Mga Tula sa “Mina De Oro Hotel”

Nang Marating Ko Ang Mina De Oro Hotel

Allan Paul F. Catena

Humihinga pa ang pader
nang kapain ko.
Naghihingalo.
Nais ibulong ang salitang
paalam,
subalit walang tinig
na namutawi sa labing uka-uka.

Sarado na ang entrada,
pero naiwang bukas sa likod
ang pabalik sa nagdaan.
Pumasok ako.
May naiwan pang
halakhak sa pasilyo.

Sa lahong entablado,
dinig ko pa ang awit ng kombo,
may nakasabit pang palakpak
sa mga aranyang basag-basag.

Akyat-baba
sa hagdanan ang mga kuwento:
pag-ibig, pagtataksil, kamatayan.

May seradurang
tumawag sa ikalawang palapag.
Napaatras ako sa nakita;
nanghilakbot,
Kitang-kita ko ang alaala
naiwang nakabikti
sa kalawanging electric fan.

Nais kitilin ang di mamatay-matay
na sarili.

Umagos ang luha ko
sa mga lamat ng
di masara-sarang bintana.

Mina De Oro Hotel – ay minsang naging tanyag na hotel sa San Jose, Occidental Mindoro.

Sa Alaala ng Mina De Oro Hotel

Norman A. Novio

Patay-sindi ang sari-saring kulay
na ilaw-dagitab
na palamuti ng iyong
lagusang salamin.

Labas-pasok ang iba’t-ibang nilalang
tuwing agaw-dilim
na panauhin sa iyong
sinapupunang malalim.

Buong-buo ang kaindak-indak na awitin
na akyat-manaog
sa palapag ng iyong
ligayang pamatid-panimdim.

Utay-utay ang agam-agam at indayog
na tila sintu-sinto
sa silid ng iyong
sementadong dingding.

Dati-dati, ang saya-saya ng iyong paligid
Ngayo’y gunitang paulit-ulit
na bula ang iyong
paglahong ayaw mahimbing.

Tulalang-tulala ang himno ng nagdaang umaga
sa katabing pook-sambahan
na tuwing gabi’y nilalamon
ng ritwal na tila sa lagim.

Kataka-taka bang bigla-bigla kang nawala
na parang balete na kahoy-gubat
sa bahagi ng Soldevilla
na ngayo’y kahit tirik ang araw ay madilim?

Si Allan Paul F. Catena ay kasalukuyang guro sa Occidental Mindoro State College. Co-awtor siya sa mga libro ng tula: Stopover: Mga Tula ng Pagninilay at Paglalakbay (2019), Kapag Nalaman Mo: Mga Tula (2019). Miyembro siya ng Hulagway Writers Group at papalabas na rin ang kauna-unahan niyang libro na Si Mang Francing at ang mga Lagalag na Kaluluwa ng Siete Central: Mga Koleksiyon ng Maikling Kuwento sa ilalim ng Hinabing Salita Publishing.

Si Norman A. Novio ay dating Human Rights Education Regional Program Coordinator ng Task Force Detainees of the Philippines-Southern Tagalog (TFDP) hanggang sa umuwi sa kanyang bayang sinilangan sa San Jose, Occidental Mindoro at nagtrabaho bilang manggagawang layko sa Social Action Apostolate ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose sa loob ng 25 taon. Sa kasalukuyan, siya ay Community Affairs Officer-III sa Pamahalaang Lokal ng Sablayan at nakatalaga bilang Executive Officer-III ni Vice-Mayor Walter B. Marquez. Noong 2008, siya ay lumikha ng blog na tinawag niyang Pamatok na ang lumaon ay tinawag niyang Minding Mindoro and Beyond. Siya ay awardee sa 8th HR Pinduteros’ Choice for HR BLOG SITE noong Disyembre, 2018. Una siyang nagsulat sa The Image noong 1989 bilang sportswriter. Pangarap niyang maging si Harry Bernstein ng Occidental Mindoro.

Paano gawing katutubo ang tula

Maghanap ng silong sa may embahada.
Maghanap ng van at ilang pulis.
“Ikuwento mo, bata, kung ano ang nangyari.”
Tukuyin ang sinaunang wika na hindi mo kilala at malinamnam sa tainga.
Gupitin ang kanilang suot na simula ngayo’y “kasuotan”.
Isa-isahin ang napiling lahi at ihatid sa silong.
“Istoryahun ‘kako.”
Kembot ‘pag may time.
Tahimik lang na iba pa ito sa silong doon sa may embahada.
“Nadala ho ba ninyo?”
Magpalinis ng sandalyas sa dyip o di kaya’y makinig sa tugtuging wow.
Ilabas isa-isa nang naaayon sa daloy ng seremonya sa mall.
Kopyahin ang diwa.
“Kamukha mo.” / “Kamukha mo sabi.”

“Ano pa ho ba ang binubulong-bulong ninyo diyan?”
“Huwag na huwag kayong madadala.”

Nagtuturo ng mga kursong pampanitikan si Dennis Andrew S. Aguinaldo sa Departamento ng Humanidades. Naging fellow siya ng mga palihan para sa malikhaing pagsusulat: sa AILAP, UST, UP, at IYAS. Inilathala online ang kaniyang mga piyesa’t collab sa Daluyan, Gnarled Oak, hal., Kritika Kultura, , Plural, Softblow, at iba pa. (May ilang imbak sa kaniyang blog: tekstongbopis.blogspot.com.) May-akda siya ng mga aklat na Shift of Eyes at Bukod sa maliliit na hayop.

Degenerative

Hindi ako perpekto,
Ngunit ayokong magpatawad.
Wala akong sakit at
Patuloy sanang iadya
Sa bawat paglimot, pero gusto ko
‘Yung kahit nakikita ko siyang tumatawa’y
Hindi ako mayayamot
At walang mananariwa.
May mahahati’t mahahating
Katawan ng uod

Dahan-dahan ko mang isuksok
Ang mga daliri sa lambot ng lupa;
Kalakip na silang mga bahagi
Sa dakot na pamumugaran
Ng itim ng buto ng atis.

Nagtuturo ng mga kursong pampanitikan si Dennis Andrew S. Aguinaldo sa Departamento ng Humanidades. Naging fellow siya ng mga palihan para sa malikhaing pagsusulat: sa AILAP, UST, UP, at IYAS. Inilathala online ang kaniyang mga piyesa’t collab sa Daluyan, Gnarled Oak, hal., Kritika Kultura, , Plural, Softblow, at iba pa. (May ilang imbak sa kaniyang blog: tekstongbopis.blogspot.com.) May-akda siya ng mga aklat na Shift of Eyes at Bukod sa maliliit na hayop.

Hinggil ito sa malaking pabuya

Tinipon nila kami at naging magalang yata sila.
Doon kami magpapaliwanag sa anino ng tiangge.
Ano raw kasi ang pinagsususulat namin.
Basahin naman nang malakas upang mapagsaluhan.
Kung kakiskisang-siko raw ba namin ang kalihim.
Dahil hindi, ipinakilala sa amin ‘yung kalihim nila.
Hindi namin nakita ‘yung buhok pero ano ngayon.
Hindi namin inasahang magiging maayos ang pag-uusap.
Inasahan naming malinis ang tiangge, at hindi kami

Nabigo. Hindi sila napatawa ng aming mga stroke,
Ngunit sinubukan nilang ikatuwa na bukas kami sa panayam.
Kung may dala raw kaming watawat, maliban sa mineral water.
Dahil wala, naglabas sila ng papel at nagsidrowing kami.
Naghugis buwan, ngunit nais ko kasing gumuhit ng buhok.

Nagtuturo ng mga kursong pampanitikan si Dennis Andrew S. Aguinaldo sa Departamento ng Humanidades. Naging fellow siya ng mga palihan para sa malikhaing pagsusulat: sa AILAP, UST, UP, at IYAS. Inilathala online ang kaniyang mga piyesa’t collab sa Daluyan, Gnarled Oak, hal., Kritika Kultura, , Plural, Softblow, at iba pa. (May ilang imbak sa kaniyang blog: tekstongbopis.blogspot.com.) May-akda siya ng mga aklat na Shift of Eyes at Bukod sa maliliit na hayop.

Hawlang Papel

Sa rehas na papel kami’y ikinulong.
Ilang Ama Namin na’t Aba Birheng Maria na rin ang aming ibinulong.
Tanging dalangin ay makalaya
Sa mga papel na animo’y tanikala
Sa propesyong pedestal kung ilathala
Mga preso kaming di makawala-wala.

Ang umaga’y gabi. Ang gabi ay umaga.
Minsan ang oras ay pare-pareho na
Subsob ang mga mata sa makinilya
Mga kamay na waring iginapos na,
Hindi humihinto sa pagbuo ng ideya.
Sana ang pagal na utak,
patuloy pa ring gumana.
Pagkat nasa unang araw pa lamang ng aralin.
May apat na araw pang bubunuin.

O sadyang ganito sa aming hawla
Mga bundok na papel ang krus naming dinadala.
Ang araw-araw naming pinitensya
Minamarkahan ng tintang pula
Kasing kulay ng dugong dumadaloy sa mga pagal naming katawan.
Mga tinta sa papel na sa gabi’y pinaglalamayan.

Kailan kaya lalaya sa papel na rehas?
Kung lugmok na ang kaluluwa’t ubos na ang lakas?
Hinahabol ang bawat paghinga
Sa silid-aralang bartolina
Tanging dalangin ay makalaya
Sa mga papel na tanikala
Sa propesyong tila isinumpa,
Mga preso kaming nais makawala.

Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa San Sebastian College – Recoletos, Manila. Hilig nya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.

Pangutkutan

Mula sa alikabok
Kinakaon ang kaluluwa,
Binubungkal,
Inaangat ang malaking tipak
Na harang—
Kamatayan—
Ang nasa pagitan
Ng unibersong
Kinakapitan ng liwanag
At kadiliman,
Pupunitin ang naiwang langib ng buhay,
Ihihiwalay ang mga pira-pirasong buto
Gamit ang luha,
Gaano man kabigat,
Sasakyan ang bawat patak
Ipapasan sa tarik ng katahimikan.
Ihahatid ang binalot na kalansay,
Ilalagak sa kuweba,
Seselyuhan ng panalangin.
Pero hindi maisara-sara
Ang pintuan ng alaala.

Ang Pangutkutan ay isang ritwal ng Hanunuo-Mangyan kung saan muling hinuhukay ang bangkay ng yumao upang ihiwalay ang laman sa buto at dalhin sa kuweba na nagsisilbing huling hantungan.

Si Allan Paul F. Catena ay kasalukuyang guro sa Occidental Mindoro State College. Co-awtor siya sa mga libro ng tula: Stopover: Mga Tula ng Pagninilay at Paglalakbay (2019), Kapag Nalaman Mo: Mga Tula (2019). Miyembro siya ng Hulagway Writers Group at papalabas na rin ang kauna-unahan niyang libro na Si Mang Francing at ang mga Lagalag na Kaluluwa ng Siete Central: Mga Koleksiyon ng Maikling Kuwento sa ilalim ng Hinabing Salita Publishing.

Ang Puta sa Gitna

Tumatakas ang halimuyak ng bougainvillea
Mula sa kaniyang mga mata—
Naglaglagan ang mga sariwang talulot;
Mahaharot ang mga layang-layang1
Sa rosas na buhangin ng Pag-asa2,
Pumupulandit,
Nagmamadali ang mga galamay ng anino,
Laging nais haplusin ang langit,
Magtampisaw ang mga palad sa basang ulap;
Hihiga sa kama ng konstelasyon,
Hahayaang selyuhan
Ang gabi
Nang halik ng sinag ng mga bituin;
Hindi ba’t pirming bingi ang buwan,
Bulag madalas ang liwanag
Sa silid ng madilim na uniberso;
Aagos ang pawis ng hiyaw
Sa pagitan ng mga tirik na suso ng Iglit-Baco3
Sasalukin ang ginto mula sa mga namuong katas
Saka isisilid sa kayakap na unan;
Mananaginip
Na hindi nagdadalang-tao ang kaluluwa;
Sinong saksi na alkalde ang ama?

1. Isang uri ng ibon na madalas makita sa San Jose.
2.
Pag-asa ay lugar kung saan naroon ang Gitna (Red Light District).
3.
Isang ASEAN Heritiage Park na matatagpuan sa Occidental Mindoro.

Si Allan Paul F. Catena ay kasalukuyang guro sa Occidental Mindoro State College. Co-awtor siya sa mga libro ng tula: Stopover: Mga Tula ng Pagninilay at Paglalakbay (2019), Kapag Nalaman Mo: Mga Tula (2019). Miyembro siya ng Hulagway Writers Group at papalabas na rin ang kauna-unahan niyang libro na Si Mang Francing at ang mga Lagalag na Kaluluwa ng Siete Central: Mga Koleksiyon ng Maikling Kuwento sa ilalim ng Hinabing Salita Publishing.

Balik-Libingan

Salit-salitang mga katawan sa hurno,
Pagniniig ito sa parisukat na kural.
Payo ng nasa gintong silya,
“Huwag na huwag kayong lalabas.”
Kung ilang gutom ang lumipas,
Kaning amoy-pabrika lamang ang kinikilala
Ng sikmurang kabisa na pati mga lata ng sardinas,
Pula ba, o berde, o puting malangsa.
Tila mga bulag na kinakapa
Ang mga konkretong pader at dingding
Sa pangangalap ng mensahe sa gaspang,
Sa hinintay na sentensiya ng paglaya.
Mantakin mong busalan
Mga taga-ulat sa madla, sa gitna pa man din
Ng sigalot. Kung matunghayan man kanilang mga piging
Sasabihing pagbibigay puri sa kapuri-puring
Nagmamay-ari ng gintong silya.
Noon namang pinalaya na sa parisukat naming kural
Upang ihatid lamang pala sa mga hantungan;
Pagpapantay ng mga paa sa aluminyong higaan,
Autopsiyang hindi na masiyasat pa
Ng mga naiwang kapamilya.

Si Anthony B. Diaz ay isang manunulat mula sa Camaligan, Camarines Sur. Ang kaniyang nobelang “Sa Ika-tolong Aldaw” ang nakakuha ng Kabulig First Book Grant. Samantalang nakasama naman siya sa mga finalist sa 2020 Premyo Valledor Prize for Bikol Novel para sa kaniyang nobelang “An mga Hawak sa Panganuron.” Siya ang tumatayong presidente ng Pagsirang Inc. , samahan ng mga manunulat at pintor sa Naga City.

Maskara

Libong mga nakamaskarang bilanggo
Ang siksik sa kwadradong mga piitan.
Hindi alintana ang hapdi sa higpit
Ng mga tali sa kanilang mga tenga.

Naghihintay ng kanilang sandali.

Ito’y pila sa mga
Rasyon na panugtong-buhay.
Pinagkakasiya ang iilang hininga
Na susuot sa kapal ng maskara.
May pagkakakilanlan sila:
Silang mga bilanggo,
Kung mata lamang
Ang tatanaw sa iba pang mga mata.
Mayroong mga pabulong-bulong
Baka nawawaring mga salita,
Hindi lang mahagip
Ng pandinig na kasalo
Ang ingay. Ang katahimikan
Sa hangganan; sa gitna
Ng mga lampungan na para bagang
Mayroong namalaging anghel.
Nagtitimpi sa pagnanakaw ng tingin
Ang mga nilalang sa kapwa-nilalang
Kung alin o sino sa kanila
Ang nakamaskara kahit hubad sa
Mga mukha ang maskara.

Si Anthony B. Diaz ay isang manunulat mula sa Camaligan, Camarines Sur. Ang kaniyang nobelang “Sa Ika-tolong Aldaw” ang nakakuha ng Kabulig First Book Grant. Samantalang nakasama naman siya sa mga finalist sa 2020 Premyo Valledor Prize for Bikol Novel para sa kaniyang nobelang “An mga Hawak sa Panganuron.” Siya ang tumatayong presidente ng Pagsirang Inc. , samahan ng mga manunulat at pintor sa Naga City.

Ang mga Hindi Naghihilom na Sugat sa Dila

Hindi maputol ng talim
Na hawak ng hari ng ahas
Itak, panlilok, katam, palakol
O panglinis na labaha sa mga kalyuhin
Na balat, laging hindi makakahiwa
Humiwa man, walang lalim,
Tipak sa talas
Ng mga bakal na hindi luto sa baga
Sa kanilang mga bakal
Na basag sa paulit-ulit na paghataw,
Hindi mangangalay ang dila
Sa pangungusap, sambitin mga balitang
Tali sa higpit ng pisi
Siwalat ng kani-kanilang latak na
Sa pagkakahalo lamang lumulutang
Buntot ng butiki itong
Patuloy na tumutubo kahit putol
Walang kilalang paghilom ang sugat
Sigaw, bulong, bawat may pagkakataong
Umusal ng salita
Lagi’t laging may sambit
Ang aming mga dila.
Walang kilalang paghilom ang sugat
Sa aming mga dila.