinusundan ko ang mundo na gustong buuin ng kaniyang sermon. Sa isip ko kasi, ang bawat aral na ipinapasa niya sa amin ay may malaking epekto sa pang-araw-araw naming pakikisalamuha paglabas naming ng simbahan. Paano ko ba mamamahalin ang aking kaaway, paano ko iintindihin ang mga taong magkaiba ng wikang sinasalita ko. Paano ako sasabay sa isang sistemang magkakaiba ang pagkakaintindi kung ano ang isang bansa.

Natatakot ako kapag pinagninilayan ko ang hinaharap. Kaninong panig ba dapat tayo maniwala, nasaan ang pagbabago kung ang magkabilang panig ay nangangako ng paraiso sa lupa?

Kaninong panig ba dapat tayo maniwala, nasaan ang pagbabago kung ang magkabilang panig ay nangangako ng paraiso sa lupa?

Kailangan ba talagang mangako na may magbabago at kailangan ba nating maniwala para may mangyaring pagbabago? Taksil ang mga pangako, ang mga konsepto, ang mga bagay na lumalabas sa binubukang bibig ng mga nasa itaas ay palaging mayroong labas at likod na kahulugan. Ito ako, sabi niya, pero ito ako, ang hindi niya sinasabi.

Wala namang nakakaalam ng mga personal na motibo, ng mga personal na depinisyon, ng politikal na paniniwala, ang tinitingnang hinaharap. Kung ganoon, hindi natin alam kung ano ang magiging pagbabago, hindi natin alam kung paano ang pagbabago, at hindi natin alam kung mayroon ba talagang nagbabago kung ang sistema’y may nasa itaas at mayroong nasa ibaba.

Ikaw ang nanonood sa palabas, ikaw ang tumatanggap ng mga salita. Katulad ng pari na nagsesermon, ikaw ang tumatanggap ng aral, ikaw ang maniniwala at ikaw ang magbabago sa sarili.

Nang ipag-utos ni Mao ang pagpatay sa mga ibon dahil kinakain nila ang mga butil ng palay at nagpapababa sa naaani, marami ang naniwala. Dahil totoo, kapag wala na ang mga ibon ay walang kakain ng palay, kapag walang kumain ng palay ay mas magiging marami ang aanihing bigas. Mas maraming kakainin ang mga tao. Pero hindi ganoon ang nangyari, matapos pagpapatayin ang mga ibon, dumami naman ang populasyon ng mga insekto dahil nawala ang isang bahagi ng populasyon na kumakain sa mga ito.

Imbes na ibon ang kumain ng mga pananim, ang pumalit sa kanila ay mga insekto na dahil wala na ang mga ibon ay hindi na rin mapigilan ang kanilang pagdami. Kaya nagkaroon ng malalang pagkagutom.

Magaling si Mao na lider, mataas ang kaniyang pangarap sa Tsina. Maganda rin ang kaniyang mga aral. Pero natatabunan ng malayong layunin ang maliliit na mga bagay. Minsan ko ngang tinitingnan ang anak ko, napaka-galing niya sa numero, palagi siyang nag-aaral. Nakatanggap siya ng perpektong puntos sa online advance algebra, pero mababa ang kaniyang natanggap sa basic mathematics. Sinabihan siya ng proctor na magaling siya sa math, advance na siya para sa kaniyang edad, pero nakakalimutan niya ang mga pundasyon ng matematika, ang mga unang paksa na napag-aralan niya.

[P]alaging magkakaroon ng sira ang isang bagay na nakapalaki at hindi kontrolado. Sa huli, mananatili ang dapat manatili, mawawala ang dapat na mawala.

Pinagninilayan ko ito at ganoon rin siguro kapag nasa posisyon na ang isang tao para mamuno sa nakakarami, marami siyang pangarap para sa kaniyang pinamumunuan at nakakalimutan na niya ang pinaka-pundasyon ng pagiging isang lider, ang pagiging makatao. Kaya palagi tayong may nasasabing masama sa gobyerno, kaya tayo palaging may ibinubugang puna. Dahil palaging magkakaroon ng sira ang isang bagay na nakapalaki at hindi kontrolado.

Sa huli, mananatili ang dapat manatili, mawawala ang dapat na mawala.

Noong lumipat kami ng Maynila, nakakapanibago dahil lumawak ang mundo naming mag-anak. Hindi ko na kilala ang mga kapitbahay, matutulis na ang kanilang tingin kapag dumadaana ko sa kanilang pintuan. May mga mahihinang bulungan rin sa likod ng maninipis na dingding. Hindi ko sila naiintindihan pero alam kong ganito sa Maynila. Maraming kuwento ang lumalabas kahit na sa simpleng pag-inom ng tubig. Ano kayang tingin ng mga kasama ko sa apartment complex sa gobyerno, sa Pilipinas, sa aming mag-anak na nag-uusap gamit ang wikang Bikol. Ano ang depinisyon nila ng pagiging isang Filipino.

Sabi nila, ang kapitalismo sa ibang bansa ay nasa late stage na. Kapag pinapanood kong binubuhat ng mga kapitbahay ko ang bangka para mangisda, tinatanong ko ang sarili ko kung nasaan ang gobyerno sa gitna ng laot, nasaan ang mga pangako ng pagbabago para sa mga mangingisda na ito. Nabubuhay silang malayo sa sistema, nakukuha nila ang kanilang pangangailangan sa dagat. Humihinga sila ng tubig alat at binibiyayaan sila ng tubig. Hindi sila naisasama sa usapin ng sentro, at sa tingin ko mas mabuti nang malayo sila sa sentro. Ang bilog ay binubuo ng maliliit na tuldok, ang mga tuldok na ito ay nagtatagpo lang sa gitna ng bilog. Kaya magulo sa sentro, kaya mapayapa sa labas. Dahil napakalayo nila sa sentro, hindi sila nadadamay sa debate sa kapitalismo, sa sistemang pampolitikal, ng paniniwala. Mayroon kaming sariling paniniwala sa Caramoan, sa maliit naming isla na malayo sa kahit anong naratibo ng siyudad.

Kailangan bang malaki ang rebolusyon, kailangan ba na maglabanan nang putok ng baril, kailangan bang magtayo ulit ng gobyerno, kailangan ba nating magkaroon ng mamumuno, kailangan ba nating panatilihin na mayroong tagasunod.

O baka, ang rebolusyon ay ang pagbuo muli ng komunidad. Ang pagkilala sa ating mga kapitbahay, ang sabay-sabay na pag-intindi sa sitwasyon.

O baka, ang rebolusyon ay ang pagbuo muli ng komunidad. Ang pagkilala sa ating mga kapitbahay, ang sabay-sabay na pag-intindi sa sitwasyon.

Buhay pa rin ang mga mangingisda sa amin, naglalaro pa rin ang mga bata, at alam kong masaya sila sa araw-araw. Kahit nawawala-wala ang kuryente, ang depinisyon namin ng kaligayahan ay ang makipamuhay sa komunidad. Ang komunidad ay kaming lahat. Ang bumuo ng alaala ng pag-akyat sa mga puno, ng paliligo sa iba’t ibang tabing dagat at makipag-kuwentuhan sa mga kaibigan sa iba’t ibang isla. Kung sakali, gusto ko na ulit bumalik ng Caramoan.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Kamatayan

Nang masunog ang matandang bahay namin sa Caramoan, ang una kong ginawa ay maglakad sa abo, damhin ang bawat alaala na tinupok ng apoy. Para kaming namatay sa nangyari, simula pa noong bata ako ay akyat-panaog na ako sa hagdan, tagutaguan sa ilalim ng mesa, upuan, gilid ng tukador at tuwing umaga ay dudungaw sa bintana para batiin ng magandang umaga ang mga kapitbahay naming papalaot sa dagat.

Pero dapat tanggapin ang kinain ng apoy, sabi sa akin ni Lola habang pareho naming pinagluluksaan ang bahay. Sa dumaang kisap-mata, tinanggap ko na ang nangyari. Dahil kailangang magsimula ulit, pinili naming manirahan sa Maynila. Maliban sa pagtatangka naming kalimutan ang trahedya, mataas rin ang sahod sa NCR kumpara sa sinasahod ko sa Camarines Sur noon. Panibagong simula, ang sabi ko sa sarili, balik ulit sa wala.

Lagpas trentang taon na ang dumaan, nandito na ulit ako sa Camarines Sur nakatira. Hindi pa rin mawaglit sa isip ko ang alaala ng lumang bahay. Binubuo pa rin ng isip ko ang bawat sulok ng bahay, ang bawat bahagi nito na nagpapaalala sa akin ng tahanan. Hindi magiging tahanan ang isang bahay nang walang alaala. Bakit napakalapit ng puso ko sa isang bahay na matagal nang wala?

Hindi naman ako ganito sa maraming aspekto ng buhay ko. Hindi ko iniisip kung sinong magsasaka ang nagtanim ng isasaing ko na bigas, o kung saang bansa ginawa ang ginagamit kong cellphone. Hindi ko rin sumasagi sa isip ko kung anong epekto ng paglalagay ko ng pirma sa isang dokumento. Ang mahalaga sa akin noon ay nakukuha ko ang pangangailangan ko at nagagawa ko ang trabaho ko. Pero ngayon, habang binabalikan ko ang mga karanasan ko bilang kawani ng gobyerno, lalung-lalo na sa pinakabagong balita tungkol sa korapsyon sa PhilHealth, hindi ko magawang hindi bumalik.

Ang lipunan nga naman ay hindi magiging lipunan kung wala ang mga indibiduwal. Hindi matatawag na indibiduwal ang isang indibiduwal kung hindi siya kabilang sa isang lipunan. Hindi ka isang Pilipino kung hindi mo kikilalanin ang Pilipinas bilang bansang pinanggalingan mo. Mag-isa lang ako, pero konektado ako sa maraming bagay, tao, lugar, at alaala. Hindi gagalaw ang isang ahensya kung papayabaan mong hindi gumagalaw ang dokumento. Ang lahat ay isang malaking proseso, mga papel na dumadaan, lumilipad at minsa’y naglalaho na lang bigla.

Masalimuot ang pagbabalik sa mga dapat at hindi nagawa. Ang mga bagay na sana ay naiwasan kung alam ko lang kung ano ang kahihinatnan ng isang pirma. Pero hindi ko na ipapaliwanag pa ang mga iyon, o magbibigay pa ng detalye. Ang puntong gusto kong sabihin, mahigpit ang tanikala sa pagpoposisyon natin sa ngayon at ang kaya lang nating makita ay ang mga kamay at paa nating naka-posas, ang tinatayuan nating semento, at ang amoy ng kawalang kalayaan. Ano ang nasa kabilang dako ng pagkagapos sa tanikala. Itong nasa harap ko ang trabahong dapat kong gawin: pagbasa at pagpirma, ano ang epekto nito ngayon nang hindi nakikita ang epekto nito sa hinaharap. Ginagawa ko naman ito para sa ikabubuti ng probinsya, ginagawa ko ang mga ginagawa ko dahil tumutulong kami.

Pero sa huli, nang makita ko nang maging materyal ang kani-kanina lang ay pirma, ano ang mga bagay na ikinabuti ng probinsya dahil sa proyektong ito?

[K]apag napakaraming bahagi ang gumagalaw at hindi na natin alam kung nasaan ang depekto, ang magiging depekto ay ang kabuuan. Dahil ang maliit na sira, kalaunan ay manganganak nang mas malaki pang mga sira.

Ang masasabi ko lang sa gobyerno, kapag napakaraming bahagi ang gumagalaw at hindi na natin alam kung nasaan ang depekto, ang magiging depekto ay ang kabuuan. Dahil ang maliit na sira, kalaunan ay manganganak nang mas malaki pang mga sira. Oo, bahagi ako ng sistema hanggang ngayon. Katulad ko, pare-pareho tayong pinapatay, kung gayon. Pare-pareho tayong nakakulong sa sistema. Kahit sabihin nating hindi tayo kabilang ay kabilang pa rin tayo. Hindi ito nawawala sa pagtalastas na hindi ako kabilang sa sistemang ito.

Malawak ang mundo, malawak ang isang bansa, malawak ang isang siyudad, malawak ang isang eskinita, malawak ang isang pamilya, at malawak ang pagiging isang indibiduwal. Mayroon tayong kani-kaniyang mga motibo, layunin, wika, kultura, paniniwala pero binibigkis tayo ng iisang konstitusyon at batas na hindi nakaka-intindi sa mga salik na bumubuo sa kani-kaniya nating situwasyon.

Kung malawak ang lahat ng aspekto ng buhay, hindi ba’t dapat tayong mabahala sa pagbibigay depenisyon sa mga salitang bumubuo sa mga batas katulad ng Anti-Terror Bill Law, o ng Death Penalty Bill? Hindi ba’t masyadong malawak ang mundo para tingnan natin ang politika bilang DDS at Dilawan? Hindi ba’t hindi lang ang Makabayan o ang Partido Komunista ng Pilipinas ang pupwedeng tawagin na kaliwa? Hindi lahat ng Kristiyano ay Katoliko, at hindi rin lahat ng Muslim ay Sunni. Hindi lahat ng itlog ay nanggagaling sa ibon, may itlog rin ang ahas at ang pawikan.

Kung may taong ihaharap sa ‘yo, ibibigay sa ‘yo ang detalye ng kaniyang krimen: Paano niya ginawa, bakit niya ginawa, may kasama ba siya o wala. Hahatulan mo ba siya nang hindi mo nakikita na sa isang banda ng kaniyang kuwento, may mga detalyeng hindi nababanggit, mga bagay na hindi piniling ihain sa mga magbababa ng hatol. Hindi ipinakita sa iyo ang kuwento ng kaniyang buhay, kung ano ang kinalakihan niyang mundo, kung paano siya nabuhay sa araw-araw, kung naging makatao ba ang ibang tao sa kaniya. Naniniwala ako na mayroong masama dahil masama ang lipunang kinabibilangan niya. May gumagawa ng masama dahil itinutulak siya ng lipunan na gumawa ng masama. At nagiging masama ang masama dahil idinidikta ng lipunan na ang mga bagay na ito ay masama.

Papatay ba tayo ng mga taong matagal nang pinapatay ng sistema? Malulugmok na lang ba tayo sa abo ng nasunog nating mga alaala nang hindi natin sinusubukang balikan ang mga nawala? Papaslangin na lang ba natin ang mga naligaw nang hindi natin itinuturo sa kanila ang daan?

Papatay ba tayo ng mga taong matagal nang pinapatay ng sistema? Malulugmok na lang ba tayo sa abo ng nasunog nating mga alaala nang hindi natin sinusubukang balikan ang mga nawala? Papaslangin na lang ba natin ang mga naligaw nang hindi natin itinuturo sa kanila ang daan?

Tulad ng pagbuo ko sa alaala ng nasunod naming bahay, dapat nating matutunan, higit sa kahit anong panahon, na ang mga gagawin at mangyayari ngayon ay makakaapekto sa hinaharap.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

1947

Humihingi pa lang ang Pilipinas matapos bombahin ng Amerika ang Maynila para masugpo ang mga Hapon. Kung hindi guho, abo ng mga natupok na gusali ang makikitang naiwan sa digmaan. Nang matapos ang pagtitipon na ginanap sa Manila Jockey tungkol sa mga magiging epekto ng Bell Trade Act na pagbobotohan ng plebisito, namuo ang puot sa isip ni Julio laban sa kasalukuyang administrasyon. Sa isip niya, mas magaling na presidente si Osmeña.

Matagal ang pagninilay na pinagdaanan ni Julio bago niya mapagdesisyunan na kailangang paslangin ang presidente. Lasang asin para sa kaniya ang naging mga pangako ng kasalukuyang presidente, siling labuyo naman sa kaniyang tenga ang hakbang na bigyan ng karapatan ang mga Amerikano kapantay ng karapatan ng mga Pilipino. Araw-gabi niyang pinag-iisipan kung paano niya gagawin ang makabayang gawain na ito: maaari siyang pumunta sa probinsya kung saan magsasalita ang presidente at doon barilin ang presidente, kung makakatakas siya ay maaaring hindi siya mahanap. Maaari rin niya itong gawin sa isang malaking pagtitipon habang kaharap ng presidente ang taong bayan, para makita ng lahat ang dakila niyang gawain.

Dumating ang hinihintay niyang pagkakataon nang ibalita sa radyo na magkakaroon ng pagtitipon sa Plaza Miranda para talakayin ang nilalaman ng Bell Trade Act na ipinasa ng kongreso ng Amerika bilang kapalit ng pautang na gagamitin ng Pilipinas sa pagpapagawa ng mga nasira dahil sa digmaan. Ang rally na magaganap ay upang himukin ang taong bayan na suportahan ito. Mayroong tatlong araw si Julio para maghanda bago ang mangyayaring pagtitipon. Nasabik siya sa mga mangyayari, sa loob niya ang kumukulong paghahangad ng isang Pilipinas na lalaya mula sa pagkakasakal ng dayuhan. Ang pagkamatay ng presidente ang unang hakbang para makita ng taong bayan na ang tunay na kalayaan ay hindi idinidikta ng gobyerno kung hindi dapat na nararamdaman ng tao sa pang-araw-araw.

Sinubukang hanapin ni Julio ang kaniyang revolver sa mga siwang sa kisame ng bahay niya sa Tondo. Hindi niya ito nahanap, hindi niya matandaan kung dinala niya ito sa ibang lugar at naiwan o kung may humiram ng kaniyang baril. Pero sa paghalungkat ng kaniyang mga gamit, naalala niya ang dalawang granada na ibinigay sa kaniya ng isang sundalong amerikano bilang kapalit sa isang bote ng alak. Ilang taon na rin niya itong itinatago. Pupwede na ito, sabi niya sa sarili, hindi direkta pero nakamamatay.

Dalawang araw na pinag-isipan ni Julio kung paano niya gagawin ang pagpaslang. Sa pangatlong araw, paglabas niya ng bahay, buo na sa isip ni Julio ang mga hakbang na kailangan niyang gawin. Una, dapat niyang mailagay ang isang bomba malapit sa entablado, kung hindi maabot ng ibabato niyang granada ang presidente, magiging gatilyo ito ng unang granada na sumabog. Pangalawa ay dapat niyang maitago ang pangalawang granada sa mata ng ibang tao, hindi niya maaaring ipakita sa ibang tao na mayroong siyang dalang granada, magdudulot ito ng gulo bago pa niya magawa ang dapat niyang gawin. Pinag-iisipan pa niya kung paano niya ito maitatago, pero mayroon na siyang ilang ideya kung paano niya ito magagawa.

Maaga siyang gumising para maunahan ang bulto ng mga taong dadalo sa Plaza Miranda. Hindi pa nagbubukas ang pinto ng Simbahan ng Quiapo, nailagay na niya ang isang granada sa isang paso malapit sa gitna ng entablado. Sinigurado niyang hindi agarang mapapansin ang granada sa pagitan ng mga dahon ng halaman. Dumaan lang siya sa entablado para mailagay ang granada, hindi siya pupwedeng magtagal, nagawa niya ito ng wala pang sampung segundo.

Kailangang maging malaya ang Pilipinas, ang sabi niya sa sarili, hindi isang tunay na presidente ng taong bayan ang nagbebente sa ari-arian ng mamamayan. Ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino, dagdag niya pa, walang karapatan ang dayuhang humingi ng kapantay na karapatan sa hindi naman nila Inang Bayan.

Habang naghihintay na dumami ang mga tao, sumagi sa isip ni Julio na bumili ng nakasupot na mani sa matandang lalaki na naglalako malapit sa bukana ng simbahan. Umuusok ang pinapatungan ng mani, gamit ang lata ay dinakot ito ng matandang lalaki at inilagay sa isang supot na papel. Sa gilid ng simbahan, inilubog niya ang granada sa ilalim ng supot at nakisabay sa mga taong naglalakad.

Pagdating ng hapon, dumarami na ang tao sa simbahan ng Quiapo. Dumarami na rin ang tao sa harap ng Plaza Miranda. Nagtipon sa itaas ng entablado ang mga mataas na opisyal ng gobyerno. Huling dumating ang presidente kasama ng kaniyang anak at asawa, mayroong tatlong upuan na naka-bakenta para sa kanila. Tamang-tama ang puwestong pinaglagyan ko, bulaslas ni Julio sa sarili, kaunting oras na lang.

Ilang saglit ay nagsimula ang programa. Naka-upo si Julio sa isang silya, ilang metro ang layo sa entablado. Pinapakinggan niya ang bawat kasinungalingang lumalabas sa bibig ng presidente, ang pag-unlad, anya niya, ay makakamit lang kung maibabalik natin ang ganda ng ating bansa, at maisasakatuparan natin ito sa pag-utang sa kaibigan nating Amerika, ang sabi ng presidente.

Natapos ang kaniyang talumpati. kumulog ang palakpak mula sa mga nakikinig. Ngiti at pagkaway ang naging sagot ng presidente sa palakpak. Hinawakang mahigpit ni Julio ang hawak niyang supot, kinapa niya sa loob ang gatilyo ng granada. Pagkahila, tapon, pagkahila, tapon, paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili. Umupo ang presidente at tumayo naman si Ambassador Roberto R. Romulo para bigyang pasasalamat ang presidente sa kaniyang malinaw na pagpapaliwanag ng mga susunod na hakbang ng gobyerno tungo sa pagtatayong muli ng ekonomiya pagkatapos ng digma.

Hindi pa natatapos ni Ambassador Romulo ang kaniyang pagsasalita, hinila na ni Julio ang gatilyo ng granada, tumayo siiya at buong lakas na ibinato ang hawak niyang supot. Nang mapansin ni Heneral Castañeda ang usok na lumalabas sa maliit na supot, agad-agad niyang sinipa ang supot papalayo sa entablado. Sumabog ang granada malapit sa hagdan na nagligtas sa buhay ng president at ng kaniyang pamilya. Ilan sa nanonood na nakapuwesto sa hagdan ang namatay nang hindi nadadala sa ospital.

Pagsabog ng granada, tumakbo si Julio palayo sa Plaza Miranda, mayroong sumusunod sa kaniyang mga lalaki pero nagawa niyang iniligaw ito sa mga eskinita ng Quaipo. Nakauwi siya ng bahay, alam niyang darating rin ang mga opisyal sa kaniyang bahay. Umupo siya, hinawakan ang mga gunting niya sa paggupit, nagsindi ng sigarilyo at umupong pinapanood na maglaho ang ibinubuga niyang usok. Nahuli siya nang may makakita sa pagbato niya ng supot diretso sa entablado at makaalala ng kaniyang mukha. Inabutan ng mga miyembro ng Detective Bureau si Julio sa kaniyang bahay sa Tondo. Mahinahon niyang inamin ang kaniyang mga ginawa, hindi nanginig ang kaniyang boses, wala siyang kaba na naramdaman.

Nakuha sa kaniyang bulsa ang isang liham:

PARA SA KAPAKANAN NG MALAYANG PILIPINAS

Inaako ko ang lahat ng nangyari. Ako ang nag-isip, nagplano, at mag-isa ko itong ginawa. Inabot ako ng maraming araw at gabi sa pag-iisip kung paano ko isasagawa ang mga dapat kong gawin, kinakausap ko ang aking budhi, ang aking Dios, hanggang sa maliwanagan ako. Kailangan ko itong gawin.

Hindi ko inaasahan na mabuhay nang matagal; Mayroon lamang akong isang buhay. At kung mayroon akong dalawang buhay para isugal, hindi ako mag-aatubiling isakripisyo ito para sundin ang aking paniniwala para sa kapakanan ng taong bayan.

Libo ang namatay sa Bataan; mas marami ang nagluksa sa pagkawala ng kanilang asawa, ng kanilang anak, at ngayon ay milyon na ang nagdurusa. Walang ibinubunga ang kanilang ginagawa; nadurog na ang kanilang pag-asa.

Ako ay binubulungan ng aking budhi at ng aking Dios na mayroon lamang isang tao na dapat sisihin sa lahat na ito: nilinlang niya ang sambayanan, minangha niya ang tao para paasahin; umabot pa siya sa punto kung saan inilagay niya sa panganib ang ipapamana natin sa susunod na henerasyon. Sa mga dahilan na ito, siya ay hindi na dapat magpatuloy. Ang kaniyang buhay ay walang kahulugan kung itutugma sa kapakanan ng labing-walong milyong kaluluwa. Bakit hindi ko ibibigay ang sarili kong buhay para sa kapakanan ng labing-walong milyong kaluluwa na iyon.

Ito ang mga dahilan kung bakit ko ginawa ang ginawa ko at haharapin ko ang kapalit nito. Walang kahulugan sa akin kung isusumpa ako ng ibang tao. Panahon at kasaysayan ang magpapakita, tiyak ako, na ang ginawa ko ay ang pinakamataas na antas ng pagiging makabayan.

Mabuhay ang malayang Pilipinas.
Tagay sa kaligayan ng bawat pamilyang Pilipino.
Kaawaan nawa ako ng Panginoon.

Amen.

Julio C. Guillen

Dalawang araw matapos ang pangyayari, naglabas ng pahayag ang Presidente tungkol sa nangyaring pagbabago sa konstitusyon dahil sa Bell Trade Act na nagbibigay ng karapatan sa mga Amerikanong nasa Pilipinas katumbas ng karapatan ng mga Pilipino. Ang taong bayan ang panalo, ang sabi ng presidente, ipinakita nila sa nanonood na mundo ang mahihiwagang kakayahan ng demokrasya.

Si Julio C. Guillen, isang barbero sa Tondo, ay nilitis sa kasong murder at multiple frustrated murder. Sinubukan ng depensa na pababain ang parusa kay Julio sa kakayahan ng kaniyang isip na magdesisyon ng tama. Sa buong bente-kuwatro oras ng pagtingin ng mga eksperto sa galaw ni Julio, wala silang nakitang problema sa pag-iisip ng barbero.

Bilang pagsunod sa Artikulo 81 ng Revised Penal Code, siya ay hinatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng silya elektrika at pinagmumulta ng P2,000.


Portrait: Alex Llorente
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Pagkilatis

Para kay Ien, Paeng, at Andeng

Simula nang pumasok ako sa unibersidad, araw-araw kong hinahanap ang rason kung bakit ko piniling magturo. Binabagabag ako ng mga isipin katulad ng pagpapalakas sa sistema, na binabaliktad palagi ang kahulugan sa loob ng klasrum pero kapag nagtapos naman ang mga estudyanteng ito, pinapasok naman nila ang sistema dahil mayroon silang nosyon na kaya nilang baguhin ang sistema. Tsaka lang nila malalaman na sila na ang sistema at nakalimutan na nila ang mga natutunan nila sa loob ng klasrum. Kaya marami sa mga naging estudyante ng unibersidad ang mga politiko na ngayon na nagpapatupad ng dati nilang inaawayan.

May saysay pa ba ang pagtuturo kung ganito? Ito ba ang tanong ni Hemmingway, pagkatapos niyang manalo ng Nobel at maging tanyag na manunulat? Ito rin ba ang bumagabag sa mga pumanaw nang hindi natin nababalitaan pero mga patuloy na nawawala? Kung ang saysay ng sibilisasyon ay ang pagtataguyod ng lipunan sa pamamagitan ng karunungan ng mga hindi binibigyan ng pagkakataong magsalita pero kinukuhaan ng karunungan, sibilisasyon pa rin ba ito? Ang punto ba ng pagtuturo ko sa unibersidad ay hanapin kung ano ang wala sa lipunan para punan ito ng sistema, para hindi ito bumagsak nang tuluyan?

Limang taon na akong nagtuturo sa mga undergrad ng Unibersidad, kakatapos ko lang rin sa Masteral ko sa Antropolohiya. Ang una kong naisip habang naglalakad ako para kunin ang diploma ko sa Masteral, pagkatapos ng lahat ng binasa kong libro at mga pinag-aralang paksa, pasmado pa rin ang mga kamay ko na humawak ng panulat, hindi pa rin ako tiyak kung ano ang dapat kong paniwalaan tungkol sa lipunan. Ito na siguro ang tinatawag nilang existential crisis. Sa pagtuturo ng kasaysayan ng sibilisasyon sa mga estudyante ng Socio 10, itinuturo ko ba ito para maipakita ang karahasan na kaakibat ng pagtatanyag sa sangkatauhan bilang alpha-species sa kalakhan ng mga nilalang sa mundo, o para mabuwag ang konsepto ng alpha-species. Pero kahit na ganoon, hindi naman lahat ng estudyante ko ay nakukuha ang gusto kong iparating, at mas lalo na hindi lahat ng tao sa lipunan ang makakarinig o mabibigyan ng pagkakataong malaman ang mga itinuturo ko sa klase. Malaki lang akong alikabok sa napakalaking dumi na tinatawag nating mundo. Nakakadiri man pakinggan ang mga sinabi ko pero tuldok lang tayo sa isang nobela. Matatawa na lang ako habang nakahiga sa kama at nanghuhuli ng antok kapag naalala ko na ang lahat ng ginawa ko, ang pinagpatong-patong na pagod ko sa bawat akademikong taon, na wala pa rin akong nagagawa, wala pa rin kaming nagagawa para tuluyang kumalas ang lipunan sa pagkapandak nito.

Kaya kapag dumarating ang halalan ng mga susunod na lider estudyante sa unibersidad, at ilan sa kanila ang mga naging estudyante ko, inuulit lang nila ang matandang aral na ipinasa sa kanilang ng lipunan, ang aral na binabali namin sa loob ng silid-aralan. Kapag dumarating sila’t kumakatok sa klasrum para ipakilala ang kanilang sarili, mga trapo sila sa paningin ko na handang ipain ang mga estudyanteng kulang ang kaalaman sa kanilang mga paniniwala. Walang paniniwala ang aangkop sa lipunan, lalo na kung mayroong mataas at mababa. Kung mayroong paghahahalal ng representante para magbuka ng bibig para sa karamihan. Walang karamihan sa mga ganitong sitwasyon kung indibidiwal. Hindi nasusunod ang tama para sa lipunan, ang nasusunod ay ang tama para sa iilan. Nalalabuan ka siguro sa mga sinasabi ko, at hindi kita masisisi, dahil matagal naman na tayong pinandak ng edukasyon, matagal na tayong tinanggalan ng paa para maglakad, tinanggalan ng boses para magsalita, at pinutulan ng kamay para gumawa. Ang mga ginagawa natin, at kasama ako dito, ay panatilihing umiikot ang makinarya ng pera ng mga iilan. Ikaw ang trabahador para humigop ng yaman at ibigay sa mga amo mo. Alipin pa rin tayo sa mga hindi natin nakikita. Sa isang room-to-room ko nakilala si Andrea, isang lider estudyante sa unibersidad. Minsan ko siyang nakainuman, ang sabi niya sa akin, naniniwala siya sa isang lipunan na walang hirarkiya, posible itong mangyari kung magiging kaunti ang tao at kapag lahat ng tao ay tapat sa isa’t isa. Hangga’t hindi nagiging tapat ang mga tao, kinakailangan ng isang uri ng gobyerno na hahawak ng katotohanan. Kaya pati ang komunismo ay kinakailangang magtayo ng gobyerno kapag nagawa nilang pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno. Hindi ba’t papalitan lang ng komunistang gobyerno ang kasalukuyang gobyerno at iyong sinasabi ninyong paglabag sa karapatang pantao ay mauulit lang ulit? Tiningnan niya lang ako habang kawak niya ang bote ng Red Horse na mayroon pang kaunting laman. Sa dami ng tao sa Pilipinas, magkakaroon ng giyerang sibil kung sakaling mawala ang gobyerno. Paano tayo makakasigurado na magkakaroon ng kapayapaan kung hindi muna natin susupilin ang mga lumalaban na ibalik ang pinabagsak na gobyerno? Seryoso na ang mukha niya, nakatingin lang ako ako sa kaniya habang binabanggit niya ang pangalan ni Marx at Lenin, napasadahan niya rin ang kultural na rebolusyon ni Mao. Pagkatapos kaya ng lahat ng sinabi niya, kapag lumabas na siya ng unibersidad, magbabago kaya ang paniniwala niya? Umiyak si Andrea, nasa bahagi na siya ng kaniyang kuwento kung saan binabalikan niya ang nangyaring Basic Mass Integration sa Bulacan, kasama ng mga magsasaka na nasa panganib ang lupang sakahan dahil sa gagawing airport ng gobyerno. Nagbanggit pa siya ng mga pangalan ng mga magsasaka na kumupkop sa kanila ng tatlong araw. Nasaan ang hustisya, ang tanong niya sa akin, walang hustisya sa mundo, ang sagot ko. Tumahimik siya, nakatingin sa walang lamang Red Horse. Namumugto na ang kaniyang mga mata, tinanong ko kung may plano ba siyang umuwi, umiling lang siya. Nawala na sa kaniyang mga mata ang kaluluwa ng kausap ko kanina. Mukhang nakarami ka na, Andrea. Gusto ko na sana siyang tanungin kung saan siya nakatira para maihatid siya pero nagkuwento na siya sa akin kung bakit siya naging aktibista, na parang hindi pa sapat ang mga ikinuwento niya para maging aktibista ang isang aktibista.

Minana niya ang aktibismo sa kaniyang mga magulang na kasama sa mga estudyanteng sumali sa First Quarter Storm. Pero hindi siya naging aktibista agad nang pumasok sa unibersidad, bumabalik sa kaniyang alaala ang pagkawala ng kaniyang magulang sa bahay dahil abala sila sa pag-organisa sa mga demonstrasyon sa Mendiola, pero kasama niya ang mga libro ng kaniyang mga magulang, 1st year highschool siya nang unang magsulat ng papel tungkol sa marxismo para sa National Essay Writing Contest kung saan siya ang pambato ng Calabarzon. Hindi siya nanalo, pero tuwang-tuwa ang kaniyang magulang sa kaniyang isinulat. Nang pumasok siya ng unibersidad, gusto niyang ilayo ang kaniyang sarili sa kahit anong kulay pula. Dahil sikat sa unibersidad ang kaniyang apilido, palagi siyang pinapadalhan ng imbitasyon na sumama sa mga educational discussion. Hindi niya tinanggap ang kahit isa sa mga iyon dahil sukang-suka na siya sa araw-araw na usapan ng kaniyang mga magulang sa bahay. At maliban pa dito, matagal na niyang natutunan ang mga iyon sa pamamagitan ng kaniyang tatay na tuwing wala itong ginagawa ay tinuturuan siya ng mga konseptong ginagamit nila para bigyang saysay ang mga nangyayari sa lipunan. Matalinong tao ang kaniyang tatay, ganoon rin ang kaniyang nanay, ang narinig niya sa mga aktibista ay sila ang tinitingala ng karamihan, mga buhay na imahe ng isang tunay na aktibista.

Isang araw, habang nag-aaral siya sa loob ng kaniyang kuwarto sa Sampaguita Female Dorm, tumawag ang kaniyang nanay, binalaan siyang huwag munang uuwi ng kanilang bahay sa darating na linggo. Hindi nito binigay sa anak ang dahilan, basta huwag siyang uuwi. Sumunod si Andrea sa iniutos ng kaniyang nanay. Nang sumunod na linggo, ganoon ulit ang utos ng kaniyang nanay. Napaghalataan ni Andrea na parang ayaw na siyang makita ng kaniyang mga magulang. Hanggang sa dumaan ang ilan pang linggo na hindi siya umuuwi. Nabalitaan na lang niya na pinaslang ng mga militar ang kaniyang mga magulang sa kanilang bahay. Kasama nila ang mga hinihinalang kadre. Ang kuwentong umabot sa kaniya ay sa kanilang bahay tumigil pansamantala ang sugatang rebelde. May isang kapitbahay ang nakakita sa pagpasok nito sa kanilang bahay. Nang rumonda ang mga militar sa kanilang lugar, pinasok ang kanilang bahay doon na nagsimula ang pagpaslang. Walang nakaalam kung ano ang nangyari sa loob ng bahay, nakarinig na lang ng mga putok ng baril, ilan-ilan lang naman, ang hinuha ay walang nangyaring shoot-out. Alam rin ni Andrea na walang baril na tinatago ang kaniyang mga magulang sa bahay, hindi sila naniniwala sa baril, instrument raw ito ng gulo. Ang kahit anong nakakunekta sa gulo ay hindi pupwedeng magbunga ng kapayapaan, ang sabi ng kaniyang ina.

Ilang araw hindi lumabas ng kuwarto si Andrea, pinagluksa niya ang bangkay ng kaniyang mga magulang sa kaniyang isip. Ang pinaka-mahirap na uri ng pagbuburol. Ang palagi niyang kausap ng mga panahon na iyon ay si Ziggy, minsan niyang naging kaklase at naging malapit niyang kaibigan. Hinimok ni Ziggy na lumabas si Andrea ng kaniyang kuwarto, masama ang hindi naaarawan, anya nito, masama rin sa isip ang magkulong. Tara usap tayo, pagyayaya nito.

Habang nakatingin si Andrea sa malaking salamin ng kaniyang kuwarto, nagdesisyon siyang lumabas para mawala ang simangot na nakikita niya sa kaniyang mga labi at ang bagsak niyang mga mata. Nagkita sila ni Ziggy sa Carillion, ito ang una nilang pagkikita pagkatapos ng huling semestre na magkaklase sila. Napansin agad ni Ziggy ang mga tato ni Andrea sa kaliwang binti at sa kaliwang braso. Wala pa iyan nung naging magkaklase tayo, ang sabi niya. Ngumiti si Andrea, ang pinaka-unang ngiti niya simula nang magkulong siya sa kaniyang kuwarto. Matagal ko na itong pinagawa, ano ka ba. Hindi mo lang nakikita kasi palagi akong nakapantalon sa klase. Pero itong nasa braso ko, kakapagawa ko lang nung isang buwan. Natuwa kasi ako sa nakita kong babae sa Cubao Expo, hindi ko na matandaan kung anong nakatato sa kaniya pero gandang-ganda ako sa konsepto ng pagtatatak sa katawan bilang sining. Sumang-ayon si Ziggy sa kaniyang sinabi. Habang nagkukuwentuhan, nagkayayaan silang uminom sa Maginhawa. Libre ko na, ang sabi ni Ziggy, nandoon rin yung mga kaibigan ko, puwede natin silang samahan. Naka-ilang bote silang dalawa. Tuwang-tuwa si Andrea kay Ziggy dahil nakakalimutan niya ang kaniyang mga isipin nang gabing iyon.

Kinabukasan, nagising na lang si Andrea na nasa apartment ni Ziggy. Katabi niya ito, sinubukan niyang gisingin ang kaibigan pero malalim ang tulog nito. Paglabas niya sa apartment ni Ziggy, iniisip niya kung anong nangyari kagabi. Hindi niya maalala kung mayroon bang nangyari sa kanila ni Ziggy, kung pumayag ba siya sa mga nangyari. Pero nakahubad siyang nagising. Pagdating ng gabi, nagpadala ng mensahe sa kaniya si Ziggy, sana walang magbago sa pagkakaibigan natin pagkatapos ng nangyari.

Nang tanungin niya ang mga kaibigan ni Ziggy kung anong nangyari, dinala daw siya ni Ziggy sa apartment dahil nag-blackout raw siya habang naglalaro sila ng beer pong. Hindi na sumagot si Andrea sa mga mensahe ni Ziggy, ramdam na ramdam niya sa kaniyang kalamnan ang panlalamig. Nandiri siya sa kaniyang sarili, nandiri siya sa naging desisyon niya. Humingi ng patawad si Ziggy sa nangyari, nalaman siguro nito na nagtatanong na si Andrea tungkol sa mga nangyari. Lasing din ako nung gabi iyon, ang sabi nito, kung sa tingin mo ginusto ko ang nangyari nagkakamali ka.

Matapos ang ilang araw ng pakikipaglaban sa mga demonyo ng sarili, pumasok sa hinuha ni Andrea na hindi na niya mababago ang nangyari. Tapos na ang mga ito at hindi na niya mababago ang mga iyon. Ang magiging hakbang niya ay itayo ang sarili at magpatuloy.

Tinanggap niya ang imbitasyon na sumama sa educational discussion. Hanggang siya na ang nagbibigay nito sa mga bagong miyembro ng mass organization.

Dito natapos ang kaniyang kuwento. Tuluyan na siyang bumagsak dahil sa kalasingan. Dahil hindi ko alam ang kaniyang bahay at ayaw ko ring makita ako ng ibang tao na buhat-buhat siya, bilang mga estudyante ang nakatira sa Krus na Ligas, minabuti ko na lang na hintayin siyang magising. Ala-singko na ng umaga nang magising siya. Hindi niya na rin maalala kung sino ako, lasing na kasi siya nang umupo sa table kung saan ako nakaupo. Siguro, hindi na rin niya alam na naikuwento na niya ang buong buhay niya sa akin. Humingi ng pasensya si Andrea sa akin, naalala niyang umupo siya sa lamesa kung saan ako umiinom pero hindi niya matandaan kung anong sumunod na nangyari. Mahaba-habang kuwentuhan ang nangyari, ang kantyaw ko pero mukhang hindi niya nakuha ang sinabi ko. Nagpasalamat siya at humingi ulit ng pasensya bago nagmamadaling umalis.

Nang mga sumunod na gabi, hindi ko na ulit nakita si Andrea sa inuman, hindi naman sa hinahanap ko siya. Pero gusto ko sana siyang makakuwentuhan ulit. Napaka-interesante ng kaniyang buhay, kung totoo nga ang mga sinabi niya at hindi kuwentong lasing. Hindi ko kilala ang kaniyang mga magulang, siguro dahil hindi naman talaga ako sumusubaybay sa mga pigura ng aktibismo kung hindi sa teoryang kanilang ginagamit.

Hindi kami nagkita ulit pero naalala ko sa kaniya ang mga kumatok sa klasrum para mag-room-to-room. Mayroon na naman kasing pinatay na magsasaka sa Nueva Ecija at aktibong-aktibo ang mga aktibista na ipaalam ito sa mga kapwa nila mag-aaral ang pangyayari. Pinapasok ko siya sa klasrum, hinayaan ko siyang magsalita. Tinapos nila ang kanilang talumpati sa pagbibigay imbitasyon sa mga estudyante na makilahok sa gaganaping educational discussion. Lumabas sila ng klasrum, kinuha ang sign-up sheet na ipina-ikot nila. Nagpatuloy ako sa pagdaldal tungkol sa kahalagahan ng anyong tubig sa pamumuhay ng mga sinaunang tao, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Nang dumating ang enrollment, nilapitan ako ni Andrea sa department. Gusto niyang pumasok sa klase ko pero puno na ang slot. Pumasok ka sa unang araw ng klase, tsaka ko pipirmahan yang enlistment form mo, ang sabi ko sa kaniya.

Dumating nga siya sa harap ng klasrum sa unang araw ng klase. Hawak niya ang kaniyang enlistment form, naghihintay na sa loob ang karamihan sa mga estudyante ko. Humanap ka na ng upuan, ang sabi ko sa kaniya pagkatapos kong kunin ang kaniyang enlistment form.

Kung susumahin, magaling na estudyante si Andrea. Tahimik lang siyang nakikinig sa klase pero matalas ang mga salitang ginagamit niya sa kaniyang mga sanaysay. Mayroon kasi akong requirement na kailangang magpasa ng sanaysay tungkol sa lahat ng paksang natalakay, pinapasa ito tuwing biyernes. Hindi katulad ng ibang estudyante na pinipilit na pinapaabot sa itinakda kong haba ng sanaysay, lagpas ng dalawa hanggang limang pahina ang pinapasa ni Andrea. Marami siyang nasasabi sa bawat papel na ipinapasa niya at hindi siya nag-uulit ng hinuha, maliban na lang kung magkalapit ang paksa. Hindi rin siya lumiliban sa klase kahit na aktibo siya sa pagsasaayos ng kaniyang sinalihang mass organization. Palagi siyang nasa harap, hawak ang malaking tarp na nakalagay ang kanilang panawagan.

Pero may isang pagkakataon sa klase na nagkaroon kami ng matinding argumento. Nabanggit ko na kung magkaroon ng rebolusyon, walang magbabago dahil magpapalit lang ang pangalan pero hindi ang porma ng gobyerno.

Para ipakita ito sa kaniya, ipakilala ko ang konsepto ng hirarkiya. Sa madaling sabi, mayroong nasa itaas mo at mayroon ring nasa ibaba. Sasabihin sa’ yo ng lipunan na kailangan ang hirarkiya para magkaroon ng kaayusan sa lipunan, ang mga nasa ibaba ang magtatrabaho para itaguyod ang lipunan habang ang mga nasa itaas ang mag-iisip para sa mga nasa ibaba. Kailangan ring sumunod ng mga nasa ibaba sa batas na ginawa ng nasa itaas (at marami sa mga batas na ito ay para sa ikabubuti ng mga nasa itaas kaysa sa mga nakakaraming nasa ibaba). Kapag hindi ka sumunod sa batas, ikukulong ka. Habang ang mga gumawa ng batas, kahit na ilang beses silang lumabag, palalagpasin lang ito ng mga nagpapatupad ng batas, na nasa ilalim nila. Kaya itinuturo sa atin na dapat irespeto natin ang mga abogado, pulis, sundalo, at mataas ang tingin sa mga doktor, mga edukadong tao. Ito ang punla na iniwan sa atin ng hirarkiya. Sa hirarkiya rin nagmumula ang burukrasya na nagpapalaki ng amag sa lipunan, maraming tao ang hindi makatanggap ng mga benepisyo na para sa kanila dahil sa napakaraming resikitos, kailangan ng sampung valid ID habang kumukuha ka ng ID, kailangan mong iwan ang orihinal na birth certificate mo at kailangan mo na namang magbayad para makakuha ng panibagong orihinal na birth certificate. Ito nga naman ang pinagkakakitaan ng gobyerno para panatilihing umiiral ang kanilang sistema. Mula sa paghihirap ng masa, nakakalimutan na natin kung ano ang kahulugan ng kalayaan, ang kalayaan natin ay ang makapasok sa trabaho araw-araw, ang kumita ng kaunti sa napakahabang oras ng trabaho, ang mangarap na umangat sa buhay pero hindi mabago ang lipunan. Tinapyasan ng malaking bahagi ang ating frontal lobe nang hindi natin nalalaman, dahil ang nalalaman natin ay kung ano lang ang pinapahintulutan na isipin. Pumapasok na siguro ako sa neuroanthropology kung saan mayroong epekto ang lipunan sa kung paano tayo nag-iisip o kung paanong nabubuo ang kultura mula sa isip. Napakalawak ng usaping ito pero dito tayo magsimula: Nagkakaroon ng pagkakaiba-iba sa kultura ang bawat lugar sa mundo, isang bansa lang mayroong ibang kultura ang isang lugar na wala sa iba pang lugar. Ito ay dahil sa pagkakaiba nila ng karanasahan, ng kapaligiran, ng wika, at marahil ng kinakain. Mayroong aspekto ang bawat salik ng ating kapaligiran sa pagbuo ng kultura. Nangyayari ito sa prefrontal cortex na tumanggap ng impormasyon at nagbibigay dito ng kahulugan kasama ng mga impormasyong mas naunang naimbak. Kaya nagkakaroon ng pagkakaiba sa kultura, ang Japan ay mayroong kimono habang ang Pilipinas ay may bahag. Magkakaiba rin ang pananalita at pagsusulat ng mga ito, mayroong Gikuyu, Pranses, Cebuano, Rusya, Fokien. Sa bawat wika na ito, na mayroong iba’t ibang pinanggalingan na wika, lumalabas ang iba’t ibang kultura, mga paniniwala na nagtatangi sa mga tao sa isang espisipikong lugar. Hindi magkakatulad ang kaayusan sa mga lugar na ito, iba rin ang sistemang pampulitikal na pinapairal ng kani-kanilang mga gobyerno. Kahit na ang sosyo-ekonomikal na kalagayan ng mga mamamayan ay nagkakaiba.

At katulad mo, sasabihin nilang nahihibang na ako’t nawawala na sa sarili. Tatawanan ko naman sila dahil alam kong hindi nila ako naiintindihan. Mga ingrato dahil kaming mga guro ay araw-araw na nakikipagbaka sa mga isipin para lang maipakita sa marami na ang lipunan ay malaking tipak ng tae, at ang mga tao ang mga langaw na aliw na aliw dito. Tama, tae ang lipunan. Langaw ba ako? Oo, dahil walang makakalabas sa pagiging langaw pero may mga langaw na pinipiling sabihin sa mga kapwa langaw na maraming mikrobyo ang kinahuhumalingan naming tae.

Mayroon rin namang nagtaguyod ng imperyo ng tae na mukhang hindi tae. Akala nila, kapag binago nila ang hugis ng tae, mababago nila ang amoy at ang nilalaman nito. Pero langaw pa rin sila, at tae pa rin ang iniikutan nila.

Ngayon, dalawa lang ang iniisip kong uri ng lipunan: Mawala lahat ng tao at hayaang mabuhay ang mundo, o hayaang mabuhay ang tao kasama ng mundo. Hindi naman nakakalito ang huli kong sinabi dahil simula nang matuto ang tao na gumawa ng apoy, magtayo ng mga bahay, magkaroon ng kultura, ito ay kapalit ng mundo. Ang pag-unlad ng karunungan ng tao ay pagsira sa kalikasan, ang pag-unlad ng sibilisasyon ay pagkabutas ng ozone.

Magtatanong ang isang estudyante ko sa klase, anong kasiguraduhin natin na magkakaroon ng kaayusan kung walang mga pulis, militar, walang sistema na magpapanatili nito?

Tama nga naman, paano nga naman iyon?

Nag-iisip ka sa loob ng sistema, ang sabi ko sa kaniya, kung gusto nating makagawa ng pagbabago sa lipunan, kailangan nating mag-isip sa labas nito. Ano ang lipunan kung saan hindi na kailangan ng militar, ng pulis, ng gobyerno. Ano ang magiging panibagong kaayusan sa kawalan ng mga ito. Posible ba itong mangyari kung ang panghahawakan natin ay ang konsepto ng kaayusan na binigay sa atin ng lipunan? Hindi tayo makakarating doon kung patuloy tayo sa ganitong lebel ng pag-iisip. Pagkatapos kong sabihin iyon, nagbigay ako ng gawain sa kanila, kailangan nilang bumuo ng isang mundong iba ng sistema, iba ang lipunan, maging manunulat kayo at gumawa kayo ng kuwento, ang dagdag ko.

Pagdating sa akin ng mga ginawa nila, nakuha nilang lahat ang gusto kong ipakita. Nakapagsulat sila ng isang panibagong mundo kung saan walang hirarkiya. Pagkatapos kong basahin lahat, nagpadala ako ng tanong sa kani-kanilang email. Paano natin maisasakatuparan ang mga isinulat nila.

Sa mga ganitong pagkakataon sa buhay ng pagtuturo, natutuwa ako dahil alam kong hindi lang ako ang nahihibang sa pag-iisip, hinihibang ko rin ang mga estudyante ko. Pero ang malungkot ay ang pagpili nila sa pagbalik sa sistema, sa kaayusan sa loob ng sistemang ito. Kaya pagkatapos nila sa pag-aaral, walang nagbabago.

Iba-iba nga naman ang paniniwala ng mga tao, iba-iba ang politika. Dito rin nabubuhay ang sistema, sa kawalang kaisahan ng mga tao. Kaya hinahayaan ng sistema na manatili ang iba’t ibang ideolohiya. Dahil dito nanggagaling ang suliranin kung saan binibigyang dahilan ang pagpapanatili ng sistema. Dapat mayroong kaaway at tatawaging kalaban ng lipunan. Ito ang nagbibigay katarungan sa mga ginagawa ng sistema, lohikal lang naman na kapag mayroong kalaban dapat na magkaiba ang lahat para labanan ito. Dito nagsisimula ang pagkabulag natin, dahil naisaksak na sa atin na ito ang dapat nating gawin, at gagawin natin ito para sa ikabubuti ng lahat. Pero ang totoo, ang ikabubuti ng lahat ay wala sa kamay ng mga nasa itaas. Ang ikabubuti ng lahat ay ang pagkakaroon ng pantay na relasyon sa isa’t isa at magkaroon ng mas ligtas na lipunan hiwalay sa karahasan. Dito magsisimulang sabihin na isang paraiso ang gusto mo, hindi ito mangyayari. Walang paraiso sa mundo, nabuhay tayo para magdusa. Isang eutopia, piksyunal na mundo kung saan walang hirap. Sinisira ng ganitong argumento ang pag-asa na magkaroon nga ng pagbabago ang lipunan. Ang gusto lang naman nilang sabihin ay makuntento na kayo sa kung anong mayroon tayo, huwag mong abutin ang hindi naman naaabot. Sino ang nagsabing hindi ito mangyayari o hindi nating kaya na abutin kahit ang pinakamalapit dito. Sila pa rin na nasa itaas, mga nabubuhay sa napakalumang sistemang ipinasa pa sa kanila ng kanilang mga ninuno. Ito rin ang sinasabi ng Kristiyanismo, ang pinakamalaking relihiyon sa mundo, ang pagkamit sa buhay na walang hanggan ay ang pagiging kontento sa mundong ito, may pangakong nag-aabang sa mga nagpapaging banal ng kanilang sarili.

Sa isang banda, isang epektibong solusyon ito para manatili ang hirarkiya sa mundo. Kapag may mga taong hindi naghahangad ng pagbabago, walang magbabago. Pero ang mga taong naghahangad ng pagbabago batay sa kanilang paniniwala’t nakabatay sa sistema ng hirarkiya ang nagpapalakas dito.

Ang punto ko ay dapat nating tibagin ang mga ito para mabuhay labas sa sistema at para makamit natin ang hustisya na palagi nating nakikita at hinahangad sa mga binabasa at inaaral natin.

Tumingin ako sa relos ko pagkatapos kong sabihin ito, tamang-tama lang sa oras. Pinaalala ko na pasahan na ng kanilang sanaysay sa biyernes, sinabihan ko rin sila na walang pasok sa biyernes para bigyan sila ng pagkakataon na makapagsulat papel. Nagsitayuan ang mga estudyante, inayos ko naman ang mga papel ko sa mesa.

Nagkita ulit kami ni Andrea sa inuman, wala siyang hawak na Red Horse nang maki-upo siya sa table. Paano natin mababago ang lipunan kung hindi natin lalabanan ang sistema sa paraan ng paglaban nila sa mamamayan? Matalas ang tingin niya sa akin, seryoso ang tono ng kaniyang boses. Hindi mo sila puwedeng labanan sa laro nila, kailangan mong umalpas sa paraan nila. Ang taong bayan, hindi sila ang gobyerno, hindi sila nanunungkulan. Nagiging gobyerno ang gobyerno dahil nabibigyan nila ang tao ng kasiguraduhan na sila ay kabilang sa isang bansa, na sila ay mga Pilipino. Ngayon, sabihin mo sa akin kung paano tayo lalabas sa estilo ng estado, lalabanan natin gamit ang baril? Sa paghawak mo ng armas, sa pagpitik mo ng gatilyo, hindi lang ang mga sundalo ang nilalabanan mo kung hindi ang mga taong naniniwala na ang mga sundalo ang susugpo sa mga binansagan ng estado at ng mundo bilang mga terorista. Wala sa paghawak ng baril at pagpapaputok nito sa kalaban ang solusyon sa impiyernong ito. Kung mayroon akong aral na maibibigay sa ‘yo, tao ang bumubuo sa lipunan at tao rin ang magsasalba dito. Tiningnan ko siya sa mata habang sinasabi ko ang mga sumunod na pangungusap: Para mabago ang lipunan, kailangan mong kunin ang puso ng tao. Kailangan mong ipakita sa kanila kung ano ang gusto mong mundo. Kung ang paggamit ng baril ang nakikita mong mundo, iyon rin ang makikita nila. Kung dahas ang nakikita nila, dahas rin ang gagamitin ng estado para ipakitang ikaw ang kalaban. Ilang milyong rebolusyon na ang nangyari sa mundo simula nang matuto ang taong magsalita, pero nandito ba tayo sa lupang pangako ng mga rebolusyonaryo?

Dinagdagan ko pa ang mga sinabi ko, nawala ang talas sa mata ni Andrea, pero nakakaramdam ako ng inis. Mayroong pagka-agit sa kaniyang mga tingin, na nakikita ko sa mga dati kong nakakausap tungkol sa kilusan at sa ginagawa ng kaliwa. Ang gusto ko lang ipakita, Andrea, maraming paraan ng paglaban sa sistema. Marahil, hindi ninyo nakikita iyon dahil nabigyan kayo ng isa sa maraming solusyon at akala ninyo, ang isa na ito ang tunay na magsasalba sa Pilipinas. Malakas ang makinarya ng estado, matagal na nitong nakuha ang isip ng mga Pilipino. Malalim ang basag na iniwan ni Marcos at ng Bagong Lipunan. Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit nananatili pa rin sa puwesto ang mga Marcos, kahit na muntik na silang patayin ng taong bayan noong 1986? Nakalimutan na ng mga Pilipino ang mga panahon ng hikahos dahil hindi ito pinapaalala sa atin sa eskuwelahan, sa komunidad. Kaya marami sa mga ipinanganak noong Martial Law, kahit na wala pa silang muwang, naniniwala pa rin na si Marcos ang pinakamagaling na presidente ng Pilipinas.

Liberal, ang banggit ni Andrea, ngumisi ako. Ilang beses ko nang naririnig ang salitang iyan, masama bang maging liberal, Andrea? Namumula na ang mga pisngi niya. Napansin ko ang tato niya sa braso, at naalala ko ang ikinuwento niya noong huling araw.

Hindi pa ba sapat na ebidensiya ang nangyari sa kultral na rebolusyon ni Mao, o ang kasalukuyang lagay ng Cuba ngayon? Hindi mabubuhay ang komunismo, o kahit anong uri katulad nito sa isang lipunang globalisado. Kakailanganin ng isang bansa na mag-angkat ng mga bagay na wala sa kaniyang bansa. Tingnan mo ang nangyari sa Cuba, komunista pa rin ang kanilang gobyerno pero hindi nila magawang umunlad dahil sa trade embargo na ipinataw sa kanila ng Estaados Unidos. Ang gusto kong sabihin, kahit na manalo ang rebolusyon at makamit natin ang tunay na demokrasya, kung ikakahon ito ng ibang bansa bilang mga demonyong hindi nakikita, katulad ng komunismo, hindi magtatagumpay ang kahit anong itataguyod na gobyerno. Bakit ba kayong mga aktibista, mga batang aktibista na wala pang ganoong karanasan ay nagpupumilit na kayo ang tama, matapos ninyong makapagbasa ng mga ginawa ni Marx, o mga teorya ng mga makakaliwang pilosopo. Maraming sira-ulong matanda pero marami sa kanila ang ikinayod ang sarili sa tinik-tinik na daan para lang matutunan na ang kabulukan ng sistema ay naka-ugat ng malalim sa kamalayan nating mga Pilipino.

Ano bang paniniwala mo, Prop? Ano tawag sa pilosopiya na pinanghahawakan mo?

Kailangan bang magkaroon ng tawag ang isang paniniwala? Kailangan ba nating bigyan ng pangalan ang paninindigan?

Hindi ba’t community development ang kurso mo, Andrea? Tumango siya. Bakit iyan ang kursong kinuha mo? Pinapaikot-ikot niya ang boteng kaninang hawak niya. Gusto kong pag-aralan ang komunidad. Gusto kong alamin kung bakit mayroong mahirap at mayroong mayaman. Bakit mayroong bahagi ang komunidad na puro mahirap, at mayroong bahagi na puro mayaman. Nalaman ko ito nang pumasok ako sa unibersidad, Prop, kahit na palaging binabanggit sa akin ng tatay ko ang mga ito sa akin, sa loob lang ng unibersidad ko lubhang naintindihan ang dinaranas ng mga tao sa labas. Kaya naiinis ako sa ‘yo dahil minamaliit mo ang mga ginagawa ng kilusan, bakit hindi mo ituro sa mga tao iyang sinasabi mo at para malaman nila kung ano ang mundong gusto mong buuin.

Alam nila iyon, Andrea, innate sa atin ang maging mapagbigay, ang sagot ko. Nagpatuloy siya sa pagsasalita. Anong gagawin ng isang magsasaka na lubog sa utang, walang sariling lupa, at binabayaran ng nuwebe pesos kada-araw? Malay ka ba sa mga kuwento nila? Sino ba ang matagal nang tumutulong sa mga magsasaka at manggagawa kung hindi ang kaliwa. Ang kaliwa lang ang kakampi ng masang api.

Kapag binasa mo ang Das Kapital ni Marx, nakakalimutan nating kritisismo ito sa sistema ng kapitalismo. Nag-iisip si Marx sa loob ng sistema, hindi sa labas nito. Kaya isang death trap ang mga isinulat ni Marx sa mga katulad mo, dahil nalilimitahan nito ang gusto mong isipin.

Komunista bang matatawag ang mga Zapatista ng Mexico, hindi. Matagumpay ba sila sa pagbubuo ng komunidad, oo. Nag-isip ba sila sa loob ng mga libro ni Marx at sa paglaban sa kapitalismo gamit ang armas? Sa isang banda, oo, pero itinaguyod nila ang sariling ekonomiya ng komunidad labas sa mga ibinibigay ng nasa labas. Hindi rin nila pinabagsak ang gobyerno ng Mexico, nagtayo sila ng sarili nilang gobyerno, ng sariling pamayanan. Nagawa nilang makipag-usap sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at nagkaroon sila ng pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Zapatista at hindi Zapatista. Hindi ito nagiging epektibo sa Pilipinas, kahit na anong gawin ng kaliwa na pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor, nagkakaroon ng takot ang mga indibiduwal at organisasyon na makipag-ugnay sa mga makakaliwang grupo dahil dini-demonyo ng gobyerno ang kaliwa. Hindi naman ito iba sa ginagawa ng Amerika lalo na sa panunungkulan ni Ronald Reagan, na isa sa mga nagsulong ng anti-komunistang paglaban nito kasama ng mga kaalyado nitong bansa.

Ngayon, Andrea, tatanungin kita, paano natin gagawin ang mga ginawa ng Zapatista sa Pilipinas? Ano ang nagawa ng Zapatista na hindi nagawa ng kaliwa? Hangga’t hindi nating tinatanggap na sira na ang imahe ng kaliwa sa Pilipinas, hindi natin mababago ang naratibo ng Pilipinas. Ang patuloy na pakikibaka nang hindi nakikita ang sakit na dala-dala ng kilusan ang ikamamatay nito. Ang ginagawa niyo lang naman ay ulitin ang pagkakamali na ginawa ng mga mas nauna sa inyo, hindi kayo radikal kung hindi ninyo kayang baguhin ang inyong mga sarili. Sa ngayon, carbon copy ka lang. Marami na akong nakilalang katulad mo, nasaan sila ngayon?

Umalis si Andrea, hindi na siya nagpaalam. Inubos ko na ang laman ng hawak kong bote at tsaka umuwi sa bahay. Binabagabag ako ng isipin na pagkatapos ng lahat ng sinabi ko kay Andrea, parehas lang kaming nakakulong sa mga konsepto na alam namin. Pinipilit kong intindihin ang mga binabasa ko, mga isinulat ng mga patay na tao tungkol sa kaniyang milyu para hanapin ang kahulugan sa mga nangyayari ngayon. Hinahanap ko rin ang sagot sa mga malalaking tanong ng mundo. Sino ba ang dapat kong paniwalaan, ano ba ang gamot sa pagdurusa.

Patapos na ang semestre, tatlong linggo na ring hindi pumapasok si Andrea. Nagpadala ako sa email niya ng babala na malapit na siyang umabot sa pinapayagang bilang ng pagliban sa klase. Kahit ang mga kaibigan niya sa klase ay hindi wala nang balita kung nasaan siya, nagdeactivate raw ito ng kaniyang mga social media account. Nakakapanibago ang klaseng wala siya dahil walang nagtatanong, wala ring gustong makipag-argumento sa mga sasabihin ko. Umabot na ba sa sukdulan ang pasensya ni Andrea sa mga sinasabi ko, o baka gusto niya munang huminga at buuin ang sarili bago ulit sumabak sa debate. Lumagpas ata ako sa huli naming pag-uusap, umalis nga siyang hindi nagpapaalam. Naalala ko ang kaniyang kuwento tungkol sa pagkukulong niya sa kuwarto noong mga panahong namatay ang kaniyang mga magulang.

Nagpadala ulit ako ng mensahe sa kaniyang email, humingi ako ng pasensya sa mga nasabi ko, baka kako, hindi nakakabuti sa kaniyang mental health ang mga ganoong usapan. Hindi ako nakatanggap ng sagot mula sa email ko.

Natapos ang semestre nang hindi siya nagpapakita sa klase, nilagyan ko ng blanko ang kaniyang grado. Umasa ako ng kaunti na magpapadala siya ng email para ipaliwanag ang kaniyang walang pasabing pagliban sa klase.


Portrait: Alex Llorente
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.