Alegorya ng Kara-Krus: Paghahanap ng “Truth-Giver” sa Siglo ng Panonokhang

Nahilig sa pagsusugal ang aking mga kapatid nang ito’y ipasa ng aking tiyuhin. Nariyan ang maglaro sila ng pusuy, tong-its, at maging kara-krus. Sa aking mga nabanggit, paborito nila ang paglalaro ng kara-krus. Tuwing sasapit ang Sabado’t tapos na sa kaniya-kaniyang gawain, maririnig ang kalansing ng nag-iikutang barya sa tapat ng tindahan ni Aling Elma—hudyat ng pagsisimula sa mahaba-habang prusisyon ng pagkakara-krus.

Hindi naiiba ang kara-krus sa konsepto ng toss coin, maliban nga lamang kung magkakaroon ng pustahan. Madalas, ang aking kuya ang nagiging bangka laban sa aking bunsong kapatid at mga kapitbahay. Nagsisimula ang laro sa oras na ilapag na ang kani-kaniyang pusta, at nagtatapos sa oras na maubos ang kani-kaniyang laman sa bulsa. Minsan tumatabla, madalas ang dalawang “kara” o dalawang “krus.”

Sa ganitong pagkakataon, gumagawa ng paraan ang bangka upang makaahon sa pagkalugi. Dahil si kuya ang pinakamatanda sa kanilang tropa—na siya ring ‘bosing’ nila—maaaring ipagbawal ni kuya na ipakita kung ano ang resulta ng mga baryang tinutop sa kaniyang palad. Sa ganitong pagkakataon din naman, nagagawa ng kapatid ko na palabasin na siya: bilang bangka—ang nanalo. Ang nakaloloko, walang sinoman sa kaniyang mga kalaro ang umaapela. Buong pagtitiwala nilang tatanggapin ang inilalabas ni kuya sa resulta.

Kaya madalas, nanalo ang aking nakatatandang kapatid.

Hindi ko masabi na hindi nanloko si kuya—kaya niyang palitawin na ang kaniyang hatol sa nakatagong barya ay patas at totoo. Kung bakit nagkaganito; siguro ay pinagkakatiwalaan si kuya’t mali ang hinuha ko, o sadyang may nakaambang na respeto sa kaniya bilang nakatatandang lalaki sa kanilang magtotropa—na animo’y ang kaniyang mga nakalaro ay mga nagsiluhurang tupa at siya ang dakilang pastol.

Ano’t-ano pa man, mananatiling nasa kamay ng bangka—kamay na inilagak at hinayaan lamang sa posisyon—ang kahihinatnan ng laro.

Alegorya ng Kara-Krus: Laro ng Katotohanan

Mula sa isang interbyu (“The Ethics of the concern of self as a practice of Freedom”) kay Foucault noong 1984, inilahad niya ang relasyon ng paksa at ng games of truth sa puwersado (coercive) na moda tulad ng pagkabilanggo; at sa teoretikal-sayantipiko (theoretical-scientific) na moda tulad ng pag-aanalisa sa yaman, kaalaman, at wika. Ayon kay Foucault, ang games of truth ay hindi isang coercive practice, bagkus isang ascetic practice of self-formation—isang aplikasyon ng sarili para sa sarili upang mabuo at/o mabago ang sarili sa isang tiyak na katayuan o moda.

Ang anyo ng pagsasabi ng totoo o truth-telling ay kilala rin sa katawagan na parrhesia. Pinakawalan natin ang dalumat ng nakalap na katotohanan upang makawala sa hawlang binuo ng represyon—kung saan ang “parrhesia” ay maituturing na kasangkapan (tool) at kaalaman (technology) ng nasusupil na naghiwalay, nagbilanggo, at nagkunlong sa mekanismo ng panunupil.

Maihahalintulad ito sa kondisyon ng manunupil at nasusupil na isinalarawan ni Paulo Freire sa “Pedagogy of the Oppressed.” Alinsunod sa hinuha ni Freire: ang nasusupil, na nakondisyon sa imahen at tagubilin ng manunupil, ay naliligiran ng takot sa paglaya (47, 51). Dahil para sa kanila, ang paglaya ay pagtalikdan sa mga tagubilin—at ang pagbuo ng kasarinlan ay pagpapataw sa sarili ng responsibilidad. Sa madaling sabi, ang tao ay likas na palaasa’t naka-depende. Hindi nila hahayaan ang sarili na mahirapan kung kaya’t ipasasailalim nila ang sarili sa iba—para sa inaakalang pangkalahatang kapakanan.

At dito, napagsasamantalahan ng manunupil ang kahinaan ng kinasasakupan—sa pamamagitan ng pag-iibayo ng takot. Takot ang dahilan kung bakit hinayaan na lamang nila ang bangka na manalo, takot ang dahilan kung bakit sa pandadahas ay napatitikom ang mga bibig, takot ang dahilan kung bakit may ibang pinili na bumaligtad at pumanig na lamang sa manunupil, takot ang dahilan kung bakit nanatiling dahop ang bansa sa kaalamang politikal—at ang takot ang maituturing ko bilang pinakamatinding kaaway sa pakikibaka tungo sa pambansang kamalayan, kalayaan, at kasarinlan.

Paghahanap ng Truth-Giver sa Lawa ng mga Pangako

Saan nga ba mahahanap ang katotohanan sa lawa ng mga pangako? Sa samu’t-saring koleksiyon ng mga datos, mapaiisip din tayo kung paano masasala ang totoo sa hindi—lalo na ngayon at naglilipana ang mga tagapagbuo ng sarili nilang diskurso ng katotohanan, katotohanang taliwas sa pansariling paniniwala.

Masasabi ko na sa panahong ito, wala nang pagkakilanlan sa katotohanan at hindi—lalo na’t ang depinisyon ng katotohanan ay ang pagtanggap sa dalumat bilang tama’t totoo. Kaya nga, laganap ang mga paksyon o grupo na may pagkatutulad sa paniniwala—kada kahon ng paniniwalang ito ay may koneksiyon sa iba pa ngunit hindi kailanmang magkakaparehas. At kung sa mga kabi-kabilang kahon na ito ay may kaliwa’t kanan palang paniniwala: nasaan ang totoo ng mga totoo?

Marahil, mapagbibigyang-solusyon ito ng ilang tala hinggil sa kasaysayan at kamalayan. Sa ilang nabasa ko sa aklat na “Pilipinas: Ang Bagong Lumipas” na mula sa tala ng historiador na si Renato Constantino, ang kasaysayan ay nararapat lamang na magsilbing tagapagbuo ng parang hiwa-hiwalay na mga bagay at pangyayari upang magkaroon ng kalinawan ang prosesong historikal—o ang proseso na siyang magsisilbing tulay sa panlipunang realidad (480). Malaki ang kontribusyon ng kasaysayan bilang tala ng mga kawsa—o mga bitak na maaaring makapagbigay-dahilan kung paano nagsimula o nagtapos ang isang bagay.

Ngunit, ang mga bahagi ng kasaysayan ay limitado lamang. May ilang bahagi nito na hindi mabigyang-koneksiyon, o hanggang ngayo’y hinahanapan pa rin ng solusyon—kung paano ang mga minimal na detalye ay mag-uungkat sa mas malawak na naratibo. Kung ang mga bahaging ito’y hindi sapat upang punan ang “totoo ng mga totoo,” paano ito mahahagilap?

Dito papasok ang ilang pilosopo at ang kanilang pagbabagtas ng pilosopiya’t ideolohiya. Mula sa mga nakalap na katotohanan, dito nila ibinabahagi ang kolektibo ng mga kaalaman—na kung minsan ay natatanto pa nga sa iba pang banghay ng katanungan. Dahil ito ang mga “totoo ng mga totoo,” ang koneksiyon ng mga katanungan na ibinabanghay bilang kasagutan. O sa madaling sabi, nasa mabusising pag-aanalisa nabibigyang-daan ang pag-usbong ng katotohanan.

Ngunit kung minsan, katulad ng paglalaro ng kara-krus—nagagawang baligtarin ng bangka ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng post-truth, o ayon kay Foucault—ang paglagak sa kaniya (bangka) bilang truth-teller at pagsasatibay na ang lahat ng sasabihin niya ay pawang katotohanan. Pinipigilan ng post-truth ang kalayaan sa kamangmangan: pinapanatili ang post-truth sa pamamagitan ng paglilimita at pagtatakip sa datos na siyang sisira at lalantad sa ikinadenang katotohanan. Sa ganitong paraan; namamanipula ang katayuan ng isang tao, isang komunidad, maging sanga-sangang grupo upang ituring ang itinalagang katotohanan bilang reyalidad.

Maihahalintulad ang pagtataklob nito dahil sa pagpapalawa ng mga isinambit na mga pangako—isang kondisiyon na maihahalintulad sa diskurso ng false generosity. Ang pagsumpa ng mga pangako ng mang-aapi ay isa lamang kapamaraanan upang lumambo ang naaapi—kung saan nakikita nila ang pangako bilang pagsilay sa katotohanang matutulungan sila. Paulit-ulit ang paghahain sa atin ng mga politiko ng kani-kanilang mga imahen ng pagpapakumbaba: tulad ng paglalakad ng nakasinelas, pagkain sa tasa, paggamit ng kulambo, pagiging mabuting ama—na tumataklob sa politikal na estado ng mga manunupil na ito. Kaya hindi kataka-taka kumbakit ang mga imahen ng pagpapakumbaba na ito ay talamak na nagagamit upang palitawin na sila’y “nagpapakatotoo” lamang—sa sila’y tao rin sa kabila ng lahat.

Siglo ng Panonokhang: Katok ng Kamatayan

Dahil sa mga imahen ng pagpapakumbaba, nagagawang ikintal sa mga tao na ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng lahat—at isa sa mga matibay na halimbawa nito ay ang pangangatok ng kamatayan, o kilala ng lahat bilang ‘tokhang.’

Ang ideyal na imahen ng tokhang sa panahon ng drug war ang pangangatok sa ilang drug addict upang arestuhin sila na hindi gumagamit ng dahas—na hindi malabong sasang-ayunan ng lahat. Dahil nakatatak na sa masa na ito’y bunga ng pagpapakumbaba, hindi na nila alintana kung may minsanang paggamit ng dahas, kung minsan ay may mapagbibintangan, at kung minsan…pati ang mismong kakilala o kamag-anak nila ang mismong sumambulat sa pagkatok ng mga sugo ni Kamatayan. Lahat ng ito ay nagagawa pa ring isubo ng ilan—dahil sa nanatili silang bulag at nalunod ng buhay sa binuong lawa ng mga pangako—kung saan nakakapit pa rin sila sa pagbabakasakali na balang araw, titigil na ang bangka…na hindi na niya muling paiikutin ang mga barya’t paayusin sa kaniyang kapakanan.

Ngunit ang katotohanan ay hindi tuluyang sisibol hanggang hindi mamumulat sa kamalayang politika ang mamamayan—at kapit-bisig silang magtutulungan sa pagbabalikwas, bilang gawaing kolektibo. Dahil ang paraan upang matutop ang kamay ng bangka upang ilahad ang mga barya ng katotohanan ay ang sabayang pagbaklas sa pagkakatakip nito. Lulubog ang bangka. Lulutang ang dalawang mukha ng kara sa nakatalikod na mukha ng krus.


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang creative director ng Revolt Magazine. Ang hapót-simbág ay ang kauna-unahan niyang lingguhang komentaryo, analisis, at rebyu hinggil sa lipunan at kultura. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Marya sa Minds at MeWe.

Pagsulat ng Hysteria ng Bayan Laban sa Historikal na Korapsyon: Komprehensibong Suri ng “Ang Pag-ibig ay Isang Tula” mula sa “Bayan Ko!” ni Lualhati Bautista

Koleksiyon ng apat na maikling kuwento na salin sa dramang pang-telebisyon ang “Bayan Ko!”, ang bagong aklat ni Lualhati Bautista na inilimbag ng Dekada Publishing noong 2019. Pinagsama-sama niya ang mga maikling kuwento sa aklat sa upang “muling ipadama ang diwa ng ating mga pinagdaan bilang isang bansa” (Bautista ii) sa kasalukuyang henerasyon ng mambabasa’t manunulat. Sinubukang talakayin ni Bautista sa kaniyang bagong koleksiyon ang iba’t-ibang bitak ng panahon bago, habang, at pagkatapos ng kolonyal na pananakop sa Pilipinas.

Sa pamamagitan ng pagtatagni ng ilang impormasyon mula sa kultura, komunidad, at wika ng ilang siglo ng kolonyalismo sa Pilipinas, nagawang tahakin ng mga kuwentong “Ang Pag-ibig ay Isang Tula” ang naratibo na hindi nabibigyan ng sapat na pagtingin: mula sa pag-usbong ng kultura ng pagsusulat laban sa opresyon, indio bilang bilanggo ng sistema, at ang pag-ibig sa bayan bilang likas na uri sa lahat.

Pilipina sa Panahon ng Kolonyalismo

(Larawan: Jamaica Global)

Halaw sa kasaysayan ng buhay ni Leona Florentino ang unang kuwento mula sa nasabing antolohiya. Tinagurian si Florentino bilang “Ina ng Literaturang Pangkababaihan” dahil na rin sa katangi-tangi niyang anekdota ng pagiging supersibo, nagbukas ito sa posibilidad ng pagtanggap ng tradisyong pasulat (writing tradition) para sa mga kababaihan. Ibinalangkas ni Bautista ang kaniyang karakter na si Juliana sa katangian ni Leona. Gayundin, nilakipan ng mga ilang parapo ng tula (na iniayon sa tinig ni Juliana) upang mas mapaigting ang naratibo ng pag-usbong ng babaeng makata. Ang mga tula na ito ay rendisyon ng awtor upang mapunan ang paghiram ng tala ng buhay ni Leona upang mas kumapit ito sa tala ng kasaysayan.

Mula nang dalhin ng Espanya ang katesismo at ang pagbibinyag sa mga Pilipino, nagbigay-daan ito upang gumawa ng napakalaking reporma sa istruktura ng lipunan ng ating bansa. Ang mga kalalakihan na mula sa may-kayang pamilya ay binibigyan ng akses sa edukasyon, samantala ang mga tinaguriang indio ay inaalila sa pagsasaka’t iba pang lakas-paggawa. Ang mga kababaihan naman ay nakatali lamang upang gampanan ang kanilang tungkulin bilang katuwang ng lalaki at sa takdang panahon, ay maging isang responsableng ina’t asawa.

Sa edad ng labing-anim, ipinagkasundo na si Juliana kay Fernando, ang binatilyong anak ng nakababatang kapatid ni Don Crisostomo. Hindi sumasang-ayon si Juliana sa anomang udyok sa kaniya ng kaniyang angkan. Maliban sa hindi naging mabuti ang kanilang pakikipagsamahan bilang mga bata (Bautista 9-10), hindi rin bukal sa dalagita ang pakikisama sa lalaking hindi niya tinatangi (Bautista 21-23). Dala na rin ng pagbabanta ng kaniyang magulang na siya’y ilalagi na lamang sa kumbento sa oras na hindi maikasal sa pinsang si Fernando, tinanggap na rin niya ang sitwasyon.

Pag-ibig sa Tula

Mas naging malapit kay Juliana ang pagtula. At dahil na nga rin sa binuong konstruktura ng kolonyalismong Espanyol, itinuring ang pagsusulat ng kababaihan bilang subersibo. Itinalaga ng lipunang patriarkal na ang gampanin lamang ng isang babae ay magsisimula’t magtatapos bilang taong-bahay. Sa sistemang patriarkal, isinasantabi nito ang karapatan ng mga kababaihan (Reardon, 1996). Nilimitahan din nito ang pagtatalaga sa mga kababaihan ng posisyon sa pag-aaral, pamumuno, at pangangalakal.

[D]ahil na nga rin sa binuong konstruktura ng kolonyalismong Espanyol, itinuring ang pagsusulat ng kababaihan bilang subersibo.

—Maria Kristelle C. Jimenez

Ito rin ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng pananaw na may mga gawaing “natural” lamang sa lalaki, pati na rin sa babae. Inilapit ni Bautista ang muling-pagtanaw sa kasaysayan ng opresyon ng kababaihan nang sa gayo’y makapagbigay-linaw sa kasalukuyang henerasyon na kailangang iwasto ang hindi pantay na pagtrato sa mga tao sa lipunan dahil lamang sa kaibahan ng kanilang kasarian.

Isa rin sa inilapit ng naratibo ng “Ang Pag-ibig ay Isang Tula” ay ang konsepto ng pag-ibig sa panahong kolonyal. Ginagagap ng namumulat na kaisipan ni Juliana ang istruktura na hindi-malay ng kaniyang kapwa-babae. Upang maging likas ang pag-ibig, kailangan din nitong ibigin ang sarili. At ang likas na pag-ibig, hindi kayang ituro ng anomang istruktura ng lipunan. Sa panahon na ang mga kababaihan ay ipinapasailalim sa kondisyon na nais ng ginagalawang lipunan upang sila’y maging kaibig-ibig (sa mata ng Diyos at sa mata ng lipunan), may ilang kababaihang katulad ni Leona Florentino (at ang karakter na si Juliana) na inilalaban ang wika ng pag-ibig: na na ito’y mula sa tula. Makikita ang pagkukuwestiyon na ito mula sa ibinahaging tula sa tinig ni Juliana (41):

Naituturo ba ang pag-ibig?
Di ba tulad ng damong ligaw
Tumutubo sa sikat ng araw
Namumulaklak sa dilig ng hamog.

Pagsulat (na)ng Higit sa Sarili

Naging daan din ang pagsusulat upang mas lalong maunawaan ni Juliana ang mga kaganapang higit pa sa sarili. Nang hindi magawang punan ng ina ni Juliana ang kaniyang mga tanong (35-37), minarapat niyang idiskubre ito sa kaniyang sarili. Ang dating palaisipan kay Juliana sa pagkakaroon ng muchacha (66) ay nabigyang-linaw nang siya na rin mismo ay binigyan ng katulong ng asawang si Fernando para maging katuwang sa gawaing-bahay. Hindi maiwasang maipagkumpara ni Juliana ang karanasan ni Manang Isabel at ni Juanita. Isinilang sila upang maging habambuhay na tagapagsilbi ng mga taong tumubos ng kanilang mga utang. Na dahil sa kanilang kinasasadlakang kahirapan, kaakibat na rin nito ang pagtanggap ng mga kababaihan ng ganap na kawalan ng kalayaan sa sarili na tumindig, maging malaya, at umibig. Isinatinig ni Juliana ang siyang kuwestiyon din ni Bautista sa istruktura ng pagkulong; na ito’y tumatanggal sa kung anomang esensya ng pagkatao. Na sila man ay humihinga, may sarili kilos at galaw; ang direksyon ng kanilang buhay ay nakadepende sa sinomang tumubos sa kanila:

Parang hiniwa ang loob niya noon na gano’n lang kasimpleng ipagwalambahala ng papang niya ang kamatayan ni Manang Isabel. Bilanggo din ba ang turing ni Manang Isabel sa sarili, buong buhay na bilanggo? Samakatwid ba, sila ng kaniyang mga magulang noon at sila ni Fernando ngayon, walang pinakaiba sa mga guwardiya sibil na laging nakabantay sa kilos ng mga preso? Kaya ba kiming-kimi si Juanita, pinagbubuti ang mga gawain, maingat sa bawat kilos nito? (67)

Taliwas sa binuong konsepto ng mga Espanyol, ang hanay ng proletaryo ay may kakayahang umunawa; at batid nila ang sitwasyong kinalalagakan ngunit hindi nila ito maisatinig.

—Maria Kristelle C. Jimenez

Dito na nag-umpisang lumawak ang gampanin ni Juliana bilang isang babae na may kakayahang isulat ang tala ng kanilang panahon. Ang dating romantiko’t erotika na pagsusulat ni Juliana ay tumungo sa direksyong malapit sa mga magsasaka, polista, at kapwa niyang babae. Taliwas sa binuong konsepto ng mga Espanyol, ang hanay ng proletaryo ay may kakayahang umunawa; at batid nila ang sitwasyong kinalalagakan ngunit hindi nila ito maisatinig. Simula ng ika-labingsiyam na dantaon, ang kalagayang-politikal ng mga Pilipino ay mula sa kaisipang rural na pinamumunuan ng mga prayleng Espanyol.

Sa tulong ng mestizo principalia, kinakalap ng mga prayle ang buwanang buwis na para sa estado’t simbahan. Ang mga hindi makatutugon sa buwanang buwis ay kinukuha ng mga encomendero at nagiging polista, o ang mga kalalakihan ng pamilyang indio na gumagawa ng pagsasaka’t iba pang lakas-paggawa kapalit ng hindi-mabayarang buwis. Ang nakapanghihilakbot na sitwasyon ng mga Pilipino sa ilalim ng kolonyal na pamumuno ay nagawang isatinig ni Bautista sa pamamagitan ng tula ni Juliana (78, 79):

Malamig at madilim ang gabi
ang mga binhi’y humihikbi
mawawalan sila ng silbi.

May maaani pa kaya
sa mga binhing itinanim?
Mga tangkay at palay na di patatawarin
ng mga daga at uwak.

Muli, ang sandali
ng pagsundo at paglisan.
Maghahanda ng pabaon.
Konting kanin, konting ulam
na tatagal lang ng isang hapunan.

Bagaman nagkaroon ng reporma sa sitwasyon ng mga indio sa ilalim ng kanilang encomendero, hindi pa rin nakaalpas ang mga Pilipino sa pang-aabuso nito. Para sa mga encomendero, ang sistemang enkomiyenda ay “isang pagkakataon upang makapagpayaman” (Constantino 56). Maliban sa kinukumpitensya na rin nila ang mga prayle, hindi na rin naging makatuwiran ang pagturing nila sa mga indio. Matapos ipagkatiwala sa mga prayle at mga encomendero ang pagpapataw ng buwis sa sambayanang Pilipino, naging saksi ang kasaysayan sa pagkaganid ng mga ito. Sa tuwing hindi makabayad ng pera ang mga nangungupahan ng lupa, ipinapalit nila ang mga kalakal tulad ng asin, manok, itlog, karneng usa, baboy, at alak bilang pambayad sa pagkakautang (Abinales at Amoroso 55). Gayunpaman, mababa ang tingin nila sa kalakal. Kung hindi nila ito dadayain sa timbang, ang mga kalakal ay kailangang triple ang dami sa halaga ng buwis.

Hysteria ng Bayan

Taliwas sa tinatahak ng teorya ni Freud, ang konsepto ng hysteria ay hindi lamang nakakulong sa depiksyon na pambabae. Sa katunayan, nagawang baybayin ni G. S. Rousseau sa kaniyang pagsusuri na “A Strange Pathology: Hysteria in the Early Modern World, 1500-1800” (Hysteria Beyond Freud, 1993) na “punan ang dalawang kategorya” (medikal at hindi) ng pagtingin sa hysteria (Rousseau 93). Sa pananaw ni Rousseau, ang mabilis na “pagbabagong kultural—kabilang ang relihiyunal, sosyo-ekonomikal, at politikal—maging ang paglawak ng teoryang medikal sa panahong Renaissance noong 1500” (Rousseau 91) ang naging dahilan kung bakit patuloy na nagbabago ang depinsyon ng hysteria. Kaya nang sumapit ang rebolusyong Pranses at Amerikano, nagkaroon na ng ibang konotasyon sa konsepto ng hysteria:

Michael Foucault speculated in his history of madness about “hysterization of women’s bodies” through which the pejorative image of the “nervous woman” has been constituted. Such negative imaging was necessary in patriarchal cultures that confined power solely in the males to ensure civic cohesion. But Foucault’s analysis would have been richer, and certainly more complete, if he had included the “hysterization of women’s language,” especially as it had been muted with the passage of time. For hysteria has been the condition paradoxically both constituted by and consistently misinterpreted by medical observation; the condition that neither the mere presence of physician (whether appearing as savior or soothsayer) nor the persistence of his theraphy can control. Sequences of despair, pain, numbness, and conversion syndrome ultimately could not be cured by makeshift remedies or the herbal concoctions of the Renaissance and Enlightenment apothecaries. Today, instead of examining the fabric of society perpertuating this chronic physical and mental pain, we deny (perhaps imprudently) that hysteria exists. We drug patients until the pain is obliterated, the despair forgotten; until physicians can claim the questions such as “where has all the hysteria gone?” cease to exist as valid medical concerns. (95-96)

Gamit ang lente ng diskurso ni Rousseau, maaaring tahakin ang usapin ng hysteria—hindi lamang bilang kondisyong medikal ng kababaihan, kundi bilang bitak na sumisiil sa kaisipan ng buong bayan. Hindi kayang ipagkibit-balikat na lamang ni Juliana ang nasasaksihang hysteria, ang kabaliwan ng istrukturang piyudal-kapitalismo ng mga reconquista na nagtulak sa kanila upang maging ganid, ituring ang buhay ng mga indio bilang kapital ng kanilang pansariling interes. Malalim din ang pagkapit ng naturang kuwento sa iba’t-ibang mukha ng hysteria, mga buktot na kaisipang higit pa sa pagsasautak.

Naging malinaw na kay Juliana ang lahat—kung bakit hindi lamang dapat magtapos sa sarili ang pagkatha ng mga tula—at kung para kanino’t para saan nga ba talaga ang kaniyang pagsusulat. Si Juliana ang tinig ng kaniyang panahon, ang enigma na pagkamulat sa dantaong pananakop at paniniil ng Espanyol sa ating bansa. Gamit ang kaniyang panulat, itinatarak niya nang higit pa sa salita ang historikal na korapsyon: na ang mga nagkunwang kaibigan ng mga datu’t rajah ay ginamit ang kapangyarihan ng pakikipagdigma’t relihiyon upang baguhin ang istruktura ng lipunang Pilipino. Ganito rin ang nangyari matapos ang mga Amerikano ang umangkin sa teritoryo ng Pilipinas. Heto rin ang kinagisnan sa sampung taong pakikipagdigma ng Pilipinas laban sa kolonyalismong Hapon. At ang lahat ng mga ito, hindi magiging kongkretong bahagi ng ating kasaysayan kung wala ang mga tala. Ito ang dahilan kung bakit ang mga makata, mananaysay, at iba pang uri ng manunulat ay mahalaga sa pagbuo ng wika ng ginagalawang panahon.

Pagsulat ng Wika ng mga Panahon

(Larawan: Revolt Magazine PH)

Malaki ang epekto sa pagbuo ng nation (nation-building) ng Pilipinas ang dantaong pananakop ng mga imperyalista’t mga dayuhan. Hanggang sa kasalukuyan, hindi maitatanggi na nakakapit pa rin sa kasaysayan ang kawalan ng tinig ng sangka-Pilipinuhan. Pinatotohanan ni Renato Constantino (1997) ang kakulangan, maging kawalan ng pagbibigay-tinig sa mga “indibidwal [na] ‘di matala ng kasaysayan” (Constantino 7-8). Kung mayroon mang historyador o sinomang maituturing na may pribilehiyong isulat ang kasaysayan, may ilang nababalutan ng pansariling interes na nag(bu)bunga ng “kulang, buktot, at larawang di-makatuwirang” (Constantino 8) pagbuo sa imahen ng kasaysayan.

[S]a paglakip ng katapangan ng wika, narito ang pananalaytay ng takot; na kung hindi lubos na mauunawaan ng sangka-Pilipinuhan ang noon, ngayon, at ang bukas—ang bayan natin ay muling madadala sa korapsyon ng ibang bansa.

—Maria Kristelle C. Jimenez

Kaya naman, mahalaga ang mga naratibo mula sa nobelistang katulad ni Bautista nang sa gayo’y maibalik ang lengguwahe ng mga nawawala. Na ang piksyon, bagaman mula sa malikhaing paggamit ng/ng mga manunulat ng wika nabuo, ay maituturing pa rin na representasyon ng kaniyang panahon. Kaya ganoon na lamang ang kagustuhan ni Bautista na isalin sa anyong pa-kuwento ang kaniyang mga dula, dahil epektibo ang paggamit ng piksyon upang magbigay-tinig ng kaganapan ng isang nasyon. Binanggit ni Lewis (1978) sa “Truth in Fiction” na ang katotohanan ng isang akda ay nagmumula sa “dunong ng pinagmulan ng wika” (Lewis 40). At ang pag-angkop ng katotohanan sa [pagku]kuwento ay maaaring ituring na totoong representasyon ng pinagmulang panahon.

Ito ang dahilan kung bakit mas umantig ang puso ng mga mambabasa sa mga piksyon katulad ng Honesto’s Wake  ni Marius Carlos, Jr. (2017) kumpara sa sunod-sunod na datos ng balita at ulat hinggil sa extrajudicial killings. Ito rin ang dahilan kung bakit mas nanunuot ang galit ng sambayanan sa kasalukuyang rehimen sa tuwing binibigkas nila ang bersyon ni Bautista (2020) sa Panatang Makabayan.”  Naigagawang ilapit ng panitikan ang puso’t isip ng/ng mga mambabasa sa tinig ng/ng mga manunulat.

At sa paglakip ng katapangan ng wika, narito ang pananalaytay ng takot; na kung hindi lubos na mauunawaan ng sangka-Pilipinuhan ang noon, ngayon, at ang bukas—ang bayan natin ay muling madadala sa korapsyon ng ibang bansa. Narito na nga muli ang panahon. Bagaman hindi naman nagkulang ang kritika, panitikan, at wika upang ipabatid sa sambayanan ang mga babala; hindi pa rin nito magawang iadya ang Pilipinas sa isa na namang pagkubkob ng nasyon. Mula sa imperyalistang Kano na dantaon nang binubuo ang huwad na soberanya, ang ating bayan ay lantarang ipinagkakanulo ng kasalukuyang rehimen sa Tsina.

Nagawa nang bakahin ng panulat ni Bautista ang representasyon ng ating panahon—kapit pa rin nito ang pag-asa na ang bayan ko, ang bayan ng kapwa-Pilipino, ay yakapin ang totoong wika ng ating nasyon: na kailangan nating ibalik ang wika ng taumbayan na patuloy sa ating kinakamkam ng rehimen.

Sanggunian:

Abinales, Patricio N., and Donna J. Amoroso. State And Society In The Philippines. Rowman & Littlefield Publishers, Inc., 2005, pp. 55, 57, 96, 97, 98.

Bautista, Lualhati. Bayan Ko! Dekada Publishing. 2019, 3-118.

Constantino, Renato, and Letizia R. Constantino. Ang Bagong Lumipas – I. 2nd ed., University Of The Philippines Press & Foundation For Nationalist Studies, 1997, pp. 7, 9, 56.

Gilman, Sander L. et al. Hysteria Beyond Freud. University Of California Press, 1993, p. 91-98.

Lewis, David. “Truth In Fiction”. American Philosophical Quarterly, vol 15, no. 1, 1978, pp. 40-42.

Macaranas, Bonifacio S. “Feudal Work Systems And Poverty: The Philippine Experience”. University Of The Philippines School Of Labor And Industrial Relations, 2009.

Reardon, Betty A., Sexism and the War System. Syracuse University Press, 1996.


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang associate editor sa Filipino ng Revolt Magazine. Ang hapót-simbág ay ang kauna-unahan niyang lingguhang komentaryo, analisis, at rebyu hinggil sa lipunan at kultura. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Marya sa Minds at MeWe.

Queerbaiting: Komodipikasyon ng LGBTQIA+ sa “Huling El Bimbo” (2019) at “Sakristan” (2020)

Walang sinoman ang gustong maloko, at walang sinoman ang gustong magpaloko. Halo-halong emosyon ang bumabalot sa sinoman sa oras na malaman niyang nasa loob siya ng sirkulo ng panloloko. Galit ang sinomang niloko sa relasyon. Galit ang sinomang niloko ng kaibigan, o ng kakilala. Galit ang sinomang niloko ng politiko, o ng pamahalaan. Kaya hindi na kataka-taka kung bakit ganoon na lamang ang #rage at #agit sa tuwing hindi tumutugon sa inaasahan ang resulta ng mga bagay-bagay: mula sa hindi nagkatuluyang screen partners, at maging sa inakalang relationship build-up sa dalawang karakter.

Sa panahong digital, kaakibat ng bawat Pilipino ang mundo ng internet. Naglilipana sa social media ang iba’t-ibang opinyon at kuro-kuro sa napakaraming bagay. Naging bahagi na rin ng pagbabahagi sa social media ang iba’t-ibang imahen ng panloloko; mula sa paglalantad ng mga relasyong polygamous, pagbabahagi ng ‘catfish’ o mga tao na pekeng identidad, at maging ilang online scam ng ilang hindi masyadong pamilyar sa mga modus operandi sa internet. Ngunit ang isa sa mga maigting na usapin ngayon ay ang pagko-callout o pagtawag ng pansin sa queerbaiting.

Queerbaiting: Identidad bilang Páin

Sa konteksto ng pag-aaral ng kultura ng fandom, ang queerbaiting ay istilong ginagamit ng ilang manunulat, direktor, at maging mga negosyante upang ipáin ang sinoman na ang binabasa at/o pinapanuod ay naglalaman ng relasyong homosekswal. Higit na pinalawig ang kahulugan nito ng ilang akademiko’t mananaliksik, kung saan nagbahagi sila ng mas ispesipikong perspektibo. Nabanggit ni Eve Ng (2017) na maituturing na queerbait ang isang babasahin at/o panuorin kung ito’y hindi natugunan ang kanonikal na representasyon ng pagka-queer. Sinusugan naman ito ni Judith Fathallah (2015), kung saan idinagdag niya na paggamit ng ilang pananda ng pagiging homosekswal—kasama na rin ang pagkakaila’t panlalait ng pagbasa sa isang queer ay nagreresulta ng ‘isang naratibong hindi naglalayong mang-uyam sa ilang manunuod kapalit ang sana’y totoong representasyon sa mata ng isang queer.’

Ibig sabihin, bahagi ng panlilinlang ang pagbuo ng imahen na may ‘totoong’ relasyon na namumuo sa pagitan ng dalawang itinalagang mga homosekswal. Sa introduksyon ng aklat na “Queerbaiting and Fandom: teasing fans through homoerotic possibilities” ni Joseph Brennan (2019), binalangkas niya ang queerbaiting bilang industriyal na taktika kung saan ginagamit ang naratibo ng LGBTQIA+ kahit na ang mismong teksto ay hindi umaayon sa konsepto ng ‘non-heterosexuality’ o ang pagiging homosekswal ng mga karakter. Problematiko’t marumi ang istilo ng [mis]representasyon na ito dahil sa lantarang ginagamit sa identidad ng mga homosekswal bilang páin sa mga konsumer (kapwa-queer, ally) nito. Ang konsepto ng baiting ay lantarang panlilinlang. Katulad ng kawit, may angking talim ito’y may layon na maminsala—upang talamak na pagkakitaan ang identidad. Na tila ang tingin nila sa kaibahan ng identidad ay isang materyal maaaring ikalakal at pagkakitaan. Sa mata ng ilan na hindi mulat sa kanilang kamalayang politikal, ang ginagawang subhetipikasyon ng ilang manlilikha ay sapat na upang bigyan sila ng mumunting espasyo—at lingid sa kanila na kinakasangkapan lamang ang kanilang mga danas bilang aparato upang bumuo ng huwad na konsepto ng pagtanggap.

Dito sa Pilipinas, matindi ang pangangailangan ng pagsasatibay ng representasyon ng mga homosekswal, lalo na’t hanggang ngayon—limitado pa rin ang kanilang espasyo. Sa isang ulat ng Human Rights Watch noong 2017, napag-alaman na kahit may pagsasabatas ng Anti-Bullying Act of 2013 sa bansa, hindi pa rin nito natutugunan ang napakaraming tala ng pang-aabuso sa mga estudyanteng kabilang sa LGBT community. Gayundin, labinlimang porsiyento (15%) lamang ng kabuuang populasyon sa Pilipinas ang nakatira sa mga lugar na may mga ordinansang laban sa diskriminasyon sa oryentasyong sekswal at identidad (sexual orientation and gender identity). Sa artikulo ni Dominique Mosbergen (2015) sa Huffpost, ang Pilipinas ay isa sa mga bansang ‘queer tolerant’ sa buong Timog-Silangang Asya, ngunit wala pa rin itong tunay na pagtanggap at pagkakapantay-pantay sa pagitan ng heterosekswal at iba’t-ibang sangay ng komunidad ng LGBT (homosekswal, transekswal, asekswal).

Maliban sa patuloy na debate pa rin sa sekular na sektor, maging sa lokal na pamahalaan ang tindig sa pagtanggap sa nasabing komunidad—patuloy pa ring nagiging mapanganib sa kanila ang bawat araw na lumilipas. Araw-araw, nakatatanggap ng berbal, sikolohikal, at pisikal na pang-aabuso ang ilang kabilang sa LGBT community; na umaabot sa puntong pinapatay ang isang tao dahil lamang sa kaibahan ng kaniyang identidad at oryentasyon. Limang taon ang nakakaraan, naging laman ng samu’t-saring palimbagan at publikasyon sa loob at labas ng Pilipinas ang naganap na pagpatay kay Jennifer Laude sa isang motel sa Olongapo. Natagpuan na lamang hubo’t hubad ang wala nang buhay na katawan ni Jennifer at ang ulo nito’y nakasaluksok sa kubeta, dahil lamang sa nadiskubre na siya’y isang transgender. Ang suspek na si Joseph Scott Pemberton, na ngayo’y 24 taong gulang na mula nang naganap ang karumal-dumal na krimen ay binigyan ng pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan lamang1.

Bumubuo ng malawak na kastilyo ng ilusyon ang queerbaiting. Binibigyan nito ng huwad na pag-asa ang mata ng isang Pilipino queer na sila’y nariyan upang bigyan sila ng tinig. Kahit ang totoo, walang intensyon ang mga kapitalistang manlilikhang ito na maghayag ng kongkretong pagkiling at magbuo ng tunay na representasyon sa kalagayang sosyopolitikal ng kanilang komunidad. Hanggang sa huli, sila’y páin lamang at bahagi ng walang-habas na pangangapital sa kung anomang maaaring pagkakitaan.

[Mis]representasyon: Komodipikasyon sa ilang Pilipinong Palabas

Talamak ang komodipikasyon o ang pag-atas sa isang grupo o bagay bilang uring-pagkakikitaan; at ito’y patuloy na sinasamantala ng mga ahensiya—mula noon hanggang ngayon. Magmula dekada ’40 pa man, ginagamit na bilang marketing strategy ng ilang kompanya sa kanilang mga patalastas ang imaheng homoerotic o ang pagkakaroon ng tila sensuwal na na atraskyon sa kapwa-kasarian (e.g., babae sa babae, lalaki sa babae). Pilit tinatapik nito ang bulnerableng sektor ng queer, lalo na’t sa panahon na discreet o patago pa lamang ang pagiging isang homosekswal. Maging sa Pilipinas, naging mainit din na usapin ang paglabas ng billboard ng Bench noong Pebrero 2015 kung saan nagtatampok ito ng iba’t-ibang uri ng pag-ibig: heterosekswal, filial, at homosekswal2. Ang nasabing “Love All Kinds of Love” billboard ay nadagdagan pa ng kontrobersya noong tinakpan ang kamay ng real-life gay couple na sina Nino Gaddi at Vince Uy at lumaganap ang #PutTheirHandsBack mula sa mga netizen na nagbahagi ng samu’t-saring digitally-enhanced na magkahawak-kamay upang magpakita ng suporta sa dalawang magkatipan.

Bagaman may ilang pagtatangka na palawigin ang espasyo para sa komunidad ng mga queer, hindi maitatanggi na patuloy pa ring pinapagana ang queerbaiting sa ilang babasahin, pelikula, at seryeng Pilipino. Sa katunayan, ginagamit na rin ang pabrikasyon ng romansa sa pagitan ng dalawang aktor/aktres bilang bahagi ng fan service, o pangangapital sa fandom sa pamamagitan ng paghahatid-serbisyo sa nais nilang imahen. Kamakailan lamang, kumakalat sa iba’t-ibang social media platforms ang diumano’y namumuong romansa sa pagitan nina Tony Labrusca at JC Alcantara, ang dalawang pangunahing actor sa “Hello Stranger,” isang BL series sa Pilipinas na magkakaroon ng movie sequel. Nariyan ang magpalitan sila ng pa-kilig na mga komento sa kanilang Instagram accounts, maging mga larawan ng isa’t-isa sa loob at labas ng set. Higit na tinangkilik ito ng masugid na fans ng naturang serye, na patuloy na sinusubaybayan ang off-screen romance ng dalawang aktor. Gayunpaman, hindi nakawala sa mapanuring mata ng ilang kritiko ang lantarang komodipikasyon sa relasyong homoerotiko sa pagitan nina Labrusca at Alcantara. May ilang netizens ang nag-iwan ng kanilang opinyon sa pagganap ng dalawang aktor sa naturang BL series, na ito’y “pilit” at “walang chemistry.” May ilan ding nakapagbanggit na ang producer ng serye ay isang bandwagoning, na sila’y lumikha lamang upang makisabay sa produksyon ng samu’t-saring palabas na may kinalaman sa relasyong queer.

Huling El Bimbo (2019)

Ang “Huling El Bimbo” ay isang musical play tungkol sa kuwento ng pagkakaibigan nina Joy (Gab Pangilinan, Carla Guevara-Laforteza), Hector (Bibo Reyes, Gian Magdangal), Emman (Boo Gabunada, OJ Mariano), at Anthony (Phi Palmos, Jon Santos) sa saliw ng tugtugin ng Eraserheads, isa sa mga kilalang banda sa Pilipinas mula dekada ’90. Ito ay isinulat ni Dingdong Novenario, at idinerekta ni Dexter Santos. Mula Mayo 8-9 ngayong taon, ipinalabas ng libre ang naturang palabas bilang bahagi ng fundraising activity ng ABS-CBN na “Pantawid ng Pag-ibig” upang tulungan ang mga Pilipinong apektado ng enhanced community quarantine.

Naglalaman ng maraming tema na maaaring pag-usapan ang naturang palabas. Isa na rito ay ang katauhan ni Anthony, isa sa apat na matalik na magkaibigan. Sa takbo ng naturang palabas, napag-alaman na si Anthony ay inililihim sa kaniyang ama ang kaniyang pagkabakla dala na rin sa matinding takot nito sa ama. Ang ama rin niya ang naging dahilan ni Anthony upang magkunwaring matikas sa ROTC, kung saan minsan na ring naging military instructor ang kaniyang sariling ama. Bagama’t naipakita ang korelasyon ni Anthony bilang isang kaibigan, hindi naging malinaw sa buong palabas ang representasyon niya bilang bahagi ng komunidad. Sa katunayan, malinaw na ginamit lamang ng produksyon ang kaniyang karakter bilang bakla upang magkaroon ng entertainment value ang palabas. Matatandaan na sa isang parte ng pag-awit ng rendisyon ng musical sa awiting “Pare Ko” ng Eraserheads, ginawang kakatwa ang pagiging malumnay at ang pilantik ng katawan ni Anthony sa pagmartsa. Pati ang kaniyang pagkendeng sa tuwing hindi napapansin ng kanilang instructor ay higit na ikinatuwa ng mga manunuod.

Isa sa mga eksena na lumutang ang queerbaiting sa karakter na si Anthony (Phi Palmos) ay ang rendisyon ng produksyon sa “Pare Ko” ng Eraserheads kung saan ginawang kakatwa ang ilang indikasyon ng pagiging homosekswal ng naturang karakter. (Screenshot: Huling El Bimbo)

Maliban sa pagkawing ng pagiging homosekswal ni Anthony, wala na itong ibang pagkakakilanlan upang maging mainam na representasyon ng kinabibilangang komunidad. Sa inilabas na pag-aaral ni Ng (2015) hinggil sa ispekulasyon ng naratibo ng mga queer, ibinahagi niya ang tatlong pamantayan upang matukoy kung ang palabas ay isang uri ng queerbaiting: (1) ang balidasyon sa pagbasa sa teksto, (2) ang politikal at ekonomikal na kakayanan ng produksyon upang mas mapagtibay ang naratibong queer, at (3) ang kalidad ng kanonikal na naratibong LGBTQIA+ na inilikha. Sa tatlong nabanggit, mas mabibigyang-linaw ang mga sumusunod: [A] walang malinaw na balidasyon bilang homosekswal ang karakter, [B] bagaman may kapasidad ang produksyon na palawigin ang naratibo ng homosekswalidad, ipininid nila ang pintuan at ginawa na lamang kakatwa ang karakter, at [C] malabnaw na representasyong kanonikal ng karakter.

Sakristan (2020)

Ang “Sakristan” ay isang on-going YouTube series mula kay Daryl Yap, ang direktor ng “Jowable” na siyang lumikha rin ng mga kuwestiyunable’t kontrobersyal na online series, kabilang ang “KPL (Kung Puwede Lang)” na nagtampok ng ilang derogatibong opinyon (sa anyong rant) sa iba’t-ibang sektor ng lipunan. Sa loob ng walong webisodes, pinilit talakayin ng “Sakristan” ang perspektiba ng BL sa Pilipinas, at ang tahasang pagbangga sa sekular na sektor sa pamamagitan ng paggamit ng karakter na bahagi ng simbahang Romano Katoliko.

Kuwento ng naudlot na pag-iibigan ni Christian Cordero (John Henry Villanueva) at Zachary Vigo (Clifford Pusing) ang “Sakristan.” Matapos bitawan ng sakristan na si Christian ang pagiging bahagi ng ministry ng Paquito A. Kalibre University (PAK-U), nagkaroon siya ng isang buwang relasyon sa atletang si Zachary matapos niya masalba ito sa pagka-drop out sa PAK-U. Sinubukang itampok ng “Sakristan” ang tipikal na tema ng lipunan: pag-ibig, pamilya, pakikipagkaibigan. Tahasang binuo ng generalisasyon ang mga miyembro ng Kristiyano sa serye, kung saan sa bawat episode ay may iniiwan na pang-uuyam (na binibigkas ni Zachary) hinggil sa diumano’y pangkalahatang gawi ng isang Kristiyano.

Sa unang episode ng “Sakristan,” ipinakita ang magkakaibigang bakla na binibigyan ng pop na panukat kung gaano ‘kasarap i-suck’ (na tila lollipop) ang isang lalaki. (Screenshot: Sakristan)

Lantaran ding ibinuyangyang ng “Sakristan” ang buktot na perspektiba sa isang Pilipinong bakla bilang mga taong hayok sa laman. Sa isang episode (E1: TOUCH-MOVE), ang apat na kaibigan ay humahalinghing sa tuwa habang isinusubo ang dala-dalang lollipop bilang pamilang kung gaano ‘kasarap’ ang isang lalaki. Ang nasabing eksena (na kilala na ngayon bilang ‘pop counter’) ay problematiko dahil iginagayak nito ang mga miyembro ng komunidad bilang sexual predators, isa sa mga buktot na misinterpretasyon ng ilan sa mga Pilipinong homosekswal hanggang ngayon.

Ang produksyon ng “Sakristan” ay malinaw na imahen ng queerbaiting dahil sa halip na magkaroon ng matibay na representasyon ang mga kabilang sa homosekswal na kasarian, isinusukat lamang ang kanilang pagiging “tanggap” na nakadepende sa panlabas na anyo ng karakter. Mapapansin na nasa loob ng naturang serye, hindi patas ang daynamiko ng pagtrato sa mga bakla. Ginawang katawa-tawa ang pisikal na anyo ni La Niña (E4: THICK AND WHITE), malayo sa madaling pagtanggap sa relasyon nina Christian at Zachary (E3: CUERDAS). Patuloy rin kinakapital ng produksyon ng “Sakristan” ang lantarang pabrikasyon ng pagsuporta sa komunidad ng LGBT. Halimbawa nito ay ang paggawa ng rendisyon ng paanyaya ng MTRCB upang magkunwa bilang representasyon sa komunidad ng LGBT gayong sa loob naman ng web series ay tumataliwas dito.  

Muling ibinalik ni Daryl Yap ang buktot na pagtanggap sa mga kabilang sa LGBT sa pamamagitan ng paghingi ng basbas ng sekular na sektor, sa halip na kundenahin ang maling praktikang ito. (Screenshot: Sakristan)

Gayundin, pinili ni Daryl Yap na ilapit ang usapin sa diplomasyang Romano Katolisismo ang web series nang sa gayon ay matugunan niya nang higit ang kabilang dibisyon ng manunuod (E8: AMEN). Sa halip na maging behikulo ang series bilang kanonikal na representasyon ng komunidad ng LGBT, mas pinili nitong bumalik muli sa sekular na pagtingin sa konsepto ng sekswalidad, identidad, at oryentasyon. Hinihingi nito ang basbas ng sekular na sektor (sa pamamagitan ng pagturing sa mga homosekswal bilang bahagi ng ‘anak ng Panginoon’) sa halip na kundenahin ang isa sa matinding punyal sa kasaysayan ng opresyon sa mga Pilipinong LGBT. Higit na idiniin at ipináin ng “Sakristan” ang perspektibo na ang pagiging bakla sa Pilipinas ay dapat hanggang sa kung anomang tolerable sa patriarkal-piyudal at heteronormatibong lipunan. Idinildil ng buktot na produksyon ni Yap ang matinding stigma, isang punyal na siyang nagpapahirap sa buhay ng bawat Pilipinong LGBT: na sila’y hindi pa rin tinatanggap sa kung anoman sila, na sila’y idinaraan na lamang sa pagpapasensiya ng lipunang hindi sila maunawaan.

Higit sa kinang ng pinilakang tabing, malaki ang epekto ng [mis]representasyon ng LGBTQIA+ sa panitikan, sining, at maging sa midya sa pagtanaw ng direksyon sa kung saan patungo ang patuloy na paglaban sa pantay na karapatan at proteksyon sa diskriminasyon sa komunidad ng LGBT. Ang manipestasyon ng mga problematikong produksyon ni Daryl Yap sa mainstream ng sangka-Pilipinuhan ay nagpapakita lamang ng malayo-layo pang tatahakin upang tuluyan nang makawala sa pagkakapáin ng mga oportunista ang mapait na danas ng mga buhay at kasaysayan ng bawat Pilipinong LGBT na kani-kaniyang panahon.

Pagkawala sa Páin ng Opresyon

Kibit-kibit ng komunidad ng LGBT ang matinding stigma sa kanilang ginagalawan na lipunan. Ang mga masugid na tagahanga ng mga produksyon na mula sa queerbaiting ay maaaring ituring na complicit, na tinutulungan nila ang mga opresibong manlilikha at producer na pagsamantalahan ang identidad, sekswalidad, at oryentasyon ng isang queer. Kaya naman labis ang pagtawag ng pansin ng ilang progresibong sektor sa ilang manunulat at manlilikha na patuloy na kinakapital ang identidad upang magkaroon ng reporma sa pagpapabuti ng representasyon sa naturang komunidad. Bahagi ng aktibismo ang paghahangad ng diskurso, lalo na’t ang intensyon ay upang magkaroon ng mas mainam na representasyon hindi lamang sa komunidad ng LGBT kundi pati na rin sa publiko. Malaki ang naitutulong ng representasyon ng LGBTQIA+ sa panitikan, sining, at midya dahil dito nagkakaroon ng sistematikong produksyon ng kultura. At ang kultura, upang hindi maging mapaminsala sa hinaharap ay kailangang ayusin sa kasalukuyan na ang sandigan ay ang kasaysayan.

Patuloy ang pagtawag ng pansin ng mga progresibong grupo’t aktibista sa Pilipinas upang mabigyan ng espasyo ang komunidad ng LGBTQIA+ para sa kanilang kaligtasan, kalayaan, at karapatan. (Larawan: Reuters)

Sa pagbabaybay ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng teksto at parateksto na nahihinuha mula sa mga naratibong ipinepresenta sa manunuod, nabibigyang-linaw ang dislokasyong nararanasan ng mga miyembro ng queer community (Aguas, 2018). Isinalarawan ni Heather Love sa “In Feeling Backwards: Loss and the Politics of Queer History” ang kontemporanyong karanasan na ito bilang “kakaibang sitwasyon ng ‘pagtingin sa hinaharap’ habang tayo [queer] ay ‘pagdaramdam sa nakaraan.’ Para kay Love, mailalarawaan ang ‘pagdaramdam sa nakaraan’ sa pagkapit sa kasaysayan, kung saan nakatala sa tala nila ang sakit na naranasan dahil sa “historikal na imposibilidad na mahalin ng kapwa-kasarian.” Ito ang pait na nakatala sa kasaysayan ng bawat kabilang sa komunidad ng queer na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nilang nararamdaman.

Kaya naman, labis ang pagtawag ng pansin ng ilang progresibong sektor sa ilang manunulat at manlilikha na patuloy na kinakapital ang identidad upang magkaroon ng reporma sa pagpapabuti ng representasyon sa naturang komunidad. Maliban sa paglulunsad ng malawakang kilos-protesta para sa pagtawag-pansin sa karapatan ng mga homosekswal, patuloy silang pag-oorganisa upang mabigyan ng hustisya ang bawat biktima ng opresyon sa kamay ng lipunang anti-LGBT.

Mula nang magkaroon ng malawakang pagko-call out sa mga manunulat, direktor, at producer na gumagamit ng queerbaiting, unti-unting napapabuti ang representasyon ng komunidad sa publiko. Sa katunayan, ang mga palabas mula sa Netflix ay sinusubukang baguhin ang viewing landscape sa pamamagitan ng pagbibida ng mga katangi-tanging karakter na may hindi nalilimitahan ang pagkatao sa kung anomang perspektibo sa kaniyang identidad. Sa Pilipinas, may ilang umuusbong na rin na Youtube series (katulad ng “AL+ER” at “Gameboys”), maging mga pelikula (katulad ng “Die Beautiful”) na naglalayong bigyan ng mas malawak na representasyon ng Pilipinong LGBT.

Masyado nang durog at wasak ang puso’t isipan ng bawat kasapi ng komunidad ng LGBT—at patuloy silang nayuyurak sa bawat paggamit sa kanila bilang páin, na huwad ang pagtanggap sa kanila’t pinapanatili lamang sila tolerable upang hindi masira ang impresyon ng mga heteronormatibo’t homopobiko. At ang tanging paraan upang maipagsatibay ang lipunang bahagi ang LGBT na higit pa sa representasyon ay ang sama-samang pagbuo ng naratibong higit na malakas at matibay—nang sa gayo’y hindi na muling maging páin ninoman.

[1] Idinagdag ng kolumnista ang karagdagang impormasyon hinggil sa limang taon nang pag-usad ng Jennifer Laude murder case. Maliban sa pagbigay ng pardon ng presidente nitong ika-7 ng Oktubre (anim na araw mula nang lumabas ang komentaryong ito), napag-alam din na sinubukang abutan ng pinansyal na ganansya ang pamilya ni Laude upang tuluyan nang isara ang kaso.
[2] Mula sa orihinal na artikulong “BENCH ADVERTISMENTS: PAANO NILA NAKO-COMMODIFY ANG LGBT COMMUNITY?” ni Maria Kristelle C. Jimenez na mababasa sa Medium account ng Kadlit Press.

Sanggunian:

Brennan, Joseph. Queerbaiting And Fandom: Teasing Fans Through Homoerotic Possibilities. University Of Iowa Press, 2019, pp. 2, 3, 25, 27, 41, 42.

Fathallah, Judith. “Moriarty’s Ghost: Or The Queer Disruption Of The BBC’s Sherlock”. Television & New Media, vol 16, no. 5, 2014. Sage Journals, doi:10.1177/1527476414543528.

“Just Let Us Be: Discrimination Against LGBT Students In The Philippines”. Human Rights Watch, 2017, https://www.hrw.org/report/2017/06/21/just-let-us-be/discrimination-against-LGBTQIA+-students-philippines.

Mosbergen, Dominique. “The Dangers Of Being LGBT In ‘Tolerant’ Philippines”. Huffpost, 2015, https://www.huffpost.com/entry/LGBTQIA+-philippines_n_5614f92fe4b021e856d2d870.

Ng, Eve. “Between Text, Paratext, And Context: Queerbaiting And The Contemporary Media Landscape”. Transformative Works And Cultures, vol 24, 2017, doi:10.3983/twc.2017.917.

Stuart, Hall. Representation: Cultural Representations And Signifying Practices. Sage Publications, 1997.


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang associate editor sa Filipino ng Revolt Magazine. Ang hapót-simbág ay ang kauna-unahan niyang lingguhang komentaryo, analisis, at rebyu hinggil sa lipunan at kultura. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Marya sa Minds at MeWe.

Republika ng Pantasya: Pabrikasyon ng Pangarap ng Sangka-Pilipinuhan

N itong Martes lamang, naglipana ang shared posts mula sa opisyal na Facebook page ng Harvard University. Ang mga nasabing paskil ay mula sa Filipino netizens na nagbabahagi ng diumano’y karanasan nila sa pag-aaral mula sa naturang unibersidad: mula sa pakikilipat sa dormitoryo, pakikibasa sa damuhan, pakikitambay sa quadrangle, pakikilangoy sa ilog, pakikialaga ng pusa, at maging pakiki-jowa sa isang Harvard student. Umaabot hanggang Twitter ang naturang insidente, at kasalukuyang nasa Trending topic pa rin ang “Harvard” sa Facebook at Twitter. Tinagurian ang online presence na ito bilang pangha-hijack ng mga Pilipino sa Harvard University—at naglapat ng iba’t-ibang konotasyon sa social media etiquette ng mga Pilipino.

Likas sa mga Pilipino ang maging masiyahin, at nakaukit na sa pop culture ang paghahanap ng kakaibang mukha ng ‘entertainment’ na marahil, malayo sa nakagisnang kultura ng ilang kapwa-Pilipino at ng ibang nasyon. At ang kulturang ito, binubuksan ng sangka-Pilipinuhan sa publiko sa pamamagitan ng social media. Ilang YouTube channel na nga ba ang gumagawa ng prank videos? Ilang views na ba sa Tiktok ang nakalap mula sa mga sumasayaw na kung baliko ang magkabilang paa, nasobrahan naman sa pag-arko ng balakang at baywang? Ilang memes na ba sa Facebook na kumukuha ng larawan ng kung sinoman at gagawin itong katawa-tawa?

Hindi nauubusan ng balon ng pagkukuhanan ang mga Pilipino sa pagbuo ng kanilang kasiyahan—kahit madalas—ito’y sumasagasa na espasyong hindi umaakma sa reyalidad. At ngayong nasa gitna ang sangka-Pilipinuhan ng global na pandemya, patuloy pa rin ang paggamit ng kasiyahan bilang behikulo ng pagtakas. Idinadaan ng mga Pilipino sa pagbuo ng bagong dimensyon—na ang problema’y puwedeng idaan sa pagtawa.

Hindi nauubusan ng balon ng pagkukuhanan ang mga Pilipino sa pagbuo ng kanilang kasiyahan—kahit madalas—ito’y sumasagasa na espasyong hindi umaakma sa reyalidad.

—Maria Kristelle Jimenez

Malinaw sa ngayon na ang Pilipinas bilang bahagi ng ikatlong daigdig, ay patuloy na magiging biktima ng manipestasyon ng hyperreality, o ang pagkawala ng kakayahan na unawain ang pagkakaiba ng reyalidad at ang digital na mundo. Nakarating na sa sukdulan ang espasyong binuo mula sa buktot na konsepto ng resilience, o ang sikolohikal na pagkokondisyon na manatiling positibo sa kabila ng anomang dagok sa buhay. Hindi na kayang punan nito ang iba pang espasyong ibinigay ng pagtitiis ang pangangailangan ng mga Pilipino na magkubli’t magkibit-balikat.

Ngayon na ang pangunahing pundasyon ng mga Pilipino ang sala-salabit na pabrikasyon ng mga pantasya sa mundo ng social media—saan na nga ba patungo ang Pilipinas?

Pagpapantasya bilang ‘artifact’

Ang konsepto ng pagbuo ng pantasya (fantasy-production) ay umiikot sa ideya ng pabrikasyon ng isang tao/bayan ng kondisyon, sitwasyon, at iba pang aspekto upang makamit ang ninanais na paglaya sa kasalukuyang kondisyon. Ang Pilipinas, bilang bahagi ng ikatlong daigdig, ay nabubuhay sa pagbuo ng kani-kaniyang pagpapantasya. (Larawan: Denniz Futalan mula sa Pexels)

Ang pagpapantasya o pagbuo ng dream[scape] ay isa paraan ng pabrikasyon ng isang tao/bayan ng kondisyon, sitwasyon, at iba pang aspekto upang maabot ang ninanais na imahen. Madalas, ginagamit ang pantasya upang makawala sa masalimuot na reyalidad ng buhay—o ang magkaroon ng panandaliang pag-alpas.

Katulad ng nabanggit ni Marius D. Carlos, Jr. sa kaniyang sanaysay na “Pantasya sa Bayan kong Tingi-tingi,” ang buong bayan ay may kakayahang sumailalim sa pagpapantasya, at ito ay makikita sa iba’t-ibang cultural artifact—kabilang ang social media. Maliban sa insidente sa Harvard University kamakailan, may mas mahabang talâ ng kasaysayan ng paggamit ng mga Pilipino sa social media bilang behikulo ng pagpapantasya. Mula sa pangangarap na maging bahagi ng isang mayamang pamilya, o ang pagkakaroon ng magagandang artista bilang katipan, o hanggang sa maging asawa ang isang fictional character mula sa ilang babasahin—tila nakonsumo na ng mga Pilipino ang lahat ng posibleng manipestasyon ng pagpapantasya sa panahong digital.

[M]ay mas mahabang talâ ng kasaysayan ng paggamit ng mga Pilipino sa social media bilang behikulo ng pagpapantasya.

—Maria Kristelle Jimenez

Sa aklat na “Modernity at Large: Cultural Dimensions of Globalization” ni Arjun Appadurai, ibinahagi niya ang obserbasyon hinggil sa masidhing pagnanais ng mga Pilipino na gayahin ang kultura ng mga kano: mula sa musika, pananamit, tradisyon, at iba pang artifact ng pagiging Amerikano. Aniya, ang Pilipinas ay isang nasyon ng “nagkukunwang Amerikano, na pinaninindigan ang pagtutog ng piano ng isang Filipina sa kabila ng paglawak at pagkabulok ng barung-baro ng Kamaynilaan.”

Maliban sa pabrikasyon o pamimirata ng kulturang Amerikano, ang ibang nasyon din ay pinaghuhulmahan ng mga Pilipino upang mabuo ang kanilang identidad. Ang dating American dream, o ang pagnanais na magkaroon ng buhay-Amerikano ng mga kabataan noong dekada ’80 hanggang dekada ’90 ay kapit-kapit pa rin ng kasalukuyang henerasyon. Ngunit sa halip na ang kanluraning kultura ang kanilang ginagaya, ang kultura mula sa kapwa Asyano naman ang sa ngayo’y kinawiwilihan. Narito ang bumuo ng mga cosplay upang makatulad ang mga paboritong anime characters; o ang gayahin ang porma, pagsayaw, at pag-awit ng mga hinahangaang Korean(o/a); o ang humalintulad sa paraan ng pagme-makeup ng ilang female Chinese online influencers.

Pabrikasyon ng identidad

Tuluyan nang naging bahagi ng pagka-Pilipino ang kultura ng pagbuo ng iba’t-ibang pabrikasyon ng identidad. Sa panahong digital, marami nang direksyon ang pinatutunguhan ng mga fake accounts, dummy accounts, at political trolls upang isagawa ang mga ninanais na pantasya. (Larawan: Kaique Rocha mula sa Pexels)

Ang pabrikasyon ng identidad, sa ngalan ng pagsasakatuparan ng mga pantasya ay tuluyan nang naging bahagi ng sangka-Pilipinuhan. Hindi na lamang ito nakakubli sa mitos, sa konsepto ng kabanalan, at sa iba pang espasyo ng kaisipang subersibo. Nabanggit ito ng kritikong si Neferti Xina Tadiar sa kaniyang librong “Fantasy Production: Sexual Economies and Other Philippine Consequences for the New World Order,” kung saan ang imahinasyon ay naging gitnang puwersa ng paglikha ng bagong hugis ng lipunan. Sa madaling sabi, ang lipunang puno ng pabrikasyon at pagpapantasya ay naging bahagi hindi lamang ng espasyong digital ng mga Pilipino—ngunit lalong higit sa kanilang pisikal na kaisipan.

Dahil ang totoo, ang Pilipino ay nanatili pa ring nakatali sa imahen ng isang bansang inangkin ng kolonyalismo’t kaisipang piyudal—na ang mga Pilipino ay hindi makakawala sa pagiging isang indio, mga taong lulong sa pang-aalipusta’t itinuturing na itong bahagi ng kanilang pagkatao.

—Maria Kristelle Jimenez

Maituturing ang Pilipinas bilang isang nasyon ng hindi-makawalang konsumer ng pangangapital ng iba’t-ibang hugis ng kani-kaniyang pangarap. Dahil ang totoo, ang Pilipino ay nanatili pa ring nakatali sa imahen ng isang bansang inangkin ng kolonyalismo’t kaisipang piyudal—na ang mga Pilipino ay hindi makakawala sa pagiging isang indio, mga taong lulong sa pang-aalipusta’t itinuturing na itong bahagi ng kanilang pagkatao. Na hanggang sa kasalukuyan, ipinagkakait pa rin ng Pilipino sa kaniyang sarili na magkaroon ng sariling identidad—kahit may kapasidad itong bumuo ng sariling pagkakakilanlan. Hindi nila kayang pakawalan ang pagpapantasya na maging matagumpay at maunlad katulad ng unang daigdig; dahil sa isang sulok ng kanilang isipan, tuluyan na nilang isinuko ang nalalabíng piraso ng kanilang pagka-Pilipino.

Nabigyan ng social media ng bagong lipunan ang sangka-Pilipinuhan: lipunang puno ng mga pagbabalat-kayo ng mga tao, naliligiran ng pagkarami-raming pangarap na hindi maibatid sa reyalidad.

Paglikha ng lipunang hyperreal

Unang binanggit ni Jean Baudrillard sa kaniyang libro na “Simulacra and Simulation” ang konsepto ng hyperreality. Ayon kay Baudrillard, nalalapit ang konsepto ng hyperreality sa depinisyon ng Simulacrum—o ang anoman na nagpapalit sa reyalidad sa pamamagitan ng representasyon. Sa hyperreality, ang pumapalit sa kumbensyon ng totoong mundo ay ang espasyong ibinibigay ng social media at teknolohiya—ang pagbuo ng iba’t-ibang larawang humihiwalay sa reyalidad. Mula sa simpleng pagtatanggal ng nunal sa larawan sa tulong ng Photoshop—hanggang sa komplikadong proseso ng pagbuo ng dummy accounts, ang hyperreality ay tumutulay sa pagtugon sa imahen ng binubuong reyalidad.

Ayon kay Baudrillard, nalalapit ang konsepto ng hyperreality sa depinisyon ng Simulacrum—o ang anoman na nagpapalit sa reyalidad sa pamamagitan ng representasyon. Sa hyperreality, ang pumapalit sa kumbensyon ng totoong mundo ay ang espasyong ibinibigay ng social media at teknolohiya—ang pagbuo ng iba’t-ibang larawang humihiwalay sa reyalidad.

—Maria Kristelle Jimenez

Dala na rin ng tuluyang pagsakop ng digital na kumbensyon sa kombinasyon ng lipunan, hindi na maipag-iba ang katotohanan sa hindi. Dahil sa teknolohiya, at sa kakayahang bumuo ng larawan at lente sa kung anomang ibig ng kumokontrol sa media, nagkakaroon ng paghihiwalay sa totoo (real) at sa huwad (unreal).

Dito nagmumula ang konteksto ni Baudrillard matapos niyang ilabas ang tatlong sanaysay hinggil sa hindi naganap na Gulf War, na kinuwestiyon ng kaniyang kapwa-kritiko at maging ng mga mamamahayag. Pagdidiin ni Baudrillard, ang reyalidad na binabahagi ng media hinggil sa konsepto ng giyera at anomang sigalot ay siyang nagpapabago sa tunay na imahen nito.

Ang malinaw na halimbawa ng konsepto ng hyperreality ni Baudrillard ay ang manipestasyon ng dalawang uri ng paglelente ng larawan sa ginanap na Saturnday Night Rally sa Tulsa, Oklahoma noong Hunyo. Sa itaas na bahagi, ipinapakita na imaheng mula kay Trump na ito’y punong-puno ng mga supporter. Ngunit, nagawa itong gapiin ng mas maraming larawan upang tanggalin ang huwad na imahen na ipinapakita ng media na nakapanig kay Trump. (Mga Larawan: Chicago Tribune [itaas] at Business Insider [ibaba])

Maikukumpara ang teorya ni Baudrillard sa kumakalat na larawan ng mga bakanteng upuan noong isinagawa ni USA President Donald Trump ang kaniyang Saturday Night Rally sa Tulsa, Oklahoma noong Hunyo. Taliwas ito sa ipinapakitang imahen ng reyalidad mula kay Trump, na diumano’y umaapaw ang naturang coliseum ng sumusuporta sa kaniya. Sa katunayan, pinagmukhang puno at halos walang maupuan ang isinagawang political rally sa pamamagitan ng pag-anggulo sa mga mataong bahagi ng mga upuan. Ngunit, nagawang gapiin ang binubuong naratibo ng administrasyon nang magsimulang magsipaglabasan ang mga video ng walang-laman na area, mga larawan ng pagtanggal ng outdoor stage dahil sa limitadong dumalo, at mga paskil na nagpapakita ng kabaligtaran sa pahayag ng administrasyong Trump.

Hindi maitatanggi na malaki ang kagampanan ng teknolohiya’t internet sa kasalukuyang lipunan, lalo sa panahon ng bagong normal at ang lahat ay nakasandig sa work from home at pagsasa-digital ng mga trabaho upang malimitahan ang mga pisikal na interaksyon. Gayunpaman, isang malaking dagok ang muling haharapin ng mga nasyon sa oras na bumuo ng mas maraming baryasyon ng mga identidad sa loob at labas ng social media, na mag-uungkat ng kombinasyon ng makabagong lipunan: ang lipunang hyperreal.

Paano na nga lamang ba haharapin ng sangka-Pilipinuhan ang patuloy na pag-angkin ng digital na panahon—gayong nakabaon pa rin ang buong bansa sa malalim na hukay mula sa dantaong epekto ng pasismo, kolonyalismo, globalisasyon, at ng espasyong politikal?

Pilipinas sa panahon ng hyperreality

Sa kasalukuyang kondisyon ng nasyon ng Pilipino sa panahong digital, nagawa nitong lumikha ng bagong kombinasyon ng identidad sa pamamagitan ng social media. Nagkaroon ng iba’t-ibang kumbensyon ng pagkatao ng Pilipino na makikita sa mundo ng internet. (Larawan: Markus Spiske mula sa Pexels)

Maaaring sabihin na naging kasangkapan ang internet at iba pang kagamitang digital sa paglikha ng kombinasyon ng identidad ng mga Pilipino sa social media. Sa kasalukuyang kondisyon ng nasyon ng Pilipino sa panahong digital, nagawa nitong lumikha ng bagong kombinasyon ng identidad sa pamamagitan ng social media. Nabigyan ng panibagong dimensyon ang mga Pilipino na bumuo ng iba’t-ibang hugis ng hyperreality, o mga kumbensyon na pilit inilalapit ang magkahiwalay na mundo ng reyalidad at birtwal.

Isa sa malinaw na halimbawa nito ay ang paglawak ng pagbuo ng role playing accounts, kung saan sa tulong ng social media ay maaari mong isabuhay ang nais mong karakter mula sa anime, pelikula, teleserye, libro, at iba pa. Halimbawa nito ay ang Senyora, isang sikat na Facebook page sa Pilipinas. Ginamit ng naturang page ang identidad ni Chantal Andere, na gumanap bilang Angelica Santibañez sa Mexican telenovela na “Marimar,” isa sa mga tinangkilik na palabas sa Pilipinas.

Umabot ang pagbuo ng role playing accounts sa puntong bumuo ito ng huwad na impresyon sa ilang personalidad. Nitong Abril lamang, ibinahagi sa publiko ng Twitter handler ng @IamEthylGabison na ito’y hindi personal na pag-aari ng komedyanteng si Ethel Booba. Higit na ikinadismaya ng mga follower ng fake account ang pag-amin ng naturang komedyante na hindi mula sa kaniya ang political tweets kontra kay Duterte, at siya ay supporter ng kasalukuyang administrasyon.

Maliban sa pagbuo ng kakaibang kultura ng ‘entertainment’ sa social media, naging pedestal na rin ng mga Pilipino ang social media upang sumailalim sa mala-habambuhay na pagkukunwa. Nawalan na ng dahilan ang sangka-Pilipinuhan na kumawala sa tanikala ng pagpapantasya, at sa halip ay mas ibinaon pa nila ang sarili dito.

—Maria Kristelle Jimenez

Ginamit na rin ang samu’t-saring fake accounts sa pagbuo ng political troll. Sa komentaryo ni Jay-ar Paloma na “Doxxing Behind Dummies: A Dramaturgical Analysis of the Digital Culture Wars in Online Communities,” inilarawan niya ang mga dummy account bilang bahagi ng faceless majority, o kalipunan ng mga tao na nagkukubli sa huwad na katauhan sa social media upang maminsala ng kapwa. Sinusugan ito ni Micah Corin Salonoy, kung saan binanggit sa komentaryo niyang “Faith to the Fate: The Rise and Fall of 21st Century Philippine Literature” ang pagkukubli ng identidad ng ilang social media profiles upang maisakatuparan lamang ang pantasya nila na mabigyang-proteksyon ang mga hinahangaang manunulat ng problematikong sulatin.

Maliban sa pagbuo ng kakaibang kultura ng ‘entertainment’ sa social media, naging pedestal na rin ng mga Pilipino ang social media upang sumailalim sa mala-habambuhay na pagkukunwa. Nawalan na ng dahilan ang sangka-Pilipinuhan na kumawala sa tanikala ng pagpapantasya, at sa halip ay mas ibinaon pa nila ang sarili dito.

Sa pagbuwag sa republika ng pantasya

Bahagi na ng artifact ng pagka-Pilipino ang kaganapan ng spectacle: nasa ilalim na tayo ng siglo ng pang-aangkin ng birtwal na mundo sa kaisipan at katauhan ng mga Pilipino. Hindi na magawang mapag-iba ninoman ang mga iniikutang mundo, lalo na sa panahon ngayon na tila sa social media na lamang nagkakadaupang-palad ang bawat isa. Ang mga Pilipino ay naging alipin ng sarili nitong bangwa: mga taong may pangalan ngunit huwad ang pagkakilanlan. Umabot na ang lipunang Pilipino sa puntong ikinakabit na ng nasyon ang depinisyon ng sarili sa prestihiyosong paaralan, sa mamahaling brand ng damit, sa mga kagamitan na ‘pang-yaman’, sa mga pangalan na ‘tunog may-kaya.’ Ito ay naging imahen ng mga birtwal na pangarap, na hanggang sa pagpapantasya na lamang kayang maiabot.

May kakayahan pa nga ba ang republikang nabuo sa pantasya na kumawala’t lumaya?

[S]a pagbuwag natin sa republikang natatag ng salinlahi ng pantasya, kailangan ng kolektibong pagtugon hinggil dito.

—Maria Kristelle Jimenez

Siguro, kailangan pang lawakan ang pagsusuri upang mabigyan ng kasagutan ang tanong na ito. Pahapyaw na nagagap man ng aking komentaryo ang nasabing phenomenon, hindi pa rin sapat ito upang makapagbahagi ng solusyong aakma sa naturang kondisyon. Ngunit, gustong kong tapusin ang unang bahagi ng aking komentaryo na may kalakip na pag-asa: na sa pagbuwag natin sa republikang natatag ng salinlahi ng pantasya, kailangan ng kolektibong pagtugon hinggil dito.

Kailangan nating magkaroon muli ng pag-asa para sa ating bayan—na kung magkakaroon ng mas mainam na kondisyong tugma sa pangangailangan ng lahat—hindi na kailangang ikulong ang sangka-Pilipinuhan sa maraming taon ng pagpapantasya.


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang creative director ng Revolt Magazine. Ang hapót-simbág ay ang kauna-unahan niyang lingguhang komentaryo, analisis, at rebyu hinggil sa lipunan at kultura. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Marya sa Minds at MeWe.