Salamat, Rolando

Nakatingin ako sa salamin, nag-aayos ng sarili papuntang airport. Pinagmamasdan ang aking repleksyon habang sinusuklay ang buhok ko habang nanaginip nang gising kung ano ang posibleng mangyari aking pagbabalik. Nanabik ang mga paa ko na makatapak sa Pilipinas, dahil gusto ko nang makita ang pamilya ko at ang mga kaibigan na matagal ko nang hindi nakikita. Umalis ako nang walang paalam, sapagkat may gusto akong patunayan para makita nila maayos na ko sa harap nila at may narating ang aking paglisan sa lupang sinilangan.

Pagkatapos kong guhitan ng pulang lipstick ang aking mga labi, kinuha ko sa tukador ang litrato ng isang lalaking may napakalaking bahagi kung ano ako ngayon—ang lalaking bumuo sa pagkatao ko. Habang pinagmamasdan ang larawan, naalala ko ang mga panahong kasama ko siya, samantalang ako’y nakatago lang sa anino niya. Kahit gusto niya kong ipakita at ipakilala sa buong mundo, wala akong magawa dahil alam kong mas kakawawain lang siya ng mga tao sa paligid namin. Kahit siya, hindi niya kayang makitang masasaktan o maagrabyado man lang.  

Tuwing sasapit ang gabi, doon niya ‘ko inilalabas dahil alam niyang hindi ko kaya na magtago pa sa anino niya. Unti-unti niya kong pinakilala sa mga kaibigan niya at tinanggap naman nila ako nang buong-buo. Labis siyang nagagalak sa tuwing taas-noo akong rumarampa sa harap ng mga tao para mas makilala ako ng madla.  

Ngunit nang matuklasan ng papa niya kung ano ang meron sa ‘ming dalawa, patuloy lang siyang binugbog hanggang sa mawala ako sa buhay niya. Kitang-kita sa kaniyang iba’t-ibang parte ng katawan ang bakas ng karahasan, kung saan nagpapakita ng marka ng paghihirap para tuluyan akong mawala sa buhay niya. Kahit ilang beses siyang binubugbog ng kaniyang papa, wala siyang pakialam dahil ayaw niya kong mawala sa mundong ‘to.

Ginagawa niya ang lahat, huwag lang ako mawala sa piling niya.

Nang hindi na niya kaya ang pisikal na pang-aabuso na ginagawa sa kaniya ng kaniyang papa, nilisan niya ang tahanang minsang nagpalaki sa kaniya at nakipagsapalaran sa ibang bansa para hanapin ang sarili, kasama ako. Hindi naging biro ang tinahak niyang daanan, pero hindi siya sumuko sapagkat gusto niyang lumayo para sa ikabubuti naming dalawa. Iba’t-ibang trabaho ang kaniyang pinasukan para mabuhay lang kami, kahit pwede niyang ikamatay basta’t may makain at matirahan lang.  Nagbunga ang lahat ng kaniyang paghihirap hanggang sa unti-unti guminhawa ang aming buhay.

Dumating ang araw na pinakahihintay naming dalawa—ang desisyon kung sino sa aming dalawa ang dapat mabubuhay sa mundong ‘to. Pinagtalunan naming dalawa kung dapat siya na lang at manatili na lang ako sa likod niya, para hindi na siya saktan ng mga taong umagrabyado sa kaniya.  

At sa araw ng pagpasya, napagdesisyunan niya na siya ang magpaparaya para mabuhay ako sa mundong ‘to. Sapat na ang pamamalagi niya sa mundong ito, gusto niyang maranasan ko ang mabuhay na wala na siya sa buhay ko. Hindi na ako tumanggi pa sa kaniyang ninanais. Kahit ako, sawang-sawa na ‘kong magtago sa anino niya; sawang-sawa na rin ako na laging nasa likod niya tuwing umaga at lalabas lang ako tuwing gabi. Mararansan ko na rin ang mabuhay ng wala sa likod niya mula umaga, tanghali, at gabi. 

Simula no’n, iniwan na niya ko nang tuluyan at namuhay ako nang mag-isa ng wala sa likod ng kaniyang anino.

“Hayaan mo, hindi ko hahayaan na sinakripisyo mo ang buhay mo para maransan ko ang buhay na wala sa likod ng iyong anino.”

Pinunasan ko ang mga luhang pumapatak sa mga mata ko. Labis na nangungulila ako kay Rolando, pero masaya na siya kung nasaan mang sulok siyang naroon.

Nilagay ko ang kaniyang litrato sa kahon ng nakaraan—kung saan nakalagay ang mga bagay na nagpapaalala sa mga alaalang nabuo sa nakaraan.

“Salamat, Rolando. Hinayaan mo ‘kong ipakilala sa madla,” naluluhang pasasalamat sa kaniya habang kinakausap ko siya sa larawan niya.

Hindi na ako si Rolando.

Dahil ako na ngayon si Rolene—ang pagkataong itinago niya sa kaniyang anino sa mahabang panahon.


Si Bryan Elijah Trajano ay isang manunulat at manggagawa sa isang BPO industry sa Bonifacio Global City, Lungsod ng Taguig. Kasalukuyang siyang nag-aaral ng MA Araling Filipino: Wika, Kultura, Midya sa De La Salle University – Manila. Napasama ngayong taon ang kaniyang akda sa Aksyon: Dagli ng mga Eksenang Buhay ng 7Eyes Productions at ang kaniyang book review sa Dalumat E-Journal. Kapag libre ang oras niya sa mga gawain sa paaralan at trabaho, mahilig siyang magbasa ng mga libro tungkol sa LGBTQ, manood ng mga movies at series sa Netflix, at makipag-usap sa mga taong nasa paligid niya, mapa-personal o social media.

Interseksyon

Awts gege

Inis na inis na ako sa kapatid kong putak nang putak. Paano ba naman kasi, lagi na lang sumisigaw at nagrereklamo. Kahit makailang beses kong takpan ang tenga ko’y rinig na rinig ko pa rin ang kaniyang nakaririnding boses.

“Walang utak!”

“Bobo!”

“Hindi marunong mag-isip!”

“Magretiro ka na, Duter—”

Pak! Lagapak ng aking palad sa kaniyang pisngi. Magkabilang sampal ang kaniyang inabot sa aking pagkainis.

Hindi yata alam ni Kuya, isa rin ako sa kaniya: isang DDS.

Meganon?

“Sicut et nos dimittimus nostra!” (Forgive us our trespasses!)

“Et ne nos dibetoribus debitubis nostris!” (As we forgive those who trespasses against us!)

“Et ne nos indicus en tentionam!” (Do not lead us into temptation!)

“Sed libera nos a malo, amen!” (But deliver us from evil, amen!)

Mga panalangin ng arsobispong si Quiboloy na sinisisi ang LGBTQ+ community sa pagkakaroon ng climate change.

“Ama, patawarin Niyo nawa ang mga lapastangang bakla sa pagdadala ng iba’t ibang uri ng sakuna,” dagdag niya pa.

Terorismo

Sa kailaliman ng gabi may isang anghel na tumutugtog,
Hawak ang kaniyang harapan na sa aming tribo’y bumulabog.
Instrumentong naglalabas ng bala; sa aming katahimika’y yumugyog,
Kung kaya nama’y nahumaling ang aming tribo’t kapayapaa’y nakatulog.

Imbis na kasiyahan, kalungkutan ang siyang humagupit,
Dahas ang tinaglay sa oyayi na inawit!
Kalayaa’y tumatangis—kasarinla’y piniit,
‘Sang anghel na nagdala ng kapalarang mapait!

[Nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa ginanap na patimpalak sa Pagsulat ng Dagli (Finals) ng Vox Veritas. Ang pangunahing tema ng patimpalak ay mula sa deliberasyon nina Maria Kristelle Jimenez at Kayla Nicole Togonon.]

Isang Grade 11 dressmaking student si Danes Eisen Lising. Isa rin siya sa mga editor ng Psychedelics, isang Facebook page na naglalayong imulat ang kaisipan ng kapwa niyang kabataan tungkol sa cannabis bilang halaman na pang-medisina. Siya rin ay aktibong miyembro ng Performance Arts Club ng kanilang paaralan.

Noon, Ngayon, at Bukas

Golden Age

Tahimik lamang akong nagtatahi ng aking bestida nang marinig ko ang boses ng aking mga apo.

“Ang galing pala talaga ni Marcos, ano? Golden Age pala ang Pilipinas noong panahon niya.”

“Oo nga, dapat lamang siyang ilibing sa libingan ng mga bayani dahil sa kadakilaang ginawa niya.”

“Kung ang anak lang sana niya ang presidente ngayon. E ‘di sana…”

“Lola!” bati ni Joven nang makita ako.

“Mga apo,” sambit ko bago sila nagmano.

“Pagpalain kayo ng Diyos. Sige na magbihis na kayo ng pambahay.”

“Sige po.” Bago sila sabay na tumalima at ako’y tinalikuran.

“Basta ako, idolo ko si Marcos. Siya ang pinaka-dabest na naging pangulo ng Pilipinas,” rinig kong sambit ng ni Joven.

At wala akong nagawa kung hindi ang mapaluha nang tahimik, habang pinagmamasdan ang dalawa kong apo.

Ang mga anak ng naging anak ko dahil sa panggagahasa sa akin noong Martial Law.

Napakaliit na (Sand)ata

Isa akong batang nakatira sa look ng Maynila. Sa tagal ko ritong nakatira. Madami akong nabuong masayang alaala. Subalit isang araw ako’y biglang nabahala. Nakita kong wala ng buhay ang aking mga kababata. Lalapitan ko sana sila nang pigilan ako ni Ina. Wala akong nagawa kung hindi titigan ang pumatay sa kanila. Napakaliit niya at napakaganda. Ngunit nakamamatay na sandata. Pagbabayarin ko sila. Subalit tinawag na ako ni Ina. Kaya naman tinitigan ko muna sila nang masama. Bago tumalikod at pinagalaw ang mga palikpik para sundan si Mama.

Oras

Dati, sa oras na tumutok ang mahabang kamay ng orasan sa numero ng anim habang ang maliit naman ay nasa numero ng dalawa. Natutuwa ako.

Oras na kasi noon ng uwian. ‘Yong tipong magpapaalam ka na muna ng panandalian sa mga kaklase at kaibigan mo para makauwi na sa bahay. Magpapahinga. Mag-aaral ulit. Kakain tapos magpapahinga.

Ang dami nating pahinga dati pero dahil sa pandemya. Nagbago ang lahat.

Buong maghapon na akong nakatutok sa aking laptop. Babad sa pag-aaral. Nalilipasan na rin ng gutom. Kaya minsan napapaiyak na lang ako.

Ang dami na kasing nagbago. Hindi na ito yung nakasanayan ko–namin. Kaya naman sa oras na tumututok ang mahabang kamay sa numero ng anim at ang maliit ay nakatutok sa numero ng dalawa. Hindi na ako ngumingiti. Balewala na lamang sa akin ang oras na ito.

“2:30, pinakawalang-kuwentang oras sa lahat.”

[Nagkamit ng Unang Gantimpala sa ginanap na patimpalak sa Pagsulat ng Dagli (Finals) ng Vox Veritas. Ang resulta ng patimpalak ay mula sa deliberasyon nina Maria Kristelle Jimenez at Kayla Nicole Togonon.]

Isang aspiring writer at Grade 11 STEM student si Lei De Guzman, o @NP_WP09 bilang Wattpad username. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Pasay City West High School, at nagtapos na may karangalang with honors sa kaniyang junior highschool. Mahilig siyang magbasa at sumulat ng mga kuwento na may temang pantasya. Paborito niya ang tungkol sa mahika, lalong-lalo na kung ito ay patungkol sa mitolohiyang Pilipino.

Reaksyon

School Paper Adviser

“Ito ang dapat mong isulat.”

“Ayan lang.”

“Huwag mong isama ‘yan.”

Mapait na lamang akong napangiti sa mga itinuturo ng naririnig kong boses.

Huminga ako nang malalim bago sabay-sabay pinagana ang aking mga daliri. Tinipa ang mga letra. Bumuo ng mga salita hanggang sa makagawa na ng mga pangungusap para maging balita.

At nang matapos. Pikitmata itong binasa. Maraming kamalian. Maraming pinalitan na katotohanan.

Ngunit anong magagawa ko. Ito raw ang dapat kong gawin, sabi ng boses na nagsalita kanina.

Kailangan kong magsulat ng limitadong balita para lamang maging tanyag na mambabalita sa pagdating ng panahon.

Kaya naman, gusto ko man maging totoo. Siguro, tama nga ang nagtatama sa akin kanina.

Tama siya. Tama ang utak ko at nararapat ko siyang sundin para hindi mapatalsik sa paaralang ito.

Balita ng Barbero

“Ano ‘to?!”

Kapapasok ko pa lamang sa silid dahil ipinatawag ako ng aking school paper adviser nang isang sigaw ang sumalubong sa akin.

“Sabihin mo Ms. Leah, anong ibig sabihin ng mga isinulat mo?” bakas ang inis sa mga binibitiwang salita nito.

Tahimik na lamang akong pumasok at nakayukong humarap sa kanya.

“Iskolar ka ng paaralang ito, for God’s sake! At kinuha ka namin dahil sa angking tapang mo sa pagsusulat ng katotohanan,” bakas ang pagkadismaya sa boses nito na nagpangilid sa mga mata ko. “Pero ano ‘to?! Bakit puro peke ang mga isinulat mo rito? Sabihin mo nga, gusto mo pa ba maging sikat na journalist? Ha? Ano? Sumag–”

“Gusto ko po.” Naiiyak akong nag-angat ng tingin para salubungin ang nangangalit niyang mga mata. “Gustong-gusto ko po pero ayoko pa pong mamatay nang maaga,” nanghihina kong sambit.

Magna, hindi Magdalena

“Basahin mo lamang ang mga isinulat ko habang nakaharap sa kamera. Walang labis at walang kulang. Kung ayaw mong matanggalan ng scholarship.”

Mariin na lamang akong napapikit dahil sa sinabi ng aking senior. Paulit-ulit itong naririnig ng aking isipan habang nakatitig sa kamerang malapit nang buksan.

“Pagod na ako.”

“3…”

“Walang magaling na sinungaling.”

“…2”

“Ayoko na.”

“…1”

“Tama na!”

Malaya kong nginitian ang kamera bago tumikhim at nagsalita.

“Magandang umaga sa inyong lahat. Buksan niyo ang inyong mga isipan. Mali sila. Mali ang gob–”

“Tigil!”

Mabilis isinara ng nagbi-video ang kamera. At mabilis akong hinawakan ng senior ko bago ako madiing kinaladkad.

“A-aray!” daing ko nang bitiwan niya ako.

“Anong ibig sabihin no’n?!” gigil niyang sambit. “Hindi ba sinabi ko, basahin mo ang balitang isinulat ko kung ayaw m–”

Mapait na lamang akong ngumiti.

“Mas mainam na sigurong mawalan ako ng scholarship kaysa mawalan ng dignidad.”

[Nagkamit ng Unang Gantimpala sa ginanap na patimpalak sa Pagsulat ng Dagli (Elimination Round) ng Vox Veritas. Ang pangunahing tema ng patimpalak ay “Campus Journalism: Sarili, Pahayagan, at Bayan” mula sa deliberasyon nina Maria Kristelle Jimenez at Marius Carlos, Jr.]

Isang aspiring writer at Grade 11 STEM student si Lei De Guzman, o @NP_WP09 bilang Wattpad username. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Pasay City West High School, at nagtapos na may karangalang with honors sa kaniyang junior highschool. Mahilig siyang magbasa at sumulat ng mga kuwento na may temang pantasya. Paborito niya ang tungkol sa mahika, lalong-lalo na kung ito ay patungkol sa mitolohiyang Pilipino.

Sulat, Lutas

Diretso Sigurado

“Ano ba Ren, puro ka na lang sulat?”

Ito ang palaging litanya ni Mama sa akin. Hindi na ako sumagot, ayokong madamay sa galit niya—kahit ako pa ang naging mitsa nito.

“Sali ka nang salit sa journa-journalism na iyan, wala ka namang napapala!”

Hindi ko na pinansin ang sinabi niya. Pasok sa kanan, labas sa kaliwa.

“Mag-ayos ka na ng mesa. Maglaba ka na rin pagkatapos. Hindi puro sulat-sulat,” dagdag pa niya bago tuluyang huminto.

Maluha-luha na ako matapos ang arawang sermon ni Mama. Habang tumatagal, ramdam ko ang paglayo ng loob ng pamilya ko sa akin. Madalas akong wala sa bahay, nauubos ang panahon sa training upang mapagbuti pa ang pagsusulat.

Gusto kong patunayan na kahit hindi ako normal na estudyante, na kahit ako lamang ang aktibo sa pagsusulat sa buong klase, kaya kong makipagsabayan. Na kahit hindi nila ako marunong sa anomang sports, kaya ko naman itong isulat at detalyado pa.

Kinumpas-kumpas ko ang aking mga kamay, pilit inilalabas ang mga ideya mula sa aking isipan. Hindi ako mapipigilan ninoman, ihahayag ko pa rin ang katotohanan…

…kahit na ako’y pipe’t literal na hindi makapagsalita.

Biglang Liko

Lunes na naman. Alam ko na ito ang umpisa ng araw, marami-rami na naman akong ita-type at ie-edit. Dumiretso na agad ako sa journalism building ng aming eskuwela.

Nakapapagod na. Labas-masok na naman sa akin ang usapan ng aking mga SPA, at ayoko na lang itong pansinin. Alam ko na rin naman iyon, ako na naman ang topic nila. Pumihit na lamang ako pakanan sa aking desk. Tumambad sa akin ang katagang editor-in-chief. Kahit samu’t-saring gulo ang mayroon sa bahay at dito sa opisina, masaya pa rin ako sa aking ginagawa.

Malaking karangalan sa akin ang maging bahagi ng pampaaralang pahayagan. Dahil sa Journalism, natuto akong tumayo sa sariling mga paa’t maging matapang sa pagpapahayag.

“Ren, bad news. Kailangan magsulat tayo ulit ng bagong article.”

“Killed ang una mong isinulat. Ayaw ng admin, bad publicity raw sa ating school.”

Kinuyom ko ang aking mga palad, rumerehistro sa aking mga mata ang mga katagang hindi mabigkas ng aking bibig.

Dumampot ako ng papel, at isinulat na lamang dito ang mga hinaing.

“We will push through. Ilalabas ang article, walang liliko.”

Dapithapon

Mabigat ang dibdib kong nilakad ang daan palabas ng eskuwela. Kahit anong sapilitan, hindi pa rin naigawang ihayag ang aming mga isinulat. Dala-dala ko sa pag-uwi ang mga artikulo, kartun, editoryal, at iba pang sulatin na pinaghirapan namin sa loob ng dalawang linggo—na walang pahinga ni tulugan.

Gabi na. Suot ko ang aking uniporme, tinatahak ko pa rin ang daan. Naging lingon-lingunan ako sa daan, nagtataka kung bakit may estudyante pa ring katulad ko kahit ala-siyete na ng gabi.

Sa paglalakad, naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cellphone. Galing kay Mama, nag-iwan siya ng text message.

“Ren, uuwi ka ba ngayon?”

Tumuloy ang magkabilang luha na pilit kong inuudlot. Nanariwa sa akin ang mga araw at gabi ng aming pagtatalo, at kung papaano na mula sa isang normal na estudyante, ngayon ay nagsusulat na ako ng pahayagan ng aming munisipalidad.

Sa mga panahong sinusubok ako ng lahat, gustong-gusto kong bumalik sa dating ako.

Pero bigla iyong nagbago nang tumingin ako sa dakong paroon. May isang matanda, hawak-hawak niya ang pahayagan. Lumapit ako nang saglit upang makumpirma ang kaniyang binabasa. Mula iyon sa pahayagang sinusulatan ko.

Biglang nawala ang anomang pagod sa katawan ko. Ngunit agad ding napunit ang kagalakan na iyon nang makita ko siyang tumayo, pinunit ng ilang beses ang pahayagan saka itinapon iyon sa basurahan.

Gipalpal ko lang siyang tinitigan.

It was our newspaper.

[Nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa ginanap na patimpalak sa Pagsulat ng Dagli (Elimination Round) ng Vox Veritas. Ang pangunahing tema ng patimpalak ay “Campus Journalism: Sarili, Pahayagan, at Bayan” mula sa deliberasyon nina Maria Kristelle Jimenez at Marius Carlos, Jr.]

Si Airine Amodia Sevilleja ay isang HUMMS student ng Sto. Domingo National Trade School. Maliban sa pagiging aktibo noon sa pampaaralang pahayagan, siya rin ay isang young entrepreneur. Dalawang buwan na rin ang nakalipas mula nang mawili siya sa mundo ng pagsusulat ng dagli at maikling kuwento—na naging tulay upang hindi tumigil ang sarili sa pagsasatinig ng katotohanan.

Paano nga ba Sila Nakangingiti?

Si Joy

Maagang gumigising si Joy upang maglako at magbenta ng kaniyang mga paninda. Ngunit bago iyon, gigisingin niya muna ang kaniyang diwa sa pamamagitan na paghigop nang mainit na kape habang pinagmamasdan ang bukang-liwayway sa Manila Bay.

Ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon, naubusan ng Coffee Mate si Joy. ‘Di naman umiinom ang dalaga nang purong barakong kape dahil masyado itong mapait para sa kaniya.

Kaagad umisip si Joy ng paraan. Gamit ang ipinanghalong kutsara, tinungo niya ang labas ng kanilang bahay—kung saan natatanaw ang tila creamer na puting buhangin ng Manila Bay.

May lasa pa rin naman ang dolomite.

Si Dan

Sa pagtilaok ng manok ay siya ring paggising ni Dan. Maaga kasi siyang magwawalis upang linisin ang kaniyang puwesto sa Talipapa.

Habang nag-aayos ang binata ng kaniyang puwesto, dumagsa bigla ang kaniyang suki.

Isa sa kaniyang suki ay si Joy, dala pa rin nito ang mainit na tasa.

“Dan, pabili naman ng isang kilong bangus! Hoy, doblehin mo ‘yong plastik. Baka mabutas,” saad niya habang hinihigop ang mabuhanging kape.

Saka na lamang napagtanto ng binate ang lahat. Wala siyang dalang plastik! Kaya naman, dali-dali muna niyang iniwan si Joy sa puwesto upang umuwi.

Nang mamataan niya ang Manila Bay, agad siyang nagitla sa kaniyang nakita. Hindi niya mapigilan ang sarili sa pagsigaw.

“May patay, may patay! Tulong, tulong!”

Sumasangsang na ang amoy ng mga lumulutang na isda na humahalo sa dinurog na dolomite.

Si Aling Pasing

Kilala si Aling Pasing sa Kamaynilaan dahil sa kaniyang specialty dish: pinakbet with kompletos rekados. Ang kaniyang sikreto? Organic ang mga ginagamit niyang gulay. Walang halong kemikal at pestisidyo.

Habang natatanaw niya ang apo na si Dan, napabuntong-hininga na lamang siya. Sinasariwa ang mga panahon na siya ay dating naglalako sa palengke noong kalakasan niya. Kaya nga nang lumaon, napatungo siya sa pagluluto.

Pero, nalanta na rin ang negosyo ni Aling Pasing. At ito ay hindi dahil sa pagkalason ng mga isda sa dolomite, o ang kaniyang edad.

Nilingon niya ang estante na pinagtitindahan, na ngayo’y tuluyan nang ipinasara.

“Ano pa ang gagawin mo, Pasing? Lumayas ka na!” palahaw ng landlord na mahilig gawing subdivision ang mga sakahan.

[Nagkamit ng Ikatlong Gantimpala sa ginanap na patimpalak sa Pagsulat ng Dagli (Elimination Round) ng Vox Veritas. Ang pangunahing tema ng patimpalak ay “Campus Journalism: Sarili, Pahayagan, at Bayan” mula sa deliberasyon nina Maria Kristelle Jimenez at Marius Carlos, Jr.]

Isang Grade 11 dressmaking student si Danes Eisen Lising. Isa rin siya sa mga editor ng Psychedelics, isang Facebook page na naglalayong imulat ang kaisipan ng kapwa niyang kabataan tungkol sa cannabis bilang halaman na pang-medisina. Siya rin ay aktibong miyembro ng Performance Arts Club ng kanilang paaralan.

Sarming

Kangina pa mabigat ang kumpol ng itim na ulap sa ibabaw ng San Jose, Llanera, at Talavera. Hindi nga nagtagal ay inugoy nang malakas na hangin ang mga payat na sanga ng sampalok at lumagitik ang mga ito, at hindi pa man nagtatakipsilim ay nagsitupi na ang mga dahon ng akasya.

Dahil sa pangyayari’y napabalikwas si Ando sa kanyang pagkakasandal sa nakakamadang sako ng palay. Agad humiwa sa kanyang isipan ang bilad na palay sa tapat ng lumang kamalig. Animo’y naisungalngal sa kanyang lalamunan ang pusong mas malaki pa sa kanyang kamao, paano ba naman kasi’y sa binilad na ito nakasalalay ang sunod na semestre ng kanyang panganay na anak.

Habang sa kanilang kubo’y natanaw na ni Kristi ang dagiming himpapawid at batid niyang hindi magtatagal ay magpapakawala ito ng sanga-sangang kidlat. Dagli niyang inutusan ang bunso niyang anak na takpan ng basahan o anumang tela ang salamin na nakasabit sa dingding nilang yari sa sawali. Naghanap ito nang pwedeng maipantatakip at nang walang makita’y dinampot na lamang nito ang itim na kamisatsino ng ama niyang si Ando. At sinunod nga niya ang utos ng ina, kinuha-hinila niya ang bangkito, pumatong dito, at ipinantakip sa salamin ang damit na hawak-hawak.

Pagkababa’y ay sinaksak ng langit ang kanilang paningin. Isang matalim na kidlat ang pinakawalan nito na sinundan nang malakas na dagundong at pagyanig. Halos maalog ang bubong ng kanilang dampa. Si Kristi’ y napakurus sa dibdib at sa hindi maipaliwanag na dahila’y sumagi sa kanyang isipan ang kabiyak na si Ando.

Makapal pa rin ang dagim at mayroon pa ring dagitab na nagsasalpukan. Tuluyan na ngang umulan. Basang-basa ang katawan ni Ando. Nakadapa ito sa bilaran ng mais at palay. Umuusok-nangitim-nasusunog ang kanyang katawan.


Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.

Ctrl + Alt + Del

Habang mahimbing sa pagkakatulog ang mundo at ang mga homong nananahan dito’y gising ako, habang kayo’y magiliw na nakikipaghabulan-nakikipaglandian sa mga persona na madalas niyong pagpantasyahan.

At habang kayo’y idinuduyan ng inyong buong araw na pagpapagal sa sanghaya ng usok na mula sa nasunog na langis at krudo ng mga sasakyang madalas maghabulan sa EDSA, ako’y gising na nangangausap sa mga dayong hindi ko naman kilala-kalahi, at matiyaga kong inaalok sa kanila ang kung anu-anong kalakal ng aking amo na ‘di ko rin kilala-kalahi.

At habang kayo nga’y nakabulagta sa kama, ako’y gising na daig pa ang makina.

At nang kayo nga’y magising isang araw na pumutok ang mga mainit-nag-aalab na gintong silahis sa Silangan, nagising-bumangon kayo sa bilang isang buong tao subalit siya namang aking ganap na paglaho sa ibabaw ng mundo.

At sa sandali ngang kayo’y gising, dama kong parang hindi na ako gaya niyo, na tao, sapagkat nawala na sentro ng naratibo at sa mga batas na itinakda ng mga kosmos at ng uniberso ng Diyos at mga Diyos.

At sa sandali ngang ako’y babalik sa pagiging ako bilang tao, nangangahulugan din ba na kailangan kong paghimagsikan ang aking ‘di nakikitang amo at sahod na nagpapaalala sa aking ako’y isang alipin tuwing kinsenas-katapusan?


Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.

Ouroboros, Valknut, Mnemosyne

Ouroboros

Lahat tayo ay humihinga ng iisang hangin at nakatayo sa iisang lupa. Pero nabubuhay tayo sa iba’t ibang mundo. Pauwi na ako nang makita kong may mahabang prusisyon ang mga dios. Nakatingala ako sa mga andas na sinasakyan nila. Kumakaway ang lahat sa mga dumadaang dios, sinasabayan nila ang mga pamilyar na himno.

May nakita akong lumipad na lata mula sa malayo, tumama ito sa nangungunang karosa. Kumalat ang itim na usok at nagkagulo ang lahat. Limang magkakasunod na putok ng baril. Nakatayo lang ako habang nagkakagulo ang lahat. Naramdaman kong nanginig ang dalawa kong binti, hindi sa takot kung hindi sa pagkamangha. Bumulagta ang isa sa mga panginoong nakatayo sa andas. Tumutulo ang dugo mula sa kaniyang dibdib.

Parang umuulan na pana ang sumunod na mga eksena. Ang naririnig ko lang ay ang boses ng libo-libong mga tupang umiiyak. Mayroong nagwagayway ng itim na bandila sa malayo, maraming nakasuot ng itim at may takip ang mukha. Dumating ang mga pulis, nagkaroon ng komosyon. Mayroong humila sa akin palayo pero hindi ko tinanggal ang tingin sa gulo.

Mayroong naghagis ng molotov, kumalat ang apoy, tumakbo ang mga naka-itim palayo habang ang mga pulis naman ay naglakad na lumiliyab.

Nang makarating kami sa isang eskinita, tumigil ang mga sigaw at naging tahimik ang lahat. Tinakpan ng humila sa akin ang bibig ko. “Wala kang nakita” ang banggit niya. Bago pa ako makapagsalita, tumakbo na siya sa direksyon kung saan nawala ang mga naka-itim.

Pagtanaw ko, wala na ang andas. Nagkakaroon ng mapayapang rally ang mga grupong kinukundena ang pamamaslang sa ilalim ng administrasyon ng kasalukuyang presidente. Nagsasalita sa entablado ang isang lider-estudyante mula sa PUP. Nakahalo ang galit sa kaniyang boses at pumuputok ang ugat ng kaniyang leeg. Ikinuwento nito ang kadakilaan ng mga martir ng Martial Law. Ang banggit pa niya’y dapat nating paalabin ang damdaming makabayan at damdaming rebolusyonaryo. Mananatili na lang ba tayo na nakukuntento sa patak-patak na kapalit ng patagas ng pawis mula sa ating mga balat?

“HINDI!” ang sigaw ng kaniyang mga kasama.

Umakyat na ako ng Legarda, may pasok pa pala bukas. Naghintay ako ng tren at umuwi.

Valknut

Binubuhay siya para lumaban sa hindi naipapanalong digma.

Mnemosyne

Nakaupo akong nakatali ang mga kamay. Nakapiring rin ang mga mata. Ang sabi ng mga sundalo, kailangan raw akong ilipat papuntang Sta. Rosa. Nasa gitna ako ng dalawang sundalo at nararamdaman ko ang matitigas nilang braso kapag dumadaan ang kakaragkarag na Ford Model T sa malubak na daan.

Kumaskas ang saksakyan, hindi ko alam kung saan. Pero sumakit ang dalawa kong braso. Lumuwag ang piring ko sa mata, nakita kong nakabukas na ang pintuan ng Ford. Nawala na rin ang mga sundalo.

Lumabas ako at nakita ko ang pamilyar na imahe, isang trak at malalaking troso para sa Norton & Harrison Co. May isang maliit na batang kumakain ng mais. Parang nakita ko na ito. Sinubukan kong takbuhin ang bata nang mapansin kong mapipigtal na ang tali ng mga troso. Pero bago ko pa ihakbang ang mga paa ko, naipit na ang maliit na bata. Narinig kong paulit-ulit ang pangalang Moises.

“Pamilyar ka ba sa truck na T-101?” ang tanong.
“Opo,” ang sagot ko.
“Kaninong truck ito?” ang tanong.
“Sa akin.” ang sagot ko.
“Noong Agosto 9, 1928, namatay si Moises Cuison. Ginamit ba itong truck?” ang tanong.
“Opo.” Ang sagot ko.
“Para kanino?” ang tanong.
“Sa akin.” ang sagot ko.
“Para saang trabaho?” ang tanong.
“Paglilipat ng troso,” ang sagot ko.
“Troso para kanino?” ang tanong.
“Para sa Norton & Harrison Co.” ang sagot ko.

Ikaw ang pumaslang sa bata, ang sabi ng isa pang boses, dahil sa ‘yo kaya namatay ang bata. Umiling ako, hindi ako. Wala akong kasalanan. Oras na niya iyon.

Mula sa dilim, may isang musang lumabas at hinagkan ako nang mahigpit. Oras mo na, ang sabi niya.

Nagkaroon ng komosiyon sa burol ni Antonio D. Ora matapos sitahin ni Major Silvino Gallardo, tagapamuno ng Philippine Constabulary ng Cabanatuan, ang pulang bandila na nakapatong sa kabaong.


Si Jehu Laniog ay nagtapos ng SMPF at BA Philippine Studies. Nagsimula siyang magsulat nang minsang makakakuha ng nobela sa kanilang bodega noong siya ay nasa unang taon ng highschool. Mahilig siyang magbasa ng panitikan mula Africa, Latin America, at Asya.

Huling Hapunan

Sa may Aduas na nagkakilala sina Lilibeth at Egay. Tagahugas noon si Lilibeth sa isang klab habang si Egay nama’y serbidor sa isang karinderya. Sa tinatawag na Looban nila naumpisahang mangarap. Sa tinatawag na Looban nila natutunang abutin ang bituin. At sa bawat gabing pinagsasaluhan nila ang alay ng isa’t isa, unti-unti’y nagkakaroon ng malalim na kahulugan ang kanilang kaluluwa. At habang nalalasahan-nadarama nila ang bunga ng karnal na pag-aalay, unti-unti ring nagiging isa ang kahulugan ng pait, hirap, sarap, at ligaya sa kanila. At isang gabi nga’y narating nila ang tugatog ng sukdulan, nang masukol nila ang hanggganan ng lakas-tibay-tikas ng bawat isa, isang malalim-malakas-nakakalibog na ungol at buntong-hininga ang nagsilbing tuldok ng lahat. At pagkatapos, sabay silang nagpatianod sa uyayi ng antok sa dibdib ng mundong tila hindi napapagod sa paghele. At sa gabi ngang yao’y sino pa nga ba ang mga saksi kundi ang manipis nilang kisameng yari sa playwud, ang nakalatag na banig na nagsilbi nilang teatro, ang elektripan, ang upuang plastik, ang ilang piraso ng platito, pinggan, kutsara, at baso sa tabi ng baldeng ipunan ng tubig sa ibabaw ng hugasang kahoy, ang diploma ni Egay sa elementarya, ang larawan nila ni Lilibeth nang minsang namasyal sila sa SM, ang kalendaryong pinamumugaran ng imahen ni Ara Mina habang hawak-hawak ang isang bote ng cuatro cantos, ang lumang tokador na nahingi ni Lilibeth sa among lalaki, ang larawan ni Maria, ang larawan ng Tatlong Persona, at ang Batang Kristong nakangiti habang hawak ang isang maliit na gintong bilog. Marami nga sila, subalit sa gabi nga ng pag-aalay na iyon, lahat sila’y naging bulag, pipi, at bingi. Salamat sa lalamunan ng dilim at kahit papaano’y naaari ni Lilibeth at Egay ang mundong sa salapi at kapangyarihan umaandar.

Tahimik nang gabing yaon ang Aduas. Hanggang sa punitin nang nakakagulantang na palahaw ang kanilang gabi. Hindi pa pumuputok ang mga silahis sa silanga’y nagkukulay bukang-liwayway na sa dilim ang Looban, ang buong Aduas. Nilalamon na ito ng apoy!

Naglaho sina Lilibeth at Egay at sampung iba pang anak ng burak kasabay ng mga gumuhong kastilyong yari sa tagni-tagning kahoy, playwud, yero, ilusyon, at pangarap.


Si R. B. Abiva ay awtor at nagsusulat sa wikang Ilokano at Filipino, siya ay musikero, pintor, at iskultor.  Writing Fellow siya ng 58th UPNWW (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Ang kanyang mga malikhaing akda ay nalathala na rin sa iba’t ibang magasin, pahayagan, at antolohiya. Ang SANIATA PRIZE 2019 (Ikalawang Gantimpala) ang pinakahuli niyang nasungkit na pagkilala. Sa ngayon ay kumukuha siya ng M.A- Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong nakaraang taon ay kanyang itinatag ang Samahang Lazaro Francisco.