Biyaheng Butanding

Maraming tawag sa kanya. Pero para sa amin ni TonTon, Nanay ang pinaka-mainam. Len- Len ang tawag sa kanya ng mga kapit-bahay namin. Iyon kase ang palayaw ni Nanay: Len-Len para sa pina-ikling Krystaline. Ate Len naman at tawag sa kanya ng mga batang hinahatid niya sa pagpasok. Pero sa mga kasama niyang drayber ng serbis sa eskwelahan, Pare at ‘Tol ang tawag ng mga ito sa kanya. At sa mga ibang hindi nakakakilala, Tomboy naman ang sinasambit sa likuran niya.

            Kailanman ay hindi tinago sa amin ni Nanay kung ano siya. Madalas lang niyang sinasabi sa amin na baka namali lang ang naibigay sa kanyang katawan. Dahil kahit pambabae ang katawan nito, lalaking-lalaki daw ang puso at isip niya. Sa totoo lang, hanggang ngayon, ay hindi ko pa din ito naiintindihan. Pati ang parte kumbakit kailangan nilang maghiwalay ng bahay ni Tatay. O kumbakit drayber siya ng serbis sa eskwelahan. Maging ang kumbakit ni minsan hindi ko siya nakitang naka-bestida at lipistik gaya ng mga ibang Nanay. Pero ang alam ko, si Nanay ang pinakamaganda, pinakamasipag, at pinakamahusay na Nanay sa buong mundo.

            Dahil mag-isa na niya kaming tinataguyod ni TonTon walang tigil sa pag kayod si Nanay. Araw-araw niya kaming hinahatid-sundo kasama ng sineserbisan niyang mga bata sa eskwelahan gamit ang naipundar nilang dyip ni Tatay.

            Kapag tanghali naman dali-dali si Nanay ng pagluto ng ulam para pambeta sa mga kapwa niya drayber at maging sa mga naghihintay na Nanay sa eskwelahan. Hanggang sa pag-uwi, magluluto pa din si Nanay ng ulam pambenta naman sa mga kapit-bahay.

            Ito ang pinaka-paborito kong oras. Ilalabas naming dalawa ang malaking mesa sa tapat ng bahay at maghihintay ng mga bibili habang tinutulungan ako ni Nanay na gumawa ng mga takdang-aralin.

            Madalas, pagtapos  na kami sa mga gawain, at paubos na ang paninda, uupo kami sa dyip ni Nanay at mangangarap kung saan-saang lugar  kami  pwedeng dalhin ng dyip niya. Minsan iniisip naming namamasada kami sa kagubatan. Pasahero namin ang mga leon at usa habang kundoktor namin ang isang elepante. Kukunin ng mahabang ilong nito ang lahat ng bayad ng mga sumasakay habang tinuturuan ni Nanay na magsabi ng “para” ang pamilya ng mga unggoy.

            Minsan naman, nasa disyerto kami. Tumatalbog-talbog kami ni Nanay sa alon ng mga buhangin.Kapag nauuhaw, pipitas kami ng dahon ng cactus at sabay na iinom habang kumakaway sa mga kamelyo.

            Minsan naman, nagiging sabmarino ang dyip namin.Binabaybay naming dalawa  ang ilalim ng dagat kasama ng mga isda at butanding. Whalesharkdaw ito sa Ingles sabi ni Nanay. Pagkarinig nito, napaisip akong bigla.

            “Nanay,” ani ko.” Ano po ba ang butanding,balyena po ba iyon o pating?”ang tanong ko sa kanya.

            “Anak ang butanding ay butanding. Pating man siyang ipinanganak, may mga katangian din siyang sa balyena”, ang sabi niya sa akin.

            Isang hapon habang nililigpit ni Nanay ang mga pinagbentahan, umakyat ako muli sa aming dyip.  

            “Beep Beep! Nanay, sakay na!” ang palarong bati ko sa kanya, habang ginagalaw-galaw ang manibela at pinipindot-pindot ang busina.

            “Saan ba tayo pupunta ngayon?” ang tanong ni Nanay sabay sabit sa likuran ng dyip.

            “Sa mga bituwin po! Mamimitas tayo ng kaunti para hindi na tayo kailangang magbayad ng ilaw. Ay hindi, maraming marami pala! Para ang bahay natin ang pinakamaningning sa Los Banos!” buong pagmamalaki kong sabi kay Nanay.

            “Talaga?” nakangiting tanong ni Nanay. Alam kong nangangamba na naman siya sa mga bayarin. ” Kumuha na din tayo ng mga ulap para gagawan ko kayo ng cotton candy ni TonTon.” dagdag pa niya at tinabihan na niya ako sa harapan ng dyip habang inaayos ang nakapusod niyang buhok.

            “Kapit, Nanay.Paakyat na tayo! Brum brum brum!” ang sigaw ko.At ilang saglit lang nasa langit na kami. Naglabas si Nanay ng kunwa-kunwariang sako at dahan-dahan kaming namitas ng mga bituwin sa kalawakan. Nakaparaming mga bituwin! Dahan-dahan ako sa pagpihit ng manibela at paghila ng kambyo ng dyip habang umaabot si Nanay ng mga bumbon ng mga ulap. Nang madami na itong nakuha, naglabas siya ng kunwaring bote sa bulsa niya.

            “Ano po iyan?” ang tanong ko sa kanya.

            ” Asukal.Nagugutom na ako e.” Pabirong sabi ni Nanay, habang kunwaring binubudburan ng asukal ang mga ito. Iniabot niya sa akin ang kalahati, at sabay kaming kumagat nang pagkalaki-laki.Sunod-sunod si Nanay sa pag-abot at pagkain ng mga inasukalang ulap. Kaya’t tawang-tawa kami nang bigla siyang dumighal. 

            “Baka ibigay ko nalang sa’yo ang hapunan ko ngayong gabi.Busog na busog ako!” ang sabi ni Nanay habang hinihimas-himas ang tiyan niya.

            “Si Nanay, talaga!”  ang sabi ko. At ipinihit ko na ang manibela pauwi sa aming bahay.

            Bago bumaba ng dyip, hinawakan ni Nanay ang aking balikat.

            “Kinausap ako ng Titser mo kanina.” ang sabi niya. Mahinahon siya ngunit mababakas ang lungkot sa tinig nito.

            “Po? Bakit daw po?” bigla akong kinabahan. Dumiin ang kapit ko sa manibela.

            “Nangalmot ka daw ng kaklase?” tanong niya sa akin. Iyon lamang at bigla na akong napaiyak.

            “Ang sabi po kase ng Edwin na iyon. Tomboy din daw po ako kagaya niyo.” Ang sumbong ko sa kanya sa gitna ng singhot at iyak. “Tapos hinampas po niya ako ng walis kase daw madumi daw po ako. Hindi daw po ako normal.” Niyakap ako ni Nanay ng buong higpit nang marinig ito.

            “Bakit ka kase ganyan, Nanay?”panunumbat ko sa kanya. Hinihintay ko siyang sumagot sa tanong na kailanman ay hindi namin tinanong ni TonTon. Sa mga araw na palihim akong nahihiya sa tuwing tinatawag siyang Pare ng mga kasama niya. O nung minsang marinig ko ang isang Tatay na nagsabing hindi na ipahahatid-sundo sa kanya ang anak dahil baka mahawa niya ito ng ka-tomboyan. Iyak ako nang iyak habang hinahaplos ni Nanay ang buhok ko. Sa bawat paghaplos niya, naririnig ko din siyang suminghot.

            “Pasensya ka na anak. Pero hindi ko kailanman kinahihiya kung ano ako. Masakit para sa akin na pati ikaw ay nadadamay.”Hinalikan ako ni Nanay sa ilong. “Hindi ka marumi,anak. Busilak ka dahil bukas ang puso mo sa mga kagaya ko. ” ang sabi ni Nanay.

            “Bakit di ka nalang gumaya sa ibang mga Nanay?” ang tanong ko ulit sa kanya.

Tiningnan ako ni Nanay ng taimtim. “Iyon ba talaga ang gusto mo, anak?” Tanong niya sa akin.

            “Opo” buong tapang ko namang sagot. Hindi ko na inisip kung magagalit pa siya sa akin. Basta ang alam ko, ayaw ko nang matukso ng mga kaklase ko o masabihang magiging tomboy din ako.

            Tahimik  akong binitiwan ni Nanay. Tahimik din siya hanggang pagbaba ng dyip at habang nililinis niya ang mga paninda namin. Wala siyang imik nang magluto ng hapunan, hanggang sa makakain at makatulog kami ni Tonton.

            Kinabukasan, nagulat ako nang makita ko si Nanay.  Nakalugay ang hanggang beywang niyang buhok. May pahid din ng lipistik ang kanyang mga labi.  Ngunit ang pinaka-nakakagulat sa lahat ay ang suot ni Nanay. Kupasin man ang manggas, maganda naman ang burda ng bulaklakin niyang berdeng bestida. Imbis din na rubbershoes, sandalyas ang panyapak ni Nanay.

            “Sa inyo po pala ako nagmana ng alon-alon na buhok, Nanay.” nakangiting sabi ko sa kanya. Imbis na sumagot, kinuha ni Nanay ang bag ko , ang susi ng dyip at ang bote ng tubig na inihanda niya.

            “Hihintayin nalang kita sa labas.Huwag ka nang magtagal, nandun na si TonTon.” ang sabi niya sa akin.

            Ngayon ko lang nakitang ganoon si Nanay. Dati-rati, sabay kaming nagdadala ng baon at bag ko sa dyip. Nagbibiruan din kami at lagi akong may halik sa pisngi sa umaga habang tinitirintas ni Nanay ang buhok ko. Ngayo’y nakapatong na lang ang suklay, headband, at pang-ipit ko sa hapag-kainan. Naalala ko ang lambingan namin ni Nanay:

            “Kahit Grade 3 ka na, susuklayan pa din kita. Susuklayan kita hanggang kaya pang humawak ng suklay ng mga kamay kong ito.” Pagkasabi noon, pupupugin ako ni Nanay ng mga halik.  Naputol ang pag-iisip ko sa busina ni Nanay. Dali-dali akong nagsuklay at isinilid sa bulsa ang pang-ipit ko ng buhok. Muntik ko nang makalimutan ang baunan ko na nakapatong din sa mesa. Dali-dali ko din itong sinukbit sa balikat ko at patakbong tumungo sa jeep habang nagsusuot ng headband.

            “Tabingi ang headband mo,” ang sabi sa akin ni Nanay nang sumakay ako sa unahan ng  dyip. Hindi ko na kase naayos sa pagmamadali ko. Hindi pa din ako kinibo ni Nanay habang nanunundo ng mga bata sa kani-kanilang mga bahay.

            “Psst Ate, ang ganda pala ni Nanay, ano?” ang bulong sa akin ni TonTon.

            “Maganda talaga si Nanay.” ang sabi ko habang nakatingin sa maamong mukha nito.

Nilakasan ko nang kaunti ang boses ko pero hindi pa din niya ako pinansin.

            “Bakit di na siya nakikipagbiruan sa atin?” ang tanong ulit ni TonTon.

            Gusto ko mang sagutin ang tanong ng kapatid ko, hindi ko din alam ang sagot. Ang alam ko lang gusto ko ulit makitang masaya si Nanay nakalugay man o nakapusod ang buhok niya.

            “Ang ganda mo naman ngayon, Len.” bati ng isang Nanay sa kanya habang sinusundo ni Nanay ang anak nito. “Magpasalamat ka kay Ate Len sa pagdala ng bag mo.” dagdag pa nito.             “Salamat po, Ate Len.” ang sabi ng bata. Nginitian siya si Nanay at sinabing walang anuman. Kung sa dati iyon, guguluhin pa ni Nanay ang buhok ng bata at kikilitiin ang kilikili nito. Pero ngayo’y ibang “Ate Len” ang kasama namin. Hindi siya yung dating nakangisi at bumabati ng Magandang Umaga habang nagpapagpag ng pantalon. Hindi din ito yung dating nangangaral sa amin na huwag makulit kay titser kung hindi ay sa bubong ng dyip niya kami isasakay. At mas lalong hindi ito yung dating maingay na Ate Len na binibiro ang lahat ng nakasakay sa dyip niya.

            Ang kasama namin ngayon ay ibang tao. Kamukha lang siya ni Nanay. Ngayon naisip ko habang tinatahak na namin ang eskwelahan, kung paano ako nagkamali. Hindi ko pala dapat hininging magbago si Nanay dahil wala pala sa lipistik o bestida ang pagiging mahusay na ina. Maluha-luha ako nang makarating kami sa eskwelahan at bumaba na sa dyip. Nagmamadaling nagpaalam sa amin si TonTon para makipaglaro sa mga kapwa niya Grade 2.

             Hinintay ko naman si Nanay habang nagbababa siya ng mga bag sa dyip niya.Gusto ko kase sana siyang kausapin at humingi ng paumanhin.Nang nasa huli na siyang bag na binababa,napansin kong naglapitan ang ilang kasamahan niyang mga drayber.

            “”Tol? Ikaw ba ‘yan? Ang ganda mo naman ngayon!” ang sabi ng isang drayber.

            “Oo nga, ang seksi mo pala, pare! Bakit tinatago mo ang beywang mo?Meron ka pala nun”ani isa, akmang tatapikin ang beywang ni Nanay. Pinigilan naman siya ni Nanay at tinapik palayo ang kamay nito.

            “Tumigil nga kayo!” ang sabi ni Nanay. Nakangiti man ito, alam kong hindi komportable si Nanay sa mga naririnig.

            “O, anak, umakyat ka na. Baka mahuli ka na sa klase mo.” ang sabi niya sa akin.

Iaabot pa lang niya sa akin ang bag ko nang may bumati na naman sa kanya.

            “Hi Miss Beautiful, pwede bang makipagkilala”, ang sabi ng isa pang kasamahan niyang drayber habang inaabot ang kamay nito kay Nanay.

            Sa galit ko bigla kong kinagat ang kamay ng lalaking iyon. “Huwag niyong kausapin ng ganyan ang Nanay ko!” sigaw ko sa kanila.

            Napalayo sa sakit ang lalaki. Pati si Nanay ay nagulat din. Iniabot ko kay Nanay ang pang-ipit ko ng buhok. Nakangiti niya itong kinuha sa akin at ipinuyod ang buhok niya.Pinahi din niya ang kanyang lipistik.

            “Sabi ko naman kase sa inyo tumigil na kayo e.” ang sabi sa kanila ni Nanay.

            “Pasensya na,Len. Katuwaan lang naman e.” ang sabi ng lalaking kinagat ko. “Pasensya ka na din, Neneng. Natutuwa lang talaga kami sa Nanay mo. Hindi na kami uulit.”ang dagdag pa nito.

            Tawa nang tawa si Nanay at hinila ako papalapit sa kanya.

            “Ito talagang anak ko.” ang sabi niya sa akin habang pinupupog ako ng mga halik sa magkabilang pisngi. ” Pumunta ka na sa classroom mo, huli ka na.”

            “Opo, Nanay.”ang sabi ko sa kanya. At tumakbo na ako papalayo. Tinanaw ko ulit si Nanay bago ako tuluyang pumasok sa klasrum namin. Wala pa naman si titser kaya sumilip muna akong muli sa kanya. Alam ko na ang susunod na gagawin ni Nanay. Uuwi na ito para magluto ng ulam na pambenta sa tanghalian.

            “Anak ng Tomboy, Anak ng Tomboy”. Panunukso na naman sa akin ni Edwin.

            Nginitian ko lang si Edwin at binelatan. Oo nga at Tomboy si Nanay at kakaiba siya sa mga ibang Nanay ng mga kaklase ko. Pero para sa akin, siya ang pinakamasaya, pinakamabait, pinakamaganda, at pinakamahusay na nanay sa buong mundo.     


Genevieve Soriano Aguinaldo is a mother to four children. She is currently under the MA Language and Literacy program of UP Open University. Her works appeared in {m}aganda magazine, Sunday Times, The Fib Review, and Shot Glass Journal.

Alamat ng Hikab

Noong unang panahon ay wala pang gabi. Dahil sa init at liwanag niyang taglay, kay Binatang Araw lamang ipinagkatiwala ang pagbabantay sa daigdig. Samantala, ang kapatid niyang si Dalagang Buwan na pinagkalooban ng dunong ay nasa kanyang likod lamang bilang tagapayo. Upang hindi mainip sa kanyang puwesto ay binigyan si Dalagang Buwan ng mga alahas na bituing gawa sa kaunting init at liwanag ni Binatang Araw.

Matapos tuluyang malikha ni Bathala ang mga halaman, mga hayop, at mga tao, pinagmasdan ni Binatang Araw ang daigdig. Sobra siyang natuwa. Naaliw siya sa pagtubo at paglago ng mga halaman. Nagalak siya sa mga hayop na nagbibilad sa kanyang sinag at minsan ay nagpapatuyo matapos ang bumuhos na ulang ipinagmamalaki niyang galing naman sa mga pinasingaw niyang anyong-tubig.

Subalit sa lahat ng mga napapanood niya, ang paborito ni Binatang Araw ay ang mga patak ng pawis mula sa mga taong nagtatayo ng kanilang pamayanan at nagsisikap na buhayin ang kanilang mga pamilya. Hanga siya sa kasipagan ng mga tao. Nalalasap niya ang sigla ng buhay, ang pag-unlad, ang kasaganahan. Ipinagmamalaki tuloy niyang ang kanyang init ang ginamit ni Bathala upang maluto at tumigas ang mga putik na pinagmulan ng mga tao.

Dahil na rin siya ang nasa gitna ng sansinukob at taglay ang kapangyarihang pinagmumulan ng buhay, pakiramdam niya, lahat ng nilalang ay sumasamba at nagpapasalamat sa kanya. Palibhasa ay siya lang ang nakikita ng mga ito sa kalangitan tuwing titingala sila.

Subalit lingid sa kaalaman ni Binatang Araw, may iniindang hirap na noon ang mga tao. Marupok kasi ang kanilang mga katawan. At noon din ay magdamag pang gising at dilat ang mga tao, hindi pa alam kung paano matulog. Kaya minsan ay nagsumamo ang mga ito sa kanya: “Binatang Araw, nawa ay pakinggan niyo kami. Kami ay napapagod, nanghihina, nagkakasakit na mula sa walang tigil na paggawa.”

“Subalit kung wala ang sipag niyo sa paggawa, paano magiging maunlad at masagana ang buhay niyo?” tugon ni Binatang Araw. 

Kaya naman napilitan ang mga taong magpatuloy sa paggawa. Hanggang…

…ang mga magsasaka ay napaluhod na sa taniman,
…ang mga mangingisda ay wala nang lakas sa pagsagwan at paghila ng lambat,
…ang mga manggagawa ay nasugatan sa pagkaduling,
…at ang mga nagluluto ay namali sa paghahalo ng mga sahog.

Dahil magdamag dilat ang mga tao, lumawlaw at nangitim ang balat sa ilalim ng kanilang mga mata. Parang mga sisidlang kay bigat!

Noon ay narinig ni Dalagang Buwan ang palahaw ng mga tao. Kaya mula sa likod, siya ay nagpayo kay Binatang Araw:

“Mahabag ka sa kanila, aking kapatid. Itong sipag sa paggawa ay masasayang kung walang pahinga.”

Subalit hindi siya pinakinggan ni Binatang Araw. Sa tingin nito ay naiinggit lamang sa kanya si Dalagang Buwan.

Noon din ay sumumpa si Dalagang Buwan na hindi na lamang siya mananatiling nasa likod lagi ni Binatang Araw. Kumupit siya ng liwanag mula kay Binatang Araw at umalis sa puwesto niya upang umikot sa daigdig. Nahalina ang mga taong unang beses masilayan ang kanyang marilag na anyo.

“Kapag nakita niyo ako at ang aking mga alahas na bituin, palatandaan iyon ng inyong pagpapahinga. Batid kong tutugisin ako ni Binatang Araw kaya magpanibago kayo ng lakas sa bawat panandalian kong pagdaan,” ani ng mahabaging bathaluman.

Tinawag ni Dalagang Buwan na gabi ang bawat panandaliang pagdaan niya sa mga tao.

 Pinatunayan din ni Dalagang Buwan na kaya rin niyang lumikha. Hinila ng puwersa niya ang ilang tipak ng putik at ginawan ng talukap sa mata ang mga tao upang sila ay makapikit at panandaliang makatakas sa liwanag ni Binatang Araw. Subalit gising pa rin ang mga tao kahit nakapikit.  Kaya naman bilang handog, dinurog ni Dalagang Buwan ang sanlaksang mga alahas niya at ibinigay ang mga butil nito sa sangkatauhan. Tinawag niya ang mga nakapupuwing na butil na ito bilang antok. Sa pamamagitan ng pagpatak nito sa mata, hindi lamang pumipikit ang mga tao. Bagkus, nagiging malalim ang kanilang pahinga na kung tawagin ay tulog.

 Subalit umalma ang mga tanod.

“Hindi kami puwedeng pumikit at magpabaya. Walang pinipiling pagkakataon ang panganib.”

Dahil dito, nagpasya si Dalagang Buwan na gawing hindi lamang sa gabi ang bisa ng butil ng antok kundi maging sa mga panahong si Binatang Araw ang dumaraan.

Gamit ang kanyang dunong, pinayuhan din niya ang mga tao na maghalinhinan sa pagtulog at paggawa. May mga gumagawa sa umaga at sa gabi natutulog. May ilan namang gising sa gabi at sa umaga natutulog.


Nabatid ni Binatang Araw ang ginawa ng kapatid. Nagalit siya sa pakikialam nito sa kanya.

Kaya naman mula sa mga kapangyarihan niya ay lumikha siya ng mga halimaw.

Mana sa kanyang karamutan, nilikha ang isang masungit na higante.

Mana sa kanyang kayabangan, nilikha ang isang mala-salaming halimaw na kayang gayahin at ibalik nang dobleng tindi ang anumang gawin ng kalaban.

Mana sa kanyang kahigpitan, nilikha ang isang pitong-ulong dragon na dumakip kay Dalagang Buwan at nagpiit dito sa isang kuweba. Kaya nitong tumingin sa pitong direksyon kaya ang pagtakas ay imposible.

Dahil lagi na muling nakabantay si Binatang Araw sa kanila, nagbalik ang mga tao sa dating gawi ng walang pahingang paggawa. Hindi rin pumayag si Binatang Araw sa mungkahing magkaroon ng halinhinang sistema sa paggawa ang mga tao. Para sa kanya, ang pagpapahinga ay sagabal sa pag-unlad.

Subalit tulad ng inaasahan, sumuko ang katawan ng mga tao. Dahil walang kahalili, nagkasakit sila.

 Pero walang pakialam si Binatang Araw.

“Kung nais niyo ng kahalili, kung ganoon, ang mga matatanda ang papalit sa inyong mga pagod na.”

Subalit dahil sa mahina na, nagkasakit ding agad ang mga matatanda.

 “Kung ganoon, ang mga bata naman ang papalit.”

Hanggang narinig ng lahat ang pagtutol mula sa isang batang tinig.

“Mahabag ka, Binatang Araw. May sakit na ang aming mga magulang, mga lolo at lola. Ang aking ama ay matanda na at may hika pa.”

Nang marinig ito ay naglabas si Binatang Araw ng nakasisilaw na kawal na tumangay sa ama ng bata.

“Kung ganoon, dahil wala siyang pakinabang, ikukulong ko ang iyong ama kasama ni Dalagang Buwan. Kung magsawa nang kumain ng sinag ang aking dragon ay siya na ang ipapakain ko.”

Noon din ay nagdeklara ang batang matapang:

“Ako si Hikab. At maglalakbay ako upang magapi ang mga halimaw na nananakot sa aming bayan at upang palayain ang aking ama at si Dalagang Buwan.”

Subalit hindi siya nag-iisa. Habang may ibang nagpaiwan upang alagaan ang mga nakatatandang may sakit, sinamahan si Hikab ng maraming matatapang na mga bata:

Si Hele, isang magalang na anak ng isang mang-aawit.

Si Idlip at Himbing. Ang una ay ang tagapagmasid ng pangkat dahil sa alerto sa paligid, madaling magising, at sanay sa maiksing tulog. Ang ikalawa, dahil pinakabata sa grupo at kailangan ng tulog upang lumaki, ay baon ang mga inipong butil ng antok.

Bago umalis ay naglahad si Hikab kay Binatang Araw ng isang kasunduan.

“Pakiusap kong itigil muna ang paggawa ng mga maiiwan. Kakalingain muna nila ang mga may sakit na nakatatanda. Kung kami ay magtagumpay, papayagan mo kaming magpahinga. Kung kami ay mabigo, mag-aalay kami ng walang pahingang paggawa tulad dati.”

Pumayag naman si Binatang Araw sa kondisyong inilatag sa kanya.

Nang magsimulang maglakbay, tinawag ni Hikab ang kanyang ama.

“Amaaaaaaa! Amaaaaaaa! Amaaaaaaaa!”

Nilakasan at hinabaan niya ang kanyang mga sigaw ng pangungulila hanggang sa pagod ay maging buntong-hininga ang mga ito.


Sa gitna ng paglalakad, nakarinig ng mga malalakas na yabag ang pangkat. Ilang hakbang pa ay nakita na nila ang isang higanteng nagmamartsa bilang isang tanod sa kanilang daanan. Naamoy sila nito at agad hinarang.

“Hoy higante! Padaanin mo kami ngayon din!” sigaw ng isa sa mga bata kahit na kita ng mga kasamahan niyang nangangatog ang mga tuhod niya.

“Mga bata lang kayo kaya sino kayo upang ako ay utusan? Hindi kayo makararaan sa akin. Kung may landas man kayong tatahakin, iyon ay ang aking lalamunan papunta sa aking kalamnan,” angil ng higante.

Sumulong si Hele at inawat ang kasamahang nagbanta.       

“Ginoong Higante, ano po ang inyong pangalan?” tanong ni Hele.

Nagtaka ang higante. Ngayon lamang may nagtanong ng pangalan niya.

“Ako si Puyat.”

“Ginoong Puyat, mga bata lang po kami kaya hindi ka mabubusog sa amin. Hayaan niyo po at sa paglaya ni Dalagang Buwan, magagawang magpahinga ng mga tao upang magkaroon ng panibagong lakas at maging masarap at sapat ang mga pagkain.”

“Para saan pa? Halimaw ang tingin ng mga tao sa akin. Baka lasunin niyo lamang ako o bigyan ng panis.”

“At kung nais niyo po ay sumama kayo sa aming magluto matapos ang aming pakikipagsapalaran.”

“Pero paano kung mainip ako habang naglalakbay kayo?”

“Ginoong Puyat, nangingitim ang ilalim ng inyong mga mata. Hindi pa po kayo natutulog. Minsan po ay inaawitan ako ng aking ina upang maging maginhawa raw ang aking pagtulog. Nais niyo po bang awitan ko kayo?”

Ngayon lamang may nag-alala at kumausap nang mahinahon sa kanya kaya naman pinaunlakan ni Ginoong Puyat ang alok ni Hele. Humuni si Hele ng isang oyayi na umantig sa higanteng walang magulang hanggang ito ay mahiga at makatulog.

Sa pagpapatuloy ng paglalakbay, tinawag muli ni Hikab ang ama.

“Amaaaaaaa! Amaaaaaa! Amaaaaaaaa!”

Nilakasan at hinabaan niya ang kanyang mga sigaw ng pangungulila sa pag-asang maririnig siya ng ama. Tulad dati, sa pagod ay naging buntong-hininga ang kanyang mga pagtawag.


Nagpahinga muna ang pangkat ng mga bata. Subalit agad din silang ginising ni Idlip dahil nais silang sugurin ng isa pang alagad ni Binatang Araw.

“Naparito ako upang hamunin ang sino mang matapang sa inyo,” wika ng mala-salaming halimaw na kayang gayahin at ibalik nang dobleng tindi ang anumang gawin ng kalaban. Minsang may nakipagbunong-braso rito pero dahil nga kayang ibalik ng halimaw nang dobleng tindi ang lakas ng kalaban ay natalo ang naghamon dito at napilayan pa.

Subalit nagulat ang lahat nang humakbang sa unahan si Himbing. Ano ang kaya niyang gawin?

“Ako! Hinahamon kita. Tiyak na hindi mo kayang gayahin ang aking gagawin,” pang-aasar ni Himbing. At mula sa bulsa ay dumukot siya ng isang supot ng butil ng antok at ibinato ito sa halimaw na sumambot naman dito.

Naghintay ang halimaw ng pagsugod subalit sa pagtataka ng lahat, nahiga lamang si Himbing. Ilang sandali pa naglabas ang bata ng isang butil ng antok na ipinatak niya sa kanyang mata upang makatulog.

“Kaya ko rin iyan!” pagmamalaki ng halimaw. Tulad ng ginawa ni Himbing, nahiga rin ito. Pero dahil nais higitan ang ginawa ng kalaban, binuhos nito sa mata ang lahat ng butil sa supot. Ilang saglit lamang ay naghihilik na ito. Walang nakakaalam kung kailan ito magigising.

“Amaaaaaa! Amaaaaa! Amaaaaaaa!”

Malakas at mahaba muli ang mga pagtawag ni Hikab. Tulad dati, napagod siya at ang mga sigaw ay naging mga buntong-hininga.


Matapos ang malayo pang lakarin ay narating sa wakas ng mga bata ang kuweba kung saan naroon si Dalagang Buwan at ang ama ni Hikab.

Subalit gaya ng inaasahan ay nagbabantay sa bukana ang pitong-ulong dragon. Kaya nitong tumingin sa pitong direksyon kaya walang nakatatakas dito.

Pero dahil sanay sa habulan ang mga bata, naghiwa-hiwalay sila upang magpahabol sa bawat isang ulo. Takbo rito, takbo roon. Walang may nais mataya ng ngusong matalim.

Hanggang kausapin ni Hikab ang ulong humahabol sa kanya.

“Ulo, masdan mo at ang mga kapatid mong ulo ay walang ginagawa.”

At kinausap ng isa pang bata ang isa pang ulo.

“Ulo, sabi ng katabi mong ulo ay ikaw ang pinakapangit sa inyong pito.”

Inuto ng mga bata ang bawat ulo hanggang ang mga ito ay mawalan ng tiwala sa isa’t isa. Hindi mapakali, nakikialam sa kabila, nagbibintangan. Sa kalituhan, ang pitong leeg ay nagpatong, naipit, nagbuhol.

“Amaaaa! Amaaaaa! Amaaaaa!”

Umalingawngaw sa kuweba ang mga sigaw ng pangungulila. Hanggang sa dulo ng yungib ay nakita ng mga bata si Dalagang Buwan at ang ama ni Hikab.

“Amaaaa! Amaaaa! Amaaaaaa!”

Malakas at mahaba ang iyak ni Hikab nang yakapin ang ama sa sobrang saya. At tulad ng dati, ang mga pagtawag niya ay naging buntong-hininga. Subalit hindi na ito dahil sa pangungulila. Ito ay dahil sa nagpapasalamat siyang nagtagumpay sila.


Karga ng mabait nang si Ginoong Puyat, umuwi ang mga batang bayani. Sinalubong sila ng mga naiwang bata at mga nakatatandang magaling na sa sakit.  

Nasaksihan ni Binatang Araw ang tagpong iyon. Hanga siya sa katapangan ng mga bata. Naantig siya sa pagmamahal ni Hikab sa ama.

Naunawaan sa wakas ni Binatang Araw ang halaga ng pahinga. Hindi ito kahinaan o katamaran. Pag-aalaga ito sa sarili, pagmamahal sa pamilya. Hindi niya ito natutunan dahil natuto siyang umasa lamang sa sarili. Ayaw niyang humingi ng tulong kay Dalagang Buwan sa pagbabantay sa daigdig dahil ayaw niyang isipin ng mga tao na mahina siya.

Noon ay humingi ng tawad si Binatang Araw kay Dalagang Buwan. Nangako siyang hindi na niya aangkinin mag-isa ang pagbabantay sa mga tao. Ito ang dahilan kung bakit sa ilang bahagi ng daigdig ay umaga habang sa iba ay gabi. Naghahati sa pagtatanod si Binatang Araw at Dalagang Buwan.

Naging maunawain din si Binatang Araw sa pangangailangan ng mga tao na magpahinga. Puwede nang matulog hindi lamang sa gabi kundi maging sa umaga, tanghali, at hapon.

Sa saliw ng himig ni Hele ay pinagbunyi ng mga tao ang pinuno ng mga batang bayani na si Hikab

“Mabuhay si Hikab! Mabuhay si Hikab. Mabuhay si Hikab… Mabu—”

Papahina nang papahina ang pagbubunyi, dahil naisaboy pala ni Himbing sa hangin ang mga butil ng antok sa sobrang galak. Simula noon ay hindi na kailangan ng mga tao na magpatak ng butil ng antok sa mata upang makatulog.

Bago mapapikit at makatulog, nagpakawala ng isang malakas at mahabang buntong-hininga ng pasasalamat si Hikab. Ginaya naman ito ng mga kasamahan niya. At matapos ay ng buong pamayanan nila.


Kinabukasan ng maaga, nagulat na lamang ang sangkatauhan nang sabay-sabay nilang ibuka ang bibig upang magpakawala ng malakas at mahabang buntong-hininga. Matapos silang magtrabaho maghapon at pagsapit din ng gabi, kapag magpapahinga na, malakas at mahaba rin ang kanilang mga buntong-hininga.

Isang gabi ay dumulog ang mga tao kay Dalagang Buwan ukol sa kanilang bagong karanasang ito. Ayon sa bathaluman, ito ay ang huli nilang handog ni Binatang Araw sa sangkatauhan.

“Minsan ay may batang ipinaglaban ang inyong karapatang magpahinga. Ang kanyang buntong-hininga ay naging buntong-hininga niyo. Ang pangungulila niya ay naging pangungulila niyo. At ang tagumpay niya ay naging tagumpay niyo.”

“Kung ganoon ay tawagin nating hikab itong ating malakas at mahabang buntong-hininga!” mungkahi ng isa sa mga tao.

Napangiti si Dalagang Buwan at saka nagpatuloy sa pagsasalita.

“Itong hikab ay magsisilbing paalala ng inyong tagumpay sa magdamag na paggawa, paalala rin na kailangan niyong magpahinga upang magpanibago ng lakas…”

Noong gabing iyon ay nagpakawala ng hikab ang mga tao. Subalit bago pumikit at tuluyang matulog, narinig pa nila ang huling mga sinabi ni Dalagang Buwan.

“At sa inyong paggising, darating ang isang hikab, pagbati sa isang bagong araw.”

O, ikaw, hindi ka pa ba inaantok? Narinig ko ang hikab mo.


Si Kristoffer Aaron G. Tiña ay nagtuturo ngayon sa City College of Calamba at kasalukuyang kumukuha ng MA Communication Arts sa UP Los Baños. Naging fellow din siya sa unang Amelia Lapeña-Bonifacio Writers’ Workshop patungkol sa kuwentong sapantaha. Bahagi rin siya ng Sunday Writing Class na pinangangasiwaan ni G. Büm Tenorio Jr. ng Philippine Star. Nalathala na rin ang ilan niyang mga akda sa Youngblood, Philippine Star, Novice, at sa dalawang isyu ng online na antolohiya ng Kasingkasing Press ukol sa COVID-19.