Tau-tauhan: Ang Kuwento Ng Bayan, Ang Kuwentong Bayan, at Kuwentong Sarili

Kung ang sarili, ang ikaw, ay isang tauhan, paano mo susumahin ang iyong ugali? Ang mga hilig? Ang mga bagay na nagpapasaya sa ‘yo? Ang mga desisyon mo sa buhay? Ano ka noon, ano ka ngayon? Nasaan ka? Saan ka papunta?

Ang pagtingin sa sarili bilang isang tauhan sa kuwento ay pag-intindi kung ano nga ba ang sarili. Tinatanong rin nito kung ano ba ako sa mata ng iba? Sino nga ba ako para sa sarili?

Ang character development ng sarili: Kapag tinatangka nating buuin ang sarili bilang tauhan, dapat nating tingnan ang mga pagbabago sa atin sa mga dumaang taon. Maaari itong ugali, maaring pananamit, pupwede ring marka sa katawan. Kung noon ay mahilig kang magsuot ng mga bestida, ngayon ay pinupuno mo na ng tato ang mga braso mo. Ano ang nagtulak sa ‘yo na baguhin ang sarili? Ano ang mga salik na bumubuo dito? Ano ang mga susunod pang mangyayari sa ‘yo? Ang pagtingin sa sarili noon, ngayon, at sa hinaharap ay ang pagbibigay ng kaunting katiyakan sa sarili kung ano nga ba ang mga pupwedeng gawin. Dahil ang bawat hakbang, kahit pasulong, ay nagbibigay rin ng restriksyon. Ang isang taong naaksidente at naputulan ng kamay ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Kutsara na lang ang mahahawakan niya sa pagkain, mas mahihirapan siyang maghanap ng trabaho, at malilibre siya sa sinehan. Kung walang character development, walang pag-unlad.

May sinusubukan akong eksperimento sa opisina, tinitingnan ko ang lahat bilang tauhan ng kani-kanilang mga kuwento: ang bawat isa ay may kasaysayan na nakakaapekto kung paano nila harapin ang buhay. Maaaring ito ay malagim na pagkabata, masayang buhay elementarya, o hitik sa tagos pusong kuwento ng mga pagkabigo. Ang lahat ng karanasan natin bilang mga tao ay umaambag sa pagharap natin sa lipunan, sa ating komunidad, at sa iba pang mga tauhan.

Mahalaga rin ang lugar kung saan nangyayari ang kuwento, ano ang kanilang ginagawa sa lugar na ito, sino-sino ang nagtatagpo sa lugar na iyon?

Halimbawa: ang setting ng kuwento ay isang simbahan. Sa simbahan na ito, may mga tauhang pari, madre, mga tumutulong sa simbahan. Ang bawat tauhan ay may ugali, maaaring banal ang pronta ng pari, habang tahimik naman ang madre. Ang mga tumutulong sa simbahan ay mahilig sa tsismis tungkol sa ibang tao na nakatira sa pamayanan. Maaaring pinagkukuwentuhan rin nila ang pari, kesyo tinatago nito na mahilig siya sa bata. O may iniibig ang madre sa kabilang bayan. Ang mga ito ang pinagmumulan ng conflict, ang mga kuwentong bayan na kahit hindi tayo tiyak kung totoo ba ang kuwento ay panghahawakan na natin bilang totoo.

Pero kahit kuwentong bayan lang ang mga ito, kahit na sa kaliit-liitang tsismis, hindi ba’t nagbabago rin ang pagtingin ng mga tao sa taong ikinukuwento? Nakakaapekto ang kuwentong bayan sa kung paano tingnan ang isang tao. May kuwentong bayan, halimbawa, na ang nakatira sa bakanteng lote ay pamilya ng mga aswang. Ang pamilyang ito ay madalas na nakikitang gumagala sa gabi, hindi rin sila nakikipagkuwentuhan. Karaniwan na marami sa mga tao sa pamayanan ang iiwas sa lugar kung saan nakatira ang pamilya, at may ilang mga bata na magtatangkang maglaro sa paligid nito. Kapag nakita ng mga bata ang isang miyembro ng pamilya, magsisi-takbo sila’t sisigaw ng ‘Aswang, aswang, may aswang na lumabas!’.

Ngayon, tingnan naman natin ang ang perspektiba ng pamilya: Hindi talaga sila nakatira doon, napadpad lang sila doon dahil may umangkin ng lupa nila. Ang totoo’y nangutang ng pambinhi ang padre de pamilya, hindi nabayad kaya isinanla ang lupa. Dahil hindi nababayaran ang inutang, nagpatong-patong na ang interes hanggang sa napilitan na lang silang ibigay ang lupa sa kanilang inutangan. Nagdesisyon ang pamilya na makipagsapalaran sa Metro Manila, lahat sila ay hindi marunong magsalita ng Filipino pero marunong silang maka-intindi. Suwerte naman na pinagamit sa kanila ng isang malayong kamag-anak ang bakanteng lote. Dahil hindi sila matatas mag-Filipino, hindi rin sila nakikipagkuwentuhan sa iba. Naririnig na rin nila ang kuwento-kuwento tungkol sa kanilang pamilya. Nakakaranas pa nga pang-aabuso ang kanilang mga anak kapag umaga, kinukutya ang mga ito na mga tiyanak. Kaya nagdesisyon sila na sa gabi na lang sila lalabas.

Ngayon, mula sa halimbawa na ito, ano ang mapapansin natin? Maliban sa pagiging mapanghusga ng pamayanan, hindi rin nila tinatangkang makipag-usap sa pamilya. Ang nangyari ay walang nangyari. Nabuhay ang pamilya sa gitna ng mga kuwento-kuwento, natuto silang sumabay. Pero ang pamayanan, nanatili lang sa mga kuwentong bayan, patalon-talon sa iba’t ibang mga tao.

Ginagamit ko ang pagtingin sa isang tao bilang tauhan para maintindihan ko ang kaniyang mga ginagawa, ang kaniyang mga desisyon, at ang kaniyang mga trip sa buhay. Kung namuhay ka sa isang pamilya na ang bukang-bibig ng mga nakakatanda ay paninira sa iba, hindi ba’t malaki ang tiyansa na magiging ganoon ka rin? Nagsisimula sa pamilya ang pagbubuo ng ugali. Kung ano ang magiging pagtingin mo sa ibang tao, sa pamayanan, sa lipunan. Kung nabuhay ka sa isang relihiyosong pamilya na ang pagbabago ay sa piling ng Panginoon kapag dumating ang paghuhukom, iyon na ang pagbabagong hihintayin mo. Hindi mo na aasaming makagawa ng pagbabago sa mundo dahil ang lahat naman ng ito ay pansamantala lang. Ito rin ang dahilan kung bakit mas nagiging komplikado ang mundo, dumadami ang bahagdan ng mga pupwedeng tingnan na dahilan sa mga bagay-bagay.

Pero bilang manunulat, magandang mahasa ang sarili na kilalanin ang mga taong nakakasalamuha sa araw-araw bilang mga tauhan. Dahil sa likod ng bawat mapanghusgang salita ay mga trahedya sa buhay na hindi natin alam.

Ang pinakamahalaga siguro sa lahat ng ito ay ang paghahangad ng pagbabago sa sarili at sa mga tauhan na nakakasalamuha natin. Maaaring nagiging anti-hero sila dahil sa sistemang umiiral sa loob ng setting. Kung ganoon, hindi ang anti-hero ang kalaban, ang dapat baguhin ay ang sistema. Dahil sa huli, ang sumasaklaw pa rin sa mga tauhan ay ang lohika ng mundo kung saan sila nabubuhay. Kung ito ang way of life, mahirap kumontra sa daloy ng buhay. Ang susunod na hakbang ay makabuo ng iisang bangka kung saan pupwedeng maghanap ng mas payapa at malayang dagat na puwedeng paglayagan.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol Sa Pagiging Manunulat

Pag-uwi ng bahay, naghuhubad ako ng sapatos bago pumasok sa bahay. Hindi lang sa suwelas ng sapatos nakadikit ang alikabok, nakadikit ito sa kabuuan, mula sa harap, likod, at magkabilang gilid.

Dadamhin ko ang pamimintig ng mga paa, humigit-kumulang walong oras na nakaipit sa makapal na medyas at may kasikipang sapatos, sumasabay ang pintog ng mga daliri sa tibok ng puso. Parang may kamay na nakadakot sa puso, hinihila ito pababa, kaya parang ayaw ko nang tumayo. Pero kailangan, hindi natatapos ang araw sa pag-uwi galing sa trabaho, dahil may trabaho pang kailangang gawin sa bahay: magluto, magturo sa anak, mag-asikaso ng magulang, at kung may oras pa’y makapagsulat at makapagbasa.

Sinisisi ko noon kung bakit ba ako naging manunulat, kung bakit ba ako nagbabasa. Naniniwala akong binabago tayo ng mga librong binabasa natin. Binago ako ng Notes from Underground ni Fyodor Dostoevsky, kung paanong ang iniharap sa aking mundo ng mga magulang ko ay balat sibuyas na tinalupan ng mga pangungusap ni Monk Photius. Binago rin ako ng dalawang nobela ni Rizal, kung paanong tinatalikuran natin ang himagsikan dahil hindi natin matanggal ang tatak ng pagiging Indio. Binago ako ng mga isinulat ni Ursula K. Le Guin, kung paanong puwede palang magsulat tungkol sa ibang mundo, sa loob ng ating mundo.

Pero, siguro, ang pinaka-pinagsisisihan ko sa pagiging isang manunulat ay ang pagpapahalaga sa mga salita. Mas matalas ang pandinig ng isang manunulat kapag nagsasalita ang ibang tao, mas natatahi ng isang manunulat ang gustong iparating ng iba. Kaya kapag lumalabas ang barubal na ugali ng tsismis, ng pagiging buhay na talangka, at ng kuwentuhang may makuwento lang, hinuhukay ng mga salitang ito ang sikmura ng manunulat. Dahil ang bawat salita, para sa kanila, ay martilyong nagpapabagsak kahit sa pinaka-mataas na gusali sa loob ng pinaka-malakas na imperyo.

Malungkot ang maging isang manunulat. Dahil naiintindihan mo ang ibang tao, pero karaniwan na hindi ka nila naiintindihan. Pinipili rin ng manunulat na ilayo ang sarili sa karaniwang pag-uusap tungkol sa mga bagay na pinag-uusapan lang dahil walang masabi, mga pangungusap na walang ambag sa pagpapaunlad ng sarili, ng ibang tao, ng isang organisasyon, o kahit na lipunan.

Kaya minsa’y sinasabihan ang mga manunulat na masusungit, dahil palaging nakasimangot sa harap ng mga walang kuwentang huntahan. Kaya ang pagtahimik ng isang manunulat ay tinitingnan bilang pagmamaldita, o hindi pakikisama. Kaya sa huli, pinaparusahan ng manunulat ang sarili. Siguro, nagiging bawal na ang pag-iisip ng mga epekto ng salita sa ibang tao. O maaari rin na naging sandata na ang salita, pero ang nakagamit nito ay hindi ang mga manunulat. Ang humawak ng kapangyarihan ng salita ay ang mga humahawak ng kapangyarihan,

Dinadama ko ang bawat balita na naririnig ko sa telebisyon at radyo. Ang kunwaring pag-asa mula sa dumarating na mga bakuna at ang pagtuturok nito sa mga frontliner. At ang totoo’y ang mga dumarating na bakuna ay matatanggap ng iilang mayroong koneksyon, pera, at posisyon. Ang mga taong katulad ko, na hindi ikinayaman at ikakayaman ang pagsusulat, ay maghihintay na lang sa tira-tirang mga patak ng bakuna na maiiwan sa mga itinapong botelya. Sanay na sanay naman tayo na maghirap, ang maghintay ng blessing, at kumain ng panis na kanin.

Hinihiling ko nga minsan na sana ay hindi na lang ako naging manunulat, o hindi ko nabasa ang mga librong nabasa ko. Sana naging normal na lang akong nakikipagtsismisan, nakikipag-asaran, at humihirit sa walang kuwentang mga bagay. Baka doon, mahanap ko ang kasiyahan. Sana hindi ko natutunan na pahalagahan ang kahulugan ng salita, o ang magkaroon ng kakayahang pagdikit-dikitin ang mga pangungusap. Kung iyon ang nangyari, siguro ay hindi ako ganoong nagpapaapekto sa mga salita mula sa iba.

Mayroon rin namang kagandahan ang pagiging manunulat, dahil may espasyo para intindihin ang iba kahit na parang hindi ka nila naiintindihan. Mas nagiging maintindihin ang manunulat, at mas pinipiling gumanti gamit ang papel. Sa huli, magsusulat pa rin ako. Dahil ang pagiging manunulat ay ang dumidikit na alikabok sa sapatos. Kahit na anong gawing pagtanggal, ay ang paglapit rin. Kahit anong paglayo sa pagsusulat, ay ang hindi maiwasang paglapit dito.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Magtalik Tayo sa Gitna ng EDSA

Magtalik tayo sa gitna ng EDSA,
Sa may kanto ng Ortigas;
Ang iyong basa
Sisisirin ng aking tigas.

Hayaan mo ang mga gusali
Ng Robinsons at POEA,
Maiskandalo sa ating kiliti
At takpan mga mukha nila.

Pati na rin estatwa
Ni Birheng Maria,
Doon sa tuktok ng dambana
Ay tayo’y itatwa.

Hayaan silang lahat
Na tayo’y isumpa’t ikahiya,
Dahil sa mundong pag-ibig ay salat,
Yun lamang ang meron sila.

Subalit tayong dalawa’y
Mga tunay na walang hiya!
Tanging yaman hanggang mamatay,
Pag-ibig sa isa’t-isa!


Karlo Sevilla is the author of two poetry collections: “Metro Manila Mammal” (Soma Publishing, 2018) and “You” (Origami Poems Project, 2017). Recognized among The Best of Kitaab 2018 and twice nominated for the Best of the Net, his poems were first published in Philippines Free Press in 1998, then in Philippines Graphic in 2015. Hence, he has over 200 poems published in various literary magazines, anthologies, and other platforms worldwide. In 2018, he won the Readers’ Choice award at the annual Human Rights Online Philippines’ 8th HR Pinduteros’ Choice Awards and third place in Tanggol Wika’s DALITEXT poetry contest.