Tumbas Manipis: Mga Pesteng Tala sa Panahon ng Pandemya

Sa buong panahon ng pandemya gawa ng pesteng SARS-COV-2 ay patuloy akong nagmamatyag sa paligid at bilang manunulat at habang nagkakape ay tumbas manipis na nagtatala ng mga kuning-kuning, mga cheche-bureche, for whatever it is worth, sabi pa sa wers-wers Inglis, marahil upang mabawasan ang bagahe ko sa puso at isip nitong panahon ng kabalisahan sa buong paligid, marahil upang makapagpagaan ng pakiramdam at kalooban, makakiliti ng diwa o simpleng makapagdulot ng ngiti at saya sa makakabasa sa Facebook o sa text na aking pinapadala sa mga kaibigan at kakilala. Heto ang pinakahuli kong “Mga Pesteng Tala sa Panahon ng Pandemya.”

Mga patay na tanawin

Kahapon, mag-aala-singko ng hapon, bunsod ng kati ng aking mga paa na ilang araw na nakatengga sa loob ng bahay, ay muli kong binaybay ang mga pangunahing lansangan ng lungsod ng Lucena.

Wala akong dala kundi maliit na notbuk at libro kung saan nakaipit ang aking Q-Pass na nagsasaad na Martes pa ang takdang araw ko ng paglabas ng bahay pero sumagsag na rin ako at may kakatagpuin sa bayan na isang karaket sa pamamahayag.

Ulila ang buong paligid sa aking banayad na paglalakad, at ganap na tahimik sa hagibisan at angilan ng mga sasakyan ang mga pangunahing kalsada ng Merchan, Enriquez, Juarez, San Fernando, M. L. Tagarao, at siyempre, ang kahabaan ng Quezon Avenue: magmula parke ng kapitolyo hanggang McDo.

Ilang mga barikada o harang at checkpoints sa mga sangangdaan ang aking nadaanan at natanaw sa di kalayuan. Pitik-pitik ng aking selpon kamera. May mga dalawa-tatlong nakatanod sa kanilang kampanteng pagkakaupo. Bibihira ang taong aking nakakasalubong sa mga oras na iyon na palubog na ang araw, at pag may nakakasalubong ay andap na umaagwat at halatang nag-iiwasan. ‘Pag nagkatinginan sa mga mukhang natatakpan, may mga matang wari’y kagyat na nanunuri, kinukutuban.

Mga sarado ang karamihan sa mga tindahan at ang ilan-ilang bukas gaya ng 7Eleven, Southstar Drugstore, Jollibee, McDo, Petron, ilang grocery at bakery ay halos walang kabuhay-buhay; ‘di gaya ng nakaraang buwan nang ‘di pa nilalagnat sa COVID ang buong paligid na laging dumog ng mga parukyano. Ngayon, kapansin-pansin ang distansiya ng bawat isa sa pila at halos paanas kung magsipagsalita.

Ipinasya kung pumasok sa loob ng 7Eleven sa tapat ng katedral upang bumili ng ilang personal na pangangailangan. Sa bungad ay may nakalaang alkohol at kailangan mong magpasirit sa kamay. Ilan lang ang namimili at may maaninag na plastik sa harap ng kahera at kung magbabayad ka ay ilulusot mo ang iyong kamay sa kaukulang butas. Magloload sana ako sa GCash pero offline ang kanilang Cliqq machine.

Bitbit ang nabili, lumabas na ako at tinumbok ang daan pauwi habang papitik-pitik muli ng aking selpon kamera sa mga patay na tanawin na nalalambungan ng anag-ag ng dilaw ng naghihingalong sikat ng araw.

Banal na pagpapahayag

Day 32 na ngayon mula ng lockdown. At, ‘pag tumagal pa ‘to ay baka magsimula na ang aking “Banal na Pagpapahayag” sa tapat ng Save More.

Payt lang

Laganap ang kabalisahan at mga kuning-kuning dahil sa COVID-19: mga conspiracy theories, paradigm shifts, new normal, end of globalisation, zombie domination, etc.

Pero tatayo ka, dudungaw sa bintana at may dadaan na nagtitinda ng isdang alumahan, at titingala ka, sa itaas may lumilipad at umuugong na saranggola.

Ta’s muli kang mapapaupo at sa loob ng inyong bahay ay maghapon ka nang ganyan.

Ayos lang.

Simula na naman ng isang linggo mong pag-ibig at pakikipagsapalaran sa kawalan hanggang ewan.

Payt lang.

Talong bilang tulong

Buti pa ang mga bayotik na ‘baklayners’ sa bayan ng Gumaca sa Quezon province at basta namigay daw ng talong bilang kanilang tulong sa mga needy people. Kunsabagay, parang ang mantra nila: “Sa panahon ng COVID, huwag mahihiyang magtalong.”

Sigaw sa gitgitan ng pila ng ayuda

Sa isang gitgitan ng pila sa ayuda biglang umayos ang distansya nang may sumigaw:

“Huwag po magsiksikan at lahat naman ay magkakaroon ng COVID!”

Parteng nakakaiyak sa “spitz” ni Tatay Digong

Sa parteng ito daw ng Spitz ni Tay Digong dito ang mga DDS gusto maglupasay ng iyak:

“Gusto ko pag-alis ko, makita ng tao ‘yong pera. Kaya lang, wala na kayung makita kung magtatagal pa itong krisis na ito. Medyo nauubos na talaga. ‘Pag naubos na rin—ako prisidinti inutil na ako, wala na akung magawa—at wala na akung maibigay sa inyi—wala na akong pangbili—magkikita na lang tayo d’yan sa Rizal Park—diyan mismo sa flag ni Rizal, magbigti na lang ako! Wala akong magawa—marami nang patay—maraming umiiyak tapos ako ‘yong prisidinti, at wala na rin akung magawa.”

Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang madamdaming “Spitz to the Abang Nation.”

Gusto magrekwest ng social distancing

Mahirap daw talaga sa lugar nila ang mga tao at marami ang halos ‘di nakapag-aral. Kaya gusto niya na magrekwest sa kinauukulan na pagkalooban sila ng tinatawag na “social distancing.”

Papasama na ang lockdown

Habang natagal daw itong lockdown ay papasama na, at talagang ang tingin niya sa aso nila ay ‘yong kanyang ex na atat na niyang balikan.

Ganap sa loob ng bahay

Sabi ng isang mama, ‘di daw naman pala nagpabaya ang madlang pipol sa Pinas. At kahit may lockdown at social distancing, ay may malaganap at mahiwagang ganap sa loob ng bahay na wari’y pambawi sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

NEWS ITEM: Coronavirus lockdown could lead to 214,000 extra babies in the Philippines

Hindi naka-quarantot

Napahalikhik naman ako du’n sa nasagap ko sa isang pabibong bebot na ‘di raw siya nag positive sa COVID-19 test kahapon, at ‘di rin nag positive sa pregnancy test.

Kaya daw pala, e dahil ‘di naman siya naka-quarantot.

Higit pa sa lockdown

Himutok ng isang tinedyer: “Higit pa sa lockdown, home quarantine, at social distancing ay dumagdag pa ang kawalan ng load sa selpon.”

‘Di halatang panget ka 

Sa panahon ng pandemya, advantage daw ‘yong may facemask ka na, may faceshield ka pa.

‘Pag ganyan daw, ‘di halatang panget ka.

Saan gagamitin sa panahon ng social distancing?

May mga Facebook post talaga na halos buong komunidad ang pasalamatan at kulang-kulang na lang yumukod sa buong santinakpan sa blessing at kagalakan dahil lang sa panahon ng COVID-19 pandemic ang kanyang panganay na lalaki, at last, ay binata na daw at naglakas-loob pang magpatuli.

Ang tanong: Saan gagamitin sa panahon ng social distancing kahit saan ngayon sa ating Bayang Magiliw?

Walang bisa sa magagandang lalaki

May vaccine daw sa COVID-19 na lalabas na posibleng walang bisa sa magagandang lalaki.

‘Tang ina, kung mamalasin naman talaga!

Pagtitig sa kawalan

Isang lalaking Indonesian ang basta nag-upload ng video ng sarili niya sa YouTube.

Walang ginagawa kundi tumitig sa kawalan ng mahigit dalawang oras at siya’y pinagkaabalahan ng mahigit 3 million viewers.

Sisiw yan sa Pinas na sa panahon ng pandemya!

Ang daming Pinoy na naging propesyunal sa pagtitig sa kawalan.

Atat magsanib

Daming nag-aabang sa planong pagpaliit ng agwat daw sa physical distancing sa pagluwag pa ng quarantine level sa bansa. Kabilang sa mga nag-aabang, lalo na, ay etong mga mag-jowang atat nang magsanib ang mga katawang lupa.

Sa fake white sand beach

Dagsa ang mga taong bano sa fake white sand beach ng Manila Bay at may isang hayup do’n na nagsisigaw:

“O dikit-dikit, para lahat cremate!”

Kapeng pampurga

Basta sa mga sandaling pinupuksa ka ng pag-aalala…

Heto ang isang tasa ng kapeng mabisang pampurga.

Puwedeng closer?

‘Di naman komo pandemya at maintain daw ‘yong one-meter physical distancing ay ‘di na tayo puwede maging closer. Anobanaman.

Nag-zumba parang mga zombie

Siguro nasa mga huling yugto na tayo ng panahon at yung nakita kong mga nag-zumba kaninang umaga ay kung gumalaw parang mga zombie.

Suspect and stupid

Any proposal to postpone elections in 2022 because of COVID is suspect and stupid. The Constitution clearly mandates that presidential election must be conducted every 6 years. Mindless fear of COVID is the stupidest reason not to fulfill a constitutional mandate. Other countries have already conducted their elections despite COVID raging in their midst.

Alimpungat

‘Yong pagdepensa ngayon ni Tatay Digong sa United Nations General Assembly tungkol sa desisyon ng The Hague Tribunal sa West Philippine Sea ay senyales na kaya ito ng alimpungat at pagtuwid ng turnilyo sa utak ng pangulo? ‘Di na kaya niya ihian lang ang COVID-19 at hugasan ng gasoline ang facemask?

Na-red flag dahil na-red tag

Na-red flag pala ang military sa Facebook dahil niri-red tag nito ang kung sinu-sinong “pasaway” daw sa gobyerno.

‘Di na Facebook

Bo-boycott-in yata ng mga DDS ang Facebook dahil galit si Tatay Digong.

Sige, kung ganu’n, Facemask na lang kayo.

Marka Demonyo, Jose Lazir 

May aklat ng tula si Supreme Lourd de Vera na pinamagatang “Marka Demonyo” na matinik na nirebyu ng manunulat na si Alma Anonas-Carpio at may surrealistang guhit na “Jose Lazir” si DengCoy Miel na matutunghayan sa nahihipong pahayagang Philippine Daily Inquirer.

Patunay na patuloy ang suwabeng pandedemonyo ng mga mangangatha saanmang panig ng mundo: may tokhang at COVID-19 man.

Kaya nasisipa ‘yong pusa 

Kadalasan daw sa guwapo ay mainitin ang ulo. Tsk!

Kaya pala lagi kong nasisipa ‘yong pusa namin, hayop ‘yan. Kaya pala.

Unsolicited advice

May pagtawag pang nalalaman sa akin kagabi ‘yong isa kong prensyep tungkol sa ka-COVID-an at nag-post pa ng picture niya na wari ko’y pinapakita na siya’y nababalisa nga pero pogi pa rin.

Sabi ko, unsolicited advice lang, p’re. ‘Wag kang magpo-forward ng sarili mong pic sa kapwa mo lalaki, sagwa tingnan at isipin.

Puwede mo yan gawin sa chix, kahit araw-araw.

Tagabilang na lang

Sa pagluwag daw nang husto ngayon ng quarantine levels sa bansa kahit tuloy naman ang pagdami ng kaso ng COVID ay parang umaaktong mga tagabilang na lang ang IATF-DOH ng mga nalalaglag at nananatili.

Waray data

May f-in-orward akong anik-anik lang naman sa prensyep ko pero ‘di daw niya ma-view at free data lang siya.

Naisip ko na sa panahon talaga ngayon na data-driven na, kung wala kang data, wala kang kuwenta.

Nagpasuob

Hindi sa kung anopaman, nagpasuob ako ngayon at pawis na pawis, pakiramdam ko gumaan ang loob ko at nabawasan ang aking mga kasalanan. Lintis ‘yan.

Kahit sa distance learning system

Nasa bahay na nga lang ngayon ang bata sa Distance Learning System dahil sa COVID-19 pandemic pero may nag-iisip pa talaga paano um-absent at mag-cutting classes.

Para masaya?

Bago raw magsimula ang online classes ngayon na ang mga mag-aaral ay nasa mga bahay-bahay lang ay inaawit pa talaga ang “Bayang Magiliw.”

Tanong ng isang bata: ‘Di ba puwede para masaya, “Manok na Pula” na lang?

Sa kapetolyo ni yorme

Sana kung puwede nga lang na itong pandemya ay palipasin sa pagkakape sa kapetolyo ni yorme.

Buhay na walang wenta

Sabi raw, kaya ‘yong iba ay parang normal lang at ‘di nag-aalala sa COVID-19 dahil ang buhay nila ay mga “walang wenta.”

Tataas pa ‘yan

91% ang trust rating ni Duterte, ayon sa Pulse Asia. News item.

Tataas pa ‘yan, wait lang. Dahil gusto niya ipasara ang Facebook at palitan ng Facemask na hugas-gasolina sa gitna ng pandemya.

Parents na parang mga avatar

Parang mga avatar ang parents ngayon sa pagsagot sa module ng mga anak nila at chance na daw nilang mag-first honor ang anak nila.

Chatbox ng journos

Malapit nang maging GC ng mga tinedyer ‘yong chatbox ng journos na ngayon ay panay palitan ng cute greetings, love notes, quotes, feel-good positivist ek-ek messages, etc. Para pampagaan ng pakiramdam at bawas ang pag-alala sa panahon ng pandemya.

Samantalang sa ganang akin, kape lang, bastante na. 

Hatol ng mga doktor

Lahat ng nagkakasakit ngayon na dinadala sa ospital ay COVID daw wari ang kadalasang hatol ng mga duktor.

Para mabilis ang proseso, cremate agad.

Tanda na may COVID

‘Yong mga nawawalan daw ng taste ay tanda na may COVID.

Kaya ‘yong nagsasabing panget ako, bahala kayo.

May nag-text

Nagtatanong sa text ‘yong isa kong kaibigan kung ako daw ba ay gumagawa pa ng “makatotohanang piyesa.”

Medyo nabigla ako sa kanyang padaleng paganu’n.

Sabi ko nang makabawi:

“Hindi na p’re, at wala na yatang totoo ngayon.”

Ta’s kinowt ko ang sinabi ni pareng Nietzsche:

“There are no facts, only interpretations.”

‘Di na nag-textback.

Red tagging

Parang nagkukumahog at nababahala ang top leadership ng AFP sa pagsagip sa young stars at celebrities na sina Liza Soberano at Catriona Gray na baka mahulog sa mga kamay ng komunistang CPP-NPA at pinapayuhan na huwag silang malalamuyot sa propaganda ng Gabriela na ‘front organization’ daw ng CPP-NPA.

Pastilan, ang tunggalian sa puso’t isip ng ating mamamayan ay hanggang ngayon na pinipeste ang paligid ng COVID-19 ay maigting na pinanghihimasukan ng ating estado at mga institusyon ng reaksiyon laban sa makakaliwang grupong nagsusulong ng marahas at radikal na pagbabago sa ating lipunan.

“Let’s help educate her and other celebrity targets,” sabi ng military patungkol kina Liza Soberano at Catriona Gray.

Marahil itong klase ng pag-educate ng militar ay maihahalintulad sa isang matsing na nagwika sa isang isda:

“Let me help you,” said the monkey, putting the fish safely up in the tree.

NEWS ITEM: SOLCOM chief warns Liza Soberano on supporting Gabriela: ‘You will suffer the same fate’ of those killed

Desperado

Ayon sa isang survey, sa panahon daw ngayon ng COVID-19 pandemic ay wari ang daming desperadong gustong lumublob sa romantic relationship, para maibsan ang pakiramdam ng pagkatiwalag dulot ng lockdown.

‘Yong iba ay desperado lang na mabuhay, at may facemask.


Umaastang tumbas manipis na manunulat, si John A. Bello ay may napablis nang 3 libro sa sariling kusa – Tumbas Manipis na ulat mula sa Quezon at Iba Pang Kalatas ng Aking Panahon, Tumbas Manipis: A Journo’s Life and Literary Jottings in Cocolandia at Tumbas Manipis Kronikol sa Panahon ng Tokhang. Siya’y isang mamamahayag na nakapagsulat sa mga pahayagang Philippine Daily Inquirer, Today, Business Mirror at nagsusulat ng kolum at nagkokontribyut ng mga balita sa mga pahayagang lokal sa lungsod ng Lucena. Siya’y tubong lalawigan ng Samar at pinadpad sa lalawigan ng Cocolandia sa Quezon. Sa kasalukuyan ay pinaplantsa niya ang kanyang binubuong akda na pinamagatang Pastilan, Bes: Mga Pesteng Tala ng Aking Letseng Pagsinta.

Kumukulay Pa Ba?: Kasarian sa Pilipinong Lipunan

Maraming mga bagay ang hindi natin naipapaliwanag ng lubusan. Ang mga misteryo at mga alamat, ay pawang katulad lamang ng mga aspeto ng kasarian. Hindi natin masasabi na ang kasarian ay isang teorya lamang. Ang oryentasyon ng isang tao ay nakadepende sa pagpili at pagkilala niya sa kanyang sarili.  Ang kasarian ay isang napakalawak at napakasalimuot na usapin. Hindi man natin masabi ang ating pananaw, maaaring isa ka sa mga preso ng konseptong ang mundo ay isang mundo ng pagkakapantay-pantay.

Maaring isa ka rin sa biktima na nakakulong sa kahon ng iyong imahinasyon at anonymous lamang ang tunay na pagkatao. Hindi man sapat ang mga impormasyong narito upang ipaliwanag ang mundo, ngunit ang bahaghari ang magsisilbing gabay at kulay sa naaabo nating mundo.

Pagtingkad ng Bahaghari

Masasabing isang karagatan ang usapin patungkol sa sekswalidad ng isang tao: malawak at malalim. Maaari rin namang sabihing ito ay isa sa mga sensetibong usapin magpasaanmang lugar sa mundo.

Hindi naman na tago sa lipunan ang patuloy na pag-usbong at paglago ng makulay na LGBTQIA+ community. Sa katunayan, mayroong mga organisasyon at grupo na ang mga miyembro ay siyang bahagi ng makulay na komunidad na ito mula pa noong 90’s  katulad ng UP Babaylan na itinatatag noong 1992, Pro-Gay Philippines noong 1993, Lesbian and Gay Legislative Advocacy Network  noong 1999, at Society of Transsexual Women of the Philippines noong 2002.

Sa pagpasok ng dalawampu’t isang siglo, talagang nagbago ang takbo ng buhay. Patuloy ang pagtingkad ng kulay ng bahaghari. Ayon sa Cosmo.PH, mula pa noong 1996 ay nagkakaroon na ng tinatawag na Metro Manila Pride March na kung saan ipianpakita ang layuning pigilan ang stigma ng hindi pantay na pagtingin sa sekswalidad ng tao; na ang LGBTQIA+ ay may maggagawa at makakapagbigay inspirasyon sa lipunan; na ‘di kailanman maidirikta ng sinoman o anomang sitwasyon ang sekswalidad at inklusibidad ng tao sa lipunan.

Sa katunayan, lumalawak ang saklaw ng komunidad na ito na pinatunayan kamakailan lamang. Ang #ResistTogether, na ginananap noong Marso 2019 ay nakapagtala ng halos 77,000 indibidwal at 358 organisasyon na nakiisa sa pagtataguyod ng banderang may pitong kulay ng buhay.

Gender Equality laban sa ‘toxic’

Dito sa Pilipinas, maaaring sabihin na maraming ‘toxic’ na tradisyon ang naipasa mula sa matandang henerasyon pababa sa kabataan. Hindi naman lahat ay ‘toxic’ subalit ‘ika nga, “lahat ng sobra, masama.” katulad na lamang na dapat matikas at tigasin ang isang lalaki; siya dapat ang matatag sa pamilya; siya dapat ang gentleman at laging mapagbigay sa babae. Hindi ito palagiang mali, bagkus nagiging dahilan ito ng marami na kadalasan na pinagmumulan ng inequality o ‘di pagkakapantay-pantay.

Naging talamak o nag-trend minsan ang isang Facebook post na kung saan ang isang babae ay kinunan ng litrato o larawan ang lalaking nakaupo sa upuan ng MRT. Sa akin pang nabasa mula sa mga post, na waring kinukutya niya ang lalaki dahil ‘di man lamang inalok ng lalaki ang kaniyang kinauupuan. Sinabi pa na hindi nagpaka-gentleman ang lalaki dahil nakita pa niya itong nakatingin sa kanya at ‘di man lamang nagkusang ibigay ang puwesto.

Bilang guro ng pandaigdigang panitikan, [n]aibahagi ang mga sinaunang sibilisasyon ng mundo. Magmula pa noon sa hayrarkiya ng tao o lipunan, tinitignan ang babae bilang war prize.

—Jan Aldous O. Viriña

Hindi naman natin masisi ang babae, na may pinupunto lamang sa kanyang sinasabi. Subalit hindi ito naging maganda sa mga mata ng nakababasa. Umani ito ng batikos mula sa mga netizen na ang ilan pa ay nagkomento na being a gentleman is a choice. Maging sa aking pananaw ay waring may mali pa rin talaga sa sinabi at ginawa ng babae dahil wala namang karapatang ipahiya o i-post ang larawan ng isang tao sa social media ng wala itong consent,lalung-lalo na ang ginawa niyang pag-atake rito. Mayroon pa nga ring nagsasaad na si Chivalry is dead. Talaga nga bang Chivalry is dead o Sensitivity is dead?

Bilang guro ng pandaigdigang panitikan, naibahagi sa introduksyon na paksa ang mga sinaunang sibilisasyon ng mundo. Magmula pa noon sa hayrarkiya ng tao o lipunan, tinitignan ang babae bilang war prize. Dahil nga nauso ang pananakop ng mga teritoryo, ang kababaihan ang ginagawang gantimpala sa mga hari o mandirigmang nakapagpanalo ng isa duwelo o laban. Hindi ito nalalayo sa mga ginawang comfort women ng mga Hapon sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Samantala, sa iba naman itinituturing na ang babae ay para lamang sa tahanan at hindi na kailangan pang pag-aralin dahil mag-aasawa lang naman at magiging nanay. Kaya nga minsan, noong elementarya ay naglolokohan na lamang na ang subject o asignaturang HE ay sa halip na Home Economics ay Home Eco-nanay ang itinatawag.

Ngunit ngayon, sa tingin ko ay maari kong sabihin na ang mga katagang Abante Babae! Nakatutuwang isipin na ang kababaihan ay mayroong nagagawang pagababago sa lipunan. Marami na ang nakakapagbigay inspirasyon sa lahat katulad ni Oprah Winfrey, Catriona Gray, Senator Risa Hontiveros, at kahit na wala na siya sa ating mundo, isang idolo, the late Senator Miriam Defensor-Santiago.

Sa mga pangyayaring ito, sa kultura, tradisyon o kasaysayan man, namumulat tayo na kung ano ba talaga ang tamang gawin. Minsan di rin natin maiiwasang husgahan ang isang tao dahil sa tradisyon o mga paniniwalang naging fossil na sa lipunang ginagalawan natin.

Batas para patas

Sa kabilang banda, isa lang naman ang nais matanggap ng kahit sinomang miyembro ng lipunan ang equality. Kaya naman sa kabilang dako ng bahaghari, upang bigyang tugon din ang talamak na palitan ng panghuhusga at diskriminasyon naging isang malawak na usapin ang SOGIE Bill. Noong nakaraang taon ay naging maugong ang usapan tungkol sa SOGIE Bill.

Ngunit, ating himayin ang mga terminolohiya na pumpailalim sa acronym na SOGIE:

Ang Sexual Orientation ay ang sekswal na atraksyon o pagkagusto mo sa isang tao ang makakatulong sa iyo upang makilala mo ang iyong sarili kung ikaw ba ay hetersekswal o siyang nagkakagusto sa opposite sex; homosekswal o siyang nagkakaroon ng sekswal na atraksyon sa kaparehong kasarian; baysekswal o siyang nagkakagusto sa parehong kasarian; pansekswal o nagkakroon ng atraksyon sa lahat ng kasarian. Maaari rin namang tawaging asekswal o mga taong nagkakaroon ng romantikong atraksyon sa ibang tao ngunit hindi sa sekswal na paraan o aromantic, iyong mga taong nagkakaraoon ng sekswal na atraksyon sa tao pero hindi romantiko. Maraming nasasaklaw ang usaping oryentasyon.

Sa kabilang banda, ang Gender Identity naman ay pumapatungkol sa kung paano mo kinikilala ang sarili mo kahit anoman ang iyong sekswal na oryentasyon. Maaari kang maging male o female, at kung nararamdaman mong tama at tugma ang iyong gender o kasarian na nasa iyo na mula noong iyong kapanganakan tinatawag kang isang cisgender. Maaari kang tawaging transgender o ang kasarian o gender na nasa iyo noong kapanganakan mo pa lamang ay hindi tumutugma sa totoo mong identidad.

Mahihinuha ang depinisyon ng Sexual Expression sa salitang ekspresyon, ito ang pamamaraan kung paano mo ipinapakita ang iyong sarili kagaya ng mga drag queens at mga lesbians na nagdadamit lalaki. Hindi ito masama bagkus ito ay ekstensyon ng pagkatao. Paraan ito kung paano mamahalin ng isang tao ang kanyang sarili.

Naging matunog ang mga pangalang Gretchen Diez noong 2019. Marahil magtataka kayo kung bakit siya nadamay sa usapang ito. Dahil napag-uusapan ang ekspresyon at aksyon ng isang tao batay sa sekswalidad at oryentasyon, ang transwoman na ito ay nakaranas ng hindi pantay na pagtrato.

Si Gretchen Diez ay nakilala dahil sa insidente ng diskriminasyon sa Lungsod ng Quezon. Ninais lamang ni Gretchen na umihi sa banyo ng mga babae dahil siya naman ay transwoman at talagang babae ang kanyang paraan ng pananamit at pangangatawan. Siya ay babae. Subalit nagkaroon ng isang pagtatalo sa pagitan ni Diez at janitress ng establisyimento na kung saan naroon noon si Diez. Nasabi pa ng janitress na may ari pa rin daw ng lalaki si Diez kaya naman gamitin niya ang Comfort Room ng lalaki. Umabot pa sa puntong naposasan si Diez dahil lamang sa paglalahad at pagbibigay ekspresyon sa sarili.  Ito ay isang panghihimasok sa karapatang mabuhay sa katotohanang mayroon ang isang tao.

[Ang anti-discrimination bill] ay nagbibigay-suporta sa mga karapatang pantao na dapat tinatamasa at hindi inaabuso ng sinoman. [S]inasasabi sa bill na ito na hindi lamang LGBTQIA+ mabibigyang pansin kundi para sa lahat.

—Jan Aldous O. Viriña

Samakatuwid, ang insidenteng ito ay naging matunog kasabay ng SOGIE Bill na patungkol sa isang anti-discrimination bill na naglalayong tapusin ang stigma ng pagkakaroon ng hindi pagkakapantay-pantay na trato sa bawat sekswalidad maging sa mga heterosekswal. Ito ay nagbibigay-suporta sa mga karapatang pantao na dapat tinatamasa at hindi inaabuso ng sinoman. Dahil lahat naman ay nagbibigay ng ekspresyon at emosyon, sinasabi sa bill na ito na hindi lamang LGBTQIA+ mabibigyang pansin kundi para sa lahat. Magkagayon man, isa itong hudyat para sa ating lahat na hindi dapat makita ang superyoridad ng bawat isa kundi kung ano pang maibabahagi ng bawat isa sa lipunang siyang magbibigay kulay sa kulay abong bahaghari ng lipunan.

Tradisyon o pag-ibig?

Isa ang Pilipinas sa tinaguriang multicultural countries sa mundo. Napakamasiyahin ng mga tao at mainit ang pagtanggap sa mga dayuhang naaaliw sa ating mga white-sand beaches, natural water falls, mountains, volcanoes, landscapes at iba pa. It’s more fun in the Philippines, sabi nga. Bahagi rin ng kultura ng ating bansa ang ating matinding pananalig sa Diyos. Minsan nagkakaroon ng kontradiksyon sa politika at relihiyon, Kaya maraming isinasaalang-alang sa paggawa ng mga batas.

Kung batas lamang din ang pag-uusapan, maraming bansa ang nagpapatupad ng same sex marriage o same sex union. Kaakibat sa pagapapliwanag ng inklusidad at pagkakapantay-pantay na karapatan para sa lahat. Isang malaking tanong, paano kapag usapang kasal na?

Ang kasal ay isa sa mahahalagang gawaing pang-simbahan o pang-sibil […] ngunit sa pag-inog ng mundo, tila ba unti-unting lumalaya ang Asya sa kahon ng diskriminasyon.

—Jan Aldous O. Viriña

Ang kasal ay isa sa mahahalagang gawaing pang-simbahan o pang-sibil. Ito ay banal at sakramento para sa mga Katoliko. Kung pag-uusapan ang kasal, napakaraming kasabihan siguro ang masasabi ng mga matatanda patungkol dito. Maraming mga payo o kuro-kuro silang maibabahagi. Ngunit sa pag-inog ng mundo, tila ba unti-unting lumalaya ang Asya sa kahon ng diskriminasyon. Alam ng karamihan na sa bansang ating ginagalawan, ang same sex marriage o same sex union ay isang bagay na hindi pa rin pinahihintulutan. Masalimuot na proseso ang pagdaraanan kung nais itong isabatas katulad sa Taiwan at Thailand.

Bilang una sa lahat ng bansa sa Asya, pintunayan ng Taiwan na ito ay hudyat ng pagkakapantay-pantay para sa lahat. Noong 2019 ang itinakdang panahon na ang mga paru-parong may iba’t ibang kulay ay malaya nang makakalipad sa Asya: sa isla ng Taiwan. Subalit hindi naging madali ang tagumpay na ito. Ang Taiwan din ay dumaan sa ilang paglilitis maging kunin ang pulso ng mga mamamayan. Batay sa isang artikulo sa CNN nagkaroon din ng 67% na ‘di sang-ayon sa pagpapatupad nito at nagkaroon din ng mga protesta at pagbatikos mula sa konserbatibong grupo sa Taiwan upang magkaroon ng reporma na mula sa salitang marriage ay maging union. Magkagayon man, nanatili ito sa kung ano ang dapat itawag dito, ang pag-iisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan.

Sa kabilang dako naman, sinundan ng bansang Thailand ang ganitong hakbangin. Isang napakulay na bansa ang Thailand. Tinagurian pa nga itong Land of the Freeman dahil sa wala itong naitalang record ng pananakop ng mga Kanluranin. Ang tekstura ng kultura at tradisyon dito ay sadyang nakapanghahalina para sa mga dayuhan na pumunta magmula sa mga templo, kalidad ng edukasyon, pagkain, sining at iba pa. Isa sa hakbangin ngayon nito ay ang pagbibigay legalisasyon sa tinatawag na same-sex union.

Ano nga ba ang pinagkaiba ng same-sex marriage at same-sex union?

Ang marriage o pag-iisang dibdib sa general na terminolohiya ay isang pormal na pag-iisa ng dalawang indibidwal kaakibat ang sosyal at ligal na kontrata na kahit sa ekonomikal at emosyonal na aspeto ay sila ay magiging isa. Ang kasal ay isang pamamaraan upang maipakita o maipagpatuloy o maipreserba ang kaugalian patungo sa susunod na henerasyon. Samakatuwid, ang kasal ay isang kasunduan ng dalawang taong nagmamahalan na sila ay isa kahit sa ari-arian at buhay.

Hindi man natin sabihin, nagugulumihanan pa rin ang iba kung ano ang same-sex marriage. Kung pagbabasihan ang depinisyon ay mukha namang iisa ang ipinahihiwatig nito, pag-iisang dibdib ng dalawang nagmamahalan na may parehong kasarian. Kaya naman parang mahahalintulad  lamang din ito sa mga heterosekwal dahil ang ari-arian ng isa ay magiging ari-arian din ng isa at ang buhay ng isa ay magiging buhay ng isa.

Samantala, kung lilimiin ano naman ang same-sex union? Kung titignan ang salitang union o unyon ay nangangahulugang pag-iisa. Kaya ang same-sex union ay isang paraan o pagpapakita ng ekwalidad ng isang pares sa pagkakaroon ng legal na ari-arian at pag-aampon ng anak. Samakatuwid, ang same-sex union ay pagsasama ng pares na kung saan mamumuhay sila nang may kaparehong karapatan tulad ng mga heterosekswal na pares.

Ang mga hakbanging ito ay makabuluhan at magpasahanggang ngayon, lalo sa Asya, ay mayroong matinding epekto sa buhay, paniniwala at pagkakaisa ng isang lipunan. Hindi pahuhuli ang Pilipinas sa inobasyon at paglikha ng imprastraktura para sa ikagaganda ng bansa. Ngunit, sa Pilipinas kaya ay posibleng magkaroon ng mga ganitong klaseng pagsasama o patuloy na lang magtatago ang lahat sa kani-kanilang mga saya? Hindi natin alam.

Boy Love series: patungo sa ekwalidad

Dahil sa pandemyang nararanasan natin ngayon, marami ang pamamaraan ng tao upang malibang at magkaroon ng kasiyahan kahit sa maliliit na kapamaraanan. Isa na rito ang panonood ng mga series. Nitong nakaraang pitong buwan, dahil nasa bahay ang karamihan, isang click lamang sa Youtube ay marami ka ng madidiskubreng Web Series at isa na nga rito ang genre ng Boy Love (BL).

Sikat ang BL series sa ibang mga karatig bansa gaya ng Thailand, Taiwan, China, Japan, at Vietnam. Sa katunayan, ang BL ay nagsimula sa konsepto ng Yaoi o dalawang lalaking nagkaroon ng romantikong relasyon. Sa iba naman, ang isa ay baysekswal at isa ay queer. Maraming kombinasyon o timpla ang bawat istorya ng isang BL series. Saklaw nito ang konsepto ng pag-ibig na kung saan ‘di isyu ang sekswalidad.

Sa tulong ng sining na nagmula sa malilikhaing kaisipan ng mga produser at manunulat ng mga kuwento, maraming web series ang umusbong ngayong tayo ay nilalamon na ng quarantine.

—Jan Aldous O. Viriña

Sa Pilipinas, pumatok ang genre na ito ngayong panahon ng pandemya. Maraming nagsasabi na dahil walang mapagkalibangan ang tao kaya sumikat ito. Sa tulong ng sining na nagmula sa malilikhaing kaisipan ng mga produser at manunulat ng mga kuwento, maraming web series ang umusbong ngayong tayo ay nilalamon na ng quarantine. Ilan sa mga ito ay Hello Stranger, My Day: The Series, Quaranthings, Gameboys, Gaya sa Pelikula, at iba pa. Sa katunayan, iba ang naging pagtanggap ng international fans sa mga ito. Nakakatuwang ang komunidad ng LGBTQIA+ ay nagkakaroon ng ekspansyon sa pamamgitan ng mga istoryang ito.

Mabilis mag-adapt o umangkop ang mga Pilipino lalo na kung sining lang din. Ngunit kalaban ng mga ito ang tradisyong matagal nang tumutumpok sa apoy ng pagpupursige ng pagkukuwento ng mga totoong nangyayarim, lalo na sa mga kapatid nating LGBTQIA+ Community.  Sa personal na pananaw, marami siguro ang nasabik o kaya naman nabigla sa mga produksyon ng ganitong uring palabas sa bansang alam nating konserbatibo. Pero kung titignan, ‘di ba ito ay pag-unlad din ng kultura at sining? Bagaman gawang Pinoy ang mga ito, handa kaya natin itong suportahan?

Marahil mayroon ding iba na ‘di pabor sa ganitong pamamaraan ng pagtatampok ng mga kuwentong LGBTQIA+ dahil ‘di naman daw sumasalamin sa tunay na pangyayari sa buhay ng mga miyembro nito. Kumbaga, normalizing these romantic series ay hindi naman daw totoo o mangyayari. Sa madaling salita, isang ilusyon. Pero magkagayon man ang opinyon ng iba, tignan natin ito bilang pamantayan ng ekwalidad at pag-asa kahit na sa mga kuwentong likha lamang ng imahinasyon dahil ang kuwento hindi mabubuo kung walang pangyayaring basehan ng katotohanan.

Pag-iisang kulay sa bahaghari

Kung makikita ang apat na titik na ito, mapapaisip agad ang tao kung sino at ano ba sila. Paano ba sila nagiging isa? Maraming kapamaraanan ang sinoman na maging isa sa layunin at hangarin sa buhay. Tandaang anglawak na saklaw ng sekswalidad ay magiging kontemporaryo sa mahabang panahon, magmula sa paglikha ng mga batas para sa karapatang pantao na kinakailangan ng bawat isa hanggang sa magkaroon proteksyon at gender equality.

Kahit sa imahinasyon lamang ay makikita natin ang sining at kulturang dulot ng makulay na komunidad na ito. Boy Love Seriesman o hindi, imahinasyon o ilusyon man, mananatiling ang mundo ay puno ng pag-ibig sa kabila ng mga kultura, tradisyon, kasaysayan, batas, at diskriminasyonna nakaapekto at makaapekto sa buhay ng tao. Hindi kailanman naging pangit ang pag-ibig.

Tandaang ‘di man natin masabi ang ating pananaw, maaaring isa ka sa mga preso ng konseptong ang mundo ay isang mundo ng pagkakapantay-pantay. Maaring isa ka rin sa biktima na nakakulong sa kahon ng iyong imahinasyon at anonymous lamang ang tunay na pagkatao. Hindi man sapat ang mga impormasyong narito upang ipaliwanag ang mundo, ngunit ang bahaghari ang magsisilbing gabay at kulay sa naaabo nating mundo.

Mga Sanggunian:

Advincula, Sheila T. SAVE THE DATE: Metro Manila Pride March 2020 To Happen In June. Cosmo.PH. Enero 20, 2020. Nakuha mula sa https://www.cosmo.ph/news/metro-manila-pride-march-2020-a4572-20200126.

MGA ORGANISASYONG LGBT. Nakuha mula sa https://www.coursehero.com/file/55550454/aprildocx/.

Olarn, Kocha and Regan, Helen.  Thailand could become the first Southeast Asian country to legalize same-sex civil partnerships. CNN. Hulyo 9, 2020. Nakuha mula sa https://edition.cnn.com/2020/07/09/asia/thailand-same-sex-union-bill-intl-hnk/index.html.

Hollingsworth, Julia. Taiwan legalizes same-sex marriage in historic first for Asia. CNN. Mayo 17, 2019. Nakuha mula sa https://edition.cnn.com/2019/05/17/asia/taiwan-same-sex-marriage-intl/index.html.

Rosero, Regina Layug. What You Should Know About The SOGIE Equality Bill. Cosmo.PH. Setyembre 19, 2019.

First of all, what does ‘SOGIE’ mean? Nakuha mula sa https://www.cosmo.ph/lifestyle/sogie-bill-philippines-a613-20190919-lfrm.

Gabinete, Jojo. Celebrities, politicians condemn detention of transgender woman who was disallowed from CR for females. PEP.ph. Agosto 14, 2019.  Nakuha mula sa https://www.pep.ph/news/local/145320/transgender-disallowed-from-cr-for-females-a734-20190814?ref=article_tag&_ga=2.154367920.923564092.1601122137-1782034105.1600993882.


Si Jan Aldous O. Viriña ay kasalukuyang guro sa Ingles sa St. Mary’s Academy of Nagcarlan. Isa rin siya sa ginawaran ng Namumukod-Tanging Kabataan ng Gawad Gobernador San Luis. Siya rin ay tumayong editor-in-chief ng The Gears Publication, ang opisyal na campus publication ng Laguna State Polytechnic University-Santa Cruz Campus. Palasulat ng tula si Jan Aldous, at ang karaniwang target niya ay ang mga maliliit na datos ng mga isyu ng Pilipinas na naghihikahos at naghihingalo. Ang “013 Judas Street” ay ang kauna-unahan niyang koleksiyon ng mga tula, larawan, at iba pang prosa. Nanatili siyang dilat sa katotohanan at ginagawang sining at panitikan ang lahat.