Sa Katatagan; O Kumbakit Hindi Tayo Maisasalba Ng Pananalig (Ilang Paglilimi Sa Pagtatapos Ng Taon)

Ilang araw na lamang ang nalalabi, magsisimula na naman ang panibagong taon: 2021. Ngunit sa kasamaang palad, wala pa ring malinaw na sagot kung kailan matatapos ang pandemya hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong mundo. Hanggang ngayo’y iniraraos ko pa rin [paunti-unti] ang mga pinal na kahingian ng aking mga asignatura na umuusad naman kahit paano. Isang dahilan [bukod sa iba pang sirkumstansiya] kumbakit halos higit dalawang buwan din akong hindi nakapagsulat para sa Revolt [nauunawaan nila ang aking sitwasyon; maraming salamat]. Sa pagitan ng mga buwan na iyon ay naging abala rin ako kasama ng aking mga kaklase sa isang donation drive para makatulong sa aming kaklase na lumubog ang bahay sa Marikina gawa ng bagyong Ulysses. Matagumpay naman namin itong nairaos sa tulong ng mga kaibigan at propesor mula sa Unibersidad. 

Sa isip-isip ko, imposibleng hindi dama ng lahat ang ligalig na bumabalot sa bawat isa nitong mga nakaraang buwan o buong taon kaya. Sa totoo lang, kahit paano’y nanalig ako sa pangako ni Pangulong Duterte na sa pagdating ng Disyembre’y mag-uumpisang bumuti ang ating kalagayan laban sa pandemikong Covid-19 (Aguilar, 2020). Ngunit ngayong halos ilang tulog na lamang ay dudungaw na ang Enero, hindi ko maiwasang manlumo’t madismaya. Kasabay nito ang balitang ilan sa mga sundalo’t opisyal na pala ng pamahalaan ang napabakunahan kahit hindi pa ito opisyal na rehistrado sa Food and Drug Administration (CNN, 2020). 

Kay hirap unawain at intindihin ang mga aksyon ng pamahalaan, kung ano ba talaga ang mas matimbang pagdating sa kaligtasan ng ating mamamayan kontra sa virus na kumitil at patuloy pa ring kumikitil ng libo-libong buhay. Malinaw na hindi lamang pandemya ang ating problema, bagkus isa lamang sa iba pang mga sigalot na lumiligid sa paraan kung paano tayo kumikilos, nag-iisip at nagpaplano para malabanan ang covid-19, sang-ayon sa itinuturo sa atin ng mga nasa posisyon. Kumpirmado na rin na mayruon na ngang variant ang virus mula sa UK na mas mabilis kumalat kahit na hindi pa sigurado kung mas peligroso sa nauna (Le Page, 2020).  Tingnan na lamang ang lohika ni Francisco Duque III, na nagsabing ikokonsidera lamang ang travel ban kapag “nasa lebel na ng community transmission ang bansa,” (CNN Staff, 2020). Hindi ba’t ito rin ang dahilan kumbakit mabilis na kumalat ang virus sa ating bansa sa pagsisimula ng taon; ang kawalan natin ng kahandaan at pagiging “maagap” para maprotektahan ang ating bansa?  Hanggang ngayon ay nakaluklok pa rin siya sa puwesto sa kabila ng kontrobersiyal na pagkakasangkot niya sa labinlimang (15) bilyong pisong pondo na nanakaw mula sa PhilHealth bukod pa ang pinaniniwalaang kaniyang pananagutan kumbakit naudlot ang pagkakaruon ng Pilipinas ng bakuna mula sa Pfizer sa pinakamaagang panahon.

Mula sa mga ito’y mahihinuhang matatagalan pa bago maibalik sa “normal” ang lahat. Yun ay kung mayruon pa ba tayong “normal” na mababalikan. Dahil duda na rin akong makakabalik pa tayo sa dati kahit pagkatapos na mabakanuhan ang karamihan sa ating mamamayan. Mananatili ang mga problemang mental, pisikal, ekonomikal, pulitikal at sosyal na lalo lamang pinaigting ng Covid-19.  Lalo na’t hindi lamang pandemya ang problemang lumitaw sa atin sa taong ito. Nariyan ang mga bagyong Ulysses at Rolly, ang mga lindol, ang pagputok ng bulkang Taal sa Batangas, ang pagpapakamatay ng mga estudyante/mamamayan dahil sa problemang idinulot ng pandemya, ang karahasan ng kapulisan lalo na ang pinakahuling kaso kung saan nakitil ang buhay ng isang inosenteng ina at anak, ang kalunos-lunos na sinapit ng mga manggagawang walang permanenteng trabaho o nawalan ng trabaho at napakarami pang iba. 

Ang ikinatatakot ko lamang ay ang pagsasawalang bahala ng iba sa kasalukuyan pa ring peligro ng Covid-19. Hindi ko alam pero tila ba nakalilimutan ng mga tao [o pilit kinakalimutan?] ang sitwasyon na parang nawalan na sila ng dahilan pang matakot para sa kanilang kaligtasan. Sa lugar pa lang namin sa Tundo, makikita mo ang kumpulan ng mga tao sa lahat ng sulok ng kalsada lalo na sa mga pamilihan kagaya ng Divisorial, abala sa paghahanap ng mabibiling pamasko o regalo para sa sarili o iba kaya. Marahil ay ganuon na lamang kalakas ang kanilang pananalig sa mga pangako ng kapanatagan at kaligtasan mula sa pamahalaan, o di kaya’y isa ring epekto ng kawalang kaalaman sa totoong sitwasyon ng bansa pagkat napakalimitado pa lamang ng ating pagkakaunawa sa ating kinalalagyan. Samantalang ilan sa ating mga karatig bansa’y nag-uumpisa nang magbakuna, heto tayo’t nakikipagsapalaran na lamang sa pananalig at paniniwalang bubuti rin ang lahat kaya “bahala na” kung madapuan ng sakit o hindi. Ngunit paano kung hindi? Paano kong pagkatapos nito’y isa pang mas malalang sigalot ang maganap sa atin? Ano’ng naghihintay sa atin kung gayon sa pagtatapos/pag-uumpisa ng taon?

May isang kuwento si [Italo] Calvino tungkol sa isang propesyunal na minsang nakaramdam ng munting pananakit lamang ng katawan. Nagpakonsulta siya sa isang ospital na mayruong anim na palapag sang-ayon sa kalubhaan ng karamdaman. Nu’ng una, du’n lang siya nadestino sa unang palapag. Wala naman talaga siyang nararamdamang kahit ano (nu’ng umpisa). Pero habang tumatagal, palala nang palala ang diagnosis sa kanya ng mga duktor hanggang sa napunta siya sa pinakamataas na palapag, kung saan naruon ang mga malalalang pasyente na kagaya niya. Ang kinahinatnan, (sa pagkakatanda ko) hindi na siya nakalabas ng ospital. Nawalan na siya ng katinuan. 

Lahat ng iyon, dahil sa kanyang pagsunod/pananalig na “lamang” sa mga sinasabi ng nasa posisyon at paniniwala na “okay lang” ang lahat kahit na nu’ng una pa lamang ay litaw na litaw na ang mga pahiwatig ng kontradiksyon sa sinasabi at sa kinikilos ng mga “propesyunal” na ito. At sa palagay ko, hindi malayong mangyari sa atin iyon, kung makukuntento na lamang tayo sa sinasabing “responsableng” pagsunod at paniniwalang nasa mabuting lagay ang lahat sa panahong ito ng pandemya. 

Hindi natatapos sa pawang “pananalig” lamang ang solusyon/salbasyon. Kagaya lamang ito ng “pananalig” ni Juan na kusang mahuhulog ang bayabas sa kaniyang bunganga. Isang pananampalatayang walang maidudulot sa atin kundi pagkagapos sa imahinaryong kadena ng kawalang pakialam at kamanhiran para sa sariling preserbasyon. 

SANGGUNIAN

Aguilar, Krissy. July 31, 2020. “Duterte vows PH ‘back to normal’ by December, expects virus vaccine from China.” Online Article. https://newsinfo.inquirer.net/1314802/duterte-vows-ph-back-to-normal-by-december-expects-virus-vaccine-from-china

CNN Staff. December 28, 2020. “Army chief says troop vaccination authorized by Duterte.” Online Article. https://cnnphilippines.com/news/2020/12/28/military-covid-vaccination-duterte-authorized.html

CNN Staff. December 26, 2020. “PH won’t ban flights from countries with no community transmission of new coronavirus variant.” Online Article. https://cnnphilippines.com/news/2020/12/26/PH-not-keen-on-expanding-travel-ban–community-transmission-country-of-origin.html

Le Page, Michael. December 21, 2020. “What you need to know about the new variant of coronavirus in the UK.” Online Article. https://www.newscientist.com/article/2263077-what-you-need-to-know-about-the-new-variant-of-coronavirus-in-the-uk/.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Talim ng Liwanag: Pagbabalik-tanaw sa Nobelang “Sa Mga Kuko Ng Liwanag” ni Edgardo Reyes

Naaalala ko ang isang pagkakataon, unang beses kong pumunta noon sa UP kasama ang mga dating kaibigan, papuntang UP Press. Dala ko ang naipong mahigit isang libong piso. Mayroon silang 50% sale at nataon pa na sa buwan ng aking kaarawan (Disyembre) kaya sabi ko’y regalo ko na lamang din sa aking sarili. Apat na libro ang na-iskor ko. Etsa-Puwera at Utos ng Hari ni Amang, Kumbaga sa Bigas ni Ka Pete Lacaba at ang Landscapes ni Clinton Palanca.

Sa Pagbabasa at Pagbili ng Suka

Pagkauwi na pagkauwi, parang musmos akong nag-ayos ng aking lalagyanan ng mga libro sa ilalim ng maliit na lamesa sa gilid ng inuupahan naming kuwarto. Di mapigilang ngumiti at amuy-amuyin ang mga pahina (isang kakanyahan na hanggang ngayon ay nasa akin pa rin) ng mga bagong aklat. “Nababaliw ka na ba?” Iyon ang di ko mawari kung seryoso o sarkastikong tanong sa akin ni Mama. Naninibago siya dahil imbes na nakatambay sa malapit na computer shop ang buto’t balat niyang panganayay naroon sa bubungan o nakaupo sa sala’t nakayuko habang hawak sa dalawang kamay ang kung anu-anong mga libro na hindi naman required basahin sa klase. Sinisinghot-singhot pa na parang rugby kada buklat ng pahina.  Noong mismong kaarawan ko na, bumili ulit [pa rin] ako ng antolohiya ng mga maikling kuwento mula sa mga manunulat na nanalo ng nobel. At nagtuloy-tuloy na. Unti-unting nadaragdagan ang mga librong aking binibili/hinihiram na nagsisiksikan sa makipot na espasyo ng aming bahay. At marahil sa puntong iyon, nagsimulang bumukas ang pinto ng mga posibilidad para sa akin na hindi ko kailanman nadama sa iba liban sa pagbabasa. Ang dati-rating pampalipas oras lamang na aktibidad ay naging parte [malaking bahagi] ng aking pag-iral, kumbakit ako nananatiling humihinga hanggang ngayon. Ika nga ni Rene Villanueva:

“Nang bumukas ang pinto, nilamon ako nito nang buong-buo. Wala akong kamalay-malay, sa simula, na nilululon na pala nito ang buong pagkatao ko, pati ang kaluluwa ko. Pero hindi ko ito pinagsisisihan. marahil, karapat-dapat sabihing ito ang bumago sa direksiyon ng buhay ko. Ito ang nagligtas sa akin, tawanan man ako ng iba at marami, sa pagiging karaniwan. Pagbabasa ang nagpatuklas sa akin na mayroon pala akong kaluluwa. Pagbabasa ang unang kumumbinsi sa akin na, sa pamamagitan ng aking isip, ay makalilipad pala ako, at makararating sa kung saan-saang lupalop.” (Villanueva, 2007)

Wala na akong maidaragdag pang mainam na paliwanag kung paano ako/tayo isinalba/isinasalba ng pagbabasa/panitikan sa mga sariling multo’t demonyo ng buhay. Kaya heto’t nais ko lamang magbahagi (bilang panimula) ng isang manunulat na may malaking parte sa aking katubusan at ng isang pagsipat sa isa niyang akda: si Edgardo M. Reyes at ang kaniyang Sa Mga Kuko ng Liwanag.  

“Pinabili lamang ako ng suka,” iyan ang isang dedikasyon ni Ka Edgar sa librong pinapirmahan ng isang [naging] propesor. Lagi’t lagi niyang sinasabi na wala sa hinagap niya noon ang larangan ng pagsusulat. Ngunit heto siya ngayon, kinikilala bilang isa sa mga haligi ng Panitikang Filipino. Lahat ika nga ay isa lamang aksidente. Maging ang ating mga landasin sa buhay ay wala sa ating mga kamay. Mas masaya ang buhay na puno ng surpresa’t kapanabikan kaysa sa isang programadong bersiyon nito, alingawngaw ng kaniyang karakter na si Ding sa isang hiwalay na nobela (Laro sa Baga). Iyon marahil ang kaniyang sagot sa pagbuno ng isang buhay, gaano man ito kaikli o kahaba. Gaano man katiyak ang hangganan ng ating mga hininga.

Buod ng Nobela

Mula probinsya’y dadalhin si Julio Maldiaga, isang maralitang mangingisda ng kanyang mga paa papuntang Maynila upang sundan ang mga yapak ng kanyang kasintahang si Ligaya Paraiso. Pagkat magmula nu’ng kunin siya ng isang nagpakilalang Misis Cruz, buhat sa pangako ng isang maalwang trabaho’y wala na silang narinig ni natanggap na liham mula sa dalaga. Na bali-balita’y mayroon nang kinakasamang asawang Intsik.

Duon ay mararanasan niya ang samu’t saring hagupit ng mga kuko ng liwanag. Ang indipirensiyang saksak at lagim ng lungsod para sa mga kagaya niyang nasa mababang uri sa lipunan na naghahangad ng pantasyang kinabukasan, sa mapanuksong pangako ng kaunlaran. Naroong makursunudahan siya’t tangayin ang lahat ng kanyang inipong pera papuntang Maynila na dapat sanang nakalaan para sa kinabukasan nila ni Ligaya. Ang panlalamang sa kanya ng isang di-umanong nagpakilalang pulis nang minsang gabihin siya sa pagmamatyag sa isang bahay sa loob ng Chinatown na kutob niyang pinaglalagakan ng minamahal. Ang di makatarungang pasahod sa kanilang mga manggagawang pawis at buhay ang puhunan para lamang maisakatuparan ang pagsasabuhay ng adobeng lupa para sa kaginhawaan ng iilang ni di man lamang nakaranas magkakalyo sa kamay.

Mga pangyayaring siyang magiging mitsa ng nuo’y bukal na loob ni Julio tungo sa isang taong bunga ng mga kontradiksyon ng kanyang kinabibilangang kapaligiran. Lalo pa itong pinatingkad sa isang prologo sa kalagitnaang tsapter ng nobela:

“Sa bawat latay, kahit aso’y nag-iiba. Sa unang hagupit, siya’y magtataka. Sa ikalawa, siya’y mag-iisip. Sa ikatlo, siya’y magtatanda. At sa ikaapat, humanda ka!” (Reyes, 1986, p. 96).

Nagawa niyang pumatay ng isang inosenteng manggagawang kagaya niya para lamang maisalba ang kalam ng sikmura. Makikilala niya si Atong, kasamang manggagawa na siyang magpaparamdam sa kanya ng malasakit at kabutihang loob dahil sino pa nga bang makauunawa sa kanya kundi ang isa ring kagaya ni Atong na isa ring biktima nang pang-aabuso ng lungsod at kawalang hustisya para sa mga karapatang marapat lamang na tamasain nila ngunit lagi’t laging pumapabor sa mga nakaririwasang iilan.

Pasalit-salit ng trabaho si Julio. Pana-panahon lang din kasi ang mga trabahong pinasok niya na kadalasa’y nakabase lamang din sa kontrata’t demand ng mga namumuhunang negosyante. Nang makuha ang huling sahod ay nagpasiya siyang balikan ang naging matalik na kaibigan na si Pol.  Estudyante ring kagaya ni Imo, kanyang kasamahan na pinagsasabay ang pagkayod at pag-aaral, tinitiis ang humapding bituka ng pamilya matustusan lang ang matrikula ngunit si Pol ay huminto dahil di gaya ni Imo’y mas iniisip nang nauna ang kanyang pamilya liban sa sarili.

Naikuwento ni Julio kay Pol si Atong nang minsang maalala niya ito upang matulungan dahil sa pagkakatanda niya’y nangangailangan din ito upang sa pasko’y mabilhan man lamang ng gamit ang kapatid na babaeng si Perla. Ngunit isang mapait na balita ang bumungad sa kanila, patay na si Atong. Umalma dahil ang dapat sanang sasahuri’y ipinambayad sa di sinasadyang nasirang gamit. Sinubukan pa niyang kausapin si Kalbo, ang kanilang amo, ngunit lalo lang nitong pinagpuyos ang damdamin niya kung kaya’t nasugod niya ito. Sa kulungan, pinagtulungan at kinuyog dahil ang balita’y may isang kapatid na sarhento si Kalbo.

Dito pa lamang mag-uumpisa ang mga sunud-sunod na biro ng tadhana kay Julio dahil masusunog ang tahanan nila Perla’t hindi nila maibibigay ang nais na tulong para sa naulilang mag-ama ni Atong. At mauunsyami ang dapat sana’y pag-uumpisa nang panliligaw ni Pol.

Mababalitaan niya kay Imo, na ibang-iba na ang postura’t pananalita, kababakasan na maginhawang pamumuhay na isa nang puta si Perla. At ang masaklap, marahil ay ginamit nito ang dalaga.

Sa puntong iyon, kung saan wala na ni katiting na pag-asa kay Julio, magkikita sila ni Ligaya. Humpak at namamaga ang mga mata, sasabihin nito sa kanya ang kababuyang ginawa sa kanya’t pagtataksil ni Misis Cruz. Na ang pangakong trabaho’y prostitusyon pala. Isasalaysay niya kung paano siya nahulog sa bitag ni Ah Tek, ang parokyano niyang Instik na nagpalaya sa kanya sa bahay putahan kapalit ng kanyang sarili, isang panibagong hawlang walang pinagkaiba sa nauna. Ora mismo’y aaayain niya si Ligayang tumakas ngunit sa umpisa’y mag-aalangan ito dahil sa kanyang anak na alam ng asawang Intsik na hindi basta-basta iiwanan ni Ligaya. Ngunit nanaig ang pagnanais ni Julio na mailigtas si Ligaya. Nangako siya ritong itatakas silang mag-ina, mag-uumpisa silang muli. Anuman ang mangyari’y maghihintay si Julio sa kanilang tagpuan. Nanghingi ng tulong si Julio kay Imo upang makasapat ang perang gagamitin nila sa pagluwas ngunit hindi ito sumipot sa kanilang napag-usapan. Implikasyon ng tunay na interes ni Imo at kanyang pagkatao. Sa halip, dumiskarte si Pol at nairaos nila ang perang kailangan ni Julio.

Ngunit walang Ligayang dumating. Hindi na inabutan ng bukangliwayway si Ligaya. Nahuli ito ni Ah Tek sa akto nang pagtakas at duo’y sinakal hanggang sa mahulog sa matarik na hagdanan ng kanilang bahay. Ang balitang ito’y unang nabasa ni Pol sa isang diyaryo kung saan sinasabing isang aksidente lamang ang lahat sa kabila ng mga marka sa leeg na nagpapahiwatig na hindi ito isang karaniwang kapabayaan.

Dito lubos na aabot sa rurok ang poot ni Julio. Pagkatapos na pagkatapos na mailibing si Ligaya’y sasadyain niya si Ah Tek, pauulanan ng mga saksak gamit ang lansetang kay tagal na niyang kinikipkip. Mapapansin ng mga tao sa labas ang nangyayaring krimen at pagtutulungan nilang bugbugin si Julio, hanggang sa malagutan ito nang hininga, gamit ang iba’t ibang mga hawak nila bilang sandata, sa kapwa nila biktima ng sistemang hindi kailanman pumanig sa mga sarili nitong nasasakupan pagdating sa usapin ng isang patas na pagtingin at karapatan. Tuluyang kakanlungin ng mga kuko ng liwanag si Julio, na mula pa lamang nang umpisa’y wala na siyang kalaban-laban.

Kritikal na Analisis

Nilikha ang nobela sa panahong (1960’s) nag-uumpisa pa lamang ang mga ilang isyung panlipunan na sa kasalukuyang panaho’y isa nang pangunahing problema ng bansa. Halimbawa’y ang prostitusyon. Na ngayo’y hindi na lamang nalilimitahan sa loob ng bansa at malayang nakapangyayari sa loob at labas ng Pilipinas partikular sa mga Pilipinong OFW na tinitiis ang lahat ng pasakit para lamang maitawid ang pamilya. Kung sa milyung ito nabuha’y si Ligaya, maaring isa rin siya sa mga inosenteng Pilipinong nabiktima ng human-trafficking sa kamay mismo ng kapwa Pilipinong kapit rin sa patalim kagaya nang nangyari sa nobela. Ito ay bunsod ng mga di patas na oportunidad para sa mga Pilipino sa usapin ng trabaho’t hindi maayos na alokasyon ng gobyerno sa pondong kinukuha sa buwis ng mamamayan upang masolusyunan ang pambansang kahirapan.

Ngunit masasabing mayroong mga ilang tinalakayna walang pinagbago’t kasalukuyan pa ring nananalasa sa ating panahon. Isa na rito ang kawalan ng hustisya para sa mga karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupa na sa kasaysayan, ay siyang lubos na bigo sa laban para sa kanilang mga lupang minana pa sa kanilang mga ninuno laban sa mga negosyanteng kapitalista. Tingnan ang siping ito, kung saan ipinaparating ng may-akda, sa pamamagitan ng kanyang karakter na si Atong ang mapait na reyalidad ng ating lipunan:

“Inagawan kami ng lupa. Limang ektarya’ng saka naming no’n, hindi sa yabang. Sa Quezon City. Inagaw ni Giazon, ‘yong milyonaryo. Talo kami sa usap. Tinaningan kami para umalis. Di kami umalis. Matigas si Erpat. Magkakamatayan muna, sabi n’ya. Nang susuurin na ng buldoser ang bahay namin, sugod na siya para managa. Binaril s’ya no’ng ‘sang tao ni Giazon.” (Reyes, 1986, p. 29).

Kapansin-pansin din sa akda ang pagsisiwalat ng awtor noon pa man, sa kalagayan ng Pilipinas sa mga dayuhang sumasamantala sa ating bansa. Implikasyon ng pagiging pasibo’t kawalang laban sa nakapangyayaring eksploytasyon sa sarili pa mismong bayan. Maaari nating tingnan ang kasalukuyan, kung saan litaw pa rin ang implikasyong ito. Ang malala’y mismong gobyerno nati’y hindi tumitindig para sa’ting mga karapatan, kahit na naapektuhan na ang ating mga mamamayan. (e.g., ang “insidente” nang pagbangga ng isang barko ng tsina sa mga mangingisdang Pilipino at ang patuloy na pag-angkin ng Tsina sa scarborough shoal na matagal nang napatunayang teritoryo natin sa lehitimong aspeto).

“E, yan namang batas-batas, maging ‘yang hustisya, naro’n ‘yan kung saan naro’n ang k’warta. Saka ibang mga Intsik. Sila’ng hari rito, baka di mo alam.” (Reyes, 1986, p.54).

Walang pangil ang batas ngunit sa mga dayuhan. Katotohanang matagal nang iginiit ng nobela na nakalulungkot isiping walang pinagbago, at lumala pa nga, sa kasalukuyang panahon.

Wika at Estilo

Hindi kalabisang sabihin na mayroong “kakanyahan” sa paggamit ng wika si Ka Edgar. Bunga ito ng impluwensiyang Kanluranin (partikular kay Hemingway) at ng mga naunang Pilipinong manunulat na siyang nagsilang ng kanyang sariling paraan nang pagtingin at pagpinta sa kulay ng kanyang mga istorya.

Kumakawala sa pormalidad ng lengguwahe’t hindi lamang nagsasalaysay bagkus ay ipinakikita ang pagkamalikhain sa pamamagitan ng paglalarawang mas akma para sa kanyang mga tauhan at mga sitwasyong nais niyang ipaabot, ipadama sa mambabasa. Tignan ang unang halimbawa:

“Umiinog ang dilaw na concrete mixer, wari’y globo, at sa pag-inog ay kumakarugkog-kutugkutug kutug-kutug-kutug kutugtug-tugtug.” (Reyes, 1986, p. 5-6).

Mabisang paglalarawan ng imahe dulot ng malikhaing narasyon. Sa ikalawang halimbawa’y tignan naman natin kung paano binibigyang boses ng may-akda ang kanyang tauhan at hindi pawang siya lamang ang nagsasalaysay, sa pamamagitan nang pagpapakita ng lengguwahe ng karakter at pagkawala sa pormal na lengguwahe.

“Tipirin mo’ng atik mo. Hamo ‘ko,” (Reyes, 1986, p. 36).

May mga ilan pang halimbawa nang paglalaro ng salita. Halimbawa’y ang paggamit ni Julio at ng mga “manggagawa” na karakter ng mga salitang “porbinsya” at “tarbaho” na siya mismong nagpapatingkad nang pagiging makatotohanan ng istorya.

Sa usapin naman ng estilo, isa ring kakanyahan ni Reyes ang pagkakaroon ng mga malaprosa’t malatula na prologo sa bawat tsapter ng nobela bilang gabay o bigyang kaalaman ang mga nagbabasa sa magiging tema o mood ng partikular na tsapter. Isang epektibong estilong madalas nang ginagamit ng mga kontemporaryong manunulat. Maaaring tingnan bilang halimbawa, ang nobelang Smaller and Smaller Circles ni F. H. Batacan.

Ang nobela’y walang maligayang katapusan. Maaaring may mga iilang kiliting eksena ngunit kung susumahin, trahedya ang umiikot na tema sa kabuuan ng kuwento ni Julio Maldiaga. Lalo pang nakapagpaigiting ang Ikatlong Panauhang punto de bistang ginamit ni Reyes na limitado lamang kay Julio para lubos nating maramdaman ang mga sakit at lunggati niya’t ariin din itong atin, sa kabuuan ng kanyang paglalagalag sa Maynila.

Ngunit ika nga ni Ka Edgar, “Tragedy is hope!” (Mangahas, 1986). Ang trahedya bilang isang kasangkapan sa paraan nang pagkatha ng mga kuwentong hindi lamang nang-aaliw ngunit nagmumulat sa bawat mambabasa- tungo sa mas malinaw na pagtingin at paglaya ng kamalayan sa lipunang kanyang kinabibilangan- ay lubid sa bangin ng kaignorantehan at pagsasawalang kibo habang patuloy na pinagsasamantalahan ng hayok na ideolohiyang basura pagdating sa praktikalidad.

Kultural na Implikasyon

Hindi kaaya-aya ang mga kulturang Pilipinong ipinakita sa akda. Anu’t anoman, ito’y totoo at di lamang metaporikal. Ang mentalidad nang pagiging makasarili ni Imo, ay bunga ng kanluraning ideolohiya ng tagumpay kumpara sa konsepto natin ng “pamilya” at pagbabayanihan.

Hayag na hayag ito. Ang pagiging maka-ibang bansa ng ating mga sariling mamamayan imbis na maka-Pilipino. Ang paglapastangan sa kasaysayan ng ating mga bayani’t paglimot sa mga sakripisyo’t pagbubuwis nila ng buhay para lamang sa tinatamasa nating kalayaan. Tignan ang sipi sa nobela kung saan ipinakita ito ni Reyes nang makita nila ni Pol ang ilang dalagang Pilipina kasama ng mga dayuhang Marino:

“Ang dalawa sa tatlong marino ay nagpakuha sa harap ni Rizal, yakap ang kani-kanilang mga pareha na nakayakap din sa kanila.” (Reyes, 1986, p.71).

Kabuluhan sa Kontemporaryong Panahon

Esensyal ang nobela pagkat umiigpaw ang panahon nito sa kasalukuyang milenya. Isang klasikong akdang hindi niluluma ng panahon. Lagi’t laging napapanahong basahin ang nobelang ito ni Reyes. Sa kasalukyan, kung saan tayo’y nabubuhay sa kawalang katiyakan buhat sa epidemyang Covid 19 at sa kalabuan ng plano ng ating gobyerno. Maaari nating tingnan ang buhay ng mga ordinaryong mamamayan na kagaya ni Julio, na hanggang ngayo’y nakararanas pa rin ng di patas na oportunidad at malagim na katapusan sa kamay ng isang marahas na lipunan. At paglimian [natin] kung ano ba talagang tama at hindi sa mga napapanuod natin at nababalitaan sa telebisyon/internet. Sapagkat nakakalimutan na nating maging kritikal bunga ng mga sagabal ng teknolohiya, kung saan mayroon nang nag-iisip para sa atin, dahilan kumbakit hindi na natin kayang makapagnilay nang matagal. Nakakalimutan na nating gawin ang mga bagay na dati rati’y bahagi ng ating buhay dahil sa mga madaling “paraan” upang makatipid ng oras at panahon kuno. O di kaya’y sa kagyat na pagkapit sa impormasyon/mis-impormasyong nakikita sa internet (fake news).

Sa nobela’y ipinapaalala sa’tin ang mga krisis hindi lamang ng lipunan kundi ng ating mga sarili. Isa itong paraan nang pagbalik sa ating naetsa-puwerang identidad. Bunsod ng kulturang popular. Ipinu-posisyon tayo sa lente kung paano tingnan ang pagiging Pilipino. Lalo na’t sa panahong ito ng pandemya kung saan kay hirap sagutin ng tanong na iyan. At higit, ikinikintal sa’ting mga isipan na sa kabila ng mga kariwasaang ating nararanasa’y hindi paraiso ang buhay. Mula duo’y magsisimula ang binhi nang pagkamulat sa kinalalagyan nating reyalidad.

Konklusyon

Kung gaano kahalaga ang paghahanda para sa hinaharap, ganoon rin ang paglingon sa nakaraan hindi upang balikan ito kundi upang hindi makalimot sa mga dahilan kumbakit tayo naririto. Ang pagkilala sa ating mga sugat, kahinaan. Nang sa gayo’y maunawaan natin ang identidad bilang isang Pilipino’t bilang isang bansa. Inirerekomenda kong sana’y marami pang makaabot ng mga ganitong nobela, di lamang ni Ka Edgar, bagkus ng mga manunulat na Pilipinong nagsusulat hindi lamang para sa pansariling interes.

Ang lahat ng pagwawakas ay isa ring pagsisimula. Maaaring hindi naging maganda ang katapusan para kay Julio. Ngunit hindi nangangahulugang gayundin ang sa atin. Dahil, may sumisilip ding pag-asa, kahit pa sa pinakamadilim na kuweba ng ating pag-iral. Ang buhay ni Julio’y buhay rin natin. Ang implikasyon ng nobela’y hindi lamang magbigay ng kapirasong katotohanan ng buhay bagkus dinamikong nakikipagtunggali sa mambabasa. Kung ano na’ng susunod nating gagawin pagkatapos mabasa ang nobela. Sa tingin ko’y iyon ang pinakamahalaga sa lahat. Di lamang pumukaw ng emosyon ngunit makapagpakilos ng mga namulat na tao buhat sa pagbabasa. Impluwensiya. Walang makakahigit at nanaisin pang regalo ang manunulat sa sandaling mangyari iyon.

Batis ng Sanggunian:

Mangahas, R. G. (1986). Si Edgardo Reyes at ang kanyang akda at panahon. Sa mga kuko ng liwanag (pp. xi-lvii). Manila: De La Salle University Press.

Reyes, E. M. (1986). Sa mga kuko ng liwanag. Manila: De La Salle University Press.

Reyes, E. M. (1991). Laro sa baga. Pasig, Metro Manila: Anvil Publishing.

Reyes, E. M. (2006). Sa aking panahon, 13 piling katha (at isa pa!). Quezon City: C&E Publishing, Inc.

Villanueva, R. (2007, November 7). Mapalad na Mambabasa. Personal. https://renevillanueva.blogspot.com/2007/11/mapalad-na-mambabasa.html?fbclid=IwAR3ydsm_Dvu1dDAHZ98LbXcdPaFjoUtrHhusXBIht0LVN8UA1bjM4IQs2Jw.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Sa Depresyon, Pagpapatiwakal, at Buhangin

Pinirmahan ni Pangulong Duterte nito lamang ika-16 ng Setyembre ang Proklamasyon Bilang 1021 kung saan pinahaba (hanggang Setyempre 12, 2021) niya ang namamayahing State of Calamity sa bansa (CNN, 2020). Liban na lamang kung mayruong mga eksternal na sirkumstansiya na maaaring makapagpabilis o ikli dito (e.g., pagkakaruon ng bakuna, kongkretong solusyon, o disiplina ng mga mamamayan kaya) mukhang matatagalan pa nga bago tayo makabalik sa “normal”. Iyon ay kung “normal” pa bang matatawag ang paparating na panahon para sa atin. Maski ako’y nalalabuan sa kung ano’ng naghihintay sa dulo ng pandemyang ito. Lalo na kung halos anim na buwan na ang nakalilipas ngunit tila ba wala pa ring implikasyon ng pagbuti ang ating kalagayan. Patuloy pa rin ang pagdagdag ng mga kaso, patuloy pa rin ang bilang ng mga namamatay. Nagtala ng higit tatlong libong kaso sa bawat araw, sa loob ng halos dalawang linggo ang Department of Health (Rappler, 2020). Malapit nang pumalo sa tatlong daang libo ang kumpirmadong tinamaan ng Covid 19 at halos limang libo (4, 984) na ang nalalagas na buhay mula nuong Setyempre 20 (Rappler, 2020).

Kita rin ang kolektibong “pagkabalisa” ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya sapagkat ayon sa datos ng NCMH, dumoble/lumobo ang bilang ng mga tawag sa kanilang tanggapan. Mula sa 400, (nuong panahon bago ang kalamidad) naging 876 ito kada buwan sa kasalukyan (Sabillo, 2020).

—Jerwin Bilale Uy

Nakapanlulumo ang kasalukuyang sitwasyon ng/sa bansa. Kay hirap asahan at kumapit sa mga pangungumbinsi na magiging mabuti rin ang mga susunod na araw sapagkat aminin man natin o hindi, nasa bingit tayong lahat ng kawalang katiyakan. Idagdag pa rito ang problema hindi lamang sa pisikal na aspekto kundi maging sa kalusugang pangkaisipan (mental health) na isa ring malaking dagok na kinakaharap ng ating mga mamamayan. Isang halimbawa ang mga pagpapatiwakal ng ilang mga estudyante bunga marahil ng mga bagabag na dulot sa kawalan ng sapat na kagamitan at pinansiyal na kakayahan sa pagbubukas ng klaseng birtuwal (online class) na itinuloy pa rin ng DepEd at CHED sa kabila ng napakaraming hinaling mula sa estudyante at kaguruan (Sibucao, 2020).

Ang kalusugang kaisipan (mental health)( ay isa na ring dagok na kinakaharap ng ating mga mamamayan. (Larawan: Claudia Wolff mula sa Unsplash)

Nito nga lamang nakaraang linggo ay ibinalita ni Mama sa akin ang pagpapatiwakal (nagbigti) ng isa naming kapitbahay sa probinsya, dahil sa kawalan ng pagkukunan ng trabaho. Kita rin ang kolektibong “pagkabalisa” ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya sapagkat ayon sa datos ng NCMH, (National Center for Mental Health) dumoble/lumobo ang bilang ng mga tawag sa kanilang tanggapan. Mula sa 400, (nuong panahon bago ang kalamidad) naging 876 ito kada buwan sa kasalukyan (Sabillo, 2020). Ilan lamang ito sa mga pahiwatig na isa na ngang seryosong usapin ang mental health sa ating bansa lalo na ngayong pandemya. Mahirap na itong itanggi.

Pagtatapat: maging ako’y nakaranas/nakararanas din ng mga pagkabalisa’t pagkabagabag ng loob sa panahong ito sapagkat hindi na rin naman bago sa akin ang depresyon. Sa totoo lang, [pilit ko mang itanggi] marahil ito ang dahilan kumbakit hindi ko natapos ang aking kursong batsilyer (AB Philosophy) nuon. Hindi pa ganuon kauso at kahit paano’y katanggap ang kalagayang ito nang dumalaw ito’at mamalagi nang matagal na panahon sa akin (2015). Masalimuot ang mga sumunod na nangyari, para magbigay ng bahagyang pahiwatig: bukod sa di ko na natapos ang aking degree, makailang beses din akong naglayas (lima o anim) at literal na tumira sa lansangan. Marami ring naputol na ugnayan at relasyon, maging sa mga matatalik na kaibigang di mo inakala (siguro’y may ibang espasyo’t pagkakataon para ibahagi ko ang kabuuang danas na ito). Inaaako ko ang lahat ng aking mga pagkakamali’t kahinaan. At hanggang ngayon, nasa proseso pa rin ako nang pagpapatawad sa sarili, maging sa mga tao na kabilang sa yugtong iyon ng aking buhay. Buti na nga lamang, sa kalagitnaan ng mga paglalagalag na iyon ay may mga indibidwal akong nakilala, nakapalagayan ng loob, nakaintindi at nanatili. Higit sa mga kaibigang hindi ako iniwan sa kabila ng “kabaliwan”. Maraming salamat, sa pananatili. Hindi ko alam kung makakaya bang makabangon at makapag-umpisa muli sakaling hindi nagkatagpo ang ating mga landas.

Ibang klase ang depresyon, lalo na kapag ka ikaw na ang nakaranas/nakararanas. Hindi lamang simpleng metapora na pasan mo ang daigdig, sa halip, nakadagan ito sa’yong kabuuan at wala kang kalaban-laban. Wala kang kontrol sa iyong sarili sa sandaling ma-trigger ka. Naalala ko ang kakatwang tinuran ng isang kakilala, nuong binalak kong dumalo sa isang seminar at nagkita kami. Tandang-tandang ko pa ang eksaktong sinabi niya:

Huwag ka nang mag-e-episode ulit, ha?” sabay ngisi sa ‘kin. Nginitan ko na lamang din siya.

Kaswal na kaswal. Walang pagsasaalang-alang ng respeto’t malalim na pang-unawa sa kalagayan ng taong pinagsasabihan niya. Umaasa na lamang ako na sana, ngayong panahon ng kawalang katiyakan, kahit paano’y nakapaglilimi siya sa kaniyang mga paniniwala at sana, balang araw ay mapalalim niya pa ang kaniyang pananaw.

Kabubukas lamang sa publiko nitong nakaraang araw ang ika nga’y “white sand” beach sa Manila Bay. (Larawan: Rappler)

Samantala, kabubukas lamang sa publiko nitong nakaraang araw (Setyempre 19) ang ika nga’y “white sand” beach sa Manila Bay. Isang proyektong pinangunahan ng DENR sa pakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod ng Maynila na naglalayong makapagbigay ng “estetikang” danas sa mga mahihirap na taga lungsod na walang kakayahang makapunta sa mga mamahaling resort sa bansa (Gotinga, 2020). Sinabi ni Harry Roque, tagapagsalita ng pangulo na isa raw ito sa paraan ng gobyerno upang makatulong sa mental health ng mga Pilipino at pinabulaanan niya ang sinasabi ng iba’t ibang grupo kaugnay sa peligrong maidudulot ng artipisyal na buhanging ito sa kalikasan (Geducos, 2020).

Maganda ang layon, ngunit kung pagninilayan nating mabuti ang mga (mas angkop na) posibilidad, (e.g., paglalagay ng mga bakawan sa halip artipisyal na buhangin, responsableng alokasyon ng gastos sa angkop na mga pangangailangan atbp.) malinaw na isa itong kabiguan sa parte ng gobyerno. Sapagkat kung talagang pagtulong sa mga may mental na kapansanan ang usapan, lubos na kailangan ng National Center for Mental Health ng donasyon para sa mga mas epektibong pasilidad at pang araw-araw na pangangailangan ng ating mga kababayan na nasa kanilang institusyon. (Maaring hanapin mula sa internet ang mga kasalukuyang larawang nagpapakita ng kalunos-lunos na kondisyon ng mga pasyente sa nasabing Ospital).

Kitang-kita naman kung gaano karaming mga tao ang lumabag sa social distancing nuong buksan sa publiko ang nasabing atraksiyon. Sa panahong kailangang-kailangang ang responsableng pagbuo ng pisikal na agwat sa isa’t isa, bakit mismong ang pamahalaan pa ang nanghihikayat sa mga taong magkumpulan at magsisikan para lamang sa pagkakataon na makapag-selfie at magkaruon ng estetikang danas sa kabila ng peligro sa pandemya’t maging sa mismong buhangin (dolomite) na napatunayang may panganib ding hatid sa ating kalusugan? At bakit tila ba wala nang takot ang mga tao sa grabidad at maaaring kahinatnan ng kanilang mga padalos-dalos na aksiyon?

Sa panahong kailangang-kailangang ang responsableng pagbuo ng pisikal na agwat sa isa’t isa, bakit mismong ang pamahalaan pa ang nanghihikayat sa mga taong magkumpulan at magsisikan para lamang sa pagkakataon na makapag-selfie at magkaruon ng estetikang danas sa kabila ng peligro sa pandemya’t maging sa mismong buhangin (dolomite) na napatunayang may panganib ding hatid sa ating kalusugan?

—Jerwin Bilale Uy

Sapagkat una, nakikita nila ang gawing ito sa mismong pangulo ng bansa. Kung paanong hindi niya iniisip ang mga pangmatagalang problema na maidudulot ng kaniyang mga desisyon sa ating bayan, gayundin ang lohika nang pag-iisip ng mga nasabing tagahangang nagsiksikan/nagkumpulan/nag-away pa nga para lamang tanawin ang buhangin na tila ba isang milagrosong lugar na nakapagpapagaling ng sakit. Ikalawa, wala na rin atang iba pang makapitan ang tao kundi ang manalig sa inalalakong himala ng mga puting buhangin ng Manila Bay. Isang pananampalataya na lumalagpas sa rason at pangangatuwirang hindi pa tapos ang unos. Ngunit ang masama, sa halip na makabuti’y lalo lamang nitong pinapabagal ang proseso ng ating pag-ahon. Hindi dapat minamadali ang paghilom ng isang sugat sa pamamagitan lamang ng pawang pagtapal dito ng benda. Wala pang puwang maski ang mga maliliit na pagbubunyi dahil walang patutunguhan ang mga selebrasyon sa harapan ng umiigting na kalamidad.

Lagi’t laging alalahanin: ang lumakad nang matulin, kung matinik ay malalim.

Sanggunian:

CNN Staff. September 18, 2020. “Duterte extends national state of calamity until Sept. 2021.” Online Article. https://www.cnnphilippines.com/news/2020/9/18/Duterte-extends-national-state-of-calamity-2021-.html.

Geducos, Argyll. September 5, 2020. “White-sand Manila Bay to help improve Pinoys’ mental health amid pandemic — Roque.” https://mb.com.ph/2020/09/05/white-sand-manila-bay-to-help-improve-pinoys-mental-health-amid-pandemic-roque/#:~:text=According%20to%20Roque%2C%20the%20white,from%20the%20global%20health%20crisis.

Gotinga, JC. September 19, 2020. “IN PHOTOS: Artificial white sand beach on Manila Bay opens.” https://rappler.com/nation/look-artificial-white-sand-beach-manila-bay-opens.

Rappler Staff. September 20, 2020. “Over 3,000 new coronavirus cases in PH for 13th straight day.” https://rappler.com/nation/coronavirus-cases-philippines-september-20-2020.

Sabillo, Kristine. August 26, 2020. “Growing anxiety: Calls to National Center for Mental Health double since start of pandemic.” Online Article. https://news.abs-cbn.com/news/08/26/20/growing-anxiety-calls-to-national-center-for-mental-health-double-since-start-of-pandemic.

Sibucao, Claire. September 19, 2020. “Three students commit suicide, three months into online learning.” Online Article. https://uplbperspective.org/2020/09/19/three-students-commit-suicide-three-months-into-online-learning/?fbclid=IwAR2-PHmCEWH37XxEPGcz1BVv84VLb8af8p0ZHZyY_KjZvmBZQ8r6tVizzZg.

Subingsubing, Krixia. September 8, 2020. “Full disclosure sought on Manila Bay white sand project.” https://newsinfo.inquirer.net/1332547/full-disclosure-sought-on-manila-bay-project.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Kontra Amnesiya: Ilang Pagninilay sa Pabrikasyon ng Kasaysayan O Kung Paano Nagiging Santo ang Isang Halimaw

“Wala akong nakikitang masamâ sa pagsusuri sa ating lumipas upang lagumin ang ating mga kabiguan, pagkakamali, at kahinaan; ang pagkukusang umamin ng mga pagkakamali ay pagpapakita kahit papaano ng kapuri-puri at marangal na hangáring magpakabuti at magwasto.”

—Apolinario Mabini, Ang Rebolusyong Filipino (salin ni M. Coroza)

Kamaikailan ay trending sa socmed ang isang tweet mula sa isang pari na tila ba nag-iimplikang isa lamang “construct” o iyong ideya na binuo lamang batay sa mga subhektibo’t walang batayang pananaw ang imahe ng nasirang diktador na si Ferdinand Marcos sapagkat ayon na rin sa kaniya, hindi naman daw nabuhay/naranasan ng mga kabataan ng kasalukyang henerasyon ang pamamalakad ni Makoy. Sa huli’y mayruon pang pahamig na dapat daw kasi ay nagba[ba]sa tayo ng Derrida at Lyotard para ika nga’y maliwanagan. Kung titingnan natin ang kahulugan ng salitang construct (ayon sa Oxford Dictionary): “an idea or theory containing various conceptual elements, typically one considered to be subjective and not based on empirical evidence.”

Dito pa lamang ay litaw na ang kontradiksyon sa pahayag ng nasabing pari. Sapagkat hindi nagsisinungaling ang mga estatistiko nuong panahon ni Marcos. Higit sa tatlong libong buhay (3,257) ang pinaniniwalaang kinitil ng militar bukod pa ang mga hindi na kailanman nakita o tinortyur (Reyes, 2016). Hindi lamang ito simpleng pabrikasyon ng imahe bagkus isang katotohanan na napatunayan sa kasaysayan. Nariyan pa ngang hirangin ng Guinness World Records si Marcos sa natatanging kakayahan niya sa pagnanakaw ng kaban ng bayan at bigyan ng rekognisyon sa titulong Greatest Robbery of a Government (De la Cruz, 2020). Ilan lamang ito sa mga patunay kung gaano kasalimuot ang buhay nuon sa ilalim ng kaniyang pamahalaan na makasasapat na upang maikintal at maintindihan ng mga kasalukuyang kabataan ang katotohanan na pilit pa ring itinatanggi’t [ang malala] ipinapalimot sa atin ng mga pahayag na tila ba nais pagtakpan ang isang malagim na pagkakasala.

Mukhang hindi lang ata kabataan ang kailangang maglimi, magbasa at higit, matuto sa ating nakaraan. Kritikal at malaki ang magiging epekto nito sa ating pambansang kamalayan ng sariling kasaysayan. Ang pinakamalala: pagkaulit ng mga sigalot na ito bunga ng amnesiya mula sa ating nakalipas. Ang baluktot na tadyang ng puno, idarang mo man sa apoy ay di na kailanman maitutuwid (di ako tiyak kung mula ito kay Baltazar o sa ibang naunang makatang Pilipino) ngunit lagi’t laging may puwang para sa pagkatuto mula sa ating mga kabiguan/kahinaan. Umuusad ang panahon, may mga pagkakataon at posibilidad na nagbubukas para makagawa nang paraan upang hindi na maulit pa ang mga pagkakamali sa isang buhay; pagwawasto.

Malaki ang ginagampanang bahagi ng historisisasyon kung paano natin tinitingnan ang isang pangyayari o yugto sa nakalipas. Sabi nga ng isang dalubguro, ito ang pinakakritikal na parte sa pagbibigay ng “saysay” at kahulugan sa ating kasaysayan sapagkat dito maaaring masira o di kaya’y lalong mapaganda ang imahe ng isang tao, pangyayari o bagay sang-ayon sa paraan kung paano ito inilatag sa madla. Kung sisipatin natin ang argumento ng nag-viral na tweet, maaaring sabihin na hindi ito makatuwiran. Una, dahil sa mga litaw na kontradiksyon na ipinapakita ng estatisko sa panahong iyon.

Sinasabi niya na ito’y “construct” lamang ni Marcos at hindi nang mismong “Marcos” na kaniyang nasaksihan/naranasan. Binanggit niya rin na “dapat” kasi ay nagbabasa ng Derrida at Lyotard para mas “maintindihan” pa ang kaniyang argumento. Hindi ako ganuon kagamay kay Derrida o Lyotard. Ni hindi nga ako nakatapos ng akda ni Derrida ni nakapagbasa pa ng kahit anong Lyotard. Pero susubukan kong tugunan ang argumento ni Father batay sa aking (limitadong) pagkaunawa kay Derrida [lamang]. Narito ang ikalawang dahilan:

Madalas ay binabanggit ni Derrida sa kaniyang mga lektura o aklat ang problema sa pinatutungkulan ng pag-ibig o pagpapatawad. Halimbawa: sa pag-ibig, inilatag niya ito sa pamamagitan nang pagtatanong na kapag ka nagmamahal ka ba, ang minamahal mo ay iyong mismong tao o iyong mga bagay o katangian niya na pasok sa iyong pamantayan ng pag-ibig? Kumplikado ito sapagkat paano natin haharapin ang mga pagkakataon na maging tayo’y nalilito sa ugat o pinanggagalingan ng ating pagkahumaling sa isang tao na ang nagustuhan lang pala talaga natin ay hindi “sila” bagkus ang ating [sariling] “ideya/fantasya” nila?

Ayon muli kay Derrida, sa pagpapatawad, ganyan din ang problema. Pinapatawad mo ba iyong mismong tao na nakagawa sa’yo ng pagkakamali o iyong bagay na ginawa niya? Magkaibang bagay din daw iyon. Sa kaso ni Marcos, maaari nating itanong kung sino at anong “Marcos” ba ang tinutukoy ng pari. Si Marcos bilang kaibigan? bilang asawa ni Imelda? bilang henyong abogado? bilang mahusay na sundalo o bilang “pinakamagaling” na pangulo/diktador ng Pilipinas?

Mula rito’y maaaring magkaruon tayo ng iba’t ibang imahe ni Marcos. Ngunit bakit kay hirap patawarin o di kaya’y karamihan sa mga kabataan ngayon ay itinatat’wa at kinamumuhian ang dating pangulo, sa kabila ng mga istorya’t anekdota ng kaniyang “makulay” na buhay? Dahil hindi naman ito talaga tungkol kay Marcos. Isang malaking kamalian na isentro sa “kaniya” ang grabidad ng naratibo sa pagbalik sa kasaysayan pagkat pagsasamantalahan lamang ito ng mga taong may pinangangalagaang interes: pagkukubli ng katotohanan. Hindi ito tungkol sa “construct” kay Marcos ng mga kabataan taliwas sa sinasabi ng pari bagkus sa mas malalim pang dahilan. Tungkol ito sa pagdurusa’t paghihirap na naranasan ng sambayanan sa ligalig na panahon na nanungkulan ang nasabing diktador. Si Marcos ang bumuo ng kaniyang sariling imahe at hindi ang kasalukuyang panahon. Siya ang naghukay ng kaniyang sariling libingan. Mismong kasaysayan ang humusga sa kaniyang mga pagkakasala. At ginagawa lamang ng mga mulat na kabataan ng kasalukuyang henerasyon ang kanilang tungkulin. Ang hindi makalimot. Ang patuloy na pag-alala sa mga madidilim na yugto ng ating nakaraan upang magsilbing giya sa pag-usad at pagkilos tungo sa transpormasyong panlipunan para sa kagalingan ng lahat. Iyon ang isa sa tunay na esensiya ng pakikibaka’t pagmamahal para sa bayan; ang pag-alala sa aral ng nakaraan.  At hindi na [namin] kailangang mabuhay pa sa panahong iyon para lamang magagap ang aral na ito. Ika nga ni Milan Kundera, “The struggle of man against power is the struggle of memory against forgetting,” (Kundera, 1982).

Sanggunian:

De la Cruz, Christa. Septemper 4, 2020. “ICYDK: Ferdinand Marcos Has a Guinness World Record: But should it be something to be proud of?” Online Article. https://www.spot.ph/newsfeatures/the-latest-news-features/83485/marcos-holds-guinness-world-record-title-for-greatest-robbery-a833-20200904.

Gurbanov, Ümid. “Derrida (2002) Türkçe Altyazılı.” YouTube video, 1:26:09. July 10, 2017. https://youtu.be/J5HOJISEXvA .

Kundera, Milan. 1982. The book of laughter and forgetting. London: Faber and Faber.

Mabini, Apolinario. Ang Rebolusyong Filipino. Salin ni Michael Coroza. Metro Manila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2015.

Oxford Dictionary, s.v. “construct,” accessed September 16, 2020, https://www.lexico.com/definition/construct.

Reyes, Rachel. April 12, 2016. “3,257: Fact checking the Marcos killings, 1975-1985.” Online Article. https://www.manilatimes.net/2016/04/12/opinion/columnists/3257-fact-checking-the-marcos-killings-1975-1985/255735/.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.