Tau-tauhan: Ang Kuwento Ng Bayan, Ang Kuwentong Bayan, at Kuwentong Sarili

Kung ang sarili, ang ikaw, ay isang tauhan, paano mo susumahin ang iyong ugali? Ang mga hilig? Ang mga bagay na nagpapasaya sa ‘yo? Ang mga desisyon mo sa buhay? Ano ka noon, ano ka ngayon? Nasaan ka? Saan ka papunta?

Ang pagtingin sa sarili bilang isang tauhan sa kuwento ay pag-intindi kung ano nga ba ang sarili. Tinatanong rin nito kung ano ba ako sa mata ng iba? Sino nga ba ako para sa sarili?

Ang character development ng sarili: Kapag tinatangka nating buuin ang sarili bilang tauhan, dapat nating tingnan ang mga pagbabago sa atin sa mga dumaang taon. Maaari itong ugali, maaring pananamit, pupwede ring marka sa katawan. Kung noon ay mahilig kang magsuot ng mga bestida, ngayon ay pinupuno mo na ng tato ang mga braso mo. Ano ang nagtulak sa ‘yo na baguhin ang sarili? Ano ang mga salik na bumubuo dito? Ano ang mga susunod pang mangyayari sa ‘yo? Ang pagtingin sa sarili noon, ngayon, at sa hinaharap ay ang pagbibigay ng kaunting katiyakan sa sarili kung ano nga ba ang mga pupwedeng gawin. Dahil ang bawat hakbang, kahit pasulong, ay nagbibigay rin ng restriksyon. Ang isang taong naaksidente at naputulan ng kamay ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Kutsara na lang ang mahahawakan niya sa pagkain, mas mahihirapan siyang maghanap ng trabaho, at malilibre siya sa sinehan. Kung walang character development, walang pag-unlad.

May sinusubukan akong eksperimento sa opisina, tinitingnan ko ang lahat bilang tauhan ng kani-kanilang mga kuwento: ang bawat isa ay may kasaysayan na nakakaapekto kung paano nila harapin ang buhay. Maaaring ito ay malagim na pagkabata, masayang buhay elementarya, o hitik sa tagos pusong kuwento ng mga pagkabigo. Ang lahat ng karanasan natin bilang mga tao ay umaambag sa pagharap natin sa lipunan, sa ating komunidad, at sa iba pang mga tauhan.

Mahalaga rin ang lugar kung saan nangyayari ang kuwento, ano ang kanilang ginagawa sa lugar na ito, sino-sino ang nagtatagpo sa lugar na iyon?

Halimbawa: ang setting ng kuwento ay isang simbahan. Sa simbahan na ito, may mga tauhang pari, madre, mga tumutulong sa simbahan. Ang bawat tauhan ay may ugali, maaaring banal ang pronta ng pari, habang tahimik naman ang madre. Ang mga tumutulong sa simbahan ay mahilig sa tsismis tungkol sa ibang tao na nakatira sa pamayanan. Maaaring pinagkukuwentuhan rin nila ang pari, kesyo tinatago nito na mahilig siya sa bata. O may iniibig ang madre sa kabilang bayan. Ang mga ito ang pinagmumulan ng conflict, ang mga kuwentong bayan na kahit hindi tayo tiyak kung totoo ba ang kuwento ay panghahawakan na natin bilang totoo.

Pero kahit kuwentong bayan lang ang mga ito, kahit na sa kaliit-liitang tsismis, hindi ba’t nagbabago rin ang pagtingin ng mga tao sa taong ikinukuwento? Nakakaapekto ang kuwentong bayan sa kung paano tingnan ang isang tao. May kuwentong bayan, halimbawa, na ang nakatira sa bakanteng lote ay pamilya ng mga aswang. Ang pamilyang ito ay madalas na nakikitang gumagala sa gabi, hindi rin sila nakikipagkuwentuhan. Karaniwan na marami sa mga tao sa pamayanan ang iiwas sa lugar kung saan nakatira ang pamilya, at may ilang mga bata na magtatangkang maglaro sa paligid nito. Kapag nakita ng mga bata ang isang miyembro ng pamilya, magsisi-takbo sila’t sisigaw ng ‘Aswang, aswang, may aswang na lumabas!’.

Ngayon, tingnan naman natin ang ang perspektiba ng pamilya: Hindi talaga sila nakatira doon, napadpad lang sila doon dahil may umangkin ng lupa nila. Ang totoo’y nangutang ng pambinhi ang padre de pamilya, hindi nabayad kaya isinanla ang lupa. Dahil hindi nababayaran ang inutang, nagpatong-patong na ang interes hanggang sa napilitan na lang silang ibigay ang lupa sa kanilang inutangan. Nagdesisyon ang pamilya na makipagsapalaran sa Metro Manila, lahat sila ay hindi marunong magsalita ng Filipino pero marunong silang maka-intindi. Suwerte naman na pinagamit sa kanila ng isang malayong kamag-anak ang bakanteng lote. Dahil hindi sila matatas mag-Filipino, hindi rin sila nakikipagkuwentuhan sa iba. Naririnig na rin nila ang kuwento-kuwento tungkol sa kanilang pamilya. Nakakaranas pa nga pang-aabuso ang kanilang mga anak kapag umaga, kinukutya ang mga ito na mga tiyanak. Kaya nagdesisyon sila na sa gabi na lang sila lalabas.

Ngayon, mula sa halimbawa na ito, ano ang mapapansin natin? Maliban sa pagiging mapanghusga ng pamayanan, hindi rin nila tinatangkang makipag-usap sa pamilya. Ang nangyari ay walang nangyari. Nabuhay ang pamilya sa gitna ng mga kuwento-kuwento, natuto silang sumabay. Pero ang pamayanan, nanatili lang sa mga kuwentong bayan, patalon-talon sa iba’t ibang mga tao.

Ginagamit ko ang pagtingin sa isang tao bilang tauhan para maintindihan ko ang kaniyang mga ginagawa, ang kaniyang mga desisyon, at ang kaniyang mga trip sa buhay. Kung namuhay ka sa isang pamilya na ang bukang-bibig ng mga nakakatanda ay paninira sa iba, hindi ba’t malaki ang tiyansa na magiging ganoon ka rin? Nagsisimula sa pamilya ang pagbubuo ng ugali. Kung ano ang magiging pagtingin mo sa ibang tao, sa pamayanan, sa lipunan. Kung nabuhay ka sa isang relihiyosong pamilya na ang pagbabago ay sa piling ng Panginoon kapag dumating ang paghuhukom, iyon na ang pagbabagong hihintayin mo. Hindi mo na aasaming makagawa ng pagbabago sa mundo dahil ang lahat naman ng ito ay pansamantala lang. Ito rin ang dahilan kung bakit mas nagiging komplikado ang mundo, dumadami ang bahagdan ng mga pupwedeng tingnan na dahilan sa mga bagay-bagay.

Pero bilang manunulat, magandang mahasa ang sarili na kilalanin ang mga taong nakakasalamuha sa araw-araw bilang mga tauhan. Dahil sa likod ng bawat mapanghusgang salita ay mga trahedya sa buhay na hindi natin alam.

Ang pinakamahalaga siguro sa lahat ng ito ay ang paghahangad ng pagbabago sa sarili at sa mga tauhan na nakakasalamuha natin. Maaaring nagiging anti-hero sila dahil sa sistemang umiiral sa loob ng setting. Kung ganoon, hindi ang anti-hero ang kalaban, ang dapat baguhin ay ang sistema. Dahil sa huli, ang sumasaklaw pa rin sa mga tauhan ay ang lohika ng mundo kung saan sila nabubuhay. Kung ito ang way of life, mahirap kumontra sa daloy ng buhay. Ang susunod na hakbang ay makabuo ng iisang bangka kung saan pupwedeng maghanap ng mas payapa at malayang dagat na puwedeng paglayagan.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol Sa Pagiging Manunulat

Pag-uwi ng bahay, naghuhubad ako ng sapatos bago pumasok sa bahay. Hindi lang sa suwelas ng sapatos nakadikit ang alikabok, nakadikit ito sa kabuuan, mula sa harap, likod, at magkabilang gilid.

Dadamhin ko ang pamimintig ng mga paa, humigit-kumulang walong oras na nakaipit sa makapal na medyas at may kasikipang sapatos, sumasabay ang pintog ng mga daliri sa tibok ng puso. Parang may kamay na nakadakot sa puso, hinihila ito pababa, kaya parang ayaw ko nang tumayo. Pero kailangan, hindi natatapos ang araw sa pag-uwi galing sa trabaho, dahil may trabaho pang kailangang gawin sa bahay: magluto, magturo sa anak, mag-asikaso ng magulang, at kung may oras pa’y makapagsulat at makapagbasa.

Sinisisi ko noon kung bakit ba ako naging manunulat, kung bakit ba ako nagbabasa. Naniniwala akong binabago tayo ng mga librong binabasa natin. Binago ako ng Notes from Underground ni Fyodor Dostoevsky, kung paanong ang iniharap sa aking mundo ng mga magulang ko ay balat sibuyas na tinalupan ng mga pangungusap ni Monk Photius. Binago rin ako ng dalawang nobela ni Rizal, kung paanong tinatalikuran natin ang himagsikan dahil hindi natin matanggal ang tatak ng pagiging Indio. Binago ako ng mga isinulat ni Ursula K. Le Guin, kung paanong puwede palang magsulat tungkol sa ibang mundo, sa loob ng ating mundo.

Pero, siguro, ang pinaka-pinagsisisihan ko sa pagiging isang manunulat ay ang pagpapahalaga sa mga salita. Mas matalas ang pandinig ng isang manunulat kapag nagsasalita ang ibang tao, mas natatahi ng isang manunulat ang gustong iparating ng iba. Kaya kapag lumalabas ang barubal na ugali ng tsismis, ng pagiging buhay na talangka, at ng kuwentuhang may makuwento lang, hinuhukay ng mga salitang ito ang sikmura ng manunulat. Dahil ang bawat salita, para sa kanila, ay martilyong nagpapabagsak kahit sa pinaka-mataas na gusali sa loob ng pinaka-malakas na imperyo.

Malungkot ang maging isang manunulat. Dahil naiintindihan mo ang ibang tao, pero karaniwan na hindi ka nila naiintindihan. Pinipili rin ng manunulat na ilayo ang sarili sa karaniwang pag-uusap tungkol sa mga bagay na pinag-uusapan lang dahil walang masabi, mga pangungusap na walang ambag sa pagpapaunlad ng sarili, ng ibang tao, ng isang organisasyon, o kahit na lipunan.

Kaya minsa’y sinasabihan ang mga manunulat na masusungit, dahil palaging nakasimangot sa harap ng mga walang kuwentang huntahan. Kaya ang pagtahimik ng isang manunulat ay tinitingnan bilang pagmamaldita, o hindi pakikisama. Kaya sa huli, pinaparusahan ng manunulat ang sarili. Siguro, nagiging bawal na ang pag-iisip ng mga epekto ng salita sa ibang tao. O maaari rin na naging sandata na ang salita, pero ang nakagamit nito ay hindi ang mga manunulat. Ang humawak ng kapangyarihan ng salita ay ang mga humahawak ng kapangyarihan,

Dinadama ko ang bawat balita na naririnig ko sa telebisyon at radyo. Ang kunwaring pag-asa mula sa dumarating na mga bakuna at ang pagtuturok nito sa mga frontliner. At ang totoo’y ang mga dumarating na bakuna ay matatanggap ng iilang mayroong koneksyon, pera, at posisyon. Ang mga taong katulad ko, na hindi ikinayaman at ikakayaman ang pagsusulat, ay maghihintay na lang sa tira-tirang mga patak ng bakuna na maiiwan sa mga itinapong botelya. Sanay na sanay naman tayo na maghirap, ang maghintay ng blessing, at kumain ng panis na kanin.

Hinihiling ko nga minsan na sana ay hindi na lang ako naging manunulat, o hindi ko nabasa ang mga librong nabasa ko. Sana naging normal na lang akong nakikipagtsismisan, nakikipag-asaran, at humihirit sa walang kuwentang mga bagay. Baka doon, mahanap ko ang kasiyahan. Sana hindi ko natutunan na pahalagahan ang kahulugan ng salita, o ang magkaroon ng kakayahang pagdikit-dikitin ang mga pangungusap. Kung iyon ang nangyari, siguro ay hindi ako ganoong nagpapaapekto sa mga salita mula sa iba.

Mayroon rin namang kagandahan ang pagiging manunulat, dahil may espasyo para intindihin ang iba kahit na parang hindi ka nila naiintindihan. Mas nagiging maintindihin ang manunulat, at mas pinipiling gumanti gamit ang papel. Sa huli, magsusulat pa rin ako. Dahil ang pagiging manunulat ay ang dumidikit na alikabok sa sapatos. Kahit na anong gawing pagtanggal, ay ang paglapit rin. Kahit anong paglayo sa pagsusulat, ay ang hindi maiwasang paglapit dito.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Trabaho

Naniniwala akong walang tao sa mundo ang walang pangarap. Maaaring ito ay makapagpatayo ng bahay para sa magulang, o masustentuhan ang pag-aaral ng kapatid, at puwede rin ang paghahangad na makabili ng gamit na magbibigay saya sa sarili. Kahit na gaano man kalaki o kaliit ang isang pangarap, pangarap pa rin iyon.

Pero hindi lahat ng pangarap ay natutupad. Ito ang batas ng mundo: libre ang mangarap, ngunit binabayaran ang lahat para maabot ito. Kung wala kang pera, baka hindi mo makuha ang pangarap. Kung madiskarte ka, baka may maibuga ka pa.

Habang tinatapos ang mga kailangang dokumento para sa trabaho, sumagi sa isip ko ang mga paninindigan ko sa buhay noon nag-aaral pa ako sa UNC, naalala ko na pinapangarap kong maging manunulat, ang makapaglathala ng mga kuwento na babasahin ng maraming tao. At parang nakapanghihina ng loob na mapansin na ang nagbabasa ng mga sinusulat ko ay ang mga tao sa opisina, mga written report tungkol sa mga nangyari: mga detalye sa kaso ng bata, mga aktibidad sa LGU, budget request para sa kung ano-anong bagay. Ito ba ang pangarap ko noon? Hanggang dito na lang ba ang maaabot ng panulat ko?

Nasa panahon na siguro ako kung saan napapansin ko na ulit ang mga masasamang tingin, ang mga pag-iwas, at ang hindi pag-imbita dahil alam nila kung ano ang posisyon, ginagawa, at kalikasan ng trabaho ko. Sa madaling sabi, killjoy ako para sa kanila dahil iyon ang trabaho ng isa sa middleman na dinadaanan ng lahat ng dokumento bago dumating sa mas nakakataas. Burukrasya, ika-nga. Hindi ko naman sila masisisi, dahil para magawa nila ang kahingian ng trabaho nila, kinakailangan nilang mapunan ang mga kahingian ko. Hindi naman ako strikto, hindi rin ako naningil. Pero palaging may masamang tingin. Hindi ako palakuwento sa opisina, dahil hindi nagtutugma ang interes ko sa interes nila. Siguro nasa akin ang problema, siguro ako ang hindi marunong makibagay. O baka, sa tinagal-tagal ng panahon, mali pala ang trabahong napili ko.

Siguro isa ito sa mga dahilan kung bakit itinutulak ko ang sarili kong magsulat. Dahil sa pagsusulat, kahit wala akong nakaka-usap ng harapan, mayroon pa ring nakapagbabasa at nakadadama ng mga karanasan at opinyon ko sa mga bagay-bagay.

Sinasabi nila na mayroon namang laman ang mga sinusulat ko, mayroon naman akong sinasabi. Kahit ganoon, nakakaramdam pa rin ako na parang wala akong sinasabi at walang makikinig. Isa sa mga bagay na nagtutulak sa akin na patuloy na magsulat at umasa na mayroong nakahandang magbasa ng mga sinusulat ko.

Kung maaari lang maging trabaho ang pagsusulat, kung masusustentuhan ng pagsusulat ang pang-araw-araw, bakit hindi ko iyon kukunin? Ngayon ko lang napagtanto na ang nakapagsasaya a akin ay ang pagbabasa at ang pagsusulat, dahil nandoon ang kalayaan malayo sa kalayaan kapag naglalakad sa labas ng bahay, sa mga eskenita, o ang hiraya kapag nakasakay sa jeep.

Napakaraming proyekto ang bubuuin para ngayong taon kaya siguro ko siguro hinahanap ang oras, o hinihintay na dumating ang pagkakataon kung kailan handa na ang mga salita para mailagay ko sa papel, o matipa sa keyboard, o maimprenta sa isip.

Sa pagsasagawa ko ng mga responsibilidad ko sa trabaho, hindi nawawala ang mga isipin tungkol sa mga gusto kong isulat: ano ang susunod na mangyayari sa Pinapagindapat, ano pa kaya ang puwede kong gawin para sa Kaaway, o ano pa ba ang puwede kong isulat sa Tungkol sa. Hindi sapat ang ilang oras na pahinga pag-uwi para makapag-isip sa pagsusulat. Ipinapalaman ko sa mga minuto ng pagtigil ang mga hinuha sa isusulat.

Kaya habang dinadamdam ko ang mga nangyayari sa opisina, iniisip ko rin kung kailan kaya ako magiging malaya para makapagsulat. Oras ang kalaban ng bawat manunulat sa Pilipinas, dahil kadalasang naihihiwalay ang trabaho sa paglikha. Hindi nagsasama ang dalawang ito maliban kung nagtuturo ka ng malikhaing pagsulat at mga akda na isinusulat mo ang maging paksa sa klase (na  hindi naman nangyayari dahil formula based naman ang mga klase sa malikhaing pagsulat at may hiya pa rin ang mga nagtuturo ng MP na huwag ituro sa klase ang sariling akda pero puwede ang akda ng mga kaibigan.)

Siguro, kailangan ko pa ng oras para pag-isipan ang mga dapat kong gawin. May ilang buwan pa ako para makapagdesiyon. Sa ngayon, papakiramdam ko muna kung ano ang pinakamakapagsasaya sa akin. Maliban kasi sa pagsusulat, ang pagtulong sa mga tao dahil sa mga ginagawa ko ang nakapagpapasaya sa akin, lalo at totoo na bumabagal ang oras kapag tumatanda.

Kung oras ang kalaban ko, siguro kailangan kong pag-isipan ang kahalagahan ng bawat oras at kung ano ang dapat kong gawin para magamit ang bawat segundo sa mga bagay na may pinakamalaking ambag sa prinsipyo, sa panulat, at sa pagtupad sa mga nakapilang pangarap na naghihintay lang na magawa ang unang hakbang.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Isang Buntong Hininga

Paano mo kukuhanin ang kapangyarihang naka-ugat na sa bawat salik ng lipunan? Ano ang mga hakbang para muling maibalik sa taong bayan ang kakayahang magdesisyon para sa kani-kanilang mga komunidad? Paano natin bibigyang espasyo ang sarili na pag-isipan ang bawat kapalit ng mga desisyon ng mga taong nasa kapangyarihan, gaano kalaki ang tingga na tatama sa ating katawan? Wala naman tayong pananggalang sa bawat saksak ng matatalas nilang mga dila, ang ginagawa lang naman natin ay damhin ang bawat laway na tumatalsik sa ating mga mukha.

Kailangan kaya tayo mababastusan sa kanilang laway? Kailan kaya natin masasabi na ang magaspang nilang mga dila ay dapat nang putilin? Kailangan kaya maglalabas ng loob ang mga Pilipino na magsalita bilang isang armada, at hindi magsalita para sa mga humahawak ng pedestal?

Isang malalim na buntong hininga lang naman ang bawat pangyayari sa ating bayan. Ang mga bagong naratibo na inihaharap sa atin ay palagi naman nating nilulunok. Hindi natin kayang idura ang bawat letrang ipinapasubo nila sa atin. Kung sakali lang namang kaya nating hawakan ang sundang at isaksak sa kanilang mga leeg, baka sakaling makita natin na ang bigat ng lahat ng pangyayari ay mula sa kanilang malapot na dura?

Maliban sa pagtatangka ng ilan na salagin ang bawat salita, nasa pagsalag ba ang solusyon, o kinakailangan nating makita ang dambuha na naghihintay lang na gisingin siya mula sa pagkakatulog?

Kung mayroong isang usapin, mula ito sa mas malaking usapin, at palagi itong nanggagaling sa mga humahawak ng kunwaring solusyon sa mga balakid sa pag-unlad. Ang solusyon ay aksyon, hindi ang pagtugon sa bawat salita.

Kung gusto natin ng tunay na pagbabago, sino ang dapat nating tanggalin? Ano ang dapat nating tanggalin? Palagi dapat nating tanungin kung ano ang puno’t dulo ng lahat ng mga nangyayari. Mayroong tunggalian, pero palaging nanggagaling ang suliranin sa mga taong humahawak sa galamay ng pumupusturang realidad.

Manonood na muna ako sa telebisyon ng gobyerno. Ang bawat balitang bumabaluktot sa pangkalahatang naratibo ang epektibong pumupukaw sa isip ng taong bayan. At kahit na mayroong nagpapatay ng kani-kanilang mga telebisyon, hindi pa rin natin kayang singilin ang gumagawa ng mga programa.

Isang malaking laro na maraming kuwedas, pinipitik-pitik at nilalaro-laro. Kaya’t parang sumasabay na lang ang marami sa sayaw ng pandanggo. Kahit hindi marunong sumayaw, sa huli’y mukhang gago at nagago.

Matulis ang kasaysayan, pero mas matulis ang isip ng mga taong halang ang sikmurang baluktutin ang mga pangyayari. At sa huli’y kahit na paulit-ulit nating itama ang kanilang mga sinasabi, sila pa rin ang may hawak ng huling salita. Dahil sila ang pinanggalingan ng naratibo ng may posisyon. Ang posisyon siguro ang dapat nating kuwestyunin, ano ang kapangyarihang ibinibigay ng bawat boto natin sa kanila? Sila ba ang hari ng Pilipinas, o ang hari ay ikaw bilang indibiduwal? Anong lakas ng armas, kung sa isip pa lang ay parang marami sa atin ang minamanas?

Kung ang takot nati’y madakip, ang taong bayan nama’y matagal nang naipit. Parang isang batibat na nakadagan sa ating mga dibdib, kahit ang katotohanan ay hindi na masilip.

Isang buntong hininga sa bawat pagsakay natin sa naratibo. Tayo’y mga tangang tumatawa kapag natibo. Akala natin siguro’y lumalakas tayo sa bawat bubog sa paa, at sa huli’y naghalo na ang bubog sa laman. Kaya ngayo’y hindi na makalakad, at baka hindi na rin makatayo.

Kung gayo’y isang malalim na bugtong hininga. Wala nang maisusukli pa kung hindi magsimula ulit sa wala.

May isang matandang tibak ang dumating, pinaalalahanan niya ang mga kasama namin na kailangan nilang ibalik ang mga libro sa main library dahil pagmamay-ari ng mga estudyante ng hinaharap ang mga libro doon. At natulog kami, kasama ng mga sikretong hindi ko masabi sa kanila, kasama ng mga huni ng kuliglig.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Kalamidad

Pinapanood kong mag-unahan sa pamamangka ang mga bata sa amin. Magsisimula sila sa dulo ng isla at magtatapos sa pantalan ng Guijalo. Ginagawa ko rin iyon noon, naglalagay kami ng bato sa loob ng bangka para pampabigat at pambalanse. Tatlong tao ang kasya sa isang maliit na bangka, dalawang nagsasagwan sa harap at likod, at may naka-upo sa gitna. Kapag halos walang alon sa dagat, makikita mo ang mga isda sa ilalim ng tubig. Sumisisid ang mga kaibigan ko pero hindi ko magawang bumaba sa tubig. Kaya kong magsagwan pero hindi ko magawang sumisid. May takot ako sa pagkalunod, siguro dahil sa napakaraming karanasan ko sa bagyo. Humahagupit ang alon sa Guijalo kapag may bagyo, naalala ko pa noon na nakikita pa naming paparating ang bagyo mula sa malayo. Kumikislap-kislap ang ulap at bumubuhos sa malayo ang ulan na parang makinis na kurtina. Pumapanhik ang lahat ng tao sa pinaka-mataas na simbahan ng Buenviaje. Hindi lang sumisipol ang hangin sa amin, humihishis ito na parang libo-libong mga tiktik sa bubungan. Kapag natapos ang ulan, bababa kami para tingnan ang naging pinsala sa mga bahay. Sa Guijalo, palaging nagsisimula ang mga tao, dapat handa kami sa tag-araw dahil dito dumarating ang mga turistang manggagaling sa San Jose. Sa mga panahon rin na ito kami nakakabawi sa mga nawala nung tag-ulan.

Kapag binibisita kami ng bagyo, masuwerte nang maambunan ng kaunting tulong. Walang malalaking tao ang nakatira sa amin, wala ring malalaking bahay. May ilan-ilang mga magagandang bahay, pero nananatiling payak ang pamumuhay sa amin. Ang sakit lang ng ulo ng marami sa mga taga-Guijalo ay mga kabataang pasaway, pero ano nga namang aasahan mo sa mga taong namumulat sa kakulangan ng kalayaan at kakulangan sa kakayahang makaabot ng pangarap. Sa amin, suwerte na ang mga taong makalabas sa Guijalo, nabubuhay ang mga tao sa araw-araw. Iyon na siguro ang pinaka-kakaiba sa amin, mas inuuna ang pangangailangan ngayon kaysa sa pangangailangan sa susunod na mga tao. Kapag masyadong malayo ang pinaghahandaan, maraming mga pangyayari sa araw-araw ang hindi mabibigyan ng tugon.

Nag-aalala ako ngayon sa mga taga-Guijalo, ilang taon na rin akong nakatira sa Naga at itong nagdaang mga bagyo ang pinaka-malalang naranasan ko. Kumusta na kaya ang mga bahay malapit sa dagat? Kumusta na kaya ang mga kaibigan ko doon? Siguro’y wala pa rin silang kuryente, wala pa ring signal. Baka nga nasira rin pati ang kaisa-isang barkong dumadaong sa Guijalo, kaya wala pa ring makapagbigay ng balita sa akin.

Kapag hinanap ko ang gobyerno pagkatapos ng mga kalamidad, hindi ba’t parang huli na ang lahat para bigyan ng aksyon ang mga nasalanta ng baha, ang mga buhay na nawala, at ang mga bahay na nasira? Palagi kong naririnig ang paghahanap ng mga tao sa gobyerno, nand’yan lang sila, ang palagi kong tugon. Palagi naman silang nand’yan. Mas matitibay ang mga bagay nila kaysa sa atin, dagdag ko pa.

Pero bakit sa tuwing may kalamidad, hindi tayo nagiging handa. Hindi tayo nagtatanda sa dinami-dami ng bagyo, lindol, at kung anu-anong pagsubok na dumadaan sa Pilipinas?

Sa tingin ko, hindi ito usapin ng presensya ng estado. Nabubuhay ang taong hindi nakakatanggap ng kahit anong tulong sa gobyerno. Pero tungkulin ng gobyernong ipaabot sa tao ang serbisyo dahil lahat tayo ay nagbabayad ng buwis. Napakalaki ng pera ng estado, araw-araw silang nakakatanggap ng buwis mula sa mga binibili ng tao sa palengke hanggang sa mga luho katulad ng casino. Hindi mauubos ang pera ng estado hangga’t mayroong mga gumagastos ng kanilang pera, hangga’t mayroong mga negosyo at hangga’t mayroong trabaho.

Sa ilang taon kong paglilingkod sa ilalim ng gobyerno, masasabi kong baliko ang tingin nila sa paggastos. Maliban sa pagtitipid ng pondo, kinakailangan rin nilang gastusin ang pera ayon sa mga pamantayan na ibinigay ng mga nasa itaas. Kaya kahit na nakikita ng ilan na kinakailangan ng pagpapatayo ng mga evacuation centers, hindi iyon agad puwedeng gawin dahil kinakailangan pa nitong dumaan sa burukrasya, sa mahabang debate tungkol sa paggastos, at kung saan makakatipid ang gobyerno.

Masalimuot ang nangyayari sa Pilipinas, napakaraming sakuna ang matagal na dapat nating napaghandaan, ilang ulit na rin namang binabanggit na palaging dinadaanan ng bagyo ang Pilipinas, na nasa bahagi tayo ng mundo na palaging nililindol. Kaya habang nakikinig sa radyo tungkol sa paghahanap ng mga tao sa presidente ngayon na kakadaan lang ng mga bagyo sa Pilipinas, hindi iyon ang pinaka-tumpak na pagharap sa mga nangyayari. Ang dapat nating pagsingil ay ang paggastos sa pera ng taong bayan na naka-tuon sa mga pangnagailangan natin ngayon at sa mga susunod pang mga tao. Hindi mauubos ang bagyo, pero pupwedeng gumawa ang gobyerno ng mga lugar kung saan magiging ligtas ang mga tao, pupwedeng makipag-usap ang gobyerno sa mga siyentista kung paano maaagapan ang baha. Pupwedeng bumuo ang gobyerno ng mas mabilis na pag-uusap sa pagitan ng mga institusyon, ng mga bayan, ng mga ahensya ng gobyerno para mabilis na makatugon sa kalamidad.

Ang pinaka-kailangan natin ngayon ay hatakin ang gobyerno na bigyan ng kakayahan ang bawat lugar na tumugon sa mga kalamidad. Dapat ngayon pa lang, alam na natin ang kahalagahan ng buhay at kung ano ang mga bagay na makapagliligtas sa atin sa mga darating na sakuna. Sa pagpapahalaga natin sa isa’t isa natin masisimulan na maitama ang pagsingil sa gobyerno, hangga’t hindi natin sila nasisingil sa kung ano ang dapat nilang gawin sa pera, mananatili silang hiwalay sa mga hinaing natin at patuloy sila bibili ng mga gamit pandigma na hindi naman natin nagagamit sa mga oras na pinaka-kailangan natin. Ang delusyon ng estado ay delusyon rin ng taong-bayan sa kanilang sarili.

Hinihiling ko na lang na sana, nakapagsasagwan na ulit ang mga nasa Guijalo. Sana sa hinaharap, hindi na nila kailangang magsimula ulit, dahil ang gagawin na lang nila ay magpatuloy. Dahil naingatan nila ang isa’t isa, at dahil ibinigay ng estado ang pangangailangan ng bawat lugar, batay sa mga karanasan nito sa kalamidad. Totoo na magsisimula ang pagbabago sa sarili, magsisimula ito sa pananaw o kung paano natin titingnan ang mga nangyayari, kung ano ang dapat nating gawin at kung ano ang dapat nating singilin sa gobyerno.

Kapag alam na natin kung ano ang halaga natin bilang mga indibiduwal na kinukuhaan ng buwis, doon natin malalaman na araw-araw na gumagawa ng paglabag ang gobyerno sa mga dapat nitong pinaglilingkuran.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Anarkismo

Sa ugat nito, ang anarkismo ay isang espiritu—na umiiyak laban sa lahat ng mga mali sa kasalukuyang lipunan, at walang alinlangang ipinapahayag ang lahat ng mga pupwedeng isaayos sa ilalim ng mga alternatibong uri ng panlipunang kaayusan. Maraming magkakaiba ngunit magkakarugtong na pagtingin sa anarkismo, pero sa madaling sabi, ito ay bibigyang kahulugan bilang ang pakikibaka tungo sa isang “malayang lipunan ng mga malayang indibiduwal.” Ang katagang ito ay maaaring masabi na napakasimple. Nakapaloob dito ang parehong pagpapahiwatig ng kritikong multi-dimensyonal at isang mapagpalawig, maaaring sensitibong, pagbubuo ng panibagong pagtingin.

Dito, ang pagpapalalim sa kahulugan ay makatutulong kung ano ang anarkismo: ang walang kamatayang imahe ng “circle A.” Ang A ay nanggaling sa sinaunang Griyegong salita na anarkhia—pinagsama ang ugat na an(a), “wala,” at arkh(os), “pinuno, awtoridad”—ibig sabihin ang kawalan ng awtoridad. Mas napapanahon at mas tumpak, na nangangahulugan ito ng kawalan ng dominasyon (mastery o kontrol sa iba) at hirarkiya (bahagdang relasyon ng kapangyarihang may dominansya at pagpapailalim/pananakop). Ang bilog ay maaaring tingnan na O, bilang kapalit ng “order” o, mas angkop ang “organization,” ang sabi pa nga sa klasikong depinisyon ni Pierre-Joseph Proudhon sa kaniyang What is Property? (1840): “Habang naghahanap ang tao [sic] ng hustisya sa pagkakapantay-pantay, kaya ang lipunan ay naghahanap ng kaayusan sa anarkiya” Ang circle A ay sumisimbolo sa anarkismo bilang makadikit na proyekto: ang abolisyon ng dominansya at hirarkikal na anyo ng panlipunang kaayusan, o kapangyarihan—sa itaas ng panlipunang ugnayan, at ang kapalit nitong mga pahalang na bersyon, o kapangyarihan sa pagkakaisa at pagkakaunawaan—katulad ng nabanggit, malayang lipunan ng mga malayang indibiduwal.

Ang anarkismo ay synthesis ng maganda sa liberalismo at ang  maganda sa komunismo, nang may pagtataas at pagbabago sa mga maganda sa mga tradisyon na gumagaod tungo sa isang egalitaryo, boluntaryo, at lipunang hindi hierarkikal. Ang proyekto ng liberalismo sa pinakamalawak nitong kahulugan ay masigurado ang personal na Kalayaan. Ang pangkalahatang proyekto ng komunismo ay masigurado ang makakabuti sa nakararami. Maaari, at kinakailangan, nating kuwestyunin ang salitang “malaya” sa parehong nabanggit, lalo na sa aktuwal na implementasyon ng liberalismo at komunismo, at ang pinagkakaisahang pagdidiin sa estado at pag-aari bilang nagsisigurado sa kalayaan. Gayunpaman, kung titingnan, sa kanilang pinaka-“democratic”, ang layunin ng isa ay humubog ng indibiduwal na kayang mabuhay nang walang restriksyon, at ang isa ay bumubuo ng komunidad na naka-tindig sa kolektibong linya. Ito ay parehong makabuluhang nosyon. Sa kasamaang palad, ang Kalayaan ay hindi matatamo sa pagiging tabingi nito: sa pamamagitan ng sarili o lipunan. Ang dalawang ito ay karaniwang nagtutungali, sa maraming pagkakataon ay agaran. Ang dakilang paghakbang ng anarkismo ay ang pagsamahin ang sarili at ang lipunan sa iisang politikal na pagtingin; at kasabay nito, ibinabasura nito ang estado at ang pag-aari bilang sandigang haligi, at bilang kapalit ay sumasandig ito sa self-organization at mutual aid.

Ang terminong anarkismo ay lumabas noong ika-19 na siglo sa Europa, ngunit ang minimithi at isinasagawa nito ay namulaklak, sa ilang bahagi, mula sa ilang daang taon ng rebelyon ng mga alipin, pag-aaklas ng magsasaka, at mga heretikong kilusan sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan ang mga tao ang nagdedesisyon kung ano ang dapat tapusin, at ang mga kaugnay na eksperimento sa iba’t ibang uri ng awtonomiya sa nagdaang mga siglo.

Ang anarkismo, sa isang bahagi, ay naimpluwensyahan ng Enlightenment noong ika-18 na siglo, na—sa higit na makakaya nito—ay pinasikat ang tatlong pinakamahalagang nosyon, na naging tuntunangan para bumuo ng teorya mula sa mga pag-aaklas. Una: Ang mga indibiduwal ay may kakayahang mangatuwiran. Pangalawa: Kung ang mga tao ay may kakayahang mangatuwiran, mayroon rin silang kakayahan na gawin ang kanilang mga iniisip. Siguro ang pinaka-mapagpalaya, ang pangatlong ideya ay lumabas: Kung ang tao ay nag-iisip at umaaksyon sa sarili nilang inisyatiba, kung ganoon ay lohikal na sabihin na maaaring nilang isipin at gumawa ng hakbang sa nosyon ng isang mabuting lipunan. Maaari silang maging malikhain; sila ay makakabuo ng mas mabuting mundo.

Lupon ng mga pilosopo noong Enlightenment ang nagpahayag ng mga panibagong konsepto sa panlipunang kaayusan, na kumukuha mula sa praktika at ganoon din sa pagsasa-teorya, mula sa Karapatan ng indibiduwal hanggang self-governance. Sa pag-unlad ng teknolohiya ng imprenta, na naging tuntungan ng malawakang pagkalat ng mga sulatin, sa pinaka-unang pagkakataon sa kasaysayan ng sangkatauhan, sa pamamagitan ng mga libro, pamphlet, at mga periodiko. Nagkaroon ng espasyo para sa mga pag-uusap katulad ng coffeehouses, aklatan, at entablado sa mga parke kung saan pinapahintulutan ang mga debate tungkol at sa pagkalat ng mga ganitong nagpapaalab na mga ideya. Wala sa mga ito ang nakatiyak na ang mga tao ay kusang mag-iisip, kusang gagawa, o gumawa dahil mayroong pag-aalala sa sangkatauhan. Pero ang pinaka-theoretically na rebolusyonaryo sa malaking pagbabago na ito ay bago pa nito, ang kalakhan ng mga tao ay hindi naniniwala sa sarili nilang pangunguna o kakayahan na kusang magtipon-tipon sa isang magkakarugtong, malay, at pinamaka-mahalaga, sa malawakang basehan. Sila ay ipinanganak, bilang halimbawa, sa isang liblib na bayan bilang isang mahirap na inaasahang mabubuhay na sumusunod. Sa madaling sabi, tatanggapin nila ang kanilang lupa at ang kaayusan bilang bigay ng Dios at natural—na umaasa na magkakaroon ng mas mabuting buhay sa kabilang buhay.

Dahil itinutulak ng relasyon ng teorya at praktika ang isa’t isa, maraming tao kalaunan ang yumakap sa tatlong ideya ng Englightenment, na nanganak ng mga ideolohiyang libertaryo, mula sa mga relihiyosong samahan hanggang sa sekular na republikanismo, liberalismo, at sosyalismo. Maraming anyo ng politikal at ekonomikong pagpapailalim para umaksyon ang naihulma dahil sa panibagong radikal na pagkakilig, na umaambag sa pagkalat ng mga rebolusyon sa buong Europa at sa iba pang mga lugar, katulad ng Haiti, Estados Unidos, at Mexico. Ang rebolusyonaryong panahon ay nagsimula ng mga 1789 at natapos nang mga 1871 (at lumabas ulit noong simula ng ika-20 na siglo).

Nagsimulang mabuo ang anarkismo mula sa milyu na ito, sa salita ng “klasikal” na anarkistang si Peter Kropotkin, ang “left wing” ng sosyalismo. Katulad ng lahat ng sosyalista, ang anarkista ay nagtutuon ng pansin sa ekonomiya, mas espisipiko sa kapitalismo, na nakita na ang mga uring manggagawa sa mga pabrika at bukirin, pati na rin ang mga artisano, ay ang pangunahing magsusulong ng rebolusyon. Naramdaman rin nila na marami sa mga sosyalista ay nasa “kanan” o nonlibertarian na bahagi ng anarkismo, malabnaw sa kanilang kritika sa estado, sa madaling sabi. Ang mga unang anarkita, katulad ng lahat ng mga anarkita pagkatapos nila, ay tiningnan ang estado bilang kasangkot rin sa pagtataguyod ng panlipunang dominasyon; ang estado ay nakikitugma at nakikiayon sa kapitalismo, pero siya ay may sariling kaanyuan. Katulad ng kapitalismo, ang estado ay hindi “makikipag-areglo” sa kahit anong sosyopolitikal na sistema. Tinatangka nitong kumamkam ng mas marami at mas marami pang espasyo ng pamamahala. Ito ay hindi neutral at hindi rin ito pupwedeng idaan sa “checked and balanced.” Ang estado ay mayroong sariling lohika ng pamamalakad at pagkontrol, ang pagiging ganid sa politikal na kapangyarihan. Pinanghahawakan ng mga anarkista na ang estado ay hindi puwedeng gamitin na instrumentong magpapabagsak sa kapitalismo, o gamitin bilang isang transitional strategy tungo sa isang noncapitalist, nonstatist na lipunan. Ipinapalaganap nila ang “no gods, no masters” na pagtingin, na nakasentro palibot sa tatlong pinaka-iingatan ng kanilang panahon—kapital, estado, at simbahan—kontra ito, bilang halimbawa, sa ipinahayag ng The Communist Manifesto, “the history of all hitherto existing society is the history of class struggles.” Hindi naman sa hindi ito sineseryoso ng mga anarkita; mayroong kasing ibang kasaysayan at ibang paraan nang pakikiba—isang bagay na patuloy na pinupunan ng anarkismo sa dumadaan na mga dekada.

Katulad ng natututunan ng marami ngayon, tinalakay ng anarkismo ang isang bagay na dapat na matagal nang hinarap ng Marxismo: dominasyon at hirarkiya, at ang kanilang kapalit sa iba’t ibang konteksto na mayroong pagtatangi sa Kalayaan. Kung gayon, ang kasikal na yugto ng anarkismo ay nagpakita nang maraming butas, pati na ang kaunting kawalan ng kakayahan. Ang mga usapin sa kasarian at lahi, kung saan nangyayari ang dominasyon lagpas sa kapitalismo, ang estado, at ang simbahan, ay madalas na binibigyan ng maigsing panahon o hindi na lang pinapansin. Ang anarkismo noong siglo-19 ay hindi naman talaga palaging nasa unahan ng panahon nito sa pagtukoy sa iba’t ibang anyo ng opresyon. O binigyan nito ng tuon ang pagkasira ng kalikasan.

Siyempre, ang paghahambing sa klasikal na anarkismo sa anarkismo ngayon na may mas masinsin na pagkaunawa sa mga uri ng kaayusan at sa hindi mabilang na uri ng dominasyon ay hindi makatarungan- para sa anarkismo at sa ibang sosyalismo. Ang anarkismo ay umuunlad sa pagdaan ng panahon, theoretically at sa pamamagitan ng praktika. Ang dynamism, na esensiyal na prinsipyo, ay mayroong malaking bahagi sa pagbibigay kakayahan sa anarkismo na tingnan ito bilang isang hamon. Ang pagiging bukas nito sa ibang social movement at radikal na ideya ay umaambag pa lalo sa patuloy nitong pag-unlad. Katulad ng mga bagong politikal na pilosopiya, kinakailangan ng napakaraming isip at napakaraming eksperimento sa loob ng maraming taon para maihulma ang anarkismo tungo sa mas buo, at panibagong pagtingin sa mundo— isang proseso, kung seseryosohin ang inisyal na kilig ng anarkismo, na palaging palawakin ang pagtingin sa mundo para mapunan ang mga dagdag na kakulangan. Ang anarkismo ay patuloy na tinitingnan ang sarili nito bilang “nasa simula,” bilang pagbanggit sa kakalabas lang na pamagat ng isang antolohiya.

Mula sa pagsisimula nito, ang ugat sa layunin ng anarkismo ay palaging nasa pagtanggal at pagbura sa lahat ng nakakabulok na hirarkikal na relasyong panlipunan, at mangarap na makabuo ng isang consensuwal, egalitaryong lipunan sa lahat ng pagkakataon. Sa panahon ng rebolusyonaryong pagkakataon, at sa isang yugto kung saan ang mga sinaunang gawi ng buhay ay hayag na sinira ng malaking pagbabago, ang mga unang anarkista ay madalas na mapaghangad sa kanilang pananaw para sa mas mabuting mundo. Humuhugot sila sa unti-unting nawawala (mula sa small-scale agrarian communities tungo sa mga commons) at kung ano ang tinatanggap (mula sa may potensyal na mapagpalayang teknolohiya tungo sa mas demokratikong estrukturang pampolitikal) upang makabuo ng hindi nababali at nagbabagong hubog na etika.

Ang mga etika na ito ay nananatiling nagpapagalaw sa anarkismo, ibinibigay nito ang pinaka-nakakamangha tungkol sa mga ginagawa nito. Ang mga paniniwala nito ang nagsisilbing hamon para patuloy na harapin ang makulay na tanikala ng kalayaan sa pamamagitan ng pagpapa-unlad ng kalidad ng buhay para sa lahat sa kasalukuyan. Ang anarkismo ay palaging “hilingin ang imposible” kahit na sinusubukan din nitong “tukuyin ang imposible.” Ang ideyalismo nito ay palaging isinasagawa. Ang mga hirarkikal na anyo ng panlipunang kaayusan ay hindi kayang punan ang pangangailangan o hangad ng karamihan sa mga tao, at palagi namang ipinapakita ng mga non-hierarchical na anyo ang kanilang kakayahan na mapalapit sa layuning ito. May saysay ito sa pagiging bantog at etikal na bahagi para mag-eksperimento sa mga kuro-kurong utopian. Walang ibang politikal na polisiya ang gumagawa nito na tuloy-tuloy at bukal sa loob, maalab na damdamin, at mayroong pangkalahatan na katapatan tungkol sa naparaming dead-end sa paglalakbay.

Naiintindihan ng anarkismo na ang kahit anong egalitaryong uri ng panlipunang kaayusan, lalo na iyong naghahanap ng mapagpursiging pagtanggal sa dominasyon, ay kinakailangang nakaangkla sa parehong indibiduwal at kolektibong kalayaan—walang magiging malaya hangga’t lahat ay malaya, at lahat ay magiging malaya lang kung ang bawat isang tao ay may kakayahang magnilay o tingnan ang kanilang sarili sa pinakamalawak na pangkalahatan. Ang anarkismo rin ay kinikilala, kahit papaano, na ang gawain na iyon ay parehong kinakailangan ng patuloy na pagbalanse at ng mga bagay sa totoong buhay. Ang kalayaan ng isang tao ay kadalasang umaapak sa kalayaan ng iba, o ng lahat. Walang common good ang pupwedeng mapunanan ang pangnagailangan at hangarin ng lahat. Mula sa simula, tinatanong ng anarkismo ang mahihirap at pinaka-pragmatikong tanong: Ang pagkilala sa akto ng pagbabalanse ng isang self-society bilang bahagi ng kondisyon ng tao, paanong isasagawa ng mga tao ang kolektibong pagkilala sa kanilang mga buhay para maging kung anong gusto nila at kasabay nito ay bumuo ng mga komunidad na kaya ring hubugin batay sa kagustuhan ng lahat?

Pinapanatili ng anarkismo na ang tensyon ay positibo, bilang isang malikhain at bahagi ng pagiging tao. Idinidiin nito na ang mga tao ay hindi pare-pareho, o na kailangan nilang maging, gustuhin, o hangarin ang pare-parehong mga bagay. Sa pinaka-tampok nito, ang pinaka-basic na hangarin ng anarkismo para sa isang malayang lipunan ng malayang mga indibiduwal ay nagbibigay ng transparency kung ano ang ba dapat ang isang demokratikong proseso. Ang mekanismo sa Assembly decision-making ay mahirap na trabaho. Nagtatanong ito ng mahihirap na mga tanong. Pero sa pamamagitan nito, tinuturuan ng mga tao ang kanilang sarili kung ano ang mga batayan ng kolektibong pamamahala sa sarili, sa pagbibigay ng kapangyarihan sa lahat. Ang mas mahalaga, ang mga tao ang tumutukoy sa estruktura ng panibagong mga espasyo ng posibilidad sa loob ng luma.

Ang anarkismo ay nagbibigay boses sa dakila ngunit mapagkumbabang paniniwala, na niyakap ng tao sa kasaysayan ng sangkatauhan, na puwede tayong mag-hiraya at magtayo ng isang kamangha-mangha at mayamang lipunan. Ito ang espiritu ng anarkismo, ang multong gumagambala sa sangkatauhan: na ang ating mga buhay at mga komunidad ay pupwede pang maging mas maayos. At maging mas maayos, at pagkatapos ay mas maging maayos pa.


Cindy Milstein is the author of Anarchism and Its Aspirations, coauthor of Paths toward Utopia: Graphic Explorations of Everyday Anarchism, and editor of the anthologiesTaking Sides: Revolutionary Solidarity and the Poverty of Liberalism, Rebellious Mourning: The Collective Work of Grief, and most recently, Deciding for Ourselves: The Promise of Direct Democracy. Long engaged in anarchist organizing, contemporary social movements, and collective spaces, Cindy currently is part of solidarity efforts for people facing state repression and co-organizes the Institute for Advanced Troublemaking’s Anarchist Summer School in Worcester, MA.

(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Lipunan

Walang ganap na rebolusyon. Walang perpektong rebolusyon. Wala ring katotohanan ang rebolusyong matagumpay na babasag sa inhustisya ng isang bansa, at ng mundo. Kapag pinagninilayan ko ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka, mula sa Katipunan hanggang sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan, ang pangunahing balangkas ng mga ganitong uri ng rebolusyon ay kunin ang kapangyarihan ng sentro. Ang sentro na kapangyarihan ay nabubuhay sa iisang balangkas ng kaayusan. Mapanganib ang sentral na kapangyarihan, mapanganib ang kapangyarihan. Ang pagbibigay-lakas sa iilan  ang patuloy na suliranin ng lahat ng bansa sa mundo.

Noong kabataan ko sa unibersidad, kapag tinatanong ko sa mga kasamahan kong aktibista kung ano ang Pilipinas pagkatapos ng rebolusyon, hindi rin malinaw sa kanila ang hulma ng lipunan na inaaral namin sa mga educational discussion. Ano ang Pilipinas sa ilalim ng sosyalismo, ng komunismo. Magkakaiba ang kanilang sagot, kani-kaniya sila ng pagtatayo ng imahe sa inaakala naming malapit na hinaharap.

Kung hindi malinaw ang lipunan pagkatapos ng rebolusyon, anong kasiguraduhan kong hindi maghihirap ang sambayanan, ano ang katiyakan ko na hindi ito matutulad sa nangyari sa Tsina at Russia. Sisisihin ko ba ang rebisyonismong tendensiya ng mga namumuno sa isang bansa na mayroong iba’t-ibang konteksto?

Mapanganib ang ideya, pumapatay ang mga konsepto. Nakatatakot ang salita at makapangyarihan ang mga pangungusap. Ilang buhay na ba ang nawala dahil sa mga malalaking rebolusyon, ilang trilyon na ba ang ninakaw sa taong bayan para may ilagay na bala sa baril ng nagtutugaliang panig?

Kapag lumalabas ang ganitong tanong sa isip ko, pinapaalala ko sa sarili na batayang masa ang mapagpasya. Pero nasaan ang linya ng pagiging tiyak dahil nag-iisip para sa sarili at pagiging tiyak dahil sinasabi ng iba. Kailan ang tamang panahon para magrebolusyon? Anong uri ba ng rebolusyon ang dapat na mangyari?

Kakaiba ang digmaan ng bagong panahon, hindi ito katulad ng mga digmaang gamit ang armadong puwersa. Hindi ito paramihan ng lupain. Ang digmaan ngayon ay labanan ng ideya, nakawan ng isip, at malawakang pagtutuloy ng hipnotismong iniwan ng kolonisasyon. Nasa punto tayo kung saan mayroong kapasidad ang mga bansa na punan ang pangangailangan nito gamit ang patuloy na umuunlad na teknolohiya. Pero hindi nila ito ginagamit, at wala sa plano ng mga nasa itaas na gamitin ito.

Yumayaman ang iilan sa pagiging atras ng lipunan, nagkakaroon ng kasigurahan ang mga mayayaman sa katangahan ng bayan. Ang pagpaparamdam ng kaunting ginhawa ang susi para masabi nilang umunlad na ang bansa.

Hindi na armadong pakikibaka ang solusyon. Pinapanatili lang nito ang sakit ng lipunan at papapatatagin lang nito ang hirarkiyang pinag-uugatan ng lahat. Walang tiwala ang rebolusyon sa sambayanan, na pangunahing miyembro rin ng rebolusyong ito. Masakit na katotohanan ang paranoyang bumabangon sa isang rebolusyonaryong gobyerno, mas matalas ang kanilang mga tenga sa kaunting indikasyon ng pag-aaklas, ng mga kontra-ideya. Kaya palaging may paghihigpit pagkatapos ng rebolusyon, kaya nagkakaroon ng hindi balanseng pagtutunggali ng mga nagnanais pumalit sa kapangyarihan.

Pero paano kung mawala sa usapin ang kapangyarihan? Paano kung ang babalikan natin ay ang komunidad at hindi ang pagpapalit ng sistema. Ang paglaban sa loob ng sistema ay paglaban sa imahe ng salamin. Ang rebolusyong pinaghahandaan ng lahat ng estado sa mundo ay kabisado na nila, at nailatag na nila ang pundasyon para hindi matuloy ang kahit na anong uri ng rebolusyon. Alam ng imperyo kung paano nito ikakahon ang sarili, at hangga’t mayroong mga panig na nagsasagupaan para sa kapangyarihan, hindi magkakaroon ng kahulugan ang kalayaan.

Bata pa ang Pilipinas at isip-bata pa ang mga Pilipino. Matagal pang panahon ang pagdaraanan ng gusgusin nating republika bago natin mapagtanto na ang rebolusyong magbabago sa lahat ay ang pagbasag sa lipunan, ang pag-alpas sa usapin ng dalawang panig, at ang pagninilay tungkol sa konsepto ng espasyo, pagpapahalaga sa sarili, at ang pagbibigay halaga sa pagbubuo ng panibagong kahulugan ng komunidad na nakaangkla sa pagbasag sa ideya na dapat mayroong namumuno at may pinamumunuan.

Kinakailangan nating maging malikhain kung paano natin titingan ang hinaharap. Maging pundasyon nawa natin ang bawat balita ng inhustisyang kinakaharap ng bansa ngayong panahon ng pandemya. Napakalayo pa natin, at pagkakataon ito para alamin kung ano ang Pilipinas sa hinaharap.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Proseso

Kapag tinitingnan ko ang mga nangyayari sa LGU, hindi ko magawang hindi makaramdam ng dismaya. Binibigyang kapangyarihan ng gobyerno ang mga local government units ng awtonomiya, hindi nila pupwedeng utusan ang mga barangay kung paano nila gagawin ang kanilang trabaho. Dahil dito, marami sa mga barangay ay hindi alam ang gagawin sa pang-araw-araw na pangunguna sa barangay. Wala akong kilalang opisyal sa barangay na pumasok bilang kagawad o kapitan na alam ang gagawin sa barangay. Maliban sa pagbibigay ng pangangailangan ng mga nasasakupan nila batay sa konteksto ng kanilang lugar, kailangan rin nilang ipatupad ang mga guideline na ibinibigay ng DILG at gobyerno. Pero sa maraming pagkakataon, hindi direktang ginagabayan ng DILG at gobyerno ang mga barangay, maliban sa napakaraming barangay sa Pilipinas, kinakailangan rin nilang pangalagaan ang awtonomiya ng mga ito.

Isa sa mga pinakamalapit sa akin na opisina ng barangay ay ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) dahil ito ang opisina na nangangalaga sa karapatan ng mga bata at humahawak sa mga kaso ng Child At Risk (CAR) at Child In Conflict with the Law (CICL). Mahalaga ang opisina na ito para mabigyan ng interbensyon ang mga batang nangangailangan. Sa mga barangay na nabisita ko, sa Maynila at sa Bikol, ang isa sa mga nagiging hamon sa mga barangay ay ang kakulangan ng mga social worker na kinakailangan para tumanggap ng tawag at umasikaso sa mga dudulog sa mga kaso ng bata na matatanggap ng barangay. Kahit sa Maynila, mayroong kakulangan ng mga social worker na nagtatrabaho para sa DSWD. Kaya madalas, part-time lang na mga social worker ang nakakaagapay ng barangay. Ang nangyayari, napakaraming kaso ang hindi nabibigyan ng kaukulang atensyon.

Mahirap iyon ipaintindi lalo na sa mga opisyal sa barangay na nakatira sa probinsya. Ang proseso ng pagdidisiplinang kinalakihan nila noong sila ay bata pa ay inihahambing nila kung paanong naging maayos naman sila ngayon at naging kapakipakinabang sa lipunan.

—Victoria Garcia

Kapag hindi nasasaayos ang mga proseso ng BCPC, mayroon itong malaking epekto sa mga CAR at CICL sa isang lugar. Kung hindi marunong humawak ng kaso ng mga bata ang mga opisyal na kabilang sa BCPC, imbes na pangalagaan ang karapatan ng bata ay baka malabag pa nila ito. May mga pagkakataon na pinapatigil na sa pag-aaral ang bata dahil kailangan daw itong ipasok sa Bahay Pag-asa para ma-rehabilitate. Pero dumaragdag lang ito sa problema ng bata, lalo lang itong nakapagbibigay sa kanila ng stress lalo’t titigil sila sa pag-aaral. Ika-nga, dapat palaging “Best Interest of the Child”. Ang kinakailangan ng mga CAR at CICL ay tamang interbensyon para magabayan sila at malaman ng barangay ang mga dahilan kung bakit nila ginagawa ang mga bagay na nakakagambala sa pamayanan.

Sa tuwing nakakabalita ako na mayroong bagong kaso ng CAR at CICL sa amin, maliban sa kagustuhan kong malaman kung kumusta ang bata, ay gusto ko ring alamin ang mga prosesong dinadaanan niya sa kamay ng barangay. Hindi sa pagbibigay ng masamang imahe sa mga opisyal sa barangay, pero mayroon talagang kakulangan sa kaalaman at training ang mga opisyal natin. Ang mga pinanghahawakan nilang mga paniniwala ay nakaayon pa rin sa nosyon natin kung paano dapat disiplinahin ang mga bata. Pero hindi na lang pagpalo o pagpaparusa ang mga pupwedeng gawin na pagdidisiplina, kaya mayroong tinatawag na positive discipline. Ito ay alternatibong paraan para maiwasan ang mga paglabag sa karapata ng bata. Mahirap iyon ipaintindi lalo na sa mga opisyal sa barangay na nakatira sa probinsya. Ang proseso ng pagdidisiplinang kinalakihan nila noong sila ay bata pa ay inihahambing nila kung paanong naging maayos naman sila ngayon at naging kapakipakinabang sa lipunan. Pero paano iyong mga bata na nagkaroon ng trauma, iyong mga bata na nawalan ng tiwala sa sarili dahil sa mga taktika sa pagdidisiplina na umaatake sa personal na kakayahan ng bata? Nasabi ko na ito dati, hindi nagiging disiplina ang pananakit. Pang-aabuso ang disiplina na gumagamit ng dahas.

Dito rin pumapasok ang mga Non-Government Organization na nagpupunan sa mga kakulangan ng gobyerno na bigyan ng kaukulang kakayahan ang mga kawani ng LGU. Malaki ang pasasalamat ko sa mga organisasyon na nag-aabot ng tulong ay bukas loob na nagbibigay sa amin ng training tungkol sa iba’t ibang mga paksa. Kung ihahambing ko ang kaalaman namin ngayon sa LGU tungkol halimbawa sa mga operasyon ng mga pulis lalo na kapag tungkol sa droga. Dapat inaabisuhan ng mga pulis ang barangay kung saan sila magsasagawa ng operasyon, dapat mayroon silang kasamang kawani ng barangay sa araw o gabi ng operasyon. Kukundinahin ng LGU ang kahit anong operasyong hindi ipinaabot sa mga barangay. Ito ay isang hakbang para mabawasan ang abuso katulad ng nangyari noong 2016. Ang kapangyarihan ng bibig na magbitaw ng utos ay tinatanggap na totoo ng karaniwang tao nang hindi iniisip ang mga implikasyon ng mga aksyong magbubunga dito. Hindi isang diyos ang nasa mataas na gobyerno at hindi obligadong manatiling tapat ang kahit sino sa estado. Kung ang estado ay hindi pinapangalagaan ang kapakanan ng lahat ng mamamayan, mula sa tinitingnan bilang mababa at sa iniilusyong nasa taas, bakit ko ibibigay ang katapatan ko sa kanila?

Ito ang nagiging pansariling suliranin ko lalo na noong mainit ang balita tungkol sa mga bangkay na nakikita na lang sa mga bangketa ng Maynila. Mayroong takot noon na paano kung umabot sa amin ang salot na pinakawalan, paano kung isang araw may makita akong bangkay habang naglalakad papunta sa simbahan ng Penafrancia?

Kami ang nasa labas, at mas makapangyarihan kami sa aming balwarte kaysa sa mga naninirahan sa kalayuan. Hindi ko sinasabing wala kaming mga demonyong umaaligid, marami rin dito, mga pami-pamilya. Pero kahit sila ay mahina ang hawak sa mamamayan.

—Victoria Garcia

Pinaglalaruan ng takot ang isip at bumabangon ang alinlangan sa araw-araw na pagpasok sa munisipyo. Pero sino nga ba sila, ano nga ba ang posisyon ng mga nasa sentro sa usapin ng mga nasa labas. Kami ang nasa labas, at mas makapangyarihan kami sa aming balwarte kaysa sa mga naninirahan sa kalayuan. Hindi ko sinasabing wala kaming mga demonyong umaaligid, marami rin dito, mga pami-pamilya. Pero kahit sila ay mahina ang hawak sa mamamayan. Sumasagana lang sila dahil nakakabit ang kadena nila sa puwerta ng kapangyarihan. Nakahanda lang sila na dilaan ang tae ng taga-sentro, dahil naniniwala silang ginto ang tae ng mga ito. Kaya hayok na hayok kung humimod ang mga ito, lalo na iyong nabibigyan ng pagkakataong makaapak sa palasyo ng sentro.

Sa huli, kami na gumagawa ng paraan para maging maayos ang nagiging serbisyong umaabot sa kasama namin sa pamayanan ang pinakamahalaga. Hindi ang mga malalaking pangalan na nakakalat sa bawat poste at bawat pader ng probinsya. Hindi naman sila bumababa para tingnan ang mga ginagawa namin, inaangkin lang nila ang mga nagagawa namin bilang sa kanila. Kunwari’y sila ang nagpapasuweldo sa amin, pero ang totoo’y ang taong bayan.

Kami ang gumagawa ng proseso, kami ang nagsasagawa ng mga hakbang sa loob ng proseso. Kaya masama ang loob ko tuwing eleksyon, lumalabas sa bibig ng mga nasa posisyon ang mga bagay na hindi nila sinubaybayan, hindi nila pinaglaanan ng oras, at hindi nila sinuportahan. Pero ganoon na nga siguro ang sistema, silang maliliit na gumagawa sa likod ng kurtina ang tunay na mga bayan, pero hindi natin iyon alam. Dahil ang naririnig lang naman natin ay ang mga malalaking pangalan na nabibigyan ng pagkakataong magsalita sa harap ng entablado, sa itaas ng pulpito, sa harap ng mikropono.

Kailangan kaya tayo matututong magtanong: Kami ang kumakayod pero bakit kayo ang nakikinabang?

Sa tuwing dumadaan ang mga araw, mas tumataas ang respesto ko sa mga katulad kong kawani. Hindi gagana ang kahit anong makina kung wala ang mga maliliit na mga piyesa. Sana, isang araw, malaman natin kung anong uri ng serbisyo ang dapat nating asahan mula sa mga taong sapilitang kumukuha ng bahagi ng kinikita natin sa araw-araw.

Matagal pa siguro bago natin makita ang kahalagahan ng pagtatanong sa sarili, sa mga taong nasa posisyon, at sa mga taong nakakasalamuha natin. Hindi pa tayo handang harapin ang mga tanong tungkol sa proseso, mga tanong kung bakit ganito ang sistema.

Sa ngayon, babalik ulit ako sa trabaho para gampanan ang tungkulin ko. Ang mahalaga sa akin ay makapagbigay ng serbisyo, kahit sa maliliit na mga paraan. Hahayaan ko na silang magsirko sa harap ng entablado.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Bagong Normal

Gusto kong magpahinga mula sa pagsusulat nitong nagdaang mga linggo. Siguro dahil gusto ko munang bumalik sa pagninilay at huwag itulak ang sarili na magsulat dahil kailangan kong magsulat. Palagi kong pinapaalala sa sarili na nagsusulat ako dahil gusto kong magsulat, dahil gusto kong magkuwento at gusto kong magsalita. Nagpaabot ako ng abiso sa Revolt Magazine na magpapahinga muna ako at alam kong tinanggap nila ang naging pabatid ko.

Ngayon, pagkatapos ng ilang araw na pagninilay at pagtuon ng atensyon sa nakatambak na gawain sa opisina, napagtuunan ko ng pansin ang mga personal kong panulat: Parker Pen, Pilot Vball, at Jinhao X450 na naglalaman ng Oxblood ng Diamine.

Magkakaiba ang nagiging gamit ko sa mga ito. Ang madalas kong ginagamit kapag gumagawa ako ng outline ng mga dokumento ay ang Parker pen, dahil mas madulas sa kamay. Ang Pilot V-ball naman ay ginagamit ko sa pagpirma ng mga dokumento. Ang Jinhao X450, personal kong ginagamit sa mga journal entry ko at sa pagtatala ng mga bagay-bagay para sa sinusulat kong nobela.

Dahil sa kasalukuyan nating kalagayan, sa malaking bahagi ng araw-araw, lumilipat na ang halos lahat sa espasyong digital. Dahil kumakalat ang sakit sa isang lugar kung saan mayroong nagsasama-samang populasyon ng tao, isa sa mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng sakit ay ang pagsasagawa ng mga aktibidad online.

—Victoria Garcia

Ngayon na mas mahaba na ang oras na inilalagi ko sa bahay, mas naiintindihan ko ang gamit sa mga panulat na ginagamit ko. Ang Jinhao X450, para sa mga may kaalaman sa mga fountain pen, ay wet. Dahil ang ginagamit ko ay medium nib, mas maraming tinta ang ginagamit ng fountain pen na ito na nag-iiwan ng mas basang sulat sa papel. Hindi lahat ng papel ay pupuwedeng sulatan ng mga fountain pen, mayroong mga papel na kapag ginamit ng fountain pen ay dumudugo o nagbe-bleed, ibig sabihin ay tumatagos sa papel ang tinta. Hindi maganda tingnan ang sulat ng mga fountain pen sa mumurahing papel. May ilan-ilang papel na pupwedeng pagsulatan, pero ang pinaka-kilala sa mga ito ay Tomoe River at Midori na parehong gawa sa Japan. Hindi pa ako nakakagamit ng Tomoe River at Midori pero may ilan akong ginagamit na bond paper na inilalagay ko sa clip board para pagsulatan.

Napansin ko rin na hindi gaanong maitim ang tinda ng ginagamit kong parker pen, hindi siya kasing tapang ng itim na tinta sa ginagamit kong Pilot V-ball. Pero pareho ko silang gusto dahil mayroong ipinagkasundong gamit para sa kanila.

Bakit ko ikinukuwento ang aking mga ginagamit sa pagsusulat, bakit ko ito binabahagi sa inyo? Dahil sa kasalukuyan nating kalagayan, sa malaking bahagi ng araw-araw, lumilipat na ang halos lahat sa espasyong digital. Dahil kumakalat ang sakit sa isang lugar kung saan mayroong nagsasama-samang populasyon ng tao, isa sa mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng sakit ay ang pagsasagawa ng mga aktibidad online. Noong nagsimula ang opisina na magkaroon ng mga pulong online, marami sa mga kasamahan ko ang naglalagay ng tala sa harap ng kanilang computer. Sinubukan ko rin ito, maglagay ng mga hinuha sa Microsoft Word. Pero hindi ito epektibo para sa akin, hindi ko naalala ang mga bagay na inilalagay ko sa Word Processor. Sa panahon na bumibilis ang lahat ng mga bagay, kinakailangan kong maghanap ng kabagalan. Kinakailangan ko ng panahon para magnilay at pag-isipang mabuti ang mga nangyayari.

Ang buhay ko ngayon ay sinusubukan kong huwag gawing instant. Ayaw kong magdesisyon sa isang click. Gusto kong isipin ang mga epekto, depekto, tulong, at suliranin ng mga nais gawing aktibidad ng LGU. Pero sa akin lang iyon, sa bahagi ko lang.

Napansin ko, kapag ikinukulong natin ang sarili sa mga bagay na digital, dahil sa mabilis na pagpapalit ng tab at paglilipat ng mga window, maraming mga detalye ang hindi natin naalala. Ang bumabalik lang sa akin ay ang mga malalaking detalye, mga pangunahing aktibidad sa araw-araw. Hindi natin naalala ang mga maliliit na mga bagay, na kapag pinagsasama-sama ay mas malaki pa sa mga pinagtuunan ng pansin.

Matapos kong magpaalam sa Revolt na kailangan ko na munang magpahinga, sinabihan ko ang sarili ko na kailangan kong bumalik sa pagsusulat sa notebook. Kailangan kong damhin ang tinta sa pisikal na papel. Ang bawat kurbang ginagawa ng aking Jinhao, Pilot, at Parker. Ang ligaya sa pagsusulat gamit ang tinta ay ang mabagal na pagbubuo ng mga pangungusap. Ang pag-iisip sa mga salitang binibitawan, na sa maraming pagkakataon ay hindi nangyayari online. Mas natatandaan ng isip ang isinulat gamit ang tinta, at mas dumudulas sa isip ang mga bagay na itinitipa sa keyboard. Nagsusulat ako hindi para masabi na nakapagsulat. Magkaiba ang nagsusulat dahil kinakailangan, sa nagsusulat dahil gustong magsulat.

Ang ligaya sa pagsusulat gamit ang tinta ay ang mabagal na pagbubuo ng mga pangungusap. Ang pag-iisip sa mga salitang binibitawan, na sa maraming pagkakataon ay hindi nangyayari online.

—Victoria Garcia

Sa pagbuo natin ngayon ng bagong normal, huwag sana nating kalimutan na ang lahat ng bagay ay hindi dapat gawing online. Marami pa rin sa mga bagay na kinalakihan natin o iniwan dahil itinutulak ng panahon, kapag ibinalik, ay makakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan ng isip. Marami akong kinakaharap na suliranin sa online pero idinidikit ng tinta ang sarili ko sa realidad. Kasama sa pagsusulat ang pagod ng kamay, at ang pagod ng isip. Ito ang nagbibigay ng kakayahan sa panulat na mas yumabong, dahil mas naipapahinga ng sarili ang katawan kapag napagod ang isa sa dalawa.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Tungkol sa Pagbabasa

Walang silid-aklatan sa amin, mayroon lang sa Partido State University, pero wala sa mga barangay. May ilan-ilang libro sa mga elementary school pero hindi matatawag na silid-aklatan ang estante ng mga lumang textbook. Hindi ako lumaki na nagbabasa ng mga kuwento, pero palagi akong nakikinig sa radyo ng mga drama. Pinapakinggan ko ang bawat tunog ng pag-akyat sa hagdan, pagsara ng pinto, ang dramatikong pagsigaw. Kapag nakakatulog ako sa gitna ng pagpikit at pagtutulak sa imahinasyon na buuin ang mga eksena sa dramang radyo, sumasama ang loob ko kinabukasan. Kaya nang madiskubre ko ang kapangyarihan ng pagbabasa, nang masira ang luma naming radyo sa bahay, umaasa ako na kakanlungin ako ng mga salita.

Tinitingnan ko pa rin ang pagbabasa bilang isang proseso ng pagtuklas, paghahanap ng bagong babasahin, at pagpapa-unlad sa panlasa sa mga akdang babasahin. Nagsimula ako sa pagbabasa ng Pilipino komiks, kay Kenkoy, at mga komiks ni Jess Abrera sa Inquirer.

Mula sa akdang pampanitikan ng komiks, ang pagsanay sa utak na magbasa ng mga punchline at pagbabasa sa konteksto ng bawat panel, mayroon pa palang kasing laking mundo sa labas ng komiks, nandyan ang mga kuwento, nobela, tula, at mga akdang pampanitikan na nag-aabang lang na bigyan ko ng pansin.

Nang makapag-aral ako sa University of Nueva Caceres at manirahan sa Naga nang mag-isa, doon ko nadiskubre ang lawak ng mga librong pupwede kong basahin. Nakilala ko, mula sa estante ng maliliit na bookstore ang mga pangalan ni Gabriel Garcia Marquez, Orhan Pamuk, Margaret Atwood, at Doris Lessing.

Kani-kaniya tayo ng gustong basahin, may mga bagay tayo na gustong malaman.

Mahalaga para sa akin ang apat na manunulat na ito dahil nahikayat nila akong magbasa, hinikayat nila akong hanapin ang mundo labas sa mga kuwentong pag-ibig na pinapakinggan ko sa mga dramang radyo. Kahit na umiibig si Ka sa nobelang Snow ni Orhan, hindi pa rin ito naihihiwalay sa pag-alab ng rebolusyon sa Kars.

Kani-kaniya tayo ng gustong basahin, may mga bagay tayo na gustong malaman. Kaya mapili tayo sa dapat basahin, hindi niyo ako mapapabasa ng mga kuwentong pag-ibig dahil interesado ako sa sistema. Pero ang sistema, hindi nabubuo nang walang mga indibiduwal na handang umibig sa loob ng kuwento. Pero may mga kuwentong tungkol sa pag-ibig pero hiwalay sa lipunan, hiwalay sa mga sakit ng mundo, na parang binura na ng kuwento ng pag-ibig ang lahat ng pangit sa mundo.

Pero hindi nawawala ang pangit sa mundo, nananatili ito dahil pinipili nating hindi alamin ang mga dahi-dahilan sa mga ito. Tinatanong ko palagi ang sarili ko, habang tumitingin-tingin sa Booksale sa SM Naga, kung ano ang gustong sabihin ng librong hawak-hawak ko. Itutulak ba ako ng akda na ito para umalpas sa pansarili kong normal? Yayanigin ba nito ang paniniwala ko, maduduwal ba ako o mahihilo dahil kontra-sarili ang akda?

Binabaliw tayo ng pagbabasa, sinusundan natin ang kuwento ng mga tauhan sa isang nobela, at iniintindi natin ang mga ginagawa nilang desisyon. Mayroon silang ipinapasa sa atin na anyo ng pag-iisip. Halimbawa, kung binasa natin ang No Exit ni Jean-Paul Sartre, itinutulak tayo ng akda na pagnilayan ang sarili at ang pagkakaroon/kawalan ng saysay ng mga pangyayari at kung bakit ang karanasan minsan ay isang kasinungalingan. Masalimuot ang mahuli sa sapot ng existentialism. Pero matatapang ang nakakalagas sa usapin ng sarili, ng isip, at ng mga bagay na dinadakma ng mata. Bahagi ng pagbabasa ang malay at hindi malay na pagtanggap ng paniniwalang inihahandog ng akda.

Binabaliw tayo ng pagbabasa, sinusundan natin ang kuwento ng mga tauhan sa isang nobela, at iniintindi natin ang mga ginagawa nilang desisyon.

Sa mga librong pangkasaysayan, ganito rin ang nakikita kong karaniwan na kaso. Ang isinulat na History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo, The Philippines: A Past Revisited ni Renato Constantino, ang Tadhana ni Ferdinand Marcos at Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero ay tumatalakay sa nagtutugmang mga panahon. Pero nagkakaiba sila ng pagbibigay kahulugan sa mga nangyari sa kasaysayan.

Ganito rin ang debate tungkol sa Communist Party of the Philippines, Jose Maria Sison, Ninoy Aquino, at Jesus Lava. Sa tingin ko, kapag hindi tayo nanginig dahil sa mga binasa natin, madali tayong maisasabay ng agos kung ano ba ang CPP, kung bayani ba si Marcos, o kung bakit nagkaroon ng internal purge sa loob ng partido dahil pinasok ng mga deep penetration agents.

Binibigyan tayo ng mga akdang binabasa natin ng sapat na kakayahan na bigyang hatol ang kasaysayan. Sa pagsunod natin sa mga aksyon ng isang tauhan, pinapangunahan natin kung ano ang mangyayari at minsan ay nagugulat tayo dahil iba ang ginawa ng tauhan sa inisip nating gagawin niya. Sa huli, mas lumawak ang pagtingin natin sa paggalaw ng tao, mas lumawak ang mga posibilidad na nakikita natin.

Kapag natutunan natin kung paano humatol sa kasaysayan, mabibigyan rin tayo ng kakayahan na hatulan ang kasalukuyang sistema. Ito ang pinaka-mahalaga, dahil dito nagsisimula ang paghahangad ng pagbabago. Hindi natin puwedeng baguhin ang ating mundo nang hindi natin alam kung ano ang ugat ng paghihikahos.

Isang patibong rin ang pagbabasa, mayroon ring negatibong bahagi ang pagpili ng mga babasahin.

Pagkatapos ng ilang nobela na nabasa ko, umalpas na rin ako sa mga akdang tumatalakay sa mga teoryang panlipunan. Kapag nagbabasa tayo ng isang teorya, binibigyan tayo ng bala para tukuyin kung tungkol saan ba ang binabasa natin, kung saan konektado ang nangyayari sa lipunan, kung bakit mayroon pa ring mahirap.

Isang patibong rin ang pagbabasa, mayroon ring negatibong bahagi ang pagpili ng mga babasahin. May mga pagkakataon rin na lumalawak ang pananaw natin, pero lumalawak lang sa isang bahagi. Para itong isang mahabang highway, humahaba nang humahaba pero walang ibang daan kung hindi pasulong. Sa huli, aaabot ang kalsadang ito sa dalampasigan, at wala nang puwedeng gawan ng kalsada. Paglingon natin sa mahabang kalsadang ito, wala tayong ginawang ibang daan, tsaka tayo aatras at dadaan sa mga pupuwedeng daanan. Kapag nakita natin ang mga daanan na ito, tsaka natin makikilala ang lipunan sa kabuuan nito.

Napakarami ngayon ang nagbabasa dahil sa pag-unlad ng teknolohiya. Natutunan ko ito nang mahuli kong nagbabasa ang anak ko sa kaniyang cellphone. Tinanong ko siya kung anong binabasa niya, ang sabi niya sa akin ay artikulo tungkol sa nilalaro niyang online game. Noon, kapag mayroon akong gustong malaman tungkol sa panibagong teknolohiya, naghihintay ako ng paglabas ng mga magasin. Pero ngayon, mabilis na ang pagkuha ng mga babasahin. Ngayon-ngayon ko lang rin nadiskubre ang mga ebook reader na puwedeng ilagay sa cellphone para makapagbasa ng mga librong nasa kategoryang public domain.

Hindi katulad noon, mas malaki ngayon ang pagkakataon na makapagbasa, pero mas maikling sa tingin ko ang oras natin na magbasa. Dahil na rin sa dami ng inihahain ng internet, nakakalimutan natin na sa likod ng mga bawat social media post, kailangan pa rin natin ng sandata sa pagbibigay kahulugan sa mga ito.

Magsimula muna tayo sa pagbabasa, sa pagpili ng babasahin, at ang paghahangad na intindihin ang mundo.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.