Bukambibig

IKUKUWENTO KO SA INYO ANG AKING HIRAM NA BUHAY; sa paraang ibinahagi siya sa akin ng aking awtor. Para sa kaniya, isa lamang akong miserableng binatilyo na hindi matanggap ng lasenggerong ama dahil masyado akong malamya, mahinhin, at matipid. Wala rin akong malapitan kundi ang sarili dahil napili rin ng awtor na ito na mawalan ako ng ina, na isinalaysay ng aking ama na namatay sa pagkakabuntis sa akin—kaya naman wala rin akong mga kapatid. Dito itinuon ng awtor ang raison d’être ko bilang binatilyo: lulong sa medikasyon kontra-depresyon nang sa gayo’y mas makulong pa ako sa limbo ng hindi-masukat na hapis.

                Inirarason ko na lamang sa sarili na mabuti pa rin ang kalagayan ko. Tutal, isinalang ako bilang karakter sa gitna ng pandemya. Dito rin kasi naisip ng awtor ikutin ang kaniyang akda: sa akin niya isinasabuhay ang lihim na paninisi sa sarili kumbakit hindi pa rin sapat ang kaniyang mga akda—at kung ito nga ba ang tinutukoy na “pagsusulat ng kaniyang panahon” ng ilang nakalayo na sa kanilang lárang. Hindi ko siya magawang aluhin dahil isa lamang ako sa koleksiyon ng kaniyang mga tauhan na binuo’t winasak ng kaniyang kamusmusan sa mundo ng pagsulat.

                Ipinangako niya sa akin na hindi ako matutulad sa mga kuwento ni Sampaguita, Mirasol, at Edna; mga pangalan na binigyan niya ng buhay ngunit hindi na niya nasundan pa. Nakapirme lamang sila sa umpisa ng kanilang buhay bilang piksyunal na karakter—hindi nabigyan ng pagkakataong makita ang gitna, ang penultima, ang wakas. Mas lalong ayaw niya akong matulad kina Jacob, Kenneth, Edmond; mga pangalan na hanggang marka na lamang ng nakaligtaang burador. Kaya naman, kahit ginawa niya akong bulnerable sa harapan ng aking amahin, at hindi nililok sa tapang at lakas ng isang lalaki para maprotektahan ko ang sarili sa danas ko sa mundong ito—tinanggap ko pa rin ang kaganapan bilang sisidlan ng katauhan ni Kenneth, ang labinwalong taong gulang na binatilyo na protagonist ng kuwentong ito.

                Sa totoo lang din kasi, hindi rin naman ako makatatanggi sa kaniya. Kahit yata ilagay niya ako sa samu’t-saring sitwasyon:  lukubin man ako ng COVID-19 na maging sanhi ng aking kamatayan, ma-redtag ang organisasyong kinabibilangan na dahilan ng aking pagkakulong, o kahit pagbabarilin ng mga bodyguard ni Duterte ang aking titi matapos ko siyang duraan at singahan sa mukha niyang tadtad ng pores—tinatanggap ko ito. O kahit biglang sumambulat sa akin ang rebelasyong hindi pala talaga ako lalaking ganap, na may tinatago pala akong puki na bigla na lamang sumulpot nang minsang inahit ko ang aking bulbol; na sa halip na kagalitan ay higit na ipapasalamat sa kaniya. Kasi alam ko sa aking sarili (kahit higit na may kaalaman ang awtor sa kaniyang praxis), may kuwento akong nais tahakin.

MINSAN, SINUBUKAN KO RING UMALMA SA KANIYA. Habang nakahiga siya’t binabasa ang kasalukuyang chapter ng “Demon Slayer” sa isang pirated manga browser, kinalampag ko siya. Sapat para bitawan niya ang cellphone’t makipag-usap sa akin.

                “Ano ba kasi ang gusto mo?” umpisa niya sa akin. Ramdam ko ang galit sa pagsasalita niya. 

                “Puwede bang gawin mo na lang akong babae rin? Kahit wala nang boobs at matambok na puwet.”

                “Putragis, bakit ko gagawin iyon para sa iyo? Naka-plot na ikaw ay si Kenneth, anak ni Raymond. Cisgendered ka!”

                “Hindi mo rin ba ako bibigyan ng kalayaang ipahayag ang aking sarili? Paano kung dahil pala closeted gay ako kaya ako dumaranas ng depresyon? Paano kung maging transwoman ako’t naging masaya? Ipagkakait mo ba sa akin iyon?”

                “Hindi ikaw ang tauhan para sa kuwentong iyon. Wala rin siya sa plano kong isulat,” pagtatapat niya. “Sa totoo lamang din, ikaw ay papasok sa loob ng basong malapit sa iyo. Kaya puwede ba, patapusin mo ako sa orihinal na takbo ng aking kuwento?”            

                Sumigaw ako sa loob ng ulo niya. ‘Yong pagkalakas-lakas, sapat para samain ang kaniyang ulo magdamag. Sinipa-sipa ko rin ang kaniyang kanang dibdib hanggang sa makaramdam siya ng hindi-maindang kirot. Doon na nagsimula ang paglalabuan ng relasyon namin bilang awtor-karakter. Dalawang araw din niya akong hindi kinausap, ni hindi niya sinilip ang kuwaderno niya.

HANGGANG KANINA LAMANG, BAGO NIYA ISULAT ang kuwentong ito, bigla niya akong nilapitan. Bakas pa rin sa mga mata niya ang inis sa ginawa ko kamakailan.

                “Alam mo ba Kenneth, may na-realize ako habang kino-conceptualize ko ang kuwentong ito.”

                “Ano?” walang-muwang kong tanong.

                “Ngayon ko lang napagtanto na ang hirap palang gumawa ng karakter na palaging nakabuka ang bibig. Hindi ko alam kung saan ko ilalagay ang salita mo’t salita ko! Ang dami mong gustong sabihin, ang dami mong gustong gawin, ang dami mong buhay na gustong ganapan pero limitado lamang ang espasyo na mayroon ako para sa iyo.”

                Hindi ako makapagsalita.

                “Alam mo ba, hindi ako makatulog? Maliban sa nag-palpitate ako sa ginawa mo, feeling ko, sobrang inconsiderate ko. Nakagagalit kapag kinukuwestiyon ng writer ang sarili niya dahil sa mabunganga niyang karakter. Paano ko na dadalhin ang lifelong burden na hindi kita puwedeng gawing transwoman, Kenneth?” tanong niya sa akin. Idinidiin ang mga salitang ‘lifelong burden’ na mas yumurak ng puso ko (kung mayroon man ako nito.)

                “Pasensiya na.”

                “Ano pa nga ba magagawa ko? Tarabitab ka talaga, e.”

                “Oo na po, Missmaam Marya.”

                “Mas madali na lang din siguro na i-sashay away ko na lang ikaw. Si Timothy ang ipapalit ko. Nang makatuloy na ako sa orihinal kong plot para sa kuwentong ito,” pagbabanta niya.

                “Mother Gaia, cannot be! I-fulfill mo ang glass castle fantasy ko,” nanginginig ako. Ayokong matulad sa mga karakter niyang forever nang nasa hiatus. Sayang ang potential beauty ko!

                Tumawa siya sa akin. Ngayon ko lang siya narinig na tumawa. Lumabot naman ang puso ko. Pagkatapos noon, natahimik siya. Biglang dumilim ang paningin. Katulad ng panahong inilililok pa lamang niya ako sa luwad ng kaniyang kaalaman at karanasan.

                “Kenneth, please do this for me. Kasi more than just a story, dala-dala mo ang bahagi ng buhay ko. Naisulat ko na ito noon sa kauna-unahan kong aklat. Ang kuwento ng aking depresyon mula pagkabata, at hanggang ngayon. Gusto kong dalhin mo rin ang lungkot, galit, inis na mayroon ako. Gusto kong maramdaman mo ang maging ako. Dahil ikaw ang una kong karakter na mula sa aking wangis.”

                “Kung ganoon, bakit hindi mo ako ginawa na ring babae? Tutal, sa sinabi mo naman kanina, ako rin ikaw…hindi ba?”

                “Hindi sa lahat ng bagay, ako ay ikaw.”

                At bago pa man ako muling sumaling sa sinabi niya, pansamantala niyang binawi ang kapasidad kong magbunganga ng higit pa sa daloy ng kuwento.

NATAGPUAN NA LAMANG NIYA ANG KATAWAN na nakahilata sa pisat na kutson ng pekeng Uratex. Makulimlim ang langit na ipinipinta mula sa kaniyang kuwarto, hindi matiyak kung hapon na ba o gabi. Hindi rin mapaliwanag ng binatilyo ang nararamdaman. Ang bigat-bigat sa dibdib, nakaliliyo sa pakiramdam. Hinilot-hilot ni Kenneth ang kaniyang sentido, iniisip niya kung kasama ang delirium sa listahan ng side effects ng iniinom niyang anti-depressant. Sinubukan niyang basain ang aking bibig pero walang laway na lumalabas sa kaniyang dila. Inobserbahan niya ang paligid, pilit inaalala kung paano siya napunta rito. Sa kaniyang imbestigasyon ay lumantad sa mga mata ang isang basong tubig at dalawang basyo ng Xanax sa mesita.

                Sisiray-siray man, tinungo ni Kenneth ang tokador. Doon niya napansin ang kakaibang mundo na nasa loob ng lumang baso na mula pa sa aking ina. May mundo nga ba talaga sa loob ng baso? Hindi niya alam, marahil may kapasidad ang awtor na gawing kastilyo ang mga salita hanggang sa matipon ito sa loob ng baso. Bago pa man niya masuri’t makumpirma ang hiwaga sa loob ng baso, pumasok ang kaniyang bastardong ama. Lango sa alak, naghahalo ang amoy ng alkohol sa kaniyang tuyong laway, tamod, at pabango ng kung sinomang kerida. Katulad ng kaniyang inaasahang takbo ng kuwento, nilustay na naman ng kaniyang tatay ang sahod nito sa bisyo. Sisinghot-singhot pa ang matandang lalaki, malinaw ang paglaki ng magkabilang butas ng kaniyang ilong sa ginagawa.

                “K-Kenneth, hikaw bah e nagsaing na? Hik!”

                 Ang alam ko, hindi ko na nagawa ang nakalista kong gagawin sa orihinal na plot dahil napuno ang oras ko sa kakahingi ng amor sa aking awtor na gawin akong transwoman.

                “T-Tay, w—aaaaacck!”

                Hindi ko maibuka ang aking bibig. ¡Me cago en la hostia!, pinutulan nga pala ako ng awtor ng kakayahang magsalita ng labas sa takbo ng kuwento!

                “Potah nah khang lha-lhamya mohng hayop kah, hik! Ehhh bahket mah pagkain nah sah hapag?” garalgal ni Raymond sa kaniyang tulalang anak.

                 “Kumain ka na pot—ack. Opo, tay. Kain na.”

                Kahit ang mamura ang bastardo kong tatay ay hindi ko magawa! Ngiting-aso pa sa akin ang gago at nag-bless pa bago nilantakan ang pritong bangus, damuho talaga.

HABANG PAYAPA NA KUMAKAIN ng pritong bangus ang ama ni Kenneth, binabagabag ang binatilyo sa kaniyang naranasan. Literal na sumara ang kaniyang bibig sa tuwing inililihis niya ang takbo ng orihinal na kuwento. Tila pinupuluputan siya ng mga tinik sa leeg sa bawat pagtaliwas niya. Kapit-kapit niya ang kaniyang bibig, hinaplos, at kinumpira kung ang kaniyang awtor ay tinahi ang mga ito na lingid sa kaniyang kaalaman. Sa awa ng awtor, hindi iyon naganap.

                Ano ba ang gusto mong mangyari sa akin, ang isiksik ko ang sarili ko sa baso ni Nanay? Paano ako magkakasya d’yan?

                Napuno ng katahimikan ang silid.

                Tahimik? Hoy, nagsasalita ako! Hindi lang lumalabas sa bibig ko pero heto ang tinatakbo ng isipan ng karakter mo ngayon. Sagutin mo ang tanong ko nang matapos na ang kaganapan ko bilang Kenneth sa mundong ‘to! Kung ayaw mong umpugin ko ulit ‘yang ulo mo, babaita!

                Hindi kumibo ang awtor. Pinagmamasdan lamang niya ang mga salitang lumalabas sa isipan ng kaniyang karakter.

                Demonyita ka rin, ano? Pagkatapos mo ako bigyan ng miserableng buhay; pagkatapos mo ako bigyan ng depresyon, ng tarantadong tatay; pagkatapos mo ako paikutin na ang kuwentong ito ay tungkol sa iyona ito’y bahagi kamo ng iyong wangis. Tapos, gaganituhin mo ako? Kung puwede lang kita bulyawan, sipain, at saktan ulit. Napakasama mong awtor!

                Ngumisi ang dakilang awtor sa nasasaksihan niyang pag-aasal bata ng kaniyang binatilyong protagonist. Sa bawat inuusal na isipan ni Kenneth, hindi niya namamalayang siya ay lumiit—halos kasukat na ng tableta ng Xanax sa liit.          

NANG MAHIMASMASAN ANG NAG-AALBUROTONG karakter, saka na lamang niya napagtanto ang kinatunguhan niya. Totoo nga ang sinabi ng awtor—narito na siya ngayon sa harapan ng kastilyong mula sa baso na ipinamana ng kaniyang namayapang ina.

                “Totoo ba itong nakikita ko?” puno ng pagkamangha ang mata ni Kenneth sa nasasaksihan. Totoo pala ang itinakda sa kaniya ng awtor; siya’y magkakaroon ng pagkakataon na makita ang mundo ng baso mula sa taong malapit sa kaniyang puso—ang namayapa niyang ina. Hindi niya lubos akalain na kayganda pala ng pamana ng kaniyang ina.

                Sa loob ng kastilyong baso, naroon ang mga hagdanan na yari sa ginto at salamin. May mga naninirahan ding lamang-tubig na kawangis ng mga isda at sirena. Nabagabag siya nang kaunti, napatanong sa sarili kung ang mga lamang-tubig na ito ay “nakakain” niya sa tuwing umiinom. Ang mga naiiwang piraso ng tableta na kaniyang wini-withdraw ay nagsisilbing pagkain ng komunidad sa loob ng kastilyong baso.

                “Maligayang pagdating sa aming kaharian,” bungad ng lalaking sireno. Napangiti naman si Kenneth sa matipunong karakter na bumati sa kaniya. “Maraming salamat,” humalinghing niyang tugon.

                Malugod siyang pinapasok ng mga tao mula sa kanilang komunidad. Pinagsuot siya ng damit-sirena nang sa gayo’y malangoy niya ang naturang mundo. Kinabitan din siya ng paling na magsisilbing aparato niya sa paghinga sa katubigan. Nang maisuot ang damit, tinanong siya ng mga babaing sirena kung nais niya ring magsuot ng tapis sa dibdib at mahabang buhok. Ikinataka/Ikinagulat naman ito ni Keneth. Paano nalaman ng tao sa mundong ito ang nilalaman ng puso ko? Wala siyang nakuhang sagot. Nag-aatubili man, pinili niya ang kulay-lila na tapis at nagsuot ng kulay-kastanyong buhok. Natanaw niya ang repleksyon niya mula sa salamin ng kastilyo. Napakaganda kong sirena, nais niyang isigaw pero batid niyang hindi siya pahihintulutan ng orihinal na takbo ng kuwento kaya iniusal na lamang ni Kenneth ito sa isip.

                Sinimulan na nila ang paglibot sa mundo sa loob ng baso.

                Ang liwanag mula sa loob ng baso ay humaharang sa imahen ng mundo ng mga mortal, kaya malaya na nakalalangoy ang mga isda’t sirena sa paligid ng kastilyo. Kumendeng-kendeng si Kenneth kasama ang mga babaeng sirena na nagsilbing gabay niya sa paglalayag sa kanilang mundo. Sa unang palapag ng kaharian, naroon ang mga merkado—halos kamukha ng palengke sa mundo ng mga mortal pero mas organisado. Maayos din ang pakikitungo ng mga mamimili sa bawat pamilihan.

                Sa ikalawang palapag, naroon naman ang mga paaralan. Sistematiko ang proseso ng pagtuturo, holistic education. Natutugunan ang akademiko, sosyo-politikal, etikal, at emosyonal na aspekto ng pagkatuto. Malayo sa istruktura na kinamulatan/ipinamulat kay Kenneth.

                “May isang tanong lamang ako,” naalala ni Kenneth.

                “Ano iyon?” tugon ng isa sa mga kasama niyang sirena.

                “Sa tuwing umiinom ako ng mga gamot noon, sinisigurado kong ubos ang tubig. Umiinom din ako ng anim hanggang walong beses kada araw ang pag-inom ko. Saan kayo napupunta?”

                Umiling-iling lamang ang napagtanungang sirena, pati na rin ang kaniyang mga samahan.

                “Kasi, nababahala ako. Baka kasi ano pala…naiinom ko na kayo.”

                “Hindi iyan posible,” pagtitiyak ng punong sirena. “Magmula noon, kahit may tubig o wala ang basong kastilyo, narito pa rin kami. Hindi kami napapahamak ng anomang aktibidad sa mundo ng mga mortal.”

                Doon pa lamang lumuwag ang dibdib ng mortal na sirena.

                Ipinagpatuloy nila ang paglibot sa kastilyong baso hanggang sa marating nila ang sumunod na palapag. Nakalaan ang ikatlong palapag ng kastilyo para sa pamahalaan. Ispesipiko ang mga ordinansya’t plataporma, at nakasunod sa diplomatikong pagtugon sa hurisdiksyon. Dito rin inililitis ang ilang krimen, lalo na’t bibihira lamang ang kaso ng krimen sa lugar na ito. Sa kuwento ng isa sa mga sirena, ang tanging kaso lamang doon ay ang sobrang pamimitas ng sambroxia (o pagkain ng mga isda’t sirena sa mundong ito) at trespassing. Ang ikaapat at huling palapag ay hindi pinahintulutang makita ni Kenneth. Masyado na raw itong malapit sa mundo ng mga mortal at posibleng ikapahamak ng kanilang komunidad.

MATAPOS ANG ILANG ORAS DING PAGSISID-PAGLANGOY ni Kenneth, nagpaalam na ang karakter. Pinabulaanan naman ito ng mga taong nasa paligid niya. Nagsimula silang magbulungan, magtinginan, magkumpirma. Nang matiyak nila ang sitwasyon, lumapit ang punong sirena kay Kenneth.

                “Alam naming hindi ka masaya sa mundong mayroon ka. Ayaw mo ba sa mundong ito, kung saan malaya kang nakalalangoy at nakasisisid? Ayaw mo bang maging ikaw?” tanong ng punong sirena.

                “P-P-Paano mo…” uutal-utal niyang tugon.

                “Gusto lamang din namin na tulungan ka. Ang mundong ito ay inilikha para sa iyo,” paliwanag ng punong sirena.

                “Kaya rin namin sinalubong ang iyong pagdating,” dagdag ng lalaking sirena na bumungad sa kaniyang kamakailan. Umiling lamang si Kenneth, pinakiusap sa mga kasama na iwanan muna silang mag-isa ng awtor. Ginawa namang pribado ng awtor ang pagtatagpo/pagtatalo nila. Ibinalik ng awtor ang kakayahan ng karakter na muling magsalita.

                “Wala ito sa takbo ng orihinal na plot, awtor. Bakit mo ito ginagawa sa akin? Para saan ito?”

                “Hindi ba’t gusto mong sumaya?”

                “Oo naman. Pero, bakit dito—sa baso lang?”

                “Dahil iyan pa lamang ang kaya kong ibigay na espasyo sa iyo.”

                “Bakit ang damot-damot mo?”

                “Bakit masyado kang mapaghanap?”

                “Masama bang mangarap?”

                “Hindi naman. Ang masama ay ‘yong higit pa sa sapat ang nariyan, pero nagagawa pa ring maging mapaghanap.”

                “Bakit ang bulaklak mong magsalita?”

                “Unawain mo naman din ako.”

                “Ako ang unawain mo! Sa tingin mo ba, para lamang ako sa lugar na ito? Kinumpara mo ako sa lumot, awtor! Napakasama mo talaga.”

                “Hindi mo ba nakikita kung gaano kaganda ang mundong ito? Ginawa ko ito para sa iyo, para maranasan mo ang mundong nais ko.”

                “Bakit hindi mo siya gawin sa mundo mo?”

                “Dahil…hindi ko pa kaya. Ang lawak ng mundo para sa tulad ko.”

                “Gawan mo ng paraan. Huwag mo hayaan ako, pati ang mga karakter na darating sa iyo na maging bukambibig na lang habambuhay!”

                “Tama ka na.”

                “Hindi, tama ka nga. Hindi ako ay ikaw. At ramdam ko na ang pagsasara ng espasyo ko—katapusan na ng ating kuwento.”

                “Salamat sa iyong bibig, Kenneth. Paalam.”


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, Associate Editor sa Filipino ng Revolt Magazine, at Editor-in-chief ng Vox Populi PH. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Maria sa Minds at MeWe.

Umalis ka pala, bakit hindi ka nagpaalam?

Para kay AV.

Nang maging roommate ko si Billy, palagi niyang ikinukuwento sa akin ang dalawang suicide attempt niya at kung paano nito nabago ang kaniyang pananaw sa buhay. “Gusto kong maging inspirasyon sa mga taong nakakaranas ng depression. Gusto kong makita nila na kinaya ko.” Mayroong pagkukumbinsi sa sarili ang tono niya, pero hindi ko agad iyon napansin. Nakikinig lang ako sa mga kuwento niya dahil alam kong iyon ang paraan niya para makakawala sa insomnia. Kaya kapag bumibiyahe kami para bumisita sa iba’t ibang mga Bahay Kanlungan sa Camarines Sur, kung hindi siya tulog ay tumatango-tango siya sa biyahe. Nagtatrabaho ako noon sa isang NGO na nagbibigay tulong sa mga child in conflict with the law at child at risk. Ako ang program officer para na nangunguna sa on-site na operasyon ng isa sa mga proyekto namin. Hindi taga-Bicol si Billy, naka-destino siya sa main office namin sa Maynila. Bahagi ng kaniyang trabaho ang bumisita sa mga provincial office ng organisasyon. Hindi kami close ni Billy noon, dahil masungit ang pagharap niya sa mga tao, tipikal na supervisor. Pero matapos ang ilang pagbisita naming sa mga Bahay Kanlungan, nagkuwento siya bigla sa akin tungkol sa mga karanasan niya sa Maynila.

“Masuwerte na kayo dito,” ang panimula niya. “Sa Maynila, nagsisiksikan ang mga bata sa mga Bahay Kanlungan. Mababait ang mga in-house parents dito, mukha namang hindi kayo nagkakaroon ng problema sa kanila. Sakit ng ulo ko ang mga in-house parents sa Maynila, mas matigas pa ang ulo kaysa sa mga bata.”

“Funding ang mahirap makuha dito,” ang sabi ko. “Pero mababa rin naman ang gastos dahil karamihan sa mga Bahay Kanlungan, may garden.”

Hindi na ako nahiyang yayain si Billy para mag-ikot sa Naga. “Sa daan na tayo magkuwentuhan,” ang sabi ko sa kaniya. “Maraming puwedeng puntahan dito. Malapit lang dito ang Cathedral, doon muna?”

Tumango siya. “Tara,” ang sabi niya. “Nakalimutan ko pala ‘yung mga gamot ko sa Tondo, kailangan ko ring bumili.”

Papalabas pa lang kami ng AdNU, tatawagan daw muna ni Billy ang nanay niya. Hindi ako karaniwang nakikinig sa pag-uusap ng ibang tao sa telepono pero napansin ko na nagpapaliwanag si Billy na naiwan niya ang gamot sa bahay at kulang ang dala niyang pera pambili ng gamot. Kahit hindi naka-speaker ang cellphone ni Billy, naririnig kong sinisigawan siya ng kaniyang nanay. Bagsak ang mukha ni Billy pagkababa niya ng telepono, “Puwede kitang pahiramin ng pera,” ang bungad ko sa kaniya, “mahalaga ang gamot.”

Nagpasalamat siya at nangakong babayaran ako bago siya bumalik ng Maynila. Nang dumating kami sa Cathedral, napansin ni Billy ang mga nagtitinda ng kandila at rosaryo sa bungad ng simbahan. “Alam mo, gumagawa kami ng mga kapatid ko noon ng kandila.” Ang sabi niya sa akin, “tapos naglalako kami kapag simbang gabi.” Hawak ni Billy ang ilang novena, “magkano po ito?” ang tanong niya, “mayroon pa po ba kayong iba? Bibilhin ko po ito.”

Marami siyang binili na novena, ang sabi niya sa akin ay naalala niya ang kaniyang lola. Palagi raw itong nagno-novena tuwing alas singko ng hapon. Sapat na iyong dahilan para hindi ko tanungin kung aanhin niya ang novena na nakasulat sa Bicol.

“Ang Cecilio Publication ang isa sa pinakamatandang publikasyon dito. Sila ang naglalabas ng mga booklet ng novena pero marami rin silang ibang nilalathala.” ang sabi ko kay Billy, “Bata pa ako mayroon na n’yan, baka nga hindi pa ako buhay meron na n’yan.”

Lumabas kami ng Cathedral pagkatapos niyang lumuhod at manalangin. Kinapa niya ang bulsa niya sa likod ng kaniyang pantalon, hinugot niya ang isang kaha ng fliptop na Marlboro. Tinanong niya kung mayroon akong lighter, umiling ako. Lumapit siya sa isang kandila at inilapit ang dulo ng sigarilyo sa yumayakap na apoy.

“Hoy, makita ka ng iba,” ang sabi ko, “Baka mabugbog ka.”

Tumawa-tawa lang si Billy, tumalikod lang siya na parang walang nangyari. “Saan ang sunod natin?” ang tanong niya, sinabi ko na puwede naman kaming pumunta sa Booksale sa may SM. Naglalakad kami nang mapansin kong hindi tumitigil sa pagsindi ng sigarilyo si Billy. Napansin niyang tinitingnan ko ang bawat pagbukas niya sa kaha ng sigarilyo, “Alam ko na ang sasabihin mo, itigil ko na itong paninigarilyo.”

“Hindi, katawan mo naman iyan at desisyon mo ang magsindi nang magsindi.” ang sagot ko sa kaniya. Papasok na kami noon sa SM kaya siguro hindi siya sumagot sa sinabi ko, o siguro ay iniisip niya kung paano niya bibigyang tugon ang sinabi ko.

“Sinong paborito mong writer?” ang tanong niya sa akin, “Siguro naman mayroon kasi hinila mo ako sa Booksale.”

“Napakaraming writer na puwedeng banggitin, pero siguro, ang may pinaka-impluwensya siguro sa akin ay si Harper Lee, lalo na iyong “To Kill A Mocking Bird” niya. Iyon ang dahilan kung bakit Political Science ang undergrad ko.” ang sagot ko sa kaniya. Mukha siyang masaya sa naging sagot ko, nang tanungin ko si Billy kung sino naman ang sa kaniya, sinabi niya na wala siyang paboritong libro at madalang siyang magbasa. Pero mahilig siya sa mga series, “Gusto ko ‘yung pakiramdam na may susunod pa.”

Nakaisang oras rin siguro kami sa loob ng booksale, ako talaga ang pinaka-matagal kung tumingin sa estante, sinusuri ko ang bawat pamagat na madaanan ng mata ko. Pati ang publisher ng libro ay tinitingnan ko, baka kasi may hindi ako kilalang manunulat mula sa isang kilalang publisher. Marami akong nakikitang magandang libro sa BookSale dahil napansin ko ang logo ng Penguin, Europa Editions, Grove Press, at HarperCollins.

“Hindi pa siguro sila nagre-restock,” ang banggit ko kay Billy. “Nandito lang ako nung isang araw, parang walang nagbago sa mga libro.” Naglakad na kami papunta sa National Bookstore, baka dumating na ang mga bagong pamagat na inilabas sa Maynila. “Kung wala pa dito, o kung may gusto kang ipabili sa Maynila, puwede naman na ako na ang bumili para sa ‘yo tapos dadalhin ko na lang dito kapag bumalik ako.” Natuwa ako sa sinabi ni Billy, medyo matagal ring dumating sa Bicol ang mga bagong lathalang libro sa Maynila. “Sige,” ang sagot ko, “maglilista ako para sa susunod pagbalik mo may dala ka na.”

Sandali lang kami sa National, sa libro lang ako umikot pero inikot ni Billy mula sa libro hanggang sa office supplies. Ang sabi niya sa akin, mahilig talaga siyang magtingin-tingin ng mga gamit sa opisina. Naging buhay niya na rin ang trabaho, at doon niya nabanggit na kumukuha pala siyang maging doktor. Iniimagine na niya ang magiging table niya kung sakaling maging doktor siya.

Habang naglalakad kami papunta sa Plaza, tinanong ko kung bakit siya tumigil sa pag-aaral. “Mahabang kuwento.” ang sagot niya sa akin, mayroong bigat ang pagbigkas niya ng salitang kuwento, parang may dinadala pa rin siyang bagahe sa mga nangyari noon. “Mahaba rin ang kalsadang nilalakaran natin.” Pahapyaw kong sagot.

“Actually,” pagsisimula ni Billy, “malapit na akong matapos sa pag-aaral. Ilang units na lang ang kailangan ko, wala naman akong problema sa service hours ko, nagproblema lang nung bumagsak ako sa isang klase. Pakiramdam ko noon, napaka-walang kuwenta kong estudyante. Iyong pangarap kong maging isang doktor, palayo nang palayo sa kamay ko. Abot kamay ko na iyon, V.” bumagsak ang tono ni Billy pero hindi siya tumigil sa pagsasalita. “Nangyari ang unang attempt ko pagkatapos kong malaman na bumagsak ako sa isang klase.”

“Kung masyadong personal itong kuwentuhan natin, okay lang naman sa akin na hanggang dito na lang muna.” ang sabi ko, nakakaramdam na ako ng kaunting takot na baka ma-trigger si Billy sa pagkukuwento niya.

“Hindi, okay lang. Nakakatulong rin sa akin na mag-open up sa iba. Mayroon pa ring frustation hanggang ngayon, pero pina-plano ko nang bumalik sa susunod na taon. Sayang rin kasi, natigil ako ng dalawang taon ngayon at dumaragdag pa sa iniisip ko kung matatandaan ko pa ba ang mga pinag-aralan ko noon.”

Nang dumating kami sa Plaza ni Billy, hinahawakan ko ang kamay niya. “Bakla ako,” ang sabi niya sa akin, parang nandiri siya bigla sa kamay ko pero hindi ako nagulat sa naging reaksyon niya. Walang kahulugan ang paghawak ko ng kamay maliban sa gusto kong maramdaman ang init ng kaniyang palad. “May boyfriend ka?” ang tanong ko sa kaniya, tumango si Billy, “Mag-iisang taon na kami. Hindi mo ba napapansin na lumalabas ako ng kuwarto kapag gabi, siya yung kausap ko. Pakilala kita mamaya.”

Hindi binitawan ni Billy ang kamay ko, naramdaman niya siguro na pagkakaibigan ang bungad ng paghawak ko sa kamay niya. “Ngayon lang may biglang humawak sa kamay ko na babae, palagi kasi na ako ang nauuna.” ang sabi niya sa akin, “V, salamat ha? Hindi mo ako pinagalitan sa paninigarilyo.”

“Bakit mo naman nasabi?” agad kong sagot.

“Lahat ng kilala ko, pinagsasabihan ako. Lahat ng bagay, dapat sinusunod ko sila. Nakakasawa ring makinig, V.”

Niyakap ako ni Billy, mahigpit na mahigpit. Ramdam na ramdam ng maliit kong katawan ang buo niyang yakap. “Minsan, nakakatakot magkuwento, pero ngayon lang nabigyan ng respeto ang mga desisyon ko sa buhay. Nakakasawang makinig at sumunod, V. Humihiwalay ang isip ko sa katawan ko kapag may ginagawa ako dahil utos ni papa o mama. Ako palagi ang anak na pasaway. Pero sinusunod ko lang naman ang tingin kong magpapasaya sa akin. Masama ba iyon, V?”

Hindi ako sumagot sa kaniya. Nararamdaman ko ang tensyon sa bawat salita na sinasabi sa akin ni Billy. Nabasag ang ma-posturang Billy na nakilala ko noong una siyang dumating sa Naga. Hindi umiyak si Billy at doon ko natutunan na totoong bumibigat ang salita kapag may dinadalang bigat ang pusong pinangagalingan nito.

“Tumigil ka na nga’t pinagtitinginan tayo ng mga tao, baka akalain nila nakikipag-break ako sa ‘yo.” ang biro ko sa kaniya. Nahimasmasan si Billy, nagyaya na siyang bumalik sa Menresa, inaantok na daw siya at baka daw mawala pa sa paghikab-hikab niya. Isa raw ang gabing ito sa pinaka-masayang paglalakad niya, nangako siya sa akin na babalik siya dito sa Naga para magbakasyon. “Marami pa pala tayong hind napupuntahan dito, siguro marami pang puwedeng puntahan. Diba malapit lang ang Caramoan dito?”

Pagdating namin sa Manresa, humilata agad sa kama si Billy. Iba sa hilik niya noong mga nagdaang araw, maganda siguro ang napapanaginipan niya. Ilang araw rin bago niya kinakailangang bumalik ng Maynila. Tapos na ang pagbisita namin sa mga Bahay Kanlungan, mayroon na siyang maibabalik sa main office namin sa Maynila. “Kapag nawawalan ako ng pag-asa,” ang sabi sa akin ni Billy habang naghihintay kami na dumating ang bus na gusto niyang sakyan, “iniisip ko ang mga natutulungan natin sa mga Bahay Kanlungan. Iyong makipag-usap sa kanila, pangungumusta at pagbibigay ng suporta sa kanila, sapat nang rason iyon para sa akin para magpatuloy.”

Nakatingin kami sa mga bus na napupuno at umaalis, gusto ni Billy na bago ang bus na sasakyan niya. Gusto niyang sumakay sa Cagsawa dahil komportable sa loob at mas maluwag. “May mga bus kasi na sobrang sikip, walang pag-uunatan ng ngalay na binti.”

Sa mga huling oras na magkausap kami ni Billy, alam kong ayaw niya pang umalis ng Naga. Siguro, may mga problema pa siya sa Maynila na hindi na niya naikuwento sa akin, o ayaw na niyang ikuwento. “Gusto kong bumalik dito,” ang banggit niya nang sabay namin makita ang paparating na bus ng Cagsawa, “mas nakakahinga ako dito kaysa sa Maynila. Mas kaunti ang ingay at parang magkakilala ang lahat. Sa Maynila, pakiramdam ko mag-isa lang ako kahit kasama ko ang pamilya ko.”

Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na puwede naman siyang mag-extend dito sa Naga, sasabihin na lang namin na dumagsa ang nagsisibalik sa Maynila at mahirap ang makahanap ng bus na masasakyan. Pero tumayo agad si Billy bago ko pa iyon nasabi, “Nandito na pala yung bus,” ang mahina niyang sabi, “paalam na muna.” Niyakap ko siya, para siyang kamag-anak na mangingibang bayan at taon ang bibilangin bago siya ulit bumalik. Kinakawayan ko si Billy, kumakaway rin siya pag-akyat niya sa bus. Siya ang huling pasaherong sumakay, ilang minuto lang ay bumiyahe na ang bus.

Nang mga sunod na mga buwan, tuloy-tuloy lang ang pag-uusap namin ni Billy. Palagi niyang kinukumusta ang mga Bahay Kanlungan na binisita namin, kung kumusta na ang mga in-house parent. Palagi niyang binabanggit sa akin na naghahanap siya ng funding para sa mga Bahay Kanlungan sa Bicol, “Nagpasa na ako ng proposal sa isang possible funder. Wala pa silang reply, pero mukhang okay sa kanila. Sama ka minsan sa meeting kung sakali, punta ka dito sa Maynila.”

Iyon na rin ang huli niyang mensahe sa akin, hindi na siya nagreply ng mga sumunod na mga buwan. Nalaman ko na lang na naging matagumpay ang pangatlo niyang pagtatangka. Dalawan nang mawala siya, doon ko lang nalaman ang balita nang may pumunta mula sa opisina namin sa Maynila papunta sa Bicol. Nagtaka ako noon kung bakit hindi si Billy ang pumunta, at nabanggit nga ang nangyari sa kaniya. Hindi ko na inungkat pa ang mga nangyari, nagluksa ako agad nang malaman ko ang nangyari kay Billy. Siguro, nasa huling kabanata na siya sa huling libro sa maikling series ng kaniyang buhay. Kaya sinasabi ko sa sarili ko na kinakailangang respetuhin ang naging desisyon ng ibang tao, dahil iba’t iba tayo ng karanasan. Sa kasamaang palad, hindi na siguro kinaya ni Billy at sa tingin ko ay matapang siya para tangkain na alisin ang balanse sa kaniyang pagkakatayo. Sa pangatlo niyang pagsubok, natupad rin ang kaniyang plano.

Ibinibulong ko na lang habang nilalakaran ulit ang dinaanan namin ni Billy sa Naga.

Kasiyahan lang ang hiling ko para sa ‘yo, Billy. Salamat sa maikling panahon na nagkasama tayo. Matapang ka, at marami kaming magpapatuloy sa pagseserbisyo sa mga taong gusto mong tulungan. Hanggang sa muli.”

Nang dumating ako sa Plaza, naramdaman kong katabi ko si Billy at nabanggit ko kahit na mag-isa akong nakatayo malapit sa monumento ng Quince Martires.

Umalis ka pala, bakit hindi ka nagpaalam?


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Q

Limang buwan ding nag-training si Elena para maging “Q Specialist’. Okey ang sweldo, ngunit mahirap ang trabaho. Sa trilyong-trilyong impormasyong na nage-generate ng buong populasyon ng Pilipinas sa internet kada isang minuto, kailangan ang matalim na mata at isip upang makita at ma-tally ang mga letrang Q.

Tricky ito, kailangan ng talino—may mga letter Q kasi na para bang lasing, kikiling sa kanan, mayamaya naman, kikiling sa kaliwa. May mga letter Q na nagpapanggap na letter A o letter E. May mga letter Q naman na aalukin ka ng malaking pera para lamang huwag silang i-tally—ang mga ganitong Q ay tiyak na may mga ilegal na transaksyon sa kung saan. O may madilim na nakaraan na ayaw mabunyag. May mga letter Q na naging letrang I, umimpis, pumayat, nawalan ng ganang mabuhay dahil sa depresyon. Ngunit bumabalik ito sa dati, ang depressed na Q, nagkakahangin, tumataba, bumibilog, kumukurba ang buntot,  kapag nalaman nito na nakilala siya ni Elena, at ibinilang na isang Q. Salamat, itinuring mo akong isang Q, sasabihin nito bago itulak ng mga kasunod na letra at numero papunta sa gilid ng computer screen, bago maipit, mamatay, at ipanganak muli bilang bagong simbolo sa elektronikong mundo.

Hindi isinasama sa bilang ang “q”, ‘yong malaking Q lamang ang kailangan sa trabaho. Hindi ipinaliwanag sa employee orientation kung bakit. Mga shareholders lamang ang nakakaalam. Kaya naman, mula umaga hanggang gabi, si Elena ay Q Q Q Q Q…

Ito ang training program ni Elena (na isa na ngayong Q Specialist sa kumpanya):

– Magbasa ng 20 terms of conditions ng mga gaming software at hanapin ang nag-iisang letter O na may mga tenga na katulad ng sa kuneho.
– Basahin ang Ulysses ni James Joyce nang walang patid. Isa raw itong dakilang nobela na walang nagbabasa.
– Manood ng video ng 10-minute fireworks display at abangan at i-record ang time kung kailan lumabas ang fireworks na hugis-titi.
– Bawal gumamit ng social media. Bawal ang scroll, scroll, heart, scroll, scroll, heart, scroll, scroll, scroll, heart.
– Mindfulness meditation with John Diwa. Diwa is a mindfulness practitioner with over seven years of experience conducting corporate mindfulness course and workshops. There is scientific evidence that mindfulness in workplace environment can help alleviate stress and labor alienation.
– Three weeks bago ang graduation sa training: tumira sa “Deprivation Room”. Isa itong malawak na kwarto na walang laman kundi manipis na kama sa sahig. Walang bintana. Walang pinto. Ang pagkain at tubig ay pinadadaloy sa malaking ugat sa kanang braso. Ang ihi at tae, sa isang tubo na nakakabit sa isang tangke.

Ang training ay dinisenyo upang manatiling mahaba ang attention span ng Q Specialist. Maswerte si Elena dahil mahilig na siya magbasa ng mga libro simula no’ng bata pa siya—namolde ang utak niya na maging pasensyoso (o “pasensyosa”, dahil babae ang kasarian ng laman sa loob ng bungo, may mga hiwa eh).

Nasa Age of Super Boredom na nga ang mundo, sabi ng isang Pilosopo na tatlo lamang ang mga taga-sunod sa Twitter. Malaking budget ang inilalaan ng mga korporasyon at intelligence units ng mga gobyerno sa pagpapaigting ng pagtitig, pagtututok, at pagkilatis sa mahahabang proseso.  No’ng nakaraan lang may global summit para dito.  Marami na kasing pinapatay at namamatay at nagpapakamatay at pumapatay dahil sa maikli o kawalan ng atensyon.

Isa lang naman ang yumayaman sa atensyon: marketing. Promosyon ng iilang grupo ng mayayaman na nagtatago sa isang inaalagaang “brand”—pawang mga letra lamang ngunit mayroong personalidad ng katulad ng isang tao. O ng isang Diyos na hindi nagkakamali at malawak ang awa sa mga mortal. Promosyon ng isang indibidwal bilang siya o may karakter na kwela, o ng magkasintahan na nagpapanggap na magkasintahan, o ‘di kaya’y isang pamilyang na walang mga tumbong gaya ng mga anghel, na laging masasaya at makikinis, at may bahay at sasakyan na pantasya ng lahat.  

Ang atensyon ay kayamanan. Ang kayamanan ay atensyon.

Madamot na kasi sa atensyon ang tao. Sawa na kasi. Nakita na lahat. Napanuod na lahat. Narinig na lahat. Nakabatay na ang lahat ng bagay ayon sa gaano kahaba kayang maghintay ng isang sulyap. Tingi-tingi ang emosyon, maliit, parang kurot sa ulam. Sa isang malaking bintana, may mas maliliit na bintana, milyon-milyong bintana. Ang mga ito ay araw-araw mong sinisilip gamit ang iyong libre o biniling oras. Gaya nito, may isang aso na iniligtas mula sa ilalim ng gumuhong bahay. Ang tulis ng tadyang, malamlam ang mga mata ng hayop, pilay. Apat na segundo kang tatangis. Sa kasunod na parisukat ng liwanag, mapapanuod ang isang lalake na tatalon sana sa swimming pool, ngunit nadulas, napabaliktad. Apat na segundo kang tatawa. Siklo. Iba naman. Salit-salit lamang. Sa puso mo ay salit-salit lamang.

WANDERING WOMB –from Wikipedia, the free encyclopedia

Mag-ingat ka. Isa itong sumpa sa mga babaeng makasarili. Sa mga babaeng nais magrebelde sa sarilin nilang katawan. Mag-ingat ka sa sumpa ng sinapupunan.

Ramdam mo ba, Elena, ang paggalaw ng iyong puson? Hawakan mo, damhin…idiin mo ang mga kamay sa ibaba ng iyong tiyan. Nadama mo ba ang pagsipa? Iyan ang galit ng sinapupunan. Waring isda itong lalangoy sa likido na dapa’t sana’y naging nutrisyon ng isang binhi, kung natututo ka lamang lumandi at nagtiwala sa paglalandi. 

Mula sa sinapupunan, lalangoy ito pataas, tatahakin ang mahabang kanal ng bituka. Papataas sa iyong dibdib, sa pipa ng iyong paghinga. Hinhinto ito sa iyong lalamunan, mananatili do’n, nakabara, hanggang sa magdlim ang iyong paningin sa kawalan ng hangin.

Matakot ka, Elena. Papalapit na siya..ang iyong matris!

“Aaahk! Aaahk! Aaahk!”

Sunod-sunod ang pagdahak ni Elena pagmulat ng mga mata sa umaga. Umupo siya sa gilid ng kama, pinipilit sumuka dahil sa kati ng kanyang lalamunan.

“Aahk!”

Gamit ang isang daliri, sinungkit niya ang kung ano mang nagpapairita sa kanyang lalamunan. 

Kumpol ng balahibo ng alagang pusa, basa ng laway. Naginhawaan ang lalamunan nang maalis iyon.

“Hindi na nga kita iki-kiss, Hex.”

Walang kurap ang malalaking mata ng pusa.

“Alam mo ba, ang weird ng panaginip ko. Ang uterus ko, shocks, naging jellyfish na may dalawang sungay. Lumalangoy-langoy sa loob ng katawan ko. Parang may nabasa ako somewhere na gaya no’n…ano sa tingin mo, ano kaya ibig sabihin no’n?”

Gusto ni Hex ang dating binibigay ng tao, ‘yong iba’t-ibang kulay na pellets na hugis isda.  Hinihintay niya kung tatayo ba ang tao upang bigyan siya ng pagkain. Nitong mga nakaraang araw, mukhang nagtitipid ang tao, dahil tirang ulam at kanin na lamang ang binibigay nito sa kanya. Napapadalas rin na nalilimutan ng tao na pakainin siya. Mukhang may krisis na pinagdadaanan ang taga-bigay ng pagkain. Pero wala nang pakealam si Hex kung ano man iyon.  Tahimik lamang siyang nakaupo sa gilid ng bintana, pinagmamasdan ang tao na bumalik na naman sa pagtulog.

TINGNAN MO AKO

Tingnan mo ako. Huwag mo akong tingnan. Ipinahahayag ko ang aking sarili. Huwag mo akong tingnan. Tingnan mo ako, ngunit huwag ka titingin. Kung tiningnan mo ako, kahit sinabi kong ‘wag akong tingnan, tiningnan mo ako pero wala kang nakita. Dahil kung sinabi ko na tingnan mo ako, at tumingin ka nga, para ka na ring hindi tumingin. Maaari akong tingnan, sa isang kondisyon: ‘pag sinabi kong tingnan mo ‘ko, ‘wag ka titingin. May pagkakataon na ayaw mo talagang tumingin, kahit nakikita mo na ako. Gano’n lamang kasimple: hindi makatingin ang palatingin.

Gusto mo tingnan kita?

Dahil tiningnan mo ako, ikaw naman. Titingnan din kita.

Diyan ka lamang, huwag kang tatayo. Nakatitig na ako sa iyo. Tinitingnan kita. Huwag kang gagalaw. (Kasalukuyan kitang tinitingnan habang hindi ka gumagalaw).

Ayos. Umalis ka na nga diyan…

NAGDRODROGA SI ELENA

Nagdrodroga si Elena. Konklusyon iyon ni Hex. Kung bakit kakarampot na kanin na may kaunting tinik ng isda ang ibinibigay sa kanya ng tao at hindi na ang makukulay na pellets na hugis isda.

Ang diwa ng pusa ay may paksa. Ang paksa ay kung anong esensyal: pagkain, tubig, proteksyon laban sa mga mapanirang elemento ng kalikasan—malakas na hangin at ulan, nakapapasong araw, apoy, kuryente, mga mabangis na nilalang. Ito ay ang Batas ng Kalikasan: ang umiral. At ang ipaglaban ang pag-iral. Bumukas ang pinto ng kwarto. Tumalon si Hex mula sa tuktok ng kabinet, lumanding sa sahig. Ang mundo ay brilyante lamang ng ilaw na may mga bahid ng maiitim na kulay. Sa kaliwa’t kanan ay mga anino lamang, ang sentro ang usapan. Ang mga mata ng maninila ay hinulma ng milyon-milyong taon na ebolusyon ng pagkahayop. At gaya nang nabanggit kanina, kung paano ipaglalaban ang pag-iral. Ikukubli ng maninila ang sarili sa mga anino, bahagyang yuyuko. Malapit na siya. At, sing bilis ng kidlat, susunggaban  ang biktima.

“Meowww!”

“Aray! Paa ko ‘yan, Hex, ‘wag mo kagatin!”

Sa isang platito: kakarampot na kanin na may kaunting tinik ng isda. Nilapitan ng pusa ang pagkain, kung matatawag ba itong pagkain. Inamoy-amoy. Tinalikuran.

Nagdrodroga. Nagdrodroga ang tao.

“Pagod na ako.”

Inilapag ang bag sa lamesa. Hinihimas-himas ng tao ang noo nito, may butil ng luha sa kaliwa niyang mata. Umubo, suminghot. May sipon. May plema. Sa isang pakete, isang tableta. Puti, bilog.Nilunok iyon ng tao, sabay inom ng tubig.

Nagdrodroga nga ang tao.

Bumalik si Hex sa tuktok ng kabinet, isang diyos na nananahan sa taas ng isang bundok, tahimik na nagmamatyag sa isang taga-lupa na nagtatanggal ng make-up, nakatulala sa harap ng salamin.

Gusto itanong ni Hex sa tao: Bakit ka napapagod, tao? Mahalaga ba ang pinagpapaguran mo? Dahil kung lagi kang ganyan, pagod at umiinom ng droga, hindi mo na ako napapakain nang maayos. Alam mo ba kung ano ang ginagawa mo?  Pagpatay sa akin nang dahan-dahan, kasabay ng pagpatay sa iyong sarili nang dahan-dahan. Ako ang pinagbabalingan mo ng kawalang saysay ng buhay mo. Hindi ganyan ang sistema ko—ang sistema ko ay ganito, tao, makinig ka: Pag-iral! Pag-iral! Pag-iral!

Tumalon si Hex, lumapag sa kama kung saan nakahiga na ang tao. Kailangan nang matapos ito, ang kakarampot na kanin na may kaunting tinik ng isda. Ngunit, singbilis ng kidlat, sinunggaban siya ng tao at niyakap. Umiiyak ang tao.

WALANG PANG-UNAWA ANG MATRIS, KINAUSAP KO PERO WALA SIYANG NAINTINDIHAN.

Walang pang-unawa ang matris, kinausap ko pero wala siyang naintindihan. Pero mapanganib siya. Huwag mo na lang pansinin.


Greth Barredo works in a media intelligence and data technology company in Pasig City. When not glued to a computer screen, she spends time feeding cats (those ungrateful creatures) and biking around the neighborhood. She lives in Marilao, Bulacan.  You can reach her at gretbarredo@gmail.com

OVERLOAD AQ

Halos tanghaliin na ako ng gising nang maalala ko ang oryentasyon ngayon sa eskuwela. Bakas ang antok sa palubog kong mga mata, kinumbinsi ko ang sarili na huwag nang mag-atubiling kumilos upang daluhan ang nasabing programa. Hindi naman kasi para sa akin ang oryentasyon. Para sa mga kapatid ko. Sa katunayan, medyo naninibago nga ako sa pagpupulong sa umagang ito. Sa pagkakaalam ko kasi, mula nang ianunsiyo ang community quarantine anim na buwan na ang nakararaan, ang binibigyang-permiso lang na magsagawa ng malawakang pagtitipon ay relief centers.

Pagkarating ko sa gate ng paaralan, pumila ako kasama ng mga nanay na nakaabang sa pagpapapasok ng guwardiya. May ilang nagkukuwentuhan, may ibang busy kate-text. Tahimik kong pinuno ang health checklist form na ibinigay sa akin. Pagkaabot ng papel sa guwardiya, mabilis kong tinungo ang covered court sa loob.

Tulad ng inaasahan, may kalakihan na ang bilang ng mga taong nakaupo. Sa harapan napansin kong nag-aayos ng Personal Protective Equipment (PPE) ang isang babae. Siya siguro ang gurong inatasang magbukas ng programang ito. Binalot siya ng asul na equipment mula ulo hanggang paa bagaman tirik na tirik ang araw at umaalingasaw ang init sa labas. Kinalaunan, nang hindi makatiis sa lumalagos na sinag sa suot niyang face shield, isinapo ni Ma’am ang kaliwa niyang palad sa noo. Hawak ang mikropono sa kabila niyang kamay, kinumusta niya ang lahat sa pagtitipon.


“He. . . lo. . . elo. . . HELLO?”

“Yes po,” sagot ko sa selpon.

Kaunting static.

“Nakikinig po ‘ko, Ma’am.”

Static ulit.

“Hello, ma’am?”

May ilang busina akong narinig sa tawag.

Kahol ng aso.

Busina ulit.

At naputol na naman ang kabilang linya.

Ikatlong beses na namin itong pag-uusap ni Ma’am sa selpon simula nang napag-trip-an akong gawing lider ng mga kasamahan ko sa kurso. Noong una, hindi ako sang-ayon sa ganang ito. Matanda na kasi si Ma’am; napakahirap kausapin. Dagdag abalahin pa kunsakali dahil ayon sa mga kakilalang ate at kuya sa kolehiyo, marami raw paglilinaw na kailangan sa asignaturang Fil 20. At totoo naman, dahil ‘yun ang naging unang paksain namin ni Ma’am nang tawagan niya ako, isang maulang Linggo ng Setyembre, nang walang abiso.

Minsan, nagbabalik ng malinaw na paliwanag si Ma’am sa mga ibinabato kong tanong. Kadalasan masyadong magaspang ang binibitiwan niyang mga salita. Garalgal. Para akong nagka-crack ng password; nagde-decode ng kung anomang alien language ‘pag pinakikinggan ko siya.

Sa ikalawang pag-uusap namin, tinungo ko ang bakuran ng bahay. Full bar dito ang signal ng Smart. Isinalpak ko ang earphones sa magkabilang tainga. Nang dumating ang tawag, tinodo ko ang volume at inunahang magsalita si Ma’am.

“Hello, nasa labas na po ‘ko.”

May kung ano na namang umalingawngaw sa tainga.

Matinis. Wangwang.

“Ma’am?”

Ilang sandal pa at naputol ang kabilang linya.


Mahigit sampung minuto na ang nakalipas nang mapansin kong pinagpapawisan na pala ako sa kinatatayuan kong puwesto. Sa dulong kanan ng covered court, pinili kong humimpil nang hindi makulob sa mga bagong dating sa pagpupulong. Medyo inip na ako sa usad ng programa. Madalas kasing pinauulit-ulit lang ng mga magulang ang anunsiyo dahil hindi gaanong maintindihan. Pagkaraan ng trenta minutos, nagloko pa ang gamit na mic sa harapan. Tinangka ni Ma’am paganahin ang mic sa pagpalo rito. Walang himalang naganap. Nang subukan naman niyang ilakas ang kanyang boses, napipi lang ng ilang layer ng takip ng kanyang mukha ang ibinulalas niyang tunog. Napakamot ako ng ulo. Wala pala silang backup na nakahanda.

Naalala ko ang matanda kong propesor sa FEU, sa kursong Rizal, na ni minsan ay hindi pa nakapaghanda ng PowerPoint presentation para sa kanyang asignatura. Bagaman minsan may dalang laptop at nagpapatulong sa pagse-setup para sa panunuod ng dokumentaryo, naging sistema na ata ni Ser ang mala-Socratic na pagtatanong imbes umangkla sa makabagong teknolohiya. Siguro hanggang doon lang ang sakop ng kaalaman niya. Maski ako, hirap sa pagmamaneobra ng gadget. Mahirap gamayin, lalo sa pag-aaral. Kaya nang hindi inusog ng CHED ang pagbubukas ng klase sa bansa sa kabila ng pangamba pandemya, isa si Ser sa mga nagpaskil ng reklamo sa espasyo ng social media.

Sa nakaraang pag-scroll ko sa FB, samu’t-saring daing na rin ang nabasa ko mula sa di-kilala at kaibigang guro. May nakapagsabi na kinailangan niya ng donations para sa tinta’t papel. May nakapagsabi na tinanggal siya sa trabaho nang hindi nakasali sa emergency Zoom meeting ng faculty. Salitan ang angry at sad reactions sa mga paskil. Hindi ko alam kung alin sa dalawa ang pipindutin ko. Hindi makatarungang gobyerno! Inaalipin niyo ang mga guro! Basa ko sa isang shared post ni Ser. Sumama ang loob ko. Kung kilala kaming kabataan bilang pag-asa ng bayan, bakit hindi bayani ang turing sa mga gurong humuhubog sa aming kinabukasan?


Gud PM nak kaw b yan? Sent 8:43 PM

Gandang gabi rin po maam! Opo sa Fil 20 po naputol po tawag nio kanina. Sent 8:45 PM

OK bka TOM k pa mkita concerns ng class kc nasa labas aq. Sent 8:51 PM

Naku ingat po maam. Pero ask ko lang po yung readings po ba mapapadala na po tom? Sent 8:51 PM

Sinend q n CLASS TIME AND DAY of grp work need ASAP. Sent 8:54 PM

Opo maam nabasa na po namin pero wala pa po kasi yung course pack. Sent 8:55 PM

BSTA chapt 1 to 5 text A to E.. GINAGAMIT LAPTOP KC. Sent 9:01 PM

Noted maam. Tanong ko lang po sana kung makakatanggap kami ng course pack bukas kahit di buo? Andun po kasi ang reading para sa Thurs. Nagemail na po ako sa inyo tungkol dito. Sent 9:01 PM

Hello po maam? Sent 9:07 PM

Maam nagemail po ko sa inyo. Gusto nio po tawagan ko po kau now? Sent 9:10 PM

Hello po maam sori po kung nakakaabala pero pede ko po ba kau tawagan? Ok lang po kung hindi. Ingat po pauwi. Sent 9:24 PM

Nak SIRA printer sa bhay.. di mpadala course pack tom OVERLOAD AQ. Sent 11:12 PM


Hinubad ng guro ang kanyang face shield at isinantabi ang sirang mikropono sa tabi. Kalagitnaan ng programa, at walang ibang napagpilian ang mga nasa dulong hilera ng mga dumalo kundi ang lumapit sa sentro—habang nagpupursige si Ma’am na ilakas ang kanyang boses sa ilalim ng disposable face mask.

Pinanuod ko ang pag-aalangan ng ilan na lumapit sa harapan. May iba na hindi na gumalaw sa kinauupuan nila. Hindi ko sila masisisi. Sino ba naman ang nais magdikit-dikit ngayong may banta ang COVID-19? Lagpas tatlong daang libo na ang nabiktima ng virus, limampung libo ang namatay. Hindi pa kumpleto ang tala lalo at mahirap tumbukin ang mga posibleng asymptomatic carrier. Papaano kung nilalagnat na pala ang katabi mo?

Tinitigan ko muli si Ma’am. Tagaktak na ang pawis sa noo. Punas nang punas. Kamot nang kamot sa leeg. Mas lalong humina ang kanyang mga pangungusap. Nang bahagya siyang naubo dulot ng hindi maiwasang pamamaos, lumayo ang kalipunan ng mga tao sa kanya. Gusto kong isipin na hindi ito napansin ni Ma’am. O pinansin. Tuloy lang ang salaysay. Marahan. May bahaging pasigaw. Araw-araw, ganito ang normal na gawing nararanasan ko sa apat na sulok ng silid-aralan. Ang uri ng pagtuturong inaabot ang huling linya ng mga upuan—ang mga estudyanteng tulad ko. Bagot. Gustong umuwi. Siguro, gusto na rin umuwi ni Ma’am sa sarili niyang kuwarto. Ipahinga ang boses. Tipirin ang laway. Ibaluktot ang mga binti at iunat ang likod habang inaangkin ang listahan ng mga marka. Marahil katangian nga talaga ng guro ang mag-ampon. Mag-ampon ng mga papeles. Mag-ampon ng tingi-tinging chalk at pambura mula sa kabilang seksyon. Mag-ampon ng migraine. Mag-ampon ng sama ng loob mula sa mga batang gaya ko. Bagot. Gustong umuwi. Pero hindi ko naman kaedaran ang mga kaharap ngayon ni Ma’am habang pinalalawak ang diskusyon tungkol sa kasalukuyang akademikong taon. Mga magulang. Mga matatandang kaanak. At sa susunod pang mga buwan, panigurado, ang blangkong screen ng selpon at/o laptop.

Isinara ang oryentasyon matapos ng humigit-kumulang isa at kalahating oras na talakayan. Maliit ang bilang ng mga nagpalakpakan. Agad na nagsilisan ang malaking porsiyento ng mga nagsipuntahan. Nanatili ako panandali sa kinatatayuan ko. Alas onse na. Maya-maya ay kailangan ko nang asikasuhin ang Google Meeting sa aking mga asignatura.

Muli akong sumulyap kay Ma’am. Pinalilibutan na siya ng mga nanay na may dalang mga envelope at folder. Hula ko na ito ay naglalaman ng xerox ng birth certificate ng kani-kanilang mga anak na ngayon palang ipapasa. Isa-isa niya itong inabot, sinuri, at inilagay sa lamesang malapit sa kanya. At sa kada pagtanggap ng papel, pagtango nang walang pakundangan, halatang bumibigat pa lalo ang kanyang mga balikat. Gaano karami kaya ang kanyang load sa pagbabago ng moda ng edukasyon? Ilan kaya ang mga mag-aaral sa kada seksyon na hahawakan niya ngayong taon? Mapipilitan ba siyang magbawas dahil sa mahigpit na kahingian sa course pack, o dagdagan niya ba ito ng mga alternatibong pagkakakitaan sa pagkaladkad ng quarantine? Hindi na ako nabigyan ng pagkakataong sukulin ang mga agam-agam na naglaro sa isip ko. Lagpas alas onse na, at kailangan ko nang umalis bitbit aking agam-agam.

Marahil, mamayang gabi, pagkapasobra ng load sa tindahan, tatangkain ko muling kontakin si Ma’am upang tanungin naman siya kung nakauwi na ba siya sa kanyang tahanan.


Si Arthur David San Juan ay kasalukuyang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Ganap siyang kasapi ng Angono Tres-Siete Poetry Society at Hulagway Writers Group. Inilimbag ang kanyang mga akda sa Bulatlat, Bulgar Tabloid, Manila Today, Novice Magazine, Kasingkasing Press Magazine, Katitikan Journal, Abandoned Library Press International Journal, at iba pa. Siya ang may-akda ng librong “Sikreto sa Loob ng Kwarto” (8Letters, 2019).

Si Kayla Nicole Togonon ay isang manunulat, campus journalist, bookworm, at isang entrepreneur. Siya rin ang kasalukuyang ulong patnugot ng Vox Populi PH, isang lokal na plaform para sa mga batang manunulat at kritiko. Inilalaan ni Kayla ang kaniyang oras sa pagsusuri at pagluluto. Ang kaniyang column na The Wallflower ay magtatalakay ng mga opinyon at kritisimo tungkol sa pop literature at kultura. Makipagkuwentuhan kay Kayla sa Minds at MeWe.

Silong

“If God does not exist, that means heaven does not exist either. And that means that the world’s poor, those millions who live in poverty and oppression, will never go to heaven. And if so, then how do you explain all the suffering of the poor? What are we here for, and why do we have to endure so much suffering, if it’s all in vain?”

—Orhan Pamuk, Snow

“Bente na lang,” sambit ng aleng payukong nakatingin sa kanya sa tonong alanganing nagtatanong.Malumanay ang tinig na iyon kung tutuusin. Isang paslit na nagmamakaawang maibili ng lobo sa magulang; naglalambing, nakikiusap. Ngunit naglaho ang lahat nang tingalain na ni Dante ang mukhang nakayuko sa kanya. Kunot ang noo’t may halong pang-uuyam ang lukot na mukha. Nakapamewang ang kaliwang kamay habang nakadukot naman sa bulsa ng suot na pulang daster ang kabila. Kung anong lumanay ng tinig, siyang tigas ng ekspresyon na waring naghahamon ng pakikipagtunggali.

Matagal na siya sa ganitong kalakaran. Simula pa nu’ng matanggal siya sa pinagtrabahuhang pagawaan ng payong (sila’y pinal’tan ng mga makinang de-kuryente’t de-langis, na inangkat pa sa ibang bansa ng banyagang among wala ni isang simpatya sa kung ano’ng mangyayari sa kanyang mga tinanggal na manggagawa) magpipitong taon na ang nakararaan. Kaya di na bago ang mga ganitong pahiwatig. Gamay na gamay na niya ang ibig sabihin nuon. Hindi makabubuti ang pag-angal, ang pangangatwiran na hindi na dapat bumaba du’n ang presyo ng kanyang serbisyo. Huwag na huwag magkakamaling atungalan ang kanilang mga irap, busangot at pang-mamaliit. Kung gusto niyang hindi mapurnada, kung gusto niya pang mairaos ang isa na namang yugto ng pakikipagsapalaran. Dapat sumunod, dapat lamang na sila ang magtakda ng presyong paghihirapan niya kung ayaw niyang walang maiuwing delihensya na pagsasaluhan nila ng alagang si Doro, na malamang sa malamang, ay naalimpungatan na sa mga oras na ito- kung ayaw niyang kaning sinabawan ng asin na naman ang kanilang i-altanghap (almusal, tanghalian, hapunan). Kung ayaw niyang muling ihain na naman kay Doro, gamit ang naglalaway niyang imahinasyon, ang nag-uumapaw na mga pagkaing sa salamin lamang ng mga restawran niya nakikita.

Nagmamantikang mga putaheng nilulunok nila sa hangin gamit ang mga kubyertos ng kanyang guni-guni. Pagkatapos ay dighay na walang tunog. Hahaplusin niyang tiyan ng alaga, aaluhin ang impit nitong pagkahol, habang sila’y nakahiga sa magabok na papag ng lansangang kinakanlong sila, sa tuwing sasapit ang dilim sa siyudad matagal nang pinanawan ng kislap ng mga bituin.  

Tumugon siya nang nakangiti. Bahagyang nabanat ang kanyang nangungulubot na mukhang lagi’t laging mababakasan ng pagkapagal; sa dami ng pakurba’t sala-salabat na guhit, ay di na napansin ang biloy na lumitaw sa kanang bahagi ng humpak na pisngi. Iyon ang makabubuti. Kailangang ipakitang masaya siya sa naganap na baratan. Ikubli ang pagkadismaya sa kuripot na kustomer. Napalitan ng abot-tengang ngisi ang kaninang mala-anghel na anyo ng ale. Ang lahat ay idinaan na lamang niya sa ngiti. Kinuha niyang lamukos na kahel na papel mula sa kanang kamay ng ale, na litaw pa rin sa mukha ang ang pagkatuwa. Isa na namang araw ang nairaos ni Dante sa Maynila, siyudad ng pag-asa’t ginhawa.

Paroo’t parito sa kanyang harapan ang bulto ng mga aninong dumaraan sa tulay; pababa’t pataas tungo sa magkabilang bahagi ng kalsada. Mga estrangherong nag-uunahan, na para bang isang malaking karerahan ang siyudad. Mahapdi sa balat ang sikat ng araw, tinutusta ang lahat ng mga walang pananggalang: ang kabuuan ng kalsada, ang kawan ng mga taong nanlilimahid sa pawis, mga butas at siwang sa mga yero’t bintana ng mga kabit-kabit na tahanang yari sa pinagdikit-dikit na plastik, karton, goma, kahoy o tabla na itinayo sa mga gilid ng kalsada, maski ang mga basurang tinatangay ng hangin patungo sa maburak na kanal.

Bawat kanto, eskinita o gilid na libutin ng tanaw, meron at merong gusaling lilitaw, huhugis at magkakaanyo; nagkakait ng espasyo ang lahat. Nagsasalimbayan ang walang melodiyang tunog, pito ng mga pulis trapiko, nakakairitang busina ng mga humahagibis na sasakyan sa lansangan, nakakabinging bulyawan ng mga taong nagkakabanggaan, paulit-ulit na pag-aalok ng mga tinderang nang-gigitata ang lagkit sa katawan, naglalako ng mga damit, tumpukang mga prutas, murang selpon at tsinelas na gomang gumuguhit sa ilong ang amoy sa tapat ang maputik na eskinitang iyon sa ilalim ng tulay kung saan nakaluhod ang kaliwang tuhod ni Dante. Nakadantay sa kanan ang mga ginamit niya sa pagkukumpuni ng payong kani-kanina lang. Bakat sa gula-gulanit, libagin niyang pulang t-shirt ang butuhan niyang katawan. Isang kupas na maong ang suot niyang pang-ibaba, halos di na maaninag ang orihinal nitong bughaw na kulay. Ibinalik niya sa sisidlan ang mga gamit sa pagkukumpuni. Lahat ay mga pawang parte’t kagamitan lamang para sa paggawa ng payong liban sa isang malibag na tuwalya’t botelyang plastik na pinaglalagyan niya ng inumin na nakasilid sa itim na lalagyang bakbak na’ng balat. Nilukob nang kalawang ang halos lahat ng mga ito. Mula sa mga alambre, plais, philips screw, turnilyo, hanggang sa maliit na kutsilyong namumungaw sa hasaan. May mangilan-ngilan pa namang kakikitaan pa ng bakas ng kulay, kagaya ng mga hawakan ng mga iba’t-ibang hugis ng payong- kupas na berde, asul, dilaw, at ang natira’y pawang itim- nakasulakbit sa kanyang kaliwang brasong maugat na tila iigkas anumang oras.


Tumayo siya sa pagkakaluhod. Hinigpitan ang nangingitim na sumbrerong pinamahayan na ng alikabok. Pinaling pakaliwa’t pakanan ang leeg. Humikab. Pahapyaw na inunat ang patpating mga balikat. Hinawi ang malatansong buhok. Dinukot ang relong mumurahin na walang hawakan mula sa kanyang bulsa at inilagay patalikod sa magaspang niyang kamay.

“Mag-alas tres na pala ay…” alanganing tanong at pagkabigla sa sarili. Lagi niyang pinagtatakahan na may mga pagkakataon pa rin pa lang kagaya nito. Ang pagpatda ng oras at pagtanto kung gaano na sinubok o minanhid kaya ng panahon ang kanyang kalamnang singaw ng bituka ang palagiang laman. Siyang naghahatid ng kakatwang pagmamalaki sa sarili. At saka lamang papasok ang reyalidad na may naghihintay sa kanyang pag-uwi. Si Doro, -na malamang sa malamang ay kanina pa siya hinahanap- ang kaisa-isa niyang kasama sa buhay simula nang lisanin siya ng kanyang kinakasama.

Si Aida. Ang kaisa-isang babaeng minahal niya. Ang inakala niyang makapagbibigay sa kanya ng inaasam-asam niyang anak, ng isang payak na pamilya. Minsan silang nanirahan duon sa kabit-kabit na tahanang walang bubong, sa gilid ng simbahan sa Tundo. Isang bukas na espasyong yari sa maninipis at pinagdikit-dikit na tabla’t karton na kung tag-ulan ay bumabaha’t nagpuputik, kung saan sinisipsip ng lupang kanilang kinatatayuan ang tubig ulan. Idagdag pa’ng nakasusulasok na amoy bunga ng mga basura’t duming nagkalat sa paligid na pinamamayahan ng mga daga, ipis at lamok. Pinagtiisan niyang lahat para sa kanya. Lagi’t lagi niya itong nilalambing na bigyan na siya ng anak, ngunit ang laging sagot sa kanya’y magsumikap muna bago sila bumuo ng isang pamilya. Pagsisikap na nuon pa lamang ay matagal na niyang isinasabuhay magmula nu’ng siya’y magbakasakali dito sa siyudad. Bukod sa pagpasok ng pagawaan ng payong sa hapon, nagkakargador siya sa palengke sa madaling araw, at tumatawag ng pasahero para sa mga dyip na nakapila sa divisoria kinagabihan. Idlip lamang ang kanyang pahinga. Ngunit anumang gawin niyang pagsusumikap, hindi pa rin ito nakasapat para makumbinsi si Aida na manatili at kalimutan ang ambisyon ng isang mariwasang buhay.

Alaala na lamang ang lahat: anak, ligaya, payak na pamilya. Iniwan siya ni Aida, kasama ang lalaking nakilala sa isang bahay-putahan. Nalaman na lamang niya ang lahat nang paalis na ito sa tahanan nila, habang siya’y papauwi mula sa magdamagang pagbubuhat. Hawak-kamay sila ng kalaguyo, papasakay sa isang sasakyang pagkaputi-puti na malao’y umandar papalayo, malayung-malayo sa kanya. Ni hindi siya nakakibo. Sa halip, pinanood lamang niyang mawala ang lahat dahil napagtanto niya sa kanyang sarili ang kawalang kapangyarihan para pumabor sa kanya ang sitwasyon. Tahimik niyang hinarap ang pamamaalam.

Malalaki ang hakbang ng kanyang mga hubad na paa papanhik sa sementong hagdanan ng tulay na kinupasan na ng dilaw na pinta. Nag-aalala siya kay Doro. Hinalikan niya’t tinapik sa noo ang mahimbing na natutulog na alaga kaninang umaga at nangakong babalik sa oras ng tanghalian bago niya ito iwan duon sa kahabaan ng mga bahay (halos walang pinagkaiba sa nauna niyang tinirahan sa Tundo) na tagpi-tagping nakalatag sa magkabilang gilid ng riles ng tren sa Sta. Mesa.

Gumuhit sa kanyang gunita nu’ng una niya itong makita sa isang istante ng basurahan, kinakain ang lahat ng mangangata ng ngipin. Buto’t balat, tadtad ito ng itim na batik sa katawan, at tapyas ang kanang bahagi ng tainga. Hinaplos niya ito sa likod, dahan-dahan. Nabigla ang aso. Nagkakahol. Garalgal na kahol. Kita sa mga mamuta-mutang mata nito ang kainosentehan, ang pagkatakot.

“H’wag kang matakot ay,” Inilabas niya sa kanyang bag ang isang supot ng pagkaing dapat sana’y pananghalian niya. Mabilis na nagpunta sa kanyang harapan ang aso. Sa una’y dinilaan muna nito ang pagkain, nangangamba. Ngunit kalaunay sunud-sunod, walang humpay itong nginasab. Habang kumakain ang aso’y nangingiti siya, sinisibulan siya ng kakaibang ligaya. Hindi lamang dahil sa nakikiliti siya nito habang kumakain sa kanyang kamay. Hinaplos-haplos niya ang ulo nito. “Doro ay,” bulong niya sa sarili. Imbis na muling umatras at kumahol, bahagyang tumingala ang aso’t dinilaan ang kanyang mga daliri.


Tumungo siya sa karinderya ni Aling Bineng upang bumili ng makakain. Ito’y isang munting lumang bahay- na nakatirik sa pusod ng samo’t saring gusaling ginawang tindahan ng kung anu-anong kagamitan-nilagyan ng partisyon sa ibaba upang gawing kainan na matatagpuan sa kabilang kalsada, pagbaba ng tulay katapat ng isang sanglaan na may katabing kompyuterang hulugan: pisonet. Malugod ang pagtanggap ng matanda, sa kaniya. Palaisipan pa rin sa kanya kung bakit ganoon na lamang ito kabait. Kalimitang mga ordinaryong manggagawa ang pinagsisilbihan nito. Mula sa mga kargador, manggagawang konstruksiyon, sidecar boy, sidewalk vendor– bukod pa’ng mga pulubing pinakakain nito nang libre at namimihasa-sa presyong balik lamang ang puhunan at maaring lugi pa nga.

Napadpad sila dito ni Doro nuong minsang pagkalakas-lakas ng ulan. Mabilis na rumagasa ang tubig sa kalsada. Naglalawang putik ang bawat kalye’t nagsi-apaw ang mga kanal. Kapwa nangangatal sila ni Doro at wala siyang magawa kundi yakapin lamang ito, takluban ng kanyang manipis na bisig na nangiginig habang yakap-yakap ang alaga, sinisiguradong ligtas ito, sa kabila ng umaalimpuyong bugso ng hanging may kasamang malalaking tipak ng tubig na tumatagos sa butas-butas na lonang kanyang itinayo, upang magsilbing pansamantalang kanlungan duon sa gilid ng sanglaan. Karaniwan na nila itong gawin. Mula nang lisanin niya ang entresuwelo’t magpasyang maglagalag. Kung saan sila abutan ng takipsilim, duon sila nagpapalipas nang magdamag. Lansangan ang bahay nila nuon pa man.  Nagitla siya nang marinig ang pagtawag ng matanda mula sa bintana ng bahay sa ikalawang palapag,

“Manong! parine kayo, dumito muna kayo niyang alaga mo’t ke sama-sama ga ng panahon,”

Nagdala ng payong ang matanda. Inakay sila nito papasok sa lumang bahay.

Nakatagpo sila ng masisilungan pansamantala. Silungang hindi yari sa pinagtagpi-tagping kahoy, o sa butas-butas na lona.

“Baka trangkasuhin pa kayo’t konsensya ko pa,” pag-aalala nito.

Kitang-kita ang nagpipilak nitong buhok sa tama ng bombilyang aandap-andap, habang tahimik niyang kinakain ang inihaing lugaw ng matanda. Nakasubsob sa mangkok ang mukha ni Doro, abala sa pagkain ng kaning lamig na hinaluan ng sabaw ng tinola, mula sa putaheng inilalako ng matanda. Pagkuwa’y dinukot ni Dante ang natitirang pera sa kanyang bulsa para magbayad ngunit pinigilan siya ng matanda.

“Naku, ‘wag na ga,” tugon nito. Hindi siya pumayag na walang maisukli man lang sa kabutihang ipinakita nito. Habang hinihimas niya ang buntot ng alaga, nagtanong siya kung sakaling may sira itong payong upang kanyang makumpuni. Yun na lamang ang kanyang pakunsuwelo. Ngumiti ang matanda.

“Mayro’n, ‘yun gang regalo sa’kin ng anak ko.”

Sandali itong naglaho sa dilim, kagyat na bumalik tangan ang isang bulaklaking rosas na payong, na sa pagkakakilatis niya’y bagung-bago pa kung tutuusin.

“Nabali ang tadyang,” may kung anong lungkot na hindi niya maarok sa mukha ng matanda na kanina lamang ay mayuming nakangiti sa kanya.  

Pagkatapos niyang magawa ang payong, agad siyang nagpaalam sa matanda. Tutal, tumila na naman ang ulan.

Mauna na ho kami’t maraming salamat ulit ay,” habang iwinawagayway ang kamay ni Doro na nakadila, bitbit-bitbit niya, sa direksyon ng matanda.

“Dito na ga kayo bumili ng pagkain sa susunod,” sa ikalawang pagkakataon ay sumilay ang ngiti sa laylay nitong mukha.


Punuan ang karinderya ng dumating siya. Nasa unahan ang mga pulubing regular nang pinakakain ng matanda kasunod ang ga-dosenang manggawang kumikintab sa pawis ang mga hubad na katawang nakatalikod sa kanya. Konstruksiyon sa katabing gusaling itinatayo na naman, sa isip-isip niya.

“Manong, kayo pala. Ano gang atin?”

“Munggo ho, saka ‘sang kanin ay,” Habang pinagsasalok siya ng munggo ng matanda, biglang pumasok sa isip niya ang bulaklaking rosas na payong na ipinagawa ng matanda. Mula kasi nuong gawin niya ang payong, hindi na niya ito nakitang ginamit iyon. 

“Pakidagdagan ho ng konting sabaw manang ay,” Kumakalansing ang tunog ng mga kubyertos sa pinggan ng mga kumakain kasabay ng halakhakan ng mga naghuhuntahang miron.

“Ito ga o,” abot ni Aling Bineng.

“Salamat ho ay,” agad niyang pinalis ang katanungang nabubuo sa isip, dali-daling nagbayad, at kapwa sila nagsuklian ng ngiti. Paspas siyang naglakad pauwi, di alintana ang unti-unting pagiging abo-itim ng kalangitan, kasabay nang manaka-nakang pagkulog at pagkidlat.

Malayo pa lamang, tanaw na niya ang buntot na wumawagayway sa direksyon niya. Gumaan ang pakiramdam niya, nang makitang nakadila ang alaga habang nakatali ito sa isang kawayang nakatarak sa madamong lupang iyon, kaninang umaga lang. Narinig niyang paulit-ulit na mahahabang busina, naghuhudyat ng paparating na tren. Pansamantalang pinigil niya muna ang sarili. Pagkalampas ng tren, patalon siyang humakbang sa mabatong riles patungo sa alaga.

“Arf! Arf! Arf!” bati ni Doro.

“Sensya ay,” umupo siya, kinusot-kusot ang balahibo sa tuktok ng ulo ng alaga na walang humpay ang pagdila sa kanyang mukha. Malumanay niyang ibinaba ang kagamitan sa damuhan. Bumakat sa kanyang manipis na katawan ang mga namumulang marka mula sa pagbubuhat ng kagamitan.

“Kala ko nga, wala tayong kaka’nin ngayon ay,” buntong hininga.

Binuksan niyang supot ng kanin gamit ang ngipin at inilapag ang isa sa harapan ng alaga.

“Teka…teka…ay,” hinawi niya palayo ang alagang lawit na lawit ang dila. Marahan niyang binuksan ang supot ng munggo, at inilagay ang halos lahat ng laman sa supot ni Doro.

“Yan na, kain na ay,” may tonong paglalambing. Dali-dali namang yumuko sa supot ang alaga. 

Tahimik silang kumain, isang mahabang katahimikan ang pumailanlang sa paligid maliban sa lagaslas ng mga dahong ligaw at ugong ng nagdaraang tren. Nagpakawala siya ng isang dighay na matagal na niyang hindi naririnig. Nilingon niya ang nakayuko pa ring si Doro, hinaplos-haplos ang batik-batik na katawan.

Tumingala siya. Nawala ang kaninang tanawin ng tila bughaw na karagatan, bumungad ang kadiliman; nagbabadya ang malakas na buhos ng ulan. Bumuntong hininga siya. Saglit na ipinikit ang hapong mga mata. Matamang tinignan ang nangangapal na mga ulap. Nangiti siya sa sarili. Inamoy niya ang balahibo ng aso. Kumunot ang kanyang noo.

“Ang baho mo na, ligo tayo ay,” kinusot-kusot niyang ulo ng alaga.

Mahigpit niya itong niyakap. Habang unti-unting pumapatak ang ulan sa lupa, sa riles ng tren at sa kanilang mga balat.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Si Estelita at ang Simulacra ng San Roque

May pitong panalok sa bahay nila Estelita. Pito, kung hindi pa kasali ang may pingkog at lamat na ginagamit lang na pantaboy sa pusang mahilig magnakaw ng ulam. Kung bakit kasi sila nakaipon ng gano’n karaming panalok na halos pumuno na sa mga sabitan at suksukan ng kanilang batalan. Baka dahil salat sila sa buhay kaya gusto nilang magmukhang maraming gamit sa bahay kahit pare-pareho lang namang panalok ng tubig pang-inom ang pitong ito na iba pa sa tabo na para naman sa tubig panligo. Pare-pareho ng itsura. Pare-pareho ng laki. Pare-parehong yari sa bao ng niyog ang pinakasalukan at sa sanga ng ipil-ipil naman ang tangkay na hawakan. 

Sa tagal na niyang gamit sa mga ito, wala siyang naging paraan ng pagmamarka para kilalanin ang bawat isa. Wala ring natatanging mga alaala – na ang isang ito halimbawa ay gawa pa ng kaniyang amang dinale ng el tor na tawag nila noon sa kolera; sa isang ito huling humigop ng tubig ang labinlima niyang mga kapatid na namatay ding lahat sa parehong epidemya; ang isang ito, napulot niya sa gilid ng matandang balon sa may kakahuyan; ang isang ito, sa kaniya ipinanghambalos ng ina sa halip na sa pusa; ang isang ito, ibinigay ng mabuting diwata; ang isang ito, regalo ng manliligaw, etc. etc. Walang gano’n. Para kay Estelita, ang panalok ay panalok. Wala siyang pananagisag na ikinakabit sa mga bagay. Kaya kung meron siyang pitong panalok, ang meron siya ay pitong panalok. Magagamit niya ang isa at ang iba’y maipahihiram sa mga kapitbahay.

Bakit kasi iisang panalok lang ang hinahanap nila? Bakit hindi na lang nila tanggapin lahat ng pitong meron siya? Kunin na nilang lahat. Kahit kanila na. Pero ang sabi kasi sa historya, isa at tanging isa lang sa pitong ito ang ginamit niya nang gabing iyon.

—Allan N. Derain

Kaya nang ipatawag siya ng arsobispo para tanungin kung alin sa pitong panalok na iyon ang bukod na pinagpala, hindi maituro ni Estelita kung alin nga sa pitong iyon ang ginamit niya nang gabing maghimala sa bayan ng Kabatuhan ang poong San Roque.

“Titigan mong maigi iha ang mga panalok na iyan at sikapin mong alalahanin,” utos sa kaniya ng matandang pari habang sabik na nakanganga ang lima pang mga paring kasapi rin sa lupon na nag-aaral sa kaso ng aparisyon.

Muling inisa-isa ni Estelita ang sariling mga panalok ng tubig, naghanap ng kahit munting tanda na mapagkakakilanlan. Pero anumang pilit ang gawin niyang titig sa mga ito, pitong nakangangang bao lang ang kaniyang nakikita sa kaniyang harapan. 

“Taragis na batang ‘to. Kay bata-bata pa, ulyanin na.”

Bakit kasi iisang panalok lang ang hinahanap nila? Bakit hindi na lang nila tanggapin lahat ng pitong meron siya? Kunin na nilang lahat. Kahit kanila na. Pero ang sabi kasi sa historya, isa at tanging isa lang sa pitong ito ang ginamit niya nang gabing iyon. Kaya isa lang sa pitong ito ang dadalhin sa Roma.  

Wala na siyang ibang maalala pa bukod sa kung anong naaalala rin ng halos karamihan. Matagal nang hindi umuulan noon sa Kabatuhan at sa mga bayang kalapit nito. Natuyo na ang maraming balon. Bumuka at gumapang ang sanga-sangang bitak ng lupa at tuwing gabi, nagbabaga ito at nilalabasan ng usok na sinusundan ng kuyog ng mga ahas, alupihan, daga, ipis at kung anu-ano pang mga nilalang na nabulabog ang pananahimik sa kani-kanilang mga lungga sa ilalim ng lupa. Ang mga panakot sa ibong nakatanod sa bukid, naging panakot na rin sa mga taong napapadaan dahil ang nakikita raw nila sa mga ito ay bangkay ng mga namatay sa uhaw. Dahil may mga di na tumagal. Naunang bumigay ang maraming asong naulol muna bago nautas dahil sa panunuyo ng lalamunan. Sumunod ang matatandang may hika, diabetis, altapresyon, at sari-saring kumplikasyon. Sumunod ang maraming sanggol at maliliit na batang nakatira sa may duluhan. 

Naging laganap din ang mga nakawan. Mga anak, natutong magnakaw sa kanilang mga magulang. Mga magulang, natutong magnakaw sa mga anak. Natutong magnakaw pati mga lolang dating palasimba. Katunayan, nilooban nila pati simbahan. Marami ang sumama na sa mga tulisan. Nangibang-bayan naman ang mga may ibang bayang malilipatan.    

Ang sabi ng matatanda, sumpa raw ito ng langit sa Kabatuhan. Dahil may isang pulubing ketonging napadako noon sa kanilang nayon para mamalimos. Ngunit sa halip na limusan at kalingain, ipinahabol nila ito sa kanilang mga alagang aso sa layuning maitaboy agad ang pulubi sa kanilang lugar.

May takot na di naiwasang maipagtapat ang sindi ng kanilang mga mata at ngatal ng kanilang mga labi. Sapagkat nang nagpakita sa kanila itong nakapagsasalita sabay nabubulok na laman, unang pumasok sa kanilang kolektibong alaala ang el tor na kumatok sa kani-kanilang mga pinto

—Allan N. Derain

Napagtanto lang nilang hindi karaniwang ketongin itong kanilang sinalbahe nang tawagin ng pulubi ang sariling alagang aso at iharap ito sa nagngangalit na mga kabaro. Dahil may aso rin palang alaga ang pulubing ketongin na lagi nitong kasa-kasama. Isang asong galisin. Sa harap nito, biglang nagsitikom ang mga pangang handa na sanang manakmal. Parang may isip na biglang nagbahag ng buntot, nagsitahimik at nagsiupo sa harap ng estrangherong agad naglaho, ngunit bago naglaho ay nakita ng mga tagaroon kung paano ito niluhuran ng kanilang mga bantay na alaga. Dito nila napagtantong ang pulubing iyon ay walang iba kundi si San Roque na nagbalatkayo para sila subukin.

Anong pagsubok? Kung sila’y likas na sakim at masama, walang saysay na sila’y subukin pa at parusahan. Dahil walang kahit anong pagkabigo sa kanilang mga pagkatao na dapat pang patunayan, at walang aral na kailangan pang matutuhan sa pagsasadula ng ganitong palabas. Ngunit hindi sa mga taga-Kabatuhan. Malupit sila sa matanda. Ngunit ang totoo, malupit sila rito dahil takot sila rito. May takot na di naiwasang maipagtapat ang sindi ng kanilang mga mata at ngatal ng kanilang mga labi. Sapagkat nang nagpakita sa kanila itong nakapagsasalita sabay nabubulok na laman, unang pumasok sa kanilang kolektibong alaala ang el tor na kumatok sa kani-kanilang mga pinto at sumalanta ng kanilang mundo may ilang pagbilog ng buwan lang ang nakararaan. Kalahati ng kanilang populasyon ang nalipol. Mga mahal sa buhay, mga kaibigan, kakilala, at kapitbahay. Tinangay ng epidemyang kung tawagin nila noo’y salot. At ngayon, nandito muli ang isang posibleng pagmulan ng bagong salot. Ayaw nilang mahawa ng ketong ang kanilang mga anak. Kaya mas nanaig sa kanila ang takot. Sa pananaig ng takot, unang bahagi ng pagkataong isinusuko ay awa. Nawawala ang awa, sumunod ang pakikipag-kapuwa. Kaya kung may pagsubok mang ibinigay ang Patron ng Salot na hindi ipinasa ng mga taga-Kabatuhan, iyon ay ang pagsubok sa kanilang tapang.    

Nang magsitungo ang taumbayan sa kapilya, hindi na sila nagulat nang makita nila ang binakanteng dambana. Totoo ngang iniwan na sila ng kanilang Patron. Nilayasan sila. Pinaglaruan sila ng langit. Dinaya ang kanilang paningin. Minalikmata upang ang kanilang kinatatakutan at ang kanlungan nila sa takot ay naging isa.

Ilang buwan nilang hinintay magbalik ng kapilya ang poong nagtampo hanggang sa nanawa rin sila sa kahihintay at nagpalilok na lang ng bagong kawangis nito ang simbahan. Sa pagkakataong ito, yari na sa marmol ang poong ipinalit na tiniyak nilang magiging mas mabigat pa sa poong pinalitan na yaring garing, bukod pa sa isinemento na nilang maigi ang mga paa nito sa pedestal. 


Nililibot na ng apat na mangangabayo ng Apokalipsis ang buong bayan sa paghahatid ng salot, karahasan, takot, at kamatayan. Nabulabog kasi ang apat na ito sa paulit-ulit na pagsabi ng mga taga-Kabatuhan ng “Ito na nga ang Huling Araw ng Paghuhukom, mga kasama!” Kaya inakala nilang dito na nga sa bayang ito magaganap ang naturang pagwawakas kaya narito sila at nagbabahay-bahay, naghahanap ng mga kaluluwang matatangay pabalik sa gehena. Kasabay din nila sa pagbabahay-bahay si Kamatayan. Ang kaibhan lang ni Kamatayan sa kanila, wala talagang nakaaalam kung saan nito dadalhin ang mga tangay na kaluluwa. 

“Anak, nauuhaw ako,” ang sabi ng ina ni Estelita nang gabing iyon na ang gusto talagang sabihin ay “Anak, mag-igib ka dahil pareho tayong mamamatay rito kung tatanga ka lang diyan.”

Hindi kumibo si Estelita sa pag-asang lilipas din ang lahat kung hindi siya magsasalita. Pero inulit ng ina ang pahiwatig sa tinig na parang naririnig buhat sa pinakamainit na bahagi ng impiyerno. Sa malamlam na andap ng nag-iisang kandila, maaaninag pa ang natutuyot na anyo ng magulang na nakaratay sa banig. Punebre na lang ang kulang at puwede na itong ilibing.  

Hiniling niya sa poon na ituro sa kaniya kung saan makakakuha ng kahit kaunting tubig na maipandudugtong sa buhay ng ina. Nang oras na iyon, namanata ang dalagita na kung makapag-uuwi siya ng kahit isang salok ng tubig ay maglilingkod siya rito bilang tagalinis ng kapilya at gagawin niya ito hanggang sa kaniyang pagtanda.

—Allan N. Derain

“Pero Nanang, malalim na ang gabi,” angal ni Estelita habang dinig sa labas ang alulong ng hangin at panaghoy ng mga inang tinatangisan ang mga anak nilang inaagaw na ni Kamatayan. “Delikado ang panahon. Naglipana ngayon ang masasamang loob.”

“Alin ba ang mas nakakatakot?” tanong ng kaniyang nanang. “Iyong lumabas ka para harapin ang sinasabi mong delikadong panahon o iyong manatili ka rito sa loob katabi ng nanay mong malapit nang hilahin ni Kamatayan? Gusto mo bang nandito ka sa bahay kapag nangyari ang hilahan?”

“Ako nga po’y paalis na talaga, Nanang,” alistong tugon bigla ng dalagita.

Sinagupa nito ang panganib ng gabi bitbit ang panalok. Ngunit bago umalis ng bahay, nanalangin muna ito sa harap ng altar ni San Roque. Hiniling niya sa poon na ituro sa kaniya kung saan makakakuha ng kahit kaunting tubig na maipandudugtong sa buhay ng ina. Nang oras na iyon, namanata ang dalagita na kung makapag-uuwi siya ng kahit isang salok ng tubig ay maglilingkod siya rito bilang tagalinis ng kapilya at gagawin niya ito hanggang sa kaniyang pagtanda. Kung tinitigang mabuti ng dalagita ang mukha ng imahen habang nananalangin, nakita niya sana ang makahulugang kislap sa mata ni San Roque dahil nang mga panahong iyon, kailangang-kailangan nga talaga ng kanilang parokya ng isang tagalinis sa kapilya.

Nagbakasakali ang dalagita sa matandang balon sa gitna ng kakahuyan. Na balong hinukay pa ng kanilang mga ninuno nang nagkaroon din ng ganito katinding tagtuyo noong unang panahon kaya alam niyang binabantayan ito ng kanilang mga anito para sa kanilang kapakanan. Sa ganitong gipit na sitwasyonn, kahit sila’y mga binyagan na’t dapat nang tumalikod sa kanilang lumang relihiyong Anitismo raw kung tawagin, ang tulong ay tulong saang kamay man ito manggaling.    

Inaninaw ng dalagita ang kalalimang lampas sampung talampakan. Hindi nga siya pinagdamutan ng kanilang mga nuno dahil natatanaw pa niya sa pinakailalim ang kaprasitong repleksyon ng buwan. Narinig pa niya ang tinig nitong nag-aanyaya sa kaniyang lumusong na upang sumalok. Dahil na hindi na ito masasalok pa sa dating paraan ng pagsalok. Kaya ginawa niya ang nag-iisang paraan para maabot ang nasasaid nang tubig sa natutuyot nang balon. Kumapit siya sa lubid na ginagamit panghila ng balde at iniapak ang mga paa sa mga ukang nakaabang sa mga batong dadaanan.

Madilim at tahimik sa loob ng balon. Hindi makapasok doon kahit ungol ng hangin. Wala siyang marinig kundi ang tinig sa isip niya ng isang naaalalang mang-aawit na nag-aaya sa kaniyang lumusong “sa balon, sa balon, ating tuklasin sa balon…” Habang palapit nang palapit ang repleksyon ng buwan “sa balon, sa balon, ang sagot sa iyong mga tanong…” Nang salukin niya ang maselang repleksyon gamit ang dalang panalok, ibinulong sa kaniya ng mga nuno ang pagsisisi na hanggang dito na lang ang kanilang maibibigay.

Umahon si Estelita mula roon “sa balon, sa balon…” Kagat-kagat ang hawakan ng panalok upang magamit ang dalawang kamay sa pagkapit at pag-akyat. Ingat na ingat na huwag mabawasan ng kahit isang patak ang tubig na kaniyang nasalok. At nang makaahon, buong galang siyang nagpasalamat sa mga espiritung bantay at agad na lumisan para balikan ang ina.

Nang natalisod siya at nabitiwan ang panalok na tumilapon sa dilim. Agad sinipsip ng lupa ang tubig na tumapon. Kaya ang tigang na lupa ang nadiligan at tanging nasiyahan. Kung bakit kasi nakaharang ang lupa sa kaniyang dinaraanan!  

Walang nagawa ang dalagita kundi ang umiyak. Katakot-takot na iyak. Kung maaari sanang ang mga luhang iyon na lang ang kaniyang salukin at ipainom sa ina. Nang biglang humantad sa harap niya si San Roque na may kasamang asong may kagat-kagat na malaking tinapay.

Naghukay siyang parang asong nagbabaon ng buto hanggang labasan ng tubig ang lupa. Tinikman niya ang tubig. Lumagok siya ng isa pang lagok at isa pa, hanggang sa magbatis ang kaniyang nanunuyo at nag-iinit na lalamunan, at natiyak niyang hindi siya namamalikmata.

—Allan N. Derain

“Tumindig ka,” atas sa kaniya ng santo, “at ipagpatuloy ang iyong misyon.” Sinasabi ito ng santo habang nakaturo ang daliri sa eksaktong lugar kung saan bumagsak ang panalok. Batid ng dalagitang si San Roque nga ang kaharap niya, walang iba. Dahil walang ipinag-iba ang itsura nito sa San Roque na nasa kapilya. Mas malaki nga lang ang isang ito dahil ang nasa kapilya’y may halos tatlong talampakan lang ang taas. Inakala ni Estelita na nakaturo na naman ang santo sa sugat nito sa binti. Inakala rin niyang iaalok nito sa kaniya ang tinapay na kagat-kagat ng aso.

Ang panalok pala ang gustong ituro sa kaniya, at ang tinapay na kagat-kagat ng aso ay para lang dito at sa amo nito – “Huwag mong galawin ang tinapay dahil amin ‘yan.”

Tinungo niya ang pinagbagsakan ng panalok.

“Maghukay ka,” utos sa kaniya ng poon. Naghukay siyang parang asong nagbabaon ng buto hanggang labasan ng tubig ang lupa. Tinikman niya ang tubig. Lumagok siya ng isa pang lagok at isa pa, hanggang sa magbatis ang kaniyang nanunuyo at nag-iinit na lalamunan, at natiyak niyang hindi siya namamalikmata. Nang lingunin ng dalagita ang santo para magpasalamat, wala na ito sa dating kinatatayuan. Kaya tumingala ang dalagita sa kalangitan na punong-puno noon ng mga bituin at nagpasalamat.

Binalikan ni Estelita ang kaniyang ina at pinuno ng tubig ang lahat ng tapayan sa bahay nila. Nang masiguradong hindi sila mauubusan, saka siya nagpunta sa mga kapitbahay para ipamalita ang tungkol sa bagong bukal. Marami ang nagdala ng sarili nilang mga timba at iba pang mga lalagyan. Buong bayan ang pumila sa harap ng bagong bukal para makisalok. May mga doon na rin nagsipaligo. Maraming buhay ang nasagip mula kay Kamatayan at sa Apat na Mangangabayo ng Apokalipsis. Marami sa mga may sakit ang gumaling at sumusumpang hindi lang basta tubig buhat sa balon ang nakapagpagaling sa kanila kundi ang tubig na sinalok sa bukal gamit ang panalok ni Estelita.

“Si Estelita ay isang santa!” sigaw ng isang kababayan habang itinataas ang mga kamay sa langit. Ngunit dahil abalang-abala ang lahat sa pag-iigib kaya tila walang nakarinig sa kaniyang sinabi.

Simula noon, ang Kabatuhan ay pinangalanan nang San Roque bilang pagkilala sa pagliligtas ng mapagpalang poon. Nagkataon lang ba na ang ibig sabihin ng ‘Roque’ sa San Roque ay bato rin? Kung kaya sa pagpapalit pangalan ng lugar, ang lumang bato ay bininyagan para maging santong bato? Dating pangalan sa bagong pangalan. Pinagtiyap-tiyap ng mga pagkakataon. Tunay ngang kamangha-mangha ang paggalaw ng Diyos sa buhay ng tao, hindi po ba?


Ilang ulit man niyang balikan ang mga pangyayari ng makasaysayang gabing iyon, hindi pa rin niya matukoy kung alin sa pitong panalok ang kaniyang ginamit. Hindi nga rin niya matandaan kung saan niya talaga iyon naitabi matapos gamitin. Pero dahil malamang na isinama niya ito sa anim na iba pa kaya masasabing tuluyan na rin itong naglaho nang mapagtabi-tabi na ang magkakamukha. Baka nga hindi pala panalok ang kaniyang ginamit. Di kaya timba? Di kaya banga? O baka panalok nga ang nahagip ng kaniyang kamay dahil sa pagmamadali. Ewan niya.

“Kung hindi mo na talaga matandaan,” putol ng arsobispo sa mahabang katahimikan dahil naiinip na rin ito tulad ng lima pa niyang mga kasama, “sabihin mo na lang kung may mensaheng ipinasasabi sa iyo ang San Roque.”

“Ang sabi po niya,” simula uli ng dalagita sa boses na nangangatal, “na magtindig daw ako at – at – at magtuloy daw ako sa aking misyon.”

“Aling misyon?”

Pero dahil hindi nga matagpuan ang orihinal at wala rin namang makapaglarawan sa totoo nitong itsura kaya hindi siguro tamang gamitin ang salitang kopya. Kopya ng kopya marahil. O hindi nga talaga kopya dahil wala namang iisang tiyak na panalok na ginagaya ang mga kopyang ito.

—Allan N. Derain

“… ?”          

Kung bakit hindi matanggap ang pitong pare-pareho gayong kay rami namang kopya nito ang mabilis na nagsulputan sa mga bangketa sa harap ng simbahan nang mga sumunod na araw. Kasama ng mga nobena, misal, rosaryo, eskapularyo, estampita, poon, halamang gamot, botelya ng langis, anting-anting, buntot ng pagi, almanake, librito ng mga dasal at lihim na bulong, krokis ng astrolohiya, mapa ng mga tagong yaman, kopya ng mga awit at korido kasama ang kuwentong buhay ni Juan Tenioso sa iba’t iba nitong bersyon. 

Unawa naman ng lahat na ang mga panalok na binibili nila’y pawang mga kopya. Dahil ang orihinal na mahirap nang matagpuan ay inaasam na lang ng mga kolektor ng antigo at relikya. Pero dahil hindi nga matagpuan ang orihinal at wala rin namang makapaglarawan sa totoo nitong itsura kaya hindi siguro tamang gamitin ang salitang kopya. Kopya ng kopya marahil. O hindi nga talaga kopya dahil wala namang iisang tiyak na panalok na ginagaya ang mga kopyang ito. Sa halip, ang kinakatawan nitong mga kopyang ito, na hindi nga talaga kopya, ay isang pambalanang imahen ng panalok na meron sa isip ng mga tao – isang unibersal na panalok.

Kung tutuusin, nasaan ang silbi ng pagkakaroon ng kopya ng isang banal na bagay kung ang kabanalan naman ay tinataglay lang dapat ng nag-iisang orihinal? Ngunit kahit ang kabanalan, huwag kalilimutan, ay maari ding kopyahin at gawan ng reproduksyon. Tulad din nitong mga panalok na kapag nabendisyunan at iniuwi ng mga deboto galing misa ay isinasabit sa pinto para maging panakot sa maligno, kidlat, malas, at delubyo. Ibinibitin naman ng iba sa kanilang mga tindahan dahil malakas daw kung humatak ng suki. Sa mga may kamag-anak na nakaratay at naghihintay nang kunin ni Kamatayan, ito ang kanilang ipinahahawak. Ito rin ang ginagamit nilang senyas sa Diyos: kung nakanganga ang panalok, may gusto silang hingin at kung nakataob ito, may gusto uli silang hingin. Tinatalian lang ito ng puting laso para maibukod sa mga karaniwang panalok.

Hindi nakapagbaon ng sarili nilang mangkok at kutsara ang mag-inang dayo kaya inabutan sila ng isang nangangasiwa. Pagpasok nila sa loob, doon lang naintindihan ni Estelita kung para saan ang mga mangkok. Sapagkat di gaya ng kahit anong kapilyang napasok na niya, ang loob ng isang ito ay tila mas kumedor kaysa pook dalanginan. Sa halip na mga bangko at luhuran, ang naroon ay isang malawak na mesang napalilibutan ng may halos limampung kataong sabay-sabay na kumakain.

—Allan N. Derain

Hanggang sa hindi na kontento ang isang pangkat ng mga deboto sa pagkakaroon lang ng kopya. Ang gusto nila’y lumikha rin ng isa pang tunay na pinagpalang panalok. Sa isang katabing bayan ng San Roque malapit sa bundok, isang dalagitang nagngangalang Maria, na malayong kamag-anak daw ni Estelita, ang nagsabing pinagpakitaan din siya ni San Roque isang hapon habang nagpapastol ng kaniyang mga alagang kambing. Sa paggabay ng poon, natagpuan daw niya itong lulutang-lutang sa bukal na nasa bukana ng gubat. May kagat ng aso ang hawakan at may nakaukit pang balbas ng santo sa puwitan ng bao. Mapaghimala ang panalok dahil tinitighaw nito maging ang uhaw ng mga tao sa katarungan. Nahalina nito ang maraming mga debotong nagtulong-tulong sa pagtatayo ng isang kapilyang hugis nakataob na panalok. Ngunit dahil kolorum ang kanilang samahan kaya tinawag silang Kulto ni San Roque na may pahabol pang Sekolorsekolorum sa dulo ng kanilang pangalan kung minsan para lalong magtunog mahiwaga.

Kasama ng kaniyang ina at isang kababayang may dala ng paragos na kanilang sinakyan, dinalaw minsan ni Estelita ang kampo ng nasabing kulto. Nais makita ng dalaga ang sinasabing panalok na natagpuan sa bukal na nasa bukana ng gubat. Bagamat natitiyak na niya sa kaniyang sariling gawa-gawa lang ito ng mga mainggitin ngunit may kung anong gumugulo sa kaniyang isip at humihila sa kaniyang mga paa na magtungo sa pook na iyon na nasa libis ng kanilang nayon. Gusto niyang makilala kung sino si Maria. Kung kamag-anak nga ba nila talaga. Marami siyang eksenang naiisip na maaaring maganap sa kanilang paghaharap. Ngunit batid din niyang kailangang maging mahinahon at maingat sa pagkilos sapagkat ang papasukin niya ay teritoryo ng isang hindi pa niya alam kung magiging kaaway o kakampi. Bukod pa kay Maria, may nais din siyang maintindihan sa mga kasapi ng kulto. Hindi pa nga lang niya matiyak kung ano.  

Sakay ng kanilang paragos na hila ng isang kalabaw, may ilang oras din bago nila narating ang kampo ng kulto na nasa paanan ng isang bundok. Madali nila itong natunton sapagkat bukod sa kanila, may ilan ding mga namamanatang manlalakbay silang nakasabay.

Bago makarating sa mismong kapilya, kailangan muna nilang akyatin ang magubat na pook na tinatawag na Labintatlong Estasyon. Sa bungad nito naroon ang Bukal ng Buhay kung saan naghuhugas muna ng paa ang mga peregrino bago pumasok sa dakong banal. Mula rito, ang lahat ng nais magpatuloy ay kailangang maglakad nang nakayapak dahil ang landas na kanilang tatahakin ay daang nilakaran din ng mga poon. At tila nga totoo dahil ang bawat naglalakihang mga puno sa paligid ay may mga poong nakabantay sa lilim. Sari-saring mga poon na may iba’t ibang taas, laki, at pagkakayari. May yari sa kahoy, eskayola, putik, porselana, marmol, tisa, garing, papel, at kandila. Naroon siyempre si San Roque kasama ang laksa nitong kopya. Naroon ang Birheng Maria at tatlo pa nitong katukayo, ang Sagrada Familia, ang mga Santo Niño, si San Juan Bautista, ang mga Apostoles, ang Apat na Arkanghel, at iba pang mga hindi na nakikilala ni Estelita. Humuhulas na ang kulay ng ilan sa mga ito at may ilan pang nababakbak na ang katawan dahil sa pagkakahantad sa init at ulan. At sa dami nilang mga naroon, ang buong gubat ay tila nagsisilbi nang isang malawak na katedral na kanilang kaharian.

Matapos ang halos isang oras na lakaran paakyat ng bundok, narating din nila ang dulo ng estasyon. Sa gitna ng isang hinawang lugar, naroon nakatayo ang kapilya ni Maria. Yari sa putik at bato ang pundasyon. Kawayan, nipa, at anahaw naman ang dingding at bubungan. Sinasabing hugis nakataob daw na panalok ang kapilyang ito ngunit sa paningin ni Estelita ay mas mukha itong higanteng pulot pukyutan.     

Mahaba ang pila sa labas ng kapilya. May hawak na mangkok halos lahat. Hindi nakapagbaon ng sarili nilang mangkok at kutsara ang mag-inang dayo kaya inabutan sila ng isang nangangasiwa. Pagpasok nila sa loob, doon lang naintindihan ni Estelita kung para saan ang mga mangkok. Sapagkat di gaya ng kahit anong kapilyang napasok na niya, ang loob ng isang ito ay tila mas kumedor kaysa pook dalanginan. Sa halip na mga bangko at luhuran, ang naroon ay isang malawak na mesang napalilibutan ng may halos limampung kataong sabay-sabay na kumakain. Naroon silang lahat para magsalo-salo sa lugaw na ang nagdudulot ay mga babaeng nakaputi na pinangungunahan ng isang ang edad ay hindi nalalayo kay Estelita. Ito ang nagsasandok ng lugaw buhat sa isang malaking kawa patungo sa mangkok at plato ng bawat isa. Ito na marahil si Maria na suprema sa gawing ito ng kabundukan. Noon pa lang niya ito nakita. Hindi naman talaga nila kamag-anak.

“Kami rin po ba’y makikikain na rin dini? Pero wala po kaming ibabayad,” ang narinig niyang sabi ng kaniyang ina nang ayain na rin silang maupo sa harap ng dulang.

“Hindi naman po kailangang magbayad,” sagot ng nag-aya. “Libre po dini.”

“Kung gano’n ay pa’no po kayo nakapagpapakain sa ganito karami?” Hindi na natiis ni Estelitang magtanong. Dahil di ba’t ito naman talaga ang ipinunta niya rito? Ang mag-usisa? Hinagod niya ng tingin ang mga pagod at yayat na mukhang nakapaligid sa mesa. Magsasaka malamang ang karamihan. Mga mangingisda, mangangaso, at obrero ang iba na nanggaling pa sa malalayong lugar.   

“Ang ginagawa namin dini’y damayan,” sagot ng isa sa mga babaeng nakaputi. “Nagdadala ng kahit anong makakaya ang sinumang makapagdadala at kami-kami na rin ang nagtutulong-tulong kung paano maiaayos ang pagbabahaginan.”

“Hindi ba kayo binubulabog ng gobyerno?” tanong naman ng kutsero ng paragos na nakasama ng mag-ina hanggang doon. “Anong sinasabi sa inyo ng simbahan? Hindi ba kayo binabawalan?”

“Sinisikap naming mabuhay dini nang tahimik. Hindi kami nagtatayo ng bagong relihiyon at hindi rin naman kami nagsisimula ng bagong republika.” 

“Ang ginagawa namin dini’y damayan.”

Nang may dumating na tatlong lalaking may mga pasang sako na puno ng laman. Inilapag nila ang mga sako sa harap ni Maria na abala pa rin noon sa pagsasandok ng lugaw. May isang nagbukas ng sako. Mga kamote ang laman. Sandaling tumigil si Maria sa pagtatakal. Itinuro si Estelita. Pinalalapit. Iniabot dito ang sandok. Napagkamalan sigurong isa sa kanila dahil nakaputi rin ang gayak nito pero sa isang banda, paanong magkakamali ang suprema ng pagtawag sa kaniya? Siya na raw muna ang magsandok para sa mga nagsisirating na bisita. Sasamahan pa kasi nito ang mga nagsipaghatid ng kamote sa kamalig. Inilabas pa nito ang susi ng kanilang imbakan na nakakuwintas sa leeg nito kasama ng mga anting-anting.

Sandaling nag-alangan si Estelita. Ngunit nang mahawakan ang sandok, biglang napagwaring tila pamilyar sa paningin niya at pandama ang gamit na tangan.

Nang araw na iyon, hindi kasamang nagbalik ng San Roque ang dalagita. Nagpaiwan ito sa bundok upang doon manatili sa loob ng tatlong taon. Tatlong taong hindi nagsasabi ng kaniyang sariling kuwento. Tatlong taon nang pananahimik. Sapagkat nais niyang marinig ang aral ni Maria. At ang aral ni Maria sa kaniyang mga alagad ay ganito: na laging nagsisimulang walang laman ang panalok at sa ganitong kawalan ng sariling laman ito nakapaglilingkod.

Doon nadalumat ni Estelita ang tunay na hiwaga ng panalok. At sa ganitong paghuhulo niya naunawaan sa wakas kung ano ang misyong ipinagagawa sa kaniya ng poon.         


Upang maipaintindi sa lahatang malaking kaibhan ng tunay sa kolorum, may pahabol na idinugtong sa naunang kuwento ng panalok ang mga taga-San Roque.

Ayon sa pahabol na dagdag, nakasalok na noon si Estelita mula sa bagong bukal at nasa daan na ito pauwi para ihatid sa ina ang dalang tubig. Nang malapit na itong makarating sa bahay, biglang nagpakita ang isang pulubing ketongin. Nakiusap ito sa dalagitang kung maaari itong makiinom buhat sa dala nitong panalok. Na pinagbigyan naman ng dalagita.

 “Pagpalain ka nawa,” ang sabi ng ketongin. Nang bigla itong maglaho kaya napagtanto ng dalagang ang pulubing iyon ang siya ring pulubing itinaboy ng kaniyang mga kababayan noon. Si San Roque, sa madaling sabi. Na nagpanggap na pulubi at nagpakita sa kaniya sa ikalawang pagkakataon para subukin ang kabutihan ng kaniyang loob. Lalo pang tumibay ang paniniwalang ito nang makita niyang naging lantay na ginto ang hawak na panalok. Malalaman niyang tunay ito nang ipakilatis niya sa isang misteryosong alahero pagkaraan. Kaya ang tunay na banal na panalok ay tunay na ginto at di gaya ng iba riyan na napakadaling matagpuan sa mga likod bahay. 

May ugong-ugong na kumalat buhat naman sa isa pang karatig bayan na may gintong panalok din daw na natagpuan doon. Isang Fatima na kamag-anak daw ni Maria ang nakakita. Natagpuan daw nito ang gintong panalok sa loob ng isang yungib habang namumulot doon ng panggatong.

—Allan N. Derain

Sa kabila nito, hindi natinag ang mga mapagpanggap. May ugong-ugong na kumalat buhat naman sa isa pang karatig bayan na may gintong panalok din daw na natagpuan doon. Isang Fatima na kamag-anak daw ni Maria ang nakakita. Natagpuan daw nito ang gintong panalok sa loob ng isang yungib habang namumulot doon ng panggatong. Kasabay ng pagkakatuklas sa banal na relikya, may narinig siyang mahiwagang tinig na humihimok sa mga taong mag-aklas laban sa mga Kastila at sa mga prinsipalyang kakuntsaba ng mga Kastila. Ang gintong panalok daw ang magtuturo sa kanilang lahat sa daang dapat nilang tahakin patungong kaliwanagan, katuwiran, at kalayaan.

Mahigit dalawang libong magsasaka ang tumugon sa panawagan ng gintong panalok. Inarmasan nila ang kanilang sarili ng mga sibat, pana, itak, at medalyon na magbibigay raw sa kanila ng kabal nang di sila tablan ng bala. Nagtalaga sila ng kanilang sariling obispo at mga apostoles. Tinawag nilang Kapatiran ng Apo Roque ang kanilang pangkat. Nanahi sila ng sariling watawat na may binurdahang malaking gintong panalok na sumasalok sa tatlong ‘K’ na sumasagisag sa kaliwanagan, katuwiran, at kalayaan.

Limangdaang sundalo ang umakyat ng bundok para sila arestuhin. Habang nasa daan ang hukbong ito na ipinadala ng pamahalaang Kastila, kahit limampu lang sa mga ito ang totoong Kastila at pawang mga katutubo na ang nakararaming 450, isang prusisyon ng mga nakaputing ale ang sumalubong sa kanila. Habang bumababa ng bundok, sabay-sabay na umiindak ang mga aleng ito sa tugtog na sila-sila lang ang nakaririnig. Nagulat ang mga sundalo sapagkat inaasahan nilang isang hukbo ng mga galit na magsasaka ang sasalubong sa kanila. Nang mawatasang wala naman palang panganib na naghihintay sa kanila, sandali nilang ibinaba ang kanilang mga baril para magpahinga sa daan. Nang walang anu-ano silang pinaulanan ng mga sibat at pana mula sa mga di nakikitang kaaway na malamang na nakapuwesto sa mga puno kundi man sa mas mataas na panig ng bundok. Sa limangdaang sundalo, limampu lang ang nakababa ng buhay. Iyong limampung kawal na pawang mga tunay na Kastila.

Ngunit hindi pa roon nagtatapos ang laban. Dahil nagpadala muli ang pamahalaan ng mga sundalo sa bundok. Sa pagkakataong ito, upang matiyak ang ganap na pagkalipol ng Kapatiran, nagseguro sila sa kakayahan ng limanglibong kawal. Limanglibo laban sa dalawang libo. Kaya sa pagkakataong ito, marami sa Kawal ng Gintong Panalok ang nautas. Nadakip maging ang dalagang pasimula ng lahat ng kaguluhan, kasama ang kaniyang mga obispo at mga apostoles. Binitay ang obispo at mga apostoles. Pagdaka, isinabit ang kanilang mga ulo sa mga tulos na siyang ginawang mga panakot ng ibon sa mga palayan na magsisilbing mga panakot din sa mga magsasakang nagbabalak pang lumaban sa pamahalaan. Samantala, ang dalagang pinuno ng Kapatiran ay sinunog nang buhay na parusang karapat-dapat daw sa mga tulad nitong mangkukulam na nakiapid sa Diablong hari ng kadiliman.

Kinupkop naman ng bundok ang lahat ng mga nakatakas. Paulit-ulit na sinuyod ng konstabularyo ang bawat sulok ng bundok ngunit ang mga pinaghahanap na kasapi ng Kapatiran ng Apo Roque ay tila nilamon nang lahat ng mismong lupa at mga bato. Kaya simula noon, ang bundok na iyon ay tinawag nang Bundok ng Diablo sapagkat kinakanlong daw nito ang mga anak ng Diablo. Kasama sa mga hindi na nakita sa kinatatakutang bundok ang gintong panalok ni Fatima.         

May mga nagsasabing hindi tunay na ginto ang panalok ni Fatima. May mga nagsasabing tinubog lang din naman sa ginto ang panalok ni Estelita. May mga humahamong pagtabihin ang panalok ng dalawa nang magkaalaman. May mga nagtatanong din kung ano nang nangyari sa panalok ni Maria. At may mga nagsasapantaha naman na kung magkakamag-anak nga talaga ang tatlong dalaga, ay di kaya magkakamag-anak din kung gayon ang kani-kanilang mga panalok? O kung hindi naman ay baka iisa lang talaga ang tatlong ito na gaya ng Tatlong Persona Solo Diyos na may tatlong kabanata sa iisang istorya.

Ngunit para matuldukan na ang ganitong panananso ng mga huwad na panalok, sa huling pagkakataon ay may idinugtong na pahabol sa naunang kuwento ng panalok ang simbahan. Ayon sa pahabol na dagdag sa pahabol na kuwento, matapos painumin ang matandang ketongin, nagbalik sa bukal si Estelita para muling sumalok doon ng tubig gamit ang kaniyang gintong panalok. At nang pauwi na ito para ihatid sa ina ang nasalok na tubig, nakita naman nito ang isang asong galisin na nakabulagta sa daan. Dahil hindi na makalakad ang aso sa sobrang panghihina dala ng matinding uhaw, ipinainom dito ng dalagita ang tubig na dala. 

Ang mga hawak nilang baston ang nagsisilbing pananda ng kani-kanilang puwesto sa lipunan. Kulay berde ang sa tinyente, kulay pula ang sa mga alguwasil, kulay dilaw ang sa alkalde, at kulay asul naman ang sa kapitan. Dadaan ang parada sa harap ng bahay ng kasalukuyang gobernador para sunduin ito.

—Allan N. Derain

Dinilaan ng galising aso ang palad ng naging tagapagkupkop bilang pasasalamat bago ito biglang naglaho. Doon napagtanto ni Estelita na ang galising aso ay alaga ng pulubing itinaboy ng kaniyang mga kababayan noon. Aso ni San Roque, sa madaling sabi. Na nagpakita sa kaniya para subuking muli ang kabutihan ng kaniyang loob. Lalo pang tumibay ang paniniwala niyang ito nang biglang tubuan ng pitong diyamanteng bato na kasinglalaki ng buto ng bataw ang panalok na ginto – tatlo sa puluhan at apat sa mismong ulo nito. Kaya ang tunay na pinagpalang panalok, bukod sa pagiging gawa sa lantay na ginto, ay may mga nakaengkaheng mamahaling bato at sa ganito’y talagang mahirap nang tapatan ng kahit sino.

Dinala ito sa Roma para pag-aralan ng mga dalubhasa sa milagro. Paulit-ulit na tinimbang, sinukat, sinubok, at sinuri. At nang mapatunayang tunay, binasbasan ng papa at isinali sa kanon ng mga banal na bagay.

Makalipas ang mahigit dalawampung taon, ibinalik ang naturang panalok sa bansa. Nang ibalik ito sa San Roque, sinalubong ito ng banda ng musiko. Ipinarada ito sa buong bayan na parang isang nagbabalik na bayani. Sa harap ng parada nangunguna ang kasapian ng Cofradia de San Roque na binubuo ng limang hanay na deboto. Sumunod ang mga dating naging gobernador ng bayan, na sinundan ng gobernadorsilyo, ng alkalde, ng kapitan, ng tinyente kasama ng kaniyang mga alguwasil, ng mga kabesa, at panghuli ng kura. Ang mga hawak nilang baston ang nagsisilbing pananda ng kani-kanilang puwesto sa lipunan. Kulay berde ang sa tinyente, kulay pula ang sa mga alguwasil, kulay dilaw ang sa alkalde, at kulay asul naman ang sa kapitan. Dadaan ang parada sa harap ng bahay ng kasalukuyang gobernador para sunduin ito. Pagtapat sa bahay ng opisyal, tutugtog ng isang pasadoble ang musiko bilang pagbati sa opisyal. Pagkaraan, bahay naman ng obispo ang dadaanan at haharanahan ng musiko. Ang obispo ang magbibigay basbas sa panalok bago ito ituloy sa simbahan. Pagsapit ng gabi, ilalabas ang panalok para iikot muli sa buong bayan kasama muli ang kura, ang mga deboto, at ang mga opisyal. Sa pagkakataong ito, kasama na ring igagala sa prusisyon ang lahat ng mga poon, lahat maliban sa estatuwa ni San Pablo na iiwang mag-isa sa simbahan dahil sa tuwing inilalabas ng simbahan ang isang ito ay lagi raw umuulan. 

Dahil naitaon ang pagbabalik ng panalok sa kapistahan ng poon kaya nagpasinaya rin ng sabong ang simbahan bilang bahagi ng pagdiriwang. Tatlong araw na sunod-sunod na naroon ang halos lahat ng kalalakihan ng San Roque sapagkat tatlong araw din silang walang trabaho sa bukid. Bukod dito, nagkaroon ng mga pailaw at perya sa bayan na ang pinakatampok na palabas ay ang sikat na si Gamalinda, ang babaeng nakapagpaamo ng puting sawang may sampung talampakan ang haba. Ipinamamalas sa kaniyang palabas kung paanong nakalalamon ng isang buong baboy ang ahas na nagtatapos sa paglamon din nito sa ulo ng sariling amo na laging nailuluwa rin naman pabalik na parang pagkaing isinusuka sa harap ng madla. Galing daw Burma ang babaeng ito. Ang sabi naman ng ilan, ang ahas at hindi ang babae ang galing Burma. Pero mas mainit na usap-usapan ng malalaswang bibig kung paanong nilulunok ng babaeng taga-Burma ang sawa ng kura. Na sa tuwing wala ito sa perya para magbigay aliw sa mga tao, ang malungkuting kura naman ang binibigyan nito ng aliw. Katunayan, gawain na nito ang kumabit sa mga pari saan mang parokya mapunta ang kanilang kompanya, at ang higanteng ahas nitong alaga ay anak talaga nito sa pagkadalaga na bunga ng pangangalunya nito sa isang alagad ng Diyos. Kaya nagulat na lang ang lahat nang hindi na nito tinapos ang pista dahil nagtanan ito isang gabi kasama, hindi ang kura, kundi ang binatang biyahero ng kopra. Sumama ito sa lalaki pero iniwan daw nito ang alagang ahas sa simbahan at sinasabing simula noon, doon na raw ito sa simboryo tumira.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsasaya, ang pinakatampok na gawain pa rin sa buong pagdiriwang ng San Roque ay ang paglalagak ng banal na panalok sa simbahan. Nangyari ito nang walang kahit anong pahintulot na hiningi mula sa tunay na may-ari na noo’y isa nang ginang na may malapad na balakang. Nakapangasawa ito ng isang mangingisda pero nabiyuda rin pagdaka nang maabutan ng sigwa sa laot ang asawa. Hanggang sa kaniyang mga huling araw, mahihirapan si Estelitang tanggapin na ang asawa’y sa lunod namatay. Pito ang naging anak nito bago nabalo. Na binuhay niyang lahat sa paglalako ng isda. Kaya kung mangyayari muli ang matinding tagtuyo sa kanilang nayon, alam na niyang kahit paano, may pitong anak siyang sabay-sabay na mauutusang mag-igib para sa kaniya kahit sa kalagitnaan ng gabi.

Nagbalik ito sa kanilang nayon matapos buwagin ng gobyerno ang Kulto ni San Roque na nakiisa raw sa pag-aaklas ng maligalig na Kapatiran ni Apo Roque, o sadyang hindi lang talaga maliwanag sa gobyerno, sa simula’t simula, ang pagkakaiba ng dalawang samahan. Bukod pa rito, nagkaroon din ng hidwaan sa pagitan nilang dalawa ni Maria dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga prinsipyo at paniniwala. Kaya bago pa tuluyang mahati ang samahan ay minabuti na niyang kumalas matapos ang tatlong taong paglilingkod sa grupo. Bukod pa riyan, napilitan din siyang bumaba ng bundok para alagaan sa huling pagkakataon ang inang mamamatay na noon sa sakit na tisis na tawag nila noon sa tuberkulosis.

Bilang pagtupad sa kaniyang panata, naglilinis ito sa kapilya tuwing Sabado ng hapon at tuwing may mga kasalan at binyagan. Isang panatang tinupad nga nito hanggang sa pagtanda. Sa panahong ito, sa halip na Estelita, na ngalang may ningning at taginting, ang tawag na sa kaniya ng mga kababayan ay Manang Lita na tunog kinakalawang na lata. Si Manang Lita na tagalinis ng kapilya at nagtitinda ng banye-banyerang isda kung karaniwang araw.  

Matagal na ring tumigil ang mga kuwento-kuwento tungkol sa panalok na sumusulpot kung saan-saan. Dahil alam ng lahat na ang orihinal at nag-iisa ay nasa simbahan na at ang simbahan ang tunay nitong tahanan. Nang dumating ito sa parokya, hindi magkamayaw noon ang buong kasapian ng Cofradia sa pag-aayos sa altar. Sinubukan nila lahat ng alam na paraan para maitanghal ang bagong sentro ng atraksyon na batid nilang maglalagay sa kanilang simbahan sa mapa ng mga peregrinasyon.

Noong una, pinahahawak nila sa kamay ng rebulto ni San Roque ang panalok para maipilit ang koneksyon ng dalawa. Pero dahil hindi nakaposisyon ang mga daliri ng rebulto para masuksukan ng kahit anong bagay kaya itinali na lang nila ito sa kamay na nakataas sa langit sa paraang magmumukha pa ring nakatangan dito ang mga daliri. Pero nagmukhang pupukol ng panalok ang kanilang poon kaya nagmukha rin itong mabagsik at mahirap lapitan.

Sa simula, naakit ang kura sa inaalok na rosaryo ngunit talagang wala siyang tiwala sa misteryosong may-ari dahil masyado itong misteryoso para sa kaniyang panlasa at tila lagi pang may binabalak para pabagsakin ang pamahalaan at simbahan. Kaya sa tuwing dumadalaw ito sa kumbento, laging nagpapanggap ang kura na masakit ang ulo at ang kampanerong kuba na lang (laging may ganito sa mga lumang simbahan) sa halip ang ipinahaharap dito.

—Allan N. Derain

Sinubukan naman nilang ikuwintas ang relikya sa leeg nito. Pero sa halip na ang panalok ang magmukhang burloloy sa katawan ng santo, ang santo ang nagmukhang sabitan nito. Kaya inilapag na lang ng mga hermana’t hermano ang panalok sa paanan ng poon kung saan naroon din ang alaga nitong aso. Napagpasyahan nilang doon ito pinakanababagay dahil nagmumukhang dito nakaturo ang isang kamay ng santo kaya umaangkop nga sa kuwento kung paanong itinuro ng santo ang lupang kinabagsakan ng panalok. Nais pa nga nilang maglagay na rin ng bukal sa harap ng altar para makumpleto na ang eksena ngunit may isang kumontra sa panukalang ito dahil mas nababagay lang daw iyong gawin sa hardin ng simbahan at hindi sa loob ng simbahan. Isa pa, kung maglalagay nga sila ng ganoon pang palabas ay baka mapagkamalan lang itong dawdawan ng agua bendita ng mga ignoranteng walang muwang sa kuwento.

Kaya nagkasundo silang iwan na lang ang panalok sa paanan ng santo sa ganoong kapayak na presenstasyon. Pero hindi nila puwedeng iwanan na lang doon ang hiyas na abot kamay ng kahit sino. Kaya pinagawan nila ito ng kahang salamin na siya nitong sisidlan at ang kahang salamin ay pinalibutan naman ng bakal na rehas. Kaya pati si San Roque ay kasama ring naikulong sa rehas.

Araw-araw na lang kung puntahan ng mga komersyanteng intsik ang kura para mangulit sa pakikipagtawaran sa bagong lagak na kayamanan. Araw-araw na may nagaganap na tila lihim na subastahan sa kumbento. Nakapagtataka ang pagkakaroon bigla ng interes nitong mga paganong dilaw para sa isang Kristiyanong relikya. Pinakamasugid sa kanilang lahat ang intsik na si Tonga na nangakong yayakap na sa Kristiyanismo at magbibigay ng buwanang donasyon sa simbahan buhat sa kaniyang kabi-kabilang mga negosyo.

Maging ang misteryosong alaherong sinasabing nakapaglibot na sa Europa sa paghahanap ng mga di pangkaraniwang alahas ay lumapit na rin sa simbahan. Inalok daw nito bilang kapalit ang rosaryo ni Reyna Isabella na esposa ni Haring Fernando Segundo ng Aragon. Ang bawat isa sa mga brilyanteng butil ng rosaryong ito ay may kani-kaniyang basbas buhat sa Papa Alejandro Sextus ng Roma kaya kung may animnapung butil ang rosaryo ay may animnapung milagro rin itong maipagkakaloob sa sinumang magmamay-ari. Kung paano naman napunta sa mga kamay ng mahiwagang alahero ang rosaryo ay isa pang mahaba at hiwalay na kuwentong may kinalaman sa napipintong pagputok ng himagsikan sa lalawigan ng Laguna at sa mga kalapit nitong bayan. Sa simula, naakit ang kura sa inaalok na rosaryo ngunit talagang wala siyang tiwala sa misteryosong may-ari dahil masyado itong misteryoso para sa kaniyang panlasa at tila lagi pang may binabalak para pabagsakin ang pamahalaan at simbahan. Kaya sa tuwing dumadalaw ito sa kumbento, laging nagpapanggap ang kura na masakit ang ulo at ang kampanerong kuba na lang (laging may ganito sa mga lumang simbahan) sa halip ang ipinahaharap dito.

Dahil nga sa ganitong mga bali-balita kaya lalong naging mainit ang banal na panalok sa mga mata ng mga kawatan at sa lahat ng mga gahaman at may mapag-imbot na kalooban.

Samantala, hanggang tingin na lang ang kayang gawin ni Manang Lita sa dating pag-aari. Kahit di nito mahawakan ang panalok na nasa loob ng kahang salamin, nakararamdam pa rin siya kahit paano ng koneksyon dito. 

Sa tuwing nakaharap siya rito, kaharap din niya ang dating Estelita na tila mula sa isang hiwalay na kuwento. Higit na matiisin ang nasa kuwentong iyon. Higit na pambihira, higit na dakila, at higit na maalamat.

Ngunit pumapasok din sa isip ni Manang Lita (lalo na’t kung pagod siya mula sa katatapos lang na pagwawalis sa buong bakuran ng pinalawak na simbahan) na paano kung dumating ang panahong matandaan niya at makilala niya kung alin talaga sa kaniyang mga panalok ang tunay na panalok na kaniyang ginamit? At paano kung matuklasan niyang hindi ang nasa loob ng salaming ito ang panalok na iyon? At kung isang araw, paano kung sabihin niya sa mga taong hindi ang nasa loob ng salaming ito ang tunay na panalok? Na natatandaan na niya ngayon kung saan niya ito naiwaglit? Pero hindi iyon yaring ginto at wala iyong mga rekotitos na diyamante? Karaniwang panalok lang iyon pero iyon ang tunay na hinipo ng Diyos? Pero kung isisiwalat niya ngayon ang pagiging huwad nitong panalok na pinakamamahal ng lahat, ipagpapalit ba nila ang tunay sa kopya kung ang tunay naman ay mumurahin at naroon lang at nakasabit sa kanilang batalan? Marahil huli na. Masyado nang maraming kuwentong bumuhay sa kasalukuyang panalok. Kaya anong saysay magtawag uli ng atensyon sa sarili? Marami ang napalapit sa Diyos, nabago ang buhay, gumaling sa karamdaman, umunlad buhat sa karalitaan, nakahanap ng paniniwalaan. Mahalaga pa ba kung aling panalok ang tunay na nasangkot sa kaniyang kuwento? Sinong may sabing kuwento pa rin niya ito? 

Hanggang isang araw, buong bayan ng San Roque ang natigalgal sa balitang nawawala ang banal na panalok sa simbahan. Todo tanggi ang mga lolang palasimba na sila-sila lamang din ang nagnakaw sa banal na sagisag. Hindi na raw nila iyon kayang gawin sa tahanan ng Diyos dahil nagbagong buhay na sila simula ng nangyari ang dakilang himala.

Dumating ang inspektor buhat Maynila para magsiyasat sa nangyaring nakawan. Sa kaniyang imbestigasyon, lumalabas na may limang suspek: ang intsik na si Tonga, ang misteryosong alahero na pinaghihinalaan ding lihim na tagatustos sa nagaganap na aklasan, ang kampanerong kuba (hindi ito nawawala sa mga lumang simbahan), si Manang Lita, at siyempre, ang kura.

Sa limang ito, si Manang Lita ang pinakaidinidiin ng maraming saksi. Si Manang Lita kasi ang pinakamadalas daw kung lumapit sa relikya at tumatanghod pa rito nang pinakamatagal na tila nakikipag-usap pa rito ng maraming klase ng usapan. Hindi nga ba’t siya ang may motibong pinakamasidhi sapagkat siya ang unang nagmay-ari sa nawawalang relikya? Katunayan, hindi lang isang beses itong narinig na sumumpang babawiin ang nawala sa kaniya.

Ang totoo (na malalaman lang ng inspektor pagkatapos na maisara na ang kaso at wala nang saysay pang malaman ang totoo), wala naman talagang narinig na ganito ang mga saksi. Gusto lang nilang mahuli si Manang Lita, makulong, at sa bandang huli ay maparusahan ng kamatayan sa pamamagitan ng bitay na gaganapin sa plasa para saksihan ng lahat. Dahil bitin sila sa naunang kuwento ng kabanalan at pagsasakripisyong ipinakita nito noong kabataan pa nito. Ngayon, tingin nila, dapat nang lubusin ng kanilang kababayan ang pagganap nito sa papel ng santa at martir. Panahon na para magkaroon ng santang katutubo at ang kanilang Manang Lita ang kanilang kandidata.

Natupad nga ang kanilang inaasam. Hinuli ng mga guardia sibil ang tindera ng isda. Ikinulong ito, pinahirapan, pinaamin sa krimeng hindi man lang nito nauunawaan kung ano. Habang nasa loob ng kulungan, magpapatiwakal na sana ito sa pamamagitan ng pagbibigti gamit ang aporo ng sariling saya, nang dumating ang kubang kampanero mula sa simbahan para sabihin sa mga bantay na iniuurong na ng kura ang kaso laban sa ginang.

Dahil nagpakilala na ang mga tunay na kawatan. Sila ang pangkat ng mga tulisang kilala sa tawag na Los Agrabyados. Sila ang umangkin sa krimen at pinatutubos nila ang ninakaw na relikya sa halagang dalawang libong piso na halagang katumbas kung nagkataong ang tutubusin ay isang bihag na prayle. Pero di sila pinansin ng simbahan. Dahil dito kaya ibinaba nila mula dalawang libo, naging isang libong piso na halagang pantubos naman sa bihag na pari ngunit paring sekular at katutubo. Pero wala pa ring umimik buhat sa simbahan. Kaya muling ibinaba ang halaga sa limang daang piso na halagang pantubos sa isang bihag na opisyal na may mababang ranggo. Na sinagot muli ng katahimikan. Kaya ang limang daan ay naging dalawang daan na halagang pantubos sa nakaw na kalabaw. Ngunit para silang nakipagtawaran sa bato. Gano’n na lang ang pagtataka ng Los Agrabyados sa kawalang pakialam ng simbahan.

Isang gabi, nakitang nag-uusap sa likod ng pansitan ang misteryosong alahero at ang kampanerong kuba. Sa pag-uusap nilang idinadaan sa bulungan at makahulugang senyasan, mahihinuhang isang mahalagang lihim ang sentro ng kanilang paghaharap. Upang malaman ang laman ng katago-tagong lihim na ito, ang kailangan lang ay lumapit pa sa kanila nang kaunti at pagbutihin pa ang pakikipakinig.

Tinubog lang sa ginto at saka dinikitan ng kunwaring diyamanteng yari sa puwit ng baso. Hindi ipagkakatiwala ng kura ang banal na panalok kahit kay San Roque. Itinago ito sa loob ng kaha-de-yero na nakabaon sa libingan ng mga pari.

—Allan N. Derain

“Alam ninyo ginoo, kay tagal kong hinintay na may isang katulad ninyong mapagawi dito sa aming bayan. Sapagkat magkapanalig tayo ng adhika,” ang paunang sabi ng kuba sa alahero.

“Magkano, Agrifino?” biglang putol ng alahero.

Natigilan ang kuba. Nagtaka. Tila hindi naunawaan ang tinatanong ng kausap.

“Mahalaga ang aking oras,” dugtong ng alahero habang may tila nilalamukos na di nakikitang papel ang isang kamay na tanda marahil ng pagkainip kundi man ng sinusupil na pananabik. 

“Handa kong ibahagi ang impormasyong kailangan ninyo ngunit sa tamang halaga,” pagtatapat sa wakas ng kuba na tinawag na Agrifino. “At hindi ko mamasamain kung aanyayahan n’yo rin akong sumama sa susunod n’yong muling paglilibot sa Europa habang nagpapalamig sa batas.” Dahil nais ding makita ng kuba ang mundo.

Tumango-tango lang ang alahero sa lahat ng narinig. At sa pagngiti-ngiti nito ay tila nais na ngang makipagkasundo dahil ang lihim na binibili ay walang iba kundi ang katago-tagong lihim ng banal na panalok. Dahil ang tinangay ng mga bandido sa simbahan ay replika lang. Tinubog lang sa ginto at saka dinikitan ng kunwaring diyamanteng yari sa puwit ng baso. Hindi ipagkakatiwala ng kura ang banal na panalok kahit kay San Roque. Itinago ito sa loob ng kaha-de-yero na nakabaon sa libingan ng mga pari. Nasa ilalim ng simbahan ang libingang iyon. Nagtataka nga ang kampanero kung bakit wala sa mga tulisan ang nag-abala man lang maghanap ng kayamanan sa dakong iyon dahil sa pagkakatanto niya, ang mga kayamanan sa simbahan ay doon lahat nakabaon.

Batid ng kuba ang malaong kasaysayan ng simbahan sapagkat matagal siyang nakapaglingkod dito bilang ladino. Agrifino Bagongbanta ang kaniyang tunay na pangalan. De los Santos ang Kristiyano niyang apelyido na ibinalik din niya sa Bagongbanta nang magpasyang maging isang lihim na anarkista. Bilang dating ladinong nakauunawa ng Latin at Kastila, nakapagsalin ito ng mga aklat na naging sandata ng simbahan laban sa Anitismo — mga aklat gaya ng Catequesis, Vidas, Plegarias, Doctrinas, at Oficio Divino mula Kastila patungong Tagalog.

Hanggang huminto ito bigla mula sa pagsasalin ng mga relihiyosong aklat at minabuti na lang na maging karaniwang kampanero. Nagsimula ito isang araw, nang ipasunog dito ng mga paring kasapi ng censura ang isang talaksan ng mga nakumpiskang ipinagbabawal na babasahin. Ngunit sa halip na sunugin lahat, pinili at inihiwalay ni Agrifino ang ilan na balak niyang basahin sa mga libreng oras. Sa simula, libangan lang ang hanap ng kuba bukod sa nais din niyang mahasa pa ang husay sa pagbabasa ng mga aklat na nasusulat sa wikang banyaga. Isa sa mga aklat na kaniyang naisalba ang Propaganda socialista fra contadini ni Errico Malatesta na nakasalin sa Kastila. Binago ng aklat na ito ang pagtanaw ni Agrifino sa buhay. Nagkaroon siya bigla ng kaunawaan tungkol sa mga manggagawa na di lang bihag ng mga mananakop kundi ng kani-kanila ring mga panginoon sa mga lugar ng kanilang paggawa.       

Sinikap ng kubang isalin ang kaniyang kopya mula Kastila patungong Tagalog. Ang mga bahaging tapos nang isalin ay ipinupuslit niya sa isang tagong imprenta para makapaglimbag ng marami pang kopya. At ang mga pahi-pahinang naililimbag ay iniipit niya sa loob ng mga misal.

Natagpuan na niya sa wakas ang tunay na pag-ibig, buong akala ni Agrifino. Hanggang dumating isang araw ang dalagang magiging katuwang niya sa paglilinis ng simbahan. Nakilala niya agad si Estelita dahil kasa-kasama na nila itong naglilingkod sa simbahan bata pa lang ito. Tatlong taon din itong nawala sa San Roque kaya di akalain ng kubang makikita pa niyang muli. Hindi rin niya akalain ang nagagawa ng tatlong taon para pamulaklakin at pahinugin ang dating bubot na kabataan.

Ganito ang hatian nila sa trabaho: si Agrifino ang bahala sa kalinisan ng buong kumbento at si Estelita naman ang sa simbahan. Kasama sa trabaho ng dalaga ang paglalampaso ng sahig, pag-iisis sa mga upuan, pagpupunas sa altar, at pagwawalis ng mga bumagsak na dahon sa patyo. Ang paglilinis sa mga poon, pagsusuklay sa kanilang buhok, pagpapalit ng kanilang mga damit, at pagpapakintab ng kani-kanilang mga ginintuan at pinilakang gamit tulad ng baston, hikaw, kuwintas, laruang bola, espada, timbangan, plato at kung ano-ano pa ay nakatoka naman sa bawat pamilyang may ampon sa kanila.

—Allan N. Derain

Ganito ang hatian nila sa trabaho: si Agrifino ang bahala sa kalinisan ng buong kumbento at si Estelita naman ang sa simbahan. Kasama sa trabaho ng dalaga ang paglalampaso ng sahig, pag-iisis sa mga upuan, pagpupunas sa altar, at pagwawalis ng mga bumagsak na dahon sa patyo. Ang paglilinis sa mga poon, pagsusuklay sa kanilang buhok, pagpapalit ng kanilang mga damit, at pagpapakintab ng kani-kanilang mga ginintuan at pinilakang gamit tulad ng baston, hikaw, kuwintas, laruang bola, espada, timbangan, plato at kung ano-ano pa ay nakatoka naman sa bawat pamilyang may ampon sa kanila. Nang mga panahong iyon, hindi pa nakauuwi mula Roma ang sagradong panalok kaya hindi pa rin pinamumutiktikan ng mga debotong perigrino ang simbahan at dahil dito’y nakakaya pa rin itong linisin ng iisang tao.  

Sa tuwing gumagawa ang dalaga, laging nakahanda ang bahagi ng tanghaliang itinira pa ni Agrifino para dito. Sa tuwing mamaalam naman ang dalaga pauwi, laging may pabaon pa rito ang kuba na kesong puti kundi man tsokolate baterol na malamang na inumit pa nito sa paminggalan ng pari.

Buhat nang dumating sa buhay niya ang dilag na agad nitong itinangi, naging madalang na ang mga pagsasalin ng dating ladino. Sapagkat nasumpungan naman nito ang sariling nagmamakata ng mga sariling berso. Sumulat ito ng tulang pinamagatan niyang “Bituin ng Aking Diwa”. Ang totoo, dati niya itong tula na alay sa Mahal na Birhen na kinikilala niya noong patrona ng kaniyang panulat. Ngunit nang muli niya itong hanguin buhat sa marami pang mga nasulat na matagal nang tinalikuran, at gawan ng rebisyon, sa bago nitong anyong buhay ay nagkaroon din ng bagong paralumang pinag-aalayan. Nang ipabasa niya ito sa kaibigang sakristan na kilalang maibigin din sa berso, ang payo sa kaniya ay lapatan ng himig. At iyon nga ang ginawa ng kuba kaya malamang na dito nagmula ang unang kundiman.

Isang gabing maliwanag ang buwan, narinig sa unang pagkakataon ang kubang umaawit sa harap ng bahay nila Estelita. Inaawit nito ang tungkol sa Bituin ng Diwa na talang gabay sa kaniyang mga paghaharaya. Isinasamo nito sa Bituing tanglawan ang kaniyang paglalayag sa Laot ng Karimlan upang maipag-adya sa Pampang ng Pagkalugami. Lingapin mo! Lingapin mo! ang sabi pa sa awit, yaring buhay kong malapit nang maparam. Sapagkat ang Bituin ng Aking Diwa ay pag-asa ko’t timbulan.

Sa unang tingin, mga gasgas nang talinghaga ang mga ito kung ihahambing sa mga mas makabagong tula ng pag-ibig. Ngunit tandaang dahil ito ang posibleng kauna-unahang tulang inawit bilang kundiman kung kaya ito pa lamang din ang kauna-unahang beses na ginamit ang mga imaheng ito sa ganitong paraan, at dahil dito’y dapat ituring na bago, orihinal, malikhain, at naghahawan ng landas sa panulaan. At sa saliw ng gitara ng sakristang maibigin sa berso, na isanama roon upang umalalay, lalo pang tumingkad ang timyas ng bawat kataga, daing, at buntonghiningang bumabaloy sa harana ng kuba.

Habang nakadungaw sa bintana, hindi naman matiis ni Estelitang tapunan ng tingin ang malaking umbok sa likod ng kaniyang Manong Bago, na tawag niya rito at binibigkas bilang ‘manumbago’ na parang salitang tumutukoy sa sakit ng matatanda. Nais sana niyang pansinin ang maputing kutis ng binata na sa liwanag ng buwan ay lalong napaghahalatang kutis ng isang mestisong Intsik. Ngunit di talaga maalis ang kaniyang paningin sa nakausling likod.

Nang magising ang kaniyang nanang sa narinig na malamyos na tinig, sumilip din ito sa bintana at muntik nang himatayin nang makita ang anak na dalagang hinaharanahan ng isang maligno. Nagawa lang nitong kalamayin ang loob nang mapag-isip-isip din agad na ang kaniyang anak naman talaga’y lapitin ng hiwaga kahit noon pa man. Naisip din nito ang mga kuwento-kuwento tungkol sa mga dalaga sa kanilang lugar na niligawan ng tikbalang kaya nagsipagyaman. Kaya walang kibo-kibo itong nagpainit ng tubig para makapagluto ng salabat. At upang matuwa sa kanila ang bisitang impakto ay titingin din ito kung may tabako o nganga siyang maiaalok dito. 

Nang gabi ring iyon, naglahad ng kaniyang pag-ibig ang kuba. Na sinagot naman ng dalaga ng ganito: “Kung saka-sakali, kayo Manong Bago, ang magiging ikatlong bundok ko ng kalbaryo.” Na tinutukoy malamang ang sariling ina bilang unang bundok at ang kaniyang tatlong taong pamumundok bilang ikalawa. “Pero tapos na ako sa pag-akyat ng mga bundok.”

Simula noon, lagi nang nakikita ang kampanerong kuba na nakatayo sa simboryo na hindi pa noon tinitirhan ng higanteng sawa. Hinihintay ng lahat kung kailan ito tatalon mula roon para magpatiwakal. Ngunit lagi ring nabibitin ang mga taga-abang dahil lagi itong nakikitang nakatanaw lang sa buong pueblo, marahil humahagod pa ng tingin mula plasa hanggang tiyangge, hanggang sa mga kabahayan sa paligid nito, at sa kasukalan hanggang tabing ilog kung saan may mga naglalaba at mga batang nagsisipaglangoy. Sinong makapagsasabi na naroon ito upang makapag-isip ng mga pakana kung paanong mawawakasan ang mundong ito na nilikha para sa kanila ng kanilang mga amo?


Sa tulong ng kakuntsabang kuba, pinasok isang gabi ng alahero ang simbahan kasama ng kaniyang mga tauhan. Sa tulong naman ng mapang natuklasan ng kuba sa ilalim ng tuntungan ng poong San Antonio de Padua, natukoy nila ang libingang pinagbaunan ng kaha-de-yerong lalagyan ng panalok. Hindi sila nagsayang ng oras sa paghuhukay. Pito ang tagapalang inupahan ng alahero para mabilis na mahukay ang baul ng kayamanan.

Makalipas ang ilang oras, nahukay nga nila ang isang kaha-de-yero. Sinira nila ang kandado nito gamit ang dalang piko at tumambad sa kanila ang isang bagay na nakabalot sa tela na gaya ng mga maharlikang inililibing sa sinaunang Ehipto. Tinanggal nila ito buhat sa pagkakarolyo at lumitaw sa harap nilang lahat ang kanilang tunay na layon, tunay na tunay dahil may liwanag pang sumisilay buhat sa pito nitong diyamante.

Pondong malilikom sa sandaling maipagbili niya sa pinakamataas magpresyo ang tanging nakikita ng alahero. Kung ilang armas ang mabibili at kung ilang sundalong mersenaryo ang mababayaran. Akmang dadahupangin na niya ito nang biglang tumalon palabas ng kaha ang panalok na parang bigla itong nagkaroon ng sariling buhay. Kung inaakala ng alaherong mapababagsak niya ang kolonya gamit ang bagay na kolonya mismo ang lumikha—pwes, sa dulong ito ng kuwento niya malalaman ang malaki niyang pagkakamali!

Sa takot na baka kung saan dalhin ng di nakikitang kamay ang ibinibitin-bitin nitong panalok, nakiagaw na rin ang kura sa mga magnanakaw.

—Allan N. Derain

Lumipad palayo ang panalok na parang ibong nakawala sa hawla. Nagpahabol ito sa lahat hanggang sa labas ng simbahan. Ito ang maituturing na una nitong opisyal na milagro matapos mailagak sa simbahan: ang kusa nitong paglabas ng simbahan.

Natanaw ng kura ang kaguluhang namamayani mula sa bintana ng kumbento. Pumanaog agad ito at inalerto ang mga kwadrilyero pati na ang kapitan del baryo.

Nang marinig ng taumbayan ang paghingi ng kura ng saklolo, buong bayan din ang dumalo para paligiran ang harap ng simbahan at para masukol ang pangkat ng mga kawatan. Nakita ng lahat ang mga tunay na salarin – ang kampanerong kuba, ang alahero at ang mga tauhang upahan nito. Nakita rin nila kung paanong pinaglalaruan ng lumilipad na panalok ang mga humahabol na kawatan. Tila may isang hindi nakikitang kamay na humahawak sa puluhan ng panalok at parang roleta itong pinaiikot-ikot at saka ipinangsasangkutsa sa hangin. Sa takot na baka kung saan dalhin ng di nakikitang kamay ang ibinibitin-bitin nitong panalok, nakiagaw na rin ang kura sa mga magnanakaw. Sumali na rin pati taumbayan. Gumamit ng panungkit ang ilan sa kanila na parang manunungkit ng papaya. Ngunit lalo pang nagpakataas-taas ang panalok buhat sa kanilang lahat. At dahil tila napagtanto nitong hindi siya maaaring ariin ng kahit sino, kahit ng simbahan, kaya nagtuloy-tuloy ito sa pagtaas hanggang makaabot sa kalawakan. Sinundo raw ng mga anghel, may mga nagsabi. Si San Roque mismo ang sumundo, sabi naman ng iba. Nakarating ito sa gawing hilaga ng kalangitan at naging bahagi ng konstelasyong Ursa Mayor na matatanaw mula sa lupa lalo na tuwing buwan ng Abril.

Simula noon, doon na nanatili ang maningning na panalok.

Natanaw rin ng ibang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang bungkos ng pitong diyamanteng naging talampad ng mga bituin (o asterismo na tawag sa mas maliit na konstelasyong bahagi ng mas malaki pang konstelasyon). Sa kuwentong Arabo, pinangalanan ang pitong brilyanteng bituin na Alkaid, Mizar, Alioth, Megrez, Phecda, Dubhe, at Merak. Magkakahugpong ang Alkaid, Mizar, at Alioth na bumubuo sa hawakan ng panalok. Ang Alkaid na pinakamaningning sa lahat ang makikita sa pinakadulo ng hawakan. Samantala, ang mga bituing Megrez, Phecda, Dubhe, at Merak naman ang bumubuo sa pinakamangkok. Ngunit sa kanilang alamat, hindi ito isang panalok kundi isang kabaong na sinusundan ng tatlong nagluluksa. Sa astronomiyang Hindu, ‘Sapta Rishi’ o Pitong Dakilang Paham ang tawag sa pitong bituin. Pitong Diyos ang pagkakakilala naman sa kanila sa Mongolia.  ‘Tseih Sing’ o Ang Pamahalaan naman sa Tsina. ‘Buruj Biduk’ o Sandok ang tawag sa Malaysia. Sa Britanya, isa itong araro. Sa mga Romano, ito ang ‘Septentrio’ o ararong may pitong baka. Sa Scandinavia, ito ang Bagon ni Odin. Sa mga Jama Mapun ng Tawi-Tawi, palakaya na panghuli ng isda ang tingin nila rito. Ngunit doon po sa amin, bayan ng San Roque, panalok ang pagkakakilala namin sa bungkos na ito ng pitong talang alam naming sa amin nagmula.


Doon sa kalangitan, makikitang nag-iisa ito at bukod na natatangi. Ligtas hindi lang sa mga magnanakaw kundi sa lahat ng mga kopya at mangongopya. Ngunit isang gabi, isa pang panalok ang natanaw sa kalangitan. Walang nakaaalam kung saan ito nanggaling o kung sino ang may gawa. Kung ito ba’y inilagay doon sa kalangitan para kutyain ang naunang panalok. At tila ba lalo pang nang-iinis ang mapagbirong gaya-gaya dahil itinabi pa niya ang sarili sa naunang panalok. Pero sa kabutihang palad, hindi perpektong kopya ang bagong dating dahil mapapansing mas maliit ito sa orihinal. Hindi rin ganoon kaningning ang mga bituin nito anupa’t sa mga lugar na mailaw ay mahirap itong matanaw. Kaya naman ang naunang panalok pa rin ang higit na inaasahang pananda ng mga manlalakbay sa paghahanap sa posisyon ng Polaris kung saan din makikita ang tunay na hilaga. Kaya maaari pa ring mapag-iba ang dalawang panalok sa langit sa pagsasabing ang nauna’y Malaking Panalok at ang sumunod dito ay Maliit na Panalok.

Ngunit sinong makapagsasabi? Dahil lahat ay posibleng mangyari, baka isang gabi, habang nakatingala tayo sa kalaliman at kalawakan ng langit ay may isa na namang panalok ang magpakita dahil ang hinihintay lang talaga ay isang kopyang hindi papalya. At matapos nito, maaaring may isa pa at isa pa at isa pang gaya-gaya hanggang sa mapuno ng mga magkakamukhang panalok ang kalangitan gaya ng nangyari noon sa batalan ni Estelita.


Si Allan N. Derain ay manunulat, visual artist, at guro. Awtor ng Iskrapbuk (shortlisted sa Madrigal First Book Award) na una niyang aklat ng mga maikling kuwento at Ang Banal na Aklat ng mga Kumag (Carlos Palanca Memorial Award Grand Prize, Loyola Schools Outstanding Scholarly Award, National Book Award, at Reader’s Choice Award) na una niyang nobela. Isinalin niya ang mga kuwento ni Guy de Maupassant sa koleksyong Ang Kuwintas at Iba pang mga Kuwento. Editor ng antolohiyang May Tiktik sa Bubong, May Sigbin sa Silong (Loyola Schools Outstanding Creative Work, National Book Award, at Gintong Aklat Award). Ang The Next Great Tagalog Novel at Iba pang Kuwento na ikalawa niyang aklat ng mga maikling kuwento ang pinakabago niyang libro (UP Press, 2019). Ilustrador ng Ang Diablo sa Filipinas ni Isabelo de los Reyes at ng kaniyang sariling nobelang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag. Ang Tagolilong: Lipon ng mga Aswang, Diablo, at Kumag ang naging una niyang art exhibit na ginanap sa Pardo de Tavera Room ng Rizal Library noong 2015. Guro ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Pamantasan ng Ateneo de Manila. Naging fellow for fiction ng LIKHAAN UP National Writers Workshop. Naging moderator ng Heights at Naratibo. Kasalukuyang direktor ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP). Nagtapos siya ng kaniyang Doktorado sa Filipino-Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman.

Labirinto ng mga Imposibleng Antolohiya

 MGA KATHANG NAWAWALA AT NAGWAWALA: Ilang Tala Hinggil sa mga Antolohiyang Hindi pa natin Nababasa

Hindi naman masamang maligaw. Lalo na kung ang pinanggalingan ang dahilan ng pagkaligaw. Lalo na kung ang pagkawala ang magdudulot ng kapanatagan at pag-usbong ng mga hindi pa nasisilip na posibilidad.

Maraming maaaring ibintang at ipukol sa mga mababasang tala. Nandyan ang mga mambabasang titingnan ito bilang isang nagmamarunong at “grandstanding” na pagpostura. Hindi sila nagkakamali kung iisipin nila ‘yon. At hindi ko ‘yon ipagkakait sa kanila. Hindi rin ako magdaramdam kung tatanawin ito bilang pailalim na pag-ukit ng sariling niche sa larangan upang makakubra ng cultural capital. O di kaya’y mapagpanggap, moralizing, at self-reflexive na kuda sa kalagayan ng kultural na produksyon sa bansa. Maaari ding isipin na tsismis o conspiracy theories lamang ang mga ito mula sa hanay ng mga nagmamaasim na kritiko’t manunulat. Posible. Pero sino bang manunulat—lalo na iyong mga itinuturing ang sarili na handog ng Diyos sa sangkatauhan—ang hindi nagdamdam dahil minsang napagkaitan ng inaasahang Palanca? Sino bang kritiko ang hindi naudyukan ng pagkainis at pagkasuya (maaari ding inggit) sa kapwa kritiko at manunulat? At siyempre, pwede rin namang isipin na isa itong desperadong pagtatangka na sumulat ng isang ‘makabagong akda.” Desparado? Oo. Wala namang pakikidigma sa paglimot na hindi desperado. Makabago? Ewan. Baka “makagagong akda.” Ayun, baka i-consider ko pa.  Pero ‘yun na nga, sa huling pagsusuri, pagbubura’t pag-uulit lang naman ang dalawang pagpipilian pagdating sa pagsusulat.

Kaya naman bago ang lahat, bago ko (o natin) sikuhin ang mga dapat sikuhin, ilang paglilinaw ang kinakailangan. Una at pinakamahalaga sa lahat, ang mga mababasang tala ay hindi dapat ituring na arogante o mayabang na pagpapakilala sa mga bagong-sibol o bagong-tuklas na mga manunulat at katha. Wala naman kasi sa anumang mababanggit o matatalakay ang “bago” o “natuklasan.” Sa katunayan, matagal nang nasa presensya natin ang mga antolohiyang ito. Nangyari lang na marami sa mga ito ang nailimbag ngunit hindi nabasa/binasa; may burador na ngunit hindi naimprenta; at naisip at napag-usapan ngunit hindi na inanunsyo at ginawan ng panawagan para sa kontribusyon.

Pangalawa, hindi rin dapat ipagkamali ang mga mababasang tala bilang nagsusumigaw na manipesto o panawagan upang lansagin ang mga lumang tuntunin at kalakaran sa panunuri at produksyong pampanitikan ng Pilipinas. Lalo ring hindi ito dapat ipagkamali bilang isang pagtatangka na bumuo ng isang panibagong peryodisasyon, o di kaya’y sumulat ng isang interbensyonistang kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas (May nagbabasa pa ba ng kasaysayang pampanitikan? O sabihin pa: may nagbabasa pa ba?). Gayundin, wala itong pinopormalisa, inaandukha, o ini-indigenize. Wala akong ganuong intensyon at ilusyon. Wala akong pangarap na tawaging “Bathala,” “Dok,” o kung anuman ng aking mga prospektibong bulag na tagasunod. Nakita na natin (at sana’y nakapulutan din ng aral) ang nakaririmarim at nakalulungkot na resulta ng mga nabanggit na pagtatangka. Sa katunayan, aaminin kong hindi ako tiyak kung ano nga ba talaga ang naging at magiging ambag sa panitikan ng Pilipinas ng mga antolohiyang babanggitin ko. Wala ring ililigtas na buhay, gagamuting sakit, at bubusuging sikmura ang mga antolohiyang ito. Basta ang alam ko, kailangan na muna nating limutin ang mga laging inaalala at alalahanin ang mga bagay na laging nakalilimutan. Basta ang alam ko, panahon na para salaulain ang mga laging dinadakila at bigyang-pansin ang mga (sa tinagal ng panahon) laging dinudukit at dinuduhagi ng mga institusyon. Ito na lang muna sa pagkakataong ito. Huwag na muna nating hingin ang mga bagay na hindi agad maibibigay.

I

Hindi kailanman mawawaglit sa aking alaala ang unang beses ko sa Labirinto. Kababalik ko lang noon sa Pilipinas mula sa aking “sapilitang pagbabakasyon” sa Netherlands. Sabik sa anumang bagong maiaalok ng lungsod, ginugol ko ang aking unang linggo, tulad ng isang tipikal na balikbayan, sa paglilibot at pagpapaubaya sa palo ng aking nostalgia.  Binalikan ko ang mura ngunit pagkasarap-sarap na tsamporado at munggo sa Maria Clara; maliliit na libruhan sa Maginhawa, Lagusnilad, at Cubao; mga beerhouse na bumubuo ng aking pira-pirasong alaala na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng Maynila; at marami pang lugar na may malinaw na pangalan at hugis sa isip ko ngunit sa kasamaang-palad ay inalis na ng mga “kahingian at rekisito ng pag-unlad” (basahin: kapitalismo) sa kinatitirikan nitong mga espasyo. Nang minsan kong subukang dalawin ang Nocturnal (mas kilala bilang “Tower Recto” sa mga masusugid nitong parokyano), isa sa mga paborito kong tindahan sa Recto na nagbebenta ng mga hard-to-find albums ng progressive at metal bands, magugulat na lamang ako na nagsara na pala ito. Sabi ng babaeng nakausap ko noon, na kailanma’y hindi ko malilimutan dahil nagsasagot siya ng crossword (at ni hindi man lang sinalubong ang mata ko noong nag-uusap kami), ni-raid daw ng pulis ang Nocturnal. Bukod kasi sa mga piniratang album na ibinebenta nito sa mga nag-aangas na teenager at jobless twenty-somethings, nagpapasok din daw ‘yung may-ari ng smuggled goods. Kung ano ‘yung “smuggled goods” na ‘yun ay hindi ko na tinanong. Hindi naman na kasi ‘yun bago. Lahat naman ng puwesto dito ay may mga hayag at di-hayag na transaksyon. Dismayado na wala na ang sinadyang lugar at nanghihinayang sa nasayang kong oras, tinanong ko ang babaeng nagko-crossword kung ano itong lugar na ngayo’y umuokupa sa dating lunan ng aking alaala. Sa pagkakaalala ko, sinagot niya agad ang tanong ko. Pero noong mga sandaling iyon, nagawa ko pang mapansin ang mga titik na pinagkakasya niya sa maliliit na kahon upang mabuo ang salitang ‘contraption’. Nagdalawang-isip pa nga siya kung “s” o “t” ba ang tamang letra para mabuo ang panlaping “-tion.” Noong mga sandali ring iyon, nagawa ko pang mailibot ang mga mata ko sa loob at makitang wala pang laman ang bagong “tindahan” bukod sa ilang painting na nakasabit sa pader. “Museum po ito,” sagot-singit niya habang tinitiklop ang diyaryo na naglalaman ng kaniyang pinakamamahal na crossword. “Gusto n’yo i-tour ko kayo?” Nagpaunlak naman ako nang hindi man lang nagsususpetsa o nagdududa. Na para bang walang posibilidad na ma-trap ako sa isang malaking contraption, kahit na family resemblance lang naman ang mayroon sa pagitan ng “contraption” at salitang ugat nito na “trap.” Na ang konotasyon lamang ng peligro, ng kapahamakan, ang nalalabing koneksyon ng dalawa. Na dapat nagdalawang-isip na ako nang makita kong isinasatitik ni Gemma ang aking napipintong kapalaran. Pero wala na akong nagawa. Ganun naman talaga. Wala tayong kapangyarihan sa mga ideya, sensasyon, at bagay na hindi natin kayang pangalanan. Kung sa bagay, hindi naman na dapat nagdududa’t nag-aalangan ang mga taong wala nang babalikan. At doon, sa puntong iyon, na nga ako nagsimulang maligaw.

II

Wala, sa palagay ko, ang agad makahuhula, lalo na sa unang tingin, kung ano nasa loob ng Labirinto. Mula sa labas at kung ikukumpara ito sa katabi nitong mga establisyamento—mga tindahan ng Class A na Nike at Vans, pekeng Ray-Ban at Oakley, mumurahin at tastasing t-shirt at maong, siraing earphones at bluetooth speakers, mga piniratang libro sa nursing at HRM, at kung anu-anong borloloy sa katawan—wala namang kakaiba sa Labirinto bukod sa katotohanang hindi tumatapon hanggang sa labas at sa iba pang mga puwesto ang produkto nito. Dahil nga wala naman talaga itong ibinebentang produkto. Kung anuman, masasabing kawanggawa ang isinasapraktika ng Labirinto. “Kawanggawa para sa mga antolohiyang hindi na kailanman mababasa ng sinuman.” Iyan ang mga eksaktong salita ni Gemma (ang babaeng nagsasagot ng crossword na siyang guide at caretaker ng Labirinto). Mula sa masikip na holding area na kinalalagyan namin, minuwestrahan ako ni Gemma na sumunod sa kaniya. Pagbukas niya ng pinto papasok sa akala ko noo’y stockroom ng Labirinto, tumambad sa akin ang isang mahaba at may kakiputang pasilyo. Habang naglalakad ay isinalaysay sa akin ni Gemma ang kasaysayan ng Labirinto. Noong mga sandaling iyon na naglalakad kami sa tila walang-katapusang pasilyo ng Labirinto, hindi talaga makatkat sa isip ko ang mga pahayag ni Gemma tungkol sa mga antolohiyang hindi nabasa at hindi na mababasa pa kailanman. Kasi nga naman, lalo na kung isasaalang-alang ang kasalukuyang lagay ng produksyong pampanitikan sa bansa, anong posibleng anyo pa ba ng antolohiya (sa balat ng lupa at ng mundong ibabaw) ang hindi nailabas nina Abad, mag-asawang Alfar, Almario, Bautista, Garcia, Lumbera, Pantoja-Hidalgo, Tolentino, Yabes, mag-asawang Tiempo, Tiongson, Dimalanta, at iba pang dekampanilyang manunulat at kritiko? Sabihin pa, anong antolohiya pa ba ang hindi sumagi sa kanilang mga isipan?

III

Marami-rami pa pala. Iyon ang napagtanto ko nang tumambad na sa akin ang malaking silid-aklatan/sinupan (at least, ganun ang dating sa akin) na iniluwal ng pintuan sa dulo ng pasilyo. Sa una kong pagtataya, aabot ng halos 150 ang mga estante na naglalaman ng libu-libong manuskrito, libro, zines, poster, polyeto, CD, USB, at iba pang bagay na may kaugnayan sa pag-aantolohiya. Nang mapadalas ang pagkaligaw ko sa Labirinto, at batay na rin sa hindi mabilang na pag-uusap namin ni Gemma na dalawampung taon nang nagsisilbi bilang guide at caretaker ng Labirinto, malalaman kong may 146 na estanteng naglulungga sa Labirinto. May dalawang pangkalahatang pamamaraan si Gemma sa pagsasaayos ng mga “artifact” (ito ang kaniyang eksaktong salita) sa Labirinto. Una, nakaayos batay sa pisikal na anyo nito ang mga artifact sa Labirinto. Ayon kay Gemma, ang kasalukuyang may-ari ng Labirinto ang siyang nagtakda ng mga kategorisasyon. Dagdag pa niya, ang kasalukuyang may-ari din ang nagtakda kung ilang estante ang ilalaan para sa partikular na anyo ng artifact, at kung ilan ang lalamanin ng bawat estante. Halimbawa, 74 ang estanteng nakalaan para mga naisalibrong antolohiya, at ang bawat estanteng nakalaan para sa nasabing anyo ay naglalaman ng 785 na artifact. Ibig sabihin, suma total, may 58, 090 na naisalibrong antolohiya ang nakaimbak sa Labirinto.

IV

Dalawampu’t walo (28) na estante naman ang nakalaan para sa mga antolohiyang nasa anyong zine. At upang mapanatili ang mga ito sa mabuting kondisyon, isinalibro nila ito, katulad ng ginagawa ng ibang silid-aklatan sa mga nagkakalasog-lasog nang mga aklat, manuskrito, magasin, pampleto, at dyornal. Naglalaman ng walong zine ang kada book form. Naglalaman naman tig-814 na book form ang 28 na estante sa naturang seksyon ng Labirinto. Ibig sabihin, may 22, 792 na book form artifacts ang kinakategorisa bilang zine. Interesanteng ito ang pinakamarami gayong sa konteksto ng Pilipinas ay isa ito sa pinakabata at pinaka hindi pinapaborang anyo-manipestasyon ng publikasyon. Madalas itong minamaliit o di kaya’y pinagtatawanan ng mga beteranong manunulat. Ang iba naman, lalo na iyong batang manunulat na nanganarap maging burukrata-kanonikong manunulat, ay nababahala diumano sa masamang epekto ng zine sa pangkalahatang kalidad ng produksyong pampanitikan sa bansa.  Sa kabilang banda, pwedeng ituring na patunay ang pag-iral ng zines na hindi na lamang “libro” (sa pinakapisikal na pagpapakahulugan nito) ang maaaring pagmulan ng bago sa panitikan ng Pilipinas. Malaking kabalintunaan, ano? Bagaman masyado pang maaga para sa sabihin, kung numero lamang ang pag-uusapan, mukhang naikumadrona na ang bagong yugto sa panitikan ng Pilipinas. Lamang, ang kaso, iniwan naman ng mga ama’t ina nito sa nursery, sa pangangalaga ng Labirinto.

V

Anim (6) na estante naman ang nakalaan para sa mga antolohiyang digital1. Ang bawat estante sa seksyong ito ay naglalaman ng 6,000 na CD. Lumikha rin si Gemma ng untraceable cloud system (ewan kung paano ‘yun naging posible) para magkaroon ng back-up ang lahat ng antolohiyang digital. Ibig sabihin, suma total, may 36,000 na antolohiyang nasa naturang anyo. Ayon kay Gemma, ito raw ang pinakabagong koleksyon sa Labirinto. Taong 2002 daw unang dumating sa Labirinto ang unang bulto ng mga antolohiyang digital. Ang pinakauna, ang Ang Napasong Mambabasa (2002), ay koleksyon ng mga kuwentong binuo sa pamamagitan ng Microsoft Powerpoint, partikular sa pamamagitan ng mga larawan at hyperlink. Ang siste ay ipapakita sa isang slide ang isang buong larawan o imahe, at maaari na itong tumayo bilang isang pangungusap o di kaya’y isang vignette. Malalaman lang ng mambabasa na hindi pala stand-alone ang slide sa sandaling pindutin niya ang link na nasa gawing kanan ng bawat slide. Nakasaad naman sa bandang kaliwa ang nom de plume ng mga may-akda. Ang pangalawa, ang Suicide City (2002), ay isa namang interaktibong antolohiya na may player interface na iwinangki sa “choose-your-adventure” na mga laro sa PlayStation at iba pang gaming console2. Pero tulad ng Ang Napasong Mambabasa, Powerpoint din ang napiling lunan at plataporma ng mga may-akda. Simple lang naman ang conceit at premise ng antolohiya. Sa anim na may-akda ng antolohiya, lima ang lumikha ng serye ng mga “sitwasyon” at “kontra-sitwasyon” na naglalayong udyukan ang mambabasa na magpatiwakal.  Upang matapos ng mambabasa ang antolohiya (at ang peligrosong laro), kailangan niyang malampasan ang pagsubok (na nasa anyo ng mga bugtong at palaisipan) sa pamamagitan ng kaniyang dunong at determinasyon. Kapag nalampasan na ng mambabasa ang mga pagsubok na kaakibat ng mga naturang sitwasyon at kontra-sitwasyon, doon pa lang niya malalaman ang katapusan ng kuwento, na iba-iba batay sa naging katangian ng kaniyang interaksyon at pakikipagsapalaran sa loob ng mga teksto. Kung hindi naman matatapos ng mambabasa ang antolohiya, simple lang ang mangyayari: mamamatay siya. Ayon kay Gemma, partikular na ipinagmamalaki ng kasulukuyang may-ari ang dalawang nabanggit na antolohiya. Tumatak din sa akin ang antolohiyang nanganganak nang nanganganak ng iba pang antolohiya—mistulang makina-kontrapsyon na hindi nauubusan ng mga posibilildad. Pinamagatan itong Kepuunpuun at Sengedurug: Mga Baryasyon ng Posibilidad (KS (2010), na kapansin-pansing hango sa dalawang pangunahing katangiang tekstuwal ng naratibo ng mga epiko sa Pilipinas. Tungkol dito, nagpahayag si Gemma ng kaniyang agam-agam kay Cynthia Canelo (ang kasalukuyang may-ari ng Labirinto) tungkol sa pagkupkop ng mga naturang antolohiya sa Labirinto. Aniya, sinabi niya noon kay Cynthia na nagpiprisinta ang KS ng malaking hamon sa pagmimintina ng Labirinto. Kung patuloy itong magsusupling ng panibagong mga antolohiya, mabilis na mauubos ang espasyo ng mga estante sa Labirinto, ng mismong Labirinto, at hindi na nito magagawa pang mag-ampon ng ibang antolohiyang ulilang lubos sa labas nito. Ngunit ayon kay Gemma, agad na pinulis ni Cynthia ang makitid at baluktot niyang pangangatuwiran. Wika raw nito, mabuti kung mangyari ngang hindi na kailangang mag-ampon ng Labirinto ng mga inabandonang antolohiya.  Nangangahulugan lamang ito na nasa pangangalaga na ng Labirinto ang lahat ng imposible (at kung gayon, ang lahat na rin ng posible) sa isang panahon. At kung magkataong may mga antolohiya pang kailangang ampunin, dagdag pa raw ni Cynthia, ay maaari namang magtayo pa ng mga bagong Labirinto upang matugunan ang pagdami ng mga imposible sa mundong ito.

VI

Dalawampu’t anim (26) na estante naman ang nakalaan para sa mga antolohiyang nasa anyong manuskrito—yaong mga hindi nailathala, kinainisan at kinamatayan ng may-akda kaya hindi na nailathala, at/o naghihingalo sa mga bukbuking bodega ng mga naluging palimbagan. Dahil sa maselang kondisyon ng mga naturang artifact, 201 lamang ang maaaring lamanin ng bawat estante. Suma total, may 5, 226 na antolohiyang nasa anyong manuskrito. Ayon kay Gemma, ang mga naturang antolohiya ang pinakamagastos3 imintina. Linggo-linggo kasing kailangan ipalinis ang naturang seksyon ng Labirinto.  Kailangan din mag-arkila ng mga eksperto sa paper preservation para mapanatili ang mabuting kondisyon ng mga ito. Bukod pa riyan, may partikular na temperaturang kailangang panatiliin sa naturang seksyon ng Labirinto. Dagdag pa ulit ni Gemma, ang mga antolohiyang nasa anyong manuskrito ang pinakaluma sa lahat ng mga antolohiyang nananahan sa Labirinto. Si Arnulfo Canelo (1891-1963), na lolo pa raw ng kasalukuyang may-ari, ang nangolekta sa mga ito. Nanggaling daw ang ilan sa mga antolohiya sa noo’y sikat na Libreria del Pedro Jimenez. Doon din daw galing ang mga antolohiya ng zarzuela at drama sosyalista na kabilang sa koleksyon ng Labirinto. Dating naging empleyado ng Libreria del Pedro Jimenez si Arnulfo. Isa sa mga trabaho niya ang mangalap, mangalaga, at mag-imprenta ng mga manuskrito ng mga zarzuela at korido. Siya rin ang naatasan ni Pedro Jimenez na magbagsak ng mga manuskrito sa iba’t ibang simbahan sa Maynila. Tuwing semana santa, inuutusan din ni Jimenez si Arnulfo na magburda ng mga eksena mula sa pasyon sa mga sudario at panyolito. Mabenta kasi ang mga ito sa mga palasimbang matrona. Ginagamit nila itong pamunas sa kanilang mga luha-luhaan habang nakikipagtsismisan sa kanilang mga amiga. Ibinebenta ang mga naturang sudario sa halagang diyes sentimos. Nang magsara ang Libreria de Pedro Jimenez noong 1933 dulot ng pagkakabaon ni Jimenez sa utang at pag-usbong ng Balagtasan bilang pambansang libangan ng taumbayan, ipinagkatiwala niya kay Canelo ang ilan sa mga hindi pa nailalathalang manuskrito ng Libreria. Noong mga panahong iyon, kahit medyo nagsisimula nang maging mahirap ang buhay sa Maynila, ay nangungupahan pa si Arnulfo sa isang maliit na silid sa Azcarraga, ilang kanto mula sa kasalukuyang kinalalagyan ng Labirinto. Kinailangan lamang niyang lisanin ang Maynila at  lumipat sa kaniyang mga kamag-anak sa Lal-lo, Cagayan4 dahil sa takot niyang madatnan ng digmaan at karahasan sa kalungsuran. Upang mas madaling mabitbit ang mga ipinamanang manuskrito ni Jimenez, isinalibro ni Arnulfo ang ilan sa mga ito sa tulong ng kaniyang mga kaibigan mula sa Union de Impresores de Filipinas. Ang iba, dahil sa kakulangan ng oras at salapi, ay iniwan na lamang ni Arnulfo sa kaniyang silid sa Azcarraga. Malaki raw ang panghihinayang ni Arnulfo noon sapagkat ipinaalam na raw sa kaniya ni Alejandro Abadilla ang balak nitong isama sa antolohiyang Parnasong Tagalog (na unang maililimbag noong 1949, at isa sa magiging muhong antolohiya ng panulaan sa Pilipinas) ang ilan sa mga sudariong inilabas ng Libreria. Hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong magkita o mag-usap nang lumipat si Arnulfo sa Cagayan. Ang mga isinalibrong manuskrito ng mga zarzuela, drama sosyalista, at korido, ayon kay Gemma, ang nagsilbing mga pinakaunang artifact sa Labirinto—ang Obras Recuperadas (1943). Makikita sa antolohiyang ito, halimbawa, ang hindi alam ng nakararami na pangalawang bahagi ng Bagong Cristo ni Aurelio Tolentino, ang Exodus sa Katangahalian (bagaman patuloy pa rin ang debate hinggil sa pag-aakda nito). Gayundin, kasama sa antolohiya ang iskrip ng mga hindi naisadulang zarzuela nina Severino Reyes, Juan Abad, Tomas Remigio, at marami pang iba. Gayundin, matatagpuan sa isa pang seksyong nito ang mga tinipong artikulo ni Lope K. Santos sa Muling Pagsilang, mga pampleto ni Crisanto Evangelista na inilathala sa Tambuli at Tinig-Manggagawa, at mga liham ng mga nagpupuyos na kalaguyo ni Dominador Gomez.  Para naman sa mga interesado sa pangakalahatang lagay ng panunuri at polemikong pampanitikan noong panahong iyon, may nakalaan ding seksyon ng mga tinipong tugon ng mga kasapi ng Aklatang Bayan sa diumano’y pambubuska at pambabalahura ni Rosauro Almario sa kanila. Dahil walang pamagat ang naturang koleksyon, si Cynthia na lamang ang nagbigay ng pamagat dito—“Umpakan: Mga Umpukang Nauwi sa Upakan (1914-1921).”

VII

Ang huling 12 na estante ay nakalaan para sa mga antolohiyang hindi pasok sa mga napagkasunduang kategorya nina Gemma at Cynthia. Narito, halimbawa, ang mga tala na naglalahad ng mga plano para sa ikakasang antolohiya; mga antolohiyang walang pamagat (o hindi na nabigyan ng pamagat ng mga patnugot); mga katitikan; antolohiya ng mga resibo mula sa mga supermarket sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Timog-Silangang Asya; antolohiya ng mga hindi nabayarang bills ng kuryente at tubig; antolohiya ng mga talumpati ng mga politiko mula panahon ni Marcos hanggang sa palamurang rehimen ni Duterte; antolohiya ng mga memo mula sa iba’t ibang opisina na hindi napirmahan, naipadala, at/o natugunan; antolohiya ng mga balak at composo; antolohiya ng mga nai-transcribe na epiko sa wikang wala nang nakauunawa; antolohiya ng mga arikenken; antolohiya ng mga menu ng restaurant; antolohiya ng mga manwal  at tuntunin; antolohiya ng mga obituwaryong hindi na inilabas sa diyaryo dahil walang pambayad ‘yung nagpagawa; antolohiya ng mga rejection letter sa mga pambansang palihan at kumperensya; antolohiya ng mga nabigo at napurnadang pick-up artist; antolohiya ng mga rejected at bulilyasong aplikasyon ng pensyon sa SSS at GSIS; antolohiya ng mga kontratang pinipirmahan at payslip ng mga empleyadong kontraktuwal ng SM; antolohiya ng mga tiket na nagwawagi sa 6/45 Super Lotto; antolohiya ng mga utang panlabas ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi pa nababayaran; antolohiya ng mga kasong hindi pa nalulutas; antolohiya ng mga mapa ng siyudad; antolohiya ng mga mapa ng amusement park, antolohiya ng mga panaginip; at marami pang iba. Tulad ng mga estante para sa libro, 814 na artifact ang pinagkasya sa 12 na estante. Ibig sabihin, may 9, 768 na antolohiyang hindi pa naibubulsa sa mga umiiral at tinatanggap na kategorya o di kaya’y, lalo na kung talagang seminal ito, nagrerebelde sa nakahiratian.

VIII

Masasabing “tematiko” (subalit mayroon ding batay sa ipinagpapalagay na layunin nito) naman ang pangalawang kategorisasyon ng mga artifact sa Labirinto. Kung titingnan ang bawat artifact, halimbawa kapag binuklat ito sa unang pahina o kapag pinindot ang link patungo sa digital na pabalat (tulad ng mga librong nasa epub format), makikitang may barcode na nagsasaad ng numero ng estanteng kinalalagyan ng artifact, numero nito bilang isang artifact, at taon kung kailan ito naipasok sa Labirinto (hal., S 45 A 7665 1997 I). Sa ilalim ng artifact number ay mapapansin ang sinasabing pangalawang klasipikasyon ng mga ito. Ayon kay Gemma at batay na rin sa aking magdamag na pagbababad sa Labirinto, may apat na tematikong klasipikasyon ang mga antolohiyang kabilang sa mapagkandiling pangangalaga ng Labirinto: ang “Obras Reunidas,” “Kontra-Antolohiya,” “Antologias del Futuro,” at “Mga Imposibleng Antolohiya.” Gayundin, at ito ang hindi ko nabanggit sa mga naunang tala, nakapirma rin ang pangalan ng may-ari sa mga artifact. Subalit dahil nagkaroon ng dalawang may-ari ang Labirinto, dalawang pirma rin ang makikita sa mga artifact. Ang unang pirma ay ang kay Arnulfo Canelo, na kalakha’y nasa mga artifact sa ilalim ng Obras Reunidas at Antologias del Futuro. Ang pangalawang pirma naman ay galing kay Cynthia Canelo.

IX

Obras Reunidas. Ibinulsa sa kategoryang ito ang mga antolohiyang nabuo sa pamamagitan ng mga kinalimutan o hindi popular na akda ng mga manunulat. Halimbawa, alam ng lahat na ang Cadena de Amor (2004) ni Wilfrido Nolledo ay ang kaniyang tour de force pagdating sa maikling kuwento. Subalit lingid sa kaalaman ng maraming kritiko (na wala naman talagang alam) at mambabasa (na ginagawang tanga ng mga kritiko), tinipon at binigyan ng introduksyon ni Edmundo Bacod, isa sa mga patnugot ng Dalkkey Archive (ang palimbagang naglathala ng pinakahuling edisyon ng But for the Lovers (1994)) ang ilang maikling kuwentong isinulat ni Nolledo sa Estados Unidos—ang San Fernando Valley Sonatas (2011). Kasama rin sa kategoryang ito ang ilang antolohiya ng salin ng mga Balagtasan Tagalog sa iba’t ibang wika ng Pilipinas at patungo sa mga banyagang wika (hal., Aleman, Kastila, Bahasa Indonesia, Tieng Viet). Mayroon ding mga antolohiya ng Balagtasan mula sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. Halimbawa, nariyan ang mga antolohiya ng mga Balagtasan mula Ilocos, Pangasinan, La Union, Abra, Benguet, Isabela, at Cagayan—ang Bukanegan ti Amianan (1960). Kakatuwa rin pansinin ang antolohiya ng mga liham nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna, at iba pang ilustrado sa kanilang mga iniirog na nakapaloob sa antolohiyang Con Letras de Guerra y Con Letras Ama (1928). Tinipon rin sa isang antolohiya ang mga pasaring ng ilang ilustrado hinggil sa pagyayabang ni Pedro Paterno nang ito’y manirahan sa Europa—ang Disenso y Castigos (1896)5 na diumano’y  pinamatugutan ni Jose Rizal bago siya tatadtarin ng bala sa Bagumbayan noong taong rin iyon. Bagaman talagang kontrobersyal at posibleng maging mista ng panibagong giyera-patani sa pagitan ng rehiyonalista at probinsyal na historyador, hindi ito ang antolohiyang pinakanagmarka sa akin. Sa lahat ng mga antolohiyang kabilang sa kategoryang ito, pinakatumatak sa akin ang antolohiyang Utas (2002) na tinipon, pinamatnugutan, at binigyang-introduksyon nina Shiela Maramara at Froilan Uy. Tampok sa antolohiyang ito ang mga sipi mula sa mga koleksyon ng tula, maikling kuwento, sanaysay, dula, at nobeleta mula 1970-1995 na hindi tinanggap ng mga palimbagan para sa publikasyon.  Ayon sa mahaba at palaaway (at kung minsa’y lantarang nanlilibak) na introduksyon nina Maramara at Uy, isa sa mga layunin ng antolohiya ang ilantad sa publiko ang mga “ikinubli at itinatwang estetika.” Sa pamamagitan daw ng naturang pagsisikap, mas magiging “maalam” at “malay” ang mga mananaliksik sa larangan ng panitikan hinggil sa mga kalakaran at prosesong pampanitikan na inililihim ng mga manunulat, kritiko, palimbagan, at mga institusyong pampanitikan sa Pilipinas. Higit na interesante naman para sa akin ang paraan ng pagpapakilala nina Maramara at Uy sa mga akdang nakapaloob sa antolohiya: maangas at walang-takot. ‘Yung tipong itinaya na nila pati pamato’t panabla. ‘Yun bang kulang na lang ay ipusta nila pati susi ng bahay at kotse ng kanilang kapitbahay. Hindi rin mawawala, siyempre, ang antolohiya ng mga akda ng mga manunulat na, sa hindi matukoy at mabilang na dahilan, hindi nakapaglathala ng sariling aklat; antolohiya ng mga liham na hindi naisatelebisyon ng Maalaala mo Kaya; antolohiya ng campaign posters ng mga politiko; at antolohiya ng mga burador. Sabihin pa, kabilang din ang kaninang nabanggit na Obras Recuperadas sa kategoryang ito.

X

Kontra-Antolohiya. Ayon kay Gemma, mapanghamon, mapangahas, at kombatibo ang lahat ng antolohiyang kabilang sa kategoryang ito. Tulad ng mga antolohiyang kabilang sa Obras Reunidas6, masasabi rin na interesante ang implikasyong kaakibat ng mga Kontra-Antolohiya sa pangkalahatang oryentasyon at daloy ng kasaysayang pampanitikan sa Pilipinas. Nang mabasa ko ang ilan sa mga sinasabing Kontra-Antolohiya, agad-agad pumasok sa isip ko ang mga posibilidad na nakubabawan at naisantabi ng mga kanonikong manunulat at akda na inilagay natin sa pinakamataas na pedestal ng ating imahinasyon. Bukod pa riyan, at ito para sa akin ang talagang interesante ngunit hindi na rin naman nakagugulat, walang pangingimi ang mga Kontra-Antolohiya sa pagbangga sa mga manunulat na premyado-at-selyado-ng-estado. Ito, sa palagay ko, ang tunay na esensya ng pag-aantolohiya, ng pagsusulat higit sa lahat: ang paglalantad at pagsuysoy sa kompleksidad at kontradiksyon ng tunggalian sa pagitan ng matatandang  manunulat na inuugat na bilang mga burukrata at matatandang manunulat na nagpatuloy sa buwis-buhay at butas-sikmurang landas ng radikalismo at progresibong panulat; gitgitan at sikuhan sa pagitan ng mga batang nagrerebelde laban sa kinasanayan at mga batang kuntento nang maging tagatimpla ng kape ng mga “dakilang alagad ng sining”;  at pagtatalaban ng nakaraang di mamatay-matay, kasalukuyang naggugumiit, at hinaharap na hindi maisilang-silang. Masyado na bang mabigat at seryoso? Hindi naman masyado. Sa katunayan, kung susuriing mabuti, madalas na walang relasyon sa poetika o politika ng mga inaaglahi at inaalimurang manunulat ang karamihan sa mga patutsadang mababasa sa mga Kontra-Antolohiya. Kung minsan pa nga, pawang pang-aalaska at mga personal na atake ang laman ng mga introduksyon o ng mismong mga akdang nakapaloob sa mga ito. Isa ang antolohiyang Bored sa Thunders (2015) na pinamatnugutan nina James Fernandez, Chloe Francisco, at Maria Asuncion, na sa pamagat pa lamang ay agad nang kakikitaan ng alusyon sa dambuhalang antolohiyang pinamatnugutan ni Gemino Abad,ang Hoard of Thunder, sa mga pinakatampok at pinakapaborito kong halimabawa ng mga nambubuskang antolohiya. Ngunit hindi natatapos sa mapaglarong pamagat nito ang Bored sa Thunders. Kung titingnan, halimbawa, ang mismong proyekto at maniobra ng antolohiya, makikitang nakaumang ito sa pagbuo ng tinatawag nina Fernandez, Francisco, at Asuncion na “antipodal texts which would introduce a myriad of parallax vantage points to prospective readers.” Sa madaling salita, mga akdang tuwirang sumasalungat sa estetika at politika ng mga akdang aprubado ni Abad at ng iba pang dekampanilyang manunulat. Mapapansin din ang ganitong “attitude” sa antolohiyang Memo mula sa Libingan ng mga Bayani: Mga Intelektuwal na Demolisyon (2008) nina Reiner Magat, Philip Ragsac, Isabel Xerex-Burgos, at Gertude Subido. Binubuo ng labing-anim (16) na kritikal na sanaysay na sinusuri, hinihimay, at dinidistrungka ang politikang bitbit ng mga manunulat na lumagda sa COWARD Manifesto. Ayon sa introduksyon ng antolohiya, “kinakailagang litisin sa intelektuwal, polemikal, at malikhaing paraan ang mga taksil sa dalisay na landas ng panitikan at pagsasabansa.” “Samakatuwid,” pagpapatuloy ng mga may-akda, “hindi sapat na isawalang-bahala o siraan ang mga huwad na pantas na nananalasa sa ating pang-araw-araw na imahinasyon.  Kailangan isailalim sa malawakan, mabusisi, at walang-kompromisong teoretikal na pakikipagbuno ang mga pinalalaganap na ideya ng mga ama at ina ng panitikang Pilipino.” Sa mga sanaysay na kabilang sa antolohiya, pinakatumatak sa akin ang “Bakuna ba ang Tugma?: Pasintabi(g) sa mga Makata sa Panhon ng Pandemiko” ni Isabel Xerex-Burgos at “Higit na mas Mabigat ang Dilim kaysa Liwang” ni Victor Melendez.   Sa kabilang banda, mayroon ding mga antolohiyang kabilang sa kategoryang ito na bastos lang talaga. Halimbawa nito ang The 69 Variations (1988) nina Roberto Bordado at Cornelio HuKay (malinaw na mga nom de plume) na naglalaman ng mga larawan ng mga politiko, intelektuwal, at alagad ng sining na “nagpa-69” sa sistema. Ayon kay Gemma, ito raw ang isa sa mga antolohiyang lagi’t laging maaalala ni Cynthia dahil sa pinagdaanan niya upang makakuha lamang ng isang kopya nito. Kinailangan pa raw kasing makipagrelasyon7 ni Cynthia sa isang politiko (na isa sa mga binansagang nagpa-69 sa sistema) para lang mapasakamay nito ang naturang antolohiya. Tanging ang mga indibidwal na may larawan sa antolohiya, ang mga nagsilbing sapilitang kontribyutor nito, ang binigyan ng kopya ng The 69 Variations. Kaya’t kung iisipin, ang antolohiyang ito’y maaaring ipalagay bilang isang babala para sa mga naturang indibidwal, na para bang sinasabi sa kanila na may nagbabantay at nagmamatyag sa kanilang bawat kilos. Sabihin pa, true to its form, bagaman marami ang naging sapilitang kontribyutor ng antolohiya, masasabing ang The 69 Variations ay isang antolohiyang literal na para sa iilang tao lamang. Nahihibang ang taong magmamalaki (maliban na lang kung ikaw si Duterte) na naging bahagi siya ng The 69 Variations, na aamining nagpa-69 siya sa kung sinumang may-kapangyarihan. Kaya naman para kay Cynthia, isang malaking tagumpay ang pagkakakumbinsi (sa lahat ng posibleng pakahulugan ng terminong ito) niya sa naturang politiko na i-donate ang sarili at nag-iisang kopya nito sa Labirinto.  Nais ko ring bigyang-pansin ang Galing-galingan: Mga Kaepalan sa Panahon ng Pagbabago8 (2018), isang koleksyon ng Facebook posts mula sa pages tulad ng Bisayaball, Philippines Most Shocking History, Thinking Pinoy, Mocha Uson Blog, MindaVote, Crabbler, Pepeng Pinakamalupet, Deepweb Dumaguete, Duterte Cyber Warriors, Philippine National Front, Mr. Riyoh, Kayumanggi Roots Science, Palayain si General Jovito Palparan Movement, Top Gear Philippines, James Deakin, at iba pang pages na nagbabandera ng samu’t saring baryasyon ng ideolohiya’t politikang kanan, totalitaryano, edgy, dank, racist, elitista, matapobre, at konserbatibo. Sa madaling sabi, isang katakot-takot na alyansa sa pagitan ng mga kampon ng pasismo. Layunin ng naturang antolohiya na maglunsad ng opensiba laban sa mga politko, organisasyong masa, peryodista, pampublikong intelektuwal, at akademiko na kanilang ipinapalagay na “anti-pagbabago” at protektor ng mga kriminal sa balatkayo ng karapatang pantao. Pinamatnugutan ng mga tagapamahala ng nasabing pages at binigyan ng introduksyon nina Richard Heydarian at Sass Sassot na pinamagatang “OBOSEN: A Primer for the Destruction of the Filipino (Un)Intellectual Class9,” isa ito sa mga pinakabagong lahok sa koleksyon ng Labirinto.  Ayon kay Gemma, may panahon daw na talagang mabenta ang naturang antolohiya sa National Bookstore. Required reading kasi ito para sa mga kandidatong-kasapi ng Duterte Youth, National Youth Commission, at Philippine National Front. Naungusan pa nga raw nito ang sales ng sikat na aklat ng gwapong historyador na si Lisandro “Leloy” Claudio, ang Basagan ng Trip: Complaints About Philippine Culture and Politics (2016), at muntik pang matapatan ang sales10 ng mga libro nina Bo Sanchez at Robert Kiyosaki. Lamang, sa pwersa ng signature campaign na pinangunahan ni Leloy Claudio at ng iba pang mga intelektuwal na nag-aalala sa nakikita nilang pagkasadsad ng diskursong pampolitika ng bansa sa burak ng otoritaryanismo at irasyonal na antagonismo, nagpasya ang management ng National Bookstore[11] na tanggalin ang Galing-galingan sa kanilang mga estante.

XI

Antologias del Futuro. Sa isang banda, ito ang mga antolohiya ng hinaharap, ang mga antolohiyang magkukumadrona ng bagong yugto, ang mga antolohiyang maghahawan ng bagong landas sa pagbabasa at pagsusulat. Subalit sa kabilang banda, ito rin ang mga antolohiyang ayaw pang pag-ukulan ng ng oras, seryosohin, unawaain, at talakayin ng mga ninong at ninang ng Panitikang Pilipino. At ito ang dahilan kung bakit mananatili ang mga ito sa hinaharap, sa isang panahong hindi na matitingkala pa dahil nababalot na ang kasalukuyan sa mga imahe’t pangitain ng pagkapurnada ng anumang posibilidad ng isang hinaharap. Ito rin ang mga antolohiyang maaaring nailimbag sa isang parallel universe. Mga antolohiyang isinilang sa mga lihim na inuman ng mga dismayado at talunang manunulat. Mga antolohiyang hindi pa natin mapanindigan sa ngayon, o maaaring kailanma’y hindi na natin mapaninindigan. Kaya naman tulad ng nabanggit ko sa simula, ipagpapaliban ko muna ang pagpapaliwang sa mga bagay na hindi pa kayang ibigay ng ating nawawala (dahil hindi matagpuan) at nagwawalang (dahil hindi mapanghawakan) panahon.  Magtiyaga na lang muna tayo ngayon sa isang laundry list ng mga posibilidad:

Antolohiya ng mga kabit
Antolohiya ng mga smuggler
Antolohiya ng mga tulak sa Pritil
Antolohiya ng mga ambag sa lipunan
Antolohiya ng mga Progresibong TikToker (Philippines-Global)
Antolohiya ng memes tungkol sa panitikan
Antolohiya ng memes tungkol sa komiks
Antolohiya ng memes tungkol sa pagtula
Antolohiya ng mga Blue Pill Men
Antolohiya ng Kayumanggi Roots Science at DeepWeb Dumaguete
Antolohiya ng mga Kakaibabe at Member ng Sando Gang
(Unironic) na Antolohiya ng Spoken Word Poetry sa Pilipinas
Antolohiya ng Sex Advice nina Mocha Uson at Asia Agcaoili
Antolohiya ng mga Nostalgic sa Multiple, MySpace, at Plurk
Antolohiya ng mga manggagawang Job Order
Antolohiya ng mga pilay
Antolohiya ng criminal records ng mga menor-de-edad
Antolohiya ng mga recipe ng mga nagtitipid na ina
Antolohiya ng mga resulta ng eksaminasyon ng mga medico legal sa mga biktima ng Oplan Tokhang
Antolohiya ng mga cellphone number na tinipon mula sa pinto ng mga banyo sa Maynila
Antolohiya ng mga himutok sa mga braso ng silya sa mga silid-aralan
Antolohiya ng mga tulang hindi kabigkas-bigkas
Antolohiya ng mga unang burador
Antolohiya ng mga huling burador
Antolohiya ng mga diksyunaryong wala nang gumagamit
Antolohiya ng mga manuskritong hindi umabot sa deadline
Antolohiya ng mga pinakapangit na kuwento, tula, dula, at sanaysay
Antolohiya ng mga tiket na inisyu ng traffic enforcer
Antolohiya ng mga tulak na “pinagpiyano” sa istasyon ng pulis
Antolohiya ng mga estudyanteng malapit nang maging “espugante”
Antolohiya ng mga ina nakikipagsiping sa anak
Antolohiya ng mga mister dinadahas ng kanilang mga misis
Antolohiya ng mga estratehiya sa color game
Antolohiya ng estratehiya sa pamamalimos
Antolohiya ng mga rejected na grant applications
Antolohiya ng mga retiradong starlet
Antolohiya ng mga Incel sa Pilipinas
Antolohiya ng mga bigong boksingero
Antolohiya ng mga NBSB at NGSB
Antolohiya ng mga pangit
Antolohiya ng mga gwapo
Antolohiya ng mga “thot” at matapobreng influencer
Antolohiya ng Samahan ng Nagkakaisang Mukbangers sa Pilipinas
Antolohiya ng mga mahadera at busangot na kapitbahay, tindera, at usisera
Antolohiya ng mga ulat hinggil sa napurnadang operasyong militar
Antolohiya ng mga ulat ng ISAFP hinggil sa nilikidang miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas
Antolohiya ng mga sanaysay na nagpupugay kay Filemon “Ka Popoy” Lagman
Antolohiya ng mga hiyaw ng mga biktima ng Oplan Bayanihan
Antolohiya ng mga kasapi ng Alamara
Antolohiya ng mga kasapi ng Tadtad
Antolohiya ng mga linayhan ng mga dakilang majongera sa Binondo
Antolohiya ng mga pangarap
Antolohiya ng hikab
Antolohiya ng pagkainip
Antolohiya ng pagpapatawad
Antolohiya ng pagmamakaawa
Antolohiya ng mga bangungot
Antolohiya ng mga pagbabakasakali
Antolohiya ng mga katiyakan
Antolohiya ng mga ikinakahiyang antolohiya
Antolohiya ng mga kinaiinggitang manunulat ng mga gatekeeper
Antolohiya ng mga pekeng antolohiya
Antolohiya ng mga subersibong antolohiya
Antolohiya ng mga umeeksenang antolohiya
Antolohiya ng magagandang manunulat
Antolohiya ng matatandang manunulat
Antolohiya ng mga kareristang manunulat
Antolohiya ng mga “may-mailabas-lang” na antolohiya
Antolohiya ng mga imposibleng antolohiya

XII

Mga Imposibleng Antolohiya. Lahat ng mga antolohiya sa Labirinto ay, sa maraming dahilan, imposible. Sa barcode na nakadikit sa bawat artifact ay may nakalagay na “I” pagkatapos ng taon ng publikasyon nito (hal., G 104 a 67893 1953 I). Samakatuwid, tatlo lang talaga ang distingtibong kategorya sa Labirinto sapagkat sa simula’t sapul ay imposible (sa lahat ng posibleng pakuhulugan ng termino) ang lahat ng mga antolohiyang inampon nito. Imposible dahil ayaw basahin. Imposible dahil ayaw unawain. Imposible dahil ayaw ilathala. Imposible dahil hindi pa napag-uusapan. Imposible dahil hindi pa pwedeng pag-usapan. Imposible dahil hindi pa naiisip. Imposible dahil hindi pa pwedeng isipin.

Halos anim na taon din akong naglamay sa loob ng Labirinto. At sa anim na taong iyon, halos sa Labirnto ko lamang ginugol ang oras ko. Stretching, manaka-nakang pag-iinom kasama ang mga kaibigan, at pagbisita lang sa mga libruhan ang aking naging pahinga. Ewan kung bakit, pero may kung anong pwersa ang lugar na ito sa akin. Nagawa kong maipagpaliban ang halos lahat ng bisyo at luho sa katawan matuklasan ang mga bagay na matagal nang inabandona ng nakararami. Sa kabilang banda, kailangan ko rin amining hindi ko nagawang masilip ang lahat ng manuskritong inampon ng Labirinto. Kulang ang isang buhay, kahit dalawahin pa, upang masukat ang lawak ng dinurungawan kong mundo. Bagaman napagtanto kong marami pa palang imposible sa mundo nating lulong sa lahat ng uri at hibo ng posibilidad, hindi ko alam kung malalantad ba sa akin/atin ang lahat ng imposible noon, ngayon, at sa hinaharap. Ang tanging nagawa ko sa loob ng anim na taon ay makinig at magtala. Makinig sa katahimikan ng Labirinto, sa kabila ng katotohanang nakapaloob sa mga imposibleng antolohiya ang lahat-lahat ng maaari pa nating marinig. At magtala ng mga “imposible” hindi upang gawin itong lehitimo, kundi upang ilantad sa lahat kung gaano pa kadilim ang landas na ating tatahakin.

Kaya naman nang minsan akong tanungin ni Gemma kung ano at para saan ang mga talang ito, simple lang ang naging sagot ko: “Isang paanyaya upang maligaw.”


[1] Nang tanungin ko si Gemma kung kasama ba ang memes at meme pages sa mga antolohiyang digital, mabilis niya akong sinagot na hindi. Ayon sa kaniya, gusto sanang isama ni Cynthia ang memes at meme pages, pero bago niya pa maisakatuparan ang kaniyang plano ay nakatanggap siya ng anonimong liham mula sa isang nagpakilala na may-ari ng isa pang Labirinto para sa “internet content.” Sa madaling sabi, ayon kay Gemma, magkakaroon ng overlap sa pagkakatalogo at conflict of interest kung isasama ni Cynthia sa Labirinto (ng Imposibleng Antolohiya) ang memes at meme pages sa pinakadalisay nitong anyo. Humantong na lang ang dalawang panig sa kompromiso na tanging ang mga internet content lamang na decidedly at aktuwal na inilathala bilang antolohiya ang maaaring isama sa Labirinto. Para sa mga nalalabi, napagkasunduan ng dalawang panig na bumuo ng isang sistema na kino-cross-catalogue ang resources ng dalawang Labirinto. 
[2] Muli, hindi representatibo ang Suicide City ng mga antolohiya na may game-like qualities at mga PC at console games na gumagamit ng mga elementong pampanitikan. Tulad ng Labirinto na nakatuon sa pagkakategorisa ng web content, may Labirinto rin na nakatuon sa pagtitipon ng mga “imposibleng” laro. Isang malaking halimbawa ng problema sa jurisdiction ay ang isang mod (modification) sa sikat na larong Diablo 2 kung saan pinalitan ang nakasanayang character classes ng iba’t ibang uri ng manunulat sa Pilipinas. Halimbawa, dahil kinamumuhian ng marami dahil sa kaniyang kritikal na interbensyon sa politika ng produksyong pampanitikan at intelektuwal ng Pilipinas, ang manunulat-kritiko na si Edel Garcellano ang pinalit sa class na “Barbarian.” Sa kabilang banda, maging ang boss monsters tulad nina Mephisto, Diablo, at Baal ay pinalitan ng mga manunulat na sinasabing kumakatawan sa mga itinatanging birtud at pag-uugali ng mga manunulat na Pilipino.
[3] Nang tanungin ko kung saan nanggagaling ang pondo ng Labirinto, blangkong tingin lamang ang isinukli ni Gemma sa, na para bang sinasabing “Bakit ko sasagutin ang tanong na yan? Ikaw ba ang nagpapalamon sa akin?”
[4] Ayon sa Arnulfo Canelo es la Revolucion Permanente (n.d.), hindi naman daw talaga sa Cagayan dumiretso si Canelo kundi sa Espanya upang lumaban para sa pwersa ni Heneral Franco. Sa isang artikulo na inilathala sa Sakdal na nasumpungan ko sa tahanan ni Mamerto Abaño (kapatid sa ina ni Crisanto Evangelista), sinasabing nagsilbi bilang “Matahari” o double agent si Canelo para sa mga Falangista.
[5] Orihinal na nailimbag noong Disyembre 1896, ngunit natagpuan ni Arnuflo Canelo sa estante ng isang tahanan ng isa sa mga apo ni Ladislao Diwa, isa sa mga tagapagtatag ng Katipunan, unang naipasok sa Labirinto ang Disenso y Castigos noong 1950. Ito ang dahilan kung bakit 1950 at hindi 1896 ang nakasaad na taon ng publikasyon sa artifact number ng naturang antolohiya. Sa paglaon, matutuklasan kong isa lamang ito sa maraming kaso ng pagpapalit (at kung minsa’y paghahalinhinan) ng aktuwal na taon ng publikasyon ng isang antolohiya at taon ng pagkakakupkop nito sa Labirinto bilang isang artifact. Ayon kay Gemma, simula nang maipasa kay Cynthia Canelo ang pagma-may-ari ng Labirinto ay napagkasunduan nilang isaad na lamang sa artifact number ang aktuwal na petsa ng publikasyon (kung nakasaad ito) ng isang antolohiya. Kung mangyaring walang nakasaad na taon o petsa ng publikasyon ay saka lamang nila gagamitin ang “metodo”ni Arnulfo Canelo.
[6] Ayon sa pagkukuro ni Gemma, dito raw nakuha ng ngayo’y sikat na sikat na batang manunulat mula sa Latin Amerika na si Mario Bellatin (1960-) ang inspirasyon sa kaniyang epinomyong koleksyon na Obras Reunidas (Alfaguara, 2013) at Obras Reunidas 2 (Alfaguara, 2014). Ngunit sa totoo lang, duda ako sa impormasyong ito. Baka nga ang kabaligtaran pa ang totoo.
[7] Na-tempt ako, sa ngalan ng siyensya at posteridad, na tanungin si Cynthia kung nag-69 sila ng naturang politiko. Buti na lang, napigilan ko ang sarili sa huling sandali. Mahirap na, baka masabihan pa akong impertinente, tactless, at walang-modo.
[8] Marahil masasabing nakapagtataka kung paanong napasok sa Labirinto ang isang antolohiyang tila tugmang-tugma (ginagagad pa nga) ang katangian ng kasulukuyang mainstream na diskursong intelektuwal sa Pilipinas. Maiisip mo pa nga na isa itong pagsisikap o pagtatangka na talagang susuportahan ni Duterte at ng kaniyang sirkulo. Lamang, tulad ng karaniwang problema ng mga grupo o hugpong na pinagbubuklod ng kagyat na ganansyang pang-ekonomiko, madaling makita kung saan nagkakaroon ng bara at buhaghag sa kanilang alyansa.
[9] Enggrande ang naging lunsad-aklat ng Galing-galingan. Nag-organisa ang mga patnugot at financiers ng antolohiya ng debate-cum-concert kung saan nagtipon-tipon ang mga pampublikong intelektuwal, artists, musikero, at iba pang mga organisasyon na sumusuporta sa bisyon ni Pangulong Duterte para sa Pilipinas. Ayon sa mga nag-organisa ng naturang pagtitipon, layunin daw ng debate-cum-concert na ipakilala sa kabataan at malawak na hanay ng sambayanang Pilipino ang isang uri ng politika na “hip” at “cool,” na madaling masasakyan ng mga taong sawa na sa pretensyoso, elitista, at komandistang politika ng pundits at tituladong intelektuwal na naglulungga sa akademya at iba pang “magiginhawang” institusyon. 
[10] May mga sabi-sabi rin na ipinamumudmod ang librong ito tulad ng kung paano “inilalako” ng mga sikat ng multi-level marketing companies (hal., Frontrow, Royale, New Skin) ang kanilang mga produkto bilang “bundles” o “packages.”
[11] Ayon sa mga sabi-sabi, na kung mapapansin ninyo’y ang siyang bumubuo sa 95% ng mga talang ito, ang totoong dahilan kung bakit tinanggal ng National  Bookstore sa estante nito ang Galing-galingan ay dahil takot mawalan ng “bankable” at gwapong awtor ang National sa kanilang roster.

Nagtuturo si Amado Anthony G. Mendoza III ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat sa UP Diliman. Bukod sa kaniyang mga malikhaing akda at pananaliksik na nailathala sa Likhaan, Daluyan, Tomas, Southeast Asian Studies (CSEAS, Kyoto University), JONUS, at iba pang publikasyon, isinalin din niya ang ilang akda ng mga batikang manunulat na Indones tulad nina Eka Kurniawan, Wiji Thukul, Chairil Anwar sa Filipino. Siya ang may-akda ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018), ang unang tomo sa binabalak na “Trilohiyang Reaksyonaryo.”

Retrato

Hindi ko naman talaga siya naging kaibigan. Pero nang nakarating sa ‘kin ang balita mula sa Facebook, nagdalawang-isip ako. Kinahapunan, natagpuan ko ang sariling nakikipagbalyahan sa kumpol ng mga taong papauwi galing trabaho para lamang makasakay sa Philcoa papuntang Maynila. Hassle pero kasubuan na. Hindi ko na lang din sinabi sa barkada na pupunta ako. Malabo rin namang kausap ang mga ‘yon. Gusto ko ‘tong gawin nang mag-isa. At ngayon, sa kasagsagan ng biyahe sa loob ng regular na bus, habang mga sardinas kaming pasahero sa pagkakadikit-dikit ay pilit kong binabalikan ang nakalipas kung saan naruon siya.

Highschool. Batch 100. Espesyal daw kami dahil Centennial, sabi ni principal Arboleda. Nakatatawang nakalulungkot. Dahil kung babalikan, pulos hindi nagtuloy ng kolehiyo ang aking mga kaklase. Ang iba nga’y may mga pinapasuso na. Pati iyong mga inaakala mong hindi makabasag pinggan. Ang pagpapatuloy ng kolehiyo’y luho para sa ‘min. Buwenas lamang na pinalad akong mapasama sa suntok sa buwang scholarship program ng konsehal naming puro pa-liga lang ang ata alam. Kung hindi, baka kasama ko na ngayon ang kababata kong si Atoy sa pagsa-sidecar boy.

“Kuk-uuku-kongrats ‘kel!” tinapik niya ako sa balikat. Kukuhanan daw kami ng nanay niya. Remembrance. Hindot na ‘to, ang drama. Natawa ‘ko. Magkaakbay kaming nag-pose. Lingid sa kaniya’y sinungayan ko ang ulo niya. Kinaltukan ko siya pagkatapos. “Mamimiss ko ‘yan,” biro ko. Minura niya ako. Kapwa kami nagtawanan. Iyon ang huling beses na nakita ko siya. Sa lahat ng mga alaala ko noong hayskul patungkol sa kaniya, ayun ang gusto kong alalahanin. Iyon at iyon lamang. Dahil aminado ako, hindi ako naging mabuting kaibigan ni kaklase sa kaniya. Lahat naman siguro tayo’y may kaniya-kaniyang kasalanan na hindi kayang lunasan ng panahon kaya’t minamabuting ibaon na lamang sa limot. Ngunit ngayon, bumabalik sa akin ang lahat na tila ba kahapon lamang kami huling nagkita. Taksil ang memorya. Iniisip ko ang mga pira-pirasong gunitang iyon habang matamang tinitignan ang mga naglalakihang billboard sa kahabaan ng biyahe.

Ulo. Ganoon kung siya’y aming tawagin. No’ng umpisa’y ginawa lamang itong biro ni Bal, ang pinakaluko-loko sa batch. Mahahalata mo kumbakit. Hindi normal ang laki ng kaniyang ulo. Kulang na lang ng ilang dali’y mapagkakamalan ng pakwan. Bahagyang nakangiwi ang kaniyang mukha at may sariling buhay na tila mga christmas lights sa pagkindat ang kaliwa niyang mata kada tatlo o apat na segundo. Sa taas niyang limang pulgada, at sa ‘di katabaan niyang katawan, malabong hindi mo mapansin ang kaniyang araw-araw na pasanin sa buhay. Transferee siya. Galing private. Kaya mas lalong mainit ang mata ng mga kaklase ko. Puting-puti ang kaniyang uniform at laging may bimpo sa likod. Diaper at gatas na lang ang kulang. Pang-aasar ni Allan habang nasa flag ceremony kami. Hagikgikan ang buong tropa.

No’ng una pa lang, kursunada na talaga ng buong magto-tropa si Aldrin. Madalas si Bal ang pasimuno. Kapag ka tinatawag ito upang mag-recite sa klase, magkukuyom si Bal ng kalahating pad ng papel. Magsusunuran kami. Paisa-isa naming babatuhin si Aldrin sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang likod, madalas ay sa ulo nang hindi nakikita ng kung sinumang guro. Wala namang nagsusumbong na mga kaklase. Paano’y gusto rin nila. At kung mayroon man, malabong kumontra. Sa takot lang nila sa ‘min. Ewan ko pero siguro, kaya ako nakikigaya kina Bal ay dahil kapag ka pinagti-trip-an namin si Aldrin, parang nakakalimutan ko ang mga problema sa bahay. Pati na rin si Ellen. Ang dati kong kasintahang taga lower section na puro Bibliya na lang ang inatupag. Buti sana kung naririnig ng Diyos ang mga panalangin niya. At saka siguro, masama lang talaga ‘kong tao. Makita ko lang ang ulo’t mukha noon ni Aldrin, middle class na wala namang maipagmamalaki maski sa katalinuhan, mas ginaganahan akong mabuhay dahil akala ko noon, malala na’ng buhay ko, namin. Kaming mga taga-looban na kahit kaila’y hindi binimpohan ng aming mga mahal na nanay.

Madalas kaming magkatabi sa klase. Kasi’y magkalapit lang ang apelyido. Oliveros, Pineda. Ako lagi ang sunod pagkatapos niya. Liban na lang sa Values Education dahil ang gusto ng titser naming pastor, sa unahan siya. Ewan pero sa tingin ko’y hindi rin naman iyon makakatulong. Mas lalo niya lamang pinapamukha kay Aldrin ang kaibahan niya sa amin. Ang di ko mawari dito kay Aldrin, sa kabila ng kalokohan ng tropa’y buntot pa rin nang buntot sa akin. Kagagawan iyon ni nanay. Dinaldal niya kasi nang dinaldal ang nanay ni Aldrin noong kuhanan ng card no’ng 1st grading. Bantayan ko raw at kaibiganin dahil kawawa naman.

Kawawa. Sa awa at hindi sa malasakit nanggagaling ang utos na iyon. Kaya hindi ko rin masabi kung dapat ko bang sundin. Basta ang tiyak lamang sa ‘kin, palaging umoorder sa kaniya ng kakanin (negosyo ng aming pamilya) ang nanay ni Aldrin at laging may pa-bonus pang pagkain sa restawran kapag ka nagkataong nagkita kami sa simbahan tuwing linggo. Kaya unti-unti, hinayaan ko na lamang siyang makipagkaibigan sa akin. Hindi naman ako talo. Apaw na apaw ang lalagyanan niya ng baon sa tuwing kami’y kakain. Minsan pa nga’y nanlilibre pa ng softdrinks si ulo. Mahina pang kumain ang loko kaya ako lagi ang tumitira sa mga pritong manok, liempo, at mga lutong ulam ng kasambahay nila. Kailangan mo lang talagang sakyan at sanayin ang sarili sa tila mahuhulog niyang ulo’t pakislot-kislot na mata. Tiniis ko ang mga pang-aasar ng tropa. Na kesyo baka raw di magtagal ay kumikindat-kindat na rin ako. Ginaya pa ni Allan ang pagkindat ni Aldrin. Sinapak ko siya. Bagsak siya sa lupa. Inawat kami nila Bal. Hindi ko alam kumbakit ko ginawa ‘yon. Pati ang mga tropa’y nabigla rin. Maski ako, sa aking sarili. Pero iyo’y isang madalang na kaso lamang. Dahil pagkaraan ng ilang buwan. Balik na naman kami sa pang-bubugoy ng mga kaklase. At siyempre, di mawawala sa listahan si Ulo. Halimbawa’y kapag vacant, hahablutin ni Bal ang bag ni Aldrin at pagpapasa-pasahan namin. Maghahabulan kami sa oval. Sa gitna ng mga iba’t ibang antas ng estudyanteng kumakain, naglalandian, nagdadaldalan o nagkakaklase ng P.E. Bubuksan ni Allan ang bag, at babaliktarin ito. Ikakalat sa abuhing aspalto ang lahat ng gamit sa eskuwela ni Aldrin. Pagdating sa ‘kin, ibabato ko ito sa kaniya. At pagmamasdan namin ang kaniyang pagkislot-kislot, pawisan habang ibinabalik ang mga maalikabok na gamit sa kaniyang mabuhangin na bag. Ngunit ang kakaiba dito kay Aldrin, hindi siya kailanman umiyak ni nagalit o nagsumbong sa nanay niya. Kahinaang pinagsamantalahan namin. Naulit nang naulit ang pangti-trip namin nila Bal. Kahit iyong iba’y hindi ko na masakyan. Lalo no’ng huli, na siyang aking pinagsisi[si]han.

Kanina sa bahay, binuklat ko ang lumang photo album na laging inilalagay ni nanay sa ilalim ng aking damitan. Dahan-dahan kong pinasadahan ang bawat madidikit na pahina na naglalaman ng mga larawan ng aking kamusmusan. Ang ang aking binyag, unang komunyon, graduation no’ng grade 6, mga inuman sa looban ng regalado, handaan, piyesta, ang aking ika-walong kaarawan. Mga masasayang mukha. Puro nakangiti. Kapansin-pansin na lagi’t lagi mula noong pagkabata, kundiman hawak-hawak, buhat-buhat ako ng Itay. Siya lamang ang taong bukod tanging nakita kong hindi nakangiti sa mga retrato. Pero ang kaniyang mga mata, hindi ko maipaliwanag. Punung-puno ng buhay. Saglit akong natigil sa pagbuklat. Ang tagal na rin pala. Itinuloy ko ang pagbuklat. Puro si nanay na ang kasama ko sa mga susunod na larawan. Hanggang makarating ako sa mga kuha noong pagtatapos namin ng hayskul. Sobrang dugyot ko pala talaga. Buti ngayo’y nagkalaman-laman na ‘ko. Magkakaakbay kami ng tropa. Ako, si Allan na naka-pakyu, at ang huli’y si Miko na nakapikit. Napa-iling na lang ako. Buklat. Kuha naming dal’wa ni Ellen, nasa gilid ang tungaw niyang nobyong kagaya niyang madasalin. Buklat. Si nanay, habang isinusuot ko ang toga sa kaniyang ulo. Buklat. Piktyur namin ni Principal, naka-pakyu ang mga tropa sa gilid. Buklat. Piktyur ng aming klase sa ceremony. Likdang. Piktyur ni Mayor Lumagad, habang nagtatalumpati. Buklat. Ako, sa pila ng pag-aabot ng diploma. Sa likod, si Aldrin, nakapikit ang kaliwang mata, nakapang-mister pogi pose. Medyo blurred ang gilid ng kaniyang ulo. Kayrami pang iba na hindi ko maintindihan kumbakit pina-develop pa ni nanay. Umabot ako sa dulong pahina’y hindi ko mahanap ang kuha sa amin ng nanay ni Aldrin. Sa pagkakaalam ko, binigyan si nanay ng kopya no’n ng nanay ni Aldrin. Nang tanungin ko naman ang nanay, katakutakot na sermon ang inabot ko dahil ako raw ang naglabas noon dati’t hindi ko na ibinalik. Wala akong maalalang ginawa ko iyon. Humiga ako sa butas na butas na banig. Tumulala sa kisame naming inaagiw. Inunat ang aking mga binti na kanina pa naka-indian sit. “Umalis ka na’t baka matrapik ka, aba, gagabihin ka ng dating do’n,” singhal ni nanay habang naglalaba sa labas. Pilit kong inaalala kung saan iyon napunta at bakit iyon nawawala. Pero wala. Nagbibiro ang tadhana. Hinablot ko ang nakasabit na tuwalya sa likod ng pinto’t dumiretso sa kubeta.

Third grading na noon. Nang mayroon na namang nadagdag sa aming section. Si Maya. May lahing Hapon at mahahalata na anak mayaman dahil sa kutis labanos at mamula-mula nitong mukha. Halos lahat ng aming mga ka-batch, kung hindi nagkakagusto, pinagnanasaan siya. Manipis ang mga uniporme nito na kung titignan mong mabuti’y tagos na hanggang panloob niyang damit. Hindi rin ito nagsho-shortskapag nagpapalda. Maiikli rin ang mga ito kaya naman halos araw-araw naming hinuhulaan kung anong kulay ng panty niya. Paunahan sa unang makakaalam. Uso noon ang kapirasong salaming idinidikit sa dulo ng sapatos para makita ang panloob na kasuotan ng mga babaeng aming pinag-nanasaan. Si Miko ang magaling sa mga ganun. Siyang pinakatahimik ngunit pinaka-pilyo sa tropa. Halos kabisado niyang lahat ng kulay ng panty ng aming mga kaklase. Pero agad itong napansin ni Maya. Kinalabasan, guidance kaming lahat. Buti na lamang at nakalusot ako dahil hindi naman ako kasama no’ng sinisilipan nila si Maya kaya ligtas ako sa sermon ni Nanay at sa kahihiyan. Tatlong araw na suspension at community service ang hatol ng guidance counsilor. Pinagtatawanan ko sila habang inilalagay ang pinagkainan kong balat ng chichirya sa mga winawalis nilang kalat sa oval.

“Tinamaan na ‘ta ko d’yan kay Maya,” minsan ay nasabi ni Bal habang sabay-sabay kaming naglalakad pauwi. Kahit ako rin naman, di malabong hindi magkagusto. Sino bang mangangayaw sa babaeng walang tapon ang katawan kahit ulo. Akala namin nuo’y sa pangarap o sa Playboy magazines lang matatagpuan ang ganoong kurbada’t ganda. Ngunit ang problema’y pihikan at lubhang malayo ang agwat namin kay Maya. Dahil unang-una, hindi kami mayaman. Ikalawa, liban sa ‘kin, ang mga tropa ko’y walang maipagmamalaki kundi kanilang mga bayag.

“Ala’y bonak ka ba p’re? Kung ako sayo’y bilis-bilisan mo’ng kilos mo. Ala’y nauunahan ka na ni ulo.”

Tawanan.

“Si Ulo? Ulol! Sa tingin niyo ba seseryosohin ‘yon ni Maya?”

“Ala’y madalas silang magkasama, e. Laging nasa library, e. Ala’y tanong mo pa jan kay Maykel e,”

“Di na ko madalas samahan no’n. Di ko alam pa’no sila naging magkalapit basta pagkatapos namin kumain nagpapaalam na, e.” Pagtatanggol ko sa sarili.

Ginaya na naman ni Allan ang pagkindat-kindat ni Aldrin. Nagkukunwaring kausap si Maya.

“Mmma-maya, pupu-wede pa-kikisss?” Tawanan ang buong tropa. P’wera kay Bal.

Kinabukasan, usap-usapan sa klase si Aldrin at Maya. Pero hindi dahil sa sila’y mayroong relasyon. Pero dahil sa ginawang kahihiyan ni Aldrin no’ng vacant sa oval. Kay Mico ko na lang nalaman.

“Ala’y gago talaga si ulo, e. Akala niya ata’y may gusto sa kaniya si Maya, e. Ala’y ayon, nangharana sa oval. Kindat nang kindat, e. Putang ‘na, tawa ko nang tawa e. Tapos, e di pinalibutan sila ng mga tao. Pati nga yung mga guard nagtatawanan na e. Ala’y sabi naman no’ng tapos nang kumanta ng One Thing, e kung puwede na raw bang sila na. Putangina gago sipa ka pa kasi nang sipa hindi mo tuloy nakita. Ala’y iyak si Maya, tumakbo papunta sa cr e. Pinagbabato namin si ulo e!”

Biglang balik sa ‘kin sa pagbuntot si Aldrin. Buti nga sa kaniya, sa isip-isip ko. Nangarap na nga’y gusto pang magkatotoo. Pauwi na ‘ko noon nang mag-ayang sabay na raw kami at ililibre niya ‘ko ng ice cream at burger kina Mang Gusting, ang kalapit na tindahan malapit sa paradahan ng mga sasakyan sa tapat ng terminal. Nagpalusot na lamang ako para hindi makasabay kina Bal. Walang-wala din kasi ako noon.  Mangyari’y manunuod lang din naman ako sa laban nila ng Dota sa kabilang section. Wala naman akong pamusta. Nagpapasundo sa palengke si Nanay, palusot ko. No’ng naglalakad na kami ni Aldrin, nagpapapayo sa akin kung paano raw bang ginawa niya’t hindi na siya pinapansin ni Maya. Tinawanan ko siya. Nanginginig ang kaniyang namimintog na ulo. Umiiyak pala.

“Hindi kayo bagay no’n, ang baduy pa nang ginawa mo,” pang-aasar ko. Hindi siya kumibo. “Dada-dahil ba sa it-itsura kkk-ko?” Hindi lang do’n ungas. Gusto ko sanang sabihin at ipamukha kay Aldrin ang katotohanang simpatya lamang ang mayroon si Maya para sa kaniya. Pero nang humarap siya sa ‘kin, sumasargo na ang uhog sa kaniyang ilong, kasabay nang inboluntaryong pagkindat ng kaniyang pulahang mata. Tinapik ko nang malakas ang kaniyang balikat.

“Ku, hayaan mo na lang yan. Si Ellen nga, wala na kong pake e, magsama-sama sila, may mga araw din ang mga lintek na babaeng yan! Nga pala, kala ko ba manlilibre ka?” 

Alanganing tumango si Aldrin na aakalain mong umiiling dahil sa pag-ngiwi ng kaniyang ulo. Tig-isa kaming burger at ice cream. Sa loob ng traysikel na lang namin kinain dahil malapit na ring magdilim. Nag-tenkyu sa ‘kin si Aldrin, nang malapit na siyang bumaba papunta sa subdivision na kinatatayuan ng kanilang adobeng bahay. Hindi ko siya pinansin.

Kinabukasan, iwas sa ‘kin ang tropa. Ni bati o titig sa mata, wala. Sinubukan kong makipag-usap, makisali sa kanilang pagkukuwentuhan pero nagmumukha lang akong tanga. Pinalipas ko ang inis. Nang mag-vacant, kinumpronta ko si Bal.

“Anong problema niyo?”

Sinalubong ang mukha ko ng kuyom na kamao ni Bal.

PAKKKKK!

Nagsalimbayan ang itim at puti sa ‘king paningin.

Binigwasan niya ang aking tiyan.

PAKKKKKKKKKK!

Umiikot ang aking wisyo. Nakita ko si Mico. Inaawat niya si Bal. Napaluhod ako. Nalalasahan ko ang lansa ng sariling dugo. Putok ang aking mga labi. Tinakpan ko ito ng aking panyo upang pigilin ang pag-agos. Akmang bibigwasan pa ko ni Bal ngunit, pati si Allan ay hawak na siya sa kaniyang kanang bisig.

“Putang ina ka, sinungaling! Kelan mo pa pinagpalit ang tropa?!”

“Anong pinagsasabi mo?”

“Wag mong sabihing di mo kasama si ulo kahapon?”

“Putang’na naman, parang yun lang?”

“Talaga ba?”

Hindi ako makasagot. Patuloy kong pinupunusan ang dugong sumisirit sa aking labi. Pulang-pula na ang aking tuwalya.

“Putang’na mo sumama ka mamaya a,” hamon ni Bal bago niya ako talikuran. Nakangisi si Mico at Allan. Ang mga gagong to. Akala yata’y ipagpapalit ko ang samahan kay ulo. Nang hapon ding iyon, ritwal na sumabay sa ‘kin si Aldrin ngunit sa partikular naming paglalakad pauwi’y kakaiba ang pakiramdam ko. Nagpupuyos sa galit. Nagkukuyom ng kamao. Tikom ang mga labi.

“A-aano iii-yan, na-papppano ka?”

Do’n sa gawing kanto bago kami tumawid pa-terminal, nakita ko na si Bal, kasama si Allan at Mico. Pundido ang posteng umiindap-indap ang kahel na liwanag. Nang malapit na kami duon, umatras akong palihim, bumuwelo nang hininga’t tinadyakan sa likod ang nagulat na si Aldrin.

KABLAAAAAAAAG!

Padapang bumagsak si Aldrin sa malamig na aspalto.

Tumilapon ang plastik niyang attache case. Nabiyak ito sa gitna. Lulan ang mga notebook, papel at iba pang gamit ni Aldrin.

“HAWAKAN NIYO ANG PUTANGINANG YAN!” sigaw ni Bal, kapwa kami nagtitigan, tinanguan niya ako’t ngumiti. Pahiwatig na tanggap na akong muli sa grupo. Hindi ko na tinignan pa kung anong ginawa nila kay Aldrin. Basta ang narinig ko, tinatawag niya ang nanay niya, umuungol, humahagulgol. Ngunit mas pumapainlanlang ang tawa nila Bal. Patakbo akong lumayo at sumakay sa unang traysikel na nadatnan ng mata. Sa biyahe, parang naririnig ko pa rin ang hagulgol ni Aldrin.

Dalawang linggo ang ipinalamagi ni Aldrin sa ospital. Lamog sa pasa ang kaniyang mukha’t nagtamo siya ng mga bali sa kaniyang katawan. Malas lamang at mayroon pa lang nakakita sa mga tropa, namukhaan si Bal ng isang janitor ng paaralan. Abot-abot ang pagkasuklam sa aming section. Nabalita pa nga ang insidente sa TV Patrol. Trending ang Mataas na Paaralang ng Sumahoy sa buong Caloocan. Kataku-katakot na sermon ang inabot namin kay Sir Arboleda, maging sa aming adviser. Malinaw ang hatol ni principal, expelled si Bal. Mananatili muna siyang nasa pangagalaga ng ilang social worker sa isang boystown at nakadepende sa kaniya ang tagal nang ipamamalagi niya ruon. Lusot ang dal’wang tropa. Wala akong maramdaman. Ni hindi ako makonsensiya. Hindi ko rin naman ikinalungkot ang pagkawala ni Bal. Pero nang umuwi ako, umiiyak si Mama. Tinatanong ako.

“Bakit anak? Bakit?”

Matagal niya rin akong hindi kinibo. Paano’y hindi ko rin kayang sagutin ang kaniyang mga tanong. Kagaya ng mga tanong ko sa kaniya noon kumbakit bukod sa aking Ama’y mayroon pang ibang tumatabi sa kaniya sa aming kama. Halos ilang linggo din iyon ng katahimikan. Iyon na ata ang pinakamahabang linggo ng buhay ko.

Dalawang buwan bago ang aming graduation, nakabalik na si Aldrin. Iilang peklat na lamang ang pansin sa kaniyang mukha. Ngumingiwi-ngiwi siyang lumapit sa ‘kin.

“Sa-sabbbbaba-bay tatatayo mamaya? Li-libre kiki-ta,” Hindi niya ako isinuplong. Panay pa rin ang lapit niya sa akin sa kabila ng katarantaduhan ko. Hindi ako sumagot. Pero sinabayan ko siyang kumain sa canteen, pati sila Allan at Miko, pinasama ko na rin. Kapwa sila binabagabag ng kanilang mga konsensiya.

“Wa-wala na i-i-iyon, ookay na k-k-koo,” pakindat-kindat na sabi ni Aldrin. Nais kong matawa sa sariling kahangalan.

Humingi sila ng tawad kay Aldrin. Nakinig lamang ako sa kanilang kadramahan. Naglabas ng kutkutin si Miko, kupit sa sarisari store nila, pinagsaluhan naming apat habang nagkukuwentuhan sa iba’t ibang mga bagay.  Basketball. Babae. Paglalaro ng sipa na pinangako ni Mikong tuturuan si Aldrin. Yung mga bali-balita tungkol sa napipintong pagbenta ni Mayor sa lote ng aming paaralan. Panay sa pagtaas baba ang balikat ni Aldrin dahil sa mga katatawanang istorya ni Allan. Iyong mga kuwentong paligsahan na ang laging bida ay si Juan. Nakikitawa rin ako. Tumunog na ang bell ngunit tuloy pa rin kami sa huntahan. Hanggang sa kami na lang ‘yung natira sa oval. Sabay-sabay kaming umuwi nang hapong ‘yon. Nagkayayaang magpunta kina Mang Gusting. Ngunit ang kaibahan, ako ang nanlibre kay Aldrin. Maging sa mga tropa. Ang totoo’y sinabi ko kay Mamang may project akong babayaran kahit wala naman talaga. Kesa naman mang-umit ako.

“Pano ‘yan Kel? Ala’y ikaw na’ng lider namin e,” kalat na kalat ang tunaw na puting sorbetes sa ibabaw ng labi ni Allan.

“Oy ‘drin, samin ka na ha,” inakbayan ni Mico si Aldrin, ngumiti ito, at kumindat-kindat.

“Yu-yuyoko nga, bugbog nini-yo ku-kuko eehhh!”  

Tawanan kaming lahat.

“Yung mga Chinese General jan, babaan na po tayo, kaunting bilis lang po, may nanghuhuli po, di na po kami puwede pang magbaba pagtawid, lakarin niyo na lang po! Chinese Gen na po! Pakibilisan lang po!”

Walang pagmamadali akong bumaba sa bus. Himalang maaliwalas ang Maynila. Taliwas sa inaasahan kong bulto ng mga tindahang dikit-dikit sa daan. Wala naman ding pasok bukas. Kung magkatao’y pwede akong magpagabi ng uwi at kahit umaga pa. Madali namang kausap si Mama. Tinanong ako ng guard, sabi ko’y bibisita ako sa isang kaibigan. Medyo magaspang ang kaniyang tono, dahil hindi ko agad nasabi ang buong pangalan ng sinasadya.

“Aldrin po ser, Aldrin Chua Oliveros.”

Pagkuwa’y sinalubong ako ng Ina ni Aldrin, kapwa nangapa ang aming mata. Bukod sa hindi ko na mamukhaan, hindi ko naman talaga kahit kailan nalaman ang pangalan niya.

“Binatang-binata ka na, a? Kumusta ka na iho? Ang nanay mo ba?”

“Eto po, graduating na po sa susunod na taon. Ayos naman po si nanay, nagkakakanin pa rin po,”

“Gusto mo bang magmeryenda na muna?”

“Ay di na po, busog naman po ‘ko,”

“Sabi nang duktor, kung nahuli lang daw ako ng ilang minutes, baka hindi ko na siya nailigtas,” pinunasan ng kaniyang ina ang luhang tumutulo sa kaniyang pisngi.

Patlang na katahimikan.

Sure ako, matutuwa siya kapag nakita ka niya, sa totoo lang, akala ko nga walang dadalaw sa kaniya kahit isa sa mga kaklase niya,nginitian niya ako at itinuro kung saan ko siya madadatnan.

Kuwartong may numero 409. Pansamantalang ipinahiram sa ‘kin ng nanay niya ang visitor’s pass dahil istrikto ang ospital sa pagpapadalaw. Dahan-dahan kong binuksan ang puting pintuan. Sa loob noon, nakita ko siyang muli, nakaratay, sa higaang kutson. May nakakabit na suwero sa kaliwang bahagi ng kamay. Pulang-pula’t namamaga/nangigitim ang kaniyang mga leeg, bunga nang kaniyang pagtatangkang umalpas sa buhay. Marahil naalimpungatan siya sa ‘king pagdating pagkat iminulat niya ang kaniyang mga mata. Kapwa kami nagtitigan. Titig nang pangingilala. Pakislot-kislot pa rin ang kaniyang mukha, pati ang pagkindat ng kaniyang mga mata. Walang pinagbago. Liban lamang sa mga dumaang panahon.

“Oy hindot, ‘wag mo sabihing di mo na ko kilala. Kakaltukan kita,” biro ko sa kaniya.

Akma niyang itinataas ang kanan niyang kamay ngunit pinigil ko.

“Huwag ka ngang magkikilos, di ka pa okay o.”

“Kkk-kku…”

“Ano?”

“Kkuu-kieel,”

“Suus-sala-”

“Sus-salammumu-”

 “Ako muna’ng bantay mo ha, ayoko ng maarte,”

“Ki-iiel, sskklamatt…”

“Gusto mo’ng ice cream?

Tumango-tango siya. Marahang yumuyugyog ang mga balikat. Tinapik-tapik ko ang mga ito. Para kong napuwing sa mata. Kaya kinuskos ko ng kamay. Nakalimutan kong magdala ng panyo dahil sa pagmamadali. Iniisip ko pa rin iyong piktyur namin no’ng graduation. Kung may kopya pa kaya siya no’n.  Gusto ko sanang ipa-scan. Itatanong ko na lang mamaya sa nanay niya.

“Anong flavor?” Hindi siya sumagot, patuloy ang pagyugyog ng kaniyang mga balikat, tinapik-tapik ko ito habang patuloy ang pag-agos ng tubig sa kaniyang mababaw na mga mata. Nginitian ko siya’t binulungan.

“Iyakin flavor?” 

Bahagya siyang ngumiti.

Maingat kong isinara ang pinto.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Obey Total Effects

Isang araw sa maliit na studio sa Maynila, naghahanda ang isang sikat na social media influencer na si Deedee Esmeralda, kasama ang batikang direktor na si Direk Gong Dy at ang kaniyang production team para sa isang TVC ng isang bagong face cream na ilalabas sa merkado, ang Obey Total Effects Plus kung saan hindi lang nakakaganda sa kutis, ito rin ay may kakaibang powers na nagtataglay na wala sa kalabang produkto. Bago man magsimula ang take, uminit ang dugo ni Direk kay Dee-dee sapagkat nahuli ito ng dating sa studio. Nagpaliwanag si Dee-dee dahil natrapik ito sa kahabaan ng EDSA, pero ang totoo ay nag-livestream ito para sa mga mga kapwa niyang ka-DeeGeeEss—ang tawag sa mga supporters ni Daddy Pressy DeeGee—tungkol sa pahapyaw ng project na gagawin nila ni Direk. 

Direk Gong: Dee-dee, magte-take na tayo in 3… 2… 1… Action!

Dee-dee: Hello mga Friennylyn Mercado! I am Dee-dee Esmeralda, comedian, social media influencer, at beauty guru sa YouTubebang. Humihingal na ba ang jutak mo kakaisip sa mala-Mt. Everest na problema sa bansang itey? Humahaggard na ba ang pes mo kakareklamo sa government at gusto mo na lang mag-listen sa ating mahal na poon? Ako, oo. Dahil na-pagoda cold wave lotion na akiz sa kakabigay ng nega comments sa gobyernong itiz, sumuko na lang akey at in-appreciate ko na nang tuluyan ang efforts ng ating mahal na president. Kung interested ka to know my nyawerpul secret of being obedient citizen and glowing iskin? Gumamit ka ng Obey Total Effects Plus. Ito’y tumutulong sa pagsugpo ng seven signs of critical thinking.

Recorded Voice Chorus na pinatugtog sa Background: Ano ba yang Seven Signs of critical thinking na ‘yan, Mamshie Dee-dee?

Dee-dee: Heto na nga mga Frennylyns, let’s break it down para easy-easy lang ma-digest ng mga mumunting jutakers niyey. Una, ang pag-sight ng nega sa mga pangyayari sa lipunan. As in walang positibo ni isang katiting ganern! Kala mo naman, mga hindi Pilipino kung maka-bigay ng mga hanash. Why don’t you just cooperate mga ateng at kuya? Madali lang naman ‘di ba?

Dee-dee: Pangalawa, ‘yong laging may hanashibells sa aksyon at programa ng gobyerno, kung saan nagiging mga ingrata ang mga loka-loka sa efforts ng ating ever-loving President Deegee.

Dee-dee: Pangatlo, ang pagsa-suggest ng mga alternative solutions para sa paglutas ng mga problema sa lipunan. E ‘di kayo na lang kaya ang maging pangulo? Puro na lang kayo ngawa nang ngawa mga punyeta kayo.

Dee-dee: Pang-apat, ang pagiging empathetic sa mga citizens na naghihirap dahil sa sistema ng gobyerno. Ano ba? Can you just fucking stay at home and sumunod na lang, wala namang mawawala sa inyo `di ba? Palibhasa, mga tamad kaya poorita amor sa life. Wala rin namang magagawa yang tweets and post niyo online dahil hindi nakaka-help `yan sa pag-unlad kaya shut up na lang kayo!

Dee-dee: Panlima, ang pagpa-fact-checking sa mga naglilipanang so called “fake news.” E mga dilawan naman `yong ibang news outlets like Wrapper at oligarchs naman ang nagpapatakbo sa ibang media, doon tayo sa mga blogs na naglalabas ng balita na hindi naman binabalita sa mainstream media. At saka hindi na importante ang sources dahil ito ang talagang nangyayari.

Dee-dee: Pang-anim, ang pakikinig at pag-agree sa mga contrabelles sa gobyerno na waley namang ambag kundi kumuda nang kumuda sa kalsada. Ano ba guys, can you just cooperate na lang? And ang huli sa lahat, ang pagiging dilawan. Shutabelles naman! Sa tagal ng panunungkulang ni President Nyoy, puro utang lang ang iniwan niya sa atin juskolored. Hindi nakakabuti sa bansa ang laging contrabelles in our country. Palibhasa, nakakakuha ng anda sa kaka-nega sa mga ginagawa ng pangulo. Magkano ba bayad sa inyo?

Recorded Voice Chorus na pinatugtog sa Background: Sure ka ba Deedee na effective ang Obey? Baka ginogoyo mo lang kami, a?

Dee-dee: Kung nag-aalangan kayo sa epek ng produktong itey, nako wag kayo dahil marami na sa ating mga kababayan na sumubok ng produktong ito, kitang-kita nga sa reviews ng Facebook Page namin e. Sabi nga ni kumareng Conoracion B, isang ulirang guro sa isang pampublikong pampaaralan sa Rizal at number one supporter ng ating mahal na poon. Pasok Mareng C!

Coronacion B: Noon, isa akong dilawan na galit na galit sa maliit na sweldo na natatanggap ko bilang guro, noong pinasubok sa akin ni Kumareng Becki ang Obey, nagbago ang pagtingin ko sa gobyerno, kahit may budget cut sa sektor namin, naiintindihan ko dahil may mga mas kailangan pang pag-tuunan ng pansin bukod sa problema edukasyon. Salamat Obey Total Effects at natutunan kong mahalin pa lalo si Tatay Deegee. Mabuhay at sana magtagal pa kayong magsilbi sa bansang ito!

Dee-dee: In fairness kay Mareng C! Ang next testimony, nanggaling sa kabugerang social media influencer at estudyante with 100B followers sa Facebook, Instagram, at Twitter na si Cappuchino Usok. Go Mareng Cappy!

Cappuchino: Noong dineliver sa house ang promotional kit ng Obey Total Effects, I am doubting myself if this is effective for my kutis porcelain face. When I tried using this product, hindi ko inakala na in just 30 minutes, biglang naging glass skin ang face ko like Korean Girls out there. Tapos noong napanood ko ang SONA ni Daddy Deegz, I was crying in tears because I appreciated the efforts he has done for our country. Kapag nakakakita ako ng nambabash sa kanya, talagang kino-call out ko at pinapa-away ko pa sa mga fans ko hanggang sa mag-deactivate sila ng accounts nila. I really can’t stand their rants because they can’t appreciate Daddy Deegz to give us a progress. Palibhasa, they are f*cking lazy and just watching Netflix and browsing their social media lang unlike our Grampies who were call out to join the war for the sake of our country. Thank you Obey, and I will give you 100 over 5 stars.

Recorded Voice Chorus na pinatugtog sa Background: Ooohh…gaano ba katiwala ang Obey Total Effects Plus na yan, Deedee?

Dee-dee: Well, ang Obey Total Effects ay accredited ng Megabrands Philippines at five star rating pa sa Shampipi at Labaduh dahil witchels lang na epek na epek itey sa pagpapaganda at pagpapabata ng Peslak Marie Madrigal, kundi na rin sa pagiging mapagmahal natin sa ating ever loving Tatay Deegee to the center of the universe.

Recorded Voice Chorus na pinatugtog sa Background: E, magkano naman ang Obey at saan naman siya mabibili? Baka mamaya, masyadong mahal `yan!

Dee-dee: Don’t worry mga Friennylyns, mabibili mo ang Obey Total Effects Plus sa Shampipi, Labaduh, supermarkets, botika, at sari-sari stores near you sa presyong reach na reach ng anda mo! You can buylak itiz in just P30.00 SRP. Basta bumili ka na lang, dahil you will not make sisi if you gamit Obey. Ano pang wine-wait niyo, buylak na! Brrt Brrt!

DeeTeeAy Girl: Mahalagaang Paalala: Ang Obey Total Effects Plus ay hindi gamot at hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit. PER DeeTeeAy Fair Trade Permit No. D30-69-666, Series of 2020. See posters and print ads for details.


Si Bryan Elijah Trajano ay isang manunulat at manggagawa sa isang BPO industry sa Bonifacio Global City, Lungsod ng Taguig. Kasalukuyang siyang nag-aaral ng MA Araling Filipino: Wika, Kultura, Midya sa De La Salle University – Manila. Napasama ngayong taon ang kaniyang akda sa Aksyon: Dagli ng mga Eksenang Buhay ng 7Eyes Productions at ang kaniyang book review sa Dalumat E-Journal. Kapag libre ang oras niya sa mga gawain sa paaralan at trabaho, mahilig siyang magbasa ng mga libro tungkol sa LGBTQ, manood ng mga movies at series sa Netflix, at makipag-usap sa mga taong nasa paligid niya, mapa-personal o social media.

Nando

Hindi mapigilan ni Nando ang ‘pag paroo’t parito sa pasilyo ng ospital. Parang sinusukat ang sahig gamit ang kaniyang mga hakbang. Habang si Karen naman ay patuloy din ang pag-ire at pagsigaw para mailuwal ang kanilang unang supling. Lumilipas ang pagpatak ng mga segundo at nagpatuloy sa pagsusukat si Nando, at si Karen naman ay sa pag-ire—sa pagsigaw.


“Aaaaaaaaaahhhhhh!” Sigaw ni Nando sa kalaliman ng gabi. Sa lakas ng pagsigaw niya, malamang ay narinig na siya ng kanilang mga kapitbahay. Tiyak, siya na naman ang paksa sa inuman ng magkakatropa bukas.

“Bakit mo kinagat?” pinipilit kalamayin ni Nando ang kaniyang loob habang hinihimas ng kaniyang asawa ang kaniyang ari. Hindi ito ang unang pagkakataon na sumigaw si Nando sa ganitong alanganing bahagi ng gabi at hindi na rin bago ang pagkagigil ni Karen sa pagkalalaki ng kaniyang asawa. No’ng una, buong akala ni Nando ay normal lang na dumalas ang pagkain ng kaniyang asawa sa kaniyang ari dahil sa pagdadalantao nito. Baka gusto lang niya punan ang pagkukulang niya at responsibilidad sa kama at siguro may pangangailangan din siya, ito ang mga naglalaro sa isip ni Nando sa mga panahong nahihimasmasan na siya sa pagsigaw. Baka nga naman makaapekto pa sa kanilang magiging anak kung magtatalik pa sila, pahabol pa ng kaniyang isip.

Normal naman kung paano dinidilaan ni Karen ang punong ulo ng ari ng asawa pababa sa katawan hanggang sa pagitan ng itlog papunta sa may butas ng puwet at pabalik at pahimpil muli sa kaniyang dalawang itlog. Normal din naman kung paano niya lawayan ang lahat ng rutang daraan ng kaniyang dila. Normal din kung gamitin niya ang kaniyang mga kamay para himasin ito hanggang sa salsalin niya habang dinidilaan. At normal din kung paano niya lunukin ang lahat ng lalabas na katas mula dito. Pero ang i-baby talk ito, kuwentuhan ng pagdurusa ng prinsesang bihag ng kalungkutan sa malamig na tore at ang ipaghele pa bago matulog—ay mukhang kalabisan na yata sa pagiging normal. Walang magawa si Nando kundi pagbigyan ang kaniyang asawa sa mga ganitong pagkakataon. Iniisip niya na lamang na ang lahat ng ito ay para rin naman sa magiging anak nila.

Nagsalpukan ang tinidor at babasaging platito nang hatiin ni Mang Nestor ang pinupulutang longganisa. Na sumakto naman sa pagdaan ni Nando sa umpukan ng tropa. “Pare, shot muna!” alok kay Nando ni Mang Felipe habang kinakagat ang nahating longganisa. Nagpipigil ng tawa ang magkakatropa. “Hindi na muna pare, sa uulitin na lang.” Tumalikod na si Nando at naglakad palayo. Bago pa siya makatawid, narinig niya ang mga insulto ng mga kapwa niya barako. “ARAY KO!” Sabi no’ng isa. “Bakit mo kinagat?” sabi naman no’ng isa pa sabay kain sa kalahating longganisa, at nagsitawanan silang lahat. Magkakamukha ang bawat umaga ni Nando, gigising sa umaga, tatanggalin sa bibig o sa kamay ng asawa ang kaniyang ari, maliligo, kakain ng almusal at papasok sa trabaho. ‘Yong mga kantyawan na kagaya nito ay okasyunal lang tuwing may pambihirang sigaw siya sa alanganing bahagi ng gabi.

Nasa ikatlong buwan na si Karen sa kaniyang pagbubuntis sa kanilang unang supling at mas dumadalas na ang pagsulyap nito sa salamin. Pipisilin nito ang kaniyang pisngi. Ang dumodobleng baba hanggang sa nawawalang leeg at sa dibdib. Itataas niya ang mga braso at sisipatin ang kaniyang kilikili. Aamuyin at kakalikutin, alanganing may hinahanap na kung ano at alanganing nilalaro ang sarili. Titingin siya sa asawang si Nando gamit ang mga matang nangungusap. Tila nagtatanong: maganda pa rin naman ako, ‘di ba? Mukha pa rin naman akong bente otso, ‘di ba? At sa mga ganitong tingin na nagsisimula ang mga maiinit na tagpo. Walang pasintabi kung nasaan si Nando. Sa kusina, habang nagluluto ng hapunan, sa sala habang nagbabasa ng tabloid o sa kubeta habang tumatae. Minsang umiinom ito sa hapag ng mga magkakatropa. Nilabas siya ng asawa at sinabing tumatawag ‘yong boss niya sa cellphone. Nagmamadaling nagpaalam si Nando sa tropa na nagpaabot naman ng ngiti. Pagkasara ng kanilang pintuan, kumawala ang isang malakas na sigaw. At kumampay ang magkakatropa.

Walang kahit na sino ang nakakita kung paano lumuha ang prinsesa
Walang kahit na sino ang may kayang patahanin ang prinsesa
Dahil nga, wala namang nakakikita sa pagluha ng prinsesa
Dahil, walang makakikita sa prinsesa
Siya’y nasa mataas na toreng walang bintana
Walang anino ‘pagkat walang liwanag
May hari at walang reyna
May hari at walang reyna


Alam niya anomang oras ay bigla na lang magte-text ang kaniyang misis ng: “Nandz, bili mo ako ng manggang hilaw, ‘yong may bagoong” o kaya durian, dragonfruit, makopa o barbecue, kasoy, at brazo de mercedes. Kaya medyo takot siyang gumastos nang gumastos. Tiyak na mauubos ang kanilang ipon para sa araw ng panganganak ng kaniyang asawa. Pero kung para naman sa paglilihi, bakit hindi? Pero lumipas pa ang dalawang buwan, wala pa ring text na natatanggap si Nando tungkol sa kung ano ang gustong mapaglihian ng kaniyang misis. Siya na lang ang walang maibida sa umpukan ng magkakatropa. ‘Yong kay Mang Nestor, sa tustadong bahagi ng barbeque. Kaya kinakantyawan siya na baka magmukhang negrito ang kaniyang anak. Mansanas naman ‘yong sa asawa ni Mang Felipe. “Putang ‘na! Imported ang paglilihi ng misis mo, a? Baka imported din ang nakabuntis!” Hagalpakan ang kasunod ng mga kantyawan. Buti na lang at sa umpisang bahagi ng inuman ang kantyawan, kaya wala pang mga tama at hindi pa magkakatamaan. Nakasagot na ang lahat ng ama sa magtotropa at si Nando ay naiwan lang na nakatingin sa skinless na longganisa. Napaisip siya—hindi naman siguro.

Minsan sinubukan niyang bumili ng manggang hilaw na may kasamang bagoong. Naisip niya, baka nahihiya lang magpabili ang kaniyang asawa dahil sa kakarampot niyang kita. Pero nang umuwi siya at malambing na iniabot ang pasalubong niya e ibinato lang ito sa kaniyang pagmumukha at sabay sabing: “May babae ka, ‘no?!” Bukol ang inabot ng kaniyang ulo at mantsa naman ng bagoong ang sa kaniyang uniporme. Pero nagpapasalamat pa rin siya at hindi durian ang nabili niya.

Gabi-gabi kung isubo ni Karen ang pag-aari ng asawa niya. Dila-subo-lunok-kanta-kuwento-hele. Takot man si Nandong isipin at tanggapin, pero mukhang sa kaniyang pagkalalake naglilihi ang kaniyang misis. Bago matulog si Karen ay isusubo niya muna ang ari ng kaniyang asawa. At ‘pag nagpakawala na ito ng katas, agad niya itong sisipsipin. Sa pagkaubos nito ay kasabay ring mauubos ang lakas ng sandata ng asawa niya. Dito na magsisimulang masahiin ni Karen ang mga natutulog na kalamnan ng asawa. Kung mabuhay ay may round 2, kung hindi ay tsaka niya sisimulan ang kuwento ng malungkot na prinsesa. Sa sobrang epektibo ng hele at oyayi ni Karen, kasabay na nakatutulog ang kaniyang asawa. Kung siya ang nagpatulog sa kaniyang asawa, siya rin lang ang may karapatang gumising dito. May mahika ang kaniyang dila at bibig para ihatid sa rurok ng sensasyon ang kaniyang asawa. ‘Wag lamang manggigil, dahil tiyak na sisigaw na naman ang kaniyang mister sa kalagitnaan ng madaling araw.

Walang araw at gabi para sa prinsesa
Walang pagdilat at pagikit
Walang bahaghari at tala
O gasera
O kandila
Sumisigaw ang prinsesa
Paulit-ulit na tama na
Gusto niyang tawagin ang reyna
Pero wala na ang kaniyang ina
Naroon ang hari
Naroon ang hari


Hindi malaman ni Nando kung problema nga bang maituturing itong pinagdadaanan niya. Ang alam niya, siya lang ang unang nobyo ng kaniyang asawa. Kaya hindi niya malaman kung saan ito natutong magpaligaya sa kama. Hindi lang din siguro siya sanay na gabi-gabing nakapasak ang kaniyang ari sa bibig ng kaniyang asawa. Nasasarapan naman siya pero—napapagod lang siguro. Hindi maiwasang mainggit ni Nando sa mga sausage na isinasalansan niya sa mga lata sa pabrikang pinagtatrabahuhan niya. Pakiramdam niya, kumpara sa kaniyang alaga e, mas higit na malaya ang mga ito. Inihahatid ito ng mga makina sa kaniyang harapan at saka niya inilalagay sa loob ng lata at saka pupunta sa susunod na yugto ng pagpoproseso. Tapos ihahatid na sa mga grocery at palengke. Bibilhin at kakainin. Tapos na. Isahang paghihirap lang. Wala nang tsetse buretse pang kesyo kukuwentuhan at ihehele pa. Sinubukan niyang ikuwento sa mga katropa niya sa pabrika at sa mga kainumang katropa niya, pero malaki ang takot niya na baka tawanan at kantyawan lang siya. Hanggang sa hinatid siya sa palengke ng kaniyang pag-iisip.

“Magkano po dito sa talong?” Nawiwirduhan ang ale sa kaniya. Nariyan kasing sukatin niya ang haba nito. Itatatapat niya sa may kaniyang ari at saka tatantyahin kung alin ang pinakaakma sa sukat ng sa kaniya. Sinusundan ng ale ang lahat ng kilos ni Nando, hindi malaman kung maiinis o matatawa. Kasabay ng isang malalim na buntong hininga, sa wakas nakapili na rin si Nando: “Pabili nga po nitong isa.” Bumusangot ang ale at iniabot ang sukli ng kaniyang isandaan.

Hawak niya ang isang piraso ng talong sa kaniyang pag-uwi. Naisip niya, ano bang meron sa alaga niya na wala ang talong? Pareho itong mahaba at mataba. Ano bang malay niya sa lasa? naisip niya. “Pero at least ito ‘pag kinagat niya, puwede niyang lunukin.” Magaan ang loob niya nang pumasok sa pinto. Dinatnan niyang nanonood ng TV si Karen. Hindi matago ni Nando ang kaniyang ngiti sa pagbungad pa lang niya sa kaniyang asawa. “May surprise ako sa ‘yo.” Lumapit siya at pumunta sa likuran ng asawa. Wala namang kibo si Karen at nakatutok pa rin sa kaniyang pinapanood. Inilabas ni Nando ang talong mula sa kaniyang likod at itinapat sa may mukha ng kaniyang misis. Kinuha nito ang talong at tumayo sa harapan ni Nando. “Salamat, a!” sabay ngudngod ng talong sa bibig nito. “Kung ayaw mo ipagamit ‘yang iyo, e ‘di ‘wag!” Umiiyak itong pumasok sa kuwarto at pinakalabog ang pinto. Katahimikan. At binasag lang ito ng patalastas ni Aljur ang tagpo—hotdog na may tuna.

‘Pag ganito ang tagpo, automatic na ‘yon. Ibig sabihin, sa sala na siya matutulog. Malungkot pero parang nangibabaw ‘yong kapanatagan sa puso ni Nando, sa wakas sa loob ng mahabang panahon, maipapahinga na rin niya ang kaniyang alaga. Ilang buwan na rin siyang nagigising na nanghihina dahil sa panggabing aktibidad ng kaniyang asawa. Ngayon niya lang napuna na marami pala itong maliliit na sugat. Nakatulog siyang nakakulong sa kaniyang mga palad ang kaniyang manoy. Sa loob ng mahabang panahon, pag-aari niya nang muli ang kaniyang ari.

Si Karen, ‘pag nagalit parang unlimited na promo sa text. Good for 2 days pero puwedeng ma-extend. Kaya kahit walang kasalanan, umagang umaga pa lang ay humingi na si Nando ng tawad sa kaniyang asawa. Maaga siyang nagluto ng maaalmusal nila. Nang gumising si Karen, agad itong dumirekta sa lababo para maghilamos. Todo irap pa rin ito sa kaniya.

“Sorry na hon!”

“Ikaw e!”

“Iyo lang ‘to.”

“Anong ulam?”

“Tortang talong”

Lumipad ang stainless na baso sa ulo ni Nando. Sa gulat, nabitawan niya ang pot holder at napaso ang kaniyang braso sa mainit na kawali. Papa-walkout na sana si Karen nang harangin niya ito. Nagpupumiglas ito. Hindi alam ni Nando kung ano ang uunahin niya sa dalawa, ang paso sa kamay o ang bukol sa ulo. Parehong masakit pero mas mahirap naman kung mag-aaway na naman sila maghapon ng kaniyang asawa. Binitawan niya ang asawa at iniwan siya nito papunta sa kanilang kuwarto.

“KAREN!”

Napasigaw nang malakas si Nando at napalingon naman sa kaniya ang kaniyang misis. Mabilis niyang ibinaba ang kaniyang shorts kasama na ang brief. Napabuntong-hininga si Nando—napangiti naman si Karen.

Isinayaw ng hari ang prinsesa
Hindi natatapos
May musika man o wala
May ritmo man o wala
Bahala na kung masaktan
Sa mga nangagkaliwaang mga paa
Pagod na pagod ang prinsesa
Wala siyang magawa
Kundi sumayaw
Nang sumayaw
Nang sumayaw
Kasama ang hari
‘pagkat wala ang reyna


Isang araw ng Quiapo, humiling si Karen kay Nando na bumili ng sampaguita para sa poong Sto. Nino sa kanilang altar sa bahay. E ‘di, bumili. Nang magutom, humiling naman ito ng kwek-kwek. E ‘di, bumili ulit. Nakaubos siya ng isa, dalawa, tatlo, at apat. Biglang sumagi sa isip ni Nando ang panalangin niya sa Poong Nazareno kanina lang. Ibinubulong niya ang kaniyang problema sa kaniyang pagkalalaki. Napangiwi pa nga ang Nazareno sa kaniyang pedestal, hindi dahil sa bigat ng krus kundi sa bigat ng problemang dinaranas ng kaniyang alagad. Bumulong si Nando na sana magkaroon ng ibang mapaglilihian ang kaniyang asawa o kung hindi man, sana maging matino na lang ang itsura ng kanilang unang anak. Sabi niya pa, kahit tuluyan na niyang itigil ang lahat ng kaniyang bisyo at kahit pa maglakad siya nang paluhod sa entrada ng simbahan hanggang sa altar tuwing araw ng Quiapo para lamang maging matiwasay ang pagdadalantao ni Karen. Nakakalimang kwek-kwek na ang kaniyang asawa nang bigla itong mag-ayang manuod ng sine sa may Recto. Buti na lamang at mayroon siyang extrang budget mula sa pag-o-overtime. Kaya, sige. Lakad sa may Raon hanggang sa panulukan ng Recto. Pag-akyat sa 4th floor tumambad ang mga dambuhalang poster ng mga pelikula at ang mga pamagat ng mga nakalinya sa now showing: Toreng Bato ni Pedrong Maskulado, Tindig Balahibo at Sampung Pulgada. Napaantanda ng krus si Nando at nagsambit ng panalangin sa Itim na Nazareno. Sabay hawak sa kaniyang ari. At hindi nga siya nagkamali sa intensyon ni Karen sa sinehan. Iika-ikang lumabas ng sinehan si Nando. Bigla namang dumighay si Karen at nagyaya muling kumain ng kwek-kwek. Nilakad nila ang Avenida. Nagpaalam muna si Karen para makigamit ng banyo sa fastfood chain. Si Nando nama’y naiwang nakatitig lamang sa bangketa—bumabawi pa rin ng lakas. “Putang’na, mababaog ata ako nito!” napabulong siya sa sarili. Hanggang sa unti-unti siyang napangiti sa tinda ng matandang lalake.

Sakay sila ng dyip pa-Monumento. Magkaharap sila ng upuan sa may likod ng drayber. Palibhasa araw ng Quiapo, kaya punuan ang mga pampasaherong sasakyan sa iba’t ibang ruta. Sinamantala naman ito ng isang pulubing umakyat sa dyip para punasan ang mga sapatos ng mga pasahero at humingi ng limos.

“Akin na ‘yang paper bag, may kukunin ako.” Hindi magkandaugaga si Karen sa paghahanap ng binili niyang panyo. Ayaw ibigay ni Nando ang paper bag at nagkukunwari lamang itong walang naririnig.

“Nando! Akin na kako ‘yong paper bag at may hinahanap ako.” Tumaas na ng isang baitang ang tinig ni Karen. Sa mga ganitong pagkakataon, mabilis ang proseso ng pag-akyat ng kumukulo niyang dugo sa kaniyang ulo. Pinagpapawisan ng malamig si Nando.

“Bayad po, Tayuman lang.” Pakisuyo ng isa sa mga pasahero. Iniabot ito ni Nando sa drayber. Akala niya abswelto na siya.

“PUNYETA! ANO BA? AKIN NA SABI ‘YANG BAG E!” Walang pasabi, nasa ikawalong palapag na siya ng pagkabuwisit sa asawa niya. Nangangatog na si Nando at pinagtitinginan na siya ng mga pasahero.

“Sukli, o.” Pakisuyo ng drayber. “Bayad po. MCU, estudyante.” Paabot ng bagong sakay na estudyante. “Akin na ‘yang bag!” Si Karen, hinablot ‘yong bag mula sa kamay ni Nando. Wala na itong nagawa laban sa kaniyang asawa. Halos mapunit ito sa kamay niya, Nagulat ang lahat nang malaglag ang isang mahabang kulay pink na dildo. Ang lahat ng mata ay tumuon dito, matapos ay kay Nando na nakapikit na sa sobrang takot. Sinundan ng lahat ng mata ang pagyuko ni Karen at ang pagpulot ng sex toy sa sahig. At sabay-sabay ang mga itong napangiwi sa paghambalos nito sa mukha ni Nando.

“Bayad po. R. Papa lang.” iniabot ni Nando ang bayad ng pasahero gamit ang kanang kamay habang ang kaliwa’y hinihimas ang bukol sa may noo. At ang laruang iyon? Dinampot na lamang ng batang nagpupunas sa mga sapatos ng mga pasahero ng dyip matapos ipukol sa ulo ni Nando. Nakuha naman ni Karen ang panyo at mabilis na pinunasan ang papakawalang luha.

Wag ka sanang magalit sa akin
Tuwing ang birdie ko ay aking hihimasin
Sana’y maunawaan mo…

Nagkakantahan ang magkakatropa nang dumaan ang mag-asawa. Mga limang hakbang siguro ang kanilang pagitan. Siyempre, nauuna si Karen na panay pa rin ang pagluha. Pinipilit siyang habulin ni Nando na iika-ika pa rin sa paglakad. Kumalabog ang pinto at natigilan ang mga tropang nagkakantahan at nilingon ang naghahabulang mag-asawa. Pumasok si Nando at pinakalabog din ang pinto. Dinatnan niyang humahagulgol ang asawa sa sulok ng kama. Lumpit siya pero binarikadahan siya nito ng unan.

“Putang ina, nakakapagod din ang gabi-gabing pag-chupa mo sa akin. Hindi na ako makaihi nang maayos. Hindi ka naman dating ganyan, a? Ano bang problema?” Ito ang unang sigaw sa pugad lawin ni Nando. Tila ba nagdedeklara sa isang giyera para sa kaniyang pagkalalake. Pero nananatiling umiiyak si Karen. “Hiyang-hiya ako sa ginawa mo kanina.” Kung anong bilis ng kaniyang pagdedeklara ng giyera ay siya rin namang bilis ng pagsuko niya sa iyak ng asawa.

“Hindi mo ako naiintindihan.” Kumawala sa barikada ng mga unan ang basag na tinig ni Karen.

Nagtangkang lumapit si Nando. Uupo sana at pipiliting intindihin ang mga napakawalang mga salita. “Ano bang problema?” Isa pang unan ang iniumang ni Karen para mapagtakpan ang kaniyang mga luha. Tatanggalin sana ito ng kaniyang asawa pero nanaig siya sa piling ng kaniyang, iwan mo muna ako. Walang magawa si Nando kundi lumabas muna at magpalipas.

…and it will go.

Sa outro ng kanta ang tagay ay nasa kamay na ni Nando.

“Pare! ‘Tang ina! Itong kumare niyo e nagbago na naman ang pinaglilihian. Ok na ‘yong tustadong barbeque, e. Ngayon naman e bunga ng aratilis, e kapuputol lang ng puno namin no’ng isang linggo. ‘Tang ina talaga!”

“Buti ‘yong akin mansanas pa rin. Problema e hindi naman inuubos. Kinakagatan lang tapos iniiwan na sa ref. Tapos kakagat ulit ng bago. Pambihira. Ako rin ang umuubos.”

“E ‘di para kang litson nu’n, p’re.”

“Gago.”

“Ikaw p’re, si Karen anong trip?” Usisa ni Mang Nestor.

Pumintig-pintig ang ari ni Nando. Parang gustong sumigaw. Ako! Ako! Ako ‘yong trip ng punyemas niyang asawa. Pero mapagtimpi si Nando. Sumagot siya pagkalagok ng tagay sa kaniya.

“Sa cheesedog, mga p’re.”

“CHEESEDOG?” Parehong nanlaki ang mga mata ng makatropa.

“Pucha! Kakaiba rin yang misis mo, p’re.”

“Ano na lang magiging itsura ng junior niyo niyan?”

“Ang cheesy niyo, p’re.”

Ang daming reaksyon ng tropa pero naging bingi na si Nando sa lahat. Inako niya ang lahat ng paikot na tagay. Malinis ang bawat lagok na pumupuno pa sa malaki niyang tiyan. Magpapaalam na sana siya sa tropa na uuna na siya, dahil may tama na siya. Pero naunang dumating ang dalawang buntis na asawa ni Mang Nestor at Mang Felipe.

“Punyeta ka! Andito ka lang palang hayop ka! Walang makain ‘yong mga anak mo do’n inom ka pa nang inom!” Sabi no’ng isa.

“Putang ina mong lalake ka. Hindi mo na inisip na may buntis kang asawa. Lakad, uwi!” Sabi naman no’ng isa. Kulang na lang pingutin pauwi no’ng mga babae ang kanilang mga tomador na mga asawa. Pawang nakayuko at iniiwasan ang mga dagok ng kani-kanilang mga asawa. Panay ang kanilang yes-honey-yes-honey. At si Nando naman ay naiwan sa piling ng mga bote ng Ginebra at dalawang pirasong longanisa. Dito na siya inabutan ng umaga.

‘Yon na ang huling gabing sinubukan ni Nandong umisip ng paraan kung paano ililihis ang paglilihi ng kaniyang asawa. Ilang araw lang ang lumipas at nag-expire na rin ang galit ni Karen. Bati na ulit sila, pati ang bibig nito at ari niya. Gabi-gabing naglilihi at nagpaparaos si Karen samantalang uma-umaga namang bumabawi ng lakas si Nando.

Naging manhid ang prinsesa
Nasanay sa sayaw
Minahal ang pagsasayaw
Hanggang sa mawala ang hari
Isinilang ang araw at gabi
natutong dumilat at pumikit
may bahaghari
may tala
may kabalyero
at ang prinsesa’y natutong pumana
may palaso at espada
wala na ang reyna
patay na ang hari
—buhay pa ang hari


“Ang labo naman nu’n? Akala ko ba patay na ‘yong hari, E ba’t buhay pa ‘yong hari?” Napakamot ng ulo si Nando na sa tinagaltagal nang nakikinig sa kuwento ng kaniyang asawa e, ngayon lang natutunang magtanong.

“Ewan ko, malay mo, bukas o kaya sa isa pang bukas, tuluyan na siyang mamatay.”

“Ah! E sa’n mo ba kasi nakuha ‘yang kuwentong ‘yan?” Nagkatamaan ang kanilang mga mata. Naghihintay si Nando. Hindi sumasagot si Karen kasabay ng pangingilid ng kaniyang mga luha. Nang mapansin ito ni Nando mabilis niyang inilihis ang usapan.

“O magmumog ka na du’n, para makatulog na tayo.” Tumayo ito at kinumutan ang pagkalalake ng kaniyang asawa.

Lumipas pa ang ilang buwan. Kabuwanan na ni Karen. At ang ari ni Nando, nananatili pa ring parausan ng kaniyang asawa. Nagpatuloy ang dila-subo-lunok-hele-kuwento at alo. Isinuko na niya ang tore ng kakisigan sa bibig at kamay ng kaniyang asawa. May mga gabing pagod siya pero nanlalaban siya sa antok para mas mapagbigyan ang hiling ni Karen. Iniisip niya, maipanganak lang ang kanilang junior, makakarami na uli siya sa asawa niya gaya ng dati. Matatapos na rin ang kuwento ng kalungkutan ng prinsesa. Isisilang naman ang kuwento ng prinsepe, ng kaniyang pagkalalaki. Nagsimula nang ihele ni Karen ang ari ng kaniyang asawa, at gaya ng dati, sabay na makatutulog si Nando at ang kaniyang sandata. Panay ang mahihinang tapik ni Karen sa ulo ng alaga ng kaniyang asawa. Sa sobrang inam ng mga tapik na ito, mapagtatagpo nito si Nando at ang ari nito sa panaginip. Naroon sila sa parehong kama at pinagtutulungang banatan ang kaniyang asawa. Panay ang ungol nito at mahigpit ang pagkakakapit sa headboard ng kama. Tumatagaktak ang pawis niya. Samantalang sabik na sabik sa bawat bayo si Nando. Alam niyang malapit na niyang maipunla ang kanilang ikalawang anak. Umuungol siya. Sila ng kaniyang asawa. Sa wakas, ngayon niya na lang ulit narinig ang ungol ng kaniyang asawa, paano e wala na itong subong kahit na ano.

“Daddy! Daddy! Daddy!” may paslit na kumalabit sa kaniyang likod. Kaya naman umurong ang lahat ng dapat na umurong sa kaniya. Ang asawa naman niya ay parang makahiyang biglang binawi ang pamumukadkad ng sensasyon sa katawan. Napapalatak si Nando, “Ano ba ‘yon?” Nilingon niya ang kalabit. At ang kaniyang tanong ay nasundan ng isang sigaw. “Aswaaaaaaaaaaaaang!” Nabunot niya ang kaniyang ari sa pagkababae ng kaniyang asawa at napatalukbong sa ilalim ng kumot. “Anak natin siya, Nandz!” Dahan-dahang lumabas sa kumot si Nando at iminulat ang kaniyang mga mata, nabuo ang larawan ng kaniyang anak, ng anak nila ni Karen. Malaki ang ulo nito, malapad ang noo, kalbo, balbas sarado (bagama’t bata pa) at maugat ang buong katawan. Muli siyang napapikit at sa pagdilat niya, dinatnan niya ang asawang nilulunok ang huling katas para sa gabing iyon.

“Panaginip lang pala,” naibulong niya.

“Naisip ko lang, hindi ka ba natatakot sa magiging itsura ng anak natin?” Nakatingala lang si Nando habang si Karen naman ay pilit na binubuhay ang bagong putok na alaga ng kaniyang asawa. Iniaangat niya ito pero kusa naman itong nangunguluntoy. “Kalaro niya ‘yong mga anak ni Felipe at Nestor. Isang maputla at isang tustadong bata.” Kinuha ni Karen ang gunting para gupitin ang humahaba nang bulbol ng kaniyang asawa. Tinatabas niya ito at pinapagpag. “Tapos, aasarin pa siya ng mga kaklase niya sa eskwela, sasabihin anak siya ng PACKER! PACKER ang kaniyang ama. Dakilang PACKER ang kaniyang ama! Hindi ka ba natatakot du’n?” dugtong ni Nando na may kasamang buntong hininga.

“HINDI!” sagot ni Karen sabay gupit sa katawan ng ari ng kaniyang asawa.

“Aaaaaaaaaaaaaahhhhhhhhhhhh!”

Hindi na muling malulungkot ang prinsesa
Wala na ang hari—
‘Pagkat patay na ang hari


“Sige pa, unting push pa misis! malapit na!”

“Aaaaaahhhhh!”

Umiral ang katahimikan. At ang iyak ng bata ang nagpasimuno ng bagong ingay ng pagdiriwang.

“Congratulations, mommy! It’s a boy!” Bumaling ang doktor kay Nando. “Daddy! May junior na kayo! Congrats po!”

Napayuko si Nando. Pilit na hinahanap ang kaniyang nawawalang pagkalalaki. Natatakot siya at iika-ikang lumapit sa kaniyang mag-ina. Nang makita niya ang kaniyang una at huling anak, dumaloy ang isang piraso ng luha, mula sa kaniyang mata, pisngi, hanggang sa maabot ang dulo ng kaniyang mga labi.


Si Emmanuel T. Barrameda ay kuwentista mula sa lalawigang isla ng Catanduanes. Naging fellow siya ng Ikapitong Palihang Rogelio Sicat, 13th Ateneo National Writers Workshop, at 6th Saringsing Bicol Writers Workshop. Ang kaniyang mga akda ay kinilala ng Don Carlos Palanca Memorial Award for Literature, Saranggola Blog Award, National Historical Institute of the Philippines, at Kabulig Writers Prize. Siya ang isa sa mga nagtatag ng Bilog Writers Circle, organisasyon ng mga nagsisimulang manunulat sa Catanduanes. Kasalukuyan din siyang kasapi ng Kabulig Inc., Parasurat Bikolnon Inc., at Kataga: Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas Inc. Nakapaglathala siya ng kaniyang unang aklat ng mga maikling kuwento tungkol sa Catanduanes, Pwera Bisita noong 2018 na kinilalang Best Book in Filipino Fiction sa 38th National Book Award. Maglalabas siya ng ikalawang aklat, Balager, Mga Personal na Sanaysay ngayong Agosto 2020. Ang iba pa niyang mga akda ay mababasa sa Kataga, Liwayway Magazine, Sapantaha at Wagi/Sawi ng UP Press, Visprint, Ani, ang opisyal na kalipunan ng mga akda ng Cultural Center of the Philippines at Entrada ng Center for Creative Writing ng PUP.