Magtalik Tayo sa Gitna ng EDSA

Magtalik tayo sa gitna ng EDSA,
Sa may kanto ng Ortigas;
Ang iyong basa
Sisisirin ng aking tigas.

Hayaan mo ang mga gusali
Ng Robinsons at POEA,
Maiskandalo sa ating kiliti
At takpan mga mukha nila.

Pati na rin estatwa
Ni Birheng Maria,
Doon sa tuktok ng dambana
Ay tayo’y itatwa.

Hayaan silang lahat
Na tayo’y isumpa’t ikahiya,
Dahil sa mundong pag-ibig ay salat,
Yun lamang ang meron sila.

Subalit tayong dalawa’y
Mga tunay na walang hiya!
Tanging yaman hanggang mamatay,
Pag-ibig sa isa’t-isa!


Karlo Sevilla is the author of two poetry collections: “Metro Manila Mammal” (Soma Publishing, 2018) and “You” (Origami Poems Project, 2017). Recognized among The Best of Kitaab 2018 and twice nominated for the Best of the Net, his poems were first published in Philippines Free Press in 1998, then in Philippines Graphic in 2015. Hence, he has over 200 poems published in various literary magazines, anthologies, and other platforms worldwide. In 2018, he won the Readers’ Choice award at the annual Human Rights Online Philippines’ 8th HR Pinduteros’ Choice Awards and third place in Tanggol Wika’s DALITEXT poetry contest. 

Kulay Lila Ang Mundo Sa Hinaharap

Kulay lila ang mundo sa hinaharap
walang mga puno, mga hayop
sa mabatong kanayunan.
Nakakalason na ang hangin
sa malawak at daantaong minahan

Mahirap maging guro ng biyolohiya
sa panahong bawal magtanim,
ang klase ay pagpapaunawa na
ang mga halaman sa pisara
ay hindi kathang-isip
sa mga estudyanteng sabik na mang ibang planeta.

Bago matulog ang kanyang anak,
humiling ito na sana makakita
ng totoong singkamas, lampas pa
sa dibuho ng kanyang lolo.
Humiling din ito na sana makita
ang kanyang ama, sampung
taon nang hindi tumatanda.

Kinailangan niyang lumabas ng Maynila,
lungsod na lalo lang dumilim at sumikip,
para mapatunayan ang mito
ng mga rebeldeng namumuhay sa lupa.
Pagtapos ng maglakad bitbit ang baril
na hindi naman magamit,
nakilala niya ang kanyang kapatid
dahan-dahang lumilikha ng bagong mundo.

Lahat ng kuwento ng nakaraan
ay tungkol sa kasalukuyan.
Lahat ng kuwento ng hinaharap
ay tungkol sa kasalukuyan.


Eric Abalajon is currently a humanities lecturer at UP Visayas – Iloilo. He has previously worked as an ESL instructor in various private language schools in Iloilo City and Ontario, Canada. His zine of short fiction in Filipino, Mga Migranteng Sandali, is distributed by Kasingkasing Press. His writings, both critical and creative, are found at jacoblaneria.wordpress.com.

Pantasmagorya

Rumaragasang tila baha ang mga larawan
Orakulo ng pagkawasak ang ipinakikita:
Dugo’y umaagos sa lungsod at kaparangan,
Rumerepeke ang halakhak ng mga Tigbanua.[1]
Inaawit ng amihan ang oyayi ng libing,
Gumagapang ang kilabot sa gabi ng lagim.
Oh, mahabag Ka’t siphayo’y ilayo nga sa amin!
Rabáw,[2] lamang anila, ang mukha ng anghel
Oo, siyang tunay, sapagkat siya’y si Olivier[3]
Ang Tanda + ng Santa Cruz + iligtas mo nga kami, Amen!
Diyablo nga naman, nagkukunwaring diyos;
Ulupong na gutom, sa kaluluwa’y pumupulupot;
Tagaresong[4] nag-uudyok ng pagkamuhi at poot,
Emperador ng dilim, na sa liwanag ay takot.
Requiem na nga ba ang dapat nang idasal?
Tanging aawiti’y pawang tagulaylay?
Elehiya na nga ba ang dapat nang inuusal?
Santisima Trinidad, iisang Diyos
Anak mo ngayo’y nanganggigipuspos[5]—
Lawitan mo nga ng tulong, o Diyos ni Jacob,
Oh, dinggin mo nga ang aming pagluhog,
Tinig nami’y pakinggan, kami’y naninikluhod.
Lipi naming inapi’y Iyo ngang palayain,
Ang limbas[6] na dumagit, Iyo nga pong tudlain.
Yapusin ng liwanag ang bayang nasa dilim,
Ang sulo ng pag-asa’y Iyong papagdingasin,
Sa ilaya ng paglaya, doon Mo kami dalhin!


[1] Sa mitolohiya ng mga Bagobo, pinakamasahol sa uri ng masamang espiritu (buso) na may isang mata. Tingnan: https://www.aswangproject.com/deities-spirits-manobo-philippine-mythology/. Hindi dapat ipagkamali sa mga Tagbanwa (na binabaybay rin bilang Tagbanua o Tigbanua), mga katutubong nasa Isla ng Palawan. Tingnan: https://en.wikipedia.org/wiki/Tagbanwa
[2] Ibabaw, façade sa Ingles
[3] Isa sa mga demonyong nag-uudyok sa mga taong apihin ang mga maralita’t kapus-palad, Tingnan: https://en.wikipedia.org/wiki/Classification_of_demons#Agrippa’s_classification_of_demons
[4] Tagareso, espiritung nag-uudyok sa tao na gumawa nang masama, tingnan: https://www.aswangproject.com/creatures-mythical-beings-philippine-folklore-mythology/#R
[5] Nanlulumô, labis na nagdaramdam; hindi malubag ang loob.
[6] Ibong mandaragit, o bird of prey sa Ingles.


Dating peryodista at mananaliksik, nagtrabaho bilang email support agent sa isang kumpanya ng BPO (business process outsourcing) si Noel Sales Barcelona. Siya ang kasalukuyang patnugot at publisher ng indie online magazine na Linang: Culture & Arts for Global Filipino. Panaka-nakang nagsusulat, tumutula, at nananaliksik.

Mga Berso Sa Dilim

May lohika ang kahirapan
sa likod ng dahas ng demolisyon,
merong taktika ang mga maralita
gaano man nakakalunos –
sandata ang tae at ihi,
kahit na ang sigaw at mura.

May lengwahe ang droga,
merong kumpas ang mga kamay
at talinghaga ang mga titig.
Mga salitang hindi binibitawan
ang nagpapadulas ng oras
sa maiinit na eskinita.

Hindi naaawa ang mga tauhan
sa kanilang mga sarili,
dangal at angas ang
pampaningas sa mga berso
sa bawal na balagtasan
na may indayog ng ilaw at hiyaw
nakatago sa inangking sulok sa gabi.

Sa gitna ng makinis na kaguluhan
merong isang aklatan,
sa bahay ng isang makata na
hindi nabubuhay sa sandali.
At kung kailan sinubukan niyang lumabas
agad na pinaalala ng siyudad
na hindi mababasa ang mga pahina sa dilim.

Sa siklo ng karahasan at kasaysayan
ang mga tula ay parehong inutil at dakila.


Eric Abalajon is currently a humanities lecturer at UP Visayas – Iloilo. He has previously worked as an ESL instructor in various private language schools in Iloilo City and Ontario, Canada. His zine of short fiction in Filipino, Mga Migranteng Sandali, is distributed by Kasingkasing Press. His writings, both critical and creative, are found at jacoblaneria.wordpress.com.

Pamana ng Imperyo

Tinapos ang pelikula noong
nakaalis a siya sa mga isla,
pinagtagpi-tagpi para
mainam na pagtatapos
sa kanyang mga lektura
para pigilin ang pagbigay
ng kasarinlan. dagdag pa ito sa
sandamakmak na litrato
na pinagpiyestahan ng
mga sinaunang magasin.
Marahil nga kinumbinsi nito ang
mga botanteng Amerikano
na wag munang pakawalan ang
mga kumakain ng aso,
pero kahit hindi naman sila nagayuma
si Worcester, buo na ang loob ng batang imperyo.

Walang tunog ang palabas,
kailangan mong ipalagay ang mga hiyaw
ng mga manonood pagkakita
sa mga suso ng mga babaeng
nagdudurog ng kanin, o di kaya
nagsasalita si Worcester habang tuloy
ang palakasan sa kanyang likuran,
ngunit ang mga nakapalibot sa
dalawang mandirigma ay hindi gumagalaw,
hindi mo makita ang pagbuka ng
kanila mga bibig para sumigaw.
Isang kasal din ang nangyari
sa harap ng kamera, ang kumpas
ng mga gangsa siguro ang nagsagip,
nagpanatag sa mga balisang puso.

Noong lumabas ito, pinag-initan ng mga
ilustrado, sabik na sanang masalo ang estado,
pero noong napanood ito ng mga Igorot
sa unang pagkakataon pagkatapos ng sandaang taon,
mga alaala ang kanilang nasaksihan
hindi propaganda,
ekolohiya at mga ninuno
tila napakalalo na sa kanilang sarili.
Hindi dapat nagawa ang mga rolyong ito,
pero mabuti na kesa paratangang
walang kasaysayan – ito ang pamana ng imperyo.


Eric Abalajon is currently a humanities lecturer at UP Visayas – Iloilo. He has previously worked as an ESL instructor in various private language schools in Iloilo City and Ontario, Canada. His zine of short fiction in Filipino, Mga Migranteng Sandali, is distributed by Kasingkasing Press. His writings, both critical and creative, are found at jacoblaneria.wordpress.com.

Bitaw

Palayain mo sila.
Hindi ikaw ang rehas na bibilanggo sa kanila.
Hindi ka kandado na magsasara sa mga pintong malaya mong binuksan.
Hinayaan mo silang dumaan.
Hayaan mo din silang lumisan.

Palayain mo sila.
Wala kang magagawa kung ang dating sapat ay kulang na,
kung ang mga biro mo ay bangungot na lamang na ayaw nilang marinig ni makita.
Ikaw at sila ang problema pero bakit parang ikaw lang ang may sala?

Palayain mo na sila.
Higit sa lahat, palayain mo ang sarili mo.
Wag mong isiping ikaw ang mundo,
na ang lahat ay patungkol lamang sayo.
Malawak ang daigdig para makulong ka pa
sa mga paglisan at pagkawala.


Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa San Sebastian College – Recoletos, Manila. Hilig nya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.

Senses

Hindi mo maririnig ang pagkalam ng sikmura
kung ang sa iyo’y puno at umaapaw pa
o kung di mo susubuking pakinggan ang himig sa tiyan ng iba.
Hindi mo mararamdaman ang pangamba
kung patuloy kang nananagana
sa trabaho,
sa pera,
sa pagkain sa mesa.
Habang sa iba,
wala nang natira.

Hindi ka gagambalain ng takot at pag-aalala
kung hindi ka nawalan ng pang-amoy o panlasa.
Pipiliting tanggapin ang bawat subo ng kutsara
Kakalmahin ang sarili para lamang maipikit mga matang nangangalumata
Uusal ng di mabilang na dalangin kay Bathala
“Kayo na po ang bahala?”
“Kayo na po ang bahala.”
“Kayo na po ang bahala!”

Hindi mo makikita ang paghihirap at dusa
kung di mo daranasin ang kanilang penitensiya.
Ibabalot ang sarili sa kasuotang pamprotekta,
Maglalakad nang ilang milya,
Bubuksan ang palad para sa ilang pirasong barya,
Lalagyan ng tubo para lamang makahinga.

Kung sa kabila nito’y wala kang nakita, narinig, o nadama,
marahil dapat ka nang magtanong at magtaka.
Marahil wala ka na dito sa mundo,
o nasa iba kang lupalop na planeta,
Sa planetang ikaw at ang sarili mo lamang ang tanging mahalaga.


Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa San Sebastian College – Recoletos, Manila. Hilig nya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.

Tagsibol ng mga ipin

Hindi sili, huy,
At sa tsupon lang yung sili.

Uulingan ang dede
O dadampian ang utong
Ng pinagpakuluan ng ampalaya

Kung gusto mo talagang umayaw. Higit
Ang bisa kung mayroon pang isa

At mas bata.
Yaman din lang

At ating itinatangi
Ang daluyan ng pait.


Nagtuturo ng mga kursong pampanitikan si Dennis Andrew S. Aguinaldo sa Departamento ng Humanidades. Naging fellow siya ng mga palihan para sa malikhaing pagsusulat: sa AILAP, UST, UP, at IYAS. Inilathala online ang kaniyang mga piyesa’t collab sa Daluyan, Gnarled Oak, hal., Kritika Kultura, , Plural, Softblow, at iba pa. (May ilang imbak sa kaniyang blog: tekstongbopis.blogspot.com.) May-akda siya ng mga aklat na Shift of Eyes at Bukod sa maliliit na hayop.

Hayaan sila sa hawi ng mga silya

Pinalapit niya ang mga bata.
Pinalapit niya ang pan de rosa’t isda.

Sa palengkeng tanaw mula sa munting kapilya sa koridor,
Matutunghayan si kuyang nagtotosta:
Hindi kaya mga buto ng labuyo

Na siyang pampaumbok sa takal ng paminta?
May buhangin sa kape,
May buhangin sa bigas,

At lahok sa kutson ang mga balat ng kendi
Mula sa ilang buwan na ring pagwawalis.
Lalagda lamang tayo kapag nagsalita na ang lahat.

Hindi ‘yan papayag nang ganito:
Pinatitibok na lamang ng manilaw-nilaw na tubo.

Sa ngayon, susuklayan siya ng mga bata
Habang hinihinukuhan ng bisitang hukluban.


Nagtuturo ng mga kursong pampanitikan si Dennis Andrew S. Aguinaldo sa Departamento ng Humanidades. Naging fellow siya ng mga palihan para sa malikhaing pagsusulat: sa AILAP, UST, UP, at IYAS. Inilathala online ang kaniyang mga piyesa’t collab sa Daluyan, Gnarled Oak, hal., Kritika Kultura, , Plural, Softblow, at iba pa. (May ilang imbak sa kaniyang blog: tekstongbopis.blogspot.com.) May-akda siya ng mga aklat na Shift of Eyes at Bukod sa maliliit na hayop.

Saglit: Tatlong Tula

Saglit

Hindi mo maiaalis
ang mga alaalang
mahigpit na kumapit
sa iyong mga balat;
rehas ng dyip, inyong mga
sikong bahagyang
nagkikiskisan sa ginta
ng trapik sa kalsada
Hindi mo maiaalis
ang mga salitang
binitawan ng kanyang
mga mata. Sa mga upos
na sigarilyo; may kuwento.
Hindi nauubos ang pagbuga mo
ng mga kuwento. Sa kanya mo
makikita ang kawalan,
mga napupunan, mga lulan
ng isang rabaw. Saglit
susuko. Babalik sa’yo lahat
ang mga alaala niya.
Pero hindi ka tiyak na totoo
ang lahat ng iyong naaalala.

Biyahe

Uuwi kang pagod
Lalagapak ang katawan
Magpapatianod sa banig
Magpapaubaya sa mga hibla
Ang bigat na pasan at
Magmamarka
Sa iyong katawan
Ang mga bibitbitin mo
kinabukasan

Elehiya ng Isang Tsuper

Maghapong nakaupo
sa ‘di makausad na gulong.
Tigmak sa pawis na walang
katumbas na salapi.

Bukas kaya may biyahe na?
Kay mura pa naman ng krudo
pero hanggang panaghoy lang
ng kalam ng sikmura

ang kayang ilibot sa kalsada


Si Raymond A. Ybañez ay nagtapos ng kursong Bachelor of Secondary Education major in English sa Tagoloan Community College at kasalukuyang kumukuha ng Master of Arts in Education major in Teaching English Communication Arts sa Lourdes College. Naging fellow siya sa 1st CDO Writing Clinic, Palihang Rogelio Sicat 10, 2017 Kausaban Creative Writing Workshop at 7th Angono National Summer Writers Workshop. Ilan sa kanyang mga tula, maikling kuwento, sanaysay at dagli ay lumabas sa Dagmay Literary Journal, Bulawan Literary Journal of Northern Mindanao, Liwayway Magasin, Mindanao Gold Star Daily, Davao Sun Star Daily.